XXVIII
TATAKUT
Nagíng parang manghuhulà si Ben-Zayb nang patunayan sa kaniyáng pamahayagan, ng̃ mg̃a nakaraang araw, na ang pag-papaaral ay masamâ, lubhâng makasasamâ sa Kapulùang Pilipinas: ng̃ayón, sa haráp ng̃ mg̃a nangyari niyong araw ng̃ biernes ng̃ mg̃a paskín, ay nang̃akak ang mánunulat at inaawit ang kaniyáng pagtatagumpáy, at pinapangliít at nilitó ang kaniyáng kalabang si Horatius na nang̃ahás na kutyâín siya sa tudlíng ng̃ Pirotecnia sa ganitóng paraan:
Sa aming kapamahayagang El Grito:
“Ang pagpapaaral ay masama, lubhang makasasama sa Pilipinas!”
Nalinawan na namin.
Malaon nang inaakala nang El Grito na kinákatawan niya ang bayang pilipino; ergo........ gaya nang wiwikain ni Fray Ibañez, kung marunong nang latín.
Ng̃uni’t si Fray Ibañez ay nagiging musulmán kapag sumusulat, at alám natin kung papano ang ginágawa nang mañga musulman sa pagpapaaral.
Testiga, gaya nang sabi nang isáng maalindóg na predicador, ang aklatan sa Alejandría!
Ng̃ayón ay may katwiran siya, si Ben-Zayb! ¡Sa siya ang tang̃íng nag-iisìp sa Pilipinas, ang tang̃ìng nakahuhulà ng̃ mg̃a mangyayari!
Kayâ ng̃â, ang balitàng nakakuha ng̃ mg̃a paskíng masasagwâ ang sinásabi sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, ay hindî lamang nakapag-alís ng̃ gutom sa marami at nakasirà ng̃ tiyan sa ibá, kundî nakapagpaguló rin sa mg̃a mahinahong insík, na hindî nakapang̃ahás na maupô sa kaniláng mg̃a tindahan na nakataás ang isáng paa na gaya ng̃ kaugalìan, sa takot na bakâ silá gahulín sa pag-uunat upang tumakbó. Nang ika labing-isá ng̃ umaga, kahì’t na patuloy ang araw sa kaniyang lakad at ang Marilág, ang Capitan General, ay hindî lumálabás na nang̃ung̃una sa kaniyáng mg̃a mapagwagíng kabig, ay naglalò pa mandín ang ligalig: ang mg̃a prayleng lagìng pumáparoón sa tindahan ni Quiroga ay hindî nang̃ásisipót at ang bagay na itó’y nagsasabing may mg̃a kakilakilabot na mangyayari. Kung ang araw ay parisukat sana ng̃ sumilang at ang mg̃a Kristo ay mg̃a nakapantalón, ay hindî marahil makabaklá kay Quiroga na dî gaya noón: inarì niyáng liampó marahil ang araw at ang mg̃a santóng larawan ay mg̃a manglalarò ng̃ chapdiquí na nang̃ahubarán; ng̃unì’t ¡ang hindî pagsipót ng̃ mg̃a prayle na nátaón pa namán sa pagtanggáp niyá ng̃ mg̃a bagong bagay!
