
L.
ANG MAG-ANAK NI ELIAS.
«May anim na pung taón na ng̃ayóng nananahan ang aking nunòng lalaki sa Maynila, at naglílingcod na «tenedor de libros» sa bahay ng̃ isáng mang̃ang̃alacal na castilà. Batang-batà ng̃ panahóng iyon ang aking nunòng lalaki may asawa at may isáng anác na lalaki. Isáng gabi, hindi maalaman cung anó ang dahil, nagalab ang almacen, lumakit ang apóy sa boong bahay at sa ibáng maraming mg̃a calapit. Hindi mabilang ang halagá ng̃ mg̃a natupoc at nawalà, hinanap ang may sála, at isinumbóng ng̃ mang̃ang̃alacal ang aking nunò. Nawaláng cabuluhán ang canyáng pagtutol, at palibhasa'y dukhâ at hindi macapagbayad sa mg̃a balitàng abogado, siya'y hinatulang palùin sa hayág at ilibot sa mg̃a daan sa Maynilà. Hindi pa nalalaong guinagawa pa ang parusang itóng pang-imbí, na tinatawag ng̃ bayang cabayo y vaca, na macalilibong higuit sa camatayan ang casamâan. Ang aking nunò, na tinalicdan ng̃ lahat, liban na lamang sa canyang batà pang asawa, ay iguinapos sa licod ng̃ isáng cabayo, na sinusundan ng̃ caramihang malulupit at pinalò sa bawa't pinagcacacurusan ng̃ dalawáng daan, sa haráp ng̃ mg̃a taong canyang mg̃a capatíd, at sa malapit sa maraming sambahan sa isáng Dios ng̃ capayapàan. Nang mabusóg na ng̃ culang palad, na magpacailan ma'y imbi na't walang capurihán, ang panghihiganti ng̃ mg̃a tao, sa pamamag-itan ng̃ canyang dugô, ng̃ mg̃a pahirap na guinawâ sa canya at ng̃ canyang mg̃a pagsigáw, kinailang̃ang cunin siya sa ibabaw ng̃ cabayo, sapagca't hinimatáy, at maano na sanang namatáy na ng̃â ng̃ pátuluyan! Sa isá riyan sa mg̃a pinacahayop na calupitán, siya'y pinawalán; nawaláng cabuluháng mamanhic sa baháy-baháy, bigyán ng̃ gáwain ó ng̃ limós ang asawa niyang ng̃ panahóng iyo'y buntís, at ng̃ canyang maalagaan ang asawang may sakít at ang cahabaghabag na anác. Sino ang magcacatiwala sa asawa ng̃ isáng lalaking mánununog at inimbí. Napilitan ng̃â ang babaing calacalin ang canyáng catawan!»
Nagtindíg si Ibarra sa pagcaupô.
«Oh, huwag cayóng mabahalà! ang pang̃ang̃alacal sa catawan niya'y hindi na casiraang puri sa canya at hindi na rin casiraang puri sa canyáng asawa; napugnáw ng̃ lahát ang capurihá't ang cahihiyan. Gumalíng ang lalaki sa canyáng mg̃a súgat at naparito at nagtagong casama ang canyáng asawa't anác na lalaki sa mg̃a cabunducan ng̃ lalawigang itó. Nang̃anac dito ang babae ng̃ isáng latánglatáng sanggol at puspos ng̃ mg̃a sakit, na nagcapalad na mamatáy. Nanahán pa sila ritong may iláng buwán, sacdál ng̃ carukhâan, hiwaláy sa lahát ng̃ tao, kinapopootan at pinang̃ing̃ilagan ng̃ lahát. Nang hindi na matiis ng̃ aking nunò ang gayóng lubháng carukhâan, at palibhasa'y hindi niyá taglay ang catapang̃an ng̃ loob ng̃ canyáng asawa, siyá'y nagpacamatáy, sa waláng casíng laking samâ ng̃ canyáng loob ng̃ makita niyang may sakit at waláng sumaclolo't mag-alaga. Nabulóc ang bangcáy sa matá ng̃ anác na lalaking bahagyâ na lamang macapagalaga sa may sakít na ina, at ang casamâan ng̃ amóy ang siyáng nagcánulo sa justicia. Sinisi ang aking nunong; babae't hinatúlang magdusa, dahil sa canyáng hindi pagbibigay alam; pinaghinalaa't pinaniwalaang siyá ang pumatáy sa canyáng asawa, sapagca't anó ang hindi gagawin ng̃ asawa ng̃ isáng imbí, na pagcatapos ay nagbilí ng̃ canyáng catawan. Cung manumpa'y caniláng sinasabing nanunumpâ ng̃ hindi catotohanan, cung tumang̃is ay sinasabing siya'y nagsisinung̃aling, sinasabing nagwawalang galang cung tumatawag sa Dios. Gayón ma'y lining̃ap din siyá, hinintáy munang siya'y macapang̃anac bago palùin: talos po ninyóng inilalaganap ng̃ mg̃a fraile ang capaniwalaang sa pamamag-itan ng̃ palò lamang mangyayaring makipanayam sa mg̃a «indio»; basahin ninyo ang sabi ni padre Gaspar San Agustin.»
