XXIX
MANG̃A HULÍNG SALITANG UKOL KAY KAPITANG TIAGO
Talis vita finis ita.
Si kapitang Tiago ay nagkaroón ng̃ mabuting hanggá, itó ng̃â, nagkaroón ng̃ mainam na libíng. Tunay ng̃â na ipinaalaala kay P. Irene ng̃ kura sa parroquia na si kapitang Tiago ay namatáy nang hindî nagkukumpisál, ng̃unì’t ang mabuting parì, samantalang nakang̃itî nang palibák, ay hinimas ang kaniyáng ilóng at sumagót na:
—Báh ¡akó ba namán ang paglalakùán! kung ating ipagkákaít ang exequias sa mg̃a namamatáy ng̃ hindî nagkukumpisal, ay malilimutan natin ang De profundis! Ang mg̃a kahigpitang iyán, gaya ng̃ inyóng pagkabatíd na mabuti, ay pinaiiral lamang kapag ang hindî nakapagkumpisál ay walâng ibabayad, ng̃unì’t ¡kay kapitáng Tiago!... ¡Bah! kung sampû ng̃ mg̃a insík na hindî binyagan ay inilibíng ninyó ng̃ may misa de requiem!
Si P. Irene ang inihalál ni kapitáng Tiago na kaniyáng albacea at gáganáp ng̃ kaniyáng mg̃a habilin, at iniíwan ang bahagi ng̃ kaniyáng kayamanan sa Sta. Clara, ang bahagi ay sa Papa, sa Arsobispo, sa mg̃a Corporaciones, at nag-iwan ng̃ dalawáng pûng piso upang ipagbayad ng̃ matrícula ng̃ mg̃a nag-aaral na marálitâ. Ang hulíng habiling itó’y ipinatalâ sa udyók ni P. Irene dahil sa pagkamapag-ampón nitó sa kabatàang masipag sa pag-aaral. Pinawalâng bisà ni kapitang Tiago ang pamanang dalawáng pû’t limáng piso na iniiwan niyá kay Basilio, dahil sa masamâng inugalì ng̃ binatà nang mg̃a hulíng araw, ng̃unì’t pinairal din ni P. Irene ang habilin at sinabing kukunin niyá ang halagáng iyón at dádalhín ng̃ kaniyáng bulsá at ng̃ kaniyáng budhî.
Sa bahay ng̃ namatáy na dinaluhán kinábukasan ng̃ mg̃a dating kakilala at mg̃a kaibigan, ay pinag-uusapang mátikabó ang isáng himalâ. Sinasabing noong oras nang paghihing̃alô ay napakita sa mg̃a mongha ang kaluluwá ni kapitang Tiago na libíd ng̃ maningníng na liwanag. Iniligtás ng̃ Dios ang kaluluwá, dahil sa karamihan ng̃ pamisang ipinagawâ at sa mg̃a pamanang iniwan sa mg̃a simbahan. Ang balità’y pinag-uusapan, inilálarawan, nagkákaroón ng̃ ayos at walâng isá mang nag-aalinlang̃an sa bagay na iyón. Isinásaysáy ang suót ni kapitang Tiago, na gaya ng̃ mahihinalà, ay ang prak, ang pisng̃í’y nakaumbók dahil sa sapá ng̃ hitsó, hindî nalimot ang kuakong panghitít ng̃ apian at ang manók na sasabung̃ín. Ang sacristán mayor na kalahók sa umpukan ay nagpapatotoong walâng kaping̃asping̃as sa tulong ng̃ tang̃ô ng̃ ulo, at iniisip na, pagkamatáy niya, ay pakikita namáng dalá ang tasa ng̃ tahúng putî, sapagkâ’t, kung walâ ang pang-agahang iyon, ay hindî niya maunawà ang kaligayahan ni sa lang̃it ni sa lupà. Tungkól sa bagay na itó, at dahil sa hindî mapag-usapan ang mg̃a nangyari ng̃ kináhapunan at sa dahiláng