Noli Me Tangere
Decorative motif

LVI.

ANG SABIHANAN AT ANG INAACALA.

Sa cawacasa'y pinapag-umaga rin ng̃ Dios sa bayang tiguíb ng̃ pagcagulantang.

Walâ pang lumalacad na mg̃a tao sa mg̃a daang kinálalagyan ng̃ cuartel at ng̃ «tribunal»; hindi nagpapakilala ang mg̃a bahay na may mg̃a tumatao, gayón may maing̃ay na binucsán ang dahong cahoy ng̃ isáng bintanà at sumung̃aw ang ulo ng̃ isáng musmós, na nagpapaínog-inog sa magcabicabila ... ¡plas! nagpapaunawà ang lagapác na iyón ng̃ bigláng pagdapò ng̃ isáng balát na tuyô sa sariwang balát ng̃ tao; ng̃umiwî ang bibíg ng̃ batáng lalaki, pumikit, nawalâ at mulíng sinarhán ang bintanà.

Nacapagbigáy halimbawà na; may nacáring̃ig marahil ng̃ pagbubucás at pagsasaráng iyón, sa pagcá't marahang binucsán ang sa ibáng bintanà at maing̃at na sumung̃aw ang ulo ng̃ isáng matandáng babae, culubót at walâ ng̃ ng̃ipin: siyá ng̃â ang si hermana Puté na nag-ing̃áy ng̃ di sapalà samantalang nagsésermon si parì Dámaso. Ang mg̃a musmós at ang mg̃a matatandáng babae ang siyáng tunay na larawan ng̃ pagcamalabis na pagmimithíng macaalam ng̃ mg̃a nangyayari sa ibabaw ng̃ lupà; ang mg̃a batà'y sa malakíng pagnanais na macaalam, at ang mg̃a matatandáng babae'y sa paghahang̃ád na mag-alaala sa mg̃a nacaraang panahón.

Marahil waláng macapang̃abás na bumigáy ng̃ palò ng̃ isáng sinelas, sa pagca't nananatili, tumátanaw sa malayong pinapang̃úng̃unot ang mg̃a kilay, nagmumog, lumurâ ng̃ malacás at nagcruz pagcatapos. Binucsán ding may tacot ang isáng maliit na bintanà ng̃ bahay na catapát, at doo'y sumung̃aw namán si hermana Rufa, ang aayaw magdayà't aayaw namáng siyá'y dayâin. Nagting̃inang saglít, ang dalawá, nagng̃itìan, naghudyatan at mulíng nang̃agcruz.

—¡Jesús! nacacawang̃is ng̃ isáng misa de gracia, ng̃ isáng castillo!—aní hermana Rufa.

—Mula ng̃ looban ang bayan ni Bálat ay hindi pa acó nacacakita ng̃ isáng gabing catulad ng̃ sa cagabí,—ang isinagót ni hermana Puté.

—¿Gaano caraming putóc!—ang sabihanan ay ang pulutóng daw ni matandáng Pablo.

—¿Mg̃a tulisan? ¡hindi mangyayari! Ang sabihana'y mg̃a cuadrillero raw na nacalaban ng̃ mg̃a guardia civil. Cayâ napipiit si don Filipo.

—¡Sanctus Deus! may mg̃a labing apat daw ang cauntian ng̃ mg̃a patáy.

Untiunting pinagbubucsán ang ibáng mg̃a bintanà at nang̃agsidung̃aw ang ibá't ibáng mg̃a mukhà, nang̃agbatîan at caniláng pinag-usapan ang mg̃a nangyayari.

Sa sicat ng̃ araw, na ang anyó'y niningning na magalíng, natatanawan ng̃ may calabuan sa malayo ang pagpaparoo't parito ng̃ mg̃a sundalo, na tulad sa nag-áabo-abóng mg̃a anino.

—¡Naroon ang isá pang patáy!—anáng isá buhat sa isáng bintanà.

—¿Isá? dalawá ang nakikita co.

—At acó'y ..., ng̃uni't sa cawacasan, ¿anó, hindi ninyó nalalaman cung anó ang nangyari?—ang tanóng ng̃ isáng lalaking may pagmumukhâng palabirô.

—¡Ahá! ang mg̃a cuadrillero.

—¡Hindi pô; iyá'y isáng pag-aalsá sa cuartel!

—¿Anó bang pag-aalsá? ¡Ang cura't ang alférez ang nang̃aglabanán!

—Alin man diyá'y hindi totoó—ang sabi ng̃ nagtanóng;—iyá'y ang mg̃a insíc na nagsipag-alsá.

At mulíng sinarhán ang canyáng bintanà.

—¡Ang mg̃a insíc!—ang inulit ng̃ lahát ng̃ malakíng pagtatacá.

—¡Cayâ palá walâ isá mang nakikita sa canilá!

—Nang̃amatáy na lahát, marahil.

—Inaacala co na ng̃ang may masamâ siláng gágawing anó man. Cahapon ...

—Iyá'y nakikinikinita co na, cagabí....

—¡Sayang!—aní hermana Rufa; na mamatáy siláng lahát ng̃ayón pa namáng malapit na ang pascó, na capanahunan ng̃ caniláng pagreregalo ... Maanong hinintáy man lamang nilá ang bagong taón....

Sumásaya ng̃ untiuntì ang mg̃a daan: ang mg̃a áso, mg̃a manóc, mg̃a baboy at mg̃a calapati ang nang̃áunang nag-acalang mang̃agsigalà, sumunod ang iláng marurung̃is na mg̃a batang capit-capit at nang̃agsisilapit sa cuartel na may tagláy na tacot; pagcatapos ay iláng matatandáng babae, na nacasalumbabà ng̃ panyô, may tang̃ang malalaking cuintas, at cunuwa'y nang̃agdarasal upang silá'y paraanin ng̃ mg̃a sundalo. Nang mapagkilalang macalalacad na hindi tátanggap ng̃ isáng putóc ng̃ baril, ng̃ magcágayo'y nagpasimulâ ng̃ paglabás ang mg̃a lalaki, na nang̃agwáwalang anó man cunwari; ng̃ pasimula'y pinapagcacasiya nilá ang caniláng paglalacadlacad sa tapat ng̃ caniláng bahay, na caniláng hináhagpos ang manóc; ng̃ malao'y tinicmán niláng pahabahabain ang caniláng naaabot, na manacánacá siláng tumitiguil, at sa kinágagayo'y nacarating silá hanggáng sa haráp ng̃ «tribunal».

Nacahambál ng̃ mainam ang pagdating ng̃ dalawáng cuadrillero, na may daláng isáng angarilla na kinalululanan ng̃ isáng may anyóng tao, at isáng guardia civil ang siyáng sa canilá'y sumúsunod. Napagtalastás na silá'y galing sa convento; sa anyó ng̃ mg̃a paang nang̃acalawít ay pinagbalacbalac ng̃ isá cung sino caya iyon; sa daco roo'y may nagsabing iyón ng̃â; sa lalong daco roo'y ang patáy ay dumami at nangyari ang talinghagà ng̃ Santísima Trinidad; pagcatapos ay mulíng nasnaw ang himalâ ng̃ mg̃a tinapay at ng̃ mg̃a isdâ, at naguíng tatlompó't waló na.

Nang may á las siete y media, ng̃ dumating ang ibáng mg̃a guardia civil, na galing sa mg̃a caratig na bayan, ang balitang cumacalat ay maliwanag na't nasasabi ang mg̃a nangyari.

