
XIV.
ANG ULOL NA SI TASIO Ó ANG FILOSOFO
Naglálacad sa mg̃a lansáng̃ang waláng tinutung̃o't waláng iniisip ang cacaibáng matandáng lalaki.
Nag-aral siyá ng̃ una ng̃ Filosofía, at iníwan niya ang pag-aáral sa pagsunód sa canyáng ináng matandâ na; at hindî niyá ipinagpatuloy ang pag-aaral, hindî sa caculang̃an ng̃ magugugol at hindî rin sa caculang̃an ng̃ cáya ng̃ pag-iísip: tumíguil siyá ng̃ pag-aáral, dahilán ng̃â sa pagcá't mayaman ang canyáng iná, at dahilan sa ayon sa sabiha'y matalas ang canyáng ísip. Natatacot ang mabaít na babaeng maguíng pantás ang canyáng anác at macalimot sa Dios, cayâ ng̃a't siyá'y pinapamilì, sa siyá'y magpárì ó íwan niyá ang colegio ng̃ San José. Nang panahón pa namáng iyó'y siyá'y may naiibigang babae, cayá't pinilì niyá ang íwan ang colegio at nag-asawa siyá. Hindî lumampás ang isáng taón at siyá'y nabáo at naulila; guinawâ niyáng aliwan ang mg̃a libro upang siyá'y macaligtás sa calungcutan, sa sabong at sa pagca waláng guinágawâ. Datapowa't lubháng nawili sa mg̃a pag aaral at sa pamimilí ng̃ mg̃a libro, hanggáng sa mapabayaan niyá ang sariling pamumuhay, cayá't siyá'y unti-unting naghírap.
Tinatawag siyáng Don Anastasio ó filósofo Tasio ng̃ mg̃a táong may pinagaralan, at ang mg̃a masasamâ ang tûrò, na siyáng lalong marami, tinatawag siyáng Tasiong ul-ól, dahil sa hindî caraniwang canyáng mg̃a caisipán at cacaibang pakikipagcapowa-táo.
Ayon sa sinabi na namin, ang hapo'y nagbabalang magca unôs; liniliwanagan ang abó abóng lang̃it ng̃ iláng kidlát; mabigát ang aláng-álang at totoong maalis-ís ang hang̃in.
Wari'y nalimutan na ng̃ filósofo Tasio ang canyáng kinalúlugdang bung̃ô ng̃ ulo; ng̃ayó'y ng̃uming̃iting pinagmámasdan ang maiitim na pang̃anurin.
Sa malapít sa simbaha'y nasalubong niyá ang isáng táong naca chaqueta ng̃ alpaca at daladala sa camáy ang may mahiguít na isáng arrobang candílà at isáng bastóng may borlas, bílang saguísag ng̃ punong may capangyarihan.
—¿Tila po cayo'y natótowâ?—ang tanóng nitó sa wícang tagalog.
—Siya ng̃a pô, guinoong capitan; natótowâ acó sa pagcá't may isá acóng inaasahan.
—¿Ha? ¿at alin ang inyóng inaasahang iyán?
—¡Ang unós!
—¡Ang unós! ¿Nag-aacálà bâ cayóng maligò?—ang tanóng ng̃ gobernadorcillo ng̃ palibác, na minamasdan ang dukháng pananamít ng̃ matandáng lalaki.
—Malígò acó ... ¡hindî masamâ, lalong lalô na pagcâ nacatitisod ng̃ isáng dumi!—ang sagôt ni Tasio, na palibác din namán ang anyô ng̃ pananalita, bagá man may pagca pagpapawaláng halagá sa canyáng causap—ng̃uni't naghíhintay acó ng̃ lálong magalíng.
—¿At anó pô bâ iyón?
—Iláng mg̃a lintíc na pumatáy ng̃ mg̃a táo at sumúnog ng̃ mg̃a báhay.
—¡Hing̃ín na ninyóng paminsanan ang gúnaw!
—¡Nararapat tayong lahát, cayó at acóng gunawin! Dalá pô ninyó riyan, guinoong capitan, ang isáng arrobang candílang gáling sa tindahan ng̃ insíc; may mahiguít ng̃ sampóng taóng aking ipinakikiusap sa bawa't bágong capitang bumíbili ng̃ pararrayos[216], at pinagtatawanan acó ng̃ lahát; gayón ma'y bumibili ng̃ mg̃a "bomba" at mg̃a "cohete", at nang̃agbabayad ng̃ mg̃a repique ng̃ mg̃a campánà. Hindî lamang itó: kinábucasan ng̃ pakikiusap co sa inyó, nagbilin pô cayó sa mg̃a magtutunáw na insíc ng̃ isáng "esquilang" álay cay Santa Bárbara, gayóng nasiyasat na ng̃ carunung̃ang mapang̃anib ang tumugtóg ng̃ mg̃a campanà sa mg̃a araw na may unós. At sabihin pô ninyó sa akin, ¿bakit pô bâ ng̃ taóng 70 ng̃ mahulog ang isáng lintíc sa Binyáng, doon pa namán nahúlog sa campanario at iguinibâ ang relój sacâ isáng altar? ¿Anó ang guinagawâ ng̃ esquilita ni Santa Bárbara?
Nang sandalíng iyo'y cumisláp ang isáng kidlát.
—¡Jesús, María y José! ¡Santa Bárbarang mahál!—ang ibinulóng ng̃ capitang namutlâ at nagcruz.
Humalakhác si Tasio.
—¡Cayó'y carapatdapat sa pang̃alan ng̃ inyóng pintacasi!—aní Tasio sa wicang castilà, tinalicdán ang capitan at tumúng̃o sa simbahan.
