Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

XXV
TAWANAN—IYAKAN

Ang loob kabahayán ng̃ “Pancitería Macanista de buen gusto” ng̃ gabíng iyon ay may anyông dî pangkaraniwan.

Labíng apat na binatà, ng̃ mg̃a pulông lalòng tanyág ng̃ Sangkapulûan, mulâ sa indio na walâng ibáng dugông halò (kung mayroong walâng halò) hanggáng sa kastilàng taga España, ay nang̃agkatipon upang idaos ang pigíng na sinabi ni P. Irene, alang-alang sa nagíng hanggá ng̃ salitâang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà. Inupahan nilá nang sa ganáng kanilá lamang ang lahát ng̃ dulang, pinaragdagán ang ilaw at ipinadikít sa dingdíng, kasíping ng̃ mg̃a palamuti at kakemonong insík, ang ganitóng dî mawatasang mg̃a pananalitâ:

¡LUMUWALHATI SI CUSTODIO DAHIL SA KANIYANG MAÑGA KALIKSIHÁN AT PANSIT SA LUPA SA MAÑGA BINATANG MAY MABUBUTING KALOOBAN!

Sa isáng bayan na ang lahát ng̃ kabalbalán ay tinatabing̃an ng̃ ayos kagalanggalang, at ang karamihan ay nátataás sa tulong ng̃ usok at mainit na hang̃in; sa isáng bayan na yaóng sadyâng katunayan at tapát ay nakasásakít paglabás sa pusò at mangyayaring magíng sanhî ng̃ mg̃a kaguluhan, marahil ay yaón ang lalòng mabuting paraán upang ipaggalák ang sumumpóng sa ulo ng̃ bantóg na si D. Custodio. Sinagót ng̃ mg̃a nádayà ng̃ isáng halakhák ang birò, ang pastel ng̃ pamahalàan ay sinagót ng̃ isáng pinggáng pansít, at mabuti’t gayón na lamang!

Nang̃agtatawanan, nagbibirûán, ng̃unì’t náhahalatâng ang katuwàan, ay pilít; ang tawanan ay tumatagintíng dahil sa kauntîng pang̃ing̃iníg, sa mg̃a paning̃í’y pumúpulás ang matutuling kisláp at hindî íisa ang kinákitàan ng̃ nagniningníng na paták ng̃ luhà. Datapwâ’t gayón man, ang mg̃a binatàng iyón ay mg̃a ganid na loób, mg̃a walâ sa katwiran! Hindî nóon lamang pinasiyahán sa gayóng paraán ang lalòng maiinam na panukalà, na pinápatáy ang mg̃a pag-asa sa tulong ng̃ malalakíng salitá at mumuntîng gawâ: bago si D. Custodio ay nagkaroón na ng̃ marami, lubhâng marami! Sa gitnâ ng̃ kabahayán at sa tapát ng̃ mg̃a paról na pulá, ay may apat na dulang na bilóg, na naáayos na patungkô; ang mg̃a luklukan ay mg̃a uupáng kahoy na bilóg dín. Sa gitnâ ng̃ bawà’t dulang, alinsunod sa kaugalìan ng̃ tindahan, ay may nakahandâng apat na pingáng mumuntî na may tig-apat na kakanín ang bawà’t isá, at apat na tasang tsá, na may kanikaniyáng takíp, na pawàng porselanang pulá; sa haráp ng̃ bawà’t luklukan ay may isáng bote at dalawáng kopang bubog na nang̃ing̃intáb.

Dahil sa pagkamausisà ni Sandoval, ay nagtiting̃ínting̃ín, lahát ay sinisiyasat, tinitíkmán ang mg̃a hopyà, pinagmamasdán ang mg̃a palamutì, binabasa ang talàan ng̃ mg̃a halagá. Ang ibá’y nang̃ag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a bagay-bagay na pang-kasalukuyan, ukol sa mg̃a artistang babai ng̃ operetang pransés at mahiwagàng pagkakasakít ni Simoun, na, alinsunod sa ilán, ay natagpûáng may sugat sa lansang̃an; alinsunod namán sa ibá ay nagtangkâng magpatiwakál: gaya ng̃ sadyâng dapat mangyari, siláng lahát ay nanínirá sa mg̃a pagkukuròkurò. Si Tadeo ay may ibáng balità, na alinsunod sa sabi niyá’y hindî magkakabulà. Si Simoun ay sinugatan ng̃ isáng hindî kilalá sa may lumàng líwasan ng̃ Vivak; ang sanhî ay ang higantí, at ang katunayan ay ang pangyayaring si Simoun ay ayaw magpahiwatig ng̃ anomán. Matapos iyón ay napag-usapan ang mg̃a mahiwagàng higantí, at gaya ng̃ maaantáy ay mg̃a kagagawáng prayle ang tinutukoy, na isinalaysáy ng̃ bawà’t isá ang inaasal ng̃ mg̃a kura sa kaníkaniláng bayan.