«Sa ganitóng cahatulán sa isáng babae, canyáng susumpâin ang araw ng̃ pagsilang sa maliwanag ng̃ canyáng anác, bagay na bucód sa pagpapahaba ng̃ pagpapahirap ay pagsira sa mg̃a damdamin ng̃ isáng iná. Sa casamâang palad maluwalhating nang̃anac ang babae, at sa casamâan ding palad ang sanggól na lalaki ay ipinang̃anac na matabâ. Nang macaraán ang dalawáng buwá'y guinanap ang parusang hatol ng̃ boong catuwâan ng̃ loob ng̃ mg̃a tao, na sa ganitóng paraa'y inaacalà nilang gumaganap ng̃ caniláng catungculan. Sapagca't wala na siyáng catiwasayan sa mg̃a gubat na itó'y tumacas siya't tinung̃o na canyáng dalá ang canyáng dalawáng anác na lalaki, ang caratig na lalawigan, at diyá'y nabuhay siláng tulad sa mg̃a halimaw: nang̃apopoot at kinapopootan. Ang pang̃anay sa dalawáng magcapatíd, na nacatatandà ng̃ maligayang camusmusan niyá, sa guitnâ ng̃ gayóng pagcálakilaking carukhâan, pagdaca'y nagtulisán, pagcacaroon ng̃ lacás. Hindi nalao't ang pang̃alang mabang̃is ni Bálat ay cumalat sa magcabicabilang lalawigan, naging laguím ng̃ mg̃a bayan, sa pagca't sa canyáng panghihiganti'y nagsasabog ng̃ dugô't tinutupoc ang bawa't maraanan. Ang pinacabatà na may catutubòng magaling na pusò'y sumangayon sa canyáng capalaran at caimbihán sa tabí ng̃ canyáng ina; nang̃abubuhay silá sa inihahandóg ng̃ cagubatan, nang̃agdadamit silá ng̃ mg̃a basahang sa canilá'y inihahaguis ng̃ mg̃a nang̃aglálacad; nawalâ na sa babaeng iyón ang canyáng sariling pang̃alan at siyá'y nakikilala lamang sa mg̃a pamagát na delingkente (delincuente, nagcasala), patutot at binugbog; ang lalaking iyó'y nakikilala lamang sa tawag na anác ng̃ canyáng iná, sapagca't sa catamisan ng̃ canyáng asal ay hindi pinaniniwalaang siya'y anác ng̃ manununog at sapagca't ang sino ma'y dapat mag-alinlang̃an sa cabutihan ng̃ ugali ng̃ mg̃a indio. Sa cawacasa'y nahulog ang bantog na si Bálat sa capangyarihan ng̃ justicia, na siyáng sa canyá'y huming̃i ng̃ mahigpit na pagbibigay súlit ng̃ canyáng mg̃a guinawang casalanan, baga man hindi nabalino ang Justiciang iyáng magturo cay Bálat ng̃ cagaling̃an ng̃ isáng umagang hanapin ng̃ batang capatíd ang canyáng iná, na napasagubat upang mang̃uha ng̃ cábuti at hindi pa umuuwi, canyáng nakitang nacatimbuwang sa lupà, sa tabi ng̃ daan, sa lilim ng̃ isáng punò ng̃ búboy, nacatihayâ, tirik ang mg̃a matá, nacatitig, naninigas ang mg̃a daliring nacabaon sa lupa, at sa ibabaw nitó'y may nakikitang mg̃a bahid ng̃ dugô. Naisipan ng̃ binatàng tuming̃alà at sundán ng̃ matá ang tinititigan ng̃ bangcáy, at nakita niyang sa isáng sang̃á'y nacasabit ang isáng buslô at sa loob ng̃ buslô'y ang marugông ulo ng̃ canyang capatid!»
—¡Dios co!—ang bigláng sinabi ni Ibarra.
—«Ganyán din marahil ang bigláng sinabi ng̃ aking amá,—ang ipinagpatuloy ni Elías ng̃ boong calamigán ng̃ loob.—Pinagputolputol ng̃ mg̃a tao ang manghaharang at inilibíng ang catawán, ng̃uni't ang mg̃a sangcáp ng̃ catawá'y canilang isinabog at ibinitin sa ibá't ibáng mg̃a bayan. Sacali't cayó po'y macapaglacbay isáng araw mula sa Kalamba hanggáng sa Santo Tomás, masusumpung̃an pa po ninyó ang cahoy ng̃ duhat na pinagbitinan at kinabulucán ng̃ isáng hità ng̃ aking amaín; sinumpâ ang cahoy na iyan ng̃ Naturaleza, caya't hindi lumalaki at hindi namumung̃a. Gayón din ang caniláng guinawa sa mg̃a ibáng sangcáp ng̃ catawan, ng̃uni't ang ulo, ang ulo na siyáng pinacamabuting sangcáp ng̃ tao, na siyáng lalong madalíng kilalanin cung cangino, ang ulong iya'y isinabit sa harapán ng̃ dampà ng̃ iná!»
Tumung̃ó si Ibarra.
—«Naglagalág ang binatang tulad sa isáng sinumpâ»,—ang ipinagpatuloy ni Elías,—naglagalág sa bayán-bayán, sa mg̃a bundóc at mg̃a caparang̃an, at ng̃ inaacalà na niyáng sa canya'y wala nang macacakilala, ay pumasoc siyáng manggagawà sa isáng mayamang tagá Tayabas. Ang canyáng casipagan, ang catamisan ng̃ canyáng asal ang nacahicayat na siya'y caguiliwan ng̃ lahat ng̃ hindi nacatatalós ng̃ unang pamumuhay niyá. Sa catiyagaan niyá sa paggawa at sa pagtitipid, nacatipon siyá ng̃ caunting puhunan, at sapagca't napagdaanan na niyá ang malakíng carukhaan at siya'y bata, nag-acalang magcamít namán ng̃ ligaya. Ang canyáng cagandahang lalaki, ang canyáng cabataan at ang canyáng pagca may cauntíng cáya ang siyáng nang̃acaakit na siyá'y ibiguin ng̃ isáng dalaga sa bayan, ng̃uni't hindi siyá macapang̃ahas na ipakiusap sa mg̃a magulang nitó na sa canya'y ipacasal, sa canyáng pang̃ang̃anib na baca mapagtuntón ang buhay niyá ng̃ una. Datapuwa't naraig silá ng̃ capangyarihan ng̃ sintá, caya't capuwa silá nagculang sa canicaniláng catungculan. Upáng mailigtás ng̃ lalaki ang capurihán ng̃ babae, pinang̃ahasán ang lahat, namanhic siyá sa mg̃a magulang upang sa canyá'y ipacasal ang canyáng caisáng dibdíb, dahil dito'y hinanap ang mg̃a casulatan ng̃ canyáng pagcatao, at ng̃ magcagayo'y napagsiyasat na lahát; palibhasa'y mayaman ang amá ng̃ dalaga, nasundûang pag-usiguin ng̃ mg̃a hucóm ang lalaki, na hindi nag-acala man lamang na magsanggalang, inamin ang lahát ng̃ sumbóng na laban sa canyá, at siya'y nagdusa sa bilanggûan. Nang̃anác ang babae ng̃ isáng sanggól na lalaki at isáng sanggól na babae, na capuwa inalagaan ng̃ lihim, saca pinapaniwala ang mg̃a batàng itóng namatáy na ang caniláng amá, bagay na hindi mahirap gawín, sapagca't caniláng nakita ang pagcamatay ng̃ caniláng iná, ng̃ panahóng silá'y musmós pa, bucod sa hindi nilá naiisip ang pag-uusisa ng̃ canilang pinanggalingan. Palibhasa'y mayaman ang aming