Nagtátayo ang mg̃a sacristan sa loob ng̃ simbahan ng̃ isáng "túmulo"[217] na nalilibot ng̃ mg̃a malalaking candilang natitiric sa mg̃a candelabrong cáhoy. Ang túmulong yao'y dalawáng mesang malalakíng pinagpatong at natátacpan ng̃ damít na maitím, na may mg̃a listóng puti; sa magcabicabila'y may napipintang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo.
—¿Iyán ba'y patungcól sa mg̃a cálolowa ó sa mg̃a candilâ?—ang itinanóng.
At ng̃ makita niyá ang dalawáng batang lalaking may sampóng taón ang isá at ang isá'y may malapit sa pitó, lumapit sa caniláng hindî na hinantay ang sagót ng̃ mg̃a sacristán.
—¿Sasama ba cayó sa akin, mg̃a báta?—ang itinanóng sa canilá. May handâ sa inyó ang inyóng nanay na isáng hapunang marapat sa mg̃a cura.
—¡Aayaw po caming paalisin ng̃ sacristan mayor hanggang hindî tumutugtog ang icawalóng horas—ang sagót ng̃ pinacamatandâ.—Hinihintay co pong másing̃il ang aking "sueldo" upang maibigay co sa aking iná.
—¡Ah! at ¿saán bâ cayó paparoon?
—Sa campanario pô upang dumublás sa mg̃a cálolowa.
—¿Pasasacampanario cayó? ¡cung gayó'y cayó'y mag-ing̃at! ¡howág cayóng lalapit sa mg̃a campanà hanggáng umúunos!
Umalís sa simbahan, pagcatapos na masundán ng̃ isáng titíg na may habág ang dalawáng batang pumapanhic sa mg̃a hagdanang patung̃o sa coro.
Kinuscós ni Tasio ang mg̃a matá, tuming̃ín ulî sa lang̃it at bumulóng: —Ng̃ayó'y dáramdamin cong mahulog ang mg̃a lintíc.
At nacatung̃óng pumaroon sa labás ng̃ báyang nag-iisip-isip.
Dumáan pô muna cayó!—ang sabi sa canyá sa wicang castílà ng̃ isáng matimyás na voces mulâ sa isáng bintanà.
Tumungháy ang filósofo, at canyáng nakita ang isáng lalaking may tatlompô ó tatlompo't limang taóng sa canyá'y ng̃umitî.
—¿Anó pô bâ ang inyóng binabasa riyán?—ang tanóng ni Tasio, na itinuturò ang isáng librong hawac ng̃ lalaki.
—Isáng librong pangcasalucuyan: ¡"Las penas que sufren las benditas ánimas del Purgatorio!"[218]—ang isinagót ng̃ causap na ng̃uming̃itî.
—¡Nacú! ¡nacú! ¡nacú!—ang wicâ ng̃ matandáng lalaki sa sarisaring "tono" ng̃ voces, samantalang pumapasoc sa báhay;—totoong matalas ang ísip ng̃ cumathâ niyán.
Pagcapanhíc niyá ng̃ hagdanan ay tinanggáp siyá ng̃ boong pakikipag-ibigan ng̃ may báhay na lalaki at ng̃ canyáng asawa. Don Filipo Lino ang pang̃alan ng̃ lalaki at Doña Teodora Viña namán ang babae. Si Don Filipo ang siyáng teniente mayor at siyáng púnò ng̃ isáng "partidong" halos ay "liberal"[219], sacali't matatawag itó ng̃ gayón, at cung sacaling mangyayaring magcaroon ng̃ mg̃a "partido" sa mg̃a bayan ng̃ Filipinas.
—¿Nakita pô ba ninyó sa libing̃an ang anác ng̃ nasirang si Don Rafael na bagong carárating na galing sa Europa?
—Opò, nakita co siyá, ng̃ siyá'y lumúlunsad sa coche.
—Ang sabihana'y naparoo't upang hanapin ang pinaglibing̃án sa canyáng amá ... Marahil cakilakilabot ang canyáng pighatî ng̃ maalaman....
Ikinibít ng̃ filósofo ang canyáng mg̃a balicat[220].
—¿Hindî pô bà dináramdam ninyó ang casaliwâang palad na iyan?—ang tanóng ng̃ guinoong babaeng bátà pa.
—Talastás na pô ninyóng acó'y isá sa anim na nakipaglibing sa bangcáy; acó ang humarap sa Capitan General ng̃ aking makitang ang lahát dito'y hindî umíimic sa gayóng calakilakihang capusung̃án, gayóng cailán ma'y minamagaling co ang paunlacán ang táong mabait cung nabubuhay pa cay sa cung patáy na.
—¿Cung gayó'y bakit?
—Datapuwa't hindî pô acó sang-ayon sa pagmamanamana ng̃ caharîan. Alang-álang sa caunting dugong insíc na bigáy sa akin ng̃ aking iná, sumasang-ayon acó ng̃ cauntî sa caisipan ng̃ mg̃a insíc: pinaúunlacan co ang amá dahil sa anác, ng̃uni't hindî ang anác dahil sa amá. Na ang bawa't isá'y tumanggáp ng̃ gantíng pálà ó ng̃ caparusahán dahil sa canyáng mg̃a gawâ; datapuwa't hindî dahil sa mg̃a gawà ng̃ ibá.
—¿Nagpamisa pô bâ cayó ng̃ patungcol sa inyóng nasírang asawa, alinsunod sa hatol co sa inyó cahápon?—ang itinanóng ng̃ babae nagbago ng̃ pinasasalitaanan:
—¡Hindî!—ang sagót ng̃ matandáng lalaking ng̃uming̃iti.
—¡Sayang!—ang isinagót ng̃ babaeng tagláy ang túnay na pagpipighatî;—casabiháng hanggang sa icasampong oras ng̃ umaga búcas, ang mg̃a calolowa'y malayang naglilibot at naghihintay ng̃ sa canilá'y pagbibigáy guinhawa ng̃ mg̃a buháy; na ang isáng misa sa mg̃a panahóng itó'y catimbáng ng̃ limá ó anim na misa sa mg̃a ibáng araw ng̃ isáng taón, ayon sa sabi ng̃ cura, caninang umaga.
