

XLIII.
MGA PANUCALA.
Hindi niya pinansin ang sino man, tuloytuloy siya sa higaan ng̃ may sakit, at saca niya hinawacan ang camay nito:
—¡Maria!—ang canyang sinabi ng̃ hindi maulatang pag-irog, at bumalong sa canyang mg̃a mata ang mg̃a luha;—¡Maria, anac co, hindi ca mamamatay!
Binucsan ni Maria ang canyang mg̃a mata at tiningnan siya ng̃ tanging pagtataca.
Sino man sa mg̃a nacacakilala sa franciscano'y hindi nang̃aghihinala man lamang na siya'y may taglay ng̃ gayong lubhang mg̃a caguiliwguiliw na damdamin; hindi inaacala ng̃ sino mang sa ilalim ng̃ gayong matigas at magaspang na anyo'y may tangkilic na isang puso.
Hindi nacapanatili roon si pari Damaso, at umiiyac na parang musmos na lumayo sa dalaga. Tinung̃o niya ang "caida" upang doo'y maibulalas niya ang canyang capighatian, sa lilim ng̃ mg̃a gumagapang na halaman sa durung̃awan ni Maria Clara.
—¡Pagcalakilaki ng̃ canyang pag-ibig sa canyáng inaanac!—ang sapantaha ng̃ lahat.
Pinagmamasdan siya ni fray Salví na hindi cumikilos at hindi umiimic, at nang̃ang̃agat labi ng̃ bahagya.
Ng̃ anyóng natatahimic na si pari Dámaso'y ipinakilala sa canya ni doña Victorina ang binatang si Linares, na sa canyá'y magalang na lumapit.
Waláng imic na pinagmasdan siya ni pari Dámaso, mula sa mg̃a paa hangang úlo, inabot ang súlat na sa canya'y iniabot ni Linares, at binasa ang lihim na iyóng anaki'y hindi napag-uunawa ang lamán, sa pagca't tumanóng
—¿At sino po ba cayó?
—Acó po'y si Alfonso Linares, na inaanac ng̃ inyóng bayáw ...—ang pautál na sinabi ng̃ binata.
Lumiyad si pari Dámaso, mulíng minasdan ang binata, sumaya ang mukha at nagtindíg.
—¡Aba, icaw palá ang inaanac ni Carlicos!—ang biglang sinabi at siya'y niyacap; halica't ng̃ kita'y mayacap ... may ilang, araw lamang na catatanggap co pa ng̃ canyang sulat ... ¡abá, icaw palá! Hindi catá nakikilala ... mangyari baga, hindi ca pa ipinang̃ang̃anac ng̃ aking lisanin ang lupaing iyón; ¡hindi cata nakilala!
At pinacahihigpit ng̃ canyáng matatabang mg̃a bisig ang binata, na namúmula, ayawan cung sa cahihiyan ó sa pagcainís. Tila mandin nalimutan ng̃ lubós ni pari Dámaso ang canyáng pighati.
Ng̃ macaraan ang iláng sandali ng̃ pagpapakita ng̃ pagguiliw at pagtatanong sa calagayan ni Carlicos at ni Pepa, tumanóng si pari Dámaso:
—¡At ng̃ayon! ¿anó ang ibig ni Carlicos na gawin co sa iyó?
—Tila mandin may sinasabi sa sulat na caunting bagay ...,—ang muling sinabi ni Linares ng̃ pautál.
—¿Sa sulat? ¿tingnan co? ¡Abá, siya ng̃a! ¡At ang ibig ay ihanap catá ng̃ isáng catungculan at isáng asawa! ¡Hmm! ¡Catungculan ... catungculan, magaang; ¿marunong ca bang bumasa't sumulat?
—¡Tinanggáp co ang pagca abogado sa Universidad Central!
—¡Carambas! icaw pala'y isang picapleitos (mapang udyóc sa pag-uusapin) datapuwa't wala sa iyong pagmumukha ... tila ca isang mahinhing dalaga, ng̃uni't ¡lalong magaling! Datapuwa't bigyán catá ng̃ isang asawa ... ¡hm! ¡hmm! isang asawa....
—Padre, hindi po acó lubháng nagdadalidali,—ang sinabi ni Linares na nahihiya.
Datapuwa't si pari Dámaso'y nagpaparoo't parito sa magcabicabilang dúlo ng̃ caida, na ito ang ibinúbulong:—¡Isang asawa, isáng asawa!
Hindi na malungcot at hindi naman masaya ang canyang mukha; ng̃ayo'y nagpapakilala ng̃ malaking cataimtiman at wari'y may iniisip. Pinagmamasdan ni pari Salví ang lahat ng̃ ito mula sa malayo.