—Cagagaling co pa sa tribunal, na kinakitaan cong nang̃apipiit si don Filipo at si don Crisóstomo,—ang sabi ng̃ isáng lalaki cay hermana Putê; kinausap co ang isá sa mg̃a nagbabantay na cuadrillero. Ang nangyari'y isinaysáy na lahát cagabí ni Bruno, na anác niyóng namatáy sa cápapalò. Talastás na po ninyóng ipacácasal ni capitang Tiago ang canyáng anác na babae sa binatang castilà; sa sakit ng̃ loob ni don Crisóstomo'y nag-acalang manghigantí at binantá niyáng patayín ang lahát ng̃ mg̃a castilà, patí ang cura; linusob nilá cagabí ang cuartel at ang convento, at sa cagaling̃ang palad, at sa awà ng̃ Dios, ay na sa sa bahay ni capitang Tiago ang cura. Nang̃acatacas daw ang marami. Sinunog ng̃ mg̃a guardia civil ang bahay ni don Crisóstomo, at cung hindî sana siyá nahuli na muna, siyá ma'y sinunog din.

—¿Sinunog nilá ang canyáng bahay?

—Nang̃abibilanggô ang lahát ng̃ mg̃a alilà. ¡Pagmasdan ninyó't hanggáng dito'y natatanawan pa ang asó!—anáng nagbabalità;—sinasabi ng̃ mg̃a nanggagaling doon ang mg̃a bagay na totoong cahapishapis.

Minasdán ng̃ lahát ang lugar na itinurò: isáng manipís na asó ang marahang napaiimbulog pa sa lang̃ít. Nang̃aglilininglining ang lahát sa nangyaring iyón, na may nahahabag at may sumisisi namán.

—¡Cahabaghabag na binatà!—ang mariing sinabi ng̃ isáng matandáng lalaking asawa ni hermana Putê.

—¡Siyá ng̃â!—ang isinagót sa canyá ng̃ canyáng asawa;—ng̃uni't alalahanin mong cahapo'y hindi nagpamisa ng̃ patungcól sa cáluluwa ng̃ canyáng amá, na waláng salang siyáng lalong nagcacailang̃an ng̃ higuí't cay sa ibá.

—Ng̃uni't babae, ¿walâ cang caawaawà?...

—¿Awà sa mg̃a excomulgado? Isáng casalanan ang maawà sa mg̃a caaway ng̃ Dios,—ang sabi ng̃ mg̃a cura. ¿Natatandaan ba ninyó? ¡Siyá'y naglálacad sa Campo Santo na parang yaó'y isáng culung̃an lamang ng̃ mg̃a hayop!

—¿Hindi bagá nagcacawang̃is ang culung̃án ng̃ mg̃a hayop at ang Campo Santo?—ang isinagót ng̃ matandáng lalaki;—ang pinagcacáibhan lamang ay ang tang̃ing pumapasoc sa Campo Santo'y yaóng mg̃a hayop na nauucol sa isáng pulutóng....

—¿Siyá ca na ng̃a!—ang isinigáw sa canyá ni hermana Putê;—ipagsásanggalang mo pa ang taong nakikita nating maliwanag na maliwanag na pinarurusahan ng̃ Dios. Makikita mo't icáw namá'y huhulihin din. ¡Umalalay ca sa isáng bahay na nalulugsó!

Hindi na umimic ang lalaki sa gayóng pang̃ang̃atuwiran.

—¡Halá!—ang ipinagpatuloy ng̃ matandáng babae; pagcatapos na masuntóc niyá si parì Dámaso'y walá na ng̃a siyáng nalalabing gawin cung di patayín namán si parì Salví.

—Ng̃uni't hindi maicacailáng siya'y mabait ng̃ panahóng siya'y musmós pa.

—Tunay ng̃à, siyá'y dating mabait,—ang mulíng itinutol ng̃ matandáng babae; ng̃uni't siyá'y na pa sa España; ang lahát ng̃ napa sa sa España, ang sabi ng̃ mg̃a cura, ay naguiguing mg̃a hereje.

—¡Ohoy!—ang isinagót namán ng̃ lalaki na nacasilip ng̃ sucat niyáng icaganti;—¿hindi ba pawang tagá España ang lahát ng̃ mg̃a cura, at ang arzobispo, ang papa at ang Virgen? ¡Abá! ¿cung gayó'y pawang mg̃a hereje namán palá? ¡aba!

Nagcapalad si hermana Putê, na mámasdang tumatacbo ang isáng alilang babae, na balisáng balisá at namúmutlá, at siyáng pumutol ng̃ pagtatalo.

—¡May isáng nagbigtí sa halamanan ng̃ capit-bahay!—ang sabing humihing̃al.

—¡Isáng nagbigtí!—ang bigláng pinagsabihanan ng̃ lahát na puspós ng̃ agám-ágam.

Nang̃agcruz ang mg̃a babae; sino ma'y waláng nacakilos sa kinálalagyan.

—Siyá ng̃á po,—ang ipinagpatuloy ng̃ alilang babaeng nang̃áng̃atal;—cucuha sana acó ng̃ pataní ... tumanáw acó sa halamanan ng̃ capit-bahay upáng maalaman co cung siyá'y naroroon ..., ang nakita co'y isáng lalaking úugoy-ugoy; ang boong isip co'y si Teo, ang alilang siyáng lagui ng̃ nagbibigay sa akin ..., lumapit acó upáng ... cumuha ng̃ patanì, at ang nakita co'y hindi siyá cung hindi ibá, isáng patáy; tumacbó acó, tumacbó acó at ...

—Tingnán natin siyá,—ang wicá ng̃ matandáng lalaki, at sacâ tumindig;—iturò mo sa amin.

—¡Huwag cang pumaroon!—ang isinigaw sa canya ng̃ canyáng asawa at tinangnán siyá sa barò;—¡mapapahamac icáw!—¿siyá'y nagbigti? ¡lalong masamá sa canyá!

—Pabayaan mong tingnán co siyá, babae;—pasa tribunal ca Juan, at ipagbigay alam mo; bacâ sacali hindi pa patáy.

At siyá'y na pa sa halamanan, na sinúsundan ng̃ alilang babae, na nagtatagò sa canyáng licuran; nang̃agsisunod din ang mg̃a babae at gayón din si hermana Putê, na pawang nang̃apúpuspos ng̃ tacot at ng̃ nais na macapanood.

—Naroon pô, guinoo,—anáng alilang babae na humintô at itinuturò ng̃ dalirì.

Tumiguìl ang capisanang iyón sa lalong pinacamalayò, at pinabayaang mag-patuloy na mag-isá ang matandáng lalaki.

Isáng catawán ng̃ tao, na nacabitin sa isáng sang̃á ng̃ puno ng̃ santól, ang marahang umúugoy sa hihip ng̃ mahinhíng amihan. Pinagmasdán siyáng sandalî ng̃ matandâ; nakita niyá ang mg̃a paang nanínigas, ang mg̃a bisig, ang may dumíng damít, ang ulong nacalung̃ayng̃áy.

—Hindi dapat natin siyáng galawín hanggáng sa dumatíng ang justicia,—ang sinabing malacás;—matigás na; malaon nang siyá'y patáy.

Unti-unting lumapit ang mg̃a babae.

—Iyán ang capit-bahay nating tumítira sa bahay na iyón, na may dalawáng linggó na ng̃ayóng dumatíng dito; tingnán ninyó ang pilat niya sa mukhà.

—¡Avemaria!—ang sinabi pagdaca ng̃ mg̃a babae.

—¿Ipagdárasal ba natin ang canyáng cáluluwa?—ang itinanóng ng̃ isáng dalaga, caracaracang matapos na niyáng mapagmasdán at masiyasat ang patáy na iyón.

—¡Halíng, hereje!—ang ipinang̃usap sa canyá ni hermana Puté,—hindi mo ba nalalaman ang sinabi ni parì Dámaso? isáng pagtucsó sa Dios ang ipagdasál ang isáng nápacasamâ; ang nagpapacamatay ay napapacasamáng waláng sala, cayâ ng̃â siyá'y hindi inililibing sa lupàng «sagrado».

