Noli Me Tangere
Decorative motif

Decorative motif

X.

ANG BAYAN

Hálos sa pampáng ng̃ dagátan ang kinálalagyan ng̃ báyang San Diego[178], na sumasaguitnâ ng̃ mg̃a capatágang hálamanan at mg̃a paláyan. Nagpápadala sa ibáng mg̃a báyan ng̃ asúcal, bigás, café at mg̃a búngang haláman, ó ipinagbíbili cayâ ng̃ múrangmúra sa insíc na nagsasamantalá ng̃ cawal-áng málay ó ng̃ pagcahilig sa mg̃a masasamang pinagcaratihan ng̃ magsasacá.

Pagcá áraw na mabúting panahón at umáacyat ang mg̃a batà sa caitaasan ng̃ campanario ng̃ simbahan, na napapamutihan ng̃ lúmot at ng̃ damóng hatíd ng̃ háng̃in; pagcacágayo'y masayáng nang̃agsisigawan, sa udyóc ng̃ cagandáhan ng̃ nátatanaw na humáhandog sa caniláng mg̃a matá. Sa guìtná ng̃ caráming mg̃a bubung̃áng páwid, tísà, "zinc" at yúnot, na napapaguitnaan ng̃ mg̃a bulaclác natátalastas ng̃ bawa't isá ang paraan ng̃ pagcakita sa canícanilang báhay na maliliit, ang canilá bagáng malilingguít na púgad. Nagagamit niláng panandâ ang lahát: isáng cáhóy, isáng sampáloc na may maliliit na dáhon, ang nióg na puspós ng̃ mg̃a búco, tulad sa maanaking si Astarté[179] ó cay Diana[180] sa Efeso[181] na may maraming súso, isáng humáhabyog na cawáyan, isáng búng̃a, isáng cruz. Naroroón, ang ílog, calakilakihang ahas na cristal na natutulog sa verdeng alfombra: pinaaalon ang canyáng ágos ng̃ mg̃a pirápirasong malalakíng batóng nagcacapatlángpatláng sa mabuhang̃ing inaagusan ng̃ túbig; cumikipot ang ílog sa dáco roón, at may mg̃a pangpáng na matatáas na kinacapitang nangpapalícò-lícò ng̃ mg̃a cahoy na nacalitáw ang mg̃a ugát, at sa dáco rito'y lumálaylay ang mg̃a panabí at lumuluang at tumitining ang ágos. May nátatanaw sa dácong maláyong isáng maliit na bahay, na itinayô sa pangpáng na hindî natacot sa cataasan, sa hang̃ing malacás at sa pinanununghang bang̃íng malálim, at masasabi, dahil sa canyáng malilíit na haligui, na siyá'y isáng cálakilakihang zancuda[182] na nag-aabang ng̃ ahas upang daluhúng̃in. Mg̃a catawán ng̃ púnò ng̃ nióg ò ng̃ cahoy na may balát pa, na gumágalaw at gumiguiwang ang siyang naghúhugpong ng̃ magcabilang ibayo, at cahi't sila'y masasamáng tuláy, datapuwa't maiínam namáng cagamitán sa circo sa pagpapatiwatiwáric, bagay na hindî dapat pawal-áng halagá: nang̃agcacatwâ ang mg̃a bátà, búhat sa ílog na pinaliliguan, sa mg̃a pagcalaguím ng̃ nagdaraang babaeng may súnong na bacol, ó ng̃ matandáng lalaking nang̃íng̃inig sa paglácad at pinababayâang mahúlog ang canyang tungcód sa túbig.

Ng̃uni't ang lálong nacahihicayat ng̃ pagmamasíd ay ang isáng matatawag nating náiimos na gúbat sa dágat na iyón ng̃ mg̃a lúpang lináng. Diya'y may mg̃a cátandâtandàang mg̃a cáhoy, na guáng ang catawán, at cayâ lámang namámatay ay pagcâ tinámâan ng̃ lintíc ang matàas na dúlo at nasusunog: ang sabihana'y hindî lumalakit sa îbá ang apóy na iyón at namámatay doón din; diyá'y may mg̃a pagcálalaking mg̃a batóng dináramtan ng̃ terciopelong lúmot ng̃ panahón at ng̃ "naturaleza": humíhimpil at nagpapatongpatong sa caniláng mg̃a gúang ang alabóc na pinacacapit ng̃ ulán at ang mg̃a íbon ang siyáng nagtátanim ng̃ mg̃a binhî. Malayang lumalagô ang mg̃a cacahuyan: mg̃a damó, mg̃a dawag, mg̃a tabing na damóng gumagapang na nang̃agsasalasalabat at nagpapalipatlipat sa isá't isáng cahoy, bumibitin sa mg̃a sang̃á, cumacapit sa mg̃a ugát, sa lupà, at sa pagcá't hindî pa mandin nasisiyahan sa ganitó si Flora[183], ay nagtátanim siyá ng̃ mg̃a damó sa ibábaw ng̃ damó; nabubuhay ang lúmot at ang cábuti sa mg̃a gahác-gahác na balát ng̃ cáhoy, at ang mg̃a damóng dápò, mg̃a cawilíwíling manunuluyan, ay napapagcamal-an sa canilang mg̃a pagcâyacap sa cahoy na mápagpatuloy.

Iguinagalang ang gúbat na iyón: may mg̃a sali't-sáling sabing sinásalitâ tungcól doon; ng̃uni't ang lâlong malápit sa catotohanan, at sa pagca't gayó'y siyang hindî lubhang pinaniniwalaan at hindî naman napag-aalaman, ay ang sumusunod:

Nang ang baya'y walâ cung dî isang walang halagang tumpóc ng̃ mg̃a dampâ, at saganang sumísibol pa sa pinacalansang̃an ang damó; ng̃ panahóng yaóng pagcagabi ay nanasoc doón ang mg̃a usá at mg̃a baboy-ramó, dumatíng isáng áraw ang isáng matandáng castilang malalálim ang mg̃a matá at totoong magalíng magwícang tagalog. Pagcatápos na matingnán at malíbot ang mg̃a lúpà sa magcabicabilà, ipinagtanóng niyá cung sinosino ang may arì ng̃ cagubatang inaagusan ng̃ tubig na malacúcò. Nang̃agsiharáp ang iláng nang̃agsabing umanó'y silá raw ang may árì, at ang guinawâ ng̃ matandá'y binilí sa canilá ang gúbat na iyón, sa pamamag-ítan ng̃ mg̃a damít, mg̃a híyas at cauntíng salapî. Nawalâ pagcátapos ang matandâ na hindî maalaman cung paáno. Pinananaligan na ng̃ táong siyá'y "encantado", ng̃ máino ng̃ mg̃a pastól ang isáng caang̃utáng nagbubuhat sa carátig na gúbat; caniláng binacás, at ang násumpung̃an nila'y ang matandáng lalaking bulóc na at nacabítin sa sang̃á ng̃ isáng "balítì". Nacatatacot na siyá ng̃ panahóng buháy pa, dáhil sa canyáng malalim at malagunlóng na voces, dáhil sa malalim niyang mg̃a matá at dáhil sa táwa niyáng waláng íng̃ay; ng̃uni't ng̃ayóng siyá'y magbigtí ay lumiligalig siyá sa pagtulog ng̃ mg̃a babae. Itinapon ng̃ iláng babae sa ílog ang mg̃a híyas at sinunog ang damít na canyáng bigáy, at mulà ng̃ ilibíng ang bangcáy sa púnò ng̃ balítì ring iyón, sino mang táo'y walâ ng̃ mang̃ahás na doo'y lumápit. Isáng pastól na nagháhanap ng̃ canyáng mg̃a hayop, ibinalitang nacakita raw siyá roón ng̃ mg̃a ílaw; nang̃agsiparoón ang mg̃a bínatà at nacárinig na silá ng̃ mg̃a daíng. Isáng cúlang pálad na nang̃ing̃ibig, na sa pagmimithî niyáng mápuna ng̃ sa canyá'y nagwáwalang bahálà, nang̃ácong mátitira siyáng magdamág sa lílim ng̃ cáhoy at ipupulupot niyá sa punò nitó ang isáng mahabang yantóc, namatáy dahil sa matindíng lagnát na sa canya'y dumápò kinabucasan ng̃ gabí ng̃ canyáng pakikipagpustahan. May pinagsasalitaanan pang mg̃a catha't sali't saling sabi tungcól sa gubat na iyón.

Hindî nag-iláng buwán at naparoon ang isáng binatang wari'y mestizong castílà, na ang sabi'y anác daw siyá ng̃ nasírà, at nanahán sa súloc na iyón at nang̃asíwà sa pagsasaca, lalonglalò na sa pagtataním ng̃ tínà. Si Don Saturnino'y isáng binatang malungcót ang asal at lubháng magagalitín, at cung minsa'y malupít; datapuwa't totoong masipag at masintahin sa paggawâ: binacuran ng̃ pader ang pinaglibing̃án sa canyáng amá, na manacânacâ lamang dinadalaw. Nang may cagulang̃an na'y nag-asawa sa isáng batang dalagang taga Maynílà, at dito'y naguíng anác niya si Don Rafael, na amá ni Crisóstomo.

Batangbatà pa si Don Rafael ay nagpílit nang siyá'y calugdán ng̃ mg̃a táong bukid: hindî nalao't pagdaca'y lumagô ang pagsasacang dinalá at pinalaganap ng̃ canyáng amá, nanahán doon ang maraming táo, nang̃agsiparoon ang maraming insíc; ang pulô ng̃ mg̃a dampá'y naguíng isáng nayon, at nagcaroon ng̃ isáng curang tagalog; pagcatapos ay naguíng isáng bayan, namatáy ang cura at naparoon si Fr. Dámaso; ng̃uni't ang libing̃a't caratig na lupa'y pawang pinagpitaganan. Nang̃áng̃ahas na maminsanminsan ang mg̃a batang lalaking mang̃agsiparoong may mg̃a daláng panghampás at mg̃a bató, upang lumiguid sa palibot libot at mang̃uha ng̃ bayabas, papaya, dúhat at iba pa, at cung minsa'y nangyayaring sa casalucuyan ng̃ caniláng guinàgawà, ó cung caniláng pinagmámasdang waláng imíc ang lubid na gagalawgalaw buhat sa sang̃á ng̃ cáhoy, lumálagpac ang isá ó dalawáng batóng hindi maalaman cung saán gáling; pagcacagayo'y casabay ng̃ sigáw na:—¡ang matandâ! ¡ang matanda!—caniláng ipinagtatapunan ang mg̃a bung̃ang cáhoy at ang mg̃a panghampás, lumúlucso silá sa mg̃a cáhoy at nang̃agtatacbuhan sa ibabaw ng̃ malalakíng bató at sa mg̃a cacapalán ng̃ damó, at hindî silá tumitiguil hanggáng sa macalabás sa gubat, na nang̃amúmutlâ, humihing̃al ang ibá, ang iba'y umíiyac, at cácauntî ang nang̃agtátawa.

Decorative motif

Decorative motif

XI.

ANG MANG̃A MACAPANGYARIHAN

Mang̃aghati-hati cayó at cayó'y mang̃aghari.—(Bagong Machiavelo)[184]

¿Sinosino bagá ang mg̃a nacapangyayari sa bayan?

Cailán ma'y hindî nacapangyari si Don Rafael ng̃ nabubuhay pa siyá, bagá man siyá ang lalong mayaman doon, malakí ang lúpá at hálos may útang na loob sa canyá ang lahát. Palibhasa'y mahinhíng loob at pinagsisicapang huwág bigyáng cabuluhán ang lahát ng̃ canyáng mg̃a guinágawà, hindî nagtatag sa báyan ng̃ canyáng partido [185], at nakita na natin cung paano ang mg̃a paglaban sa canyá ng̃ makita nilang masamâ ang canyáng calagayan.—¿Si Capitang Tiago caya?—Totoo't cung siyá'y dumárating ay sinasalubong siyá ng̃ orquesta ng̃ mg̃a nagcacautang sa canyá, hináhandugan siyá ng̃ piguíng at binúbusog siyá sa mg̃a álay. Inilalatag sa canyáng mesa ang lalong magagalíng na búng̃ang cáhoy; cung nang̃acacahuli sa pang̃áng̃aso ng̃ isáng usá ó baboy-ramó'y sa canyá ang icapat na bahagui; cung nababatì niyá ang cainaman ng̃ cabayo ng̃ isáng sa canyá'y may utang, pagdatíng ng̃ calahating horas ay sumásacanyang cuadra[186] na: ang lahát ng̃ itó'y catotohanan; ng̃uni't siyá'y pinagtátawanan at tinatawag siyá sa lihim na Sacristan Tiago.

¿Ang gobernadorcillo bagá cayâ?

Itó'y isáng cúlang palad na hindî nag-uutos, siyá ang sumúsunod; hindî nacapagmúmura canino man, siyá ang minumura; hindî nagágawa niyá ang maibigan, guinágawâ sa canyá ang calooban ng̃ ibá; ang capalít nitó'y nanánagot siyá sa Alcalde mayor ng̃ lahát ng̃ sa canyá'y ipinag-utos, ipinagawâ at ipinatatag sa canyá ng̃ mg̃a ibá, na para manding nanggaling sa bung̃ô ng̃ canyáng úlo ang lahát ng̃ iyon; ng̃uni't dápat sabihin, sa icapupuri niyá, na ang catungculang canyáng háwac ay hindî niyá ninacaw ó kinamcám: upang tamuhi'y nagcagugol siyá ng̃ limáng libong piso, at maraming cadustâan, ng̃uni't sa napapakinabang niyá'y canyáng inaacalang murangmura ang mg̃a gugol na iyón.

¿Cung gayo'y bacâ cayâ ang Dios?