Isáng tulâ na nasusulat ng̃ malalakíng títik na itím, ang nasa dakong itaas ng̃ pintông kabahayán at nagsasabing:

De esta fonda el cabecilla
Al público advierte
Que nada dejen absolutamente
Sobre alguna mesa ó silla.

—¡Kay inam na paunawà!—ang bulalás ni Sandoval—napagkikilala ang pagtitiwalà sa pulutóng ¿anó? ¡At nakú, ang tulâ! ¡Maipalalagáy na si D. Tiburcio na nagíng tulâ, dalawáng paa, ang isá’y mahabà kay sa isá sa pag-itan ng̃ dalawáng tungkód! ¡Pag nákita iyan ni Isagani, ay iaalay sa kaniyáng magigìng inali!

—¡Nárito si Isagani!—ang sagót ng̃ isáng boses mulâ sa hagdanan.

At ang mapalad na binatà’y lumitáw na lipus katuwàan, na sinusundán ng̃ dalawáng insík na walâng barò na may daláng malalakíng mangkók, na nagkakalat ng̃ masaráp na amóy, na nakasalalay sa dalawáng malalakíng pangnán. Masasayáng paabá ang sa kanilá’y sumalubong.

Walâ pa si Juanito Pelaez, ng̃unì’t sa dahiláng nakaraan na ang oras ay masasayáng nang̃agsidulóg sa dulang. Kailan pa man ay hindî makatutupád sa salitâan si Juanito.

—Kung si Basilio pa ang ating inanyayahan at hindî siya—ang sabi ni Tadeo.—Nilasíng sana natin upang mapagsabi ng̃ iláng lihim.

—Há, ¿ang mapagnilay na si Basilio ay may itinatagòng lihim?

—¡Bah!—ang tugón ni Tadeo—at ang lalò pa namáng mahahalagá! May iláng lihim na pangyayaring siya lamang ang tang̃ìng nakababatíd ng̃ linaw.... ang batàng nawalâ, ang monha....

—¡Mang̃a ginoo; ang pansít lang-lang ay siyang sopas na pinakamabuti!—ang sigáw ni Makaraig;—gaya ng̃ mákikita ninyó, Sandoval, ang halò ay kabutí, hipon, tinipîng itlóg, sotanghon, manók, at hindî ko na maalaman kung anó pa. Bilang pamago ay ihandóg natin ang mg̃a butó kay D. Custodio; ¡tingnán natin, magpanukalà siya ng̃ ukol dito!

Isáng masayáng halakhakan ang sumalubong sa pahayag na itó.

—Pag naalaman....

—¡Patakbóng paparito!—ang dugtóng ni Sandoval—nápakabuti ng̃ sopas, ¿anó ang pang̃alan?

Pansít lang-lang, itó ng̃â pansít insík upang máibá sa isá na sadyâng gawâ rito.

—¡Bah! mahirap alalahanin ang pang̃alan. ¡Patungkol kay D. Custodio ay bíbinyagán ko ng̃ pang̃alang panukalang sopas!

Tinanggáp ang bagong pang̃alan.

—Mg̃a ginoo,—ang sabi ni Makaraig, na siyang pumilì ng̃ mg̃a kákanin—¡mayroon pa tayong tatlóng ulam! Lumpiyá ng̃ insík na ang lamán ay baboy....

—¡Na inihahandóg kay P. Irene!

—¡Ababá! Si P. Irene ay hindî kakain ng̃ baboy hanggáng hindî nag-aalís ng̃ ilóng—ang marahang sabi ng̃ isáng binatàng taga Iloilo sa kaniyáng kalapít.

—¡Mag-aalís ng̃ ilóng!

—¡Mawalâ ang ilóng ni P. Irene!—ang panabáy na sigáwan ng̃ lahát.

—Galang, mg̃a ginoo, kauntîng galang!—ang hing̃î ni Pecson na pabirông warì’y tinótotoó.

