—¿Mangyayari bagáng catá'y limutin?—ang sagót na nang̃ang̃aanino ng̃ boong ligaya sa mg̃a maiitím na balíngtatao ng̃ dalaga;—¿mangyayari bagáng magculang acó sa panunumpâ, sa isáng panunumpang dakila? Natátandaan mo ba ang gabíng yaon, ang gabíng yaóng sumísigwa, na icáw, ng̃ makita mo acóng nag-íisang tumatang̃is sa siping ng̃ bangcáy ng̃ aking iná'y lumapit ca sa akin, ilinagáy mo ang iyong camáy sa aking balícat, ang camáy mong malaon nang ayaw mong ipahintulot na aking mátangnan, at iyong sinabi sa akin: "Nang̃ulila ca sa iyong iná, acó'y hindî nagcainá cailán man.": at dumamay ca sa akin ng̃ pag-iyác. Iniirog mo ang aking iná at icáw ay pinacaibig niyáng tulad sa isáng anác. Sa dacong labás ay umúulan at cumíkidlat; ng̃uni't sa acalà co'y nacárinig acó ng̃ música, at nakita cong ng̃umíng̃itî ang maputláng mukhâ ng̃ bangcáy ... ¡oh, cung buháy sana ang aking mg̃a magulang at mapanood nila icáw! Nang magcagayó'y tinangnán co ang iyóng camáy at ang camáy ng̃ aking iná, nanumpâ acóng sísintahin catá, catá'y paliligayahin, anó man ang capalarang sa aki'y ipagcaloob ng̃ Lang̃it, at sa pagca't hindî nacapagbigáy pighati cailán man sa akin ang sumpáng itó; ng̃ayó'y mulíng inuulit co sa iyó. ¿Mangyayari bagáng limutin co icáw? Laguing casamasama co ang pag-aalaala co sa iyo; iniligtás acó sa mg̃a pang̃anib ng̃ paglalacad maguíng caaliwan co sa pag-iisá ng̃ aking cálolowa sa mg̃a ibáng lupain; ¡ang pag-aalaala sa iyo ang pumawì ng̃ bísà ng̃ "loto" ng̃ Europa na cumacatcat ng̃ mg̃a pag-asa at ng̃ casaliwaang palad ng̃ kinaguisnang lúpà sa caisipán ng̃ maraming mg̃a cababayan! Sa mg̃a panaguimpan co'y nakikita co icáw na nacatindig sa tabíng dagat ng̃ Maynilà, nacatanaw sa malayong abót ng̃ paning̃íng nababalot sa malamlam na liwanag ng̃ maagang pagbubucang liwayway; aking náririnig ang isáng aaying-aying at malungcot na awit na sa aki'y pumupucaw ng̃ nagugulaylay ng̃ mg̃a damdamin, at tinatawag co sa alaala ng̃ aking púsò ang mg̃a unang taón ng̃ aking camusmusán, ang ating mg̃a catuwâan, ang ating mg̃a paglalarô, ang boong nacaraang maligayang panahóng binigyán mong casayahan, samantalang doroon ca sa bayan. Sa aking sapantaha'y icáw ang "hada"[151], ang espíritu, ang caayaayang kinácatawan ng̃ aking Bayang kináguisnan, magandá, mahinhín, masintahin, lubós calinisan, anác ng̃ Filipinas, niyáng cagandagandahang lupang bucód sa mg̃a dakilang cagaling̃an ng̃ Inang Españang[152] tagláy rin niyá'y may maririkít pang mg̃a hiyas ng̃ isáng bayang bátà, tulad sa pagcacapisan sa iyong cataohan ng̃ lahát ng̃ cagandahan at carikitang nacapagpapaningning sa dalawang láhì; cayâ ng̃a't nabubuò lamang sa isá ang pagsinta co sa iyo't ang pagsinta co sa aking tinubuang lúpà ... ¿Maaari ba catáng limutin? Macáilang ang boong ísip co'y aking náririnig ang mg̃a tunóg ng̃ iyóng piano at ang mg̃a tínig ng̃ iyong voces, at cailán mang tinatawag co ang iyóng pang̃alan ng̃ acó'y na sa Alemania, sa dacong hápon, pagca naglalacad acó sa mg̃a caparang̃ang napúpuspos ng̃ mg̃a talinghagang likhâ ng̃ mg̃a poeta roon at ang mg̃a cahimahimalang salitsaling sabi ng̃ mg̃a táong nang̃áunang nabuhay, nakikinikinita co icáw sa úlap na sumisilang at napaiimbulóg sa dúyo ng̃ capatagan, wárì náriring̃ig co ang iyong voces sa pagaspás ng̃ mg̃a dahon, at pagcâ umuuwî na ang mg̃a tagabukid na galing sa caniláng sinasacang lúpà at caniláng ipinaríring̃ig buhat sa maláyò ang caniláng caraniwang mg̃a awit, sa aking acala'y pawang nakikisaliw silá sa mg̃a voces ng̃ caibuturan ng̃ aking dibdib, na nag-aalay na lahat sa iyo ng̃ awit at siyáng nagbíbigay catotohanan sa aking mg̃a nais at mg̃a panaguimpán. Cung minsa'y náliligaw acó sa mg̃a landás ng̃ mg̃a cabunducan, at ang gabíng doo'y untîuntì ang pagdatíng ay naráratnan acóng naglácad pa't hinahanap co ang aking daan sa guitnâ ng̃ mg̃a "pino," ng̃ mg̃a "haya"[153] at ang mg̃a "encina"[154]; cung nagcácagayón, cung nacalúlusot ang iláng mg̃a sínag ng̃ buwán sa mg̃a puáng ng̃ masinsíng mg̃a sang̃á, wari'y nakikinikinita co icáw sa sinapupunan ng̃ gubat, tulad sa isáng nagpapagalagalang aninong gágalawgaláw at nagpapacabicabilâ sa liwanag at sa mg̃a carilimán ng̃ malagóng caparang̃an, at sacâ ipinarírinig ng̃ "ruiseñor"[155] ang canyáng ibá't ibáng cawiliwiling huni, inaacálà cong dahil sa icáw ay nakikita't icáw ang siyáng sa canyá'y nacaaakit. ¡Cung inalaala co icáw! ¡Hindî lamang pinasásaya sa aking mg̃a matá ng̃ lagabláb ng̃ sa iyó'y pagsinta ang úlap at pinapamúmula ang hielo[156]! Sa Italia, ang magandáng lang̃it ng̃ Italia, sa canyáng cadalisaya't cataasa'y nagsasálitâ sa akin ng̃ iyong mg̃a matá; ang canyáng masayáng pánoorin ay nagsasaysay sa akin ng̃ iyong ng̃itî, wang̃is ng̃ mg̃a halamanan sa Andalucíang nalalaganapan ng̃ hang̃ing may kipkíp na bang̃ó, puspós ng̃ mg̃a pangdilidiling casilang̃anan, saganà sa hiwagà at sa calugodlugód na mg̃a tanghalin, pawang nang̃agsasalita sa akin ng̃ sa iyó'y pagsintá! Sa mg̃a gabíng may bowán, yaóng bowang wari'y nagtútucà, sa aking sinagwánsagwáng nacalulan acó sa isáng sasakyáng malíit sa ilog Rhin, itinátanong co sa aking sarili cung dî cayâ marayà acó ng̃ aking guníguní upang makita co icáw sa, guitnâ ng̃ mg̃a álamong[157] na sa pampang, sa bató ng̃ Lorelay ó sa guitnâ ng̃ mg̃a alon at icáw ay umaawit sa catahimican ng̃ gabí, tulad sa dalagang hadang mápang-aliw, upang bigyáng casayahan ang pag-iisá at ang calungcutan ng̃ mg̃a guibáng castillong iyón.