—Inaacalà co na ng̃ang masamâ ang cahihinatnan ng̃ taong iyán; cailán ma'y hindi co nangyaring masiyasat cung anó ang canyáng ikinabubuhay.

—Macaalawang nakita co siyáng nakikipag-usap sa sacristan mayor,—ang ipinahiwatig ng̃ isáng dalaga.

—¡Marahil ay hindi sa dahiláng siyá'y magcucumpisal ó magpapamisa cayâ.

Nang̃agsiparoon ang mg̃a capit-bahay, at macapal na mg̃a tao ang siyáng lumiguid sa bangcáy, na nananatili sa pagpapaugóy-ugóy. Nang̃agsiratíng, nang may calahating horas na, ang isáng alguacil, ang directorcillo at dalawáng cuadrillero; ipinanaog ng̃ mg̃a itó ang bangcáy at canilang inilagáy sa ibabaw ng̃ isang angarilla.

—Nagdadalidali ang tao sa pagcamatáy,—ang sinabi ng̃ directorcillong tumatawa, samantalang kinucuha ang plumang nacasing̃it sa licód ng̃ canyáng taing̃a!

Guinawâ ang canyáng mg̃a mararayà at panghulíng mg̃a tanóng, pinapagsaysáy ang alilang babae, na pinagpipilitan niyáng hulihin sa silò, na cung minsa'y canyáng iniirapan, cung minsa'y canyáng pinagbabalàan, at cung minsa'y pinararatang̃an ng̃ mg̃a salitáng hindi sinasabi, hanggáng sa magpasimulâ ng̃ pag-iyác ang alilang iyón, dahil sa ang isip niyá'y siyá ay mapipiit sa bilangguan, at ang naguíng catapusá'y sinabi na tulóy niyáng hindi siyá nagháhanap ng̃ patanì, cung hindi ..., at canyáng sinásacsi si Teo.

Samantala'y minámasdan ang bangcáy at ang lubid ng̃ isáng tagá bukid, na nacasalacót ng̃ malapad at may isáng malakíng tapal sa liig.

Hindî higuit cay sa ibáng bahagui ng̃ catawán ang pang̃ing̃itím ng̃ mukhâ ng̃ bangcáy; may nakikitang dalawáng galos at dalawáng maliliit na pasâ sa dacong itaas ng̃ talì; mapuputî at waláng dugô ang mg̃a hilahis ng̃ lubid. Inusisang magalíng ng̃ mapagsiyasat na tagá bukid, ang barò at salawal ng̃ bangcáy, at canyáng nahiwatigang punóng punô ng̃ alabóc, at hindi pa nalalaong napunit sa ibá't ibáng mg̃a lugar; ng̃uni't ang lalong canyáng náino'y ang mg̃a bung̃a ng̃ tinglóy ó amorseco na nacarikít sa cuello ng̃ barò.

—¿Anó ang iyóng tinítingnan?—ang itinanóng sa canyá ng̃ directorcillo.

—Tinítingnan co po cung siyá'y mangyayaring makilala co,—ang pautál na sinabi, na anyóng magpupugáy, sa macatuwid bagá'y lalong itinung̃ó ang salacót.

—¿Ng̃uni't hindî mo ba naring̃ig na iyán ang nagng̃ang̃alang Lucas? ¿Nacacatulog ca ba?

Nang̃agtawanan ang lahát. Nagsalitâ ng̃ iláng pautál-utál na sabi ang tagá bukid na nápahiyâ, at yumaong nacatung̃ó at mahinà ang lacad.

—¡Oy! ¿saán cayó paparoon?—ang isinigáw sa canyá ng̃ matandáng lalaki;—¡hindi riyán ang daan ng̃ paglabás; diyán ang patung̃ó sa bahay ng̃ patáy!

—¡Nacacatulog pa ang lalaki!—anáng directorcillo ng̃ palibác,—kinacailang̃ang busan siyá ng̃ tubig sa ibabaw.

Muling nang̃agtawanan ang mg̃a naroroon.

Iniwan ng̃ tagá bukid ang lugar na iyóng kinahiyâan niyá, at napatung̃o sa simbahan. Itinanóng ang sacristán mayor pagdatíng sa sacristía.

—¡Natutulog pa!—ang sa canyá'y caniláng isinagót ng̃ magaspang na anyô;—¿hindî mo ba nalalamang nilooban cagabí ang convento?

—Híhintayin cong siyá'y maguising.

Minasdán siyá ng̃ mg̃a sacristán niyáng anyóng magaspáng na talagáng asal na ng̃ mg̃a taong bihasang silá'y alimurahin.

Natutulog ang bulág ang isáng mata sa isáng mahabang silla, na na sa isáng suloc na hindi ináabot ng̃ liwanag. Nacalagáy ang salamín sa matá sa ibabaw ng̃ noo, sa guitnâ ng̃ mahahabang naglawit na buhóc, waláng nacatátakip sa payát at nang̃ang̃alirang na dibdib, na tumataas at bumábabâ sa canyáng paghing̃á.

Naupô sa malapit ang tagá bukid, at handáng maghintay ng̃ boong catiyagaan, ng̃uni't may nahulog sa canyáng cuarta, hinanap niyá sa pamamag-itan at tulong ng̃ isang candilà, sa ilalim ng̃ sillón ng̃ sacristán mayor. Námasid din ng̃ tagá bukid na may mg̃a bung̃a rin ng̃ tinglóy (amorseco) ang salawál at ang mg̃a manggás ng̃ baró ng̃ natutulog, na sa cawacasa'y náguising, kinusót ang tang̃ing matáng canyáng nagagamit, at may galit na pinagwicâan ang taong iyón.

—¡Ibig co pó sanang magpamisa ng̃ isa, guinoo!—ang sabi, na ang anyó'y humíhing̃ing tawad.

—Natapos na ang lahát ng̃ mg̃a misa,—ang sinabi ng̃ bulag ang isáng matá, ng̃ magcagayon, na pinatimyás ng̃ cauntî ang canyáng tinig; bucas, cung ibig mo ... ¿sa mg̃a cáluluwa sa Purgatorio ba?

—Hindi pô,—ang sagót ng̃ tagá bukid, at sacá ibinigay ang piso sa sacristán.

At tinitigan ang canyáng iisaisang matá, at idinagdág:

—Patungcól pô sa isáng taong hindi malalao't mamámatay.

At linisan ang sacristía.

—¡Mahuhuli co sana siyá cagabí!—ang sinabing nagbúbuntong hining̃a, samantalang inaalis ang tapal at iniuunat ang catawán, upáng manag-uli ang pagmumukhà at taas ni Elías.

Decorative motif

LVII.

¡VAE VICTIS![261]

Napahamac ang aking tuwâ.

Nagpaparoo't parito ang mg̃a guardia civil, na nacalálaguim ang anyô sa harap ng̃ tribunal, at pinagbabalàan ng̃ culata ang canilang baril ang pang̃ahás na mg̃a musmós, na tumítiyad ó nang̃agpapasanan upang canilang mátanawan cung anó cayâ ang nang̃aroroon sa dacong loob ng̃ rejas.