nunòng lalaki, totoong maligaya ang aming camusmusán; ang capatíd cong babae't aco'y magcasama camíng nag-aral, nag-iibigan camí niyang pag-iibigang mangyayari lamang sa magcapatíd na cambál na walang ibáng nakikilalang ibáng bagay na pag-ibig. Batang batà pa aco'y nag-aral na sa colegio ng̃ mg̃a jesuita, at nag-aral namán sa Concordia at doon itinirá ang aking capatíd na babae, sa hang̃ad na huwag camíng lubháng magcahiwalay. Nang matapos ang aming caunting pag-aaral, sapagca't wala camíng hinahang̃ad cung di magpasaca ng̃ lupa, umuwi camí sa aming bayan upang aming tanggapín ang aming mána sa aming nunòng lalaki. Malaonlaón ding nanatili camí sa pamumuhay sa caligayahan, ng̃uming̃iti sa amin ang panahóng hinaharáp, marami camíng mg̃a alila, nag-áaning magalíng ang aming mg̃a halamanan at hindi na malalaó't mag-aasawa ang aking capatíd na babae sa isáng binatang canyáng pinacasisintá at siya'y tinutumbasan ng̃ gayón ding pag-ibig. Dahil sa pagcacaalit bagay sa salapi, at dahil namán sa ugali co ng̃ mg̃a panahóng iyóng may pagcamapagmataás, kinasusuklaman acó ng̃ isá cong camag-ánac na malayò, isinurot sa aking isáng araw ang totoóng malabò cong pagsilang sa maliwanag, ang imbí cong pinanggaling̃ang mg̃a magulang. Acala co'y yao'y pawang paratang lamang, caya't hining̃i cong bigyáng liwanag ang gayóng paglaít; muling nabucsán ang libing̃ang kinahihimlayan ng̃ gayóng caraming mg̃a cabulucán, at lumabas ang catotohanan upáng aco'y bigyáng cahihiyán. Nang lalong malubós ang casaliwaáng palad, malaon ng̃ panahóng camí'y may alilang isáng matandang lalaki, na pinagtitiisán ang lahat cong mg̃a cahaling̃ang pita at ayaw camíng iwan cailan man, at nagcacasiyá na lamang tumang̃is at humibik sa guitna ng̃ mg̃a paglibac ng̃ ibáng mg̃a lingcod namin. Hindi co maalaman cung bakit napagsiyasat ng̃ aking camag-anac; datapuwa't ang nangyari'y tinawag ng̃ justicia ang matandang itó, at pinag-utusang sabihin ang catotohanan; ang matandang lalaki paláng aming alila'y siyáng aming amá, na áayaw humiwaláy sa canyáng sintáng mg̃a anác, at ang matandang iyó'y hindi mamacailáng aking pinahirapan. Napugnáw ang aming ligaya, tinalicdán co ang aming cayamanan, nawalan ng̃ pacacasalang casintahan ang capatíd cong babae, camíng magcapatíd at ang aking amá'y iniwan namin ang bayan, upang pumaroon sa alin mang lupaín. Ang pagcaalam na siya'y nacatulong sa aming casaliwaang palad ang nacapagpaicli ng̃ buhay ng̃ matandang lalaki, na siyáng sa aki'y nagpaunawa ng̃ lahat ng̃ casakitsákit na mg̃a nangyari ng̃ mg̃a panahóng nagdaán. Nang̃ulila caming magcapatid.
«Tumang̃is ng̃ di sapala ang capatíd co, ng̃uni't sa guitna ng̃ gayóng caraming mg̃a casaliwaang palad na bumugsô sa ibabaw namin, hindi niyá nalimutan ang canyáng sintá. Hindi dumaíng at hindi umimíc ng̃ canyáng nakita ang pagaasawa sa ibáng babae ng̃ canyáng dating catipanan, at aking nakitang untiunting nagkasakít ang aking kapatíd, na hindi co mangyaring mabigyáng alíw. Nawala siyá isáng araw; nawaláng cabuluhán ang sa canya'y aking paghanap sa lahát ng̃ panig, nawaláng cabuluhán ang aking pagtatanóng tungcol sa canyá, hanggáng sa ng̃ macaraan ang anim na buwa'y aking nabalitaang ng̃ mg̃a araw na iyón, ng̃ humupa ang paglaki ng̃ dagatan, ay nasumpung̃an sa pasigan ng̃ Calamba sa guitna ng̃ isáng palayan, ang bangcáy ng̃ isang dalaga, na nalunod ó pinatáy na cusa; ayon sa sabiha'y may isáng sundang na nacatarac sa canyáng dibdib. Ipinalathala sa mg̃a calapit bayan ng̃ mg̃a punò sa bayang iyón, ang gayóng nangyari; sino ma'y waláng humaráp upáng hing̃in ang bangcáy, at wala namáng nawáwalang sino mang dalaga. Ayon sa mg̃a tandáng sinabi sa akin, pagcatapos, sa pananamít, sa mg̃a hiyas, sa cagandahan ng̃ canyáng mukhâ at sa lubháng casaganaan ng̃ canyáng buhók, aking napagkilalang iyón ang aking cahabaghabag na capatíd na babae. Mula niyó'y naglálagalag acó sa mg̃a iba't ibáng lalawigan, manacanaca acóng pinararatang̃an, ng̃uni't hindi co pinápansin ang mg̃a tao at ipinagpapatuloy co ang aking paglácad. Itó ang maclíng casaysayan ng̃ mg̃a nangyari sa akin, at ang casaysayan ng̃ mg̃a paghatol ng̃ mg̃a tao.»
Tumiguil ng̃ pananalita si Elías, at ipinatuloy ang pagsagwán.
—Naniniwaniwala acóng hindi po cayó nalilihis sa catuwiran—ang ibinulóng ni Crisóstomo, sa inyóng pananalitang dapat pagsicapan ng̃ justicia ang paggawa ng̃ magalíng sa pagtumbás sa magagandang gawa, at gayón din ang pagtuturo sa mg̃a nagcacasalang tao sa paggawa ng̃ masama. Ang nacahahadlang lamang ... ay itó'y hindi mangyayari, isáng hang̃ad na hindi mangyayaring masunduan; sa pagca't saang cucuha ng̃ lubháng maraming salapi, ng̃ lubháng maraming mg̃a bagong cawaní?
—¿At anó ang capapacanan ng̃ mg̃a sacerdote, na ipinagtatalacan ang caniláng tungculing maglaganap ng̃ capayapaan at pag-ibig sa capuwa tao? ¿Diyata't lalong ikinararapat ang basain ng̃ tubig ang ulo ng̃ isáng sanggól, pacanin itó ng̃ asín, cay sa pucawin sa marilím na budhi ng̃ isáng masámang tao iyang maningning na ilaw na bigay ng̃ Dios sa bawa't tao upang hanapin ang canyáng cagaling̃an? ¿Diyata't lalong pag-ibig sa capuwa tao ang alacbayán ang isáng may salang bibitayin, cay sa siyá'y alalayan sa paglacad sa mataríc na landás na pagtalicód sa mg̃a pang̃it na caugalian at pagtung̃o sa magagandáng caasalán? ¿Hindi po ba nagcacagugugol sa pagbabayad sa mg̃a tictíc, sa mg̃a verdugo at sa mg̃a guardia civil? Itó po, bucod sa cahalayhalay, pinagcacagugulan din ng̃ salapi.