—Hindî acó naglacbáy-bayang gaya mo, walâ acóng nakikita cung dî ang iyóng bayan, ang Maynila't Antipolo—ang sagót ni María Clarang ng̃umíng̃itî, palibhasa'y naniniwalà sa lahát ng̃ sinasabi ni Ibarra,—ng̃uni't mulâ ng̃ sabihin co sa iyóng ¡paalam! at pumasoc acó sa beaterio, láguì nang naaalaala catá at hindî co icáw nilimot, bagá man ipinag-utos sa akin ng̃ confesor at pinarusahan acó ng̃ maraming mg̃a pahírap. Nagúgunitâ, co ang ating mg̃a paglalarô, ang ating mg̃a pag-aaway ng̃ tayo'y mg̃a musmós pa. Hinihirang mo ang lalong magagandáng sigay at ng̃ tayo'y macapaglarô ng̃ siclót, humahanap ca sa ílog ng̃ lalong mabibilog at makikinis na batóng maliliit na may iba't ibang cúlay at ng̃ macapaglarô tayo ng̃ sintác; icáw ay nápacawaláng tuto, láguì cang natatalo, at ang parusa'y binábantilan catá ng̃ pálad ng̃ aking camáy, ng̃uni't dî co inilálacas, sa pagca't naaawà acó sa iyo. Napacamagdarayà, icáw sa laróng chongca't dináraig mo pa ang pagcamagdarayà co, at caraniwang agawán ang naguiguing catapusán. ¿Natátandaan mo bâ ng̃ icáw ay magalit ng̃ totohanan? Niyó'y pinapagpighatî mo acó; ng̃uni't ng̃ matapos, pagcâ naaalaala co iyón sa beaterio, acó'y ng̃umíng̃tì dinaramdam cong icáw ay walâ, at ng̃ macapag-away ulî catá ... at ng̃ pagdaca'y mágawà natin ang pagcacásundô. Niyó'y mg̃a musmós pa tayo, naparoon tayong naligong casama ang iyóng iná sa batis na iyóng nalililiman ng̃ mg̃a cawayanan. Sa mg̃a pampáng ay may mg̃a sumisibol na mg̃a bulaclác at mg̃a halamang sinasabi mo sa akin sa wicang latín at wicang castilà ang canícanilang mg̃a cacaibáng pang̃alan, sa pagca't niyó'y nag-aaral ca na sa Ateneo. Hindî catá pinápansin; naglílibang acó sa panghahagad ng̃ mg̃a paroparó at ng̃ mg̃a tutubí, na sa canyáng catawáng maliit na tulad sa alfiler ay tagláy ang lahát ng̃ mg̃a culay ng̃ bahagharì at ang lahát ng̃ mg̃a kintáb ng̃ gáring, mg̃a tutubíng gumágalaw at nang̃agháhagaran sa magcabicabilang mg̃a bulaclác; cung minsa'y ibig cong masubucan at hulihin ng̃ camáy ang maliliit na isdáng matuling nang̃agtatacbuhan sa mg̃a lumot at sa mg̃a batuhán sa pampáng. Caguinsaguinsa'y nawalâ ca, at ng̃ icáw ay bumalíc, may dalá cang coronang mg̃a dahon at mg̃a bulaclác ng̃ dalandáng ipinutong mo sa aking úlo, at tinatawag mo acóng "Cloe"[158], at gumawâ ca namán ng̃ coronang damóng gumagapang. Ng̃uni't kinuha ng̃ iyóng nanay ang aking corona, pinucpóc ng̃ isáng bató at sacâ inihalò sa gugò na ipinaglilinis ng̃ ating úlo; tumulò ang mg̃a luhà sa iyóng mg̃a matá, at sinabi mong hindî nacaaalam ang iyóng iná ng̃ "mitología"[159].—¡"Halíng!—ang isinagót ng̃ nanay mo—makikita mo't mababang̃ó pagcatapos ang inyóng mg̃a buhóc."—Nagtawá acó, naghinanakít icáw, at ayaw mo na acóng causapin, at sa boong maghapo'y nagpakita ca ng̃ poot, na siyang ikìnaibig co namang umiyác.
Ng̃ bumalíc tayo sa bayan, at sa pagca't mainit na totoo ang araw, nuha acó ng̃ mg̃a dahon ng̃ sambóng nasumísibol sa mg̃a tabíng daan, ibinigáy co sa iyó't ng̃ ilagáy mo sa loob ng̃ iyóng sombrero, at ng̃ di sumakít ang iyóng ulo. Ng̃umitî icáw ng̃ magcágayo'y tinangnán co ang camáy mo at nagcásundô na catá.
Ng̃umitî ng̃ boong ligaya si Ibarra, binucsán ang canyang cartera, kinuha sa loob niyón ang isáng papel at sa loob nito'y may nababalot na mg̃a dahong nang̃ing̃itim, tuyô at mababang̃ó.
—¡Ang iyóng mg̃a dahon ng̃ sambóng!—ang isinagót ni Ibarra sa titig ni María Clara,—itó lamang ang naibigáy mo sa akin.
Dalidalí namáng kinuha ni María Clara sa canyáng dibdíb ang isáng bolsitang rasong maputî.
—¡Ps!—ani María Clara at tinampál ang camáy ni Ibarra;—hindî ipinahihintulot ang paghípò: ito'y isáng sulat ng̃ pagpapaalam.
—¿Iyán bâ ang isinulat co sa iyo bago acó pumanaw?
