Noli Me Tangere
.....Ang Doctor De Espadaña at ang canyang guinoong asawa ang "Doctora" Doña Victorina ...—Imp. de M Fernández, Paz 447, Sta. Cruz.

—¿Nang mg̃a insíc? ¿Nasisirà bâ ang isip ninyo?—ang sabi ni Fr. Dámaso,—¡Tumahán ng̃â cayó! ¡Ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora'y isang franciscano, isá sa aming samahan, Fr. Hindî co maalaman Savalls, ng̃ siglong ... ¡icapitó!

—¡Isang franciscano! Marahil naguíng misionero sa China, ang párì Savalls na iyan—ang itinutol ng̃ guinoong babae na hindî ipinatatalo ng̃ gayongayon lamang ang canyang mg̃a isipan.

—Marahil Schwartz[84] ang ibig pô ninyong sabihin, guinoong babae—ang itinugón namán ni Fr. Sibyla, na hindî man lamang siya tinítingnan.

—Hindî co maalaman; sinabi ni Fr. Dámasong Savalls: walâ acóng guinawâ cung dî inulit co lamang ang canyang sinalitâ.

—¡Magalíng! Savalls ó Chevás, ¿eh anó ng̃ayon? ¡Hindî dahil sa isáng letra ay siya'y maguiguing insíc!—ang mulíng sinaysay na nayáyamot ang franciscano.

—At ng̃ icalabing-apat na siglo at hindî ng̃ icapitó—ang idinugtóng ng̃ dominico, na ang anyo'y parang sinásala ang camalìan at ng̃ pasakitan ang capalaluan niyong isáng fraile.

—¡Mabuti, datapuwa't hindî sa paglalabis cumulang ng̃ isáng siglo'y siya'y maguiguing dominico na!

—¡Abá, howag pô sanang magalit ang cagalang̃án pô ninyo!—ani párì Sibylang ng̃umíng̃itî.—Lalong magalíng cung siya ang nacátuclas ng̃ paggawâ ng̃ pólvora, sa pagca't sa gayo'y naibsan na niya sa pagcacapagod sa gayóng bagay ang canyang mg̃a capatíd.

—¿At sinasabi pô ninyo, párì Sibyla, na nangyari ang bagay na iyón ng̃ icalabíng apat na siglo?—ang tanóng na malakí ang nais na macatalós ni Doña Victorina—¿ng̃ hindî pa ó ng̃ macapagcatawáng tao na si Cristo?

Pinalad ang tinátanong na pumasoc sa salas ang dalawang guinoo.

Decorative motif

Decorative motif

II.

CRISOSTOMO IBARRA

Hindî magagandá at mabubuting bíhis na mg̃a dalaga upang pansinín ng̃ lahat, sampô ni Fr. Sibyla; hindî ang cárilagdilagang Capitan General na casama ang canyang mg̃a ayudante upang maalís sa pagcatigagal ang teniente at sumalubong ng̃ ilang hacbáng, at si Fr. Dámaso'y maguíng tila nawal-an ng̃ díwà: sila'y walâ cung dî ang "original" ng̃ larawang naca frac, na tang̃an sa camáy ang isáng binatang luksâ ang boong pananamit.

—¡Magandang gabí pô, mg̃a guinoo! ¡Magandang gabí pô "among"[85]!—ang unang sinabi ni Capitang Tiago, at canyáng hinagcan ang mg̃a camáy ng̃ mg̃a sacerdote, na pawang nacalimot ng̃ pagbebendicion. Inalís ng̃ dominico ang canyang salamín sa mata upang mapagmasdan ang bagong datíng na binatà at namumutlâ si Fr. Dámaso at nangdídidilat ang mg̃a matá.

—¡May capurihan acóng ipakilala pô sa inyó si Don Crisòstomo Ibarra, na anác ng̃ nasirà cong caibigan!—ang ipinagpatuloy ni Capitang Tiago.—Bagong galing sa Europa ang guinoong ito, at siya'y aking sinalubong.

Umaling̃awng̃aw ang pagtatacá ng̃ máring̃ig ang pang̃alang ito; nalimutan ng̃ tenienteng bumatì sa may bahay, lumapit siya sa binatà at pinagmasdan niya ito, mulâ sa paa hanggang ulo. Ito'y nakikipagbatian ng̃ mg̃a ugaling salitâ ng̃ sandalíng iyon sa boong pulutóng; tila mandin sa canya'y walang bagay na naíiba sa guitnâ ng̃ salas na iyon, liban na lamang sa canyang pananamít na itím. Ang canyang taas na higuít sa caraniwan, ang canyang pagmumukhâ, ang canyang mg̃a kílos ay pawang naghahalimuyac niyang cabataang mainam na pinagsabay inaralan ang catawa't cálolowa. Nababasa sa canyang mukháng bucás at masayá ang cauntíng bacás ng̃ dugong castilà na naaaninag sa isang magandáng culay caymanggui, na mapulapulá sa mg̃a pisng̃i, marahil sa pagcápatira niya sa mg̃a bayang malalamíg.

—¡Abá!—ang biglang sinabi sa magalác na pagtatacá—¡ang cura ng̃ aking bayan! ¡Si parì Dámaso: ang matalic na caibigan ng̃ aking amá!

Nang̃agting̃inang lahat sa franciscano: ito'y hindi cumilos.

—¡Acó po'y pagpaumanhinan ninyó, aco'y nagcámali!—ang idinugtong ni Ibarra, na ga nahihiyâ na.

—¡Hindî ca nagcámali!—ang sa cawacasa'y naisagot ni Fr. Dámaso, na sirâ ang voces.—Ng̃uni't cailan ma'y hindî co naguíng caibigang matalic ang iyong amá.

Untiunting iniurong ni Ibarra ang canyang camáy na iniacmáng humawac sa camáy ni parì Dámaso, at tiningnan niya itó ng̃ boong pangguiguilalas; luming̃ón at ang nakita niya'y ang mabalasic na anyô ng̃ teniente, na nagpapatuloy ng̃ pagmamasíd sa canya.

—Bagongtao, ¿cayó po bâ ang anác ni Don Rafael Ibarra?

Yumucód ang binatà.

Ga tumindíg na sa canyang sillón si Fr. Dámaso at tinitigan ang teniente.

—¡Cahimanawarî dumatíng cayong malualhatì dito sa inyong lupaín, at magtamó nawâ pô cayó ng̃ lalong magandang palad cay sa inyong ama!—ang sabi ng̃ militar na nang̃ing̃inig ang voces. Siya'y aking nakilala at nácapanayam, at masasabi cong siya'y isa sa mg̃a taong lalong carapatdapat at lalong may malinis na capurihán sa Filipinas.

