Noli Me Tangere
Decorative motif

LIII.

IL BUON DI SI CONOSCE DA MATTINA.

Maagang cumalat sa bayan ang balitang may nakitang mg̃a ilaw sa libing̃an ng̃ gabing nacaraán.

May sinasabi ang punò ng̃ V.O.T. (Venerable Orden Tercera) na mg̃a candilang may ilaw at cung paano ang anyô at cung gaano ang caniláng mg̃a lakí, datapuwa't ang hindi matucoy ay ang bilang, ng̃uni't may nabilang siyáng hanggáng dalawampô. Hindi dapat atimín ni hermana Sipa, na caanib sa Cofradía ng̃ Santísimo Rosario, na ang macapagyabáng lamang na nacakita ng̃ biyayà ng̃ Dios na itó'y ang isáng na sa hermandad (capatiran) na caaway; sinabi namán ni hermana Sipa, cahi't hindi malapit doon ang canyáng tinátahanan, na siyá'y nacáring̃ig ng̃ mg̃a daíng at hibíc, at hanggáng sa tila mandín canyáng nakikilala ang tinig ng̃ tang̃ing mg̃a tao, na ng̃ unang panahó'y canyáng naca ..., datapuwa't alang-alang sa pag-ibig sa capuwa taong atas sa binyaga'y hindi lamang canyáng pinatatawad, cung di namán canyáng ipinananalang̃in at inililihim ang caniláng mg̃a pang̃alan, at dahil dito'y pagdaca'y pinapagtitibay na siyá'y santa. Hindi totoong matalas ang taing̃a, ang catotohanan, ni hermana Rufa, ng̃uni't hindi dapat tiisin niyáng naring̃ig ang bagay na iyón ni hermana Sipa't siyá'y hindi, at dahil dito'y nanaguinip siyá at sa canyá'y humarap ang maraming mg̃a caluluwa, hindi lamang ng̃ mg̃a taong patáy na, cung di namán ng̃ mg̃a buhay; hiníhing̃i ng̃ mg̃a caluluwang silá'y bahaguinan ng̃ mg̃a indulgenciang canyáng maliwanag na itinátala't pinacaiing̃atan. Masasabi niyá ang mg̃a pang̃alan sa mg̃a familiang nang̃ang̃ailang̃an, at wala siyáng hiníhing̃i cung di isáng muntíng limós upáng isaclolo sa Papa, sa mg̃a pang̃ang̃ailang̃an nitó.

Isáng batang ang hanap-buhay ay mag-alaga ng̃ mg̃a hayop, na nang̃ahás magpatibay na wala siyáng nakita liban na lamang sa isáng ilaw at dalawáng táong nang̃acasalacot, nahirapang lubha upang macaligtás sa mg̃a hampás at mg̃a lait. Nawaláng cabuluháng siyá'y manumpâ, na canyáng casama ang canyáng mg̃a calabaw at silá ang macapagsasabi;

—¿Durunong ca pa sa mg̃a celador at sa mg̃a hermana, paracmason, hereje?—ang siyáng caniláng sinasabi sa canyá't siya'y iniirapan nilá.

Nanhíc ang cura sa púlpito at inulit ang sermón tungcól sa Purgatorio, at muli na namáng lumabas ang mg̃a pipisohin sa canicaniláng kinatataguan.

Ng̃uni't pabayaan natin muna ang mg̃a caluluwang nang̃aghihirap, at pakinggán natin ang salitaan ni don Pilipo at ng̃ matandáng Tasio, na may sakit at nag-íisa sa canyáng maliit na bahay. Malaon nang hindi bumabang̃on sa canyáng kinahihigaan ang filósofo ó ulól, at nararatay dahil sa isáng panghihinang madalî ang paglubhâ.

—Ayawán, sa catotohanan, cung marapat co cayóng handugan ng̃ masayáng batì dahil sa pagcátanggáp sa inyó ng̃ inyóng pagbibitiw ng̃ catungculan; ng̃ una, ng̃ hindi pakinggán ng̃ boong cawalánghiyaan ang palagáy ng̃ marami sa mg̃a nang̃agpupulong, sumasacatuwiran cayóng hing̃in ninyó ang pahintulot na macapagbitíw cayó ng̃ inyóng catungculan; ng̃uni't ng̃ayóng cayó'y nakikitalád sa guardia civíl ay hindi magalíng. Sa panahón ng̃ pagbabaca'y dapat cayóng manatili sa inyóng kinalalagyan.

—Tunay ng̃a, datapuwa't hindi, pagca naglililo ang general,—ang sagót ni don Filipo;—talastas na po ninyóng kinabucasa'y inalpasan ng̃ gobernadorcillo ang mg̃a sundalong aking nahuli, at nagpacatangguítangguíng gumawa ng̃ cahi't anó pa man. Wala acóng magawa cung walang pahintulot ang aking punò.

—Wala ng̃a, cung cayó'y nag-íisa, datapuwa't malakí ang magágawa ninyó cung catulong ninyó ang mg̃a ibá. Dapat sanang sinamantala ninyó ang ganitóng pangyayari upang cayó'y macapagbigáy ulirán sa ibáng mg̃a bayan. Sa ibabaw ng̃ catawátawáng capangyarihan ng̃ gobernadorcillo'y naroon ang catuwiran ng̃ bayan; iyán sana ang pasimula ng̃ isáng magalíng na pagtuturò ay inyóng sinayang na di guinamit.

—¿At anó bagá caya ang aking magágawa sa kinacatawán ng̃ mg̃a malíng pananalig? Tingnan po ninyó't nariyan si guinoóng Ibarra, na napilitang makisang-ayon sa mg̃a pananampalataya ng̃ caramihan, ¿inaacalà ba ninyóng siyá'y naniniwalà sa «excomunión»?

—Ibá ang inyóng calagayan cay sa canyá; ibig ni guinoóng Ibarrang magtaním, at upang magtaním ay kinacailang̃ang yumucód at tumalima sa cahiling̃an ng̃ catawán; ang catungculan po ninyó'y magpagpág, at upang magpagpág ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ lacás at ning̃as ng̃ loob. Bucod sa rito'y hindi dapat gawín ang pakikitalád laban sa gobernadorcillo; ang marapat sabihi'y: laban sa lumalabis sa paggamit ng̃ lacás, laban sa sumisira ng̃ catahimican ng̃ bayan, laban sa nagcuculang sa canyáng catungculan; at sa ganitó'y hindi ng̃a cayó mag-iisá, palibhasa'y ang bayan ng̃ayó'y hindi na gaya ng̃ nacaraáng dalawampóng taón.

—¿Sa acala po caya ninyó?—ang tanóng ni don Filipo.