Hindî na nápapanood sa salas yaóng masayáng anyô ng̃ panahóng pinag-tatalunan ang palatuntunan ng̃ fiesta; ng̃ayó'y malungcót at hindi nacapagbíbigay panatag. Ang mg̃a naroroong mg̃a guardia civil at mg̃a cuadrillero'y bahagyâ ng̃ nagsasalitàan, at sacali't magsalitàan ng̃ ila'y sa tinig na marahan. Nang̃agsisisulat sa papel, sa ibabaw ng̃ mesa, ang directorcillo, dalawang escribiente at iláng mg̃a sundalo; nagpaparoo't parito ang alférez sa magcabicabilang panig, at canyáng manacânacáng tinítingnan ng̃ anyóng mabalasic ang pintuan; na anó pa't hindî hihiguit sa canyáng pagmamalaki si Temistocles sa mg̃a Larô sa Olimpo, pagcatapos ng̃ pagbabaca sa Salamina. Naghihicab sa isáng suloc si doña Consolación, na anó pa't ipinakikita ang canyáng maitim na loob ng̃ bibig at mg̃a ng̃iping pakilwagkilwag; ang paning̃in niya'y tumititig ng̃ malamig at nacapangang̃anib sa napúpuspos ng̃ mg̃a nacapintáng cahalayhalay na mg̃a larawang na sa sa pintuan ng̃ bilangguan. Naipakiusap ng̃ babaeng itó sa canyáng asawa, na lumambót ang loob sa canyáng pagtatagumpáy, na ipaubaya sa canyáng mapanood ang mg̃a pagtanóng na gágawin, at marahil ay ang mg̃a pagpapahirap na kinauugaliang gamitin. Naaamoy ng̃ halimaw ang bangcáy, canyáng inaasam-asám na, at canyáng ikinayáyamot ang calaunan ng̃ pagpapahirap.

Laguim na totoó ang gobernadorcillo; ang canyáng sillón, yaóng dakilang sillóng nacalagáy sa ilalim ng̃ larawan ng̃ mahál na harì, waláng gumagamit, at wari'y natutungcol sa ibáng tao.

Dumatíng ang curang namúmutla't cunót ang noó, ng̃ malapit ng̃ tumugtóg ang á las nueve.

—¡Hindi pô namán nagpahintáy cayóng totoó!—ang sinabi sa canyá ng̃ alférez.

—Ibig co pang huwag ng̃ makiharáp,—ang isinagót ni parì Salví ng̃ mahinang pananalitâ, na hindi na pinansín ang anyóng masacláp na sabi ng̃ alférez;—acóy totoong malaguimin.

—Sa pagcá't sino ma'y waláng naparirito upáng huwág bayâang waláng nang̃ang̃asiwà, inaacalà cong ang inyóng pakikialam ay ... Nalalaman na pó ninyóng aalis silá ng̃ayóng hapon.

—¿Ang binatang si Ibarra at ang teniente mayor?...

Itinuro ng̃ alférez ang bilangguan.

—Waló ang náriyan,—anyá;—namatáy si Bruno caninang hating gabí, ng̃uni't nacatitic na ang canyáng mg̃a saysáy.

Bumati ang cura cay doña Consolación, na ang isinagót ay isáng hicáb at isáng ¡aah! at naupô sa sillóng na sa ilalim ng̃ larawan ng̃ mahál na harì.

—Macapagpapasimulà na tayo!—ang mulíng sinabi.

—Cunin ninyó ang dalawáng nang̃asasapang̃áw!—ang ipinag-utos ng̃ alférez, na pinagpilitang ang tinig niyá'y mag-anyóng cagulágulatang, at humaráp sa cura at idinugtóng na nagbago ng̃ tinig:

—¡Nang̃asúsuot sa pang̃áw na may patláng na dalawáng butas!

Ipaliliwanag namin sa mg̃a hindî nacacaalam cung anó ang cagamitáng itó sa pagpapahirap, na ang pang̃áw ay isá sa mg̃a lalong waláng cabuluhán. Humiguít cumulang sa isáng dangcál ang lalayò ng̃ mg̃a butas na pinagsusuutan ng̃ mg̃a paa ng̃ mg̃a pinipiit; cung patlang̃an ng̃ dalawáng butas, may cahirapan ng̃ cauntî lamang ang calagayan ng̃ napipiit, na anó pa't nagdáramdam na tang̃ing bagabag sa mg̃a bucong-bucong at nacabucacà ang dalawáng paa, na nagcaca-layô ng̃ may mahiguit na isáng vara: hindi ng̃â nacamámatay agad-agád, ayon sa mapagcucurong magaang ng̃ sino man.

Ang tagatanod bilangguang may casunod na apat na sundalo'y inalis ang talasoc at binucsán ang pintô. Nang̃agsilabás ang isáng amoy na labis ng̃ bahò at isáng hang̃ing malapot at malamig sa macapál na dilim na iyón, casabáy ng̃ pagcáring̃ig ng̃ iláng himutóc at pagtang̃is. Nagsindi ng̃ fósforo ang isáng sundalo, datapuwa't namatáy ang ning̃as sa hang̃ing iyóng nápacabigat at bulóc na bulóc, caya't nang̃apilitang hintayín niláng macapagbagong hang̃in.

Sa malamlám na liwanag ng̃ isáng ilaw ay caniláng naaninagnagan ang iláng may mg̃a mukháng tao: mg̃a taong nacayacap sa caniláng mg̃a tuhod at sa pag-itan ng̃ dalawáng tuhod niláng itó'y ikinúcublí ang caniláng ulo, mg̃a nacataób, nang̃acatindíg, nang̃acaharáp sa pader, at ibá pa. Náring̃ig ang isáng pucpóc at pagcalairit, na caacbay ng̃ mg̃a tung̃ayaw; binúbucsan ang pang̃áw.

Nacayucód si doña Consolación, nacaunat ang mg̃a casucasuan ng̃ liig, luwâ ang mg̃a matá at nacatitig sa nacasiwang na pintó.

Lumabás ang isáng anyóng nacapag-aalap-ap na naguiguitnâ sa dalawáng sundalo; yaó'y si Társilo na capatíd ni Bruno. May mg̃a «esposas» ang mg̃a camáy; ipinamámasid ng̃ canyáng mg̃a wasác wasác na mg̃a damít ang canyáng batibot na mg̃a casucasuan. Tinitigan niyáng waláng pacundang̃an ang asawa ng̃ alférez.

Sa licuran ni Társilo'y sumipót ang isáng anyóng cahabaghabág, na tumátaghoy at umiiyac na anaki'y musmós; piláy cung lumacad at may dung̃is na dugô ang salawál.

—Iyá'y isáng mapangdayà,—ang inihiwatig ng̃ alférez sa cura; nagbantáng tumacas, ng̃uni't nasugatan siyá sa hità. Ang dalawáng itó ang tang̃ing mg̃a buháy sa canilá.

—¿Anó ang pang̃alan mo?—ang itinanóng ng̃ alférez cay Társilo.

—Társilo Alasigan.

—¿Anó ang ipinang̃acò sa inyó ni don Crisóstomo upáng looban ninyó ang cuartel?

—Cailán ma'y hindi nakikipag-usap sa amin si don Crisóstomo.

—¡Huwág mong itangguí! Cayâ binantà ninyóng camí ay subukin.

—Nagcacamali pô cayó; pinatáy pô ninyó sa capapalò ang aming amá, siyá'y ipinanghihiganti namin, at walâ ng̃ ibá. Hanapin pô ninyó ang inyóng dalawáng casama.

Nagtátaca ang alférez na tiningnán ang sargento.

—Nang̃aroon silá sa bang̃in, doon silá itinapon namin cahapon, doon silá mabúbuloc. Ng̃ayó'y patayin na ninyó acó, wala na cayóng malalamang anó pa man.

Tumahimic at nangguilalás ang lahát.

—Sabihin mo sa amin cung sino sino ang iyóng mg̃a ibáng cainalám,—ang ibinantâ ng̃ alférez na iniwawasiwas ang isáng yantóc.

Sumung̃aw sa mg̃a labì ng̃ may sala ang isáng ng̃iti ng̃ pagpapawaláng halagá.