—Guinoo—ang sagót ni Ibarrang nababagbag ang púsò—ang inyo pong pagpuri sa aking amá ay pumapawì ng̃ aking mg̃a pag-alap-ap tungcol sa caniyang kinahinatnang palad, na aco, na canyang anác ay di co pa napagtátalos.

Napunô ng̃ lúhà ang mg̃a matá ng̃ matandà, tumalicód at umalís na dalídálì.

Napag-isa ang binata sa guitnâ ng̃ salas; at sa pagca't nawalâ ang may bahay, walâ siyang makitang sa canya'y magpakilala sa mg̃a dalaga, na ang caramiha'y tinitingnan siya ng̃ may pagling̃ap. Nang macapag-alinlang may iláng minuto, tinung̃o niya ang mg̃a dalagang tagláy ang calugodlugod na catutubong kilos.

—Itulot ninyo sa aking lacdang̃an co—anya—ang mg̃a utos ng̃ mahigpit na pakikipagcapwa tao. Pitóng taón na ng̃ayong umalís acó rito sa aking bayan, at ng̃ayong aco'y bumalíc ay hindi co mapiguilan ang nasang aco'y bumáti sa lalong mahalagang hiyas niya; sa canyang mg̃a suplíng na babae.

Napilitan ang binatang lumayò roon, sa pagca't sino man sa mg̃a dalaga'y waláng nang̃ahás sumagot. Tinung̃o niya ang pulutóng ng̃ ilang mg̃a guinoong lalaki, na ng̃ mámasid na siya'y dumarating ay nang̃agcabilog.

Mg̃a guinoo—anya—may isang caugalían sa Alemaniang pagca pumaparoon sa isang capisanan, at walang masumpung̃ang sa canya'y magpakilala sa mg̃a ibá; siya ang nagsasabi ng̃ canyáng pang̃alan at napakikilala, at sumasagot naman ang mg̃a causap ng̃ sa gayón ding paraan. Itúlot pô ninyó sa akin ang ganitóng ugálì; hindî dahil sa ibig cong dito'y magdalá ng̃ mg̃a asal ng̃ mg̃a tagá ibáng lupain, sa pagca't totoong magaganda rin naman ang ating mg̃a caugalian, cung dî sa pagca't napipilitan cong gawín ang gayong bagay. Bumati na acó sa lang̃it at sa mg̃a babae ng̃ aking tinubuang lúpà: ng̃ayo'y ibig cong bumati naman sa mg̃a cababayan cong lalaki. ¡Mg̃a guinoo, ang pang̃alan co'y Juan Crisóstomo Ibarra at Magsalin!

Sinabi naman sa canya ng̃ canyang mg̃a causap ang canicanilang mg̃a pang̃alang humiguit cumulang ang pagca walang cabuluhan, humiguit cumulang ang pagca hindî nakikilala nino man.

—Ang pang̃alan co'y A—á!—ang sinabi't sucat ng̃ isang binata at bahagya ng̃ yumucód.

—¿Bacâ po cayá may capurihan acong makipagsalitaan sa poetang ang mg̃a sinulat ay siyáng nacapagpanatili ng̃ marubdób cong pagsintá sa kinaguisnan cong bayan? Ibinalità sa aking hindî na raw po cayó sumusulat, datapuwa't hindî nila nasabi sa akin ang cadahilanan ...

—¿Ang cadahilanan? Sa pagcá't hindî tinatawag ang dakílang ning̃as ng̃ isip upang ipamalingcahod at magsinung̃alíng. Pinag-usig sa haráp ng̃ hucóm ang isang tao dahil sa inilagáy sa tulâ ang isang catotohanang hindi matututulan. Aco'y pinang̃alanang poeta, ng̃uni hindî aco tatawaguing ulól.

—At ¿mangyayari po bagang maipaunawà ninyo cung anó ang catotohanang yaon?

—Sinabi lamang na ang anac ng̃ león ay león din namán; cacaunti na't siya'y ipinatapon sana.

At lumayô sa pulutóng na iyón ang binatang may cacaibang asal.

Halos tamátacbo ang isáng táong masayá ang pagmumukhâ, pananamit filipino ang suot, at may mg̃a botones na brillante sa "pechera." Lumapit cay Ibarra, nakipagcamay sa canyá at nagsalitâ:

—¡Guinoong Ibarra, hinahang̃ad cong mákilala co pô cayó; caibigan cong matalic si Capitang Tiago, nakilala co ang inyóng guinoong amá ...; ang pang̃alan co'y Capitang Tinong, nanánahan aco sa Tundóng kinálalagyan ng̃ inyóng báhay; inaasahan cóng pauunlacán ninyó acó ng̃ inyóng pagdalaw; doon na pô cayó cumain búcas!

Bihág na bihág si Ibarra sa gayóng calakíng cagandahang loob: ng̃umíng̃itî si Capitang Tinong at kinucuyumos ang mg̃a camay.

—¡Salamat po!—ang isinagót ng̃ boong lugód.—Ng̃uni't pasasa San Diego po acó búcas ...

—¡Sáyang! ¡Cung gayo'y sacâ na, cung cayo'y bumalíc!

—¡Handâ na ang pagcain!—ang bigáy álam ng̃ isáng lingcod ng̃ Café "La Campana." Nagpasimulâ ng̃ pagpasamesa ang panauhín, bagá man nagpapamanhíc na totoo ang mg̃a babae, lalong lalò na ang mg̃a filipina.

Decorative motif

Decorative motif

III.

ANG HAPUNAN

Jele jele bago quiere,[86]

Tila mandîn totoong lumiligaya si Fr. Sibyla: tahimic na lumalacad at hindî na námamasid sa canyáng nang̃ing̃ilis at manipís na mg̃a labì ang pagpapawaláng halagá; hanggáng sa marapating makipagusap sa pilay na si doctor De Espadaña, na sumásagot ng̃ putól-putól na pananalitâ, sa pagcát siya'y may pagcá utál. Cagulatgulat ang samâ ng̃ loob ng̃ franciscano, sinisicaran ang mg̃a sillang nacahahadláng sa canyáng nilalacaran, at hanggáng sa sinicó ang isáng cadete. Hindî nagkikikibô ang teniente; nagsasalitaán ng̃ masayá ang ibá at caniláng pinupuri ang cabutiha't casaganàan ng̃ haying pagcain. Pinacunot ni Doña Victorina, gayón man, ang canyáng ilóng; ng̃uni't caracaraca'y luming̃óng malakí ang gálit, cawang̃is ng̃ natapacang ahas: mangyari'y natuntung̃an ng̃ teniente ang "cola" ng̃ canyáng pananamít.