¡Ah! hindî nacatitigatig ang mabait na Dios ng̃ mg̃a conciencia at ng̃ pagcacatulog ng̃ mg̃a mámamayan doon: hindî nacapang̃ing̃ilabot man lamang sa canila; at sacali't másalitâ sa canilá ang Dios sa alin mang sermón, waláng sálang naiisip niláng casabáy ang pagbubuntóng hining̃á: ¡Cung íisa sana ang Dios!... Bahagyâ na nilá nagugunitâ ang Dios: lalong malakí pa ng̃a ang capagurang sa canila'y ibiníbigay ng̃ mg̃a santo at mg̃a santa. Nápapalagay ang Dios sa mg̃a táong iyóng tulad diyán sa mg̃a haring naglálagay sa canyáng paliguid ng̃ mg̃a tinatang̃i sa pagmamahal na mg̃a lalaki't babae: ang sinusuyò lamang ng̃ baya'y itóng canilang mg̃a tinatang̃ì.

May pagcawang̃is ang San Diego sa Roma; ng̃uni't hindî sa Roma ng̃ panahóng guinuguhitan ng̃ araro ng̃ cuhilang si Rómulo[187] ang canyáng mg̃a cútà; hindî rin sa Romang nacapaglalagdâ ng̃ mg̃a cautusan sa sandaigdíg sa palilígò sa sarili't sa mg̃a ibáng dugô, hindî: wang̃is ang San Diego sa casalucuyang Roma, at ang bilang caibhán lamang ay hindî mg̃a monumentong mármol at mg̃a coliseo ang naroon, cung dî sawaling monumento at sabung̃áng pawid. Ang pinaca-papa sa Vaticano'y[188] ang cura; ang pinaca hárì sa Italiang na sa Quirinal[189] ay ang alférez ng̃ Guardia Civil; datapowa't dapat unawâing ibabagay na lahát sa sawálì at sa sabung̃áng pawid. At dito'y gaya rin doong palibhasa'y ibig macapangyari ang isá't isá, nang̃agpapalagayang ang isá sa canila'y labis (sa macatuwid ay dapat mawalâ ang isá sa canila), at dito nanggagaling ang wálang licát na samaan ng̃ loob. Ipaliliwanag namin ang aming sabi, at sásaysayín namin ang caugalìa't budhî ng̃ cura at ng̃ alférez.

Si Fr. Bernardo Salví ay yaong batà at hindî makibuing franciscanong sinaysay na namin sa unahán nitó. Natatang̃ì siya, dahil sa canyáng mg̃a ásal at kílos sa canyáng mg̃a capowâ fraile, at lálonglálò na sa napacabalasic na si párí Dámasong canyáng hinalinhán. Siyá'y payát, masasactín, halos laguì na lamang nag-íisip, mahigpít sa pagtupád ng̃ canyáng mg̃a catungculan sa religión, at mapag-ing̃at sa carilagán ng̃ canyáng pang̃alan. May isáng buwan lamang na nacararating siyá roón, halos ang lahát ay nakicapatid na sa V.O.T.[190], bagày na totoong ipinamamangláw ng̃ canyáng capang̃agáw na cofradía ng̃ Santísimo Rosario. Lumúlucso ang cálolowa sa catuwâan pagcakita ng̃ nacasabit sa bawa't liig na apat ó limáng mg̃a escapulario, at sa bawa't bayawáng ay isáng cordóng may mg̃a buhól, at niyóng mg̃a procesión ng̃ mg̃a bangcáy ó mg̃a fantasma[191] na may mg̃a hábitong guinggón. Nacatipon ang sacristán mayor ng̃ isáng mabutíbutí ng̃ puhunan, sa pagbibilí ó sa pagpapalimós, sa pagca't ganitó ang marapat na pagsasalitâ, ng̃ mg̃a casangcapang kinakailang̃an upáng mailigtás ang cálolowa at mabáca ang diablo: talastás ng̃ ang espíritung itó, na ng̃ una'y nang̃áng̃ahas na sumalansáng ng̃ pamukhâan sa Dios, at nag-aalinlang̃an sa pananampalataya sa mg̃a wicà nitó, ayon sa sabi sa librong santo ni Job, na nagpailangláng sa aláng-álang sa ating Pang̃inoong Jesucristo, na gaya ng̃ guinawâ namán ng̃ Edad Media[192] sa mg̃a bruja[193], at nananatili, ang sabihan, hanggá ng̃ayón sa paggawa ng̃ gayón din sa mg̃a asuang[194] sa Filipinas; datapowa't tila mandín ng̃ayón ay naguíng mahihiyâing totoo na, hanggáng sa hindî macatagál sa pagting̃ín sa capirasong damít na kinalalarawanan ng̃ dalawáng brazo, at natatacot sa mg̃a buhól ng̃ isáng cordón: ng̃uni't dito'y waláng napagkikilala cung dî sumusulong namán ang dunong sa panig na itó, at ang diablo'y aayaw sa pagsúlong, ó cung dilî caya'y hindî malulugdín sa pagbabagong asal, tulad sa lahát ng̃ namamahay sa mg̃a cadiliman, sacasacali't hindî ibig na sapantahain nating tagláy niyá ang mg̃a cahinàan ng̃ loob ng̃ isáng dalagang lálabing-limáng taón lamang.

Alinsunod sa aming sinabi, si párì Salví'y totoong masigasig gumanap ng̃ canyáng mg̃a catungculan; napacasigasig namán, ang sabi ng̃ alfèrez,—Samantalang nagsesermon—totoong siya'y maibiguíng magsermon—pinasasarhan niyá, ang mg̃a pintuan ng̃ simbahan. Sa ganitóng gawá'y natutulad siyá cay Nerón[195] na ayaw magpaalis canino man, samantalang cumacanta sa teatro: ng̃uni't guinagawa iyón ni Nerón sa icágagaling, datapuwa't guinágawà ang mg̃a bagay na iyón ng̃ cura sa icasasamâ ng̃ mg̃a calolowa. Ang lahát ng̃ caculang̃án ng̃ canyáng mg̃a nasásacop, ang cadalasa'y pinarurusahan ng̃ mg̃a "multa"; sa pagcá't bihírang bihirang namamalò siyá,; sa bagay na ito'y náiiba siyáng lubhâ cay pári Dámaso, na pinaghuhusay ang lahát sa pamamag-itan ng̃ mg̃a panununtóc at panghahampás ng̃ bastong nagtátawa pa at taglay ang magandáng hang̃ád. Sa bagay na itó'y hindî siya mapaghihinanactán: lubós ang canyáng paniniwalang sa pamamálò lamang pinakikipanayaman ang "indio"; ganitó ang salitâ ng̃ isáng fraileng marunong sumulat ng̃ mg̃a libro, at canyáng sinasampalatayanan, sa pagcá't hindî niyá, tinututulan ang anó mang nálilimbag: sa hindî pagcámasuwayíng ito'y macaráraing ang maraming tao.