Nakipag-usap ng̃ sandali sa cura ang alférez, na marahan ang caniláng salitaan; at sacá humaráp sa mg̃a sundalo.

—¡Ihatid ninyó siyá sa kinalalagyan ng̃ mg̃a bangcáy!—ang iniutos.

Sa isáng suloc ng̃ patio, sa ibabaw ng̃ isáng carretóng lumà, ay nacabuntón ang limáng bangcáy, na halos natátacpan ng̃ capirasong gulanít na baníg na punô ng̃ carumaldumal na mg̃a dumí. Nagpaparoo't parito sa magcabicabilang dulo ang isáng sundalo, na mayá't mayá'y lumúlurâ.

—¿Nakikilala mo ba sila?—ang tanóng ng̃ alférez na itinataás ang banig.

Hindi sumagót si Társilo; nakita niyá ang bangcáy ng̃ asawa ng̃ ulól na babae na casama ng̃ mg̃a iba; ang bangcáy ng̃ canyáng capatíd na tadtád ng̃ sugat ang catawán, sa cásasacsac ng̃ bayoneta, at ang cay Lucas na may lubid pa sa liig. Lumungcót ang canyáng paning̃in at tila mandín nagpumiglás sa canyáng dibdib ang isáng buntóng hining̃á.

—¿Nakikilala mo silá?—ang mulíng sa canyá'y itinanóng nilá.

Nanatili sa pagca pipí si Társilo.

Isáng haguinít ang siyáng umaling̃awng̃áw sa hang̃in at pumalò ang yantóc sa canyáng licód. Nang̃iníg, nang̃urong ang canyáng mg̃a casucasuan. Inulit-ulit ang pagpalò ng̃ yantóc, ng̃uni't nanatili si Társilo sa pagwawaláng bahalà.

—¡Hagupitín siyá ng̃ palò hanggáng sa pisanan ó magsalità!—ang sigáw ng̃ alférez na nagng̃ing̃itng̃it.

—¡Magsabi ca na!—ang sinabi sa canyá ng̃ directorcillo;—sa papaano ma'y pápatayin ca rin lamang.

Mulíng inihatid siyá sa salas na kinalalagyan ng̃ isáng napipiit, na tumatawag sa mg̃a santo, nang̃ang̃aligkig ang mg̃a ng̃ipin at ang mg̃a paa'y cusang nahuhubog.

—¿Nakikilala mo ba iyán?—ang tanóng ni parì Salvi.

—¡Ng̃ayón co lamang siyá nakita!—ang sagót ni Társilo, na minámasdan ang isá ng̃ may halong habág.

Binigyán siyá ng̃ isáng suntóc at isáng sicad ng̃ alférez.

—¡Inyóng igapos siyá sa bangcó!

Hindi na inalís sa canyá ang mg̃a «esposas» na nadúdumhan ng̃ dugô, at siyá'y itinali sa isáng bangcóng cahoy. Luming̃ap ang caawaawà sa canyáng paliguid, na anaki'y may hinahanap siyáng anó man, at ng̃ canyáng nakita si doña Consolación, siyá'y humalakhác ng̃ patuyâ. Sa pagtatacá ng̃ mg̃a nanonood ay sinundán nilá ang tinítingnan ng̃ nagagapos, at ang caniláng nakita'y ang guinoong babae, na nang̃ang̃atlabì ng̃ cauntî.

—¡Hindi pa acó nacacakita ng̃ ganyáng capang̃ít na babae!—ang biglang sinabi ng̃ malacás ni Társilo, sa guitná ng̃ hindî pag-imíc nino man;—ibig co pang humigâ sa ibabaw ng̃ isáng bangcò, na gaya ng̃ calagayan co ng̃ayón, cay sa humigâ acó sa siping niyá na gaya ng̃ alférez.

Namutlâ ang Musa.

—Papatayin pô ninyó acó sa palò, guinoong alférez,—ang ipinagpatúloy;—ng̃ayóng gabi ipanghíhiganti aco ng̃ inyóng asawa pagyacap niyá sa inyó.

—¡Lagyán ninyó ng̃ pang-al ang bibig!—ang sigáw ng̃ alférez na nahíhibang at nang̃áng̃atal sa galit.

Tila mandin waláng ibáng hináhang̃ag si Társilo cung di ang siyá'y magcapang-al, sa pagca't pagcatapos na siyá'y malagyan ng̃ pang-al na iyón, nagsaysáy ang canyáng mg̃a matá ng̃ isáng kisláp ng̃ catuwáan.

Sa isáng hudyát ng̃ alférez, pinasimulan ng̃ isáng guardiang may hawac na isáng yantóc, ang canyáng cahapishapis na catungculan, Nang̃urong ang boong catawán ni Társilo; isáng ung̃ol na sacál at mahabà ang siyáng náring̃ig, bagá man napapasalan ang canyáng bibig ng̃ damit; tumung̃ó: napípigtâ ang canyáng damít ng̃ dugô.

Tumindig ng̃ boong hirap si parì Salvi, na namúmutlà't sirâ ang paning̃ín, humudyát ng̃ camáy, at linisan ang salas na nang̃áng̃alog ang mg̃a tuhod. Nakita niyá sa daan ang isáng dalagang nacasandál sa pader, matuwíd ang catawán, hindi cumikilos, nakíkinig na lubós, tinítingnan ang álang-álang, nacaunat ang mg̃a nang̃áng̃ayumcom na mg̃a camáy sa lumang muog. Binibilang manding hindi humíhing̃a ang mg̃a hampás na macalabóg, waláng taguintíng at yaóng cahambál-hambál na daing. Siyá ang capatíd na babae ni Társilo.

Samantala'y ipinagpapatuloy sa salas ang cagagawang iyón; ang culang palad, sa hindi na macayang bathing hirap, ay napipi at hinintáy na mang̃apagál ang canyáng mg̃a verdugo. Sa cawacasa'y inilawít ang mg̃a bisig ng̃ sundalong humihing̃al; ang alférez, na namúmutlâ sa galit at sa pangguiguilalás, humudyát ng̃ isá upang calaguín ang pinahihirapan.

Nang magcágayo'y nagtindíg si doña Consolación at bumulóng ng̃ ilán sa canyáng asawa. Tumang̃ô itó, sa pagpapakilalang canyáng naunawà.

—¡Dalhín siyá sa bal-on!—anyá.

Natatalastas ng̃ mg̃a filipino cung anó ang cahulugán ng̃ salitáng itó; isinasatagalog nilá sa sabing timbain. Hindi namin maalaman cung sino cayâ ang nacaisip ng̃ ganitóng gawâ. Ang Catotohanang umaahon sa isáng bal-on, marahil ay isáng pagbibigáy cahulugáng nápacamatindíng libác.

Sa guitnâ ng̃ patio ng̃ tribunal ay naroroon ang caayaayang pader na na caliliguid sa isáng bal-on; ang pader na yaó'y batóng buháy na magaspáng ang pagcacágawâ. Isáng casangcapang tulad sa pinggáng cawayan (timbalete) ang siyáng doo'y gamit sa pagcuha ng̃ tubig na malapot, marumí at mabahò. Mg̃a papanting̃in, mg̃a dumi at ibá pang masasamáng tubig ang doo'y natitipon, sa pagcá't ang bal-ong yaó'y tulad naman sa bilangguan; doon inihuhulog ang lahat ng̃ pinawawalang halagá ó ipinalalagay na wala nang cabuluhán; casangcapang doo'y mahulog, magpacabutibuti, wala ng̃ halagá. Gayón ma'y hindi tinatabunan cailán man: manacánacang pinahihirapan ang mg̃a bilanggóng hucayi't palaliman ang bal-ong iyón, hindi dahil sa balac na muha ng̃ capakinabang̃án sa parusang iyón, cung dî dahil sa mg̃a cahirapang nangyayari sa gawáng iyón: ang bilanggóng doo'y lumusong ay nacacacuha ng̃ lagnát na ang caraniwa'y ikinamámatay.