Sa bilin ng̃ isáng provincial na kaibigan niyá, ay ipinagbawal ni Quiroga sa kaniyáng mg̃a bahay na pinaglálarûán ng̃ liampó at chapdikí ang pagpasok ng̃ sino mang indio na hindî dating kilalá; ang magiging konsul ng̃ insík ay nang̃ang̃ambáng bakâ nakawin ang salapîng ipinatatalo roon ng̃ mg̃a mahihirap. Matapos na maihandâ ang kaniyáng tindahan na mangyayaring biglâng ilapat ang mg̃a pintô sa isáng sandalî, ay napaabay sa isáng bantay na veterana sa maiklîng pag-itan ng̃ bahay ni Simoun sa kaniyáng bahay. Inakalà ni Quiroga na iyon ang sandalîng lalòng kapit upang gamitin ang mg̃a baríl at punglô na nasa kaniyáng imbakan, alinsunod sa paraang sinabi sa kaniyá ng̃ manghíhiyás: maaasahang sa mg̃a araw na súsunód ay ipag-uutos ang paghalughóg sa mg̃a baháybaháy at sa gayó’y gaano ang mábibilanggô, gaano ang taong sa katakutan ay hindî ibibigáy ang lahát ng̃ naiimpók! Yaón ang paraan ng̃ mg̃a dating carabinero, na nagsusulót sa mg̃a silong ng̃ bahay ng̃ mg̃a tabako at dahong ipinagbabawal, pagkatapos ay magpapakunwarîng manghahalughóg at pipilitin ang kahabághabág na may bahay na sumuhol ó magmultá! Ang kaibhán ng̃â lamang ay sa dahiláng lalòng naaayos ang paraan, at sa dahiláng hindî na pigíl ang tabako ay ang mg̃a armás na bawal namán ang ginagamit sa ng̃ayón!
Ng̃unì’t si Simoun ay ayaw makipagkita sa kanino man at ipinasabi kay insík Quiroga na bayaan sa pagkakalagáy ang mg̃a bagay na iyon, kayâ’t tinung̃o ng̃ insík si D. Custodio upang itanóng kung nararapat ó hindî nararapat balutihan ang kaniyáng tindahan, ng̃unì’t si D. Custodio man ay ayaw ring tumanggáp ng̃ dalaw: kasalukuyang pinag-aaralan ang isáng munakalàng ukol sa pagtatanggól, sakalìng siya’y makubkób ng̃ kalaban. Náalaala si Ben-Zayb upang hing̃án ng̃ balità; ng̃unì’t nang mátagpûang nakabalutî mulâ sa ulo hanggáng paa at dalawáng rebolber ang ginagamit na pabigát sa mg̃a papel ay dalìdalìng nagpaalam si Quiroga at umuwî sa kaniyáng bahay, at nahigâng dinahilán na masamâ daw ang kaniyáng katawán.
Nang iká apat ng̃ hapon ay hindî na mg̃a paskín lamang ang sang-usap-usapan. Umaling̃awng̃áw na ang mg̃a nag-aaral at ang mg̃a taga bundók S. Mateo ay nang̃agkakaalám; pinatítibayang pinagsumpâanan sa isáng magpapansít na biglâng lulusubin ang Maynilà; nábanggít ang mg̃a pangdigmâng dagat ng̃ mg̃a alemán, na nasa sa labás ng̃ dagat Maynilà, na tutulong sa kilusán; isáng pulutóng na kabinataan ang umanó’y tumung̃o sa Malakanyáng upang humandóg sa General, na ang dinahilán ay ang pagtutol sa kagagawán at ang kaniláng pagkamakakastilà, ng̃unì’t ipinapiít na lahát sapagkâ’t nakitang mg̃a batbát ng̃ sandata. Iniligtás ng̃ kalawing̃ì ang General, na pinigil na matanggáp yaóng mg̃a batàngbatà pa’y taksíl na, dahil sa noón ay nakikipag-usap sa mg̃a Provincial, sa Vice Rector at kay P. Irene, na kinatawán ni P. Salvi. May katunayan ang mg̃a aling̃awng̃áw na itó kung paniniwalàan natin si P. Irene, na dumalaw ng̃ hapong iyon kay kapitáng Tiago. Alinsunod sa kaniyá, ay may mg̃a taong nag-uudyók sa Capitán General na samantalahín ang pangyayaring yaon upang takutin at bigyán na ng̃ isáng mabuting aral ang mg̃a binatàng pilibustero.
—Barilín ang ilán—anáng isá—mg̃a dalawáng pû’t apat na makabago na ipadaláng agád sa tatapunán at sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí, ay makaaapulà na ng̃ lubusan sa sigabó ng̃ kalooban ng̃ mg̃a walâng kasiyahang loób!