—Ang pang̃atlóng pinggán ng̃ ulam ay panyáng na alimang̃o......

—Na ipinatutungkól sa mg̃a prayle—ang dugtóng ng̃ taga Bisayà.

—Dahil sa pagka-alimang̃o,—ang dugtóng ni Sandoval.

—¡Tamà at tatawaging panyáng na prayle!

Inulit ng̃ lahát na sabáy-sabáy ang: ¡panyáng na prayle!

—¡Tumututol akó sa ng̃alan ng̃ isá!—ang sabi ni Isagani.

—¡At akó, sa ng̃alan ng̃ mg̃a alimang̃o!—ang dugtóng ni Tadeo.

—¡Galang, mg̃a ginoo, kauntìng galang!—ang mulîng sigáw ni Pecson na namumuwalan.

—Ang pang-apat ay pansít na ginisá na ipinatutungkol.... sa pamahalàan at sa bayan!

Lahát ay nápaling̃ón kay Makaraig.

—Hindî pa nalalaunan, mg̃a ginoo,—ang patuloy—ay inaakalàng ang pansít ay gawâng insík ó hapón, ng̃unì’t sa dahiláng siyá’y hindî kilalá ni sa Kainsikán ni sa Hapón, ay tila siyá pilipino, ng̃unì’t gayón man, ang mg̃a naglulutò at nakikinabang ay ang mg̃a insík: idem na idem na idem ang nangyayari sa pamahalàan at sa Pilipinas: warì’y insík, ng̃unì’t insík man silá ó hindî man, ay may mg̃a doktor ang Santa Madre.... Lahát ay kumakain at lumalasa sa kaniyá, ng̃unì’t gayón mán ay nang̃agpapatumpíktumpík pa’t nagpapakunwarîng umaayáw: gayón dín ang nangyayari sa bayan, gayón dín ang sa pamahalàan.... Lahát ay nabubuhay ng̃ dahil sa kaniyá, lahát ay kalahók sa pistahan at pagkatapos ay walâng bayang sásamâ pa kay sa Pilipinas, walâng pamahalàang lalòng maguló. Ipatungkol ng̃â natin ang pansít sa bayan at sa pamahalàan!

—¡Ipatungkól!—ang sabáysabáy na sabi ng̃ lahát.

—¡Tutol akó!—ang bulalás ni Isagani....

—¡Igalang ang mg̃a batà, igalang ang mg̃a nasawî!—ang sigáw na pinaugong ang ting̃ig ni Pecson, na itinaás ang isáng butó ng̃ inahíng manók.

—¡Ipatungkól natin ang pansít sa insík na si Quiroga, na isá sa apat na kapangyarihan ng̃ sangbayanáng pilipino!—ang palagáy ni Isagani.

—¡Huwág, sa Eminencia Negra!

—¡Huwág kayóng maing̃ay!—ang pabiglâng sabing mahiwagà ng̃ isá,—sa liwasan ay may mg̃a pulutóng na nagmamalas sa atin at ang mg̃a dingdíng ay may pangding̃íg.

Tunay ng̃â, pulúpulutóng ng̃ mg̃a nanonoód ay nang̃agtayô sa tapát ng̃ mg̃a durung̃awan, samantalang ang ing̃ayan at tawanan sa mg̃a tindahang kalapít ay lubós na napawì, na warì bagáng minatyagán ang nangyayari sa pigíng. Ang katahimikan ay may ayos na katang̃ìtang̃ì.

—¡Tadeo, ibigkás mo ang iyóng talumpatì!—ang marahang sabi ni Makaraig.

Sa dahiláng si Sandoval ang siyáng lalòng bihasá sa pagkamánanalumpatî ay pinagkásundûáng siya ang sa hulì’y hahaláw sa lahát ng̃ salaysáy.

Si Tadeo, dahil sa ugalìng tamád na tagláy niyáng parati, ay hindî naghandâ at namimilipit. Samantalang sinísipsíp ang isáng mahabàng sotanghon, ay iniisip ang paraang ikaliligtás niya sa kalagáyang iyón, hanggán sa naalaala ang isáng talumpatìng napag-aralan sa klase at humandâ nang gayahan yaón at lahukán ng̃ ibáng bagay.

—¡Mg̃a ginigiliw na kapatíd sa panukalà!—ang simulâ niyáng ikinumpáy ang sipit na kagamitan ng̃ mg̃a insík sa pagkain.