—¿At hindi po ninyó nararamdaman?—ang isinagót ng̃ matandang ga humilig na sa kináhihigan;—¡ah! palibhasa'y hindi pô ninyó nakita ang panahóng nagdaan, hindi ninyó mapagcucurocurò ang bung̃a ng̃ pagparito ng̃ mg̃a tagá Europa, ng̃ mg̃a bagong aclát at ng̃ pagpasá Europa ng̃ mg̃a kinabataan. Pag-isip-isipin ninyó't pagsumagsumaguin: tunay ng̃a't nananatili pa ang Real at Pontificia Universidad ng̃ Santo Tomás, sampô ng̃ canyáng carunungdung̃ang claustro, at pinapagsasanay pa ang iláng mg̃a nag-aaral sa pagtatatág ng̃ mg̃a «distingo» (pagkilala ng̃ caibhán) at bigyán ng̃ panghulíng ningníng ang mg̃a catalasan ng̃ pagmamatuwiran tungcól sa iglesia, ng̃uni't ¿saán pô ninyó makikita ng̃ayón yaóng mg̃a kinabataang mawilihíng sásalicsic ng̃ metafísica, panís ng̃ mg̃a dunong, na sa capapahirap sa pag-iisip ay namamatay sa marayang mg̃a pagbabalacbalac sa isáng suloc ng̃ mg̃a lalawigan, na hindi matapustapos unawain ang mg̃a saguisag ng̃ «ente», hindi macuhang masunduan ang liwanag ng̃ «esencía» (tining) at ng̃ «existencia» (búhay) cataastaasang palaisipang nagpapalimot sa atin ng̃ lalong kinacailang̃ang maalaman: ng̃ nauucol sa ating cabuhayan at sariling calagayan? ¡Tingnán po ninyó ang cabataan ng̃ayón! Sa puspós na casiglahan ng̃ caniláng loob sa pagcákita sa lalong malayong tan-awin, silá'y nang̃ag-aaral ng̃ Historia, Matemáticas, Geografía, Literatura, mg̃a dunong sa Física, mg̃a wicà ng̃ ibá't ibáng lahi, mg̃a bagay na lahát na nang panahón nati'y ating diníring̃ig ng̃ malakíng pang̃ing̃ilabot na parang mg̃a heregía; ang lalong mahiliguín sa calayaan ng̃ isip ng̃ panahón co'y pinapagtitibay na mababang-mababa ang mg̃a dunong na iyán sa mg̃a minana cay Aristóteles at sa mg̃a pátacaran ng̃ «silogismo». Sa cawacasa'y napag-unawa ng̃ taong siyá'y tao; pínabayaan ang pagsisiyasat sa calagayan ng̃ canyáng Dios, ang pakikialam sa hindi matangnán, sa hindi nakita, at ang paglalagdá ng̃ alituntunin sa mg̃a panaguinip ng̃ canyáng panimdim; napagkilala ng̃ taong ang canyáng minana'y ang malawac na daigdíg, na macacaya niyáng pagharian; na sa canyáng pagcapagál sa isáng gáwaing waláng cabuluhá't palalò, tumung̃ó't pinagmasídmasíd ang lahát nang sa canyá'y nacaliliguid. Pagmasdán pô ninyó ng̃ayón cung paano ang pagsílang ng̃ ating mg̃a poeta; binúbucsan sa ating unti unti ng̃ mg̃a Musa ng̃ Naturaleza ang caniláng iniing̃atang mg̃a cayamanan at nagpápasimulâ ng̃ pagng̃iti sa atin upáng tayo'y bigyáng siglá sa pagpapatulò ng̃ pawis. Naghandóg na ng̃ mg̃a unang bung̃a ang mg̃a dunong na nagbúhat sa mg̃a pinagdanasan; culang na lamang ng̃ayón ang lubós na pacabutihin ng̃ panahón. Naaalínsunod ang mg̃a bagong abogado ng̃ayón sa mg̃a bagong balangcás ng̃ Filosofia ng̃ Càtuwirán; nagpápasimulà na ang ilán sa canilá ng̃ pagníngning sa guitna ng̃ carilimáng nacaliliguid sa luclucan ng̃ mg̃a tagapa-unawa ng̃ cagaling̃an, at nahihíwatigan na ang pagbabago ng̃ lacad ng̃ panahón. Pakinggán po ninyó cung paanong manalitâ ng̃ayón ang mg̃a cabataan, dalawing po ninyó ang mg̃a páaralang pinagtuturuan ng̃ mg̃a dunong, at ibá ng̃ mg̃a pang̃alan ang umaaling̃áwng̃aw sa mg̃a pader ng̃ mg̃a claustro, diyán sa loob ng̃ mg̃a pader na iyá'y wala tayong máriring̃ig liban na lamang sa mg̃a ng̃alan ni Santo Tomás, Suarez, Amat, Sánchez at mg̃a ibá pa, na pawang pinacasásamba ng̃ panahóng co. Waláng cabuluháng magsisigáw buhat sa mg̃a púlpito ang mg̃a fraile laban sa tinatawag niláng pagsamâ ng̃ mg̃a ugalì, tulad sa pagsigáw ng̃ mg̃a magtitindá ng̃ isdâ, laban sa cacuriputan ng̃ mg̃a mamimili, na hindi nilá napagkikilalang ang calacal nilá'y bilasâ na't waláng cabuluhán! Waláng cabuluháng ilaganap ng̃ mg̃a convento ang caniláng mahahabang galamáy at mg̃a ugat sa hang̃ád na inisín sa mg̃a bayan ang bagong agos; pumapanaw na ang mg̃a diosdiosan; mangyayaring mapapamayat ng̃ mg̃a ugat ng̃ cahoy ang mg̃a halamang doo'y itinatanim, datapuwa't hindi mangyayaring macaamís ng̃ buhay sa ibáng nang̃abubuhay, na gaya na ng̃a ng̃ mg̃a ibong napaiilangláng sa calang̃itán.

Masimbuyó ang pananalitâ ng̃ filósofo; nagníningning ang canyáng mg̃a matá.

—Datapuwa't maliit ang bagong sibol; cung mang̃agcáisa ang lahát, ang pagsúlong na totoong napacamahal ang ating pagbili'y mangyayaring caniláng mainís,—ang itinutol ni don Filipo na áayaw maniwala.

—Inisin siya, ¿nino? ¿ng̃ tao bagâ, iyáng pandác bang masasactín ang macaíinis sa Pagsulong, sa macapangyarihang anác ng̃ panahón at ng̃ casipagan? ¿Cailán bagá nagawâ niyá ang gayón? Lalò ng̃ itinulac siyá sa paglaganap ng̃ mg̃a nang̃agpupumilít na siyá'y piguílin sa pamamag-itan ng̃ mg̃a pinasasampalatayan, ng̃ bibitayán at ng̃ pinagsusunugang sigâ. E por si muove, (at gayón ma'y gumágalaw), ang sinasabi ni Galileo ng̃ pinipilit siyá ng̃ mg̃a dominicong canyáng sabihing ang lupa'y hindi gumagalaw; ang gayóng salitá'y iniuucol sa pagsulong ng̃ dunong ng̃ tao. Mapipilit ang iláng mg̃a calooban, mapápatay ang iláng mg̃a tao, ng̃uni't itó'y waláng cabuluhán: magpapatuloy ng̃ paglacad sa canyáng landás ang Pagsulong, at sa dugô ng̃ mg̃a mabulagtá'y bubucal ang mg̃a bago't malalacás na mg̃a suwi. Pagmasdán po ninyó ang mg̃a pamahayagan man, cahi't ibiguing magpacátiratira sa cahulihulihan, gayón ma'y humáhacbang ng̃ isá sa pagsulong ng̃ laban sa canyáng calooban; hindi macatacas sa pagtupad sa ganitóng atas ang mg̃a dominico man, caya't caniláng tinutularan ang mg̃a jesuita, na cánilang mg̃a caaway na cailán ma'y hindi macacasundô: gumágawâ silá ng̃ mg̃a casayahan sa caniláng mg̃a claustro, nang̃agtátayô ng̃ mg̃a maliliit na mg̃a teatro, nag-áanyô-anyô ng̃ mg̃a tulâ, sa pagcá't palibhasa'y hindi silâ culang sa catalinuhan, bagá man ang boong isip nilá'y nang̃abubuhay pa silá sa icalabinglimáng siglo, napagkikilala niláng sumasacatuwiran ang mg̃a jesuita, at silá'y makikialam pa sa daratníng panahón ng̃ mg̃a batang bayang caniláng tinuruan.

—Ayon, sa sabi ninyó'y ¿caalacbáy ang mg̃a jesuita sa paglacad ng̃ Pagsulong?—ang tanóng na nagtátaca ni don Filipo;—cung gayo'y ¿bakit silá'y minamasamâ ng̃ mg̃a tagá Europa?