—¡Hindi co acalaing macapagbibigay sa akin ng̃ malaking capighatian ang bagay na ito!—ang ibinulong ni pari Dámaso ng̃ tinig na tumatang̃is;—datapuwa't sa dalawang casamaa'y dapat piliin ang pinacamaliit.
At lumapit cay Linares at saca inilacas ang pananalita:
—Halica, bata,—anya:—causapin nata si Santiago.
Namutla si Linares at cusang napahila sa sacerdote, na nag-iisipisip sa paglacad.
Ng̃ magcagayo'y humalili naman sa pagpaparoo't parito sa caida si pari Salví, na naggugunamgunam ayon sa dati niyang caugalian.
Isang tinig na sa canya'y nagbibigay ng̃ magandang araw ang siyang nagpahinto ng̃ canyang capaparoo't parito: tumunghay at ang nakita niya'y si Lucas, na sa canya'y bumati ng̃ boong capacumbabaan.
—¿Anó ang ibig mo?—ang tanong ng̃ mg̃a matá ng̃ cura.
—Among, ¡aco po ang capatid ng̃ namatay sa caarawan ng̃ fiesta!—ang sagot na cahapishapis ni Lucas.
Umudlot si pari Salví.
—¿At ano?—ang ibinulong na bahagya na maring̃ig.
Nagpupumilit umiyac si Lucas at pinapahid ng̃ panyo ang canyang mg̃a mata.
—Among,—ang sinabing nagtutumang̃is,—¿naparoon po aco sa bahay ni don Crisóstomo upang huming̃i ng̃ cabayaran sa búhay ..., ipinagtabuyan muna aco ng̃ sicad, at ang sabi'y aayaw raw siyang magbayad ng̃ ano man, sa pagca't nang̃anib daw siyang mamatay sa sala ng̃ aking guiliw at cahabaghabag na capatid. Nagbalic po acó ó cahapon, ng̃uni't siya'y nacapasa Maynila na, at nag-iwan ng̃ limang daang piso upang ibigay sa akin, parang isang caawang-gawa, at ipinagbiling huwag na raw bumalic aco cailan man! ¡Ah, among, limang daang piso sa aking caawa-awang capatid, limang daang piso, ah! ¡among!...
Ng̃ una'y pinakikinggan siya ng̃ cura na nagtataca at inuulinig ang canyang pananalita, saca untiunting nasnaw sa canyang mg̃a labi ang isang lubhang malaking nagpapawalang halaga at pag-alipusta, sa pagcamasid ng̃ gayong daya at paglambang, na cung nakita sana ni Lucas, marahil siya'y tumacas at nagtumacbo ng̃ boong tulin.
—¿At ano ang ibig mo ng̃ayon?—ang itinanong na casabay ang sa canya'y pagtalicod.
—¡Ay! among, sabihin po ninyo sa akin, alang-alang sa Dios, cung ano caya ang dapat cung gawin; sa tuwi na'y nagbibigay ang among ng̃ mabubuting mg̃a hatol....
—¿Sino ang may sabi sa iyo? Hindi icaw tagarito....
—¡Nakikilala ang among sa boong lalawigan!
Lumapit sa canya si pari Salví na nanglilisic ang mg̃a matá sa galit, itinuro sa canya ang lansang̃an at saca sinabi sa gulat na si Lucas:
—¡Humayo ca sa iyong bahay at pasalamat ca cay D. Crisostomo na hindi ca ipinabilanggo! ¡Lumayas ca rito!
Nalimutan ni Lucas ang canyang pagpapacunwari at bumulong:
—Abá ang isip co'y....
—¡Lumayas ca rito!—ang sigaw ni pari Salví na malaki ang galit.
—Ibig co po sanang makipagkita cay pari Dámaso....
—May gagawin si pari Dámaso ... ¡lumayas ca rito!—ang muling ipinagutos ng̃ matindi ng̃ cura.
Nanaog si Lucas na nagbububulong:
—¡Isa pa naman ito ... pagca siya'y hindi nagbayad ng̃ magaling!... Cung sino ang bumayad ng̃ magaling....
Nang̃agsidalo ang lahat, dahil sa malacas na catatalac ng̃ cura, pati ni pari Dámaso, ni capitan Tiago at ni Linares....
—¡Isang walang hiyang hampas-lupa, na naparitong nanghihing̃i ng̃ limos at aayaw magtrabajo!—ang sinabi ni pari Salví, na dinampot ang sombrero at bastón at tinung̃o ang convento.