—Caibigan co, cayó ó acó man, cahi't ibiguin nati'y hindi natin masusunduan.
—Tunay ng̃a, sacali't tayo'y nag-iisa, wala tayong magágawa; ng̃uni't inyóng ariing sariling inyó ang catuwiran ng̃ bayan, makipanig po cayó sa bayan, pakinggán ninyó ang canyáng cahing̃ian, magbigáy ulirán cayó sa mg̃a ibá, ipakilala ninyó cung anó ang tinatawag na bayang kinaguisnan!
—Hindi mangyayari ang cahing̃ian ng̃ bayan; kinacailang̃ang maghintay.
—¡Maghintay! ¡maghirap ang cahulugán ng̃ maghintay!
—Pagtatawanan acó cung aking hing̃in.
—At cung cayó'y alacbayán ng̃ bayan?
—¡Hindi mangyayari! hindi co magágawa cailán man ang patnugutan ang caramihang tao upang camtán sa sápilitan ang bagay na hindi inaacala ng̃ pámahalaang capanáhunan ng̃ ibigay, ¡hindi! At cung sa alín mang araw ay makita cong may sandata ang caramihing iyán, aanib acó sa pámahalaan at ng̃ silá'y aking bacahin, sa pagcá't hindi co ipalálagay na aking bayan ang mg̃a mangguguló. Hináhang̃ad co ang canyáng cagaling̃an, caya nagtayô acó ng̃ isáng bahay-paaralan; hinahanap co ang canyáng cagaling̃an sa pamamag-itan ng̃ pagpapaaral, sa mahinahong untiunting pagsulong ng̃ dunong, walang daan cung walang liwanag.
—¡Ng̃uni't waláng calayaan namán cung waláng pakikihamoc!—ang sagót ni Elías.
—¡Datapuwa't aayaw acó ng̃ calayaang iyán!
—Ng̃ayó't cung walang calayaa'y walang liwanag,—ang muling itinutol ng̃ piloto ng̃ maalab na pananalita;—sinabi po ninyóng hindi malaki ang pagcakilala ninyó sa inyóng mg̃a cababayan; naniniwala acó. Hindi po ninyó nakikita ang paghahanda sa pagbabaca, hindi ninyó nakikita ang dilím sa dacong paliguid; nagpasimula ang paghahamoc sa pagmamatuwiran upang magcaroón ng̃ wacás sa paglalabanán sa lupa na maliligò ng̃ dugô; náriring̃ig co ang tinig ng̃ Dios, ¡sa aba ng̃ mag-acalang lumaban sa canya! ¡hindi iniucol sa canila ang pagsulat ng̃ Historia!
Nag-ibáng anyô si Elías; nacatindig, nacapugay, may anyóng hindi caraniwan ang mukha niyáng mabayaning liniliwanagan ng̃ buwán. Ipinagpág ang canyáng malagóng buhóc, at nagpatuloy ng̃ pananalita:
—¿Hindi po ba ninyó nakikita't gumiguising na ang lahát? Tumagál ng̃ iláng daáng taón ang pagcacatulog, ng̃uni't pumutóc ang lintic isáng araw, at sa paninirà ng̃ lintic ay pumucaw ng̃ buhay; buhat niyó'y ibáng mg̃a hilig ang pinagpápagalan ng̃ mg̃a isip, ang mg̃a hilig na itó na ng̃ayó'y nang̃agcacahiwalay, mang̃agcacalakiplakip isáng araw na ang Dios ang siyáng mamamatnugot. Hindi nagculang ang Dios sa pagsaclólo sa mg̃a ibáng bayan; hindi rin magcuculang ang saclolong iyan sa bayan natin; ang catuwiran niya'y siyang catuwiran ng̃ calayàan!
Isang dakilang catahimican ang siyáng sumunód sa ganitóng mg̃a salita. Samantala'y lumálapit ang bangcâ sa pasigan sa hindi naiinong pagsusulong ng̃ mg̃a alon. Si Elías ang naunang sumira ng̃ gayóng hindi pag-iimican.
—¿Anó po ang sasabihin co sa mg̃a nag-utos dito sa akin?—ang tanóng, na nagbago ng̃ anyô ng̃ tinig.
—Sinabi co na po sa inyó; na dináramdam co ang caniláng calagayan, ng̃uni't silá'y mang̃aghintáy, sa pagca't hindi nagágamot ang mg̃a sakít ng̃ capuwa mg̃a sakít, at sa casaliwaan nating palad ay tayong lahat ay may casalanan.
Hindi na muling sumagót si Elías, tumungó, nagpatuloy ng̃ pagsagwán, at ng̃ dumating sa pampáng ay nagpaalam cay Ibarra ng̃ ganitóng sabi:
—Pinasasalamatan co po cayó, guinoó, sa inyóng pahihinuhod sa aking pakiusap; hinihing̃i co sa icagagaling ninyóng sa haharaping panahó'y aco'y inyóng limutin at huwag ninyóng kilalanin acó sa anó mang calagayang aco'y inyóng másumpong.
At pagcasabi nitó'y mulíng pinalacad ang bangcâ, at sinagwanáng ang tung̃o'y sa isáng gubat sa pasigan. Samantalang guinagawa ang mahabang pagtawid ay nanatili sa hindi pag-imic; tila mandin wala siyáng namamasdan cung di ang libolibong mg̃a diamante na kinucuha't ibinabalic ng̃ canyáng sagwán sa dagatan at doo'y talinghagang nang̃awáwala sa guitna ng̃ mg̃a bugháw na alon.
Sa cawacasa'y dumating; lumabás ang isáng tao sa casucalan at lumapit sa canyá.
—¿Anó ang sasabihin co sa capitán?—ang tanóng.
—Sabihin mong gaganap si Elías ng̃ canyáng pang̃acò, sacali't hindi mamatáy muna,—ang isinagót ng̃ boong calungcutan.
—Cung gayó'y ¿cailán ca makikisama sa amin?
—Pag-inacala ng̃ inyóng capitáng dumating na ang panahón ng̃ pang̃anib.
—Cung gayó'y magaling, ¡paalam!

LI.
MGA PAGBABAGO.