—Huwag,—ang tugón ng̃ isáng may mabuting pusò,—sukat nang ang mg̃a kawal ay palibutin sa mg̃a lansang̃an, ang batallón ng̃ mg̃a kábayuhan sa halimbawá, na mg̃a bunót ang sable; sukat nang kaladkarín ang iláng kanyón.... sukat na iyón! Ang bayan ay nápakamatatakutín at ang lahát ay mang̃agsisípasok sa kaníkaniláng bahay.
—Huwag, huwag,—ang palagáy ng̃ isá,—itó ang panahóng kapit upang pawìin ang kalaban; hindî sukat ang mang̃agsipasok sa kaniláng pamamahay, kailang̃ang palabasín, na gaya ng̃ masasamâng sing̃áw, sa pamagitan ng̃ mg̃a parapit. Kung hindî mang̃akapang̃ahás na gumawâ ng̃ guló, ay dapat na silá’y udyukán sa tulong ng̃ mg̃a sugòng hahamon.... Inaakalà kong ang nárarapat ay ihandâ ang mg̃a kawal at magkunwarîng nagpapabayà at nagwawalâng bahalà, upang mang̃agsitapang at pangyayari ng̃ anománg kaguluhan ay piyapisin na nang boông tindí!
—Ang layon ay siyáng nagbibigay katuturán sa mg̃a paraan,—ang sabi ng̃ isá pa,—ang layon natin ay ang ating banál na Relihión at ang katibayan ng̃ Inang bayan. Ihayág ang estado de sitio, at sa anománg muntîng kaguluhan ay paghulihín ang mg̃a mayayaman at mg̃a marurunong.... at linisin ang bayan!
—Kung hindî akó dumatíng sa panahón upang pagpayuhan ng̃ pagdadahandahan—ang dugtóng ni P. Irene, na ang hinaráp ay si kapitáng Tiago,—ay tiyák nang umaagos ng̃ayón ang dugô sa mg̃a lansang̃an. Ang naaalaala ko ay kayó, kapitán.... Ang pangkát ng̃ mg̃a masisidhî ay walâng nápalâng gaano sa General, kayâ’t nang̃anghihinayang dahil sa pagkawalâ ni Simoun.... ¡Ah! kung hindî nagkasakít si Simoun....
Ang pagkahuli kay Basilio at ang paghalughóg na ginawâ pagkatapos sa kaniyáng mg̃a aklát at mg̃a papel, ay nakapagpalubhâng lalò kay kapitáng Tiago. Ng̃ayó’y dinagdagán pa ni P. Irene ang kaniyang sindák sa pagsasalaysáy ng̃ mg̃a bagay na nakapang̃ing̃ilabot. Ang kahabághabág ay pinasukan ng̃ isáng matindíng pagkatakot na náhalatâ muna dahil sa isáng mahinàng pang̃ing̃iníg, na untîuntîng lumálakás hanggáng sa siyá’y hindî na nakapang̃usap. Nang̃akadilat ang mg̃a matá, pawisán ang noo, pumigil sa bisig ni P. Irene, nagtangkâng bumang̃on; ng̃unì’t hindî mangyari at matapos na makaung̃ol ng̃ makálawá ay biglâng bumagsák sa ibabaw ng̃ unan. Nang̃akadilat ang matá ni kapitang Tiago at sumasago ang laway: patáy na. Sa pagkasindák ni P. Irene ay tumakbó, ng̃unì’t sa dahiláng kumapit sa kaniyá ang patáy ay nakaladkád niyá at nápaalís sa hihigán sa kaniyáng pagtakas, at naiwan sa gitnâ ng̃ silíd.
Nang kinágabihán ay umabot na sa lalòng sidhî ang katakután. May iláng pangyayari na nag-udyók sa mg̃a matatakutín sa paniniwalàng mayroóng mg̃a sugòng nanghahamon.