Bihírang bihírang namamalo si Fr. Salví, ng̃uni't gaya na ng̃a ng̃ sabi ng̃ isáng sa baya'y matandáng filosofo[196], na ang naguiguing caculang̃án sa bílang ay pinasasaganà namán sa tindí; datapuwa't hindî rín namán siyá mapaghihinanactan tungcól sa ganitóng gawâ. Nacapang̃íng̃ilis ng̃ canyáng mg̃a ugát ang canyáng mg̃a pag-aayuno[197] at pang̃ing̃ilin ng̃ pagcain ng̃ mg̃a lamáng-cáti na siyáng ikinapaguíguing dukhâ ng̃ canyáng dugô, at, ayon sa sabihan ng̃ táo, pumápanhic daw ang hang̃ín sa canyáng úlo.

Ang alférez, na gaya na ng̃a ng̃ sinabi namin, ang tang̃ing caaway ng̃ capangyarihang ito sa cálolowa, na may pacay na macapangyari namán sa catawán. Siyá lamang ang tang̃ì, sa pagca't sinasabi ng̃ mg̃a babae na tumatacas daw sa cura ang diablo, dahiláng sa ng̃ minsang nang̃ahás ang diablo na tucsuhín ang cura, siyá'y hinuli nitó, iguinapos sa paa ng̃ catre at sacá pinálò ng̃ cordón, at cayâ lamang siyá inalpasán ay ng̃ macaraan na ang siyám na araw.

Yaya mang gayó'y ang táong pagcatapos ng̃ ganitóng nangyari, makipagcagalít pa sa cay párì Salvî ay maipapalagay na masamâ pa sa mg̃a abáng diablong hindî marunong mag-ing̃at, cayâ ng̃a't marapat na magcaroon ng̃ gayóng capalaran ang alférez. Doña Consolación cung tawaguin ang canyáng guinoong asawa, na isáng matandáng filipina, na nagpapahid ng̃ maraming mg̃a "colorete"[198] at mg̃a pintura; ibá ang ipinang̃ang̃alan sa canyá ng̃ canyáng esposo at ng̃ ibá pang mg̃a táo. Nanghihigantí sa sariling catawán ang alférez, sa canyáng pagcawaláng palad sa matrimonio, na nagpapacalasíng hanggang sa dî macamalay-táo; pinag-"eejercicio"[199] ang canyáng mg̃a sundalo sa arawan at siyá'y sumisilong sa lílim, ó cung dilî cayâ, at itó'y siyáng lalong madalás, pinapagpag niyá ng̃ pálò ang licód ng̃ canyáng asawa, na cung dî man isáng "cordero" (tupa) ng̃ Dios na umáalis ng̃ casalanan nino man, datapuwa't nagagamit namán sa pagbabawas sa canyá ng̃ maraming mg̃a cahirapan sa Purgatorio, sacali't siyá'y máparoon, bagay na pinag-aalinlang̃anan ng̃ mapamintacasing mg̃a babae. Nang̃aghahampasang magalíng ang alférez at si Doña Consolacióng parang nang̃agbíbiruan lamang, at nag-aalay siláng waláng bayad sa mg̃a capit-bahay ng̃ mg̃a pánoorin: "concierto vocal" at "instrumental"[200] ng̃ apat na camáy, mahinà, malacás, na may "pedal"[201] at lahát.

Cailán mang dumárating sa taing̃a ni párì Salví ang mg̃a escándalong[202] itó, siyá'y ng̃umíng̃itî at nagcucruz at nagdárasal pagcatapos ng̃ isáng Amá namin; cung tinatawag siyáng "carca"[203], mapagbanalbanalan, "carlistón"[204], masakím, ng̃umíng̃itî rin si párì Salvì at lalong nagdárasal. Cailán ma'y ipinagbibigay alám ng̃ alférez sa íilang castilang sa canyá'y dumadalaw ang sumusunod na casabihán:

—¿Paparoon bâ cayó sa convento upang dalawin ang "curita"[205] "Mosca, muerta[206]? ¡Mag-ing̃at cayó! Sacali't anyayahan cayóng uminóm ng̃ chocolate, ¡bagay na aking pinag-aalinlang̃anan!.. ng̃uni't gayón man, cung cayó'y aanyayahan, cayó'y magmasíd. ¿Tinawag ang alila't sinabing: "Fulanito, gumawâ ca ng̃ isáng "jícarang"[207] chocolate; ¿eh?"—Cung gayó'y mátira cayóng waláng anó mang agam-agam; ng̃uni't cung sabihing: "gumawâ ca ng̃ isáng "jícarang" chocolate, ¿"ah"?"—Pagcâ gayó'y damputin ninyó ang inyóng sombrero at yumao cayóng patacbó.

—¿Bakit?—ang tanóng ng̃ causap na nagugulat—¿nanglalason pô bâ sa pamamag-itan ng̃ chocolate? ¡Carambas[208]!

—¡Abá, hindî namán nápacagayón!

—¡At paano, cung gayón?

—Pagca chocolate ¿eh? ang cahuluga'y malapot, at malabnáw pagca chocolate ¿ah?[209]

Ng̃uni't inaacalà naming ito'y bintáng lamang ng̃ alferez; sapagcá't ang casabiháng ito'y cabalitàang guinagawà rin daw ng̃ maraming mg̃a cura. Ayawán lamang cung ito'y talagáng ugalì na ng̃ boong capisanan ng̃ mg̃a fraile ...

Upang pahirapan ang cura, ipinagbabawal ng̃ militar, sa udyóc ng̃ canyáng asawa, na sino ma'y huwag macagalà pagcatugtóg ng̃ icasiyam na horas ng̃ gabi. Sinasabi ni Doña Consolacióng dî umano'y canyang nakita ang cura, na nacabarong pinya at nacasalacót ng̃ nítò't ng̃ huwag siyang makilala, na naglíbot na malalim na ang gabí. Nanghíhiganti naman ng̃ boong cabanalan si Fr. Salví: pagcakita niyang pumapasoc sa simbahan ang alférez, lihim na nag-uutos sa sacristang isará ang lahát ng̃ mg̃a pintò, at nagpapasimulâ ng̃ pagsesermón hanggáng sa mápikit ang mg̃a matá ng̃ mg̃a santo at ibulóng sa canyá ng̃ calapating cahoy na na sa tapát ng̃ canyáng úlo, ang larawán bagá ng̃ Espíritung Dios, na ¡siyá na, alang-alang! Hindî dahil dito'y nagbabagong ugáli ang alférez, na gaya rin ng̃ lahát ng̃ hindî marurunong magbalíc-lóob: lumálabas sa simbahang nagtútung̃ayáw, at pagcásumpong sa isáng sacristan ó alilà ng̃ cura'y pinipiit, binúbugbog at pinapagpupunas ng̃ sahíg ng̃ cuartel at ng̃ bahay niyáng sarili, na pagcâ nagcacagayo'y lumilinis. Pagbabayad ng̃ sacristan ng̃ multang ipinarurusa ng̃ cura, dahil sa hindî niyá pagsipót, canyáng ipinauunáwâ, ang cadahilanan. Diníring̃ig siyáng waláng kibô ni Fr. Salví, iliníligpit ang salapî, at ang únang guinágawa'y pinawáwal-an ang canyáng mg̃a cambíng at mg̃a túpa at ng̃ doon silá mang̃inain sa halamanan ng̃ alférez, samantalang humahanap siyá ng̃ isáng bagong palatuntunan sa isáng sermóng lalong mahabâ at nacapagpapabanal. Datapuwa't hindî naguiguing hadláng ang lahát ng̃ itó, upang pagcatapos ay mang̃agcamá'y at magsalitaan ng̃ boong cahinusayan, cung silá'y magkita.