—Datapuwa't ¿walâ pô bâ, cayóng mg̃a matá?—anyá.

—Mayroon pô, guinoong babae, at dalawáng lalóng magalíng cay sa mg̃a matá ninyó; datapowa't pinagmámasdan co pô iyang inyóng mg̃a culót ng̃ buhóc—ang itinugón ng̃ militar na iyong hindî totoong mápagparayâ sa babae, at sacâ lumayô.

Bagá man hindî sinasadya'y capuwâ tumung̃o ang dalawáng fraile sa dúyo ó ulunán ng̃ mesa, marahil sa pagca't siyáng pinagcaratihan nilá at nangyari ng̃â ang mahíhintay, na tulad sa nang̃agpapang̃agaw sa isáng cátedra[87]: pinupuri sa mg̃a pananalitâ ang mg̃a carapatán at cataásan ng̃ ísip ng̃ mg̃a capang̃agáw; datapua't pagdaca'y ipinakikilala ang pabaligtad, at nang̃ag-úung̃ol at nang̃ag-uupasalà cung hindî silá ang macapagtamó ng̃ caniláng hang̃ád.

—¡Ucol pô sa inyó, Fr. Dámaso!

—¡Ucol pô sa inyó, Fr. Sibyla!

—Cayo ang lalong unang cakilala sa bahay na itó ... confesor ng̃ nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may carapatán at may capangyarihan....

—¡Matandáng matanda'y hindî pa naman!—ng̃uni't cayo pô naman ang cura nitong bayan!—ang sagót na matabang ni Fr. Dámasong gayón ma'y hindî binibitiwan ang silla.

—¡Sa pagca't ipinag-uutos pô ninyó'y acó'y sumusunod!—ang iniwacás ni Fr. Sibyla.

—¡Aco'y hindî nag-uutos!—ang itinutol ng̃ franciscano—¡aco'y hindî nag-uutos!

Umuupô na sana si Fr. Sibylang hindî pinápansin ang mg̃a pagtutol na iyón, ng̃ macasalubong ng̃ canyang mg̃a matá ang mg̃a matá ng̃ teniente. Ang lalong mataas na oficial sa Filipinas, ayon sa caisipán ng̃ mg̃a fraile, ay totoong malakí ang cababaan sa isáng uldog na tagapaglútò ng̃ pagcain. "Cedant arma togæ"[88], ani Cicerón sa Senado; "cedant arma cotae"[89] anang mg̃a fraile sa Filipinas. Datapuwa't mapitagan si Fr. Sibyla, caya't nagsalitâ:

—Guinoong teniente, dito'y na sa mundo[90] po tayo at walâ sa sambahan; nararapat po sa inyo ang umupô rito.

Datapuwa't ayon sa anyô ng̃ canyang pananalita'y sa canya rin nauucol ang upuang iyón, cahi't na sa mundo. Ang teniente, dahil yatà ng̃ siya'y howag magpacagambalà, ó ng̃ huwag siyang umupô sa guitnâ ng̃ dalawáng fraile, sa maiclíng pananalita'y sinabing áyaw siyang umupô roon.

Alín man sa tatlóng iyo'y hindî nacaalaala sa may bahay. Nakita ni Ibarrang nanonood ng̃ boong galác at nacang̃itî sa mg̃a pagpapalamang̃ang iyón sa upuan ang may bahay.

—¡Bakit pô, Don Santiago! ¿hindi pô bâ cayó makikisalo sa amin?—ani Ibarra.

Ng̃uni't sa lahat ng̃ mg̃a upuan ay may mg̃a tao na. Hindî cumacain si Lúculo[91] sa bahay ni Lúculo.

—¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!—ani Capitang Tiago, casabay ng̃ pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang pagdiriwáng na ito'y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng pagdatíng. Nagpagawâ acó ng̃ "tinola" dahil sa inyó't marahil malaon ng̃ hindî ninyó nátiticiman.

Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking "fuente"[92]. Pagcatapos maibulóng ng̃ dominico ang "Benedícte"[93] na halos walâ sino mang natutong sumagot, nagpasimulâ ng̃ pamamahagui ng̃ laman ng̃ fuenteng iyon. Ng̃uni't ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay, tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ ng̃ maraming úpo at sabáw ay lumálang̃oy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác ng̃ inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá ng̃ mg̃a hità at dibdíb, lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang mg̃a atáy, balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob ng̃ inahíng manóc. Nakita ng̃ franciscano ang lahát ng̃ itó, dinurog ang mg̃a úpo, humigop ng̃ cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng itinulac ang pingga't inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc.

—¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?—ang tanóng ni Laruja cay Ibarra.

—Pitóng taón halos.

—!Aba! ¿cung gayó'y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito?

—Baligtád pô; bagá man ang kinaguisnan cong lupa'y tila mandin linilimot na acó, siyá'y laguì cong inaalaala.

—¿Anó po ang íbig ninyóng sabihin?—ang tanóng ng̃ mapuláng buhóc.

—Ibig cong sabíhing may isang taón na ng̃ayóng hindî aco tumátangap ng̃ ano mang balità tungcol sa bayang itó, hanggang sa ang nacacatulad co'y ang isang dî tagaritong hindî man lamang nalalaman cung cailan at cung paano ang pagcamatay ng̃ canyang ama.

—¡Ah!—ang biglang sinabi, ng̃ teniente.

—At ¿saan naroon pô cayo at hindî cayo tumelegrama?—ang tanong ni Doña Victorina.—Tumelegrama cami sa "Peñinsula"[94] ng̃ cami'y pacasal.

—Guinoong babae; nitong huling dalawang tao'y doroon aco sa dacong ibabâ ng̃ Europa, sa Alemania at sacâ sa Colonia rusa.

Minagaling ng̃ Doctor De Espadaña, na hanggá ng̃ayo'y hindî nang̃ang̃ahás magsalitâ, ang magsabi ng̃ cauntî:

—Na ... na ... nakilala co sa España ang isang polacong tagá, Va ... Varsovia, na ang pang̃ala'y Stadtnitzki, cung hindî masamâ ang aking pagcatandâ; ¿hindî pô bâ ninyó siya nakikita?—ang tanong na totoong kimî at halos namumula sa cahihiyan.