Malungcót at puspós ng̃ pang̃amba ang mahihiing si Linares; bagong catatanggáp niya ng̃ sulat ni doña Victorina, na ganitó ang sabi:
«Minamahal cong pinsan; ibig cong magcaroon ng̃ balita sa iyo sa loob ng̃ tatlóng araw, cung pinatáy ca na ng̃ alperes ó icaw ang pumatáy sa canyá ayaw acong lumampás ang isá man lamang araw na hindi tumátanggap pa ang hayop na iyán ng̃ ucol na parusa sacali't lumampás ang taning na iyán at hindi mo pa siyá hinahamon ng̃ patayan sasabihin co cay Don Santiago na cailán man ay hindi ca naguiguing secretario, ni hindi ca nacapagbibiro cay Canovas ni hindi ca nacacasama sa pagliliwaliw ng̃ general Arseño Martines sasabihin co cay Clarita na pawang casinung̃aling̃ang lahát at hindi catá bibigyan cahi't isáng cuarta ng̃uni at cung hamunin mo siya ipinang̃ang̃aco co sa iyo ang bawa't iyong maibigan caya ng̃a tingnan mo cung hamunin mo siyá at ipinagbibigay alam co sa iyo na hindi acó papayag ng̃ mg̃a pagtalilis at mg̃a dahidahilan.
Ang pinsan mong gumiguiliw sa iyo mula sa pusò,
Victorina de los Reyes de De Espadaña.
Sampaloc, lunes á las 7 ng̃ gabi.»
Mabigát ang bagay na iyón: kilalá ni Linares ang ugali ni doña Victorina at nalalaman niyá cung hanggang saan ang magágawa; cung pakiusapan siyá ng̃ nauucol sa catuwira'y tulad sa cung magsaysay ng̃ nauucol sa calinisan ng̃ puri't pakikipag capuwa-tao sa isáng carabinero ng̃ Hacienda, pagca talagang may pacay na macakita ng̃ contrabando sa lugar na tunay na wala; ang mamanhic ay waláng cabuluhán, magdaya'y lalo ng̃ masamá; wala na ng̃ang sucat pagpapaliiran cung hindi maghamón ng̃ away.
—Ng̃uni't ¿paano?—ang sinasabing nagpaparoo't paritong mag-isá;—cung salubung̃in acó ng̃ masasamang pananalita? ¿cung ang canyáng asawa ang aking maratnan? ¿sino caya ang macaiibig magpadrino sa akin? ¿ang cura? ¿si capitan Tiago? ¡Sinusumpa co ang oras ng̃ aking pagsunod sa canyang mg̃a hatol! ¡Daldál! ¿Sino ang pumipilit sa aking acó'y maghambóg, magsabi ng̃ mg̃a cabulastugán, magpakita ng̃ mg̃a cayabang̃an! anó ang sasabihin sa akin ng̃ guinoóng dalagang iyán ...? Dinaramdam co ng̃ayón ang paguiguing secretario co ng̃ lahat ng̃ mg̃a ministro!
Sumásaganitóng malungcót na pakikipagsalitaan sa sarili ang mabait na si Linares ng̃ dumating si pari Salví. Ang catotohana'y lalo ng̃ payát at namumútla ang franciscano cay sa dati, ng̃uni't nagníningning sa canyáng mg̃a matá ang isáng tang̃íng liwanag at sumusung̃aw sa canyáng mg̃a labi ang isáng cacaibáng ng̃itî.
—¿Guinoong Linares, lubós naman ang pag-iisá ninyó?—ang ibinati at saca tumung̃o sa salas, na sa mg̃a nacasiwang na pintô nito'y tumatacas ang iláng tinig ng̃ piano.
Nag-acala si Linares na ng̃umitî.
—¿At si don Santiago?—ang idinugtóng ng̃ cura.
Dumating si capitang Tiago sa sandali ring iyón, humalic ng̃ camáy sa cura, kinuha niyá ang dalá nitóng sombrero at bastón ng̃uming̃iting mabaít na mabaít.
—¡Pakinggán ninyó, pakinggan ninyó!—ang sabi ng̃ curang papasóc sa salas, na sinúsundan ni Linares at ni capitan Tiago;—may dalá acóng magagalíng na balita na aking sasabihin sa lahát. Tumanggáp acó ng̃ mg̃a sulat na galing sa Maynilà, na pawang nagpapatibay ng̃ sulat na dinalá sa akin cahapon ni guinoóng Ibarra ..., sa macatuwíd, don Santiago, ay wala na ang nacaháhadláng.
Si María Clara, na nacaupò sa piano sa guitnâ ng̃ canyang dalawáng caibigang babae, umanyóng titindig, datapuwa't kinulang siyá ng̃ lacás at muling naupô. Namutlâ si Linares at tinitigan si capitang Tiago na ibinabà ang mg̃a matá.
—Untiunting totoóng kinalúlugdan co ang binatang iyan,—ang ipinagpatuloy ng̃ cura; ng̃ una'y masamà ang aking pagcápalagay sa canyá ..., may cauntíng cainitan ang ulo, ng̃uni't lubháng marunong umayos ng̃ canyáng mg̃a pagcuculang, na anó pa't hindi mangyaring macapagtaním sa canyá ang sino man. Cung di ng̃a lamang si padre Dámaso'y....
At tinudlà ng̃ cura ng̃ matuling pagsulyáp si María Clara, na nakikinig ng̃uni't hindi inihihiwalay ang mg̃a mata sa papel ng̃ música, bagá man siya'y lihim na kinucurot ni Sinang, na sa gayóng paraa'y sinásaysay ang canyáng catuwâan; sumayaw sana siya cung silá'y nag-íisá.
—¿Si padre Dámaso po?—ang tanóng ni Linares.
—Opo, si padre Dámaso, ang sinabi,—ang ipinagpatuloy ng̃ cura, na hindi inihihiwalay ang ting̃ín cay María Clara,—na palibhasa'y ... inaama sa binyág, hindi niyá maitutulot ... ng̃uni't sa cawacasan, inaacala cong huming̃ing tawad sa canyá si guinoong Ibarra, bagay na hindi co pinag aalinlang̃anang magcacahusay-husay na lahát.
Nagtindíg si María Clara, nagsabi ng̃ isáng dahilán at pumasoc sa canyáng cuarto, na si Victoria ang casama.
—¿At cung hindi siyá patawarin ni padre Dámaso?—ang marahang tanóng ni capitang Tiago.
Cung magcagayo'y ... si María Clara ang macacaalam ... si padre Dámaso ang canyáng amáng caluluwa: ng̃uni't inaacala cong sila'y magcacáwatasan.