Pagcâ, itinutulog ng̃ canyang asawa ang calasing̃án ó humíhilic cung tanghalì, hindî maaway ni Doña Consolación ang alférez, pagcacágayo'y lumálagay sa bintanà't humíhitit ng̃ tabaco at nacabarong franelang azul. Palibhasa'y kinasúsusutan niyá ang cabataan, mulâ sa canyáng kinálalagya'y namamanà, siyá ng̃ canyáng mg̃a matá, sa mg̃a dalaga, at silá'y canyáng pinípintasan. Ang mg̃a dalagang itóng sa canyá'y nang̃atatacot, dumaraang kimingkimî, na dî man lamang maitungháy ang mg̃a matá, nang̃agdudumalî ng̃ paglacad at pinipiguil ang paghing̃á. May isáng cabanalan si Doña Consolación: tila mandin hindî siyá nananalamin cailán man.

Ito ang mg̃a macapangyarihan sa bayang San Diego.

Decorative motif

Decorative motif

XII.

ANG LAHAT NANG MANGA SANTO[210]

Marahil ang bugtóng na bagay na hindî matututulang ikinatatang̃ì ng̃ táo sa mg̃a háyop ay ang paggalang na iniháhandog sa mg̃a namamatay.

Sinásaysay ng̃ mg̃a historiador[211] na sinasamba at dinídios nilá ang caniláng mg̃a núnò at magugulang; ng̃ayó'y tumbalíc ang nangyayari: ang mg̃a patáy ang nagcacailang̃ang mamintuhô sa mg̃a buháy. Sinasabi rin namáng iniing̃atan ng̃ mg̃a taga Nueva Guinea sa mg̃a caja ang mg̃a but-ó ng̃ caniláng mg̃a patáy at nakikipagsalitaan sa canilá; sa pinacamarami sa mg̃a bayan ng̃ Asia, Africa at América'y hinahayinan ang caniláng mg̃a patáy ng̃ lalong masasaráp niláng mg̃a pagcain, ó ang mg̃a pagcaing minámasarap ng̃ mg̃a patáy ng̃ panahóng silá'y nabubuhay, at nang̃agpípiguing at inaacalà niláng dumádalo sa mg̃a piguíng na itó ang mg̃a patáy. Ipinagtátayô ng̃ mg̃a taga Egipto ng̃ mg̃a palacio ang mg̃a patáy, ang mg̃a musulmán nama'y ipinagpápagawâ, silá ng̃ maliliit na mg̃a capilla, at ibá pa; datapowa't ang bayang maestro sa bagay na itó, at siyáng lalong magalíng ang pagcakilala sa púsò ng̃ tao'y ang bayan ng̃ Dahomey[212]. Natátalastas ng̃ mg̃a maiitím na itó, na ang táo'y mapanghigantí, at sa pagca't gayó'y sinasabi niláng upang mabigyang catowâan ang namatáy, walâ ng̃ lalong magalíng cung dî ang patayín sa ibabaw ng̃ pinaglibing̃an sa canyá ang lahát ng̃ canyáng mg̃a caaway; at sa pagcá't ang táo'y malulugdíng macaalam ng̃ mg̃a bagay-bagay, sa taón-tao'y pinadadalhán siyá ng̃ isáng "correo" sa pamamag-itan ng̃ linapláp na balát ng̃ isáng alipin.

Tayo'y náiiba sa lahát ng̃ iyán. Bagá man sa nababasa sa mg̃a sulat na nauukit sa mg̃a pinaglibing̃an, halos walâ sino mang naniniwalang nagpapahing̃alay ang mg̃a patáy, at lalò ng̃ hindî pinaniniwalâang sumasapayápà. Ang lalong pinacamagalíng mag-ísip ay nang̃ag-aacalang sinásanag pa ang caniláng mg̃a núnò sa túhod sa Purgatorio, at cung di siyá mápacasamâ (mapasainfierno bagá), masasamahan pa niyá, silá roon sa mahábang panahón. At ang sino mang ibig tumutol sa amin, dalawin niyá ang mg̃a simbahan at ang mg̃a libing̃an sa boong maghapong itó, magmasíd at makikita. Datapowa't yamang tayo'y na sa bayan ng̃ San Diego, dalawin natin ang libing̃an dito.

Sa dacong calunuran, sa guitnâ ng̃ mg̃a palaya'y nároroon, hindî ang ciudad, cung dî ang nayon ng̃ mg̃a patáy: ang daan ng̃ pagparoo'y isáng makitid na landás, maalabóc cung panahóng tag-ínit, at mapamámangcàan cung panahóng tag-ulán. Isáng pintûang cahoy, at isáng bácod na ang calahati'y bató at ang calahati'y cawayan ang tila mandin siyáng ikináhihiwalay ng̃ libing̃ang iyón sa bayan ng̃ mg̃a buháy; datapowa't hindî nahihiwalay sa mg̃a cambíng ng̃ cura, at sa iláng baboy ng̃ mg̃a calapít báhay, na pumapasoc at lumálabas doon upang mang̃agsiyasat sa mg̃a libing̃an ó mang̃agcatowâ sa gayóng pag-iisá.

Sa guitnâ ng̃ malúang na bacurang iyón may nacatayóng isáng malaking cruz na cahoy na natitiric sa patung̃ang bató. Inihapay ng̃ unós ang canyáng INRI na hoja de lata, at kinatcát ng̃ ulán ang mg̃a letra. Sa paanan ng̃ cruz, túlad sa túnay na Gólgota[213], samasamang nábubunton ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo at mg̃a but-ó, na ang waláng malasakit na maglilíbing ay itinatapon doon ang canyáng mg̃a nahuhucay sa mg̃a libing̃an. Diyá'y mang̃aghíhintay silá, ang lalong malapit mangyari, hindî ng̃ pagcabúhay na mag-ulî ng̃ mg̃a patáy, cung dî ang pagdatíng doon ng̃ mg̃a háyop at ng̃ silá'y painitin ng̃ caniláng mg̃a tubíg at linisin ang caniláng malalamig na mg̃a cahubdán.—Námamasdan sa paliguidliguid ang mg̃a bagong hûcay: sa dáco rito'y hupyác ang lúpà, sa dáco roo'y anyóng bundúc-bunducan namán. Sumísibol doo't lumálagô ng̃ máinam ang tarambulo't pandacákì; ang tarumbulo'y ng̃ tundûin ang mg̃a bintî ng̃ canyáng matitiníc na mg̃a búng̃a, at ng̃ dagdág namán ng̃ pandacakì ang canyáng amóy sa amóy ng̃ libing̃an, sacali't itó'y waláng casucatáng amoy. Gayón ma'y nasasabúgan ang lúpà ng̃ iláng maliit na mg̃a bulaclac, na gaya rin namán ng̃ mg̃a bung̃óng iyóng ang Lumikhâ lamang sa canilá ang nacacakilala na: ang ng̃itî ng̃ mg̃a bulaclác na iyó'y maputlâ at ang halimúyac nilá'y ang halimúyac ng̃ mg̃a baunan. Ang damó at ang mg̃a gumagapang na damó'y tumátakip sa mg̃a súloc, umuucyabit sa mg̃a pader at sa mg̃a "nicho"[214], na anó pa't dináramtan at pinagáganda ang hubád na capang̃ítan; cung minsa'y pumapasoc sa mg̃a gahác na gawà ng̃ mg̃a lindól, at inililihim sa mg̃a nanonood ang mg̃a cagalanggalang na mg̃a libing̃ang waláng lamán.