—Marahil pô—ang matamís na sagót ni Ibarra—ng̃uni't sa sandalîng itó'y hindî ko naaalaala siyá.

—¡Aba, hindî siyá maaring ma ... mapagcamal-an sa iba!—ang idinugtóng ng̃ Doctor na lumacás ang loob.—Mapulá ang canyáng buhóc at totoong masamáng mang̃astílà.

—Mabubuting mg̃a pagcacakilalanan; ng̃uni't doo'y sa casaliwàang palad ay hindî aco nagsasalitâ ng̃ isa man lamang wicang castílà, liban na lamang sa ilang mg̃a consulado.

—At ¿paano ang inyóng guinágawang pamumuhay?—ang tanong ni Doña Victorinang nagtátaca.

—Guinagamit co pô ang wícà ng̃ lupaíng aking pinaglálacbayán, guinoong babae.

—¿Marunong po bâ naman cayo ng̃ inglés?—ang tanong ng̃ dominicong natira sa Hongkong at totoong marunong ng̃ "Pidggin-English"[95], iyang halo-halong masamáng pananalitâ ng̃ wicà ni Shakespeare[96] ng̃ anác ng̃ Imperio Celeste[97].

—Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán ng̃ mg̃a táong inglés lamang ang sinásalitâ.

—At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?—ang tanóng ng̃ binatang mapulá ang buhóc.

—Pagcatapos ng̃ España, na siyang pang̃alawá cong Báyan, alín man sa mg̃a lupaín ng̃ may calayâang Europa.

—At cayó pong totoong maraming nalacbáy ... sabihin ninyó, ¿anó pô bâ ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?—ang tanóng ni Laruja.

Wari'y nag-isíp-ísíp si Ibarra.

—Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán?

—Sa halimbawà ... tungcól sa pamumuhay ng̃ mg̃a báyan ... sa búhay ng̃ pakikipanayám, ang lácad ng̃ pamamahalà ng̃ báyan, ang úcol sa religión, ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan....

Malaong nagdidilidili si Ibarra.

—Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa mg̃a báyang iyan, cung ibubucod ang sariling pagmamalakí ng̃ bawa't isá sa canyáng nación.... Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang canyáng historia, ang canyáng Exodo[98] cung mangyayaring masabi co itó, at pagcatapos ang nasusunduan co'y ang dapat mangyari: nakikita cong ang iguiniguinhawa ó ipinaghihirap ng̃ isáng baya'y nagmúmulâ sa canyáng mg̃a calayâan ó mg̃a cadilimán ng̃ isip, at yamang gayó'y nanggagaling sa mg̃a pagpapacahirap ng̃ mg̃a namamayan sa icágagalíng ng̃ calahatán, ó ang sa canilang mg̃a magugulang na pagca walang ibáng iniibig at pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan.

—At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?—ang itinanóng na nagtátawa ng̃ palibác ng̃ franciscano, na mulâ ng̃ pasimulàan ang paghapon ay hindî nagsásalita ng̃ anó man, marahil sa pagcá't siya'y nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha'y nalalaman iyán!

Nápating̃ín na lamang sa canyá si Ibarra't hindî maalaman cung anô ang sasabihin; ang mg̃a iba'y nang̃agtiting̃inan sa pagkatacá at nang̃ang̃anib na magcaroon ng̃ caguluhan.—Nagtátapos na ang paghapon, ang "cagalang̃án pô ninyo'y busóg na"—ang isásagot sana ng̃ binatà; ng̃uni't nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod:

—Mg̃a guinoo; huwág cayóng magtátaca ng̃ pagsasalitang casambaháy sa akin ng̃ aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin ng̃ acó'y musmós pa, sa pagcá't sa canyá'y para ring hindî nagdaraan ang mg̃a taón; datapowa't kinikilala cong utang na loob, sa pagcá't nagpapaalaala sa aking lubós niyóng mg̃a áraw na madalás pumaparoon sa aming báhay ang "canyáng cagalang̃án", at canyáng pinaúunlacan ang pakikisalo sa pagcain sa mesa ng̃ aking amá.

Sinulyáp ng̃ dominico ang franciscano na nang̃ang̃atal. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra at nagtindíg:

—Itulot ninyó sa aking acó'y umalís na, sa pagcá't palibhasa'y bago acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco'y áalis, marami pang totoong gágawín acóng mg̃a bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá ng̃ paghapon, cauntî lamang cung aco'y uminóm ng̃ alac at bahagyâ na tumítikim acó ng̃ mg̃a licor. ¡Mg̃a guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa España at Filipinas!

At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó'y hindî sinásalang. Tinularan siyá ng̃ Teniente, ng̃uni't hindî nagsasabi ng̃ anó man.

—¡Howág pô cayóng umalís!—ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang Tiago.—Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang sa báyang bágong cura, na santong tunay.

—¡Paririto acó búcas bago acó umalís. Ng̃ayo'y may gágawin acóng mahalagáng pagdalaw.

At yumao. Samantala'y nagluluwal ng̃ samâ ng̃ loob ang franciscano.

—¿Nakita na ninyó?—ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na ipinagcucucumpas ang cuchillo ng̃ himagas. ¡Iyá'y sa pagmamataas! ¡Hindî nilá maipagpaumanhíng silá'y mapagwicaan ng̃ cura! ¡Ang acalà nilá'y mg̃a taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha ng̃ pagpapadalá sa Europa ng̃ mg̃a bátà! Dapat ipagbawal iyán ng̃ gobierno.

—At ¿ang teniente?—ani Doña Victorinang nakikicampí sa franciscano—¡sa boong gabíng ito'y hindî inalís ang pagcucunót ng̃ pag-itan ng̃ canyáng mg̃a kilay; magalíng at tayo'y iniwan! ¡Matandâ na'y teniente pa hanggá ng̃ayón!

Hindî malimutan ng̃ guinoong babae ang pagcacabangguít sa mg̃a culót ng̃ canyáng buhóc at ang pagcacayapac sa "encañonado" ng̃ canyáng mg̃a "enagua."