XLIV.
PAGSISIYASAT NG CONCIENCIA.
Mahabang araw at malulungcot na mg̃a gabí ang guinawang pagtatanod sa ulunan ng̃ hihigán; nabinat si María Clara caracaracang matapos macapagcumpisal, at wala siyang sinasalita, sa boong canyang pagcahibang, cun di ang pang̃alan ng̃ canyang ina, na hindi niya nakikilala. Datapuwa't siya'y pinacaaalagaan ng̃ canyang mg̃a caibigang babae, ng̃ canyang amá at ng̃ canyang tía; nagpapadala ng̃ mg̃a pamisa at ng̃ mg̃a limos sa lahat ng̃ mg̃a larawang mapaghimala; nang̃aco si capitan Tiagong maghahandog ng̃ isang bastong guinto sa Virgen sa Antipolo, at sa cawacasa'y nagpasimula ng̃ untiunting paghibas ng̃ lagnat ng̃ boong cahusayan.
Nangguiguilalas ang doctor de Espadaña sa mg̃a cabisaan ng̃ jarabe de altea at ng̃ pinaglagaan ng̃ liquen, mg̃a panggamot na hindi binabago. Sa laking pagcatuwa ni doña Victorina sa canyang asawa, isang araw na natapacan nito ang cola ng̃ canyang bata, hindi niya nilapatan ng̃ caugaliang parusang bawian ng̃ panglagay na ng̃ipin, cun di nagcasiya na lamang na sa canya'y sabihin:
—¡Cung hindi ca pa naguing pilay, tatapacan mo pati ng̃ corsé!
—¡At hindi gumagamit ng̃ corsé si doña Victorina!
Isang hapon, samantalang dinadalaw ni Sinang at ni Victoria ang canilang caibigan, nang̃agsasalitaan naman sa comedor ang cura, si capitang Tiago at ang mag-anac ni doña Victorina, hanggang sila'y nang̃agmimirindal.
—Tunay ng̃ang aking dinaramdam ng̃ di cawasa,—ang sinasabi ng̃ doctor;—at daramdamin din namang totoo ni pari Dámaso.
—¿At saan po ang sabi ninyong siya'y ililipat nila?—ang itinanong ni Linares sa cura.
—¡Sa lalawigang Tayabas!—ang isinagot ng̃ cura ng̃ walang cabahalaan.
—Ang magdaramdam naman ng̃ malaki ay si María pagca canyang nalaman,—ani capitang Tiago;—siya'y canyang kinaguiguiliwang parang isang ama.
Tiningnan siya ng̃ pasuliyap ni fray Salvi.
—Inaacala co po among,—ang ipinagpatuloy ni capitang Tiago,—sa nagbuhat ang lahat ng̃ sakit na ito sa sama ng̃ loob na canyang tinanggap ng̃ araw ng̃ fiesta.
—Gayon din ang aking acala, at magaling po ang guinawa ninyo sa hindi pagpapahintulot na siya'y causapin ni Guinoong Ibarra; siya sana'y lalo ng̃ lumubha.
—At cung hindi sa amin,—ang isinalabat ni doña Victorina,—sumasalang̃it na sana si Clarita at nag-aawit na ng̃ mg̃a pagpupuri sa Dios.
—¡Amen Jesus!—ang inacala ni capitan Tiagong marapat sabihin.
—Inyo rin namang palad na hindi nagcaroon ang aking asawa ng̃ ibang may sakit na lalong mataas ang uri, sa pagca't cung nagcagayo'y napilitan sana cayong tumawag ng̃ iba, at dito'y pawang mg̃a hang̃al; ang aking asawa'y....
—Aking inaacala, at ipinagpapatuloy co ang aking sinabi,—ang isinalabat naman sa canya ng̃ cura,—na ang pagcapang̃umpisal ni María Clara ang siyang pinagbuhatan niyong magaling na pagbabago ng̃ canyang calagayan, na siyang sa canya'y nacapagligtas ng̃ buhay. Higuit sa lahat ng̃ gamot ang isang concienciang malinis, at pacaunawaing hindi co tinututulan ang capangyarihan ng̃ dunong, ¡lalong-lalo na ang dunong sa cirugía! ng̃uni't ang isang malinis na conciencia'y ... Basahin ninyo ang mg̃a banal na libro, at inyong makikita cung gaano ang mg̃a sakit na napagaling sa pamamag-itan lamang ng̃ isang mabuting confesión.
—Ipatawad po ninyo,—ang itinutol ni doña Victorina na nag-init,—ang tungcol diyan sa capangyarihan ng̃ confesión.... gamutin ng̃a po ninyo ang asawa ng̃ alférez ng̃ isang confesión.