Sa horas ng̃ pagpasoc namin ay binúgaw ang mg̃a hayop; ang mang̃isang̃isang baboy lamang, hayop na mahirap papaniwalâin, ang siyáng sumisilip ng̃ canyáng maliliit na mg̃a matá, isinusung̃aw ang úlo sa isáng malakíng gúang ng̃ bacod, itinataás ang ng̃usò sa háng̃in at wari'y sinasabi sa isáng babaeng nagdárasal:

—Howág mo namáng cacanin lahát, tirhán mo acó nang cauntî, ¿ha?

May dalawáng lalaking humuhucay ng̃ isáng baunan sa malapit sa pader na nagbabalang gumúhò: ang isá, na siyáng maglilíbing ay waláng cabahábahálà; iniwawacsi ang mg̃a gulogód at ang mg̃a butó, na gaya na pag-aabsáng ng̃ isáng maghahalamán ng̃ mg̃a bató at mg̃a sang̃áng tuyô; ang isá'y nang̃áng̃aning̃aní, nagpapawis, humíhitit at lumúlurâ mayá't mayâ.

—¡Pakinggán mo!—anang humíhitit, sa wícang tagalog.—¿Hindî cayâ magalíng na catá'y humúcay sa ibang lugar? Ito'y bagóng bágo.

—Pawang bágo ang lahát ng̃ libíng.

—Hindî na acó macatagál. Ang but-óng iyáng iyóng pinutol ay dumúrugò pa ... ¡hm! ¿at ang mg̃a buhóc na iyán?

—¡Nacú, napacamaselang ca naman!—ang ipinagwícà sa canyá ng̃ isá—¡Ang icaw ma'y escribiente sa Tribunal! Cung humúcay ca sanang gáya co ng̃ isáng bangcáy na dadalawampong araw pa, sa gabí, ng̃itng̃it ng̃ dilím, umúulan ... namatáy ang farol cong dalá....

Kinilabutan ang casama.

—Naalís ang pagcapacò ng̃ cabaong, umaaling̃ásaw ... at mapilitan cang pasanín mo ang cabaong na iyón, at umúulan at camíng dalawá'y cápuwà basâ at....

—¡Kjr!....At ¿bákit mo hinúcay?...!

Tiningnan siyá ng̃ maglilíbing ng̃ boong pagtatacá.

—¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcay pagcatapos?—ang ipinagpatuloy na pagtanóng ng̃ maselang.—Imp de M. Fernández. Paz 447. Sta. Cruz.

—¿Bákit?...¿nalalaman co bâ? ¡Ipinag-útos sa áking hucáyin co!

—¿Sino ang nag-útos sa iyó?

Napaurong ng̃ cauntî ang maglilíbing at pinagmasdán ang canyáng casama, mulâ sa páa hangáng úlo.

—¡Abá! ¡tila ca namán castilà! ang mg̃a tanóng díng iyán ang siyáng guinawâ sa akin pagcatapos ng̃ isáng castilà, datapuwa't sa lihim. Ng̃ayó'y sásagutín catá, ng̃ gaya ng̃ pagcásagot co sa castilà: ipinag-útos sa akin ng̃ curang malakí.

—¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcáy pagcatápos?—ang ipinagpatúloy na pagtatanóng ng̃ maselang.

—¡Diablo! cung dî co lamang icáw nakikilala at natatalastas cung icáw ay "lalaki", sasabihin cung icáw ay túnay ng̃ang castilang civil: cung magtanóng ca'y túlad din sa canyá. Gayón ...ipinag-utos sa akin ng̃ curang malakíng siyá'y ilibíng co sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc, ng̃uni't sa pagcá't totoong mabigát ang cabaong at maláyò ang libing̃an ng̃ mg̃a insíc....

—¡Ayaw! ¡ayaw! ¡ayaw co ng̃ humúcay!—ang isinalabat ng̃ causap na lipós ng̃ pang̃ing̃ilabot, na binitiwan ang pála at umahon sa húcay;—akíng nábaac ang bá-o ng̃ isáng úlo at nang̃ang̃anib acóng bacâ hindî acó patuluguín sa gabíng itó.

Humalakhác ang maglilíbing ng̃ canyáng makitang samantalang umaalis ay nagcucruz.

Unti-unting napúpunô ang libing̃an ng̃ mg̃a lalaki't mg̃a babáeng páwang nang̃acalucsâ. Ang ibá'y nang̃agháhanap na maluat ng̃ baunan; silá-silá'y nang̃agtatatalo, at sa pagca't hindî mandín silá mang̃agcasundò, silá'y nang̃aghíhiwalay at bawa't isá'y lumúluhod cung saán lalong minamagaling niyá,; ang mg̃a ibá, na may mg̃a "nicho" ang caniláng mg̃a camag-anac, nang̃agsísindi ng̃ malalakíng candilà at nang̃agdárasal ng̃ taimtím; naririnig din namán ang mg̃a buntóng hining̃á at mg̃a hagulhól, na pinacalalabis ó pinipiguil. Naríring̃ig na ang aling̃awng̃aw ng̃ "orápreo, orápresis" at "requiemeternams."

Násoc na nacapugay ang isáng matandáng lalaki. Marami ang nang̃agtawá pagcakita sa canyá, ikinunót ang mg̃a kílay ng̃ iláng mg̃a babae. Tila mandín hindî pinúpuna ng̃ matandáng lalaki ang gayóng mg̃a ipinakikita sa canyá, sa pagcá't napatung̃o siyá sa buntón ng̃ mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, lumuhód at may hinanap sa loob ng̃ iláng sandalî sa mg̃a but-ó; pagcatapos ay maing̃at na inisaisáng ibinucód ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, at sa pagca't hindî mandín makita niyá ang canyáng hinahanap, umilíng, lumíng̃ap sa magcabicabilà at nagtanóng sa maglilíbing.

—¡Oy!—ang sinabi sa canyá.

Tumungháy ang maglilíbing.