Dahil sa isáng binyagan, ay naghagis ng̃ kauntìng kualta sa mg̃a batà at sukat nang maasahan na nagkaroón ng̃ kauntìng kaguluhan sa pintô ng̃ simbahan. Nátaón namáng náparaán doón ang isáng mabalasik na militar, na may iniisip mandín, na inakalàng ang kaguluhan ay isá nang pagsalakay ng̃ mg̃a pilibustero, kayâ’t piniyapis ng̃ sable ang mg̃a batà, pumasok sa simbahan, at kung hindî nagkasalásalabíd sa tabing na nakasabit sa coro ay pinagpupugután sana ng̃ ulo ang lahát ng̃ naroón. Makita ang gayón ng̃ mg̃a matatakutín at magpanakbuhang ipinamamalità na ang himagsikan ay magsísimulâ na, ay bagay na nangyari sa isáng sandalî. Daglîdaglîng nagsarahan ang mg̃a pintô ng̃ mang̃ilán-ng̃iláng tindâng naiiwang bukás, may mg̃a insík na nakaiwan sa labás ng̃ mg̃a piesa ng̃ kayo, at hindî kakauntîng babai ang nawalán ng̃ sinelas dahil sa pagtakbó sa mg̃a lansang̃an. Salamat na lamang at íisá ang nasugatan at ilán ang nasaktán, na isá na ng̃â sa kanilá ang militar nang masubasob dahil sa pakikipagtunggalî sa tabing na may amóy balabal ng̃ pilibusterismo. Ang gayóng kabayanihan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ kabunyîán, at isáng kabunyîáng malinis, na ¡harì na ng̃âng ang lahát ng̃ kabantugan ay makuha sa gayóng paraan! ang mg̃a iná’y hindî na lubhâng íiyák at lalò pa sanang marami ang tao sa mundó!
Sa isáng arrabal ay nakakita, ang mg̃a naninirahan doon, ng̃ dalawá kataong nagbábaón ng̃ armás sa silong ng̃ isáng bahay na tablá. Naguló ang nayon; tinangkâ ng̃ mg̃a naninirahan na habulin ang dalawáng táong iyon na hindî kilalá upang patayín at iharáp sa mg̃a may kapangyarihan, ng̃unì’t sínawatâ silá ng̃ isáng kapit-bahay at sinabing sukat na ang iharáp sa tribunal ang sanhî ng̃ kasalanan. Sakâ ang mg̃a armás namán ay matatandâng baríl na tiyak na makasusugat sa magtangkâng gumamit noon.
—¡Siya!—ang sabi ng̃ isáng matapang—kung ibig na tayo’y manghimagsík ay ¡sulong!
Ng̃unì’t ang matapang ay nilambanog ng̃ palò at suntók, pinagkukurót ng̃ mg̃a babai na warìng siya ang may arì ng̃ mg̃a baríl.
Sa Ermita ay lalòng mahigpít ang nangyari, kahì’t hindî lubhâng nábalità, gayóng nagkaroon pa ng̃ putukan. Isáng kawaníng nápakamaing̃at na nagbalutîng mabuti ay nakakita, nang magtatakíp-silim, ng̃ isáng bulto sa kalapít ng̃ kaniyáng bahay; inakalà na niyáng buôngbuô na yaon ay isáng nag-aaral, kayâ’t pinaputukán ng̃ dalawáng putók ng̃ rebolber. Nang makita ang bulto pagkatapos ay isá paláng beterana, kayâ’t inilibing at, pax Christi! Mutis!
Sa Dulungbayan ay umugong din ang iláng putók na ang nápatáy ay isáng kaawàawàng matandâng bing̃í na hindî nakading̃íg sa quien vive ng̃ bantáy, at isáng baboy na nakading̃íg ng̃unì’t hindî sumagót ng̃ España. Ang matandâ’y hindî náilibíng kaagad sapagkâ’t walâng maibayad sa simbahan, at ang baboy ay pinagkainanan.
Sa loob ng̃ Maynilâ, sa isáng tindahan ng̃ matamís na kalapít ng̃ Unibersidad, na lagìng dinadayo ng̃ mg̃a nag-aaral, ay pinag-uusapan ang mg̃a pagkakáhulihán, sa ganitóng ayos:
—¿Ya cogí ba con Tadeo?—ang tanóng ng̃ babaing may arì ng̃ tindahan.
