XXVII
ANG PRAYLE AT ANG PILIPINO
Vox populi, vox Dei.
Iniwan natin si Isagani na nagsasalitâ sa kaniyáng mg̃a kaibigan. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng kasigabuhán, ay nilapitan ng̃ isáng kapista upang sabihin sa kaniyáng ibig siyáng mákausap ni P. Fernández, isá sa mg̃a katedrátiko sa ampliación.
Si Isagani’y namutlâ. Sa ganáng kaniya’y isáng taong kagalanggalang si P. Fernández: yaón ang isá na kaniyáng itinatang̃ì kailan pa ma’t ang napag-uusapan ay ang pag-alimura sa prayle.
—At ¿anó ang ibig ni P. Fernández?—ang tanóng.
Kinibít ng̃ kapista ang balikat; sinundán ni Isagani na masamâ ang loób.
Si P. Fernández, yaóng prayleng nakita natin sa Los Baños, ay nag-aantáy sa kaniyáng silíd, malungkót at walâng imík, na nakakunót ang noó na warìng nag-iisíp. Tumindíg nang mákitang pumasok si Isagani, binatì itóng kinamayán, at inilapat ang pintûan; pagkatapos ay nagpayao’t dito sa magkábilâng dulo ng̃ silíd. Nakatayô si Isaganing inaantáy na siya’y kausapin.
—Ginoong Isagani,—ang sabing ang ting̃ig ay nang̃ing̃iníg, ng̃ malaunan:—mulâ sa durung̃awan ay náding̃íg ko kayóng nagsasalitâ, sa dahiláng akó’y natutuyô, ay matalas ang aking pangding̃íg, kayâ’t ninasà kong kayó’y mákausap. Kailan man ay kinalugdán ko ang mg̃a binatàng nagpapahayag ng̃ maliwanag at mayroong kaniyáng sariling paghuhulò at pagkilos; walâng kailang̃an sa akin na ang kaniláng pagkukurò ay máibá sa pagkukurò ko. Alinsunod sa aking náding̃íg, ay nagkaroon kayó kagabí ng̃ isáng hapunan, huwag kayóng magdahilán....
—¡Sa hindî namán akó nagdadahilán!—ang putol ni Isagani.
—Lalòng mabuti, iyán ay nagpapakilalang inyóng pinang̃ang̃atawanán ang magiging bung̃a ng̃ inyóng ginawâ. Sa isáng dako ay masamâ pa ang kayó’y tumakwíl; hindî ko kayó sinisisi, hindî ko pinupuná ang mg̃a pinagsabí doon kagabí; hindî ko kayó binibigyang sala, sapagkâ’t may kalayàan kayóng magsabi ng̃ bawà’t maisip na laban sa mg̃a dominiko; kayó’y hindî sa amin aral; ng̃ taóng itó lamang nagkaroon kamí ng̃ lugód na mapatung̃o kayó rito sa amin at marahil ay hindî na kayó mápasok na mulî pa. Huwag ninyóng akalàin na tutukoy akó ng̃ ukol sa utang na loób, hindî; hindî ko aaksayahín ang aking panahón sa mg̃a bagay na walâng kabuluhán. Ipinatawag ko kayó, sapagkâ’t inakalà kong kayó’y isá sa mg̃a kakauntîng nag-aaral na kumikilos ng̃ dahil sa sariling pananalig, at sa dahiláng kinalulugdán ko ang mg̃a taong may lubós na pananalig, aniko sa sarili ay, makikipaglinawán akó kay ginoong Isagani.
Si P. Fernández ay humintông sandalî at ipinatuloy ang kaniyáng pagpapayao’t dito na nakatung̃ó at nakating̃ín sa dakong ibabâ.
—Kayó’y makauupô kung ibig ninyó,—ang patuloy;—may ugalì akóng lumalakad ay nagsasalitâ, sapagkâ’t sa gayón ay lalòng nátutumpák ang aking mg̃a pagkukurò.
Si Isagani’y nagpatuloy na nakatayô, mataas ang ulo, at inaantáy na tiyakín ng̃ katedrátiko ang salitâan.