Pinanonood ni Társilo, na nacatitig, ang mg̃a paghahandâ ng̃ mg̃a sundalo; siyá'y namúmutlâ ng̃ mainam at nang̃áng̃atal ang canyáng mg̃a labì ó bumúbulong ng̃ isáng dalang̃in. Warì'y nawalâ ang pagmamataas niyá sa canyáng di maulatang hirap, ó cung hindi ma'y hindi na totoong masimbuyó. Macailang inilung̃ayng̃áy ang nacalindíg na liig, tumitig sa lupà, sang-ayong magdalità.

Dinalá siyá nilá sa pader na nacaliliguid sa bal-on, na sinúsundan ni doña Consolacióng nacang̃itî. Isáng sulyáp, na may tagláy na panaghilì, ang itinapon ng̃ sawíng palad, sa nagcacapatong-patong na mg̃a bangcáy, at isáng buntóng hining̃á ang tumacas sa canyáng dibdib.

—¡Magsabi ca na!—ang mulíng sinabi sa canyá ng̃ directorcillo,—sa papaano ma'y bibitayin ca; mamatáy ca man lamang na hindi totoong naghirap ng̃ malakí.

—Aalis ca rito upáng mamatáy,—ang sinabi sa canyá ng̃ isáng cuadrillero.

Inalisán nilá siyá ng̃ pang-al, at ibinitin siyáng ang tali ay sa mg̃a paa. Dapat siyáng ihugos ng̃ patiwaric at manatiling malaón laón sa ilalim ng̃ tubig, catulad ng̃ guinágawâ sa timbâ, na ang caibhán lamang ay lalong pinalalaon ang tao.

Umalis ang alférez upáng humanap ng̃ relós at ng̃ bilang̃in ang mg̃a minuto.

Samantala'y nacabitin si Társilo, ipinapawid ng̃ hang̃in ang canyáng mahabang buhóc, nacapikit ng̃ cauntî.

—Cung cayó'y mg̃a cristiano, cung may pusò cayó,—ang ipinamanhic ng̃ paanás,—ihugos ninyó acó ng̃ matulin, ó ihugos ninyó sa isáng paraang sumalpóc ang aking ulo sa bató at ng̃ acó'y mamatáy na. Gagantihin cayó ng̃ Dios sa magandáng gawáng ito ... marahil sa ibáng araw ay mangyari sa inyó ang kináhínatnan co.

Nagbalíc ang alférez at pinang̃uluhan ang paghuhugos na tang̃an ang relós.

—¡Marahan, marahan!—ang sigáw ni doña Consolacióng sinusundan ng̃ matá ang cahabaghabág;—¡mag-ing̃at cayó!

Marahang bumábabà ang timbalete; humihilahis si Társilo sa mg̃a batóng nang̃acaumbóc at sa mg̃a mababahong damóng sumisibol sa mg̃a guiswác. Pagca tapos ay hindi na cumilos ang timbalete; binibilang ng̃ alférez ang mg̃a segundo.

—¡Itaás!—ang matinding utos, ng̃ macaraan na ang calahating minuto.

Ang ing̃ay na mataguintíng at nagcacasaliwsaliw ng̃ mg̃a patac ng̃ tubig na nahuhulog sa ibabaw ng̃ tubig ang siyáng nagbalità ng̃ pagbabalíc ng̃ may sala sa caliwanagan. Ng̃ayón, palibhasa'y lalong mabig-at ang pabató, siyá'y nanhíc ng̃ mabilis. Nanglálaglag ng̃ malaking ing̃ay ang mg̃a batóng natitingcab sa mg̃a tabí ng̃ balón.

Natátacpan ang canyáng noo't ang canyáng buhóc ng̃ carumaldumal na pusalì, puspos ng̃ mg̃a sugat at mg̃a galos ang canyáng mukhâ, ang catawa'y basâ at tumutulò, ng̃ siyá'y sumipót sa mg̃a matá ng̃ caramihang hindi umíimic; pinapang̃áng̃aligkig siyá sa guináw ng̃ hang̃in.

—¿Ibig mo bang magsaysáy?—ang sa canyá'y caniláng itinanóng.

—¡Huwág mong pabayaan ang capatid cong babae!—ang ibinulóng ng̃ caawaawà, na tinititigan ng̃ pagsamò ang isáng cuadrillero.

Mulíng cumalairit ang pinggáng cawayan, at mulíng nawalá ang pinahihirapan. Nahihiwatigan ni doña Consolacióng hindî gumágalaw ang tubig. Bumilang ng̃ isáng minuto ang alférez.

Nang mulíng ipanhic si Társilo'y nacawing̃î at nang̃ing̃itim ang mukhâ. Tinitigan niyá ang mg̃a naroroon at nanatiling nacadilat ang mg̃a matáng nang̃a múmula sa dugô.

—¿Magsasabi ca ba?—ang mulíng itinanóng ng̃ alférez na ang tinig ay nanglúlupaypay.

Umilíng si Társilo, at muli na namang inihugos siyá. Untiunting nasásarhan ang mg̃a pilic-matá niyá, ang balingtatáo ng̃ canyáng mg̃a matá'y nananatili sa pagtitig sa lang̃it na pinapawiran ng̃ mapuputíng alapaap; ibinabalì ang liig upáng macapanatili sa panonood ng̃ liwanag ng̃ araw, ng̃uni't pagdaca'y napilitang lumubog sa tubig, at tinacpán ng̃ carumaldumal na tabing na iyón ang canyáng minámasdang daigdíg.

Nagdaan ang isáng minuto; namasid ng̃ tumíting̃ing Musa ang malalaking bulubóc ng̃ tubig na napaiibabaw.

—¡Nauuhaw!—ang sabing tumatawa.

At mulíng tumining ang tubig.

Isáng minuto't calahati ang itinagál ng̃ayón, bago humudyát ang alférez.

Hindi na nacawing̃i ang mukhá ni Társilo; nasisilip sa nacasiwang na pang̃isáp ang puti ng̃ matá, lumálabas sa bibig ang tubig na pusaling may cahalong cumacayat na dugô; humihihip ang hang̃ing malamíg, ng̃uni't hindi na nang̃ang̃áng̃aligkig ang canyáng catawán.

Nang̃agting̃inan ang lahát na waláng imíc, nang̃amumutlâ at pawang nang̃a alaguím. Humudyat ang alférez upáng alisin sa pagcabitin si Társilo at lumayóng naglilininglining; macailang idiniit ni doña Consolación sa nacalilís na mg̃a paa ng̃ bangcáy ang baga ng̃ canyáng tabacô, ng̃uni't hindi cumatál ang catawán at namatáy ang apóy.

—¡Nag-inís siyá sa sarili!—ang ibinulóng ng̃ isáng cuadrillero;—masdán ninyó't binaligtád ang canyáng dilà, na anaki pinacsâ niyáng lunukín.

Pinagmámasdang nang̃áng̃atal at nagpápawis niyóng isáng bilanggô ang mg̃a guinagawâng iyón; lumiling̃ap na ang camukhá'y ulól sa lahát ng̃ panig.

Ipinag-utos ng̃ alférez sa directorcillong tanung̃ín ang bilanggóng iyón.

—¡Guinoo, guinoo!—ang hibic;—¡akin pong sasabihin ang lahat ninyóng maibigang sabihin co!

—¡Cung gayo'y mabuti! tingnán natin; ¿anó ang pang̃alan mo?

—¡Andóng, pô!

—¿Bernardo ... Leonardo ... Ricardo ... Eduardo ... Gerardo ... ó anó?