mayroon doong mg̃a tahor, ay maiinam na hakàhakà ang nábabanggít, pinagkukuròkurò kung hahamunin ó hindî ni kapitang Tiago si S. Pedro upang silá’y magdaos ng̃ isáng soltada, kung magpupustahan, kung ang mg̃a manók ay pawàng walâng pagkamatáy, kung hindî tátalabán ng̃ iwà, at kung mangyari ang gayón, ay sino kayâ ang magiging sentenciador, sino ang mananalo, at ibp., mg̃a pagtatalong kinalulugdán ng̃ mg̃a nagtatatág ng̃ karunung̃an, mg̃a paghahakà, mg̃a paraang nábabatay sa isáng aklát na inaakalàng walâng kamalían, na ipinahayag ng̃ Dios sa kaniyáng kabig ó nauukol sa batayáng nagiging kautusán. Bumábanggít pa ng̃ mg̃a bahagi ng̃ nobena, ng̃ mg̃a aklát na ukol sa mg̃a kababalaghán, sabi ng̃ mg̃a kura, kalagayan ng̃ lang̃it at iba pang mg̃a bagaybagay na ukol din doon. Si D. Primitivo, ang pilósopo, ay galák na galák sa pagtutukóy niya ng̃ mg̃a hakà ng̃ mg̃a teólogo.
—Sapagkâ’t ang sinoman sa kanilá’y hindî mangyayaring matatalo,—ang sabing may lubós na pagkatahô;—ang pagkatalo’y nagbibigáy ng̃ samâ ng̃ loob at sa kalang̃itán ay hindî mangyayaring magkaroon ng̃ samàan ng̃ loob.
—Ng̃unì’t ang isá’y sápilitáng mananalo,—ang paklí ng̃ tahur na si Aristorenas,—ang inam ay nasa pananalo!
—Kapuwâ mananalo!
Iyong kapuwâ mananalo ay hindî matanggáp ni Martin Aristorenas, siya, na ang boông buhay ay dinaan sa sabung̃án at kailan ma’y kaniyáng nákita na ang isáng manók ay nananalo at ang isá’y natatalo; kung bagá mán ay magtablá na lamang ang nangyayari. Walâng náhitâ si D. Primitivo sa kálalatín, si Martin Aristorenas ay nag-iíilíng, gayóng ang latín ni D. Primitivo ay madalîng máwatasan: sinasabi niyáng: an gallus talisainus, acuto tarì armatus, an gallus beati Petri bulikus sasabung̃us sit at ibp., hanggáng sa ginamit na tulóy ang pang̃ang̃atwiran nang marami kung ibig magpatigil at magpapanalig.
—Magkakasala ka, kaibigang Martín, mahuhulog ka sa isáng erehía! Cave ne cadas! Hindî na akó makikipagmonte sa iyo! ¡Hindì na tayo magkakabakas! Hindî mo pinanánaligan ang kapangyarihan ng̃ Dios, peccatum mortale! Hindî mo pinaniniwalàan ang katunayan ng̃ Santísima Trinidad: ang tatló ay isá at ang isá ay tatló! ¡Dahandahan ka! ¡Hindî mo pinaniniwalàan warì na ang dalawáng katawán, dalawáng pag-iisip at dalawáng kalooban ay mangyayaring magkaroon ng̃ íisáng alaala lamang! ¡Dahandahan ka! Quicumque non crederit, anathema sit!
Si Martin Aristorenas ay nang̃untîng namumutlâ’t nang̃ing̃iníg, at si insík Quiroga na nakáding̃íg na buô sa pang̃ang̃atwiran, ay dinulutan ng̃ boóng galang ang pilósopo ng̃ isáng mabuting tabako at tinanóng ng̃ masuyò:
—Sigulo, puele akieng kontalata itóng aliendo sabong sa Kilisto, ha? Pag akó pagtáylo, akieng kontalatista, ha?