—Mahigít nang walóng taóng na akó’y nagtuturò,—ang patuloy ni P. Fernández na palakadlakad—at nákilala ko’t nákasalamuhà ang mahigít sa dalawáng libo at limang daang binatà; tinurùan ko silá, pinunyagî ko ang mapadunong, inaralan ko ng̃ pagtatagláy ng̃ katwiran, ng̃ karang̃alan, ng̃unì’t gayón man, sa panahóng itó na lubhâng marami ang inilalait sa amin, ay walâ akóng nákitang isá man na nagkaroon ng̃ kapang̃ahasang pagmatigásan ang kaniyáng mg̃a sinasabi kapag náhaharáp sa isáng prayle.... ni masabi man lamang ng̃ malakás sa haráp ng̃ marami.... May mg̃a binatàng inuupasalàan kamí sa likód at hináhagkán ang aming mg̃a kamáy kung kaharáp at sa tulong ng̃ ng̃itîng bulisik ay nanánanghód ng̃ aming sulyáp! ¡Puf! ¿Anó ang ibig ninyóng gawín namin sa mg̃a ganiyáng tao?
—Hindî nilá sarili ang kasalanan, Padre,—ang sagót ni Isagani,—ang kasalanan ay nasa sa mg̃a nagturò sa kanilá ng̃ pagbabalatkayông ugalì, nasa mg̃a sumisiíl sa malayàng kaisipán, sa malayàng pang̃ung̃usap. Dito, ang lahát ng̃ pagkukuròng sarili, ang anómang salitâ na hindî kasang-ayon ng̃ nasà ng̃ nakapangyayari, ay ipinálalagáy na pagkapilibustero, at alám ninyóng maigi ang kahulugán ng̃ salitâng itó: ¡Balíw ang sa pagnanasàng masabi lamang na malakás ang iniisip ay hahandâ sa pagtitiís ng̃ mg̃a pag-uusig!
—¿Anó ang mg̃a pag-uusig na inyóng tinitiís?—ang tanóng ni P. Fernández na itinaás ang ulo,—¿hindî ko kayó binayàang mang̃usap ng̃ malayà sa aking klase? Ng̃unì’t gayón man, kayó’y isáng maitatang̃ì, na, kung tunay ang sinasabi, ay dapat kong ituwid, upang mapalaganap ang kaugalìan, kung mangyayari, upang maiwasan ang masamâng halimbawà!
Ng̃umitî si Isagani.
—Pinasasalamatan ko kayó at hindî ko ipakikipagtalo kung akó’y nátatang̃ì ó hindî; tatanggapín ko ang katang̃ìan upang tanggapín namán ninyó ang aking sasabihin; kayó man ay tang̃ì rin; at sa dahiláng dito’y hindî natin pag-uusapan ang mg̃a pagkakátang̃ì, ni ang pagpaparangyâ ng̃ ating mg̃a pagkatao, sa ganáng akin ay gayón ang aking akalà, ay ipinamamanhík ko sa aking katedrátiko na mangyaring baguhin ang lakad ng̃ salitàan.
Kahì’t na may pagkukuròng malayà ay nápataás ang ulo ni P. Fernández at tinitigang lipós pagkakamanghâ si Isagani. Ang binatàng iyón ay may mahigít pang pagkamalayà kay sa inakalà niyá; kahì’t tinawag siyang katedrátiko, kung tatayahin, ay inaarì siyáng kapantáy, dahil sa nang̃ahás magmungkahì. Dahil sa mabuting magparaán sa pakipag-usap, ay hindî lamang tinanggáp ni P. Fernández ang pangyayari, kun dî siyá na ang nagbukás.
—¡Mabuti!—ang sabi,—ng̃unì’t huwag ninyóng ipalagáy na akó’y inyóng gurô; akó’y isáng prayle at kayó’y isáng nag-aaral na pilipino; walâng labis, walâng kulang! at ng̃ayón ay itatanóng ko sa inyó: ¿anó ang nasà sa amin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino?
Dumatíng na pabiglâ ang katanung̃an: si Isagani ay hindî handâ. Iyón ay isáng ulos na biglâng lumusót samantalang nagmumuog, gaya ng̃ tawag sa esgrima. Sa kabiglâanang iyón, si Isagani, ay tumugón ng̃ isáng matindíng salág na warìng isáng baguhang nagsanggaláng:
—¡Na kayó’y mang̃agsitupád sa inyóng kautang̃án!—aniyá.
Si pray Fernandez ay umunat: nagíng warì’y putók ng̃ kanyón, sa ganáng kaniyá, ang kasagutan.
—¡Na kamí’y tumupád sa aming kautang̃án!—ang ulit na nagpakaunat-unat,—kung gayó’y ¿hindî kamí tumútupád sa aming kautang̃án? ¿anóng mg̃a kautang̃án ang itinutungkól ninyó sa amin?