Ng̃ gabíng yaó'y casama ng̃ mg̃a ibá't ibáng bagay na isinusulat ng̃ binatang mapulá ang buhóc sa canyáng librong "Estudios Coloniales," ang sumúsunod: "Cung anó't macahihilahil sa casayahan ng̃ isáng piguíng ang isáng liig at isáng pacpác sa pinggán ng̃ tinola." At casama ng̃ mg̃a iba't ibáng paunáwà ang mg̃a ganitó:—"Ang taong lalong waláng cabuluhán sa Filipinas sa isáng hapunan ó casayahan ay ang nagpapahapon ó nagpapafiesta: macapagpapasimulâ sa pagpapalayas sa may bahay at mananatili ang lahát sa boong capanatagán."—"Sa mg̃a calagayan ng̃ayón ng̃ mg̃a bagay bagay, halos ay isáng cagaling̃ang sa canilá'y gágawin ang huwág paalisín sa caniláng lupaín ang mg̃a filipino, at huwág man lamang turúan siláng bumasa"....

Decorative motif

Decorative motif

IV.

HEREJE AT FILIBUSTERO

Nag-aalinlang̃an si Ibarra. Ang hang̃in sa gabí, na sa mg̃a buwáng iyó'y caraniwang may calamigán na sa Maynilà, ang siyáng tila mandín pumawì sa canyáng noo ng̃ manipís na úlap na doo'y nagpadilím: nagpugay at huming̃á.

Nagdaraan ang mg̃a cocheng tila mg̃a kidlá't, mg̃a calesang páupahang ang lacad ay naghíhing̃alô, mg̃a naglálacad na tagá ibá't ibáng nación. Tagláy iyáng paglacad na hindî nang̃agcacawang̃is ang hacbáng, na siyáng nagpapakilala sa natitilihan ó sa waláng mágawà, tinung̃o ng̃ binatà ang dacong plaza ng̃ Binundóc, na nagpapaling̃ap-ling̃ap sa magcabicabilà na wari'y ibig niyáng cumilala ng̃ anó man. Yao'y ang mg̃a dating daan at mg̃a dating báhay na may mg̃a pintáng putî at azul at mg̃a pader na pinintahán ng̃ putî ó cung dilî caya'y mg̃a anyóng ibig tularan ang batóng "granito" ay masamâ ang pagcacáhuwad; nananatili sa campanario ng̃ simbahan ang canyáng relós na may carátulang cupás na; iyón ding mg̃a tindahan ng̃ insíc na iyóng may marurumíng tabing na násasampay sa mg̃a varillang bacal, na pinagbalibalicucô niyá isáng gabí ang isá sa mg̃a varillang iyón, sa pakikitulad niyá sa masasama ang pagcaturong mg̃a bátà sa Maynilà: sino ma'y waláng nagtowíd niyón.

—¡Marahan ang lacad!—ang ibinulóng, at nagtulóy siyá sa daang Sacristía.

Ang mg̃a nagbíbili ng̃ sorbete ay nananatili sa pagsigáw ng̃: ¡Sorbeteee! mg̃a huepe rin ang siyáng pang-ilaw ng̃ mg̃a dating nang̃agtítindang insíc at ng̃ mg̃a babaeng nagbíbili ng̃ mg̃a cacanin at mg̃a bung̃ang cahoy.

—¡Cahang̃ahang̃à!—ang sinabi niyá—¡itó rin ang insíc na may pitóng taón na, at ang matandáng babae'y ... siyá rin! Masasabing nanaguinip acó ng̃ gabíng itó sa pitóng taóng pagca pa sa Europa!.. at ¡Santo Dios! nananatili rin ang masamang pagcálagay ng̃ bató, na gaya rin ng̃ aking iwan!

At naroroon pa ng̃a't nacahiwalay ang bató sa "acera" ng̃ linílicuan ng̃ daang San Jacinto at daang Sacristía.

Samantalang pinanonood niyá ang catacatacáng pananatiling itó ng̃ mg̃a báhay at ibá pa sa báyan ng̃ waláng capanatilihán, marahang dumapò sa canyáng balicat ang isáng camáy; tumungháy siyá'y canyáng nakita ang matandáng Teniente na minámasdang siyáng halos nacang̃itî: hindî na tagláy ng̃ militar yaóng mabalasic niyáng pagmumukhâ, at walâ na sa canyá yaóng mg̃a kilay na totoong canyáng ikinatatang̃ì sa ibá.

—¡Bagongtao, magpacaing̃at cayó! ¡Mag-aral pô cayó sa inyóng amá—ang sinabi niyá.

—Ipatawad pô ninyó; ng̃uni't sa acalà co'y inyóng pinacamahál ang aking amá; ¿maaarì pô bang sabihin ninyó sa akin cung ano ang canyáng kináhinatnan?—ang tanóng ni Ibarra na siyá'y minámasdan.

—¿Bakit? ¿hindî pô bâ ninyó nalalaman?—ang tanóng ng̃ militar.

—Itinanóng co cay Capitáng Tiago ay sumagót sa aking hindî niyá sasabihin cung dî búcas na. ¿Nalalaman po bâ ninyó, sacalì?

—¡Mangyari bagá, na gaya rin namán ng̃ lahát! ¡Namatáy sa bilangguan!

Umudlót ng̃ isáng hacbáng ang binatà at tinitigan ang Teniente.

—¿Sa bilangguan? ¿sinong namatáy sa bilangguan?—ang itinatanóng.

—¡Abá, ang inyó pong amá, na nábibilanggô!—ang sagót ng̃ militar na may cauntíng pangguiguilalás.

—Ang aking amá ... sa bilangguan ... ¿napipiít sa bilangguan? ¿Anó pô ang wicà ninyó? ¿Nakilala pô bâ ninyó ang aking amá? ¿Cayó pô ba'y ...? ang itinanóng ng̃ binatà at hinawacan sa brazo ang militar.

—Sa acalà co'y hindî acó námamalî; si Don Rafael Ibarra.

—¡Siyá ng̃a, Don Rafael Ibarra!—ang marahang ùlit ng̃ binatà.

—¡Ang boong ísip co'y inyó pong nalalaman na!—ang ibinulóng ng̃ militar, na puspós ng̃ habág ang anyô ng̃ pagsasalitâ, sa canyáng pagcahiwatig sa nangyayari sa cálolowa ni Ibarra; ang acalà co'y inyóng ...; ng̃uni't tapang̃an ninyó ang inyóng loob! ¡dito'y hindî mangyayaring magtamóng capurihán cung hindî nabibilanggô!

—¡Dapat cong acaláing hindî pô cayó nagbíbirô sa akin—ang mulîng sinabi ni Ibarra ng̃ macaraan ang iláng sandalíng hindî siyá umíimic! ¿Masasabi pô bâ ninyó sa akin cung bakit siyá'y nasasabilangguan?