—Cayó po'y sasagutín co ng̃ catulad ng̃ mg̃a nag-aaral ng̃ tungcól sa Iglesia ng̃ una,—ang isinagót ng̃ filósofo, na mulíng nahigâ at pinapanag-uli ang canyáng pagmumukháng palabiro;—sa tatlóng paraán mangyayaring macaacbay sa Pagsulong: sa dacong unahán, sa dacong taguiliran at sa dacong hulihán; ang mg̃a nang̃ung̃una'y siyáng namamatnugot sa canyá; ang nang̃asa taguilira'y cusang napadadala na lamang, at ang nang̃ahuhuli'y pawang kinácaladcad, at sa mg̃a kinácaladcad na itó nasasama ang mg̃a jesuita. Ang ibig sana nilá'y silá ang macapamatnubay sa Pagsulong, ng̃uni't sa pagcá't nakikita niláng itó'y malacás at ibá ang mg̃a hilig, silá'y nakikisang-ayon, at lalong minamagalíng niláng silá'y makisunod cay sa silá'y tahaki't yapacan, ó mátira caya sa guitna ng̃ marilím na daán. Ng̃ayón po'y tingnán ninyó, tayo rito sa Filipinas ay may mg̃a tatlóng siglo, ang cauntian, ang ating pagcáhuli sa carro ng̃ Pagsulong: bahagya pa lamang nagpápasimula tayo ng̃ pag-alis sa «Edad Media» (476 hanggáng 1453); caya ng̃a ang mg̃a jesuita na nasa Europa'y larawan ng̃ pag-urong, cung pagmasdan dito'y larawan ng̃ Pagsulong; cautang̃an ng̃ Filipinas sa canilá ang bagong umúusbóng na pagdunong, ang mg̃a dunong na catutubò ng̃ daigdíg (Ciencias Naturales), na siyáng cáluluwa ng̃ siglo XIX, na gaya namang cautang̃án sa mg̃a dominico ang Escolasticismo (filosofía ng̃ Edad Media), na namatáy na cahi't anóng pagpipilit na gawín ni León XIII: waláng Papang macabuhay na mag-ulî sa binitay na ng̃ catutubong bait ... Datapuwa't ¿saán náparoon ang ating salitaan?—ang itinanóng na nagbago ng̃ anyô ng̃ pananalita;—¡ah! ang pinag-uusapan nati'y ang casalucuyang calagayan ng̃ Filipinas ... Siyá ng̃a, ng̃ayó'y pumapasoc tayo sa panahón ng̃ pakikitunggalì, malî acó, cayó; nauucol na sa gabí camíng nang̃aunang ipinang̃anác, cami'y paalís na. Ang nagtutunggali ay ang nacaraang panahóng cumacapit at yumayacap na nagtútung̃ayaw sa uugaugâ ng̃ malaking bahay na bató ng̃ mg̃a macapangyarihan, at saca ang panahóng sasapit, na náriring̃ig na buhat sa malayò ang canyáng awit ng̃ pagwawagui, sa mg̃a sinag ng̃ isáng namamanaag ng̃ liwaywáy, tagláy ang Bagong Magandáng Balita na galing sa mg̃a ibáng lupaín ... ¿Sinosino caya ang mang̃atitimbuang at mababaon sa pagcaguhò ng̃ náguiguibang bahay?

Tumiguil ng̃ pananalitâ ang matandáng lalaki, at ng̃ makita niyang siyá'y tinititigan ni don Filipong nagninilaynilay, ngumitî at mulíng nagsalitâ:

—Halos nahuhulaan co ang iniisip po ninyó.

—¿Siyá ng̃a pô ba?

—Iniisip po ninyóng magaang na totoóng mangyaring acó'y nagcacamalì,—ang sinabing ng̃uming̃itî ng̃ malungcót;—ng̃ayó'y may lagnát acó at hindi namán acó maipalalagay na hindi namamali cailán man: homo sum et nihil humani a me alienum puto, ani Terencio; ng̃uni't cung manacánaca'y itinutulot ang managuinip, ¿bakit bagá't hindi mananaguinip acó sa mg̃a hulíng sandalî ng̃ buhay? At bucód sa roo'y ¡pawang panaguinip lamang ang aking naguíng buhay! Sumasacatuwiran pô cayó; ¡panaguinip! waláng iniisip ang ating mg̃a kinabataan cung di ang mg̃a sintahan at layaw ng̃ catawan: lalong malaki ang panahóng caniláng ginugugol at ipinagcacapagod sa pagdayà at paglulugsô ng̃ isáng capurihán ng̃ isáng dalaga, cay sa pag-iisip-isip ng̃ icagagaling ng̃ canyáng lupang tinubuan; pinababayaan ng̃ mg̃a babae rito sa atin ang caniláng sariling mg̃a familia, dahil sa pag aalaga ng̃ bahay at familia ng̃ Dios; masisipag lamang ang mg̃a lalaki rito sa atin sa nauucol sa mg̃a vicio at silå'y mg̃a bayani lamang sa paggawâ ng̃ mg̃a cahiyahiyâ; námumulat ang camusmusan sa mg̃a cadilimán at sa mg̃a calumalumaang pinagcaratihang aayaw baguhin; pinalálampas ng̃ mg̃a cabataan ang lalong pinacamagalíng na panahón ng̃ caniláng buhay na waláng anó mang mithîin, at ang mg̃a may gulang na'y waláng guinágawang sucat mamung̃a ng̃ cagaling̃an, waláng capacanán silá cung di magpasamâ sa mg̃a kinabataan sa pamamag-itan ng̃ caniláng masasamáng halimbawang ipinakikita ... Ikinagagalac cong acó'y mamatáy na ... claudite jam rivos, pueri.

—¿Ibig pô ba ninyó ang anó mang gamót?—ang itinanóng ni don Filipo, upáng magbago ng̃ salitaang nacapagbigáy dilim sa mukhâ ng̃ may sakít.

—Hindî nagcacailang̃an ng̃ mg̃a gamót ang mg̃a mamamatay; cayóng mg̃a mátitira ang nang̃agcacailang̃an. Sabihin pô ninyó cay don Crisóstomo na acó'y dalawin niyá bucas, may sasabihin acó sa canyáng totoong mahahalagá. Sa loob ng̃ iláng araw ay yayao na acó. ¡Sumásacadilimán ang Filipinas!

Pagcatapos ng̃ ilàng sandali pang pag-uusapa'y iniwan ni don Filipong namámanglaw at nag-iisip ang bahay ng̃ may sakít.

Decorative motif

LIV.

QUIDQUID LATET, ADPAREBIT,
NIL INULTUM REMANEBIT.

Ipinagbibigay álam ng̃ campana ang oras ng̃ pagdarasal sa hapon; tumitiguil ang lahát pagcáring̃ig ng̃ taguinting ng̃ pagtawag ng̃ religión, iniiwan ang caniláng guinágawa't nang̃agpupugay: inihíhintó ng̃ magsasacáng nanggagaling sa bukid ang canyáng pag-awit, pinatitiguil ang mahinahong lacad ng̃ calabáw na canyáng sinásakyan, at nagdarasal; nagcucruz ang mg̃a babae sa guitnâ ng̃ daan at pinagágalaw na magalíng ang caniláng mg̃a labì't ng̃ sino ma'y huwag mag-alinlang̃ang sa caniláng silá'y mapamintakasi; inihihintô ng̃ lalaki ang pag-ámac sa canyáng manóc at dinárasal ang Angelus upáng sang-ayunan siyá ng̃ capalaran; nang̃agdárasal ng̃ malacás sa mg̃a bahay ... nalúlugnaw, nawáwalâ ang lahát ng̃ ing̃ay na hindi ang sa Abá Guinoong Maria.