—Abá, ñora,—ang sagót ng̃ isáng nag-aaral na nátitirá sa Parian,—pusilau ya!
—¡Pusilau! ¡Naku! No pa ta pagá conmigo su deuda.
—¡Ay! no jablá vos puelte, ñora, bakâ pa de quedá vos cómplice. ¡Ya quemá yo ng̃â el libro que ya dale prestáu conmigo! ¡Bakâ pa de riquisá y de encontrá! ¡anda vos listo, ñora!
—¿Ta quedá dice preso Isagani?
—Loco-loco también aquel Isagani,—ang sabing namumuhî ng̃ nag-aaral;—no sana de cogí con ele, ta andá pa presentá! ¡Oh, bueno ng̃â, que topá rayo con ele! ¡Siguro pusilau!
Kinibít ng̃ babai ang balikat.
—¡Conmigo no ta debí nada! ¿Y cosa de jasé Paulita?
—No di faltá novio, ñora. Siguro de llorá un poco, luego de casá con un español.
Ang gabíng iyón ay nagíng isá sa mg̃a lalòng malulungkót. Sa mg̃a baháybaháy ay nagdadasál ng̃ rosario at may mg̃a maawâíng babaing nagpapatungkól na ng̃ mahahabàng padrenuestro at mg̃a requiem sa kaluluwa ng̃ mg̃a kamag-anak nilá’t kaibigan. Ika waló pa lamang ng̃ gabí’y bahagyâ nang makakita ng̃ mang̃isáng̃isáng naglálakád; maminsan minsan ay nakakading̃íg ng̃ takbó ng̃ isáng kabayo na ang tagiliran ay nápapalòng malakás ng̃ isáng sable, pagkatapos ay pasuwít ng̃ mg̃a tanod, mg̃a sasakyáng matutulin ang takbó na warìng hinahabol ng̃ kawan ng̃ mg̃a pilibustero.
Gayón man, hindî sa lahát ng̃ pook ay naghaharì ang pang̃ambá.
Sa plateríang tinitirahán ni Plácido Penitente ay pinag-uusapan din ang mg̃a pangyayari at pinagtatalunan nang may kauntîng layà.
—¡Hindî akó naniniwalà sa mg̃a paskín!—ang sabi ng̃ isáng manggagawàng payát at tuyô na sa kágagamit ng̃ tsukoy;—sa ganáng akin, ay kagagawán iyan ni P. Salvi!
—¡Ehém, ehém!—ang ubó ng̃ maestro platero na, sa pang̃ing̃ilag na pang̃anláng duwag, ay hindî makapang̃ahás na putlín ang pag-uusap. Ang kaawaawàng tao’y nag-uuubó na lamang, kikindatán ang manggagawà at titing̃ín sa daan, na warìng ibig sabihin na:—¡Bakâ tayo masubukan!
—¡Dahil sa opereta!—ang patuloy ng̃ manggagawà.
—¡Ohó!,—ang bulalás ng̃ isáng mukhâng tang̃á;—sinasabi ko na ng̃â! Kayâ’t....
—¡Hm!—ang tugón ng̃ isáng tagasulat na may anyông pagkahabág,—ang ukol sa mg̃a paskín ay totoo, Chichoy, ng̃unì’t ipaliliwanag ko sa iyo!
At idinugtóng na ang ting̃ig ay matalinghagà:
—¡Yaón ay isáng kagagawán ni insík Quiroga!
—¡Ehém, ehém!—ang ulit na ubó ng̃ maestro na inilipat sa kabilâng pisng̃í ang sapá ng̃ hitsóng nasa bibíg.
—¡Paniwalàan mo akó, Chichoy, kagagawán ni insík Quiroga iyán! Náding̃íg ko sa aking pinápasukan.
—¡Nakú, siguro ng̃â!—ang bulalás ng̃ tang̃á, na agád nang naniwalà.