—¿At sumulat pó bâ cayó sa akin ng̃ ibá pa, aking guinoo?
—¿At anó bâ ang sinasabi co sa iyo ng̃ panahóng iyón?
—¡Maraming cabulastugan! ¡mg̃a dahilan ng̃ masamáng máng̃ung̃utang—ang isinagót ni María Clarang ng̃umíng̃itì, na ipinakikilalang totoong ikinasásaya ng̃ canyáng loob ang gayóng mg̃a cabulaanan.—¡Howág cang malicot! ¡babasahin co sa iyo ang sulat na ito! ¡ng̃uni't ilíling̃id co ang iyóng mg̃a pagpuri at ng̃ dî ca magdalità!
At itinaás ang papel sa tapát ng̃ canyang mg̃a matá at ng̃ huwag makita ng̃ binatà ang canyáng mukhâ, at nagpasimulâ:
—"Aking ..." ¡hindî co babasahin sa iyo ang sumúsunod, sa pagca't isáng cabulastugán!—at pinaraanan ng̃ mg̃a matá ang iláng talatà.—"Ibig ng̃ aking amá, ang acó'y yumao, bagá man ipinamamanhic cong huwag"—"Icáw ay lalaki—ang sabi sa akin, dapat mong isipin ang panahóng dárating at ang iyong mg̃a lacás. Dapat mong pag-aralan ang dunong sa pamumuhay, ang dî maibibígay sa iyo ng̃ iyong kinamulatang lúpà, at ng̃ balang araw ay makapaglingcod ca sa canyá. Cung mananatili ca sa aking tabí, sa aking lilim, sa impapawíd na ito ng̃ mg̃a hínalâan, hindî ca matututong tumanáw sa malayò, at sa araw na cata'y maiwan sa ibabaw ng̃ lupa'y maitutulad ca sa halamang sinasalitâ ng̃ ating poetang si Baltazar;
—¡Nakita mo na! binatà ca na halos ay tumatang̃is ca pa!—"Nacapagpasakit sa aking loob ang ganitóng pag-wiwicà, caya't ipinahayag co sa canyáng icáw ay aking sinísinta. Hindî umimíc ang aking amá, nagliníng-lining, ilinagáy sa aking balicat, ang canyáng camáy at nagsalitâ sa aking nang̃íng̃inig ang voces:—Ang ísip mo ba'y icáw lamang ang marunong umibig at hindî ca iniibig ng̃ iyóng amá at hindî dináramdam ang sa iyó'y paghiwaláy?" Hindî pa nalalaong nang̃ulila tayo sa iyóng iná; tumutung̃o acó sa catandàan, diyán sa gulang na ang hinahanap ay ang tulong at pagbibigay alíw ng̃ cabatâan, at gayón ma'y tinatanggap co ang pag-iisá at dî co talós cung catá'y makikita pa ulì. Ng̃uni't dapat cong isipin ang mg̃a ibáng bágay na lalong malalakí.... Bumúbucas sa iyo ang panahóng sasapit, samantalang sumásara sa akin; sumisilang sa iyo ang mg̃a pagsinta, ang mg̃a pag-ibig co'y nang̃amámatay; cumúculô ang apóy sa iyóng mg̃a ugát sa aki'y nagsisimulá, ang calamigán, at gayón ma'y icáw ay umíiyac at hindî ca marunong maghandóg ng̃ ng̃ayón, at ng̃ sa búcas ay makinabang ca at pakinabang̃an icáw ng̃ iyóng kinaguisnang lúpà."—Napunô ng̃ lúhà ang mg̃a matá ng̃ aking amá, naluhód acó sa canyáng paanan, siyá'y aking niyacap at sinabi co sa canyáng acó'y nahahandáng yumao".
Napatiguil ang pagbasa, dahil sa pagcaligalig ni Ibarra: namumutlâ ang binatà at naglálacad ng̃ paroo't parito sa magcabicabilang dúlo ng̃ azotea.
—¿Anó ang iyóng damdám? ¿anó ba ang nangyayari sa iyo?—ang tanóng ni María Clara cay Ibarra.
—¡Dahil sa iyó'y nalimutan co ang aking mg̃a catungculan; dapat acóng pumaroon ng̃ayón din sa aking bayan! Búcas ang fiesta ng̃ mg̃a namatáy.
Hindî umimíc si María Clara, itinitig niyáng iláng sandalî ang canyáng malalaki't mapupung̃ay na mg̃a matá cay Ibarra, cumuha ng̃ ilang bulaclác at sinabi sa canyáng nababagbag ang loob:
—Lumacad ca, hindî na catá pinipiguil; magkikita ulî tayo sa loob ng̃ iláng áraw! ¡Ilagáy mo itóng bulaclac sa ibabaw ng̃ libing̃an ng̃ iyong mg̃a magulang!
Nang macarâan ang iláng minuto, ang binata'y nananaog na sa hagdanang casabay si Capitang Tiago at si tía Isabel, samantalang nagcuculong sa pánalang̃inan si María Clara.
—¡Ipakisabi ng̃a pô ninyó cay Andéng na canyáng ihandâ ang bahay at mang̃agsisirating si María at si Isabel!—¡Dumatíng nawâ cayóng maluwalhati!—ani Capitang Tiago, samantalang sumásacay si Ibarra sa coche, na yumaong ang tung̃o'y sa plaza ng̃ San Gabriel.
At sinabi pagcatapos ni Capitang Tiago cay María Clara na umíiyac sa tabí ng̃ larawan ng̃ isáng Vírgen:
—Halá, magsindí ca ng̃ dalawáng candilang mang̃ahatì, ang isáy sa Señor San Rafael, pintacasi ng̃ mg̃a naglálacbay. Isindi mo ang lámpara ng̃ Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje. ¡Lalong magalíng ang magcagugol ng̃ isáng salapî sa pagkít at anim na cuarta sa lang̃ís, cay sa magbayad pagcatapos ng̃ isáng mahalagáng tubós.


VIII.
MANGA ALAALA
Pinagdaraanan ng̃ coche ni Ibarra ang bahagui ng̃ lálong masayáng nayon ng̃ Maynilà; ang nacapagbíbigay pangláw sa canyá ng̃ gabíng nagdaan, sa liwanag ng̃ araw ay nacapagpapang̃itî sa canyá cahi't sìyá'y áayaw.