—Yaón díng malayàng iniatang sa sarili ninyó ng̃ kayó’y pumasok sa kalipunan, at yaóng pagkatapos, nang nasa sa loób na kayó, ay ninasàng taglayín! Ng̃unì’t sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay hindî ko inaakalàng akó’y may karapatáng sumurì ng̃ inyóng inaasal sang-ayon sa inyóng mg̃a palatuntunan, sa katolisismo, sa pamahalàan, sa bayang pilipino at sa boong sangkatauhan: mg̃a bagay iyang dapat ninyóng linawin sa mg̃a tagapagtatág ninyó, sa Papa, sa pamahalàan, sa boóng bayan ó sa Dios: sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay ang kautang̃án lamang ninyó sa amin ang tang̃ì kong tutukuyin. Ang mg̃a prayle, ang kalahatán, sa pagiging tagasiyasat ng̃ pagtuturò sa bayan bayán, sa mg̃a lalawigan, at ang mg̃a dominiko, sa ganáng kanilá, sa paglilikom sa kaniláng mg̃a kamáy ng̃ mg̃a pag-aaral ng̃ kabinatàang pilipino, ay tumanggáp ng̃ katungkulan, sa haráp ng̃ walóng ang̃aw-ang̃aw na mámamayán, sa haráp ng̃ España at sa haráp ng̃ sangkatauhan na ating kinasasamahan, na pabutihin sa tuwîtuwî na ang batàng binhî, sa ugalì at pang̃ang̃atawán, upang ilandás siya sa kaniyáng kaligayahan, lumikhâ ng̃ isáng bayang marang̃ál, malusog, matalino, mabaít, marilág at matapát. At ng̃ayó’y akó namán ang magtátanóng: ¿tumupád bagá ang mg̃a prayle sa kaniláng katungkulan?
—¡Ah! P. Fernandez,—ang paklí ni Isagani;—kung itututóp ninyó ang kamáy sa inyóng pusò ay makasásagót kayóng tumutupád, ng̃unì’t kung itútutóp ang kamáy sa pusò ng̃ inyóng kalipunán, sa ibabáw ng̃ pusò ng̃ lahát nang mg̃a kalipunang prayle, ay hindî ninyó masasabi ang gayón ng̃ hindî masisinung̃aling̃an! ¡Ah, Padre Fernandez! kapag náhaharáp akó sa isáng taong aking minamamahal at iginagalang, ay ibig ko pa ang akó ang sisihin kay sa sumisi, ibig ko pa ang magsanggaláng kay sa sumugat. Ng̃unì’t yamang pumasok na tayo sa pagpapáliwanagán ay magpatuloy na tayo hanggáng sa wakás! ¿Papano ang ginágawâng pagtupád sa kautang̃án ng̃ mg̃a nagsisiyasat ng̃ pagtuturò sa mg̃a bayán bayán? ¡Hináhadlang̃án! At ang mg̃a tang̃ìng may hawak dito ng̃ mg̃a pagpapaaral, ang mg̃a may ibig na mag-ayos ng̃ pag-iisip ng̃ kabatàan, na walâng ibáng makapanghimasok ¿papaano ang ginágawâng pagtupád sa kaniláng katungkulan? Ináawasán hanggáng mangyayaring awasán ang mg̃a pagkatahô, pinápatáy ang lahát ng̃ sulák at sigabó, ináabâ ang lahát ng̃ karang̃alan, tang̃ìng nagpapakilos sa káluluwá, at itinátaním sa amin ang matatandâng pagkukurò, ang mg̃a lipás na karunung̃an, ang mg̃a malîng batasán ng̃ katwiran na dî kaagpáng ng̃ pamumuhay sa pagsulong! ¡Ah! kung ang linalayon ay ang pagpapakain sa mg̃a bilanggô, ang pagbibigay ng̃ kakanin sa mg̃a nagkasala, ay inilálagáy ng̃ pamahalàan sa subasta upang mátagpûán ang makapagdudulot ng̃ lalòng mabuting pagkain, ang hindî pápatáy ng̃ gutom sa kanilá; kapag ang tinutung̃o ay ang palusugin ang pag-iisip ng̃ isáng boông bayanán, palusugin ang kabatàan, ang bahaging lalòng mabuti, ang sa hulí’y magiging siyáng bayan at siyáng lahát, dî lamang hindî inilalagáy sa subasta ng̃ pamahalàan, kung dî pinalalagì ang kapangyarihan doón sa kalipunán na nagpaparangyâ ng̃ pag-ayáw sa ikatututo, ng̃ pag-ayáw sa anománg pagkakasulong. ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang nagdádalá ng̃ pagkáin sa mg̃a bilanggùan, matapos na makuha sa pailalím na paraán ang kasundùang pagpapakain, ay bayàang manglambót ang kaniyáng mg̃a bilanggô sa kakulang̃án sa dugô, dahil sa ang ibiníbigáy na pagkain ay lahát noong lipás at laós, at pagkatapos ay magdahiláng sabihin na hindî nababagay na magkaroon ng̃ mabuting katawán ang mg̃a bilanggô, sapagkâ’t ang mabuting katawán ay nagdudulot ng̃ masasayáng kaisipán, sa dahiláng ang katuwâan ay nagpapabuti sa tao, at ang tao’y hindî dapat bumuti, sapagkâ’t naaayon sa hang̃ád ng̃ nagpapakain ang magkaroon ng̃ maraming nagkakasála? ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang pamahalàan at ang nagpapakain ay magkásundô na sa sikolo ó labindalawáng kualta na tinatanggap ng̃ isá, sa bawa’t isáng may sala, ay tanggapín namán ng̃ isá ang aliw?