—¡Hayup! ¡bitiwan mo ang sipit, ginuló mo ang buhók ko!—ang sabi ng̃ isá niyáng katabí.

—Sa tawag ng̃ inyóng paghahalál na pagpunan ang kakulang̃ang iniwan sa......

—¡Mánggagaya!—ang putol ni Sandoval,—ang talumpatìng iyan ay sa Pang̃ulo ng̃ ating Liceo!

—“Sa tawag ng̃ inyóng paghahalál”—ang patuloy ni Tadeo na walâng katiga-tigatig—“na pagpunán ang kakulang̃ang iniwan sa aking.... pag-iisip (at itinurò ang kaniyáng tiyan) ng̃ isáng dakilàng lalaki dahil sa kaniyáng banal na aral at kaniyáng mg̃a kagagawán at mg̃a panukalà na karapatdapat na magkaroon ng̃ kauntì pang alaala, ¿anó ang masasabì sa inyó ng̃ isáng gaya ko na may malakíng gutom sa dahiláng hindî nananghalì?”

—¡Nárito ang isáng liig, bigaaán!—ang sabi ng̃ kaniyáng kalapít na iniaabót sa kaniya ang liig ng̃ isáng inahíng manók.

—“May isáng ulam, mg̃a ginoo, na kayamanan ng̃ isáng bayan na ng̃ayó’y sadlakan ng̃ lait at kutyâ ng̃ mundó, na pinagsaukán ng̃ kaniláng mg̃a dayukdók na sandók ng̃ matatakaw na poók, na nasa kalunuran ng̃ sangsinukob....”—itinurò sa pamag-itan ng̃ kaniyáng sipit si Sandoval na nakikipaglaban sa isáng makunat na pakpák ng̃ inahín.

—At ¡mg̃a taga kasilang̃anan!—ang sagót ng̃ tinukoy, na iginuhit ng̃ pabilóg ang kaniyáng panandók upang maiturò ang lahát ng̃ kumakain.

—¡Hindî pinapayagan ang mg̃a patláng!

—¡Humihing̃î akó ng̃ salitâ!

—¡Humíhing̃î akó ng̃ patís!—ang dugtóng ni Isagani.

—¡Dalhín dito ang lumpiyâ!

Hining̃î ng̃ lahát ang lumpiyâ at si Tadeo ay umupông masayá dahil sa pagkakaalpás sa kagipitan.

Ang ulam na ipinatungkol kay P. Irene ay hindî lumabás na mabuti at ang gayón ay ipinahayag ni Sandoval sa isáng paraang lubhàng nápakasakít.

—¡Nang̃ing̃intáb ang labás dahil sa mantikà at baboy ang loob! ¡Dalhín dito ang pang̃atlóng pingán ng̃ ulam, ang panyáng na prayle!

Ang panyáng ay hindî pa lutò; nádiding̃íg ang sagitsít ng̃ mantikà sa kawalì. Sinamantalá ang patláng upang tumunggâ at hining̃î niláng magsalitâ si Pecson.

Walâng kaping̃asping̃as si Pecson ay nag-angtandâ, tumindíg na pinipilit pigilin ang kaniyáng tawang hang̃ál, ginayahan ang isáng predicador na agustino, na noo’y nábabantóg, at nagsimulâ sa pagbulóng na warì’y sinásabi ang lamán ng̃ sermon.

Si tripa plena laudat Deum, tripa famelica laudabit fratres; kung ang bitukang bundát ay nagpupuri sa Dios, ang bitukang dayukdók ay magpupuri sa mg̃a prayle. Mg̃a salitâng sinabi ni ginoong Custodio, sa bibíg ni Ben-Zayb, pamahayagang El Grito de la Integridad, pang̃alawáng salaysáy, kaululáng ika isáng daan, limang pû’t pitó.

“¡Mg̃a ginìgiliw kong kapatíd kay Jesucristo!