Nang sandalíng yaó'y napakinggán ang yabág ng̃ mg̃a paglacad at sumipot si Ibarra, na sinusundan ni tía Isabel; ibá't ibáng mg̃a damdamin ang napucaw ng̃ pagdating niyáng iyón. Bumati ng̃ boong guiliw cay capitang Tiago, na hindi maalaman cung ng̃ing̃itî ó iiyac, bumati cay Linares ng̃ isáng malaking pagyucód ng̃ ulo. Nagtindíg si fray Salví at iniabot sa canyá ang camáy ng̃ boong pagliyag, na anó pa't hindi napiguilan ni Ibarra ang isáng ting̃ing nagpápahalatâ ng̃ malakíng pagtatacá.
—Huwág po cayóng magtacá,—ani fray Salví;—ng̃ayón-ng̃ayón lamang ay pinupuri co cayó.
Napasalamat si Ibarra at lumapit cay Sinang.
—¿Saán ca doroon sa boong maghapon?—ang itinanóng ni Sinang, sa canyang pananalitang musmós;—tumátanong cami sa aming sarili at aming sinasabi sa amin din: ¿Saán caya naparoon ang caluluwang iyáng tinubós sa Purgatorio? At bawa't isá sa ami'y nagsasabi ng̃ ibá't ibáng bagay.
—¿At mangyayari bang maalaman cung anó ang sinasabi ninyó?
—Hindi, iya'y isáng lihim, ng̃uni't sasabihin co sa iyó cung tayo tayo lamang. Ng̃ayó'y sabihin mo sa akin cung saán ca doroon, upang maalaman co cung sino sa amin ang nacahulà.
—Hindi, iyá'y isá rin namang lihim, ng̃uni't sasabihin co sa iyo cung tayo tayo na lamang, sacali't itutulot ng̃ mg̃a guinoóng itó.
—¡Mangyari bagá, mangyari bagá! ¡iyán palá lamang!—ani parì Salví.
Hinila ni Sinang si Crisóstomo sa isáng dulo ng̃ salas: natutuwâ siyáng mainam na canyáng mapagtátalos ang isáng lihim.
—Sabihin mo caibigan sa akin, ang tanóng ni Ibarra;—¿nagagalit pa si María sa akin?
—Aywán co, ng̃uni't ang wica niyá'y magalíng pa raw na siyá'y iyóng limutin na, at bago umiiyac. Ibig ni capitang Tiagong siyá'y pacasal sa guinoóng iyón, at gayón din si parì Dámaso, ng̃uni't hindi siyá nagsasabi ng̃ oo ó aayaw. Ng̃ayóng umaga, ng̃ icaw ay ipinagtatanong namin, at sinasabi cong ¿baca nang̃ing̃ibig na sa ibá? sumagót siyá sa aking: ¡cahimanawari! at saca umiyác.
Nalúlungcot si Ibarra.
—Sabihin mo cay Maríang ibig co siyáng macausap na camí lamang dalawá.
—¿Cayó lamang dalawá?—ang tanóng ni Sinang, na pinapagcunót ang mg̃a kilay at siyá'y tinitigan.
—Hindi naman lubós camíng dalawá lamang; ng̃uni't huwag sanang náhaharap iyón.
—May cahirapan; ng̃uni't huwag cang mabahalà, sasabihin co.
—¿At cailan co malalaman ang casagutan?
—Bucas, pumaroon ca sa bahay ng̃ maaga. Aayaw si Maríang mag-isá cailan man, sinasamahan namin siyá; isáng gabi'y natutulog si Victoria sa canyáng siping, at sa isáng gabí namá'y acó; bucas ay sa akin tamà ang pagsama sa canyá. Ng̃uni't pakinggán mo, ¿at ang lihim? ¿Yayáo ca nang hindi mo pa sinasabi sa akin ang lalong pang̃ulo?
—¡Siya ng̃a naman palá! doon acó doroon sa Los Baños, mamímili acó ng̃ niyóg, sa pagca't ibig cong magtayô ng̃ isáng gáwaan; ang iyong tatay ang aking mácacasama.
—¿Walâ na ba cung di iyán lamang? ¡Nacú ang isáng lihim!—ang bigláng sinabi ni Sinang ng̃ malacás, na ang anyô'y ang sa narayaang magpapatubô; ang boong isip co'y....
—¡Mag-ing̃at ca! ¡hindi co itinutulot sa iyóng iwatawat mo ang lihim na iyán!
—At hindi co naman ibig—ang isinagót ni Sinang na pinapang̃ulubot ang ilóng.—Cung isáng bagay man lamang na may caunting cahulugán, marahil masabi co pa sa aking mg̃a caibigang babae; datapuwa't ¡pamimilí ng̃ mg̃a niyóg! ¡mg̃a niyóg! ¿sino ang macacaibig macaalam ng̃ tungcól sa niyóg?
At nagdalidali ng̃ mainam na pagyáo at paghanap sa canyáng mg̃a caibigang babae.
Nagpaalam si Ibarra ng̃ macaraán ang iláng sandali, sa pagca't canyáng nakitang walang salang pápanglaw ang pagpupulong na iyón; maasim na matamis ang pagmumukhâ ni capitang Tiago, hindi umiimic si Linares at nagmámasid, ang curang nagpapacunuwaring nagágalac ay nagsasalitâ ng̃ mg̃a cacaibáng bagay. Hindi na mulíng lumabás ang alin man sa mg̃a dalaga.

LII.
ANG SULAT NG̃ MG̃A PATAY AT ANG MG̃A ANINO.
Itinatagò ang buwan ng̃ madilím na lang̃it; wináwalis ng̃ malamig na hang̃ing palatandâan ng̃ pagdating ng̃ Diciembre ang iláng dahong tuyô at ang alabóc sa makipot na landas na patung̃ó sa libing̃an.
Nagsasalitaan ng̃ marahan ang tatlóng anino sa ilalim ng̃ pintuan.
—¿Kinausap mo ba si Elías?—ang tanóng ng̃ isáng tinig.
—Hindî, nalalaman mo ng̃ siyá'y may ugaling cacaibá at maing̃at; ng̃uni't inaacalà cong siyá'y cacampí natin; iniligtás ni don Crisóstomo ang canyáng buhay.
—Caya acó pumayag,—anáng unang tinig;—¡ipinagágamot ni don Crisóstomo ang aking asawa sa bahay ng̃ isáng médico sa Maynilà! Acó ang nacacaalam ng̃ convento upang makipagliwanag sa cura ng̃ aming pautang̃an.
—At camí naman ang nacacaalam ng̃ cuartel, at ng̃ masabi namin sa mg̃a civil na may mg̃a anác na lalaki ang aming amá.
—¿Maguiguing ilán caya cayó?
—Limá, cainaman na ang limá. Maguiguing dalawampo raw cami,—anáng alilà ni don Crisóstomo.
—At ¿cung hindi lumabás cayóng magalíng?
