XXVI
MG̃A PASKÍN
Maagang bumang̃on si Basilio upang tumung̃o sa Hospital. Mayroon na siyang takdâng gágawín, dalawin ang kaniyáng mg̃a may sakít, paroon pagkatapos sa Unibersidad upang mabatíd ang iláng bagay na ukol sa kaniyáng licenciatura, at sa kahulíhulihan ay makipagkita kay Makaraig dahil sa gugol na mangyayari sa kaniyáng pagkuha ng̃ grado. Ang malakíng bahagi ng̃ kaniyáng naimpók ay iniukol niya sa itutubós kay Hulî at upang madulutan itó ng̃ isáng dampâ na mapamamahayang kasama ng̃ nunò, at hindî siya makapang̃ahás na lumapit kay kapitáng Tiago, sa pang̃ing̃ilag na bakâ masapantahàng ang gayón ay isáng páuna sa mamanahing sinásabísabí sa kaniyá.
Libáng sa mg̃a gayóng iniisip ay hindî nápuna ang mg̃a pulúpulutóng na mg̃a nag-aaral na maagang nanggagaling sa loob ng̃ Maynilà na warìng isinará ang mg̃a páaralán; lalò pa mandíng hindî nápuna ang anyông natutubigan ng̃ ilán, ang paanás na usapan, ang lihim niláng hudyatan. Kayâ’t nang dumatíng sa San Juan de Dios at tinanóng siya ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan ng̃ ukol sa isáng panghihimagsík, si Basilio ay nápalundág at naalaala ang binabalak ni Simoun, na hindî nátuloy dahil sa mahiwagàng sakunâ na nangyari sa manghihiyas. Lipós katakután at nang̃íng̃iníg ang boses ay tumanóng na nagpakunwarîng walâng kamuwangmuwáng:
—¡Ah! ¿ang panghihimagsík?
—¡Napag-alamán!—ang sabi ng̃ isá,—at tila marami ang náhahalò.
Pinilit ni Basilio ang makapagpigil.
—¿Marami ang náhalò?—ang ulit na tinangkâng makabatíd ng̃ kahì’t muntîng bagay sa mg̃a matá ng̃ ibá;—at sino sino....?
—Mg̃a nag-aaral, maraming mg̃a nag-aaral!
Inakalà ni Basilio na hindî nararapat na magtanóng pa sa pag-aalalang bakâ siyá máhalatâ, at lumayô sa pulutóng, na ang dinahilán ay ang pagdalaw sa kaniyáng mg̃a may sakít. Isáng gurô sa clínica ang sumalubong sa kaniyá, at matapos na mapigilan siyá sa balikat na lubhâng mahiwagà (ang gurô ay kaibigan niyá), ay marahan siyáng tinanóng:
—¿Naparoón ba kayó sa hapunan kagabí?
Sa kalagayang litó ni Basilio ng̃ mg̃a sandalîng iyon, ay nagkáriringgáng kamakalawá sa gabi ang sinabi sa kaniyá. Nang kinamakalawáhan sa gabí nangyari ang pakikipag-usap kay Simoun. Nagtangkâng magpaliwanag.
—Sasabihin ko sa inyó—ang bulóng halos—sa dahiláng masamâ ang lagáy ni kapitang Tiago at sakâ kailang̃an kong matapos ang Mata....
—Mabuti ng̃â ang nágawâ ninyóng hindî naparoón,—ang sabi ng̃ gurô,—¿Ng̃unì’t kasama ba kayó sa kapisanan ng̃ mg̃a nag-aaral?
—Ibiníbigáy ko ang aking ambág....
—Kung gayón ay isáng payo: umuwî kayó ng̃ayón din at pawìin ninyó ang lahát ng̃ papel na makasásamâ sa inyó.
Kinibít ni Basilio ang kaniyáng balikat. Walâ siyang anománg papel, mayroón siyáng mg̃a talâ na ukol sa klínika at walâ nang ibá.
—¿Si ginoong Simoun pô kayâ’y....?
—Walâng pakialám si Simoun sa pangyayari, salamat sa Dios!—ang dagdág ng̃ manggagamot—sinugatan ng̃ isáng taong hindî kilalá, at ng̃ayó’y náhihigâ. Hindî, ditó’y ibáng kamáy ang kumikilos, ng̃unì’t kakilákilabot din.