“¡Ibinúbugá ng̃ kasamâán ang kaniyáng maruming hining̃á sa mg̃a kulay dahong baybayin ng̃ Frailandia, Kapulùang Pilipinas sa karaniwang tawag! Hindî sumísilang ang isáng araw na hindî umuugong ang isáng pagbaka, na hindî náding̃íg ang isáng masamâng parunggít sa mg̃a reverendas, venerandas at predicandas corporaciones, na walâng sukat magtanggól at walâng sukat kumatig. Ipahintulot ninyó sa akin, mg̃a kapatíd, na sa isáng sandalî’y magíng caballero andante akó upang magtanggól ng̃ walâng sukat magsanggaláng, ng̃ mg̃a banál na korporasión na nagturò sa atin, at patibayan pang mulî ang karugtóng ng̃ ibig turan noong sáwikâín na, bitukang bundát ay nagpupuri sa Dios, na dilì ibá’t, ang bitukang dayukdók ay magpupuri sa mg̃a prayle.”

—¡Mainam, mainam!

—Hoy,—ang sabing walâng katawatawa ni Isagani—ipinabábatíd ko sa iyo na kapág ang mg̃a prayle ang nátutukoy ay iginagalang ko ang isá.

Si Sandoval, na nasásayahán na, ay umawit:

¡Un fraile, dos frailes, tres frailes en el coooro
Hacen el mismo efecto que un solo toooro!

—Making̃íg kayó, mg̃a kapatíd; ibaling ang inyóng paning̃ín sa magandáng kapanahunan ng̃ inyóng kabatàan; tingnán ninyóng siyasatin ang kasalukuyan at itanóng ninyó sa sarili ang kinabukasan. ¿May anó kayó? ¡Prayle, prayle at prayle! Isáng prayle ang sa inyó’y nagbíbinyág, nagkukumpíl, dumadalaw ng̃ lubhâng masuyò sa páaralán; isáng prayle ang dumíding̃íg ng̃ mg̃a una ninyóng lihim, siyá ang una unang nagpapakain sa inyó ng̃ isáng Dios, ang nagtuturò sa inyó ng̃ landás ng̃ kabuhayan; mg̃a prayle ang una at hulíng gurô ninyó, prayle ang nagbúbukás ng̃ pusò ng̃ inyóng mg̃a magiging asawa, na inilalaan sa inyóng mg̃a suyò; isáng prayle ang nagkákasál sa inyó, ang nag-uutos na kayó’y maglakbáy sa ibá’t ibáng pulô, na binibigyán kayóng daán upang makapagbago ng̃ sing̃áw at libang̃an; siyá ang naglilingkód sa inyó kung kayó’y naghíhing̃alô at kahì’t umakyát kayó sa bibitayán, ay naroroón din ang prayle upang kayó’y samahan ng̃ kaniyáng mg̃a dasál at luhà, at makapapanatag kayóng hindî kayó iiwan hanggáng hindî makitang kayó’y sadyâng patáy na patáy na at bitáy na bitáy. Datapwâ’y hindî hanggáng diyán lamang ang kaniyáng kaawâan; kung patáy na kayó, ay pagpipilitang kayó’y máilibíng ng̃ boóng ding̃al, makikipaglaban upang ang inyóng bangkáy ay dumaán sa simbahan, tanggapín ang kaniláng mg̃a panalang̃in, at magpapahing̃á lamang kapag náibigáy na kayó, sa mg̃a kamáy ng̃ Lumikhâ, na malinis na malinis dito sa lupà, alang-alang sa mg̃a parusang tinanggáp, mg̃a pahirap at mg̃a pagpapakumbabâ. Sa pagkakilala sa mg̃a turò ni Cristo na hindî binúbuksán sa mayayaman ang pintô ng̃ lang̃it, silá, mg̃a bagong mánanakop, mg̃a tunay na kahalili ng̃ Tagapagligtás, ay lumálaláng ng̃ sarìsarìng paraán upang alisán kayó ng̃ sala, kuapi sa karaniwang tawag, at dinádalá sa malayò, lubhâng malayò, doón sa tinítirahán ng̃ mg̃a kalaitlait na mg̃a insík at mg̃a protestante, at iniíwang malinis, mabuti, malunas, ang hiníhing̃ahán natin dito, sa paraán, na kahì’t ibigin man natin pagkatapos, ay walâ tayong matatagpûang halagáng sikapat na magiging sanhî ng̃ ating ipagkakasala!