Kinákagatkagát ni P. Fernandez ang kaniyang mg̃a labì.
—Nápakatindíng sumbóng iyan,—ang sabi,—at kayó’y lumálagpás sa hangganan ng̃ ating kasundùan.
—Hindî, Padre; patuloy akó sa pagtukoy ng̃ ukol sa pag-aaral. Ang mg̃a prayle, at hindî ko sinasabing kayóng mg̃a prayle, sapagkâ’t hindî ko kayó ibinibilang sa karamihan, ang mg̃a prayle ng̃ lahát ng̃ orden ay nagíng pawàng tagapagdulot ng̃ aming ikatatalino, at sinasabi nilá at inihahayag ng̃ walâng kahiyâhiyâ, na hindî nararapat na kamí’y dumunong, sapagkâ’t balàng araw ay hahang̃arín namin ang maging malayà! Itó’y kagaya noong ayaw palusugin ang katawán ng̃ bilanggô upang huwag bumuti at makaalís sa bilanggùan. Ang kalayàan, sa tao’y, kagaya ng̃ ikátututo kung sa katalinuhan, at ang pag-ayáw ng̃ prayle na kamí’y tumalino ay siyáng sanhî ng̃ dî namin kasiyahang loób!
—Ang karunung̃an ay ibiníbigáy lamang doon sa karapatdapat magtamó!—ang paklí ni P. Fernández,—kung ipagkákaloob sa mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal ay hahalay lamang.
—At ¿bakit may mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal?
Kinibít ng̃ dominiko ang kaniyáng balikat.
—Mg̃a kasiràang násususo nang kasama ng̃ gatas, na nálalang̃áp sa loób ng̃ lipì.... ¿anó ang malay ko?
—¡Ah hindî pô, P. Fernández!—ang biglâng bulalás ng̃ binatà,—hindî ninyó sinurìng mabuti ang bagay na pinag-uusapan, hindî ninyó ginawâng tanawín ang kailalimilaliman dahil sa pang̃ambáng bakâ mamalas doón ang anino ng̃ inyóng mg̃a kakapatíd. Kayó ang may kagagawán ng̃ aming anyô. Ang bayang sinísiíl ay pinipilit na magtagláy ng̃ balát-kayông ugalì; yaóng pinagkakaitán ng̃ katotohanan ay binibigyán ng̃ kasinung̃aling̃an; ang nagpapakadahás ay gumágawâ ng̃ alipin. Walâng mabuting aral, ang wikà ninyó, kahì’t na! kahì’t mangyayaring pabulàanan kayó ng̃ mg̃a talàan, sapagkâ’t dito’y hindî nangyayari ang mg̃a pagkakasalang kagaya ng̃ sa maraming bayang nabubulag sa kaniláng palalòng tagurîng nang̃ag-aayos ng̃ ugalì. Datapwâ’y kahì’t hindî hang̃ád ang surìin sa ng̃ayón kung anó ang bumubuô ng̃ hilig at sa dahiláng nátutung̃od sa kabutihang ugalì ang aral na tinanggáp, ay sang-ayon akó sa inyó na kamí ng̃â’y may kasiràan. ¿Sino ang may sala sa pangyayaring iyán? ¿O kayóng may tatlong daa’t limang pûng taóng naghahawak ng̃ aming ikatututo ó kaming umaalinsunod sa lahát ng̃ bagay? Kung makaraán ang tatlóng daa’t limáng pûng taón ay walâng nayarì ang eskultor kundî isáng walâng ayos na larawan, ay lubhâng nápakatunggák.