Ang casayahang hindî naglílicat sa lahát ng̃ panig, ang lúbháng maraming cocheng nagpaparoo't paritong sacdal ng̃ tutulin, ang mg̃a carromata, ang mg̃a calesa, ang mg̃a europeo, ang mg̃a insíc, ang mg̃a dalisay na tagarito, na bawa't isá'y may canícanyang sariling pananamit, ang mg̃a naglalacô ng̃ mg̃a bung̃ang-cahoy at halaman, mg̃a corredor[160], hubád na cargador[161], mg̃a tindá ng̃ mg̃a cacanín, mg̃a fonda[162], mg̃a restaurant[163], mg̃a tindahan, sampô ng̃ mg̃a carretóng híla ng̃ mg̃a mápagpaumanhin at waláng damdaming calabáw na tila mandín naglílibang sa paghìla ng̃ mg̃a "bulto" samantalang naglilíninglining, ang lahát ng̃ íng̃ay at calugcóg, pati ng̃ araw, isáng amó'y na táng̃ì, ang sarisaring mg̃a culay, pawang pumupucaw sa canyáng alaala ng̃ isáng daigdig na nagugupiling na mg̃a gunità.
Walâ pang latag na mg̃a bató ang mg̃a daang iyón. Dalawâng araw lamang sunód na uminít, ang mg̃a daa'y naguiguíng alabóc ng̃ tumátakip sa lahát, nag-papaubò at bumubulag sa mg̃a naglálacad: isáng araw lamang umulán ay naguiguing láwà na, ano pa't cung gabí ay naaanino roon ang mg̃a farol ng̃ mg̃a coche at tumítilamsic buhát sa limáng metrong layò sa mg̃a naglálacad sa mg̃a makikipot na mg̃a acera. ¡Gaano caraming mg̃a babae ang nang̃ag-iwan sa mg̃a along putic na iyón ng̃ caniláng mg̃a chinelas na bordado! Pagcacágayo'y nang̃apapanood na pìnípison ang mg̃a daan ng̃ hanáyhanáy na mg̃a presidiarong ahit ang ulo, na ang mg̃a mangás ng̃ baro'y maíiclî at tòcong ang salawál na may mg̃a número at may mg̃a letrang azul, sa mg̃a binti'y may mg̃a tanicaláng halos nababalot ng̃ maruruming mg̃a basahan upang huwag na totoong macasakít ang pagkiskís ó ang lamig marahil ng̃ bacal; dalawa't dalawá ang pagcacácabit, mg̃a sanág sa araw, mg̃a hapóng-hapô sa init at sa pagod, pinapagmámadalî at silá'y hináhampas ng̃ pamalò ng̃ isáng presidiario ring marahil nagcácámit casayahan, sa pagca't sa ganáng canyá nama'y nacapagpapahirap sa mg̃a cawang̃is din niyáng presidiario. Matatangcád silá, madidilím ang pagmumukháng cailán ma'y hindî námasdang lumiliwanag sa pagsilang ng̃ isáng ng̃itî; numíningning, gayón man ang caniláng mg̃a balingtataó, pagccâ dumarapò sa caniláng mg̃a balicat ang humahaguing na pamálò, ó pagcâ hinahaguisan silá ng̃ isáng naglálácad ng̃ upós ng̃ isáng tabacong basâ-basâ at nacácalas na, dinárampot ang upós ng̃ lalong nálalapit at itinatagò sa canyáng salacót: ang mg̃a ibá'y minámasdan ang mg̃a nagdaraan ng̃ pagting̃íng cacaibá. Warî'y náriring̃íg pa niyá ang caniláng caing̃ayang guinágawâ sa pagduduróg ng̃ batóng itatabon sa mg̃a lubác at ang nacalálaguim na calansíng ng̃ mabibigát na mg̃a tanicalâ sa namámagà na niláng mg̃a bucóng-búcong. Kinikilabutan si Ibarra cung naaalaala niyá ang isáng nangyaring sumugat sa canyáng pag-iisip-musmós; niyó'y catánghalian at ibinábagsac ng̃ araw sa lúpà ang canyáng lalong maiinit na mg̃a sínag. Sa lílim ng̃ isáng carretóng cahoy nacabulagtâ ang isá sa mg̃a táong iyón, waláng malay táo, bucás ng̃ cauntî ang mg̃a matá; pinagbubuti naman ng̃ dalawáng presidiario rin ang isáng hihigáng cawayan, waláng galit, waláng pighatî, waláng yamót, anó pa't waláng pinag-ibhán sa sinasabing caugalia't anyô ng̃ dalisay na mg̃a tagarito. "Ng̃ayó'y icáw, búcas nama'y camí," marahil siyáng sinasabi sa canícanilá. Hindî pinápansin ng̃ mg̃a táong nagdudumaling dumaraan ang bagay na iyón; nagdaraan ang mg̃a babae, tinítingnan silá at nang̃agpapatuloy ng̃ paglacad, caraniwan ng̃ mapanood ang mg̃a bagay na yaón, linipacán na ang mg̃a púsò; nang̃agtatácbuhan ang mg̃a coche, ipinaaanino sa caniláng catawáng may barniz ang mg̃a sínag ng̃ araw na iyóng maningníng sa isáng lang̃it na waláng alapaap; sa canyá lamang, batang may labíng isáng taón at bágong carárating na galing sa canyáng bayan, nacalálaguim ang napapanood na iyón; sa canyá lamang nacapagbigáy bang̃ung̃ot ng̃ kinágabihan.
Walâ na ang mabaít at may wagás na puring "Puente de Barcas," yaóng tuláy filipinong-mabaít na nagsusumakit maglingcód, bagá man tagláy niya ang catutubong mg̃a capintasang tumataas at bumábabâ alinsunod sa maibigan ng̃ ilog Pasig na dî miminsang nagpahirap at gumibâ sa tuláy na iyon.
Hindî lumálagô ang mg̃a talisay sa plaza ng̃ San Gabriel; nananatili silá sa pagcacúyagutin.
Sa ganáng canya'y nagbawas ang gandá ng̃ Escolta, bagá man ng̃ayó'y may isáng malaking bahay na may mg̃a "cariatide"[164] sa dating kinatatayuan ng̃ mg̃a lumang camalig. Tinakhán niyá ang bagong "Puente de España"[165]; nang̃agpaalaala sa canyá ng̃ mg̃a maguiguináw na umaga, cung doo'y dumaraang namamangcâ siláng patung̃ó sa mg̃a paliguan sa Ulì-ulì, ang mg̃a bahay na na sa pangpáng na dacong canan ng̃ ílog, na napapag-itanan ng̃ mg̃a cawayanan at mg̃a punong cahoy, doon sa wacás ng̃ Escolta at pasimulâ ng̃ Isla del Romero.