“Oo, ng̃â, silá’y kailang̃an ng̃ ating kaligayahan; kung sa lahát ng̃ dakong dalhín natin ang ating ilóng ay mátatagpûan natin ang manipís na kamáy, na gutóm sa halík, na sa araw-araw ay lalò pang nagpapatalapyâ sa sung̃álng̃ál na dagdág na tagláy natin sa mukhâ ¿bakit hindî silá suyùin at patabâín at bakit híhing̃ín ang kagagawáng hindî nárarapat na silá’y palayasin? Nilayin sandalî ang malakíng kakulang̃áng mangyayari sa ating kalipunan kung silá’y mawalâ! Mg̃a walâng pagál na manggagawà ay pinabubuti at pinakakapál nilá ang mg̃a lipì; sa pagkakáwatákwaták natin dahil sa mg̃a inggitan at samâan ng̃ loob, ay pinagsasama tayo ng̃ mg̃a prayle sa íisáng kapalaran, sa isáng mahigpít na tungkós, nápakahigpít na hindî na tulóy máigaláw ng̃ marami ang kaniláng siko! Alisín ninyó ang prayle, mg̃a ginoo, at mákikita ninyóng mayayaníg ang kapamayanang pilipino, dahil sa kakulang̃án ng̃ malalakás na balikat at mabalahibong hità; ang pamumuhay pilipino ay makakainíp kung walâ ang nakapagpapasayáng prayle na mapagbirô at malikót, kung walâ ang mumuntîng aklát, at mg̃a sermón na nakapagpápaihít ng̃ tawa, kung walâ ang mainam na pagkakaibayó na malalakíng hang̃arin sa mg̃a bung̃ông walâng kabuluhán, kung walâ ang tunay na pagtatanghál, sa araw-araw, ng̃ mg̃a kuwento ni Boccacio at ni Lafontaine! Kung walâ ang mg̃a korrea at kalmen ¿anó ang ibig ninyóng gawín sa háharapín ng̃ ating mg̃a babai kundî impukín ang salapîng iyán at silá’y magíng maramot at makamkám? Kung walâ ang mg̃a misa, mg̃a nobena at mg̃a prusisyón ¿saan kayó makatatagpô ng̃ mg̃a panggingihang kaniláng mapaglilibang̃án? walâ siláng tutungkulín kundî ang mg̃a gawàin sa bahay at ang pagbabasá nilá ng̃ mg̃a kuwentong kababalaghán ay kailang̃an nating palitán ng̃ mg̃a aklát na walâ pa rito! Alisín ninyó ang prayle, at mawawalâ ang kabayanihan, tataglayín na ng̃ bayan ang mg̃a mabuting pamamayan; alisín ninyó ang prayle at mawawalâ ang indio; ang prayle ay siyáng Amá, ang indio ang Verbo; yaón ang artista at itó ang estatua, sapagkâ’t lahát ng̃ kabagayáng tagláy natin, ang ating iniisip at ginágawâ, ay utang natin sa prayle, sa kaniyáng katiyagàan, sa kaniyáng kasipagan, sa kaniyáng pagtatamáng tatlóng daang taón upang mabago ang ayos na ibinigáy sa atin ng̃ Kalikasán! At kung walâng prayle at walâng indio ang Pilipinas, ¿anó ang mangyayari sa kaawàawàng pamahalàan na mápapaharáp sa mg̃a insík?”

—¡Kakain ng̃ panyáng na alimang̃o!—ang sagót ni Isagani na nabábagót sa talumpatì ni Pecson.

—At iyan ang dápat nating gawín. Siya na ang talumpatì!

Sa dahiláng hindî dumáratíng ang insík na may dalá ng̃ ulam, ay tumindíg ang isá sa mg̃a nag-aaral at tumung̃o sa pinaka look, sa may durung̃awang haráp sa ilog; dátapwâ’y madalîng bumalík na humuhudyát ng̃ palihím.

—Sinusubukan tayo; nákita ko ang minámahal ni P. Sibyla!

—¿Siya ng̃â ba?—ang bulalás ni Isagani na sabáy ang tindíg.

—Huwag nang magpagod: nang makita akó ay umalís.

Lumapit sa durung̃awan at tumanáw sa liwasan. Pagkatapos ay hinudyatán ang kaniyáng mg̃a kasama upang mang̃agsilapit. Nákita niláng lumabás sa pintùan ng̃ magpapansít ang isáng binatà na paling̃ónling̃ón at lumulan, na kasama ang isáng hindî kilalá, sa isáng sasakyáng nag-aantáy sa tabí ng̃ bangketa. Ang sasakyán ay kay Simoun.

—¡Ah!—ang bulalás ni Makaraig:—ang alípin ng̃ Vice-Rector ay pinaglilinkurán ng̃ Pang̃inoon ng̃ General.