—O masamâ ang putik na ginagamit.
—Lalò pang tunggák kung gayón, sapagkâ’t alám na masamâ palá ay hindî iniíwan ang putik at nagpapatuloy sa pag-aaksayá ng̃ panahón.... at hindî lamang tunggák, kungdî nagdadayà at nagnanakaw, sa dahiláng batíd na walâng kapararakan ang kaniyáng gawâ ay ipinagpapatuloy upang tanggapín ang kaupahán.... at hindî lamang tunggák at magnanakaw kung dî taksíl sapagkâ’t humáhadláng na ang lahát ng̃ ibáng eskultor ay sumubok ng̃ kaniláng kaya upang tingnán kung makakayarì ng̃ bagay na may halagá! ¡Kalaitlait na pang̃ing̃ilag ng̃ walâng kasapatán!
Ang tugón ay nápakatindí at naramdamán ni P. Fernández na siya’y násilò. Tiningnán si Isagani at namalas niyang malakí, hindî madadaíg, namamaibabaw at noon lamang siyá náranasan, sa boô niyáng kabuhayan, ang pag-aakalàng siya’y tinalo ng̃ isáng nag-aaral na pilipino. Nagsisi siya dahil sa kaniyáng pagkakahamon sa pagtatalo, ng̃unì’t hulí na. Sa kaniyáng kagipitan at sa pagkakalagáy sa haráp ng̃ gayóng dapat katakutang kalaban ay humanap ng̃ mabuting kalasag at pinanghawakan ang pamahalàan.
—Ipinapataw ninyó sa amin ang lahát ng̃ kasalanan, sapagkâ’t walâ kayóng nákikita kundî kamíng kalapít,—ang sabing ang boses ay walâ nang pagmamataas,—talagáng gayón, hindî ko ipinagtataká! kinamumuhîan ng̃ bayan ang sundalo ó ang alguasíl na humúhuli sa kaniyá at hindî ang hukóm na nag-utos ng̃ paghuli. Kayó at kamí’y sumasayáw na lahát ng̃ alinsunod sa lakad ng̃ isáng tugtugin: kung itinátaas ninyó ang inyóng mg̃a paa ng̃ sabáy sa amin, ay huwag kamí ang sisihin: ang tugtuging nagtatakdâ ng̃ ating kilos. ¿Inaakalà bagá ninyóng kamíng mg̃a prayle ay walâng budhî at ayaw kamí sa kabutihan? ¿Inaakalà bagá ninyóng hindî namin kayó naaalaala, na hindî namin naaalaala ang aming kautang̃án, at kamí’y kumakain lamang upang mabuhay at nabubuhay upang magharì? ¡Maanong magkagayón na ng̃â! Ng̃unì’t, gaya rin ninyóng kamí’y sumusunód sa lakad ng̃ tugtugin; kamí’y pigipít na pigipít: ó palayasin ninyó kamí ó kamí’y palayasin ng̃ pamahalàan. ¡Ang pamahalàan ay siyang nag-uutos, at sa nakapaguutos ay walâng katwiran kundî ang sumunód!
—Sa bagay na iyan, kung gayón, ay makukurò—ang sabi ni Isagani na nakang̃itî ng̃ malungkót,—na hang̃ád ng̃ pamahalàan ang aming ikasasamâ?