—¡Sttt!—anáng isá, at hindi na umimic ang lahát.
Namamasid sa nag-aagaw ng̃ dilim at liwanag ang pagdating ng̃ isáng anino na marahang lumalacad na ang bacod ang siyáng tinútunton; manacánacang humíhintô na para mandíng lumíling̃on.
At may dahil ng̃a namán. Sa dacong hulihán, na may dalawampong hacbang ang puwang, may sumusunod na isá pang anino, lalong malakí at tila mandín lalò pang anino cay sa náuna: totoong napacarahan ang pagyapac sa lupà, at biglang nawawalâ, na anaki'y linalamon ng̃ lupa, cailán mang humíhinto't lumiling̃on ang náuuna.
—¡Sinusundan acó!—ang ibinulóng ng̃ náuunang anino; ¿ang guardia civil caya? ¿nagsinung̃alíng caya ang sacristan mayor?
—Ang sabi'y dito raw magtátatagpô,—ang iniisip ng̃ icalawáng anino; marahil may masamáng inaacalà caya inililihim sa akin ng̃ dalawáng magcapatid.
Sa cawacasa'y dumating ang nang̃ung̃unang anino sa pintùan ng̃ libing̃an. Lumapit ang tatlóng aninong nang̃auna.
—¿Silá po bagá?
—¿Cayó po ba?
—¡Tayo'y maghiwahiwalay, sa pagca't sinúsundan acó nilá! Tátanggapin ninyó bucas ang mg̃a sandata at pagcágabi gágawin. Ang hiyáw ay: «¡Mabuhay si don Crisóstomo!» ¡Lacad na cayó!
Nawalâ ang tatlóng anino sa licuran ng̃ mg̃a pader. Nagtagò ang bagong dating sa pag-itan ng̃ pintô at naghintáy na hindi umiimic.
—¡Tingnan natin cung sino ang sumúsunod sa akin!—ang ibinulóng.
Dumating ang pang̃alawáng anino na nag-iing̃at ng̃ mainam at humintóng parang nagtiting̃inting̃in sa paliguid niyá.
—¡Nahuli acó ng̃ pagdating!—ang marahang sinabi; ng̃uni't baca caya mang̃agbalic.
At sa pagcá't nagpasimulâ ng̃ pag ambóng nagbabalang tumagál, inisíp niyang sumilong sa ilalim ng̃ pintùan.
At alinsunod sa dapat mangyari'y nabuglàan niyá ang isáng anino.
—¡Ah! ¿sino pô cayó?—ang itinanóng ng̃ bagong dating na ang tinig ay sa matapang na lalakl.
—At ¿sino pô ba naman cayô?—ang isinagót ng̃ isá ng̃ boong capanatagan.
Sandalíng hindi nang̃agsiimic; pinagpipilitan ng̃ isá't isáng makilala ang canyáng caharáp sa pamamag-itan ng̃ anyô ng̃ tinig at sa pagmumukháng naaaninagnagan.
—¿Anô po ba ang hinihintay ninyó rito?—ang tanóng ng̃ may tinig na pagca lalaki.
—Na tumugtóg ang á las ocho upang aking macuha ang baraja ng̃ mg̃a patay, ibig cong manalo ng̃ayong gabí ng̃ salapi,—ang sagót ng̃ isá na ang tinig ay caraniwan; at cayó namân, ¿anó't cayó po'y naparito?
—Sa ... gayóng ding dahil.
—¡Abá! ikinatutuwa co; sa ganyá'y hindi acó mag-iisá. May dalá acóng baraja; pagcaring̃ig co ng̃ unang tugtóg ay maglálagay acó sa canilá ng̃ aldur; sa icalawáng tugtóg ay maglálagay namán acó ng̃ gallo; ang mg̃a barajang gumagaláw ay iyán ang mg̃a baraja ng̃ mg̃a patáy, na kinacailang̃ang agawin sa pamamag-itan ng̃ pananagâ. ¿May dalá rin po ba cayóng baraja?
—¡Wala!
—¿At paano?
—Magaang; cung paano ang paglalagáy ninyó sa canilá ng̃ bangcâ; hinihintay cong silá namán ang maglálagay ng̃ bangcâ sa akin.
—¿At cung hindi maglagáy ng̃ bangcâ ang mg̃a patáy?
—¿Anó ang gagawin? Hindi pa ipinag-uutos na sapilitang magsúsugal ang mg̃a patáy....
Sandalíng hindi silá nag-imican.
—¿Cayó po ba'y naparitong may sandata? ¿Paano ang inyóng gágawing pakikiaway sa mg̃a patáy?
—Sa pamamag-itan ng̃ aking mg̃a suntóc,—ang isinagót ng̃ pinacamalaki sa canilá.
—¡Ah, diablo, ng̃ayón co naalaala! hindi tumátayâ ang mg̃a patáy pagca may higuít sa isá ang bilang ng̃ mg̃a buháy, at tayo'y dalawá.
—¿Siyá ng̃a po ba? ng̃uni't áayaw acóng umalís.
—Acó ma'y gayón din, nang̃ang̃ailang̃an acó ng̃ salapi,—ang isinagót ng̃ pinacamaliit; ng̃uni't gawín natin ang isáng bagay: magsugál tayong dalawá, at ang matalo'y siyáng umalís.
—Halá ...—ang isinagót ng̃ isá na may cauntíng samâ ang loob.
Pumasoc silá't humanap sa gayóng nag-aagaw ng̃ dilim at liwanag ng̃ isáng lugar na lalong nauucol; hindi nalao't nacásumpong silá ng̃ isáng baunang bató at doon silá naupô. Kinuha ng̃ pinacapandác sa canyáng salacót ang baraja, at nagpaning̃as namán ang isá ng̃ fósforo.
Sa ilaw ay nagting̃inan ang isá't isa, datapuwa't ayon sa pag-aanyô ng̃ canícaniláng mukha'y hindi nang̃agcacakilalanan. Ng̃uni't gayón man, sa pinacamataás at tinig macalalaki ay makikilala natin si Elías, at sa pinacamaliit ay si Lucas, dahil sa pílat niyá sa pisng̃í.
—¡Alsahín po ninyó!—ang winica nitó, na hindi náliling̃at ng̃ pagmamasíd sa caharáp.
Itinabí ang iláng butóng nakita sa ibabaw ng̃ libing̃ang bató't saca nag-andar ng̃ isáng alás at isáng cabayo. Pinagsunodsunód ni Elías ang pagpapaning̃as ng̃ fósforo.
—¡Sa cabayo!—anyá,—at ng̃ magcatanda'y nilagyán ng̃ isáng bung̃ô ng̃ tadyáng.