Gayón ma'y nagtutumulin sa paglacad sa daan ang curang nacasombrero, na anó pa't pinapagcacasala ang maraming mg̃a matatandáng babae, ¡at lalo ng̃ nacapagcacasala! na ang tinutungo niyá'y ang bahay ng̃ alférez. Inacala ng̃ mg̃a matatandáng babaeng panahón nang dapat niláng itíguil ang pagpapakibót ng̃ caniláng mg̃a labi upáng silá'y macahalic sa camáy ng̃ cura; datapuwa't hindî silá pinansín ni pari Salví; hindi siyá nagtamóng lugód ng̃ayóng ilagáy ang canyáng mabut-óng camáy sa ibabaw ng̃ ilóng ng̃ babaeng cristiana, upáng buhat diyá'y padaus-using maimis (ayon sa nahiwatigan ni doña Consolación) sa dibdíb ng̃ magandáng batang dalaga, na yumúyucod sa paghing̃î ng̃ bendición.

¡Marahil totoong mahalagáng bagay ng̃â ang nacaliligalig sa canyáng panimdím upáng malimutan ng̃ ganyán ang canyáng sariling cagaling̃an at ang cagaling̃an ng̃ Iglesia!

Totoong dalidali ng̃ang siyá'y nanhíc sa hagdanan at tumawag ng̃ boong pagdudumalî sa pintô ng̃ bahay ng̃ alférez, na humaráp na nacacunót ang mg̃a kilay, na sinusundan ng̃ canyáng cabiac (ng̃ canyang asawa), na ng̃umíng̃iting parang tagá infierno.

—¡Ah, padre cura! makikipagkita sana acó sa inyó ng̃ayón, ang cambíng na lalaki po ninyó'y....

—May sadyà acóng totoong mahalagá....

—Hindí co maitutulot na palagui ng̃ iwasac niyá ang bacod ... ¡papuputucan co siyá cung magbalic!

—¡Iyá'y sacali't buháy pa cayó hanggáng bucas!—anáng cura na humihing̃al at patung̃o sa salas.

—¿Anó? ¿inaacala po ba ninyóng mapapatay acó niyáng taotaohang pipitong buwan pa lamang ng̃ ipang̃anac? ¡Lúlusayin co siyá sa isáng sicad lamang!

Umudlót si pari Salvi at hindi kinucusa'y itinung̃ó ang paning̃ín sa paá ng̃ alférez.

—¿At sino po ba ang inyóng sinasabi?—ang itinanóng na nang̃áng̃atal

—¿Sino ang sasabihin co cung di iyáng nápacahalíng, na hinamon acóng camí raw ay magpatayan sa pamamag-itan ng̃ revolver, na ang layo'y sandaang hacbáng?

—¡Ah!—huming̃á ang cura, at saca idinugtóng:—Naparito acó't may sasabihin sa inyóng isáng bagay na totoóng madalian.

—¡Huwág na pó cayóng magsabi sa akin ng̃ ganyáng mg̃a bagay! ¡Marahil iyá'y catulad ng̃ sa dalawáng batà!

Cung di lamang naguíng lang̃ís ang pang-ilaw at hindi sana nápacarumí ang globo, nakita disín ng̃ alférez ang pamumutlâ ng̃ cura.

—¡Ang ating pag-uusapan ng̃ayó'y ang mahalagáng bagay na nauucol sa buhay ng̃ calahatan!—ang mulíng sinabi ng̃ cura ng̃ marahan.

—¡Mahalagáng bagay!—ang inulit ng̃ alférez na namutlà; ¿magalíng po bang magpatamà ang binatang iyán?...

—Hindi siyá ang aking sinasabi.

—Cung gayó'y ¿sino?

Itinurò ng̃ cura ang pintô, na sinarhán ng̃ alférez alinsunod sa canyáng kinaugalian, sa pamamag-itan ng̃ isáng sicad. Ipinalálagay ng̃ alférez na waláng cabuluhán ang mg̃a camay, at wala ng̃ang mawáwalâ sa canyáng anó man cung maalis ang canyang dalawang camáy. Isáng tung̃ayaw at isáng atung̃al ang siyáng naguíng casagutan buhat sa labás.

—¡Hayop! ¡biniyác mo ang aking noó!—ang isinigáw ng̃ asawa niyá.

—¡Ng̃ayó'y iluwal na pô ninyó!—ang sinabi sa cura ng̃ boong capanatagán ng̃ loob.

Tinitigan ng̃ cura ang alférez ng̃ malaon; pagcatapos ay tumanóng niyáng tinig na pahumál at nacayayamot na caugalian ng̃ nang̃agsesermon:

—¿Nakita pô ba ninyó cung paano ang aking pagparito, patacbó?

—¡Redios! ¡ang boong isip co'y nagbubululós pô cayó!

—Cung gayó'y tingnán ninyó,—ang sinabi ng̃ cura na hindi pinansín ang cagaspang̃an ng̃ asal ng̃ alférez;—pagca nagcuculang acó ng̃ ganyán sa aking catungculan, maniwala cayó't may mabibigát na mg̃a cadahilanan.

—¿At anó pa pô?—ang itinanóng ng̃ causap na itinátadyac ang paá sa tinútungtung̃an.

—¡Huminahon cayó!

—Cung gayó'y ¿anó't cayó'y nagmámadali ng̃ mainam sa pagparito?

Lumapit sa canyá ang cura't tumanong ng̃ matalinghagà:

—¿Walà ... pô ... ba ... cayóng ... nababalitaang ... anó ... man?

Pinakibít ng̃ alférez ang canyáng mg̃a balicat.

—¿Pinagtitibay pô ba ninyóng wala cayóng natátalastas na anóng anó man?

—¿Ibig pô ba ninyóng ipaunawa sa akin ang nauucol cay Elías na cagabí'y itinagò ng̃ inyóng sacristan mayor?—ang itinanóng.

—Hindi, hindi co sinasabi ng̃ayón ang mg̃a cathacathàng iyan,—ang sagót ng̃ curang nagpakita na ng̃ pagcayamot;—ang ibig cong sabihin ng̃ayó'y ang isáng malakíng pang̃anib.

—¡P ...! ¡cung gayó'y magsalitâ cayó ng̃ maliwanag!

—¡Abá!—ang madalang na sinabi ng̃ fraile na may anyóng pagpapawaláng halaga;—ng̃ayó'y muli pa ninyóng makikita ang cahalagahan naming mg̃a fraile; catimbáng ng̃ isáng regimiento ang catapustapusang uldóg; caya't ang cura'y ...

At ibinabâ ang tinig at sinabi ng̃ matalinghagang pananalitâ:

—¡Nacatuclas acó ng̃ isáng malaking acalang pangguguló!

Lumucsó ang alférez at tinititigan ang fraile sa malakíng gulat.

—Isáng cakilakilabot at mabuting pagcacahandang munacalang tacsíl na pangguguló, na sasambulat ng̃ayón ding gabí.

—¡Ng̃ayón ding gabi!—ang bigláng sinabi ng̃ alférez, na dinaluhong ang cura; at tinacbó ang canyáng revolver at sable na nacasabit sa pader.

—¿Sino ang aking daracpin?, ¿sino ang aking daracpin?—ang sigáw.

—¡Huminahon po cayó, may panahón pa, salamat sa aking pagdadalidaling guinawa; hanggáng sa á las ocho....

—¡Babarilín co siláng lahát!