—¡Oh, hindî, hindî iyan ang ibig kong sabihin! Ibig kong sabihin, na may mg̃a paniniwalà, may mg̃a palagáy at mg̃a kautusán na inilalagdâ ng̃ mabuti ang layon ng̃unì’t mg̃a kasakitsakit ang iniaanák. Ipaliliwanag kong lalòng mabuti sa pagbanggít ng̃ isáng halimbawà. Upang pigilin ang isáng muntîng kasamâán, ay naglalagdâ ng̃ maraming kautusán na nagiging sanhî ng̃ lalò pang maraming kasamâán: corruptíssima in republica plurimæ leges, ang sabi ni Tácito. Upang iwasan ang isáng pagdarayà, ay naglalagdâ ng̃ isáng ang̃aw ang̃aw at kalahatì na kapasiyahang nagbabawal at nakadudustâ, na ang iniaanák kaagád ay ang gising̃in ang bayan upang iwasan at linlang̃ín ang mg̃a tinurang pagbabawal: upang gawíng makasalanan ang isáng bayan ay walâng mabuting paraan na dî gaya ng̃ pag-alinlang̃anan ang kaniyáng kabaitan. Lumagdâ ng̃ isáng kautusán, huwag na rito kundî sa España, at tingnán ninyó kundî pag-aaralan ang paraan ng̃ paglinláng sa kaniyá, ang gayó’y sapagkâ’t nalimot ng̃ mg̃a gumágawâ ng̃ kautusán ang pangyayari na samantalàng ipinagkakatagòtagò ang isáng bagay ay lalò namáng pinagnanasàang makita. ¿Bakit ang masamâng gawâ at katalasan ay inaaarìng malakíng sangkáp ng̃ bayang kastilà gayóng walâ siyang mákakapantáy kung sa pagkamahál na tao, sa pagkamapagmataás at sa pagkamahaldika? Sapagkâ’t ang tagalagdâ namin ng̃ kautusán, sa loob ng̃ lalòng mabuting adhikâ, ay nang̃ag-alinlang̃an sa kaniyáng pagkamahál, sinugatan ang kaniyáng kataasan at hinamon ang kaniyáng pagkamahaldika! ¿Ibig ninyóng gumawâ sa España ng̃ isáng daanan sa gitnâ ng̃ mg̃a talampás? Kung gayó’y lagyán ninyó doon ng̃ isáng babalâng magahasà na ipinagbabawal ang magdaan, at iiwan ng̃ bayan, na tumututol sa pagbabawal, ang daanan upang mang̃unyapít sa mg̃a bató. Sa araw na ipagbáwal sa España ang kabaitan, ng̃ isáng manggagawà ng̃ kautusán, at ipaganáp na sápilitan ang kasamâan, sa kinábukasan ay mabait na lahát ang tao!
Humintô ang dominiko, at pagkatapos ay nagpatuloy:
—Ng̃unì’t masasabi ninyóng lumálayò tayo sa salitâan; magbabalík akó.... Ang masasabi ko upang kayó’y maniwalà, ay, na ang kasiràang tinátaglay ninyó ay hindî nararapat na ibintáng sa amin ni sa pamahalàan; iyan ay nasa sa dî wastóng pagkakatatag ng̃ aming kapisanan, qui multum probat, nihil probat, na nasasawî sa kahigitán sa pag-iing̃at, kakulang̃án sa kailang̃an at lampás doon sa kalabisán.
—Kung kiníkilala ninyó ang mg̃a kasiràang iyan ng̃ inyong kapisanan,—ang tugón ni Isagani,—¿bakit nanghihimasok sa pag-aayos ng̃ kapisanan ng̃ ibá at hindî ang unahin ay ang sarili muna?
—Nápapalayô tayo sa ating salitàan, binatà; ang kaparaanang pagsang-ayon sa mg̃a bagay na nangyari na ay dapat tanggapin....
—¡Kahi’t na! tinátanggáp ko, sapagkâ’t isá ng̃ nangyari at patuloy akó sa pagtatanóng: ¿bakit, kung ang pagkakatatag ng̃ inyóng kapisanan ay may kasiràan, ay hindî ninyó palitán ó kayâ’y dinggín man lamang ang ting̃ig ng̃ mg̃a napipinsalàan?
—Nálalayô pa rin tayo: ang pinagsasalitàan natin ay kung anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral sa mg̃a prayle....
—Sapol sa sandalîng ang mg̃a prayle ay nagkakanlóng sa likód ng̃ pamahalâan ay itó na ang tutung̃uhin ng̃ mg̃a nag-aaral.
Ang paklí ay makatwiran; sa dakong iyon ay walâng lúlusután.
—Hindî akó ang pamahalàan at hindî ko masasagután ang kaniyáng mg̃a kilos. ¿Anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral na gawín namin, alang-alang sa kanilá, sa loób ng̃ hangganang aming kinalalagyán?
—Huwag humadláng sa kalayàan ng̃ pag-aaral, kundî tumulong pa ng̃â.
Inilíng ng̃ dominiko ang ulo.
—Kahì’t hindî ko tuturan ang sarili kong pagkukurò, iyán ay paghilíng sa aming kamí’y magpatiwakál,—ang sabi.
—Hindî pô, kung dî bagkús na ibá, iyan ay paghing̃îng kamí’y paraanin upang huwag kayóng masagasà at madurog.