Nasasalubong niyá ang maraming mg̃a cocheng hinihila ng̃ mg̃a maiinam na mg̃a cabayong maliliít, lulan ng̃ mg̃a coche ang mg̃a empleadong nacacatucatulog pa marahil ay pumapatung̃o na sa caniláng mg̃a oficina; mg̃a militar, mg̃a insíc na may anyóng hambóg at catawatawá ang pagcacaupô; mg̃a fraileng hindî maimikin, mg̃a canónigo at iba pa. Tila mandin canyáng namataan sa isáng marikit na "victoria"[166] si párì Dámasong mabalasíc ang mukhá't cunót ang mg̃a kílay; ng̃uni't siyá'y nacaraan na at ng̃ayo'y masayáng bumabati sa canyá, búhat sa canyáng carretela[167] si Capitan Tinong na casacáy ang canyáng asawâ't dalawáng mg̃a anác na babae.
Ng̃ macababâ na ng̃ tuláy, tumacbó ang mg̃a cabayo't tinung̃o ang paseo ng̃ Sabána[168]. Sa caliwa'y ang fábrica ng̃ tabaco sa Arroceros, na pinanggagaling̃an ng̃ malakíng úgong na guinágawa ng̃ mg̃a cigarrera sa pagpucpóc ng̃ mg̃a dahon ng̃ tabaco. Napang̃itî si Ibarra, sa pagca alaala ng̃ masangsáng na amóy na iyóng sa tuwíng icalimáng oras ng̃ hapo'y lumalaganap sa tuláy ng̃ Barcas at humihilo sa canyá ng̃ panahóng siyá'y musmós pa. Ang masasayáng mg̃a salitâan, ang mg̃a catatawanan ang siyáng cahi't hindî niyá sinasadya'y nacapaghatíd sa canyáng guníguní sa nayon ng̃ Lavapiés, sa Madrid, sampô ng̃ doo'y mg̃a pangliligalig ng̃ mg̃a cigarrera, na totoong nacacapahamac sa sawíng palad na mg̃a "guindilla"[169] at iba pà.
Ipinagtabuyan, ang canyáng caayaayang mg̃a naaalaala ng̃ Jardín Botánico[170]; iniharáp sa canyáng pag-iísip ang demonio ng̃ mg̃a pagsusumagsumag; ang mg̃a Jardín Botánico sa Europa, sa mg̃a lupaing nang̃agcacailang̃an ng̃ malacás na calooban at saganang guintô upang mapasibol ang isáng dahon at mapabucás ang isáng bulaclác; hindî lamang doon, cung dî sa mg̃a "colonia" man ay may mabubuti ang alagà at mg̃a mahahalagáng Jardín Botánicong bucás na lagui sa sino mang ibig manood. Inihiwaláy doón ni Ibarra ang canyáng mg̃a matá at iniling̃ap niyá sa dacong canan, at doo'y canyáng nakita ang matandáng Maynilàng naliliguid ng̃ mg̃a cútà at mg̃a bangbáng, tulad sa isáng dalagang culang sa dugô, na nababalot ng̃ isáng pananamit ng̃ canyáng nunong babae ng̃ panahong itó'y sumasacagarâan.
¡Natanawan niyá ang dagat na hindî maabot ng̃ tanáw ang guilid na lubháng maláyò!...
—¡Na sa cabiláng ibayo ang Europa!—ang inisip ng̃ binatà! ¡Ang Europang may magagandáng mg̃a nacióng hindî nang̃aglílicat ng̃ pagsusumicap sa paghanap ng̃ caligayahán, nagsisipanaguinip pagcacaumaga at nang̃agdáramdam cabiguan sa towíng lumúlubog ang araw ... lumiligaya sa guitnâ ng̃ canyáng mg̃a capahamacán! ¡Tunay ng̃â, sa cabilang ibayo ng̃ dagat na dî maulata'y nang̃aroroon ang mg̃a nacióng mapagmahal sa espíritu, at bagá man hindî nilá minámasamâ ang catawán, lálò pa mandíng mápagmahal sa espíritu cay sa mg̃a nagpapanggáp na lubháng umiirog sa espíritu.
Ng̃uni't nang̃agsitacas ang canyáng mg̃a pagdidilidiling itó ng̃ canyáng makita ang muntíng bundúc-bunducan sa capatagan ng̃ Bagumbayan. Ang namûmucod na bundúc-bunducan sa isáng tabí ng̃ paseo ng̃ Luneta ang siyá ng̃ yóng umaakit sa canyáng ísip at siyáng sa canyá'y nagpapagunamgunam.
Canyáng guinugunitâ ang táong nagbucás ng̃ canyáng pag-íisip at nagpakilala sa canyá, ng̃ magalíng at ng̃ nasacatuwiran. Tunay ng̃a't cácauntî ang mg̃a caisipáng sa canyá'y iniaral, ng̃uni't hindî ang mg̃a waláng cabuluháng pag-ulit lamang ng̃ mg̃a sinabi ng̃ ibá; pawang mg̃a caisipáng galing sa pananalig na hindî nang̃agculabô sa liwanag ng̃ lalong matitindíng ílaw ng̃ dakilang pagsulong. Ang táong yaó'y isáng matandáng sacerdote, ang mg̃a pang̃ung̃usap na sa canyá'y sinabi ng̃ siyá'y pagpaalaman ay umaaling̃awng̃aw pa sa canyáng mg̃a taing̃a: "Huwág mong calimutang bagá man pag-aarì ng̃ sangcataohan ang carunung̃an, "minamana lamang ang carunung̃ang iyán ng̃ mg̃a táong may púsò,?—ang paalaala niyá.—"Pinagsicapan cong ilipat sa iyo ang aking tinanggáp sa aking mg̃a maestro; ang cayamanang iyó'y pinagsicapan co namáng dagdagán sa boong abót ng̃ aking cáya at inililipat co sa mg̃a táong humahalili; gayón din ang gágawin mo sa mang̃agsisihalili sa iyo, at mapagtátatlong ibayo mo, sa pagcá't icáw ay paparoon sa mg̃a lubháng mayayamang lupaín."—At ng̃umíng̃iting idinagdág; "Nang̃agaisiparito silá sa paghanap ng̃ guintô; ¡mang̃agsiparoon namán cayó sa caniláng lupaí't hanapin ninyó roon ang ibáng guintóng ating kinacailang̃an! Alalahanin mo, gayón mang hindî ang lahát ng̃ cumíkinang ay guintô. Namatáy riyán ang paring iyón."[171]
Sa mg̃a gunità niyáng itó'y sumásagot siyá:
—¡Hindî, anó mang caratnan, ang una'y ang kinaguisnang lúpà, ang una'y Filipinas, anác ng̃ España, ang una'y ang lupaíng castílà. ¡Hindî, ang bagay na iyáng isáng casaliwaang palad ay hindî nacarurung̃is sa Bayang kináguisnan, hindî. Hindî nacahahalina sa canyáng paggugunamgunam ang Ermita, iyáng Fénix[172] na pawid, na mulîng sumisilang sa canyáng mg̃a abó sa anyóng mg̃a bahay na may mg̃a pintáng putî at azul at ang bubóng ay zinc na may pintáng pulá. Hindî nacaaakit sa canyáng pagmamalasmalas ang Maalat, ni ang cuartel ng̃ caballeríang may mg̃a punong cahoy sa tapát, ni ang mg̃a tagaroon, ni ang mg̃a maliliit na bahay na pawid na may matitibong na bubung̃áng nang̃acúcubli sa mg̃a púnò ng̃ saguing at mg̃a bung̃a, na guinagawang tulad sa mg̃a pugad ng̃ bawa't amá ng̃ isáng mag-anac.