Si Basilio ay huming̃á. Si Simoun ang tang̃ìng makapag huhulog sa kaniyá. Gayón man ay naálaala si kabisang Tales.
—¿May mg̃a tulisán?....
—Walâ, tao kayó, walâ kundî mg̃a nag-aaral lamang.
Nátiwasáy na si Basilio.
—¿Anó, kung gayón, ang nangyari?—ang naípang̃ahás na itanóng.
—Nakátagpô ng̃ mg̃a paskín na masasamâ ang sinasabi; ¿hindî bagá ninyó batíd?
—C....! sa Unibersidad.
—¿Walâ na kundî iyón?
—P....! ¿hindî pa ba sukat sa inyó ang gayón?—ang tanóng na halos galít ng̃ tagapagturò;—hiníhinalàng gawâ ng̃ mg̃a nagsasapìng nag-aaral ang mg̃a paskín, ng̃unì’t ¡huwág kayóng umimík!
Dumáratíng ang gurô sa Patología, isáng ginoóng malamáng pang anyông sakristan kay sa anyông manggagamot. Náhalál sa tulong ng̃ lakás ng̃ Vice-Rector, na hindî na hiniling̃án ng̃ anománg karapatán liban sa lubós na pag-alinsunod sa corporación, at inaarìng isáng tiktík at mangsusumbóng ng̃ ibáng gurô sa Facultad.
Ginantí siyá ng̃ batìng pasumalá ng̃ unang gurô na kinindatán si Basilio at malakás na sinabing:
—Batíd ko nang nag-aamóy bangkáy si kapitáng Tiago; dinalaw na ng̃ mg̃a uwak at buitre.
At pumasok sa salas ng̃ mg̃a propesor.
Tiwátiwasáy na, si Basilio ay nang̃ahás na magsiyasat ng̃ ibá pang bagay. Ang tang̃ìng nabatíd niya ay ang pagkakatagpô ng̃ mg̃a paskín sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, mg̃a pasking ipinabakbák ng̃ Vice Rector upang ipadalá sa Gobierno Civil. Sinasabing punô ng̃ pagbabalà, pagputol ng̃ mg̃a liig, pagsalakay at ibá pang mg̃a pagmamatapáng.
Sa bagay na itó’y nang̃agkukuròkurò at nagpapalápalagáy ang mg̃a nag-aaral. Ang mg̃a unang balità ay tinanggáp nilá sa bantáy pintùan, na tumanggáp ng̃ balità sa isáng alilà sa Sto. Tomás, at itó’y sa isáng capista namán nakábalità. Sinasapantahà na niláng magkákaroón ng̃ mg̃a suspenso, mg̃a pagkapiít, at ibp., at itinuturò na ang mg̃a mápaparusahan, na dilì ibá’t ang mg̃a nasa Kapisanan.
Noon naalala ni Basilio ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun: Sa araw na magágawâng kayó’y pawìin.... Hindî ninyó matatapos ang inyóng pag-aaral......
—¿Mayroón kayâ siyáng nalalamang bagay?—ang tanóng sa sarili;—tingnán natin kung sino ang lalòng makapangyayari.
At nang makapagbalík loob na, upang mabatíd ang nararapat niyáng gawín at maalám din namán ang ukol sa kaniyáng licenciatura ay tinung̃o ni Basilio ang Universidad. Dumaan sa daang Legazpi, tumulóy sa daang Beaterio, at nang dumatíng sa likô ng̃ daáng itó at ng̃ Solana ay námatyagán ng̃â niya na tila may isáng malakíng bagay na nangyari.
Sa mg̃a dating pulúpulutóng na masasayá at maiing̃ay ay daládalawáng Guardia Veterana ang kaniyáng nákita sa mg̃a banketa na nang̃ag-aabóy sa mg̃a nag-aaral na lumalabás sa Unibersidad, na ang ilán ay walâng kakibôkibô, malalamlám ang mukhâ, ang ibá’y galít na nang̃agsísitayô sa dakong malayôlayô ó nang̃agsísiuwî sa kaníkaniláng mg̃a bahay. Ang kaunaunahan niyang nasagupà ay si Sandoval. Hindî pinuná ang kátatawag ni Basilio; warìng nagíng bing̃í.