—¡Makiníg po cayó! Lumapit sa akin ng̃ayóng hapon ang isáng babae, na hindi co dapat sabihin ang pang̃alan (sa pagcá't isang lihim ng̃ confesió) at ipinahayag sa aking lahát. Sasalacayin nilá't cucunin ang cuartel, pagca á las ocho, na hindi magpapamalay, lolooban ang convento, dáracpin nilá ang falúa at pápatayin tayong lahát na mg̃a castila.

Tulíg na tulíg ang alférez.

—Waláng sinabi sa akin ang babae cung di itó lamang,—ang idinugtóng ng̃ cura.

—¿Walâ ng̃ ibáng sinabi? ¡cung gayó'y daracpin co siyá!

—Hindi co mapababayaan: ang hucuman ng̃ pang̃ung̃umpisal ay siyáng luclucan ng̃ Dios na mahabaguin.

—¡Waláng Dios at waláng mahabaguing macapagliligtas! ¡huhulihin co ang babaeng iyán!

—Sinisirà po ninyó ang inyóng isip. Ang marapat pô ninyóng gawin ay humandá; lihim ninyóng papagsandatahin ang inyóng mg̃a sundalo, at ilagáy ninyó silá sa magalíng na mapagbabacayan; padalhan pô ninyó acó ng̃ apat na guardia sa convento, at ipaunawâ ninyó ang mangyayari sa mg̃a taga falúa.

—¡Walâ rito ang falúa! Hihing̃î acó ng̃ saclolo sa ibáng mg̃a sección!

—Huwág, sa pagca't cung gayó'y caniláng maiino, at hindi nila ipatutuloy ang caniláng bantâ. Ang lalong magalíng ay máhuli nating buháy silá at sacâ natin pasigawin, sa macatuwíd bagá'y cayó ang magpapasigaw sa canilá; hindi acó dapat makialám sa bagay na itó, sa pagcá't acó'y sacerdote. ¡Dilidilihin ninyó! sa mangyayaring itó'y macatutuclas cayó ng̃ mg̃a cruz at mg̃a estrella; ang tang̃ing hiníhing̃i co'y papagtibayin lamang na acó ang siyáng sa inyó'y nagsabi't ng̃ macapaghandà.

—¡Papagtitibayin, padre, papagtitibayin, at hindi malayong sa inyó'y mapaputong ang isáng mitr!—ang sagót ng̃ alférez na nagágalac, at tinitingnan ang mg̃a mangás ng̃ canyáng suut na damít.

—Ipaasahan cong magpápadala cayó sa akin ng̃ apat na guardia na ibá ang pananamit, ¿eh?

Samantalang nangyayari ang mg̃a bagay na itó'y nagtátatacbo ang isáng tao sa daang patung̃ó sa bahay ni Crisóstomo at dalidaling pumapanhic sa hagdanan.

—¿Nariyan ba ang guinoo?—ang tanóng ng̃ tinig ni Elías sa alilà.

—Na sa canyáng gabinete at may guinagawâ.

Sa nais ni Ibarrang malibáng ang canyáng pagcainíp sa paghihintay ng̃ oras na macapagpapaliwanagan cay María Clara'y gumagawa sa canyáng laboratorio.

—¡Ah! cayó pô palá, ¿Elías?—ang bigláng sinabi;—cayó ang sumasaaking isip, nalimutan co cahapong itanóng sa inyó ang pang̃alan niyóng castilàng may bahay na kinatitirahan ng̃ inyóng nunòng lalaki.

—Hindi pô nauucol sa akin, guinoo....

—Pagmasdán po ninyó,—ang ipinagpatuloy ni Ibarra, na hindi nahihiwatigan ang pagcabalisa ng̃ binata, at inilapit sa ning̃as ang isáng caputol na cawayan; nacatuclas acó ng̃ isáng dakilang bagay; hindi nasusunog ang cawayang itó.

—Hindi pô ang cawayan ang dapat nating ling̃unín ng̃ayón; ang dapat ninyóng gawín ng̃ayó'y iligpit ang inyóng mg̃a papel at cayó'y tumacas sa loob ng̃ isáng minuto.

Pinagmasdán ni Ibarra si Elías na nagtatacá, at ng̃ makita sa canyáng pagmumukhâ ang anyóng hindi nag aaglahî, canyáng nábitiwan ang bagay na hawac.

—Sunuguin pô ninyó ang lahát na macapapahamac sa inyó at sa loob ng̃ isang oras ay lumagáy cayó sa isáng lugar na lalong panatag.

—At ¿bakit?

—Inyó pong sunuguin ang lahat ng̃ papel na inyóng sinulat ó ang isinulat sa inyó; ang lalong waláng cahuluga'y caniláng masasapantahang masamâ ...

—Ng̃uni't ¿bakit?

—¿Bakit? sa pagcá't bago cong natuclasan ang isáng munacalang pangguguló na cayó ang ipinalálagay na may cagagawán at ng̃ cayó'y ipahamac.

—¿Isáng munacalang pangguguló? at ¿sino ang may cagagawán?

—Hindi co nangyaring nasiyasat cung sino ang may cagagawán; bagong capakikipagsalitaan co lamang sa isá sa mg̃a culang palad na sa bagay na iyá'y pinagbayaran, na hindi co nangyaring naakit na huwag gumawa ng̃ gayón.

—At iyán, ¿hindi pô ba sinabi sa inyó cung sino ang sa canyá'y nagbayad?

—Sinabi pô, at pinapang̃aco acóng aking pacaing̃atan ang lihim, sinabi sa aking cayó raw pô.

—¡Dios co!—ang biglang sinabi ni Ibarra, at siyá'y nagulomihanan.

—¡Guinoo, huwág pô cayóng mag-alinlang̃an, huwag nating sayang̃in ang panahón, pagcá't marahil matuloy ng̃ayóng gabí rin ang munacalang pangguguló!

Tila mandin hindi siyá nariring̃ig ni Ibarrang nacadilat ng̃ mainam at naca capit sa ulo ang mg̃a camáy.

—Hindi mangyayaring mapahinto ang caniláng gagawin,—ang ipinagpatuloy. ni Elías,—wala ng̃ magagawa ng̃ acó'y dumatíng, hindi co kilalá ang canilang mg̃a pinuno ... ¡lumigtás po cayó, guinoo, magpacabuhay cayó, sa icagagaling ng̃ inyóng bayan!

—¿Saán acó tatacas? ¡Hiníhintay aco ng̃ayóng gabi!—ang bigláng sinabi ni Ibarra na si María Clara ang iniisip.

—¡Sa alin mang bayan, sa Maynila, sa bahay ng̃ sino mang punong may capangyarihan, ng̃uni't sa ibáng lugar, ng̃ hindi nilá masabing cayó ang namumunò sa pangguguló!

—¿At cung acó rin ang magcanulo ng̃ munacalang pangguguló?

—¡Cayó ang magcacanulo?—ang bigláng sinabi ni Elías, na siyá'y tinititigan at nilalayuan ng̃ pauróng; malalagay po cayóng tacsíl at duwag sa mg̃a matá ng̃ mg̃a mangguguló, at mahinà ang loob sa mg̃a matá ng̃ mg̃a ibá; wiwicaíng inumang̃an ninyó silá ng̃ isáng silo at ng̃ cayó'y magtamo ng̃ carapatán, mawiwicang ...

—Datapuwa't ¿anó ang dapat cong gawín?

—Sinabi co na sa inyó: pugnawín ang lahát ninyóng mg̃a papel na nauucol sa inyóng buhay, at tumacas at maghintáy ng̃ mg̃a mangyayari....

—¿At si María Clara?—ang sigáw ng̃ binatà;—¡hindi, mamatáy na muna acó!

Pinilípit ni Elías ang sariling camáy at nagsabi:

—¡Cung gayó'y inyóng ilagan man lamang ang dagoc, maghandâ cayó sa pananagót cung cayó'y isumbóng na nilá!!!