—¡Hm!—ang sabi ni P. Fernández na humintô at nag-isíp—Simulán ninyó sa paghing̃î ng̃ bagay na hindî gayón kabigát, isáng bagay na maaarìng itulot ng̃ bawà’t isá sa amin na hindî ikasisirà ng̃ karang̃alan at mg̃a karapatáng tagláy, sapagkâ’t kung mangyayaring tayo’y magkalinaw at mamuhay ng̃ payapà ¿anó’t magkakagalít, anó’t maghihinalàan?
—Kung gayón ay tutung̃o tayo sa pagtukoy sa mg̃a kasanhîan....
—Oo, sapagkâ’t kung tatangkîín natin ang kinatitirikan ay maiguguhô natin ang bahay.
—Tung̃uhin natin ang mg̃a kasanhîan kung gayón, iwan natin ang kinalalagyán ng̃ mg̃a batayán ng̃ katwiran; at hindi rin sasabihin ang sarili kong pagkukuro—at dito’y idiniín ng̃ binatà ang salitâ—maghuhumpáy ang mg̃a nag-aaral sa kaniláng inaayos at mapapawì ang iláng kapaitan kung ang mg̃a nagtuturò ay mátututong pagpakitaan silá ng̃ mabuti kay sa ipinakikita hanggáng sa ng̃ayón.... Itó’y nasa sa inyóng mg̃a kamáy.
—¿Anó?—ang tanóng ng̃ dominiko—¿mayroon bagáng anománg daíng sa aking inúugalì ang mg̃a nag-aaral?
—Padre, sa simulâ pa’y nagkásundô tayong hindî tútukuyin ni akó ni kayó. Nag-uusap tayo ng̃ pangkalahatán: bukód sa walâng nápapalâ ang mg̃a nag-aaral sa mg̃a taóng dinádaán sa mg̃a klase, ay madalás pang iwan doon ang bahagi ng̃ kaniláng karang̃alan, kungdî man ang lahát.
Kinagát ni P. Fernandez ang kaniyáng labì.
—Walâng pumipilit sa kaniláng mag-aral; ang mg̃a bukirín ay hindî natatamnán—ang matigás na sagót.
—Oo, may bagay na pumipilit sa kaniláng mag-aral,—ang tugón, na gayón din ang ayos ni Isagani, na pinakaharápharáp ang dominiko.—Bukód sa katungkulan ng̃ bawà’t isá na hanapin ang kaniyáng ikawawastô, ay may isáng likás na nasà ang tao na patalasin ang kaniyáng pag-iisip, pagnanasàng lalòng masidhî dito sa dahiláng lubhâng pinipigil; at ang nagbíbigáy ng̃ kaniyáng salapî at buhay sa pamahalàan ay may karapatáng hing̃ín dito na bigyán siya ng̃ liwanag upang kitaing lalòng mabuti ang kaniyáng salapî at maing̃atang lalò ang kaniyáng buhay. Opò, Padre; may bagay na pumipilit sa kanilá, at ang bagay na iyan ay ang pamahalàan din, kayó ring kumukutyâng walâng habág sa indio na hindî nag-aral at ipinagkákaít ang kaniláng karapatán, sa pananang̃an sa sanhîng silá’y mangmáng. ¡Hinúhubarán ninyó silá at pagkatapos ay kinúkutyâ ang kaniláng ikahíhiyâ!
Si P. Fernandez ay hindî sumagót; nagpatuloy sa pagyayao’t dito, ng̃unì’t hindî mápalagáy na warìng nagugulumihanan.
—¡Sinasabi ninyóng ang mg̃a bukirín ay hindî nátatamnán!—ang patuloy ni Isagani na ibá na ang ayos, makaraán ang isáng sandalîng pananahimik—huwág tayong pumasok ng̃ayón sa pagsurì ng̃ kadahilanan, sapagkâ’t mápapalayô tayo sa pinag-uusapan; ng̃unì’t kayó P. Fernandez, kayó, gurô, kayó, taong may karunung̃an, ibig ninyó ang isáng bayan ng̃ mg̃a manananim, ng̃ mg̃a magsasaká! ¿Sa ganáng inyó bagá’y ang pagkamangsasaká na lamang ang kalagayang lalòng wastông maaabót ng̃ tao sa kaniyáng pagsulong? ¿O ibig ninyóng mapainyó ang karunung̃an at mapasá ibá ang paggawâ?