Sa ibáng pulutóng ang lalòng mahabàng salitàán ay ukol sa patáy; ang pinagtatalunan ay ang damít na isusuót sa bangkáy. Ipinalagáy ni kapitáng Tinong na damít pransiskano ang isuót; mayroón pa namán siyáng isá, lumà, sirâsirâ at takpî takpî, mainam na kasangkapan na, alinsunod sa patunay ng̃ prayle na pinaglimusán niyá sa halagáng tatlóng pû’t anim na piso, nakapagliligtás sa bangkáy sa apóy ng̃ inpierno, at nagsalaysáy ng̃ makapagpapatibay na mg̃a banál na pangyayaring hang̃ò sa mg̃a aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a kura. Kahì’t pinakamamahal ni kapitang Tinong ang labíng iyon, ay laan siyáng ipagkaloob sa kaniyang matalik na kaibigang hindî niya nádalaw sa boong pagkakasakít. Ng̃unì’t ipinaklí ng̃ isáng sastré na yamang nákita ng̃ mg̃a mongha si kapitang Tiago na naka prak na umaakyát sa lang̃it, ay dapat suotan ng̃ prak at hindî kailang̃an ang mg̃a pananggól at mg̃a kasuutang hindî tatagusán: nagpaprak kung tumutung̃o sa isáng sáyawan, sa isáng pistá, at hindî maaasahang hindî gayón dín ang mátatagpûan niya sa kaitaasan.... at ¡tingnán! nagkátaón pa namáng mayroon siyáng isáng yarì, na maibibigáy niya sa halagáng tatlóng pû’t dalawáng piso, apat na piso ang kamurahan kay sa ábitong pransiskano, sapagkâ’t ayaw niyang pagtubùan si kapitáng Tiago: nagíng sukî niya noong buháy at ng̃ayón ay magiging pintakasi niya sa kalang̃itán! Ng̃unì’t si P. Irene na albasea at siyáng magpapatupád sa náuutos sa testamento ay sumalansáng sa dalawáng palagáy at ipinag-utos na bihisan ang bangkáy ng̃ alin man sa matatandâ niyang damít, at sinabing na tagláy ang anyông pagkabanál, na hindî tinítingnán ng̃ Dios ang bihis.
Ang mg̃a exequias ng̃â ay ginawâ ng̃ boông ding̃al. Nagkaroón ng̃ responso sa bahay, sa daan, tatlóng prayle ang gumawâ na warìng ang íisa’y hindî makakaya sa káluluwáng yaón, ginawâng lahát ng̃ rito at mg̃a ceremonias na magágawâ, at nábalitàng gumawâ pa ng̃ ibá, nagkaroón ng̃ extra na gaya sa mg̃a tang̃ìng palabás dulàang ukol sa kapakinabang̃án ng̃ isáng tao. Yaón ang nagíng kaigáigaya: maraming kamanyáng ang sinunog, maraming awit sa wikàng latín, nag-aksayá ng̃ maraming agua bendita: alangalang sa kaniyáng kaibigan ay inawit ni P. Irene, sa coro, ang Dies iræ na ang boses ay pahumál; at sumakít ang ulo ng̃ mg̃a nálalapít dahil sa kátutugtog ng̃ plegaria.
Si aling Patrocinio, ang dating katunggalî ni kapitáng Tiago sa pagkamasambahin, ay tunay na tunay na nagnasàng mamatáy namán sa kinabukasan upang makapagpagawâ ng̃ mg̃a exequias na lalò pang malakí kay sa roon. Ang maawâíng matandâ’y hindî makatiis, na iyong inaakalà niyáng talong talo na niyá ay magbang̃on ng̃ boông karang̃alan, sa pagkamatáy. Oo ninanasàng mamatáy siyá at warìng nádiding̃íg na niya ang mg̃a pabulalás ng̃ mg̃a taong nanonood ng̃ responso, na nagsasabing:
—¡Itó ang libíng! ganiyan ang marunong mamatáy, aling Patrocinio.