—¡Mainam! ¿Sa macatuwíd ay mayroon tayong isáng caaliw-alíw na taning na dapat nating samantalahin?
—¡Ng̃uni't Doray!—ang isinabad ni Don Filipo;—talastas mo ng̃ hindî naniniwálà si Don Anastasio sa Purgatorio.
—¿Na hindî acó naniniwalà sa Purgatorio?—ang itinutol ng̃ matandáng lalaking tumitindig na sa canyáng upuan.—¡Diyata't pati ng̃ "historia" ng̃ Purgatorio'y aking nalalaman!
—¡Ang historia ng̃ Purgatorio!—ang sinabing puspós ng̃ pagtatacá ng̃ mag-asawa. ¡Tingnán ng̃â natin! ¡Saysayin ninyó sa amin ang historiang iyán!
—¿Hindî palá ninyó nalalaman ay bakit cayo'y nang̃agpapadalá roon ng̃ mg̃a misa at inyóng sinasabi ang mg̃a pagcacahirap doon? ¡Magaling! yamang nagpapasimulâ na ng̃ pag-ulán at tíla mandín tátagal, magcacapanahón tayo upang howag tayong mayamót—ang isinagót ni Tasio, at saca nag-isíp-ísip.
Itiniclóp ni Don Filipo ang librong canyáng tang̃an, at umupô sa canyáng tabi si Doray, na náhahandang huwag maniwálà sa lahát ng̃ sasabihin ni Tasio. Nagpasimulâ itó sa paraang sumusunod:
—Malaon pang totoo bago manaog ang ating Pang̃inoong Jesucristo'y may Purgatorio na, at ito'y na sa calaguitnaan ng̃ lúpà, ayon cay párì Astete, ó sa malapit sa Cluny, ayon sa monjang sinasabi ni párì Girard, datapuwa't hindî ang may cahulugan dito'y ang kinalalagyan. Magaling, ¿sinosino ang mg̃a nasásanag sa apoy na iyóng nag-aalab mulâ ng̃ lalang̃ín ang sanglibutan? Pinapagtitibay ang caunaunahang pagcacatatág ng̃ Purgatorio ng̃ Filisofía Cristiana na nagsasabing walâ raw guinágawang bagong anó man ang Dios mulâ ng̃ magpahing̃aláy siyá.
—Mangyayaring nagcaroong "in potentia"[221]; datapuwa't hindî "in actu"[222], ang itinutol ng̃ teniente mayor.
—¡Magalíng na magalíng! Gayón ma'y sasagutin co cayóng may iláng nacakilala ng̃ Purgatorio na talagang mayroon na "inactu", ang isá sa canilá'y si Zarathustra ò Zoroastro[223], na siyang sumulat ng̃ isáng bahagui ng̃ "Avestra"[224] at nagtatag ng̃ isáng religióng sa mg̃a tang̃ing bagay nacacahawig ng̃ atin at alinsunod sa mg̃a pantas, si Zarathustra'y sumilang na nauna cay Jesucristo ng̃ walóng daang taón ang cauntian. Ang cauntian ang wícà co, sa pagca't pagcatapos na masiyasat ni Platón[225], Xanto de Lidia Plinio[226], Hermipos at Eudoxio,[227] inaacalà niláng nauna si Zarathustra cay Jesucristo ng̃ dalawang libo at limáng daan taón. Sa papaano mang bagay, ang catotohana'y sinasabi na ni Zarathustra ang isáng bagay na nawawang̃is sa Purgatoria, at naghahatol siyá ng̃ mg̃a paraan upang macaligtás doon. Matútubos ng̃ mg̃a buháy ang mg̃a calolowang namatáy sa casalanan, sa pagsasalitâ ng̃ mg̃a nasasaysay sa "Avestra" at gumawâ ng̃ mg̃a cagaling̃an; datapuwa't kinacailang̃ang ang mananalang̃in ay isáng camág-ánac ng̃ nasírà hanggang sa icaapat na salin. Ang panahóng táning sa bágay na itó'y sa taón taón, tumátagal ng̃ limáng áraw. Nang malaon, ng̃ tumibay na sa bayan ang gayóng pananampalataya, napagwárì ng̃ mg̃a sacerdote sa religióng iyóng malakíng dî anó lamang ang pakikinabang̃in sa gayóng pananampalataya, caya't kinalacal nilá yaóng mg̃a "bilangguang ng̃itng̃it ng̃ dilím na pinaghaharìan ng̃ mg̃a pagng̃ang̃alit sa nagawang casalanan", ayon sa sabi ni Zarathustra. Ipinaalam ng̃â niláng sa halagáng isáng "derem", salapíng bahagyâ na ang halagá'y nababawas sa calolowa ang isáng táong pagcacasakit ng̃ dî cawásà; ng̃uni't sa pagca't ayon sa religiong iyó'y may mg̃a casalanang pinarurusahan ng̃ tatlóng daan hanggáng isáng libong taón, gaya ng̃ pagsisinung̃alíng, ng̃ pangdaráyà, at ng̃ hindî pagganáp sa naipang̃acò, at ibá pa, ang nangyari'y tumátanggap ang mg̃a balawîs na sacerdote ng̃ maraming millong "derems." Dito'y mapag-wawari na ninyó ang caunting bagay na nawawang̃is sa Purgatorio natin, bagá man mapagtatantò na ninyóng ang pinagcacaibha'y ang mg̃a religión.
Isáng kidlát na may casunód agád agád na isáng maugong na culóg ang siyáng nagpatindig cay Doray na nagsalitáng nagcucruz:
—¡Jesús, Maria y José! Maiwan co muna cayó; magsusunog acó ng̃ benditang palaspás at ng̃ mg̃a "candilang perdón".