Luming̃ap sa paliguid niyá si Ibarrang ang anyó'y natútulig.

—Cung gayó'y tulung̃an pô ninyó aco; diyán sa mg̃a carpetang iyá'y may mg̃a sulat acó ng̃ aking familia; piliin ninyó ang sa aking amá na siyáng macapapahamac sa akin marahil. Basahin po ninyó ang mg̃a firma.

At ang binata'y tulíg, hibáng, ay binubucsá't sinasarhan ang mg̃a cajón, nagliligpit ng̃ mg̃a papel, dalidaling binabasa ang mg̃a sulat, pinupunit ang mg̃a ibá, ang mg̃a ibá namá'y itinatagò, dumárampot ng̃ mg̃a aclát, binubucsan ang mg̃a dahon at ibá pa. Gayón din ang guinágawâ ni Elías, bagá man hindi totoóng natútulig, ng̃uni't gayón din ang pagdadalidali; datapuwa't humintô, nangdilat, pinapagbiling-bilíng ang papel na hawac at tumanóng na nang̃áng̃atal ang tinig:

—¿Nakikilala pô ba ng̃ inyóng familia si don Pedro Eibarramendia?

—¡Mangyari pa bagá!—ang isinagót ni Ibarra, na nagbúbucas ng̃ isáng cajón at kinucuha roon ang isáng buntóng mg̃a papel; ¡siyá ang aking nunò sa tuhod!

—¿Inyó po bang nunò sa tuhod si don Pedro Eibarramendia?—ang mulíng itinanóng ni Elías, na namúmutla't siráng sirâ ang mukhâ.

—Opô,—ang isinagót ni Ibarra, na nalílibang; pinaiclî namin ang apellido sa pagcá't napacahabà.

—¿Siyá pô ba'y vascongado?—ang inulit ni Elías at lumapit sa canya.

—Vascongado, ng̃uni't ¿ano po ang nangyayari sa inyó?—ang itinanóng na nangguíguilalas.

Itinicom ni Elías ang canyang mg̃a daliri, idiniin sa canyáng noó at tinitigan si Crisóstomo, na umudlót ng̃ canyáng mabasa ang anyó ng̃ mukhâ ni Elías.

—¡Nalalaman pô ba ninyó cung sino si don Pedro Eibarramendia?—ang itinanong na nangguiguitil.—¡Si don Pedro Eibarramendia'y yaóng imbíng nagparatang sa aking nunòng lalaki at may cagagawan ng̃ lahát ng̃ mg̃a sacunáng nangyari sa amin!

Tiningnán siyá ni Crisóstomong nanglúlumo, datapuwa't ipinagpag ni Elías ang canyáng bisig, at sinabi sa canyá ng̃ isáng mapait na tinig na doo'y umaatung̃al ang nagbabagang galit.

—¡Masdán ninyó acóng magaling, masdan ninyó acó cung acó'y naghirap, at cayó'y buháy, sumisinta cayo, cayó'y may cayamanan, bahay, kinaalang-alang̃anan! ¡nabubuhay cayó!... ¡cayó'y nabubuhay!

At hibáng na tinung̃o ang ilang mg̃a sandatang típon, ng̃uni't bahagyâ pa lamang nacahugot ng̃ dalawáng sundang ay cusang binitiwan, at tiningnang wari'y sirâ ang isip si Ibarra, na nananatiling hindi cumikilos.

—¡Aba!—¿anó ang aking gagawin?—ang ibinulóng, at saca tumacas at iniwan ang bahay na iyón.

Decorative motif

LV.

ANG CAPAHAMACAN.

Nang̃aghahapunan doon sa comedor (cacanán) ni Capitan Tiago, si Linares at si tía Isabel; naríng̃ig mulá sa salas ang calampagan ng̃ mg̃a pinggán at ng̃ mg̃a cubierto. Sinabi ni María Clarang aayaw na siyáng cumain, at naupô sa piano na ang casama'y ang masayáng si Sinang, na bumúbulong sa canyáng mg̃a taing̃a ng̃ mg̃a talinghagang salitâ, samantalang balisáng nagpaparoo't parito sa salas si pari Salvi.

Hindi sa dahiláng hindi nagdáramdam ng̃ gutom ang bagong galing sa sakit, hindî; cayâ gayó'y hinihintay ang pagdating ng̃ isang tao, at sinamantala ang sandaling hindi niyá macacaharap ang canyáng Argos (sa macatuwid baga'y ang hindi naglílicat ng̃ pagbabantay sa canyá saán man): ang oras ng̃ paghahapunan ni Linares.

—Makikita mo cung hindi matitira ang fantasmang iyán hanggáng sa á las ocho,—ang ibinulóng ni Sinang, na itinuturo ang cura; dapat siyáng pumarito pagca á las ocho. Gaya rin siyá ni Linares na umiibig.

Pinagmasdán ni María Clara ng̃ boong panghihilacbót ang canyáng catotong babae. Hindi nápagmasdan nitó ang gayóng bagay, caya't nagpatuloy ang catacottacot na masaling̃atà:

—¡Ah! nalalaman co na cung bakit aayaw umalis cahi't pagpasaring̃an co: ¡aayaw magcagugol sa pag-iilaw ng̃ convento! ¿nalaman mo na? Mulâ ng̃ magcasakít icaw, mulíng pinatáy ang dalawáng lámparang dating pinasísindihán ... Datapuwa't ¡tingnán mo cung anó ang guinagawang anyó sa mg̃a matá, at cung paano ang pagmumukhà!

Tinugtóg ng̃ sandalíng iyón ng̃ relós sa bahay ang á las ocho. Nang̃atal ang cura at naupô sa isáng suloc.

—¡Darating na!—ani Sinang at kinurót si María Clara;—¿náriring̃ig mo ba?

Tumugtóg ang campanà sa simbahan ng̃ á las ocho at tumindig ang lahát upáng mang̃agdasál; namunò si pari Salvi ng̃ mahina't nang̃áng̃atal na tinig; datapuwa't palibhasa'y may canícanyang iniisip ang bawa't isá, sino ma'y waláng pumansín ng̃ bagay na iyón.

Bahagyá pa lamang natatapos ang dasál ay dumatíng si Ibarra. May tagláy na luksâ ang binatà, hindi lamang sa pananamít, cung di naman sa mukhá, caya pagcakita sa canyá ni María Clara'y tumindig at humacbáng ng̃ isá upáng siyá'y tanung̃in cung napapaano, ng̃uni't sa sandali ring iyó'y naring̃íg ang isáng pútucan ng̃ mg̃a baríl. Tumiguil si Ibarra, umiinog ang canyáng mg̃a matá, siyá'y naumíd. Nagtagò sa licód ng̃ isáng haligui ang cura. Bago na namáng mg̃a putucan, bagong mg̃a ugong ang náriring̃ig sa dacong convento, na sinusundan ng̃ mg̃a hiyawan at tacbuhan. Nang̃agsipasoc ng̃ panacbó si capitan Tiago, si tía Isabel at si Linares at nang̃agsisigawan ng̃ ¡tulisán! ¡tulisán! Casunod nilá si Andeng na iniwawasiwas ang isáng duruan at tumacbó't naparoon sa tabí ng̃ canyáng capatíd sa suso.

Nanicluhód si tía Isabel at umiiyac at dinárasal ang kyrie eleyson; dalá ni capitán Tiagong namúmutlá't nang̃áng̃atal sa isáng tenedor ang atáy ng̃ isáng inahíng manóc at inihahaying tumatang̃is sa Virgen sa Antipolo; punongpunô ang bibig ni Linares at nacasandata ng̃ isáng cuchara; nang̃agyacap si Sinang at si María Clara; ang tang̃ing hindi nananatili sa hindi pagkilos ay si Crisóstomo, na hindi maisaysáy ang canyáng pamumutlá.