—Si Quiroga—ang patuloy ng̃ tagasulat,—ay may isáng daang libong pisong pilak mehikano, sa bahía. ¿Papano ang pagpapasok? Hindî maliwag; ginawâ ang mg̃a paskín, na sinamantalá ang usap ng̃ mg̃a nag-aaral, at samantalang ang lahát ng̃ tao’y nagúguló, ¡pum! pinadulasán ang mg̃a kawaní at nakaraan ang mg̃a kaha!
—¡Siya ng̃â, siya ng̃â!—ang bulalás ng̃ mapaniwalâín na sumuntók sa ibabaw ng̃ dulang.—¡Siya ng̃â! Kayâ palá si insík Quiroga...... ¡Kayâ!
At nápahintô dahil sa hindî maalaman kung anó ang sasabihing ukol kay insík Quiroga.
—¿At tayo ang magbabayad ng̃ kaniláng kagagawán?—ang tanóng ni Chichoy na nagagalit.
—¡Ehém, ehém, ehhhém!—ang ubó ng̃ platero na nakáding̃íg ng̃ lumálapít na yabág sa daan.
Tunay ng̃â, ang mg̃a yabág ay lumálapít at nang̃agsihintô ang mang̃a sa loob ng̃ platería.
—Si San Pascual Bailon ay isáng dakilàng banál,—ang sabing malakás na pakunwarîng nagbabanálbanalan ang platero, na kinindatán ang ibá;—si San Pascual Bailon....
Nang sandalîng iyón ay dumung̃aw ang mukhâ ni Plácido Penitente, na kasama ang manggagawâ ng̃ kastillo na ating nakitang tumanggáp ng̃ utos kay Simoun. Linibid ng̃ lahát ang mg̃a bagong datíng at tinanóng ng̃ mg̃a balíbalità.
—Hindî ko nakausap ang mg̃a bilanggô—ang tugón ni Plácido,—may mg̃a tatlóng pû!
—¡Mang̃agsihandâ kayó!—ang dugtóng ng̃ magkakastilló na nakipagsulyapan ng̃ may kahulugán kay Plácido,—sinasabing sa gabíng itó’y magkakaroón ng̃ katakot-takot na pugután......
—¿Ha? ¡Lintík!—ang bulalás ni Chichoy, na luming̃ap ng̃ sandata, ng̃unì’t nang walâng mákita, ay sinunggabán ang kaniyáng tsukoy.
Ang maestro ay umupô; ang kaniyáng mg̃a paá’y nang̃ang̃alóg. Nákinikinitá nang mapaniwalâín na ang ulo niyá’y pugót, at umiíyák na dahil sa mangyayari sa kaniyáng kaanák.
—¡She!—ang sabi ng̃ taga-sulat;—¡hindî magkakaroón ng̃ pugután! Ang taga udyók ng̃—at humudyát ng̃ may kahulugán—ay salamat at may sakít.
—¡Si Simoun!
—¡Ehém, ehém, ehhhém!
Si Plácido at ang magkakastilló ay mulîng nagting̃inan.
—Kung iyán ay hindî nagkasakít....
—Ay gágawâ ng̃ isáng warì’y himagsikan!—ang dugtóng na pawalâng bahalà ng̃ magkakastilló, samantalang idinuduldol ang isáng sigarilyo sa itaás ng̃ tubo ng̃ kinke—at ¿anó ang gagawín natin kung gayón?
—Totohanin na, sapagkâ’t yamang pupugutan na rin lamang tayo......
Ang malakás na ubóng sumasál sa platero ay nakapigil na máding̃íg ang karugtóng ng̃ salitâ. Marahil ay kakilakilabot na bagay ang pinagsabí ni Chichoy, sapagkâ’t umanyông mámamatay at ang mukhâ’y anyông hapón na pápatay ng̃ tao.
—Ang sabihin ninyó’y nagpapakunwarîng may sakit sapagkâ’t natatakot na lumabás! Kapag nákita ko siyá....
Mulîng sinasál ng̃ matindíng ubó ang maestro at natuluyan nang pamanhikán ang lahát na mang̃ag-uwîan.