—¡Andóng, pô!—ang inulit ng̃ culáng culáng ang isip.

—Ilagáy ninyóng Bernardo ó anó man,—ang inihatol ng̃ alférez.

—¿Apellido?

Tiningnán siyá ng̃ taong iyóng nagugulat.

—¿Anó ang pang̃alan mong dagdág sa ng̃alang Andóng?

—¡Ah, guinoo! ¡Andóng Culáng-culáng po!

Hindi napiguil ang tawa ng̃ nang̃akikinig; patí ang alférez ay tumiguil ng̃ pagpaparoo't parito.

—¿Anó ang hanap-buhay mo?

—Mánunubà pô ng̃ niyóg, at alila pô ng̃ aking biyanáng babae.

—¿Sino ang nag-utos sa inyóng looban ninyó ang cuartel?

—¡Walâ pô!

—¿Anóng walâ? Huwág cang magsinung̃aling at titimbaín ca! ¿sino ang nag-utos sa inyó? ¡Sabihin mo ang catotohanan!

—¡Ang catotohanan pô!

—¿Sino?

—¡Sino pô!

—Itinatanong co sa iyó cung sino ang nag-utos sa inyóng cayó'y mang̃ag-alsá.

—¿Alin pô bang alsá?

—Iyón, cung cayá ca doroon cagabí sa patio ng̃ cuartel.

—¡Ah, guinoo!—ang bigláng sinabi ni Andóng na nagdádalang cahihiyan.

—¿Sino ng̃a ang may casalanan ng̃ bagay na iyán?

—¡Ang akin pong biyanáng babae!

Tawanan at pangguiguilalás ang sumunód sa mg̃a salitáng itó. Humintô ng̃ paglacad ang alférez at tiningnán ng̃ mg̃a matáng hindi galít ang caawaawà, na sa pagcaisip na magaling ang kinalabasan ng̃ canyáng mg̃a sinabi, nagpatuloy ng̃ pananalitáng masayá ang anyô.

—¡Siyá ng̃à pô; hindi pô acó pinacacain ng̃ aking biyanáng babae cung di iyóng mg̃a bulóc at walà ng̃ cabuluhán; cagabí, ng̃ acó'y umuwi rito'y sumakít ang aking tiyán, nakita cong na sa malapit ang patio ng̃ cuartel, at aking sinabi sa sarili;—Ng̃ayó'y gabí, hindi ca makikita nino man.—Pumasoc acó ... at ng̃ tumitindig na acó'y umaling̃awng̃áw ang maraming putucan: itinatali co pô ang aking salawal....

Isang hampás ng̃ yantóc ang pumutol ng̃ canyáng pananalitâ.

—¡Sa bilangguan!—ang iniutos ng̃ alférez;—¡ihatíd siyá ng̃ayóng hapon sa cabecera!

Decorative motif

LVIII.

ANG SINUMPA.

Hindî nalao't cumalat sa bayan ang balitàng ilalacad ang mg̃a bilanggô; nacalaguím muna ang pagcaring̃ig ng̃ gayóng balità, at sacá sumunód ang mg̃a iyacan at panambitanan.

Nang̃agtatacbuhang warì'y mg̃a ulól ang mg̃a casambaháy ng̃ mg̃a bilanggô; nang̃agsísiparoon sa convento, mulâ sa convento'y napapasa cuartel at mulà sa cuartel ay napasasa tribunal, at sa pagcá't hindi silá macásumpong ng̃ aliw saan man, caniláng pinúpunô ang alang-alang ng̃ mg̃a sigáw at panambitan. Nagculóng ang cura sa pagcá't may sakít, dinagdagán ng̃ alférez ang dami ng̃ mg̃a sundalong na bábantay sa canyá, at sinasalubong ng̃ culata ng̃ mg̃a sundalong iyón ang mg̃a babaeng nang̃agmamacaamò; ang gobernadorcillo, taong waláng cabuluhán, anaki'y lalo pang haling at waláng cabuluhán mandín cay sa dati. Sa tapát ng̃ bilanggua'y nang̃agtatacbuhang pacabicabilà ang mg̃a babaeng may lacás pa; ang mg̃a walâ na namá'y nang̃agsisiupò sa lupà't tinatawag ang mg̃a pang̃alan ng̃ mg̃a taong caniláng iniirog.

Maning̃as ang araw, ng̃uni't sino man sa mg̃a cahabaghabag na iyó'y hindi nacaiisip umuwî. Si Doray, ang masayá't lumiligayang asawa ni don Filipo'y nagpapacabicabilang puspós ng̃ capighatían, kilic ang canyáng musmós na anác na lalaki: cápuwâ silá umiiyac.

—Umuwî na pô cayó,—ang sa canyá'y sinasabi; malalagnat ang inyóng anác.

—¿Bakit pa mabubuhay cung walà rin lamang isáng amáng sa canyá'y magtuturò?—ang isinasagót ng̃ nalulunos na babae.

—¡Walâ pong casalanan ang inyóng asawa; marahil siyá'y macabalíc din!

—¡Siyá ng̃á, cung patáy na cami!

Tumatang̃is si capitana Tinay, at tinatawag ang canyáng anác na si Antonio; tinítingnan ng̃ matapang na si capitana María ang maliit na rejas, sa pagcá't sa dacong loob niyó'y naroroon ang canyáng dalawáng cambál, na siyáng tang̃ing mg̃a anác niyá.

Naroroon ang biyanán ng̃ mánunubà ng̃ niyóg; hindi siyá tumatang̃is: nagpaparoo't parito, na cumúcumpas na lilis ang mg̃a manggás at pinagsasabihan ng̃ malacás ang nang̃ároroon:

—¿May nakita na ba cayóng cawang̃is nitó? ¿Hulihin ang aking si Andóng, paputucan siyá, isuot sa pang̃áw at ilalacad sa cabecera, dahil lamang sa ... dahil lamang sa may bagong salawal? ¡Humíhing̃î ang ganitóng gawa ng̃ ucol na gantí! ¡Napacalabis namán ang mg̃a guardia civil! ¡Isinusumpá cong pagca nakita co uling sino man sa canilá'y humahanap ng̃ cublíng lugar sa aking hálamanan, gaya ng̃ madalás na totoong guinágawa nilá, aalsán co silá ng̃ ipinamamayan, aalsán co silá ng̃ ipinamamayan! ¡ó cung hindi acó namán ang caniláng alsán!!!

Ng̃uni't iilan tao ang pumápansin sa maca Mahomang biyanán.

—Si don Crisóstomo ang may casalanan ng̃ lahát ng̃ itó,—ang buntóng hining̃a ng̃ isáng babae.

Naroroon di't nagpapacabicabila, na cahalò ng̃ marami, ang maestro sa escuelahan; hindi na pinapagcúcuscos ang mg̃a palad ng̃ camáy ni ñor Juan; hindi na dinadaladala niyá ang canyáng plomada at ang canyáng metro: itím ang pananamit ng̃ lalaki, sa pagcá't nacáring̃ig siyá ng̃ masasamáng balità, at palibhasa'y nananatili siyá sa canyáng asal na ipalagáy ang dárating na panahóng parang nangyari na, ipinaglúlucsà na niyá ang pagcamatáy ni Ibarra.

Tumiguil, pagca á las dos ng̃ hapon, sa tapát ng̃ tribunal, ang isáng carretóng waláng anó mang pandóng, na hinihila ng̃ dalawáng vacang capón.

Liniguid ng̃ caramihan ang carretón, na ibig niláng alsín sa pagcasingcaw at ipagwasacan.

Huwág cayóng gumawâ ng̃ gayón,—ani capitana María;—¿ibig ba ninyóng silá'y maglacád?