Nag-anyóng nag-iisip-isip ang militar.

—Ang aking ipinagtátacang totoo'y cung bakit hindî ipinagbigay alam sa inyó ang nangyayari sa inyóng familia.

—¡Binatà, mag-íng̃at pô cayó! ¡Mag-aral cayó sa inyóng amá!—anáng teniente sa canyá.—Imp. de M. Fernández Paz, 447, Sta Cruz.

—Sinasabi sa akin sa canyáng hulíng sulat, na may isáng taón na ng̃ayón, na huwág daw acóng maliligalig cung dî niya acó sinusulatan, sa pagcá't marahil ay totoong marami siyang pinakikialamán; ipinagtatagubilin sa aking magpatuloy acó ng̃ pag-aaral ... at ¡benebendicìonan acó!

—Cung gayó'y guinawâ niyá ang sulat na iyán sa inyó, bago mamatay; hindî malalao't mag-íisang taón ng̃ siyá'y aming inilibíng sa inyóng bayan.

—¿Anóng dadahilana't nábibilanggô ang aking amá?

—Sa cadahilanang totoong nacapagbíbigay puri. Ng̃uni't sumama pô cayó sa aki't acó'y paroroon sa cuartel; sasabihin có hang̃gáng tayo'y lumalacad. Cumapit pô cayó sa aking brazo.

Hindî nang̃ag-imican sa loob ng̃ sandalî; may anyóng nagdidilidili ang matandâ at wari'y hiníhing̃i sa canyáng "perilla,"[99] na hinihimashimas, na magpaalaala sa canyá.

—Cawang̃is ng̃ lubós pô ninyóng pagcatalastás—ang ipinasimulâ ng̃ pagsasalitâ—ang amá pô ninyó'y siyáng pang̃ulo ng̃ yaman sa boong lalawigan, at bagá man iniibig siyá't iguinagalang ng̃ marami, ang mg̃a ibá'y pinagtatamnan namán siyá ng̃ masamáng loob, ó kinaíinguitán. Sa casaliwàang palad, camíng mg̃a castilang naparito sa Filipinas ay hindî namin inuugalì ang marapat naming ugalíin: sinasabi co itó, dahil sa isá sa inyóng mg̃a nunong lalaki at gayón din sa caaway ng̃ inyóng amá. Ang waláng licát na paghahalihalilí, ang capang̃itan ng̃ asal ng̃ mg̃a matataas na púnò, ang mg̃a pagtatangkilic sa di marapat, ang camurahan at ang caiclîan ng̃ paglalacbay-bayan, ang siyáng may sála ng̃ lahát; pumaparito ang lalong masasamâ sa Península, at cung may isáng mabaít na máparito, hindî nalalao't pagdaca'y pinasásamâ ng̃ mg̃a tagarito rin. At inyóng talastasíng maraming totoong caaway ang inyóng amá sa mg̃a cura at sa mg̃a castílà.

Dito'y sandalíng humintô siyá.

—Ng̃ macaraan ang iláng buwán, búhat ng̃ cayó po'y umalís, nagpasimulâ na ang samàan ng̃ loob nilá ni párì Dámaso, na dî co masabi ang tunay na cadahilanan. Biníbigyang casalanan siyá ni párì Dámasong hindî raw siyá nagcucumpisal: ng̃ una'y dating hindî siyá nang̃ung̃umpisal, gayón ma'y magcaìbigan siláng matalic, na marahil natatandaan pa pô ninyó. Bucód sa rito'y totoong dalisay ang capurihán ni Don Rafael, at higuít ang canyáng pagcabanál sa maraming nang̃agcucumpisal at nang̃agpapacumpisal: may tinútunton siyá sa canyáng sariling isáng cahigpithigpitang pagsunód sa atas ng̃ magandáng asal, at madalás sabihin sa akin, pagca násasalitâ niyá ang mg̃a sámàang itó ng̃ loob: "Guinoong Guevara, ¿sinasampalatayanan po bâ ninyóng pinatatawad ng̃ Dios ang isáng mabigát na casalanan, ang isáng cusang pagpatáy sa cápuwâ táo, sa halimbáwà, pagcâ, nasabi na sa isáng sacerdote; na táo rin namáng may catungculang maglihim ng̃ sa canyá'y sinasaysay, at matacot másanag sa infierno, na siyáng tinatawag na pagsisising "atricion"? ¿Bucod sa duwag ay waláng hiyáng pumapanatag? Ibá ang aking sapantahà tungcól sa Dios—ang sinasabi niyá—sa ganáng akin ay hindî nasasawatâ ang isáng casam-an ng̃ casam-an din, at hindî ipinatatawad sa pamamag-itan ng̃ mg̃a waláng cabuluháng pag-iyác at ng̃ mg̃a paglilimós sa Iglesia." At inilálagáy niyá sa akin ang ganitóng halimbáwà:—"Cung aking pinatáy ang isáng amá ng̃ familia, cung dahil sa catampalasanan co'y nabao't nálugamì sa capighatìan ang isáng babae, at ang mg̃a masasayáng musmós ay naguíng mg̃a dukháng ulila, ¿mababayaran co cayâ ang waláng hanggang Catowiran, cung aco'y cusang pabitay, ipagcatiwalà co ang líhim sa isáng mag-iing̃at na howag máhayag, maglimós sa mg̃a cura na siyáng hindî tunay na nang̃agcacailang̃an, bumilí ng̃ "bula de composición," ó tumang̃istang̃is sa gabí at araw? ¿At ang bao at ang mg̃a ulila? Sinasabi sa akin ng̃ aking "conciencia"[100] na sa loob ng̃ cáya'y dapat acóng humalili sa táong aking pinatáy, ihandóg co ang aking boong lacás at hanggáng aco'y nabubuhay, sa icágagalíng ng̃ familiang itóng acó ang may gawâ ng̃ pagcapahamac, at gayón man, ¿sino ang macapagbibigay ng̃ capalít ng̃ pagsintá ng̃ amá?"—Ganyán ang pang̃ang̃atuwiran ng̃ inyó pong amá, at ang anó mang guinagawa'y isinasangayong láguì sa mahigpit na palatuntunang itó ng̃ wagás na caasalán, at masasabing cailán ma'y hindî nagbigáy pighatî canino man; baligtád, pinagsisicapan niyáng pawîin, sa pamamag-itan ng̃ magagandáng gawâ, ang mg̃a tang̃ing casawìan sa catuwirang, ayon sa canyá'y guinawâ raw ng̃ canyáng mg̃a nunò. Datapuwa't ipanumbalic natin sa canyáng samaan ng̃ loob sa cura, ang mg̃a pagcacaalit na ito'y lumúlubhà; binábangguit siyá ni párì Dámaso buhat sa púlpito, at cung dî tinutucoy siyá ng̃ boong liwanag ay isáng himalâ, sa pagca't sa caugalian ng̃ paring iyá'y mahihintay ang lahát. Nakikinikinita co nang masamâ ang cahahangganan ng̃ bagay na itó.