—¿Nalalaman mo bâ cung saan naroon ang isáng magandáng bungô ng̃ úlo, maputíng tulad sa lamán ng̃ niyóg, waláng caculangculang ang mg̃a ng̃ípin, na inalagáy co sa paanán ng̃ cruz, sa ilalim ng̃ mg̃a dahong iyón?

Ikinibít ng̃ maglilibing ang canyáng mg̃a balícat.

—¡Masdán mo!—ang idinugtóng ng̃ matandâ, at ipinakita sa canyá, ang isáng pílac na salapî,—walâ aco cung hindî itó, ng̃uni't ibíbigay co sa iyó cung makita mo ang bung̃óng iyón.

Pinapagdilidili siyá, ng̃ ningníng ng̃ salapî, tinanáw ang buntunan ng̃ mg̃a, butó, at nagsalitâ:

—¿Walâ bâ roon? Cung gayó'y hindî co nalalaman. Ng̃uni't cung ibig ninyó'y bíbigyan co pô cayó ng̃ ibá.

—¡Catulad ca ng̃ baunang iyóng hinuhucay!—ang winíca sa canyá ng̃ matandáng lalaking nang̃íng̃inig ang voces;—hindî mo nalalaman ang halagá ng̃ nawawalâ sa iyo. ¿Sino ang ililibing sa húcay na iyán?

—¿Nalalaman co bâ cung sino? Isáng patáy ang ilílibing diyan!—ang sagót na nayáyamot ng̃ maglilibing.

—¡Tulad sa baunan! ¡tulad sa baunan!—ang inulit ng̃ matandáng lalaking nagtátawa ng̃ malungcot;—hindî mo nalalaman ang iyong hinuhucay at ang iyong nilalamon! ¡Húcay! ¡húcay!

Samantala'y natapos ng̃ maglilíbing ang canyáng gawâ; dalawáng nacatimbóng lupang basâ at mapulápulá ang na sa magcabilang tabí ng̃ húcay. Cumúha sa canyáng salacót ng̃ hichó, ng̃umang̃à at pinagmasídmasíd na may anyóng tang̃á ang mg̃a nangyayari sa canyáng paliguid.

Decorative motif

Decorative motif

XIII.

MGA PAUNANG TANDA NANG UNOS

Nang sandalíng lumálabas ang matandáng lalaki, siyá namáng pagtiguil sa pasimulâ ng̃ bagtás ó landás ng̃ isáng cocheng tila mandín maláyò ang pinanggaling̃an, punóngpunô ng̃ alabóc at nagpapawis ang mg̃a cabayo.

Umibís si Ibarra sa cocheng casunód ng̃ isáng alílang matandáng lalaki; pinaalis ang coche sa isáng galáw lamang ng̃ úlo at napatung̃o sa libing̃ang waláng kibò at malungcót.

—¡Hindî itinulot ng̃ aking sakít at ng̃ aking mg̃a pinang̃ang̃asiwâang acó'y macabalíc dito!—ang sinasabi ng̃ matandáng lalaki ng̃ boong cakimîan;—sinabi ni Capitang Tiagong siyá na ang bahalang magpatayô ng̃ isáng "nicho"; datapuwa't tinanimán co ng̃ mg̃a bulaclác at isáng cruz na acó ang gumawâ....

Hindî sumagót sí Ibarra.

—¡Diyan pô sa licód ng̃ malakíng cruz na iyán—ang ipinagpatuloy ng̃ alilà, na itinuturò ang isáng súloc ng̃ silá'y macapasoc na sa pintûan.

Lubháng natitigagal ng̃â ang caisipán ni Ibarra, cayá't hindî niyá nahiwatigan ang pagtatacá ng̃ iláng táo ng̃ siyá'y caniláng makilala, na tumiguil sa caniláng pagdarasál at sinundán siyá ng̃ ting̃ín, sa lakí ng̃ pangguiguilalas.

Nag-iing̃at ang binatà ng̃ paglacad, pinang̃ing̃ilagan niyáng dumaan sa ibabaw ng̃ mg̃a pinaglibing̃an, na madalíng nakikilala sa cahupyacán ng̃ lúpà. Tinatapacan niyá ng̃ una, ng̃ayó'y iguinagalang niyá; gayón din ang pagcacálibing sa canyang amá. Humintô siyá pagdatíng sa cabiláng daco ng̃ cruz at tuming̃ín sa palibotlibot. Námanghâ at napatigagal ang canyáng casama; hinahanap niyá ang bacás sa lúpa ay walâ siyáng makitang cruz saan man.

—¿Dito cayâ?—ang ibinúbulong;—hindî doon; ng̃uni't hinúcay ang lúpà.

Tinitingnan siyá ni Ibarra, na totoong masamâ ang lóob.

—¡Siyá ng̃â!—ang ipinagpatuloy,—natátandaang cong may isáng bató sa tabí; may caiclîan ang húcay niyao'y may sakít ang maglilibing, cayá't isáng casamá ang siyáng napilitang humúcay datapuwa't itátanong natín sa canyá cung anó ang guinawâ sa cruz.

Pinatung̃uhan nilá ang maglilibíng, na nagmámasid sa canilá ng̃ boong pagtatacá.

Yumucód itó sa canilá, pagcapugay ng̃ canyáng salacót.

—Maipakikisabi pô bâ ninyó sa amin cung alín ang húcay na doó'y dating may isáng cruz?—ang tanong ng̃ alílà.

Tiningnan ng̃ tinatanong ang lugar at nag-isíp ísip.

—¿Isáng cruz bang malakí?

—¿Opò, malakí,—ang pinapagtibay na sagót ng̃ matandáng lalaki ng̃ boong catuwâan, at tinitingnan niyá ng̃ macahulugán si Ibarra, at sumayá namán ang mukhâ nitó!

—¿Isáng cruz na may labor at may taling oway?

—¡Siyá ng̃â! ¡siyá ng̃â! ¡iyán ng̃â! ¡iyán ng̃â!—at iguinuhit ng̃ alilà sa lupà ang isáng anyóng cruz bizantina[215].

—¿At may taním na mg̃a bulaclác sa húcay?

—¡Mg̃a adelfa, mg̃a sampaga at mg̃a pensamiento! ¡iyán ng̃â!—ang idinugtóng na malakí ang towâ, at inalayan niyá ng̃ isáng tabaco ang maglilíbing.

—Sabihin ng̃a ninyó sa amin cung alín ang húcay at cung saán naroon ang cruz.

Kinamot ng̃ maglilíbing ang taing̃a't sumagót na naghíhicab:

—¡Abá ang cruz!... ¡akin ng̃ sinúnog!

—¿Sinúnog? at ¿bákit ninyó sinúnog?

—Sa pagcá't gayón ang ipinag-útos ng̃ curang malakí.

—¿Síno bâ ang curang malakí?—ang tanóng ni Ibarra.

—¿Síno? Ang nangháhampas, si parì Garrote.

Hinaplós ni Ibarra ang canyáng nóo.