Nagpasimulâ ng̃ pag-uláng tila ibinubuhos. Nagpatúloy ng̃ pananalitâ ang filósofo Tasio, samantalang sinusundan niyá ng̃ ting̃ín ang paglayô ng̃ may asawang babáeng bátà pa.
—Ng̃ayóng walâ na siyá'y lalong mapag-uusapan na natin ng̃ boong caliwanagan ang dahil ng̃ áting salitaan. Cahi't may cauntíng pagcamapamahîin si Doray, siyá'y magalíng na católica, at hindî co íbig na pumacnít sa púsò ng̃ pananampalataya: naíiba ang isáng pananampalatayang dalísay at wagás sa halíng na pananampalataya, túlad sa pagcacaiba ng̃ níng̃as at ng̃ úsoc, wáng̃is sa caibhán ng̃ música sa isáng gusót na caing̃ayan: hindî napagkikilala ang ganitong pagcacaiba ng̃ mg̃a halíng, na túlad sa mg̃a bing̃í. Masasabi náting sa ganáng átin ay magalíng, santo at na sa catuwiran ang pagcacahácà ng̃ Purgatorio; nananatili ang pagmamahalan ng̃ mg̃a patáy at ng̃ mg̃a buháy at siyáng nacapipilit sa lálong calinisan ng̃ pamumuhay. Ang casam-a'y na sa tacsil na paggamit ng̃ Purgatoriong iyán.
Ng̃uni't tingnán natin ng̃ayón cung bakit pumasoc sa catolicismo ang adhicáng itóng walâ sa Biblia at walâ rin sa mg̃a Santong Evangelio. Hindî binábangguit ni Moisés at ni Jesucristo caunti man lamang ang Purgatorio, at hindî ng̃a casucatán ang tang̃ing saysay na canilang sabing na sa mg̃a Macabeo, sa pagca't bucód sa ipinasiyá sa Concilio ng̃ Laodicea, na hindî catotohanan ang librong ito, ay nitó na lamang huling panahón tinanggap ng̃ Santa Iglesia Católica. Walâ ring nacacatulad ng̃ Purgatorio sa religión pagana. Hindî mangyayaring panggaling̃an ng̃ pananampalatayang itó ang casaysayang "Aliæ panduntor inanies" na totoong madalás bangguitín ni Virgilio[228] na siyáng nagbigáy dahil sa dakilang si San Gregorio[229] na magsalitâ ng̃ tungcól sa mg̃a cálolowang nalunod, at idagdág ni Dante[230] ang bagay na itó sa canyáng "Divina Comedia".
Walâ rin namáng nacacawang̃is ng̃ ganitóng caisipán sa mg̃a "brahman"[231], sa mg̃a "budhista"[232] at sa mg̃a egipcio mang nagbigáy sa Roma ng̃ caniláng "Caronte"[233] at ng̃ caniláng "Averno"[234]. Hindî co sinasaysay ang mg̃a, religión ng̃ mg̃a bayan ng̃ Ibabâ ng̃ Europa: ang mg̃a religióng itó, palibhasa'y religión ng̃ mg̃a "guerrero"[235], ng̃ mg̃a "bardo"[236] at ng̃ mg̃a máng̃ang̃aso[237], datapuwa't hindî religión ng̃ mg̃a filósofo, bagá man nananatili pa ang caniláng mg̃a pananampalataya at patí ng̃ caniláng mg̃a "rito"[238] na pawang nangálangcap na sa religión cristiana; gayón ma'y hindî nangyaring sumama silá sa hucbó ng̃ mg̃a tampalasang nangloob sa Roma, at hindî rin silá nangyaring lumuclóc sa Capitolio[239]: palibhasa'y mg̃a religión ng̃ mg̃a úlap, pawang nang̃apápawì sa catanghaliang sícat ng̃ araw.—Hindî ng̃â sumasampalataya sa Purgatorio ang mg̃a cristiano ng̃ mg̃a unang siglo: nang̃amámatay siláng tagláy iyáng masayáng pag-asang hindî na malalao't silá'y háharap sa Dios at makikita nilá ang mukhâ nitó. Si San Clemente na taga Alejandría[240], si Orígenes[241] at si San Irineo[242] ang siyáng mg̃a unang mg̃a párì ng̃ Iglesiang tila bumábangguít ng̃ Purgatorio, marahil sa pagcadalá sa canilá ng̃ akit ng̃ religión ni Zarathustra, na namumulaclac at totoong lumalaganap pa ng̃ panahóng iyón sa boong Casilang̃anan, sa pagca't malimit nating nababasa ang mg̃a pagsisi cay Orígenes, dahil sa canyáng malabis na paghílig sa mg̃a bagay sa Casilang̃anan. Guinagamit ni San Irineong pangpatibay sa pananampalataya sa Purgatorio, ang "pagcátira ni Jesucristong tatlóng araw sa cailaliman ng̃ lúpà," tatlóng araw na pagcapasa Purgatorio, at canyáng inaacála, dahil dito, na bawa't cálolowa'y dapat manatili sa Purgatorio hanggáng sa mabuhay na mag-ulî ang catawán, bagá man tila laban mandin sa bagay na itó ang "Hodie mecum eris in Paradiso[243]." Nagsasaysay rin namán si San Agustín, tungcól sa Purgatorio; datapowa't sacali't hindî niyá pinagtibay na tunay na mayroon ng̃â, gayón ma'y ipinalálagay niyang mangyayari ng̃ang magcaróon, sa pag-aacálà niyáng maipagpapatuloy hanggáng sa cabilang búhay ang tinátanggap nating mg̃a caparusahan sa búhay na itó, dahil sa ating mg̃a casalanan.