Muling humìntóng sandali ang matandáng Teniente.

—Naglílibot ng̃ panahón iyón ang isáng naguíng sundalo sa artillería, na pinaalís sa hucbó dahil sa malabis na cagaspang̃án ng̃ canyáng ásal at dahil sa camangmang̃ang labis. Sa pagca't kinacailang̃an niyáng mabuhay, at hindi pahintulot sa canyá ang magtrabajo ng̃ mabigát na macasisirà ng̃ aming capurihan[101], nagtamó siyá, hindî co alám cung sino ang sa canyá'y nagbigáy, ng̃ catungculang pagca manining̃il ng̃ buwís ng̃ mg̃a carruaje, calesa at ibá pang sasacyán. Hindî tumanggáp ang abâ ng̃ anó mang túrò, at pagdaca'y napagkilala ng̃ mg̃a "indio" ang bagay na itó: sa ganang canilá'y totoong cahimahimalâ, na ang isang castilà'y hindî marunong bumasa't sumulat. Pinaglilibacan ang culang palad, na pinagbabayaran ng̃ cahihiyan ang násising̃il na buwís, at nalalaman niyáng siyá ang hantung̃an ng̃ libác, at ang bagay na itó'y lalong nacáraragdag ng̃ dating masamâ at magaspáng niyang caugalîan. Sadyang ibinibigay sa canyá ang mg̃a sulat ng̃ patumbalíc; nagpapaconwarî siya namáng canyang binabasa, at bago siyá pumifirma cung sáan nakikita niyang waláng sulat, na ang parang kinahig ng̃ manóc na canyáng mg̃a letra'y siyáng larawang tunay ng̃ canyáng cataohan; linálang̃ap niyá ang masasacláp na cairing̃ang iyón, ng̃uni't nacacasing̃il siyá, at sa ganitóng calagayan ng̃ canyang loob ay hindi siyá gumagalang canino man, at sa inyóng ama'y nakipagsagutan ng̃ lubhang mabibigat na mg̃a salitâ.

Nangyari isáng araw, na samantalang pinagpipihitpihit niyá ang isáng papel na ibinigáy sa canyá sa isáng tindahan, at ibig niyáng málagay sa tuwíd, nagpasimuláng kinawayán ang canyáng mg̃a casamahan ng̃ isáng batang nanasoc sa escuela, magtawá at itúro siya ng̃ dalirì. Nariring̃ig ng̃ táong iyón ang mg̃a tawanan, at nakikita niyáng nagsásaya ang libác sa mg̃a dî makikibuing mukhâ ng̃ nang̃aroroon; naubos ang canyang pagtitiis, bigláng pumihit at pinasimulâang hinagad ang mg̃a batang nang̃agtacbuhan, at sumísigaw ng̃ "ba," "be," "bi," "bo," "bu." Pinagdimlán ng̃ galit, at sa pagca't hindî siya mang-abot, sa canilá'y inihalibas ang canyáng bastón, tinamaan ang isá sa úlo at nábulagtâ; ng̃ magcagayo'y hinandulong ang nasusubasob at pinagtatadyacán, at alín man sa nang̃agsisipanood na nanglilibac ay hindî nagcaroon ng̃ tapang na mamag-itan. Sa casamaang palad ay nagdaraan doon ang inyóng amá. Napoot sa nangyari, tinacbó ang manining̃il na castilà, hinawacan siyá sa brazo at pinagwicaan siyá ng̃ mabibigát. Ang castilàng marahil ang ting̃ín sa lahát ay mapulá na, ibinuhat ang camáy, ng̃uni't hindî siyá binigyang panahón ng̃ inyong amá, at tagláy iyáng lacás na nagcácanulô ng̃ pagca siyá'y apó ng̃ mg̃a vascongado ... anáng ibá'y sinuntóc daw, anáng ibá namá'y nagcasiyá, na lamang sa pagtutulac sa canyá; datapowa't ang nangyari'y ang tao'y umúgà, napalayô ng̃ iláng hacbáng at natumbáng tumamà, ang úlo sa bató. Matiwasay na ibinang̃on ni Don Rafael ang batang may sugat at canyáng dinalá sa tribunal[102]. Sumuca ng̃ dugô ang naguing artillerong iyón at hindî na natauhan, at namatáy pagcaraan ng̃ iláng minuto. Nangyari ang caugalìan, nakialám ang justicia, piniit ang inyóng amá, at ng̃ magcagayo'y nang̃agsilitáw ang mg̃a lihim na caaway. Umulán ang mg̃a paratang, isinumbóng na siyá'y filibustero at hereje: ang maguing "hereje" ay isáng casawîang palad sa lahát ng̃ lugar, lalong lalo na ng̃ panahóng iyóng ang "alcalde"[103] sa lalawiga'y isáng taong nagpaparang̃alang siyá'y mapamintacasi, na casama ang canyáng mg̃a alílang nagdárasal ng̃ rosario sa simbahan ng̃ malacás na pananalitâ, marahil ng̃ marinig ng̃ lahat at ng̃ makipagdasal sa canya; datapuwa't ang maguíng filibustero ay lalong masamâ cay sa maguíng "hereje," at masamâ pang lalò cay sa pumatáy ng̃ tatlóng mánining̃il ng̃ buwís na marunong bumasa, sumulat at marunong magtang̃îtangì. Pinabayàan siyá ng̃ lahát, sinamsám ang canyáng mg̃a papel at ang canyáng mg̃a libro. Isinumbóng na siyá'y tumátanggap ng̃ "El Correo de Ultramar" at ng̃ mg̃a periódicong gáling sa Madrid; isinumbóng siya, dahil sa pagpapadalá sa inyó sa Suiza alemana; dahil sa siyá'y násamsaman ng̃ mg̃a sulat at ng̃ larawan ng̃ isáng paring binitay, at ibá pang hindî co maalaman. Kinucunan ng̃ maisumbóng ang lahát ng̃ bágay, sampô ng̃ paggamit ng̃ bárong tagalog, gayóng siyá'y nagmulâ sa dugóng castilà[104]. Cung naguing ibá sana ang inyóng amá, marahil pagdaca'y nacawalâ, sa pagcá't may isáng málicong nagsaysáy, na ang ikinamatáy ng̃ culang palad na manining̃il ay mulâ sa isáng "congestión"[105]; ng̃uni't ang canyáng cayamanan, ang canyáng pananalig sa catuwiran at ang canyáng galit sa lahát ng̃ hindî naaayon sa cautusán ó sa catuwiran ang sa canyáng nang̃agpahamac. Acó man, sacali't malakí ang aking casuclamán sa pagluhog sa paggawâ ng̃ magalíng nino man, humaráp acó sa Capitán General, sa hinalinhan ng̃ ating Capitán General ng̃ayón; ipinaliwanag co sa canyáng hindî mangyayaring maguíng "filibustero" ang tumatangkilik sa lahát ng̃ castilang dukhâ ó naglalacbay rito, na pinatutuloy sa canyáng bahay at pinacacain at ang sa canyáng mg̃a ugát ay tumátacbo pa ang mapagcandiling dugóng castílà; ¡nawaláng cabuluháng isagót co ang aking úlo, at ang manumpâ acó sa aking carukhâan at sa aking capuriháng militar, at walâ acó ng̃ nasunduan cung dî magpakita sa akin ng̃ masamáng pagtanggáp, pagpakitâan acó ng̃ lalong masamâ sa aking pagpapaalam at ang pamagatán acó ng̃ "chiîlado"[106]!