—¡Gawâ ng̃ takot sa katás ng̃ bituka!—ang sinapantahà ni Basilio.
Pagkatapos ay si Tadeo namán ang natagpûán, na masayáng masayá. Tila mangyayari din ang walâng katapusáng cuacha.
—¿Anó ang nangyayari, Tadeo?
—¡Walâ tayong pasok ng̃ hindî bababà sa isáng linggó, bigan! ¡mainam! ¡mabuti!
At pinagkikiskis ang mg̃a kamáy sa katuwàan.
—Datapuwâ’y ¿anó ang nangyari?
—¡Ibíbilanggô tayong mg̃a kaanib sa kapisanan!
—¿At masayá ka?
—¡Walâng pasukán, walâng pasukán!—at lumayông hindî magkasiyá sa galák.
Nákitang dumáratíng si Juanito Pelaez na namumutlâ at nang̃ang̃anib; ang kaniyáng kakubàan noon ay umabot sa lalòng katambukán, nagtutumulin siyá sa pag-ilas. Siya’y nagíng isá sa mg̃a lalòng masigasig na nag-uusig na mátayô ang kapisanan samantalang mabuti ang lakad.
—¿E, Pelaez, anó ang nangyari?
—¡Walâ, walâ akóng nálalaman! Akó’y walâng pakialám—ang nang̃ing̃ilabot na sagót—sinasabi ko na sa kanilá; iyan ay kaululán.... ¿Hindî ba gayón ang sabi ko?
Hindî alám ni Basilio kung sinabi niyá ó hindî, ng̃unì’t sa pagbibigáy loob sa kaniyá ay sumagót:
—¡Oo! ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari?
—¿Tunay ng̃â, anó? Tingnán mo, ikaw ay saksí; kailan man ay hadláng akó.... ¡ikaw ang saksí, tingnàn mo, huwag mong limutin!
—Oo, oo; ng̃unì’t ¿anó ang nangyari?
—Tingnán mo; ¡saksi ka! Hindî akó nakikilahók kailan man sa kapisanan kundî upang pagpaliwanagan ko kayó.... bakâ mo ipagkailâ pagkatapos! Huwág mong lilimutin ¿ha?
—Hindî, hindî ko itatakwíl, ng̃unì’t ¿anó na ang nangyari, anák ka ng̃ Dios?
Si Juanito ay malayò na: nákitang lumálapit ang isáng guardia at natakot na bakâ siyá hulihin.
Nang magkágayón ay tumung̃o si Basilio sa Unibersidad upang tingnán kung bakâ sakalìng bukás ang Kalihiman at upáng makátanggáp ng̃ balità. Nakalapat ang pintûan ng̃ kalihiman at sa bahay na iyon ay may dî karaniwang kilusán. Akyát manaog sa mg̃a hagdanan ang mg̃a prayle, militar, pulistas, matatandâng abogado at médiko, upang ihandóg marahil ang kaniláng tulong sa may kapang̃aniban.
Nátanáw sa malayò ang kaibigan niyang Isagani, na, namumutlâ at bago ang anyô, tagláy ang boong gilas kabatàan, na nag-uulat sa iláng kasama sa pag-aaral at inilalakás ang pagsasalitâ na warìng walâng kabuluhán sa kaniyá ang máding̃íg man ng̃ lahát.
—¡Kahalayhalay, mg̃a ginoo, kahalayhalay na ang isáng pangyayaring gangganiyan lamang ay makapagpatakbó sa atin at mapailas tayong warì’y mg̃a lang̃aylang̃ayan dahil lamang sa ang panakot upo ay gumaláw! ¿Ng̃ayon lamang ba mangyayaring ang mg̃a binatà’y mabibilanggô ng̃ dahil sa pagtatanggól ng̃ kalayàan? ¿Násaan ang mg̃a patáy, násaan ang mg̃a nábaril? Bakit tataliwakás ng̃ayón?
—Ng̃unì’t sino kayâ ang hang̃ál na sumulat ng̃ mg̃a gayóng paskín?—ang tanóng na pagalít ng̃ isá.