—¡Nacú namán si San Agustin!—ang sinabi ni Don Filipo;—¡hindî pa siyá magcacásiya sa tinitiis nating mg̃a hirap sa búhay na itó't ibig pa niyá ang magpatuloy hanggáng sa cabiláng-búhay!
—Ganyán ng̃a ang calagayan ng̃ bagay na ito: sumasampalataya ang ibá at ang ibá'y hindî. Bagá ma't sumáng-áyon na si San Gregorio, alinsunod sa canyáng "de quibusdam levibus culpis esse ante judicium purgatorius ignis credendus est," hindî rin nagcaroon ng̃ patuluyang catibayan ang Purgatorio, hanggang sa ng̃ ipasiyá ng̃ Concilio sa Florencia ng̃ taóng 1439, sa macatuwíd ay ng̃ macaraan na ang walóng daang taón, na dápat magcaroon ng̃ isáng apóy na pangdalísay ó panglínis sa mg̃a cálolowang bagá ma't namatáy na sumísinta sa Dios, ng̃uni't hindî pa lubós napagbabayaran ang Justicia ng̃ May Capal. Sa cawacasa'y ang Concilio Tridentino[244], sa ilalim ng̃ pang̃ung̃ulo ni Pio IV ng̃ taóng 1563, sa icalabinglimáng púlong ay ilinagdâ ang cautusán tungcól sa Purgatorio, na ang pasimula'y: "Cum catholica ecclesia Spiritu Sancto edocta etc.," na doo'y sinasabing ang mg̃a patungcól ng̃ mg̃a buháy, ang mg̃a panalang̃in, ang mg̃a paglilimós at iba pang mg̃a gawáng cabanalan ay siyáng mabibísang paraan upang mailigtás sa Purgatorio ang mg̃a cálolowa, bagá man sinasabing ang paghahayin ng̃ misa'y siyang lalong cagalinggaling̃an sa lahat. Gayón ma'y hindî sumasampalataya ang mg̃a protestante[245] sa Purgatorio, at gayon dín ang mg̃a páring griego[246], sa pagca't walâ siláng nakikitang pagbibigay catotohanan ng̃ Biblia[247], at sinasabi niláng binibigyáng wacás ng̃ camatayan ang taning upang macagawâ ng̃ mg̃a carapatán ó ng̃ mg̃a laban sa mg̃a carapatán, at ang "Quodcumque ligaberis in terra" hindî ang cahulugá'y "usque ad purgatorium" etc.; ng̃uni't dito'y maisásagot na sa pagcá't na sa calaguitnàan ng̃ lúpa ang Purgatorio, talagáng dapat mapasailalim ng̃ capangyarihan ni San Pedro. Datapuwa't hindî acó matatapos ng̃ pagsasaysay, cung sasalitain co ang lahát ng̃ mg̃a sabi tungcol sa bagay ni ìtó. Isáng araw na ibiguin pô ninyóng pagmatuwiranan natin ang bagay sa Purgatorio, magsadyâ, cayó sa aking báhay at doo'y babasahin natin ang mg̃a libro at tayo'y maláyà at payapang macapagpapalagayan ng̃ canícanyang catuwiran. Ng̃ayó'y yayao na acó: hindî co mapaghúlò cung bakit itinutulot ng̃ cabanalan ng̃ mg̃a crístiano ang pagnanacaw sa gabíng itó.—Cayóng mg̃a punong báyan ay nang̃agpapabayà sa ganitóng gawâ, at aking ipinang̃ang̃anib ang aking mg̃a libro. Cung sana'y nanacawin nilá sa akin upang caniláng basahin ay aking ipauubayà, datapuwa't marami ang nang̃ag-iibig na tupukin ang aking mg̃a libro, sa hang̃ád na gumanáp sa akin ng̃ isáng pagcacaawang gawâ, at dapat ng̃ang catacutan ang ganitóng pagcacaawang gawang carapatdapat sa califa[248] Omar[249]. Dahil sa mg̃a librong itó'y ipinalálagay ng̃ ibáng linagdaan na aco ng̃ parusa ng̃ Dios....
—¿Ng̃uni't inaacalà cong cayó po'y sumasampalataya sa parusa ng̃ Dios?—ang tanóng ni Doray na ng̃umíng̃itî at lumálabas na may dalang lalagyán ng̃ mg̃a bágang pinagsusunugan ng̃ mg̃a tuyóng dahón ng̃ palaspás, na pinagbubuhatan ng̃ nacayáyamot ng̃uni't masaráp na amóy na úsoc.
—¡Hindî co po alám, guinoong babae, cung anó ang gágawin sa akin ng̃ Dios!—ang isinagót ni matandáng Tasio na nag-iísip-ísip. Pagcâ acó'y naghihing̃alô na, iháhandog co sa canyá ang aking cataohang waláng camuntî mang tacot; gawín sa akin ang bawa't ibiguin. Ng̃uni't ma'y naiisip aco ...
—At ¿anó po ang naíisip ninyóng iyán?
—Cung ang mg̃a católico lamang ang tang̃ing mapapacagaling, at limá lamang sa bawa't isáng daang católico ang siyáng mápapacagaling, at sa pagca't ang dami ng̃ mg̃a católico'y icalabingdalawang bahagui ng̃ mg̃a nabubuhay na táo sa lúpà, sacali't paniniwalaan natin ang sinasabi sa mg̃a estadística[250], ¿ang mangyayari'y pagcatapos na mapacasamâ ang yuta-yutang mg̃a táong nabuhay sa daigdig sa boong dî mabilang na mg̃a siglong nagdaan, bago nanaog sa lúpà ang Mananacop, at pagcatapos na mamatay dahil sa atin ang Anác ng̃ isáng Dios, ng̃ayó'y lílima lamang ang mapapacagaling sa bawa't isáng libo't dalawáng daang táo? ¡Oh, tunay na tunay na hindî! ¡Minámagaling co pa ang magsaysay at sumampalatayang gaya ni Job: "¿Diyata't magpapacabagsíc icáw sa isáng inilílipad na dahon at pag-uusiguin mo ang isáng tuyóng layác?" ¡Hindî, hindî mangyayari ang gayóng casaliwaang pálad na calakilakihan! ¡Cung sampalatayanan ito'y isáng capusung̃án; hindî, hindî!