—¡Juego!—aní Lucas,—at sa icaapat ó icalimang carta ay lumabás ang isáng alás.
—Natalo cayó,—ang idinugtóng;—ng̃ayó'y pabayaan po ninyóng acó'y mag-isáng humanap ng̃ pagcabúhay.
Umalís si Elías na hindi nagsabi ng̃ catagâ man lamang, at nawala sa guitna ng̃ cadilimán.
Nang macaraan ang ilang minuto'y tumugtóg ang á las ocho sa relós ng̃ simbahan, at ipinahayag ng̃ campana ang oras ng̃ mg̃a caluluwa; ng̃uni't hindi inanyayahan ni Lucas makipagsugál sa canyá ang sino man, hindi tinawagan ang mg̃a patáy, na gaya ng̃ iniaatas ng̃ pamahiin; ang guinawá'y nagpugay at bumulóng ng̃ ilang panalang̃in, nagcruz ng̃ boong cataimtimang tulad sa marahil guinágawa rin sa sandaling iyón ng̃ puno ng̃ Cofradía ng̃ Santísimo Rosario.
Nagpatuloy ang pag-ambón sa boong magdamág. Pagca á las nueve ng̃ gabi'y madilím na ang mg̃a daan at wala ng̃ taong lumalacad; ang mg̃a farol ng̃ lang̃is na dapat ibitin ng̃ bawa't namamayan sa tapat ng̃ canilang bahay, bahagya ng̃ nacaliliwanag sa pabilóg na isáng metro ang luwang: tila mandin inilagáy ang mg̃a ilaw na iyó't upang makita ang carilimán.
Naglálacad ng̃ paroo't parito sa magcabicabilang dulo ng̃ daang malapit sa simbahan ang dalawáng guardia civil.
—¡Maguináw!—ang sabi ng̃ isá sa wicang tagalog na may puntóng bisayà; hindi tayo macahuli ng̃ isá man lamang sacristan, waláng gágawa ng̃ casiraan ng̃ culung̃án ng̃ manóc ng̃ alferez ... Nang̃adalà dahil sa pagcápatay doon sa isá; nacayáyamot sa akin itó.
—At sa akin,—ang isinagót ng̃ isá;—sino ma'y waláng nagnanacaw; datapuwa't salamat sa Dios at ang sabiha'y na sa bayan daw si Elías. Ang sabi ng̃ alferez ay ang macahuli raw sa canyá'y máliligtas sa palò sa loob ng̃ tatlóng buwán.
—¡Aa! Nasasaulo mo ba ang canyáng mg̃a señas?—ang tanóng ng̃ bisaya.
—¡Mangyari bagá! ang taás ay matangcád ayon sa alferez, catatagán ayon sa cay padre Dámaso; maiitím ang mg̃a matá, catatagán ang ilóng, catatagán ang bibíg, waláng balbás, maitim ang buhóc....
—¡Aa! ¿at ang mg̃a tang̃ing señas?
—Maitím ang barò, maitím ang salawal, máng̃ang̃ahoy....
—¡Aa! hindi macatatacas, tila nakikinikinita co na siyá.
—Hindi co siyá pagcacamal-an sa ibá, cahi't macatulad niyá.
At ipinagpatuloy ng̃ dalawáng sundalo ang caniláng pag-ronda.
Mulíng natatanawan na namán natin sa liwanag ng̃ mg̃a farol ang dalawáng aninong nagcacasunod na lumalacad ng̃ boong pag-iing̃at. Isáng mabalasic na ¿quién vive? ang siyáng nagpahintô sa dalawá, at sumagót ang nauna ng̃ ¡España! na nang̃ang̃atal ang tinig.
Kinaladcád siyá ng̃ mg̃a sundalo at siyá'y dinalá sa farol upáng siyá'y kilalanin. Siyá'y si Lucas, ng̃uni't nang̃ag-aalinlang̃an ang mg̃a sundalo at nang̃agtatanung̃an sa ting̃inan.
—¡Hindi sinasabi ng̃ alferez na may pilat!—anáng bisayà sa sabing marahan.—¿Saán ca paroroon?
—Magdádala acó ng̃ pamisa upang gawín bucas.
—¿Hindi mo ba nakikita si Elías?
—¡Hindi co po siyá nakikilala, guinoó!—ang sagót ni Lucas.
—¡Hindi co itinátanóng sa iyo cung siyá'y nakikilala mo, ¡tang̃a! cami ma'y hindi namin siyá nakikilala; itinátanóng co sa iyó cung siyá'y nakita mo!
—Hindi pô, guinoo.
—Pakinggán mong magalíng, sasabihin co sa iyó ang canyáng mg̃a señas. Ang taás ay cung minsa'y matangcád, cung minsa'y catatagán; ang buhóc at ang mg̃a matá'y maiitim; at ang lahát ng̃ mg̃a ibá pa'y pawang mg̃a catatagán,—anáng bisayà.—¿Nakikilala mo na siyá ng̃ayón?
—¡Hindi po, guinoó!—ang isinagót ni Lucas na natútulig.
—¡Cung gayó'y ¡sulong! hayop, burro!—At ipinagtulacan siyá nilá.
—¿Nalalaman mo ba cung bakin ang acala ng̃ alferez ay matangcád si Elías at ang acalà naman ng̃ cura'y catatagán lamang ang taás?—ang itinanóng na nag iisip-isip ng̃ tagalog sa bisayà.
—Hindi.
—Sa pagcá't nacabaón sa pusáw ang alférez ng̃ siyá'y mámatyagan, at ang cura namá'y nacatayô.
—¡Siyá ng̃â!—ang bigláng sinabi ng̃ bisaya; mainam ang pag-iisip mo ... ¿bakit ca nagguardia civil?
—Hindi capagcaraca'y guardia civil acó; acó'y dating contrabandista,—ang isinagót ng̃ tagalog na nagpapahang̃a.
Ng̃uni't silá'y linibáng ng̃ isá pang anino: sinigawán nilá itó ng̃ ¿quién vive? at bago dinalá nilá sa ilaw. Ng̃ayó'y si Elías na ng̃â ang siyáng sa canilá'y humaharap.
—¿Saán ca paroroon?
—Akin pong hinahabol, guinoó, ang isáng taong humampás at nagbalà sa aking capatíd na lalaki; ang taong iyó'y may pílat sa mukhá't nagng̃ang̃alang Elías ...
—¿Há?—ang bigláng sinabi ng̃ dalawá at nang̃agting̃inang nagsisipanghilacbót.
At pagdaca'y nang̃agtacbuhang ang tung̃o'y sa simbahang sasandali pa lamang na pinaroonan ni Lucas.