Tulóy ang paggulong ng̃ coche: nacasasalubong ng̃ isáng carromatang híla ng̃ isá ó dalawang cabayo, na napagkikilalang galing lalawigan, dahil sa guarnición at iba pang cagamitáng pawang abacá. Pinagpipilitang makita ng̃ carromatero ang naglálacbay na nacasacáy sa maningning na coche at nagdaraang hindî nakikipagpalitan ng̃ cahi't isáng pananalitâ, ng̃ cahi't isang pakikipagbatîan. Cung minsa'y isáng carretóng híla ng̃ isáng calabaw na marahan ang lacad at parang waláng anó man ang siyáng nacawawalâ ng̃ capanglawan ng̃ maluluang at maalicabóc na mg̃a lansang̃ang napapaliguan ng̃ makináng na araw ng̃ mg̃a "trópico"[173]. Nakikisaliw sa malungcót at dî nagbábagong anyô ng̃ awit ng̃ namamatnugot na nacasacáy sa calabaw ang matinding calairit ng̃ tuyóng rueda sa pag-íkit na casama ang kinsékinsé ng̃ mabigát na carretón; cung minsan nama'y ang malagáslas na tunóg ng̃ gasgás na mg̃a paa ng̃ isáng paragos, niyáng trineong[174] sa Filipinas ay hinihilang napacabanayad sa ibabaw ng̃ alabóc ó ng̃ mg̃a lubác sa daan. Sa mg̃a capatagan, sa mg̃a malilinis na lupang pinaghahalamanan ay nang̃ing̃inain ang mg̃a hayop na casama ng̃ mg̃a tagác, na payapang nacadapò sa ibabaw ng̃ mg̃a vacang capóng ng̃umúng̃uyâ at linalasa ang mg̃a sariwang damó ng̃ parang, na ipinipikítpikít ang mg̃a matá,; sa dacong malayo'y mg̃a babaeng cabayong nang̃agdadambahan, nang̃aglulucsuhan at nang̃agtatacbuhang hagad ng̃ isáng masival na potrong mababà ang buntót at malagô ang kilíng: humahalinghíng ang potro at pinasasambulat ang lúpà ng̃ canyáng malalacás na mg̃a cucó.
Pabayáan nating maglacbáy ang binatang nagdidilidili ó nacacatulog: ang hiwagang malungcót ó masayá ng̃ catapang̃ang hindî nacacaakit ng̃ canyáng gunamgunam: ang araw na iyóng nagpapapakintab sa mg̃a dulo ng̃ mg̃a cahoy at nagpapatacbò sa mg̃a tagabukid na nang̃apapasò ang mg̃a paa sa nagbabagang lúpà, bagá mán silá'y may panyapác na mg̃a lipác; ang araw na iyóng pumipiguil sa isáng babaeng tagabukid sa lilim ng̃ isáng talisay ó cawayanan, at sa canya'y nagpapaísip ng̃ mg̃a bagaybagay na walang catuturán at dî mapagwarì, ang isip na iyo'y hindi nacalulugod sa ating binatà.
Bumalíc tayo sa Maynilà samantalang gumugulong ang coche't nagpapaguiray-guiray, túlad sa isáng lasíng, sa buról-bùról na lupà, at samantalang tumátawid sa tuláy na cawayan, pumapanhic sa mataríc na ahunín ó bumábabâ sa totoong malalim na lusung̃ín.


IX.
MANGA CAUGALIAN NG BAYANG ITO
Hindî nagcámalî si Ibarra; nalululan ng̃a si "victoriang" iyón si parì Dámaso at tumutung̃o sa báhay na canyáng bágong caíiwan.
—¿Saan bâ cayó paroroon?—ang tanóng ng̃ fraile cay María Clara at cay tía Isabel, na mang̃agsisisacay na sa isáng cocheng may mg̃a pamuting pílac, at tinatampîtampì ni párì Dámaso ang mg̃a pisng̃í ni María Clara, sa guitnâ ng̃ canyang mg̃a caguluhan ng̃ ísip.
—Cucunin co sa beaterio ang aking mg̃a bagaybagay roon—ang sagót ni María Clara.
¡Aháaá! ¡ahá! tingnán natin cung sino ang mananalo sa amin, tingnan natin!—ang ipinagbububulóng na hindî nápapansin ang sinasabi, na anó pa't nagtacá, ang dalawang babae. Tinúng̃o ang hagdanan at nanhíc doon si párì Dámasong nacatung̃ó ang úlot't madálang-dalang ang hacbáng.
¡Marahil siya'y magsésermon at canyáng isinasaulo ang canyáng ipang̃ang̃aral!—aní tía Isabel;—sacáy na María at tatanghalíin tayo ng̃ pagdatíng.
Hindî namin masábi cung magsesermón ng̃â ó hindî; datapuwa't inaacala naming mg̃a dakílang bagay ang mg̃a pinag-íisip-ísip niyá, sa pagcá't hindî man lamang naiabot niyá, ang canyáng camáy cay capitang Tiago, cayá't napilitang yumucód pa itó ng̃ cauntî upáng hagcán ang camáy na iyón.
—¡Santiago!—ang únang sinabi niyá—may pag-uusapan tayong mahahalagang bagay; tayo na sa iyong oficina.
Maligalig ang lóob ni Capitang Tiago, hindî nacaimíc ng̃uni't sumunód sa napacalakíng sacerdote, at sinarhán ang pintô pagcapásóc nilá.
Samantalang nagsasalitaan silá ng̃ líhim, siyasatin nátin cung anó ang kinaratnan ni Fr. Sybila.