Nagpapatuloy ang sigawá't ang mg̃a hampasan, nang̃agsásara ng̃ mg̃a bintanà ng̃ boong ing̃ay, nariring̃ig ang tunóg ng̃ mg̃a pito, manacanaca'y isáng putóc ng̃ baríl.

¡Christe eleyson! Santiago, ¡nagáganap na ang hulà ... sarhán mo ang mg̃a bintana!—ang hibíc ni tía Isabel.

—¡Limampóng bombang malalakí at dalawáng misa de gracia!—ang tugón namán ni capitán Tiago;—¡Ora pro nobis!

Untiunting nananag-uli ang cakilakilabot na catahimican ... Náring̃ig ang tinig ng̃ alférez na sumísigaw at tumatacbo:

—¡Padre cura! ¡Padre Salvi! ¡Hali cayó!

¡Miserere! ¡Humihing̃i ng̃ confesión ang alférez!—ang sigáw ni tía Isabel.

—¿May sugat ba ang alférez?—ang sa cawacasa'y itinanóng ni Linares; ¡ah!

At ng̃ayó'y canyáng nahiwatigang hindi pa palá nang̃úng̃uyá ang na sa canyáng bibig.

—¡Padre cura, halí cayó! ¡Walâ nang sucat icatacot!—ang ipinatuloy na sigáw ng̃ alférez.

Sa cawacasa'y minagalíng ni fray Salving namúmutlâ, na lumabás sa canyáng pinagtataguan at manaog sa hagdanan.

—¡Pinatáy ng̃ mg̃a tulisán ang alférez! ¡María, Sinang, pasá cuarto cayó, trangcahán ninyóng magalíng ang pintô! ¡Kyrie eleyson!

Napasa hagdanan namán si Ibarra, bagá man sinasabi sa canyá ni tía Isabel:

—¡Huwág cang lumabás at hindi ca nacapang̃ung̃umpisal, huwág cang lumabás!

Ang mabait na matandang babaeng itó'y caibigang matalic ng̃ una ng̃ canyáng iná.

Datapuwa't nilisan ni Ibarra ang bahay; sa pakiramdám niyá'y umiinog na lahát sa canyáng paliguid, na nawáwalâ ang canyáng tinutungtung̃an. Humahaguing ang canyáng taing̃a, bumibigát ang canyáng mg̃a bintî at cacaibá cung ilacad; naghahalihaliling nagdaraan sa canyang paning̃ín ang mg̃a alon ng̃ dugô, liwanag at carilimán.

Bagá man totoóng maliwanag ang sicat ng̃ buwán sa lang̃it, natitisod ang binatà sa mg̃a bató't mg̃a cahoy na na sa daang mapanglaw at waláng cataotao.

Sa malapit sa cuartel ay nacakita siyá ng̃ mg̃a sundalong nacalagáy sa dulo ng̃ fusil ang bayoneta, na nang̃agsasalitaan ng̃ masimbuyó, caya't nacaraan siyá na hindi napansín.

Nariring̃ig sa tribunal ang mg̃a dagoc, mg̃a sigáw, mg̃a daíng, mg̃a tung̃ayaw; nang̃ing̃ibabaw at nagtatagumpay sa lahát ang tinig ng̃ alférez.

—¡Sa pang̃áw! ¡Lagyán ng̃ esposas ang mg̃a camay! ¡Dalawáng putóc agád sa cumilos! ¡Sargento, magtatág cayó ng̃ bantáy! ¡Waláng magpapasial ng̃ayón, cahi't Dios! ¡Huwág cayóng matutulog, capitán!

Nagtumulin ng̃ pagpatung̃o sa canyáng bahay si Ibarra; hinihintay siyá ng̃ canyáng mg̃a alila na malakí ang balisa.

—¡Siyahan ninyó ang lalong pinacamagalíng na cabayo at cayó'y matulog!—ang sa canilá'y sinabi.

Pumasoc sa canyáng gabinete, at nag-acalang magdalidaling ihandá ang isáng maleta. Binucsán ang isáng cajang bacal, kinuha ang canyáng mg̃a hiyas, kinuha ang lahát ng̃ salaping doroon at ípinasoc sa isáng supot. Kinuha ang canyáng mg̃a hiyas, kinuha sa pagcasabit ang isáng larawan ni María Clara, at pagcatapos na macapagsandata ng̃ isáng sundang at dalawáng revolver ay tinung̃o ang isáng armario na kinálalagyan ng̃ canyáng mg̃a casangcapan.

Nang sandaling iyó'y tatlóng calabóg na malalacás ang tumunóg sa pintô.

—¿Sino iyán?—ang itinanóng ni Ibarra ng̃ tinig na malungcót.

—¡Bucsán ninyó sa ng̃alan ng̃ harì, bucsan ninyò agád ó iguiguibà namin ang pintô!—ang sagót sa wicàng castilà ng̃ isáng tinig na mahigpit ang pag-uutos.

Tuming̃in sa bintana si Ibarra; nagningning ang canyáng mg̃a matá at ikinasá ang canyáng revolver; datapuwa't nagbagong isipan, binitiwan ang mg̃a sandata at siyá rin ang nagbucás ng̃ nang̃agdarating̃an na ang mg̃a utusán.

Pagdaca'y hinuli siyá ng̃ tatlóng guardia.

—¡Parakip po cayó sa ng̃alan ng̃ Hari!—anáng sargento.

—¿Bakit?

—Doon na sasabihin sa inyó, bawal sa amin ang sabihin.

Nagdilidiling sandali ang binatà, at sa pagcá't aayaw siyá marahil na makita ang canyáng mg̃a paghahandâ sa pagtacas, dinampót ang sombrero't nagsalitâ:

—¡Sumasailalim po acó ng̃ inyóng capangyarihan! Inaacala cong sa sandalíng oras lamang.

—Cung nang̃ang̃aco cayóng hindi tatacas, hindi po namin cayó gagapusin; ipinagcacaloob po sa inyó ng̃ alférez ang biyayang itó; ng̃uni't cung cayó'y tumacas....

Sumama si Ibarra, at iniwan ang canyáng mg̃a alilang nang̃alálaguim.

Samatala'y ¿anó na ang nangyari cay Elías?

Nang canyáng lisanin ang bahay ni Crisóstomo, warì'y sirá ang isip na tumátacbong hindi nalalaman ang pinatung̃uhan. Tinahac ang mg̃a capatagan, dumating sa isáng gubat na totoong malakí ang pagcaguiyaguis; tinatacasan ang cabayanan, tinatacasan ang liwanag, nacaliligalig sa canya ang buwan, pumasoc siyá sa talinghagáng lilim ng̃ mg̃a cahoy. Nang naroroon na'y cung minsa'y tumitiguil, cung minsa'y lumalacad sa mg̃a di kilalang landás, cumacapit sa punò ng̃ malalaking cahoy, nababayakid sa mg̃a dawag, tumátanaw sa dacong bayan, na sa dacong paanan niyá'y naliligo sa liwanag ng̃ buwan, nacalatag sa capatagan, nacahilig sa mg̃a pampang̃in ng̃ dagat. Nang̃agliliparan ang mg̃a ibong nang̃apupucaw sa caniláng pagtulog; nang̃agpapalipatlipat sa sa isá't isáng sang̃á, nang̃aghuhunihan ng̃ matataos na tinig at tinititigan siyá ng̃ mabibilog na mg̃a matá ng̃ nang̃aglalakihang mg̃a panikî, mg̃a kuwago at mg̃a sábucot. Hindi silá tinitingnan at hindi man lamang silá náriring̃ig ni Elias. Ang acalà niyá siyá'y sinúsundan ng̃ mg̃a napupuot na anino ng̃ canyáng mg̃a magulang na nang̃amatay na; nakikita sa bawa't sang̃á ang calaguímlaguím na buslóng kinálalagyan ng̃ naliligò ng̃ dugóng ulo ni Bálat, ayon sa pagcasabi sa canyá ng̃ canyáng amá; warì natatalisod niyá mandín sa punò ng̃ bawa't cahoy ang matandáng babaeng patáy; tila mandin nakikinikinita niyá sa dilim na papawidpawid ang bung̃ô at mg̃a butó ng̃ nunò niyáng lalaking imbi ... at ang mg̃a butóng itó ng̃ matandáng babae at saca ang ulong iyó'y sinisigawan siyá: ¡duwág!, ¡duwág!