—Gayón man ay humandâ kayó, humandâ kayó,—ang sabi ng̃ magkakastilló—Kung pipilitin tayo sa pumatáy ó mamatáy....
Isá pang ubó ang sumasál sa kaawàawàng may pagawâan at ang mg̃a manggagawà ay nang̃ag-uwìan sa kaníkaniláng bahay na may daláng pamukpók, bandili at ibá pang kasangkapang maipang-iiwà ó maipamamalò, at humandâng ipaglabang mabuti ang kaniláng buhay. Si Plácido at ang manggagawà ng̃ kastillo ay mulîng nagsialís.
—¡Pag-iing̃at, pag-iing̃at!—ang bilin ng̃ maestro na ang ting̃ig ay warìng sa umiiyak.
—¡Kayó na lamang ang bahalà sa aking balo at mg̃a mauulilang anák!—ang samò ng̃ mapaniwalâin na ang ting̃ig ay lálò pa mandíng baság.
Nakikinikinitá na ng̃ kahabághabág na sa katawán niya’y lusútlusutan ang punlô at nálilibíng na siyá.
Nang gabíng yaón ay pinalitán ng̃ mg̃a artillerong kastilà ang mg̃a tanod sa mg̃a pintô ng̃ loob ng̃ Maynilâ, at nang kinabukasan, ng̃ dumudung̃aw na ang mg̃a unang liwanag, si Ben-Zayb, na nang̃ahás na maglakád upang tingnán ang kalagayan ng̃ mg̃a kutà, ay nakátagpô sa glacis na malapit sa Luneta ng̃ bángkáy ng̃ isáng india na magdadalagá, na, halos hubád at nakabulagtâ roong nag-iisá. Si Ben-Zayb ay nalunusan at matapos na matangkî ng̃ kaniyáng tungkód ang patáy at makating̃ín ng̃ tung̃o sa mg̃a pintô, ay ipinatuloy ang kaniyáng lakad, na iniisip na gumawâ ng̃ isáng mapanimdím na kabuhayan dahil sa pangyayaring yaón. Gayón man, ni isáng pahiwatig man lamang ay walâng lumabás sa mg̃a pahayagan sa mg̃a araw na sumúsunód, na ang inatupag ay ang mg̃a pagkakadapâ’t pagkakadupilas na gawâ ng̃ mg̃a balát ng̃ saging, at, sa dahiláng walâng maibalità, si Ben-Zayb man ay nagpakaluritlurit sa pagsasalaysáy ng̃ isáng dumaang bagyó sa Amérika, na sumirà sa mg̃a bayan at nakamatáy ng̃ mahigít sa dalawáng libo katao. Kasama ng̃ iláng pasarìng ay sinabi niyang:
“Ang pagkamahabagin, NA LALONG BUHAY SA MAÑGA BAYANG KATÓLIKO KAY SA IBANG BAYAN, at ang alaala Niyong sa udyók din noon ay naghirap dahil sa sangkatauhan, sa amin ay nagpakilos (sic) sa pagkahabág sa mañga kasawian nang ating kapuwa at idalañgin upang sa lupaing itó, na salantangsalanta sa mañga bagyó, ay huwag maulit ang mañga kasakitsakit na pangyayaring napagmasdán nang mañga naninirahan sa Estados Unidos.”
Hindî pinaraan ni Horatius ang pagkakátaón at hindî rin tinukoy ang mg̃a patáy, ni ang kaawàawàng indiang inutás, ni ang mg̃a kapaslang̃án, ay sinagót si Ben-Zayb sa kaniyang Pirotecnia ng̃:
“Matapos ang gayong karaming pagkahabág at pagliñgap sa katauhan, si Fray Ibañez, itóng, si Ben-Zayb, ay nanirá sa pagdalañging patungkol sa Pilipinas.
Ñguni’t maaaninawan ang gayón.
Sapagka’t hindi siya katóliko at ang pagkamahabagin ay lalong buháy, at ibp.”