Walâ sa canyang convento ang pantás na dominico; maagang maaga, pagcapagmisa, siyá'y napatung̃o sa convento ng̃ canyáng capisanang na sa macapasoc ng̃ pintuan ni Isabel Segunda, ó ni Magallanes, alinsunod sa naghaharing familia, sa Madrid.
Hindî niya pinansin ang masaráp na amóy-chocolate, at gayón ding dî niya ininó íng̃ay ng̃ mg̃a cajón at ang salapìng náriring̃ig mulâ, sa Procuración, at bahagyâ ng̃ sumagót sa mapitagan at maguíliw na batì ng̃ uldóg na procurador, nanhíc si Fr. Sybila, tinahac ang ilang mg̃a "corredor" at tumuctóc ng̃ butó ng̃ mg̃a dalírì sa isáng pintûan.
—¡Tulóy!—anang isáng voces na wari'y dumaraing.
—¡Pagaling̃in nawâ cayó ng̃ Dios sa inyóng sakít!—ang siyáng batì ng̃ batang dominico pagpasoc.
Nacaupo sa isáng malaking sillón ang isáng matandáng párì, culubót at gá namúmutlâ na ang balát ng̃ mukhâ, cawang̃is ng̃ isá riyán sa mg̃a santong ipinintá ni Rivera. Nang̃lálalalim ang mg̃a matáng napuputung̃an ng̃ lubháng málalagong kilay, na palibhasa'y láguing nacacunót ay nacapagdáragdag ng̃ ningníng ng̃ paghíhing̃alô ng̃ canyang mg̃a matá.
Nabábagbag ang lóob na pinagmasdán siyá ni párì Sibilang nacahalukipkíp ang mg̃a camáy sa ilalim ng̃ cagalanggalang na escapulario ni Santo Domingo. Inilung̃ayng̃ay pagcatapos ang úlo, hindî umíimic at wari'y naghíhintay.
—¡Ah!—ang buntóng hining̃á ng̃ maysakít—inihahatol sa akin, Hernando; na akin daw ipahíwà! ¡Ipahiwà sa tandâ co ng̃ itó! ¡Itóng lupaíng ito! ¡Ang cagulatgulat na lupaíng itó! ¡Muhang ulirán ca sa nangyayari sa akin, Hernando!
Dahándáhang itinàas ni Fr. Sybila ang canyáng mg̃a matá at itinitig sa mukhà ng̃ may sakít:
—At ¿anó pô ang inyóng minagaling?—ang itinanóng.
—¡Mamatáy! ¡Ay! ¿May nálalabi pa bagá sa aking ibáng bágay? Malábis na totoo ang aking ipinaghihirap; datapuwa't.... pinapaghirap co namán ang marami.... ¡nagbabayad-útang lamang acó! At icáw, ¿cumustá ca? ¿anó ang sadyâ mo?,
—Naparíto pô acó't sasabihin co sa inyó ang ipinagcatiwalang bílin sa akin.
—¡Ah! ¿at anó ang bagay na iyón?
—¡Psh!—sumagót na may samâ ang loob, umupô at ilining̃ón ang mukhâ, sa ibáng panig,—mg̃a cabulastigan ang sinabi sa atin; ang binatang si Ibarra'y isang matalínong bagongtao; tila mandín hindì halíng; ng̃uni't sa acálà co'y isáng mabaít na bagongtao.
—¡Nagpasimulâ cagabí ang caniláng pagcacáalit!
—¡Nagpasimulâ na! ¿at bákit?
Sinaysay ni Fr. Sibyla, sa maiclíng pananalitâ, ang nangyari cay párì Dámaso at cay Crisóstomo Ibarra.
—Bucód sa rito—ang idinugtóng na pangwacás—mag-aasawa ang binatà sa anác na babae ni Capitang Tiago, na nag-aral sa colegio ng̃ ating mg̃a capatid na babae; siyá'y mayaman at dî ng̃a niyá iibiguing magcaroon ng̃ mg̃a caaway upang siyá'y mawal-án ng̃ caligayahán at cayamanan.
Itinang̃ô ng̃ may sakít ang canyang úlo, sa pagpapakìlalang siyá'y sang-áyon.
—Siyâ ng̃â, gayón din ang áking acálà ... Sa pamamag-itan ng̃ gayóng babae at isáng bianáng lalaking gayón, maguiguing atin ang canyáng catawá't cálolowa. At cung hindî ¡lálong magalíng cung siya'y magpakitang kaaway natin!
Minamasdáng nagtátaca ni Fr. Sibyla ang matandâ.
—Unawàing sa icagagaling ng̃ ating Santong Capisanan—ang idinugtóng na naghihirap ng̃ paghing̃á.—Minámagaling co pa ang makilaban sa átin, cay sa mg̃a halíng na pagpupuri at paimbabáw na panghihinuyò ng̃ mg̃a caibigan.... tunay at silá'y may mg̃a bayad.
—¿Inaacalà pô bâ ninyóng gayón?
Tiningnán siyá ng̃ boong lungcót ng̃ matandâ.
—¡Tandaân mong magalíng!—ang isinagót na nagcácangpapagál—Manacatilî ang ating capangyarihan samantalang sa capangyarihang iya'y nananalig. Cung táyo'y labánan, ang sasabihin ng̃ Gobierno'y: "Nilalabanan silá, sa pagca't ang mg̃a fraile'y isáng hadláng sa calayaan ng̃ mg̃a filipino; at sa pagca't gayo'y papanatilihin natin ang mg̃a fraile."
—At ¿cung silá'y pakinggán? Manacânacang ang Gobierno'y....
—¡Hindî silá pakíkingan!
—Gayón man, cung sa udyóc ng̃ casakimá'y nasáin ng̃ Gobiernong maowî sa canyá ang ating inaani ... cung magcaroon ng̃ isáng pang̃ahás at walang gúlat na....
—Cung magcágayo'y ¡sa abâ niyá!
Capuwâ hindî umimíc.
—Bucód sa roón—ang ipinatúloy ng̃ may sákít—kinacailang̃an nating tayó'y labánan, táyo'y pucáwin: nagpapakilala sa atin ang mg̃a labanáng ito ng̃ cung saan naroon ang ating cahinaan, at ang gayó'y nacapagpapagalíng sa atin. Nacararayà sa átin at nacapágpapahimbing ang malábis na mg̃a pagpúri: datapowa't sa lábás ay nacapagpapapang̃it ng̃ ating anyô, at sa araw na mahúlog táyo sa capang̃itang anyô, táyo'y mapapahamac, na gáya ng̃ pagcapahamac natin sa Europa. Hindî na papasoc ang salapí sa ating mg̃a simbahan; sino ma'y walâ ng̃ bíbili ng̃ mg̃a escapulario, ng̃ mg̃a correa at ng̃ anó man, at pagcâ hindî na tayo mayaman, hindî na natin mapapapanalig ang mg̃a budhî.