—Hindî, ibig kong ang karunung̃an ay taglayín noóng dapat magtagláy, noóng makapag-iing̃at sa kaniyá,—ang sagót,—kapag nagpakita ang mg̃a nag-aaral ng̃ katibayan ng̃ pag-ibig sa kaniyá; kapag nagkaroón na ng̃ mg̃a binatàng may pananalig, mg̃a binatàng marunong magtanggól sa kaniyáng karang̃alan at maipagalang itó, ay magkakaroón ng̃ karunung̃an, magkakaroón na ng̃ mg̃a gurông may pagling̃ap! ¡Kung may mg̃a gurông namamasláng ay sa dahiláng may mg̃a tinuturùang umaalinsunod!
—¡Kapag nagkaroón ng̃ mg̃a gurô ay magkakaroón ng̃ mg̃a nag-aaral!
—Kayó ang magpauna sa pagbabagong ayos, sapagkâ’t kayó ang nang̃ang̃ailang̃an ng̃ pagbabago, at kamí’y súsunód.
—Siyá ng̃â,—ang sabi ni Isagani na malungkót ang ng̃itî,—¡magpauna kamí sa dahiláng nasa dako namin ang kasiràan! Tahô ninyóng lubós kung anó ang maaantáy ng̃ isáng tinúturûang humaráp sa isáng gurô: kayó na, na tagláy ang boóng pag-ibig sa katwiran, ang boóng kagandahang loób, ay nagkakahirap kayó sa pagpipigil ng̃ tinuturan ko ang mapapaít na katotohanan, ¡kayóng kayó na, P. Fernandez! ¿Anó ang kabutihang nápalâ ng̃ nagnasàng maghasík sa amin ng̃ ibáng pagkukurò? At ¿anó anóng kasamàán ang dumagsâ sa inyó dahil sa ninasàng umugalì ng̃ mabuti at tumupád sa inyóng kautang̃án?
—Ginoóng Isagani,—ang sabi ng̃ dominiko na iniabót sa kaniyá ang kamáy,—kahì’t sa warì’y walâng lubós na nápalâ sa pag-uusap nating itó, gayón ma’y mayroon dín tayong kauntîng nápulot; sasabihin ko sa aking mg̃a kapatíd ang inyóng mg̃a tinuran at ináantáy kong kahì’t kauntî ay may magagawâ. Ang ipinang̃ang̃anib ko lamang ay ang bakâ hindî mang̃agsipaniwalàng may isáng gaya ninyó.
—Iyan din ang pang̃ambá ko,—ang tugón ni Isagani na kinamayán ang dominiko,—nang̃ang̃anib akóng bakâ ang aking mg̃a kaibigan ay hindî maniwalàng may isáng gaya ninyó, kamukhâ ng̃ pakikipagharapan ninyó sa akin ng̃ayón.
At dahil sa ipinalagáy na tapós na ang salitàan, ay nagpaalam ang binatà.
Binuksán ni P. Fernández ang pintô at sinundán siya ng̃ ting̃ín hanggáng nakalikô sa corredor. Malaong pinakinggán ang tunóg ng̃ kaniyáng yabág, pagkatapos ay pumasok sa silíd at inantáy na siyá’y lumabás sa daan. Nákita ng̃â niya at náding̃íg na sinasabi sa isáng kasama, na nagtatanóng kung saan paparoon, ná:
—Sa Gobierno Civil! Titingnán ko ang mg̃a paskín at makikisama akó sa ibá!
Ang kasama ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá, na warìng nagmamalas sa isáng magpapatiwakál, at lumayông tumátakbó.
—¡Kaawàawàng binatà!—ang bulóng ni P. Fernandez, na náramdamáng nang̃ing̃ilíd ang luhà sa kaniyáng mg̃a matá,—kinaiingitán ko ang mg̃a hesuita na nagturò sa iyo!
Si P. Fernandez ay námalîng lubós; galít kay Isagani ang mg̃a hesuita, kayâ’t nang mabatíd sa kinahapunan na napipiit ang binatà, ay sinabi niláng silá’y mádadamay.
—¡Ang binatàng iyán ay sásamâ at makasisirà sa atin! Dapat mapag-alamang ang mg̃a pagkukuròng iyan ay hindî dito nátutuhan!
Hindî nang̃agbulàan ang mg̃a hesuita, hindî; ang Dios ang tang̃ìng nagkákaloób ng̃ mg̃a pagkukuròng iyón, sa tulong ng̃ Kalikasan.