Linisan ni Elías ang bundóc, tumacas at lumusong sa dacong dagat, sa pasigang nilacad niyá ng̃ boong balisa; ng̃uni't doon sa malayò, sa guitná ng̃ tubig, doon sa ipinaiilanglang mandin ng̃ liwanag ng̃ buwan ang isáng ulap, anaki'y nakita niyáng napaimbulog at pumapawidpawid ang isáng anino, ang anino ng̃ canyàng capatíd na babaeng basá ng̃ dugô ang dibdib, lugáy ang buhók at inilílipad ng̃ hang̃in.

Nanicluhód sa buhang̃in si Elías.

—¡Patí ba namán icaw!—ang ibinulóng na iniunat ang mg̃a bisig.

Datapuwâ, nacatitig sa ulap ay dahandahang tumindíg, sumulong at tumubóg sa tubig, na wari mandin siyá'y may sinúsundan. Lumalacad siyá sa malaláy na palusóng na iyóng gawá ng̃ wawà; malayò na siyá sa tabi, dumarating na sa canyáng bayawáng ang tubig ay siyá'y sumusulong din, sumusulong na tila niwawaláng diwà ng̃ isáng mapanhalinang espiritu. Dumárating na sa canyáng dibdib ang tubig ...; ng̃uni't umaling̃awng̃aw ang putucan ng̃ mg̃a baril, nawalá ang aninong malicmatà at ang binatà'y nataohan. Salamat sa catahimican ng̃ gabí at sa lalong malakíng capaikpicán ng̃ mahinhing hang̃in ay dumarating na magaling at malinaw na malinaw hanggáng sa canyá ang ugong ng̃ mg̃a putucan. Humintô siyá, nagdilidili, nahiwatigan niyáng siyá palá'y sumasatubig; payapà ang dagatan at natatanaw pa niyá ang mg̃a ilaw sa dampâ ng̃ mg̃a mang̃ing̃isdâ.

Nagbalic siyá sa pampáng at napatung̃o sa bayan, ¿anó ang dahil? Siyá ma'y hindi niyá nalalaman.

Tila mandin walang tao ang bayan; saráng lahát ang mg̃a bahay, sampóng mg̃a hayop, ang mg̃a ásong caraniwang tumatahol cung gabí, pawang nang̃agtagò sa tacot. Nacararagdag ng̃ lungcot at pag-iisá ang anyóng pilac na liwanag ng̃ buwan.

Sa pang̃ang̃anib niyáng bacâ canyáng macasalubong ang mg̃a guardia civil, siya'y nagpasuotsuot sa mg̃a halamanan at mg̃a pananím, at anaki'y canyáng naaninagnagan ang dalawáng may anyóng tao; datapuwa't canyáng ipinatuloy ang lacad, at, pagcalucsó niyá sa mg̃a bacod at sa mg̃a pader, dumating siyáng pagál na pagál sa hirap na canyáng mg̃a pinagdaanan, sa isáng dulo ng̃ bayan, at tinung̃o niyá ang bahay ni Crisóstomo. Na sa pintuan ang mg̃a alila't caniláng pinag-uusapan at caniláng dináramdam ang pagcacapiit sa caniláng pang̃inoon.

Nang matantô na ni Elías ang nangyari siyá'y lumayô, lumiguíd siyá sa bahay, nilucsó ang pader na bacod, inakyat ang bintanà at pumasoc sa gabinete, at nakita niyáng nagnining̃as pa ang iniwang candila ni Ibarra.

Nakita ni Elías ang mg̃a papel at ang mg̃a libró at ang mg̃a suputang kinasisidlan ng̃ salapî at mg̃a hiyas. Pinag ugnáy-ugnáy sa canyáng dilidili ang doo'y nangyari, at ng̃ mapagmasdan niyá ang gayóng caraming mg̃a papel na macapapahamac, inacala niyáng iligpít, ihaguís sa bintanà at ibaón.

Sumung̃aw siyá sa halamanan, at sa liwanag ng̃ buwá'y canyáng natanawan ang dalawáng guardia civil, na may casamang isáng «auxiliante» (isáng utusán bagá ng̃ justicia): nagkikintaban ang mg̃a bayoneta at ang mg̃a capacete.

Nang magcagayo'y minagalíng niyáng gawín agad ang isáng munacalà: ibinuntón sa guitnâ ng̃ gabinete ang mg̃a damít at ang mg̃a papel, ibinuhos sa ibabaw ang isáng lámpara ng̃ petróleo at sacâ sinindihán. Ibinigkís na nagdudumalî sa bayawáng ang mg̃a sandata, nakita ang larawan ni María Clara, nag-alinlang̃an ... itinagò sa isá sa mg̃a suputan, dinalá ang mg̃a suputang itó at tumalón sa bintanà.

Panahón na ng̃à; iguiníguibâ na ng̃ mg̃a guardia civil ang pintuan.

—¡Pabayaan ninyó camíng pumanhic upáng aming cunin ang mg̃a papel ng̃ inyóng pang̃inoon!—anáng directorcillo.

—¿May dalá ba cayóng pahintulot? Cung wala'y hindi cayó macapapanhic,—ang sabi ng̃ isáng matandáng lalaki.

Ng̃uni't pinatabi siyá ng̃ mg̃a guardia civil sa cacuculata, pumanhíc silá sa hagdán ...; datapuwa't isáng macapal na asó ang siyáng pumúpunô sa bahay, at pagcálalaking mg̃a dilà ng̃ apóy ang siyáng nang̃agsilabás sa salas at dinidilàan ang mg̃a pintó't bintanà.

—¡Sunog! ¡Sunog! ¡Apóy!—ang ipinagsigawan ng̃ lahát.

Humandulong ang lahát upáng mailigtás ng̃ bawa't isá ang macacaya, ng̃uni't dumating ang apóy sa maliit na laboratorio at pumutóc ang mg̃a naroroong bagay na madadalíng mag-alab. Napilitang umurong ang mg̃a guardia civil, hinaharang̃an silá ng̃ sunog, na umuung̃al at niwáwalis ang bawa't maraanan. Nawaláng cabuluháng cumuha ng̃ tubig sa balón; sumísigaw ang lahát, ang lahát ay nagpapaguibíc, datapuwa't silá'y nálalayô sa lahát. Narating na ng̃ apóy ang mg̃a ibáng cabahayán at napaiilanglang sa lang̃it, casabay ang pagpaimbulóg ng̃ malalakíng nagpapainog-inog na asó. Nalilipos na ng̃ apóy ang boong bahay, lumálacás ang hang̃ing nasasalab; mulâ sa malayo'y nang̃agsisirating ang iláng mg̃a tagá bukid, nguni't dumárating silá roo't upáng mapanood lamang nilá ang cagulatgulat na sigâ, ang wacás ng̃ matandáng bahay, na pinagpitagang mahabang panahón ng̃ apóy, tubig at hang̃in.