—¿Anó ang mayroon sa atin?—ang sagót ni Isagani—hindî natin katungkulan ang magsiyasat, siyasatin nilá! Bago matantô ang ayos ng̃ pagkakasulat ay hindî natín kailang̃an ang magpakita ng̃ pagkampí sa mg̃a ganitóng sandalî. Doon sa may pang̃anib, doon tayo dapat pumaroon, sapagkâ’t doon nároon ang karang̃alan! Kung ang sinasabi ng̃ mg̃a paskín ay kasang-ayon ng̃ ating karang̃alan at mg̃a damdamin, sino mán ang sumulat, ay mabuti ang ginawâ, nárarapát nating pasalamatan at agarín nating isama sa kaniyá ang ating lagdâ. Kung hindî kapit sa atin, ang ating inuugalì at ang ating mg̃a budhî ay sadyâ nang tumututol sa anománg sumbóng....
Nang máding̃íg ni Basilio ang gayóng pagsasalitâ, kahì’t na mahál sa kaniyá si Isagani, ay pumihit at umalís. Paparoon siyá sa bahay ni Makaraig upang sabihin ang tungkól sa pagsandalì.
Sa kalapít ng̃ bahay ng̃ mayamang nag-aaral ay nakápuná ng̃ mg̃a bulóng bulung̃an at mahiwagàng hudyatan ng̃ mg̃a kapitbahay. Sa dahiláng hindî talós ng̃ binatà ang sanhî ng̃ pinag-uusapan ay palagáy na ipinatuloy ang kaniyáng lakad at pumasok sa pintûan. Dalawáng bantáy na Veterana ang sumalubong sa kaniya’t siya’y tinanóng kung anó ang ibig. Nahalatâ ni Basilio na siya’y nagbiglâbiglâ ng̃unì’t hindî na makaurong.
—Hinahanap ko ang aking kaibigang si Makaraig—ang patuloy na sagót.
Ang mg̃a bantáy ay nagting̃inan.
—Mag-antáy kayó rito—ang sabi sa kaniyá ng̃ isá,—antabayanan ninyó ang kabo.
Si Basilio ay nápakagát labì, at ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun ay mulîng umugong sa kaniyáng taing̃a.... Hinuhuli kayâ si Makaraig?—ang inisip niyá, ng̃unì’t hindî nakapang̃ahás na magtanóng.
Hindî nag-antáy nang malaon; ng̃ sandalîng yaón ay pumápanaog si Makaraig na masayáng nakikipag-usap sa kabo, na kapuwâ pinang̃ung̃unahan ng̃ isáng alguacil.
—¿Bakit? ¿Patí ba kayó, Basilío?—ang tanóng.
—Titingnán ko kayó....
—¡Marang̃al na asal!—ang sabing tumatawa ni Makaraig,—noong mg̃a araw na payapà, ay lumálayô kayó sa amin....
Itinanóng ng̃ kabo kay Basilio ang kaniyáng pang̃alan at tiningnán ang isáng talâan.
—¿Nag-aaral sa panggagamot, daang Anloague?—ang tanóng ng̃ kabo.
Kinagát ni Basilio ang kaniyáng labì.
—¿Bakit, patí ba akó?
Si Makaraíg ay humalakhák.
—Huwag kayóng mang̃anib, kaibigan; magkakaruahe tayo, at sa gayón ay isásalaysáy ko sa inyó ang hapunan kagabí.
At sa isáng mainam na kilos, na warìng nasa kaniyáng bahay, ay inanyayahan ang auxilio at ang kabo na lumulan sa sasakyáng nagaantáy sa kanilá sa pintô.
—¡Sa Gobierno Civil!—ang sabi sa kotsero.
Isinalaysáy ni Basilio, na nakapagbalík loób na, kay Makaraíg ang sanhî ng̃ kaniyáng pagdalaw. Hindî siyá binayàang matapos ng̃ mayamang nag-aaral at siya’y kinamayán.
—Maaasahan ninyó akó kaibigan, maaasahan ninyó akó at sa pistá ng̃ ating investidura ay aanyayahan natin ang mg̃a ginoong itó,—ang sabing itinurò ang kabo at ang alguasíl.