Itó ang pumiguil sa mg̃a casambaháy ng̃ mg̃a bilanggó. Lumabás ang dalawampóng sundalo at caniláng liniguid ang sasakyán. Lumabás ang mg̃a bilanggô.

Ang unauna'y si don Filipo, na gapós; bumating nacang̃itî sa canyáng asawa; tumang̃is ng̃ masacláp si Doray at nahirapan ang dalawáng guardia upáng humadláng sa canyá at ng̃ huwág mayacap ang canyáng asawa. Sumipót na umiiyac na parang musmós si Antoniong anác ni capitana Tinay, bagay na siyang lalong nacáragdag ng̃ mg̃a pagsigáw ng̃ canyáng familia. Humagulhól si Andóng pagcakita sa canyáng biyanáng babae, na siyáng may cagagawán ng̃ canyáng pagcapahamac. Baliti rin si Albinong nagseminarista, at gayón din ang dalawáng cambál na anác ni capitana Maria. Masasamà ang loob at hindi umiimic ang tatlóng binatàng itó. Ang hulíng lumabàs ay si Ibarra, na waláng talì, ng̃uni't napapag-itanan ng̃ nagháhatid na dalawáng guardia civil. Namúmutlâ ang binatà; humanap siyá ng̃ isáng mukháng catoto.

—¡Iyàn ang may casalanan!—ang ipinagsigawan ng̃ maraming tinig;—¡iyán ang may casalanan ay siyáng waláng talì!

—¡Walang anó mang guinagawâ ang aking manugang ay siyang naca-"esposas"!

Lining̃ón ni Ibarra ang mg̃a guardia:

—¡Gapusin ninyó acó, ng̃uni't gapusin ninyóng mabuti acó, abo't sico!—ang canyáng sinabi.

—¡Walang tinatanggáp camíng utos na ganyán ang aming gawín!

—¡Gapusin ninyó acó!

Sumunod ang mg̃a sundalo.

Sumipót ang alférez na nang̃ang̃abayo, at batbát ng̃ mg̃a sandata patí ng̃ mg̃a ng̃ipin; may sumúsunod sa canyáng sampô ó labinglimáng sundalo pa.

Bawa't isáng bilanggó'y may canicanyáng casambahay na nanghihinaing upáng cahabagan, na dahil sa canyá'y tumatang̃is at nagpapalayaw ng̃ lalong matitimyas na tagurî. Si Ibarra lamang ang tang̃ing doo'y walâ sino man; nang̃agsialís doon patí si ñor Juan at ang maestro sa escuelahan.

—¿Anó pô ba ang guinawâ sa inyó ng̃ aking asawa't ng̃ aking anác?—ang sa canyá'y sinasabi ni Doray na tumatang̃is; ¡tingnán pô ninyó ang caawaawà cong anác! ¡inalsan ninyó siyá ng̃ amá!

Ang pighatî ng̃ mg̃a casambahay ay naguíng galit sa binatà, na pinagbibintang̃ang siyáng may cagagawán ng̃ caguluhan. Ipinag utos ng̃ alférez ang pagya-o.

—¡Icáw ay isáng duwág!—ang sigáw ng̃ biyanán ni Andóng. Samantalang nakikihamok ang mg̃a ibá dahil sa iyó, icaw nama'y tumatagò, ¡duwág!

—¡Sumpaín ca nawâ!—ang sabi sa canyá ng̃ isáng matandáng lalaki na sa canyá'y sumúsunod;—¡pusóng ang guintóng tinipon ng̃ iyóng magugulang at ng̃ siràin ang aming capayapàan! ¡Pusóng!, ¡pusóng!

—¡Bitayin ca nawâ, hereje!—ang sigáw sa canyá ng̃ isáng camag-anac na babae ni Albino, at sa hindi na macapiguil ay nuha ng̃ isáng bató at sa canyá'y ipinucól.

Sinundán ang uliráng iyón, at sa ibabaw ng̃ sawíng palad na binatà'y umulán ang alabóc at mg̃a bató.

Tiniis ni Ibarra ng̃ waláng imíc, waláng poot at waláng daíng ang tapát na panghihingantí ng̃ gayóng caraming mg̃a púsòng nang̃asugatan. Yaón ang paalam, ang adios na sa canyá'y dulot ng̃ canyáng bayang kinálalagyan ng̃ lahát ng̃ canyáng mg̃a sinísinta. Tumung̃ó, marahil canyáng dinidilidili ang isáng taong pinalò sa mg̃a lansang̃an sa Maynilà, ang isáng matandáng babaeng nahandusay na patáy pagcakita sa ulo ng̃ canyáng anác na lalaki; marahil dumaraan sa canyáng mg̃a matá ang nangyari sa buhay ni Elías.

Minagaling ng̃ alférez na palayuin ang caramihang tao, ng̃uni't hindi humintô ang pangbabató at ang mg̃a paglait. Isá lamang iná ang hindi ipinanghíhiganti sa canyá ang canyáng mg̃a pighatî: itó'y si capitana María. Hindi cumikilos, nacahibic ang mg̃a labì, punô ang mg̃a matá ng̃ mg̃a luhàng umaagos na waláng ing̃ay, canyáng pinanonood ang pagpanaw ng̃ canyáng dalawáng anác na lalaki; sa panonood sa canyáng hindî pagkilos at sa canyáng pipíng dalamhatì, nawáwalâ ang pagcatalinhagà ni Niobe.

Malayò na ang pulutóng.

Sa mg̃a taong nacasung̃aw sa bihibihirang bintanàng nacabucás, ang lalong nagpakita ng̃ habag sa binatà'y yaóng mg̃a hindi nababahalà at waláng adhicâ cung di manood lamang. Nang̃agtagò ang canyáng mg̃a caibigan, patí si capitang Basilio'y nagbawal sa canyáng anác na si Sinang, na huwág umiyác.

Nakita ni Ibarra ang umaaso pang bahay niyáng natupoc, ang bahay ng̃ canyáng mg̃a magugulang, ang bahay na sa canyá'y pinang̃anacán, ang kinabubuhayan ng̃ lalong matatamís na alaala ng̃ canyáng camusmusán at ng̃ canyáng cabinatàan; ang mg̃a luhàng malaong canyáng pinipiguilpiguil ay bumalong sa canyáng mg̃a matá, lumung̃ayng̃ay at tumang̃is, na hindi magcaroon ng̃ alíw na mailihim ang canyáng pag-iyac, palibhasa'y nacagapos, ó macapucaw man lamang ang canyáng pighatî ng̃ habag sa cang̃ino man. Ng̃ayó'y walâ siyáng bayan, bahay, casintahan, mg̃a catoto, at mahihintay na maligayang panahóng dárating.

Mulà sa isáng mataás na lugar ay pinanonood ang malungcót na pulutóng na iyón ng̃ isáng tao. Siyá'y isáng matandáng lalaki, namúmutlà, payat na payát ang mukhà, nacabalot sa isáng cumot na lana, at nanúnungcod ng̃ boong pagál. Siyá ang matandáng filósofo Tasio, na nang mabalitàan ang nangyari ay nagbantáng iwan ang canyáng hihigán at dumaló, ng̃uni't hindi itinulot ng̃ canyáng lacás na macarating siyá hanggáng sa tribunal. Sinundán ng̃ matá ng̃ matandà ang carretón hanggáng sa itó'y nawalâ sa malayò: nanatiling sumandalî sa pag-iisip-isip na nacatung̃ó, nagtindig pagcatapos at nag inatâ ng̃ boong hirap na tinung̃o ang canyáng bahay, na nagpápahing̃a maya't mayâ.

Nasumpung̃an siyáng patáy, kinabucasan, ng̃ mg̃a nag-aalagà ng̃ mg̃a hayop, sa paanan ng̃ pagpasoc sa canyáng tahanang nag-íisa.