—Datapuwa't ¿masasabi pô bâ ninyó sa amin man lamang ang kinalalagyan ng̃ húcay? Dapat ninyóng matandaan.

Ng̃umitî ang maglilíbing.

—¡Walâ na riyán ang patáy!—ang mulíng isinagót ng̃ boong catahimican.

—¿Anó pô ang sabi ninyó?

—¡Abá!—ang idinugtóng ng̃ táong iyóng ang anyó'y nagbíbirô;—ang naguing capalít niyá'y isáng babaeng inilibíng co roong may isáng linggó na ng̃ayón.

—¿Nauulól pô bâ cayó?—ang itinanong sa canyá ng̃ alílà,—diyata't walâ pa namáng isáng taóng siyá'y aming inilílibing.

—¡Tunay ng̃a iyón! marami ng̃ buwan ang nacaraan mulâ ng̃ siyá'y aking hucayi't cuning ulî sa baunan. Ipinag-utos sa aking siyá'y hucayin co ng̃ curang malakí, upang dalhin sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc. Ng̃uni't sa pagká't mabigát at umúulan ng̃ gabíng yaón....

Hindî nacapagpatuloy ng̃ pananalitâ ang táo; umudlót sa pagcáguitlá ng̃ makita ang anyô ni Crisóstomo, na dinaluhóng siyá't sacá siyá tinangnán sa camáy at ipinágwagwagan.

—At guinawâ mo ba?—ang tanóng ng̃ binatang ang anyô ng̃ pananalita'y hindî namin maisaysay.

—Howág po cayóng magalit, guinoo—ang sagót ng̃ maglilíbing na namumutla't nang̃íng̃inig;—hindî co po namán siyá inilíbing sa casamahán ng̃ mg̃a insíc. Mabuti pa ang malúnod cay sa mapasama sa mg̃a insíc—ang wica co—at siyá'y iniabsáng co sa tubig!

Inilagáy ni Ibarra ang canyáng mg̃a camay sa magcabilang balicat ng̃ maglilíbing at mahabang oras na siyá'y tinitigan ng̃ ting̃ing hindî maisaysay cung anóng íbig sabihin.

—¡Icáw ay walâ cung dî isáng culang palad!—ang sinabi, at umalís na dalîdaling tinatahac ang mg̃a butó, mg̃a húcay, mg̃a cruz, na paráng ísang sirâ ang ísip.

Hináhaplos ng̃ maglilíbing ang canyáng bísig at bumúbulong:

—¡Ang guinágawang mg̃a caligaligán ng̃ mg̃a patáy! Binugbóg acó ng̃ bastón ng̃ páring malakí, dahiláng ipinahintulot cong ilibíng ang patáy na iyón ng̃ aco'y may sakít; ng̃ayo'y cauntí ng̃ balîin nitó ang aking bísig, dahil sa pagcahucay co ng̃ bangcáy. ¡Itó ng̃a namáng mg̃a castilà! ¡Marahil pa'y alisán acó nitó ng̃ aking hánap-búhay!

Matúlin ang lacad ni Ibarra na sa maláyò ang tanáw; sumúsunod sa canyáng umíiyac ang alílang matandáng lalaki.

Lúlubog na lamang ang áraw; macacapál na mg̃a dilím ang siyáng lumalatag sa Casilang̃anan; isáng hang̃ing mainit ang siyáng nagpapagalaw sa dúlo ng̃ mg̃a cáhoy at nagpaparaíng sa mg̃a cawayanan.

Nacapugay na lumalacad si Ibarra; sa canyáng mg̃a matá'y walang bumabalong na isáng lúhà man lamang, waláng tumatacas sa canyáng dibdib cáhi't isáng buntóng hining̃á. Lumalacad na parang may pinagtatanauan, marahil sa pagtacas sa anino ng̃ canyáng amá, ó bacâ namán cayà sa dumádating na unós. Tináhac ang báya't lumabás sa luwál, tinung̃o yaóng lúmang báhay na malaon ng̃ panahông hindî tinutungtung̃an. Naliliguid ang bahay na iyón ng̃ pader na sinísibulan ng̃ mg̃a damóng macacapál ang dahon, tila mandin siyá'y hinuhudyatán; bucás ang mg̃a bintánà; umúugoy ang iláng-ílang at ipinápagaspas ng̃ boong casayahan ang canyáng mg̃a sang̃áng hític ng̃ mg̃a calapati na nagpapaliguidliguid sa matibong na bubóng ng̃ caniláng tahanang na sa guitna ng̃ halamanan.

Ng̃uni't hindî pinápansin ng̃ binatà ang caligayaháng itóng iníháhandog sa canyáng pagbalíc sa lúmang báhay: nacapácò ang canyáng mg̃a matá sa anyô ng̃ isáng sacerdoteng canyáng macacasalubong. Itó'y ang cura sa San Diego, yaong laguing nagdidilidiling franciscano na ating nakita, ang caaway ng̃ alférez. Tiniticlop ng̃ hang̃in ang canyáng malapad na sombrero; ang canyáng hábitong guinggo'y dumirikit sa canyáng catawán at ipinakikita ang anyo nito; na anó pa't námamasid ang canyáng mg̃a payát na hítang may pagcá sacáng. Sa cána'y may háwac na isáng bastóng palasang may tampóc na gáring. Noón lamang nagcakita siláng dalawá ni Ibarra.

Pagsasalubong nilá'y sandalíng humintô ang binata't siyá'y tinitigan; iniiwas ni Fr. Salví ang canyáng mg̃a matá at nagpaconowaríng nalílibang.

Sandalíngsandali lamang tumagál ang pag-aalinlang̃an: malicsíng linapitan siyá ni Ibarra, pinatiguil at idiniín ng̃ boong lacás ng̃ canyáng camáy na ipinatong sa balicat ng̃ párì, at nagsalitáng halos bahagyâ na mawatasan:

—¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?—ang itinanóng.

Si Fr. Salvíng namutlâ, at nang̃atál ng̃ mabasa niyá ang mg̃a damdaming nalalarawan sa mukhâ ng̃ binátà'y hindi nacasagót; nawalán ng̃ diwâ.

—¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?—ang mulíng itinanóng na nalulunod ang voces.

Ang sacerdoteng untîunting nahútoc, dahil sa camáy na sa canyá'y nagdíriin ay nagpumilit at sumagót:

—¡Cayó po'y nagcacamalî; walâ acóng guinagawang anó man sa inyóng amá.

—¿Anóng walâ?—ang ipinagpatuloy ng̃ binátà, at sacâ siyá idiniín hanggáng sa siyá'y mápaluhod.

—¡Hindî pó, sinasabi co sa inyó ang catotohanan! ang aking hinalinhán, si párì Dámaso ang may cagagawán....

—¡Ah!—ang sinabi ng̃ binata't siyá'y binitiwan at bago tumampál sa noo. At iniwan ang abáng si Fr. Salví at dalidáling tinung̃o ang canyáng sariling báhay.

Samantala'y dumatíng ang alilà at tinulung̃an sa pagtindíg ang fraile.