—¿Anóng inyóng gágawin? Ang Justicia, ang cadalisayan ng̃ Dios ...
—¡Oh, datapuwa't nakikita ng̃ Justicia at ng̃ Cadalisayan ng̃ Dios ang darating bago guinawâ ang paglikhâ sa Sangsinucob!—ang isinagót ng̃ lalaking matandang nang̃ing̃ilabot na tumindíg.—Ang boong kinapal, ang táo ay isáng linaláng sa isáng nais lamang ng̃ calooban; ng̃uni't hindî niyá kinacailang̃an, cayá't hindî ng̃â marapat na likhaín niyá, hindî, cung cacailang̃aning mapacasamâ sa waláng hanggáng casaliwaang palad ang daándaáng táo upang mapaligaya ang isá lamang, at ang lahát ng̃ itó'y dahil sa mg̃a minanang casalanan ó sa sandalíng pagcacasala, ¡Hindî! Cung iyá'y maguiguing catotohanan, sacalín na ninyo't patayin iyáng inyóng anác na lalaking diya'y tumutulog; cung ang ganyáng pananampalataya'y hindî isáng malaking capusung̃áng lában sa Dios na iyáng dapat na maguíng siyáng Dakilang Cagaling̃an; pagcacágayó'y ang Molok fenicio na ang kinacai'y ang inihahayin sa canyáng mg̃a pinápatay na táo at ang dugóng waláng-malay-sála, at sinususunog sa canyáng tiyán ang mg̃a sanggól na inagaw sa dibdib ng̃ caniláng mg̃a iná, ang mamamatay-táong dios na iyán, ang dios na iyáng calaguimlaguím, cung isusumag sa Canyá'y masasabing isáng dalagang mahinà ang loob, isáng caibigang babae, ang iná ng̃ Sangcataohan!
At puspós ng̃ panghihilacbót, umalís sa báhay na iyón ang ul-ól ó ang filósofo, at tumacbó sa lansang̃an, bagá man umuulan at madilím.
Isáng nacasisilaw na kidlát na caacbáy ng̃ isáng cagutlaguitlang culóg na nagsabog sa impapawid ng̃ pangpatáy na mg̃a lintic ang siyáng tumangláw sa matandáang lalaking nacataás ang mg̃a camáy sa lang̃it, at sumísigaw:
—¡Tumututol icaw! ¡Talastas co nang hindî ca mabang̃ís; talastas co nang ang dapat co lamang itawag sa iyo'y SI MABAIT!
Nag-iibayo ang mg̃a kidlát, lalong lumálacas ang unós....


XV.
ANG MGA SACRISTAN
Bahagyâ na ang patláng ng̃ dagundóng ng̃ mg̃a culóg, at pinang̃ung̃unahan bawa't culóg ng̃ cakilakilabot na namimilipit na lintíc: masasabing isinusulat ng̃ Dios ang canyáng pang̃alan sa pamamag-itan ng̃ isáng súnog at ang waláng hanggáng bubóng ng̃ láng̃it ay nang̃íng̃inig sa tacot. Ang ula'y parang ibinubuhos, at sa pagca't hináhampas ng̃ háng̃ing humahaguing ng̃ lubháng malungcót, báwa't sandali'y nagbabago ng̃ tinutung̃o. Ipinaríring̃ig ng̃ mg̃a campána, ng̃ voces na tagláy ang malaking laguím, ang caniláng mapangláw na hibíc, at sa sandasandalíng ínihihimpil ng̃ nang̃agbábang̃is na mg̃a culóg ang caniláng matunóg na atúng̃al, isáng malungcót na tugtóg ng̃ campánà, na daíng ang catúlad, ang siyáng humahagulgól.
Nang̃asaicalawáng sáray ng̃ campanario ang dalawáng bátang nakita náting caúsap ng̃ filósofo. Ang pinacabátà sa canilá, na may malalakíng matáng maitím at matatacutíng mukhâ, pinipilit na idigkít niyá ang canyáng catawán sa catawán ng̃ canyáng capatîd, na totoong nacacawang̃is niyá ang pagmumukhâ, at ang caibhán lamang ay malálim tuming̃ín at may pagcaanyóng matápang. Ang pananamit ng̃ dalawá'y dukháng-dukhâ at puspós ng̃ mg̃a sursi at tagpî. Nang̃a-uupô sa capirásong cáhoy at capuwâ may tang̃ang isáng lubid na ang dúlo'y na sa icatlóng sáray, doon sa itáas, sa guitnâ ng̃ cadilimán. Ang uláng itinutulac ng̃ háng̃in ay dumárating hanggáng sa canilá at pinapamímisic ang isáng upós ng̃ candilang nag-aalab sa ibábaw ng̃ isáng malakíng bató na caniláng pinagugulong sa coro, upang huwarán ang úgong ng̃ culóg, cung Viernes Santo.
—¡Batakin mo ang iyóng lúbid, Crispin!—anáng capatíd na matandâ sa bátà niyáng capatíd.
Nag-alambitin sa lúbid si Crispin, at nárinig sa itáas ang isáng daíng na mahinà, na pagdáca'y natacpán ng̃ isáng culóg, na ang úgong ay pinarami ng̃ libolibong aling̃awng̃áw.
—¡Ah! ¡cung na sa báhay sana táyong casáma ng̃ nánay!—ang ibinuntóng hining̃á ng̃ maliit na tinítingnan ang canyáng capatíd;—doo'y hindî acó matatacot.