—¡Psh! Mananatili rin sa atin ang ating mg̃a "hacienda," ang ating mg̃a báhay!
—¡Mawáwala sa ating lahát, na gaya ng̃ pagcawalâ sa átin sa Europa! At ang lálong masamá'y nagpapagal táyo at ng̃ táyo'y mangguípuspós. Sa halimbáwà: iyáng nápacalabis na pagsusumakit na dagdagan sa taóntaón, ayon sa ating maibigan, ang halagá ng̃ buwís ng̃ ating mg̃a lúpà, ang pagsusumakit na iyáng aking sinalansáng sa lahát ng̃ mg̃a malalaking pulong natin; ¡ang pagsusumakit na iyán ang siyáng macapapahamac sa atin! Napipilitan ang "indiong" bumilí sa ibang daco ng̃ mg̃a lúpang casíng galíng din ng̃ ating mg̃a lupà ó lálò pang magalíng. Nang̃ang̃anib acóng bacâ táyo'y nagpapasimulâ na ng̃ pagbabâ: "Quos vult perdere Jupiter dementat prius."[175] Dahil dito'y huwág ng̃â nating dagdagán ang ating bigát; ang báya'y nagbububulóng na. Mabúti ang inisip mo: pabayâan natin ang ibáng makikipaghusay doón ng̃ canícanilang sagutin; papanatilihin natin ang sa ati'y pagpipitagang nálalabi, at sa pagcá't hindî malalao't makíkiharáp táyo sa Dios, linísin nátin ang ating mg̃a cama'y ... ¡Maawà nawâ sa áting mg̃a kahinàan ang Dios ng̃ mg̃a pagcahabág!
—Sa macatuwíd ay inaaacalà pó bâ ninyóng ang buwís ay ...
—¡Howág na tayong mag-úsap ng̃ tungcól sa salapî!—ang isinalabat ng̃ may sakít na masamâ ang lóob.—Sinasabi mong ipinang̃acò ng̃ teniente cay párì Dámaso..?
—Opo, amá—ang sagot ni párì Sibylang gá ng̃umíng̃itî na. Ng̃uni't nakita co caninang umága ang teniente, at sinábi sa áking dináramdam daw niyá ang lahat ng̃ nangyári cagabí, na umímbulog daw sa canyáng úlo ang Jerez, at sa acálà niya'y gayón din ang nangyári cay párì Dámaso.—At ang pang̃aco?—ang tanóng cong pabirô.—Padre cura ang isinagót:—marunong pô acóng tumupád ng̃ áking wicâ, pagcâ sa pagtupád na iya'y hindî co dinurung̃isan ang aking capurihán; cailan ma'y dî co naguing ugálì ang magcanulô canino man, at dàhil dito'y teniente acó hanggá ng̃ayón.
—Ng̃ macapagsalitaan silá ng̃ mg̃a ibá't ibáng bágay na waláng cabuluhán, nagpaalam sì Fr. Sibyla.
Hindî ng̃a namán naparoón ang teniente sa Malacanyáng; ng̃unit naalaman din ng̃ Capitan General ang nangyari.
Nang nakikipagsalitaan siyá sa canyáng mg̃a ayudante tungcól sa mg̃a pagbangguít na sa canya'y guinágawá ng̃ mg̃a páhayagan sa Maynilà, sa ilalim ng̃ mg̃a pamagat na mg̃a "cometa"[176] at iba pang mg̃a napakikita sa lang̃it, sinabí sa canyá ng̃ isá sa mg̃a ayudanteng iyón ang pakikipagcagalit ni párì Dámaso, na pinalubhâ pa ang cabigatán ng̃ mg̃a pananalitâ, bagá man pinakinis ng̃ cauntî ang mg̃a bigcás ng̃ sabi.
—Síno ang sa iyo'y nagsábi—ang tanong ng̃ Capitán General na ng̃uming̃itî.
—Naring̃ig co pô cay Laruja, na siyáng nagbabalità caninang umága sa pásulatan ng̃ pámahayagan.
Mulíng ng̃umitî ang Capitan General at idinagdág:
—¡Hindî nacasásakit ang babae't fraile! Ibig cong manahimic sa nátitirang panahón ng̃ pagtirá co sa lupáng itó, at aayaw na acóng makipag-alít sa mg̃a lalaking gumagamit ng̃ sáya. At lálong lálò na ng̃ayóng áking natalastás na pinaglalaruan lamang ng̃ provincial ang aking mg̃a útos; hining̃i cong pinacaparusa ang paglilipat sa ibáng bayan ng̃ fraileng iyán; at siyá ng̃a namán, siya'y inilipat, ng̃uni't doon siya inilagay sa lalong magaling na báyan: ¡frailadas![177] na sinásabi natin sa España.
Ng̃uni't humintô ng̃ pagng̃itì ang Capitan General ng̃ nagíisa na.
—¡Ah! ¡cung hindî sána nápacatang̃á ang báyang ito'y pasusucuin co ang aking mg̃a cagalanggalang na iyán!—ang ipinagbuntóng hining̃á.—Datapuwa't carapatdapat ang báwa't báyan sa kinasasapitan niyá; gawin nátin ang inuugalì ng̃ lahát.
Samantala'y natápos si Capitang Tiago ng̃ pakikipulong cay pári Dámaso, ó sa lalong magalíng na sabi, ang pakikipulong ni párì Dámaso cay Capitang Tiago.
—¡Ng̃ayo'y napagsabihan na catá!—ang sabi ng̃ franciscano ng̃ magpaalam. Naílágan sana ang lahát ng̃ itó, cung nagtanóngtanóng ca múna sa akin, cung dî ca sana nagsinung̃aling ng̃ icáw ay tinatátanong co. ¡Pagsicapan mong howag ca nang gumawâ ng̃ mg̃a cahaling̃án, at manálig ca sa canyáng ináama!
Lumibot ng̃ macaalawa ó macaatló sa salas si Capitang Tiagong nag-iísip-isip at nagbúbuntóng hining̃á; di caguinsaguinsa'y párang may naisip siyáng magalíng, tumacbó sa pánalang̃inan at pinatáy ang mg̃a candílà at ang lámparang canyáng pinasindihán upang siyáng macapagligtás cay Ibarra.
—May panahón pa, sa pagca't totoong malayò ang linálacbay—ang ibinulóng.