Humintô ang matandâ ng̃ pananalità upang magpahing̃á, at ng̃ canyáng mahiwatigan ang hindî pag-imíc ng̃ canyáng casama, na pinakikinggan siyá'y hindî siyá tinítinguan, ay nagpatuloy:

—Nakialam acó sa usapín sa cahing̃ian ng̃ inyóng amá. Dumulóg acó sa bantóg na abogadong filipino, ang binatang si A—; ng̃uni't tumangguí sa pagsasanggalang.—"Sa akin ay matatalo"—ang wicà sa akin.—Panggagaling̃an ang pagsasanggaláng co ng̃ isáng bagong sumbong na laban sa canyá at marahil ay laban sa akin. Pumaroon pô cayó cay guinoong M—, na masilacbóng manalumpátì, taga España at lubháng kinaaalang-alang̃anan. "Gayón ng̃a ang aking guinawâ, at ang balitang abogado ang nang̃asiwa sa "causa" na ipinagsanggalang ng̃ boong catalinuhan at caningning̃án. Datapwa't marami ang mg̃a caaway, at ang ilá'y mg̃a líhim at hindî napagkikilala. Saganà ang mg̃a sacsíng sabuát, at ang caniláng mg̃a paratang, na sa ibang lugar ay mawawal-ang cabuluhán sa isáng salitang palibác ó patuyâ ng̃ nagsásanggalang, dito'y tumitibay at tumítigas. Cung nasusunduan ng̃ abogadong mawaláng cabuluhán ang caniláng mg̃a bintáng, sa pagpapakilala ng̃ pagcacalabán-lában ng̃ canicanilang saysáy at ng̃ mg̃a saysáy niláng sarili, pagdaca'y lumálabas ang mg̃a ibáng sumbóng. Isinusumbóng niláng nang̃amcám siyá ng̃ maraming lúpà, hining̃án siyáng magbayad ng̃ mg̃a casiráan at mg̃a caluguiháng nangyari; sinabi niláng siya'y nakikipagcaibigan sa mg̃a tulisán, upang pagpitaganan nilá ang kanyáng mg̃a pananím at ang canyáng mg̃a hayop. Sa cawacasa'y nagulóng totoo ang usapíng iyón, na anó pa't ng̃ maguíng isáng taòn na'y waláng nagcacawatasáng sino man. Napilitang iwan ng̃ "alcade"[107] ang canyáng catungculan, hinalinhán siyá ng̃ ibang, ayon sa balita'y, masintahin sa catuwiran, ng̃uni't sa casaliwâang palad, ito'y iláng buwán lamang nanatili roon, at ang napahalili sa canyá'y napacalabis naman ang pagca maibiguín sa mabuting cabayo.

Ang mg̃a pagtitiis ng̃ hirap, ang mg̃a samâ ng̃ loob, ang mg̃a pagdarálitâ sa bilangguan, ó ang canyáng pagpipighatî ng̃ canyáng mapanood ang gayóng caraming gumaganti ng̃ catampalasanan sa guinawâ niyá sa caniláng mg̃a cagaling̃an, ang siyáng sumirà sa catibayan ng̃ canyáng catawang bacal, at dinapúan siyá, niyáng sakít na ang libing̃an lamang ang nacagagamot. At ng̃ matatapos na ang lahát, ng̃ malapit ng̃ tamuhín niyá, ang cahatuláng siyá'y waláng casalanan, at hindî catotohanang siyá'y caaway ng̃ Bayang España, at di siyá, ang may sala ng̃ pagcamatáy ng̃ mánining̃il, namatáy sa bilanggúang walâ sino man sa canyáng tabí. Dumatíng acó upang mapanood ang pagcalagót ng̃ canyáng hining̃á.

Tumiguil ng̃ pananalitâ ang matandâ; hindi nagsalitâ si Ibarra ng̃ anó man. Samantala'y dumatíng silá sa pintúan ng̃ cuartel. Humintô ang militar, iniabót sa canyá ang camáy at nagsabi:

—Binatà, ipagtanóng ninyó cay Capitang Tiago ang mg̃a paliwanag. Ng̃ayó'y ¡magandáng gabí pô! Kinacailang̃an cong tingnán cung may nangyayaring anó man.

Waláng imìc na hinigpît na mairog ni Ibarra ang payat na camáy ng̃ Teniente, at hindî cumikibo'y sinundán ng̃ canyáng mg̃a matá itó, hanggáng sa dî na mátanaw.

Marahang bumalíc at nacakita siyá ng̃ isáng nagdaraang carruaje; kinawayán niya ang cochero:

—¡Sa Fonda ni Lala!—ang sinabing bahagyâ na mawatasan.

—Marahil nanggaling itó sa calabozo—ang inisip ng̃ cochero sa canyáng sarili, sacá hinaplit ng̃ látigo ang canyáng mg̃a cabayo.