Hindî sumagót ang matandáng capatíd; minámasdan cung paáno ang pagtúlò ng̃ pagkit at tíla mandin may pinag-iisip.
—¡Doo'y walà sino mang nagsasabi sa aking acó'y nagnanácàw!—ang idinugtóng ni Crispin;—¡hindî itutulot ng̃ nánay! ¡Cung maalaman niyáng aco'y pinapalò....!
Inihiwaláy ng̃ matandáng capatíd ang canyáng mg̃a matá sa ning̃as ng̃ ílaw, tuming̃alâ, pinang-guiguílan ng̃ cagát ang malaking lúbid at bago bigláng binaltác, at ng̃ magcagayo'y náring̃ig ang matunóg na tugtóg ng̃ campánà.
—¿Mananatilî bâ tayo sa ganitóng pamumúhay, cacâ?—ang ipinatúloy ni Crispin. ¡Ibig co sánang magcasakit acó búcas sa báhay, ibig cong magcasakít acó ng̃ malaón at ng̃ acó'y alagâan ng̃ nánay at huwág na acóng pabalikín ulî sa convento! ¡Sa ganitó'y hindî acó pang̃ang̃anlang magnanácaw at waláng háhampas sa akin! At icáw man, cacâ, ang mabuti'y magcasakit cang casáma co.
—¡Howag!—ang sagót ng̃ matandáng capatíd;—mamámatay táyong lahát: mamámatay sa pighatî ang nánay at cata'y mamámatay ng̃ gútom.
Hindî na sumagót ulî si Crispin.
—¿Gaáno bâ ang sasahurin mo sa bowáng ito?—ang tanóng ni Crispin ng̃ macaraan ang sandalî.
—Dalawáng piso: tatlóng multa ang ipinarusa sa akin.
—Bayaran mo na ang sinasabi niláng ninácaw co, at ng̃ huwag táyong tawáguing mg̃a magnanacaw; ¡bayáran mo na, cacâ!
—¿Naúulol ca bâ, Crispín? Waláng macacain ang nánay; ang sabi ng̃ sacristan mayor ay nagnacaw ca raw ng̃ dalawáng onza, at ang dalawang onza ay tatlompo't dalawáng piso.
Bumilang ang malíit sa canyáng mg̃a dalírì hanggáng sa dumating sa tatlompo't dalawá.
—¡Anim na camáy at dalawáng dalírì! At bawa't dalírì ay piso—ang ibinulóng na nag-iisip-iísip.—At bawa't piso ... ¿iláng cuarta?
—Isáng dáan at anim na pô.
—¿Isáng dáa't ánim na pong cuarta? ¿Macasandaan at ánim na pong isáng cuarta? ¡Nacú! ¿At gaano ang isáng dáa't ánim na pô?
—Tatlompô at dalawáng camáy—ang sagót ng̃ matandáng capatíd.
Sandalíng pinagmasdán ni Crispín ang maliliit niyáng camáy.
—¡Tatlompô at dalawáng camáy!—ang inuulit úlit—ánim na camáy at dalawang dalírì, at bawa't dalírì ay tatlompô at dalawáng camáy ... at bawa't dalírî ay isáng cuarta ...¡Nacú gaáno caráming cuarta niyán! Hindî mabibilang ng̃ isá sa loob ng̃ tatlông áraw ...at macabíbili ng̃ sinelas na úcol sa mg̃a paa at sombrerong úcol sa úlo, pagcâ umiinit ang áraw, at isáng malakíng páyong pagca umúulan, at pagcain, at mg̃a damít na úcol sa iyo at sa nánay at....
Nag-isíp-ísip si Crispin.
—¡Ng̃ayó'y dináramdam co ang hindî co pagnanácaw!
—¡Crispin!—ang ipinagwícà sa canyá ng̃ canyáng capatíd!
—¡Huwág cang magálit! Sinabi ng̃ curang pápatayin daw acó ng̃ pálò pag hindî sumipót ang salapî; cung ninácaw co ng̃a sána ang salapíng iyó'y aking maisisipot ...¡at cung sacali't mamatáy acó, magcaroon man lamang icáw at ang nánay ng̃ mg̃a damít!...
—¡Sáyang at hindî co ng̃â ninácaw!
Hindî umimíc ang pinacamatandâ at hiníla ang canyáng lúbid. Pagcatapos ay nagsalitáng casabáy ang buntóng hining̃á.
—¡Ang ikinatatacot co'y bacâ, cagalitan ca ng̃ nánay cung maalaman!
—¿Sa acálà mo cayâ?—ang tanóng ng̃ malíit na nagtátaca.—Sabíhin mong maigui ang pagcabugbog sa akin, ipakikita co ang aking mg̃a pasâ at ang punít cong bulsá: hindî acó nagcaroon cailan man cung dî isáng cuarta lámang na ibinigay sa akin niyóng pascó at kinúha sa akin cahapon ng̃ cura ang isáng cuartang iyón. ¡Hindî pa acó nacacakita ng̃ gayón cagandáng isáng cuarta! ¡Hindî maniniwálà ang nánay! ¡hindî maniniwalà!
—Cung ang cura ang magsabi....
Nagpasimulâ, ng̃ pag-iyác si Crispín, at ibinúbulong sa guitnâ ng̃ paghagulhól:
—Cung gayó'y umuwî ca ng̃ mag-isá; aayaw acóng umuwî. Sabihin mo sa nánay na acó'y may sakít; aayaw acóng umuwî.
—¡Crispín, huwág cang umiyác!—anang matandáng capatíd.—Hindî maniniwalà ang nánay; huwág cang umiyác; sinabi ni matandáng Tasiong may handâ raw sa ating masaráp na hapúnan.
Tuming̃alâ si Crispín at pinagmasdán ang capatíd.
—¡Isáng masaráp na hapúnan! Hindî pa acó nanananghalîan: áayaw acóng pacanin hanggáng hindî sumísipot ang dalawáng onza ... Datapuwa't ¿cung maniwalà ang nánay? Sabíhin mong nagsisinung̃alíng ang sacristan mayor, at ang curang maniwalà sa canyá'y sinung̃aling din, na siláng lahát ay sinung̃aling; na sinasabi niláng magnanacaw daw tayong lahát, sa pagca't ang tátay natin ay "viciosong".
Ng̃uni't sumúng̃aw ang isáng úlo sa maliit na hagdáng patung̃ó sa pang̃ulong aáray ng̃ campanario, at ang úlong itó, na cawang̃is ng̃ cay Medusa[251], ang siyáng bigláng humárang ng̃ salitâ sa mg̃a lábì ng̃ bátà. Yaó'y isáng úlong habâ, payát, na may mahahabang buhóc na maitím; salamíng azul sa matá ang siyáng cumúcublí ng̃ pagca bulág ang isáng matá. Yaón ang sacristán mayor, na talagáng gayón cung pakita, waláng íng̃ay, hindî nagpáparamdam ng̃ pagdatíng.
Nanglamíg ang magcapatíd.
—¡Minumultahán catá, Basilio, ng̃ caháti, dáhil sa hindî mo pagtugtóg ng̃ maayos!—ang sábi ng̃ voces na malagunlóng na tíla waláng campanà sa lalaugan.—At icáw, Crispín, mátira ca rito ng̃ayóng gabí hanggáng sa sumipót ang iyóng ninácaw.
Tiningnán ni Crispín ang canyáng capatíd, na parang siyá'y humihing̃ing tangkílic.
—Binigyán na camí ng̃ capahintulutan ... hiníhintay pô camí ng̃ nánay sa á las ocho—ang ibinulóng ni Basiliong tagláy ang boong cakimîan.
—¡Icáw man namán ay hindî macaaalís sa icawalóng oras; hanggáng sa icasampô!
—Ng̃uni't talastás na pô ninyóng hindî nacapaglálacad pagca á las nueve na, at maláyò ang báhay.
—At ¿ibig mo yatang macapangyari pa cay sa ákin?—ang itinanóng na galít ng̃ táong iyón. At hinawacan si Crispín sa bísig at inacmàang caladcarín.
—¡Guinoo! ¡may isáng linggó na pô ng̃ayóng hindî namin nakikita ang aming iná!—ang ipinakiusap ni Basilio, at tinang̃nán ang canyáng bátang capatíd na ang anyó'y íbig ipagsanggaláng itó.
Nailayô ang canyáng camáy ng̃ sacristán mayor sa isáng tampál, at sacâ kinaladcád si Crisping nagpasimulâ ng̃ pag-iyác, at nagpatinghigâ, samantalang sinasabi sa canyáng capatíd:
—¡Huwág mo acóng pabayâan, pápatayin acó nilá!
Ng̃uni't hindî siyá pinansín ng̃ sacristan, kinaladcád at nawalâ siyá sa guitnâ ng̃ cadilimán.
Nátira si Basiliong hindî man lamáng macapagsalitâ. Nárinig niyá, ang mg̃a pagcacáhampáshampás ng̃ catawán ng̃ canyáng capatíd sa mg̃a baitang ng̃ maliit na hagdanan, isáng sigáw, iláng tampál, at unti-unting napáwì sa kanyáng taing̃a ang gayóng mg̃a pagsigáw na nacaháhambal.
Hindî humíhing̃a ang bátà: nacatindíg na nakíkinig, dilát na dilát ang mg̃a matá, at nacasuntóc ang mg̃a camáy.
—¿Cailán bagá cayâ acó macapag aaráro ng̃ isáng búkid?—ang maráhang ibinúbulong, at dalîdaling nanáog.
Pagdatíng sa coro'y nakiníg ng̃ maigui: lumálayô ng̃ boong catulinan ang voces ng̃ canyáng capatíd, at ang sigáw na: "¡nánay!" "¡cacâ!" ay nawaláng lubós pagcasará ng̃ pintô. Nang̃áng̃atal, nagpapawis, sandalî siyáng tumiguil; kinácagat niyá ang canyáng camao upang lunúrin ang isáng sigáw na nagtutumácas sa canyáng púsò at pinabayaan niyáng magpaling̃apling̃ap ang canyáng mg̃a matá sa nag-aagaw dilím at liwanag na simbahan. Doo'y malamlám ang ning̃as ng̃ ílaw na lang̃ís sa "lámpara"; na sa guitnâ, ang "catafalco"; sará ang lahát ng̃ mg̃a pintuan, at may mg̃a rejas ang mg̃a bintánà.
Dî caguinsaguinsa'y nanhíc sa maliit na hagdán, linampasán ang pang̃alawang sáray, na kinalalagyan ng̃ nagnining̃as na candílà, nanhíc sa icatlóng sáray. Kinalás ang mg̃a lúbid na nacatálî sa mg̃a "badajo" (pamaltóc ng̃ campánà), at pagcatapós ay mulíng nanáog na namúmutlâ; ng̃úni't cumíkinang ang canyáng mg̃a matá'y hindî sa mg̃a lúhà.
Samantala'y nagpapasimulâ ng̃ pagtílà ang ulán at untiunting lumiliwanag ang láng̃it.
Pinagdugtong ni Basilio ang mg̃a lubid, itinálì ang isáng dúlo sa isáng maliit na pinacahalígui ng̃ "barandilla", at hindî man lámang naalaalang patayín ang ílaw, umus-ós sa lubid sa guitnâ ng̃ cadilimán.
Nang macaraan ang iláng minuto, sa isá sa mg̃a dáan sa báyan, ay nacárinig ng̃ mg̃a voces at tumunóg ang dalawáng putóc; ng̃uni't síno ma'y waláng natigatig, at mulíng tumahimic na lahát.