—¡Isang sugat, guinoong babae,—ay hindi isang sakit na may ikinapangyayari ang conciencia!—ang isinagot ni pari Salví, na may halong poot;—gayon man, ang isang mabuting confesión ay macapaglalayo sa canya sa pagtanggap ng̃ mg̃a hampas na gaya ng̃ canyang mg̃a tinanggap caninang umaga.
—¡Sa canya'y marapat!—ang ipinagpatuloy ni doña Victorina, na parang hindi niya naring̃ig ang lahat ng̃ sinabi ng̃ pari Salví.—Napacawalang bait ang babaeng iyan! Sa simbaha'y wala ng̃ guinagawa cung di masdan aco, ¡mangyari bagá! siya'y isang babaeng walang capararacan; tatanung̃in co na sana siya niyong linggo cung mayroon acong mg̃a tautauhan sa mukha, ng̃uni't ¿sino ang magcacapol ng̃ dumi sa sarili sa pakikipag-usap sa taong walang uri?
Sa ganang sa cura, nama'y parang hindi niya naring̃ig ang lahat ng̃ mg̃a caltáb na ito, at nagpatuloy:
—Maniwala po cayo sa akin, don Santiago; ng̃ malubos na gumaling ang inyong anac ay kinacailang̃ang makinabang búcas; dadalhan co siya rito ng̃ viático ... inaacala cong wala siyáng ano mang dapat na ipang̃umpisal, gayon man ... cung ibig niyang mang̃umpisal ng̃ sandali ng̃ayong gabi....
—Ayawan co,—ang idinugtong agád ni doña Victorina, na sinamantala ang isang patlang ng̃ salitaan,—hindi co mapag-isip cung bakit may mg̃a lalaking nang̃agcacaroon ng̃ pusong mag-asawa sa gayong mg̃a panggulat, na gaya na ng̃a ng̃ babaeng iyan; cahi't malayo'y namamasid cang saan siya nanggaling; napagkikilalang namamatay siya ng̃ caingguitan; ¡mangyari baga! ¿gaano na ang sahod ng̃ isang alférez?
—Nalalaman na po ninyo, don Santiago, sabihin ninyo sa inyong pinsang ihanda ang may sakit sa pakikinabang bucas; paririto aco ng̃ayong gabi upang siya'y bigyang capatawaran sa mumunting casalanan....
At sa pagca't nakita niyang lamalabas si tía Isabel, pinagsabihan niya ito sa wicang tagalog:
—Ihanda po ninyo ang inyong pamangkin sa pang̃ung̃umpisal ng̃ayong gabi; dadalhan co siya rito bucas ng̃ viatico; sa ganya'y lalong madadali ang canyang paggaling.
—Ng̃uni, Padre,—ang ipinang̃ahas na itinutol ng̃ kimi ni Linares,—baca po niya acalaing siya'y nang̃ang̃anib na mamatay.
—¡Huwag po cayong mabahala!—ang sa canya'y isinagot na hindi siya tinitingnan;—nalalaman co ang aking guinagawa: marami ng̃ totoong may sakit ang aking inalagaan. Bucod sa roo'y sasabihin niya cung ibig niya ó hinding makinabang, at makikita ninyong siya'y paooo sa lahat.
Ang unauna'y napilitan si capitan Tiagong sa lahat ay paoo.
—Pumasoc si tía Isabel sa silid na kinalalagyan ng̃ may sakit.
Nananatili sa hihigan si María Clara, namumutla, totoong namumutla; na sa canyang tabi ang canyang dalawang caibigang babae.
—Cumain ca pa ng̃ isang bútil,—ang sa canya'y sabi ni Sinang ng̃ paanas, at sa canya'y ipinakita ang isang butil na maputi, na kinuha sa isang maliit na tubong cristal;—ang sabi niya'y pagca nacaramdam icaw ng̃ tunog ó hugong sa taing̃a mo'y iyong ihinto ang panggagamot.
—¿Hindi na ba sumulat uli sa iyo?—ang tanong na marahan ng̃ may sakit.
—¡Hindi, marahil siya'y totoong maraming guinagawa!
—¿Hindi ba nagpapasabi sa akin ng̃ ano man?
—Walang sinasabi cung di canyang pagpipilitang siya'y alsan ng̃ Arzobispo ng̃ excomunión upang....
Inihinto ang salitaan, sa pagca't dumarating ang tía.
—Sinabi ng̃ among na maghanda ca raw sa pang̃ung̃umpisal, anac co,—ani tía Isabel;—iwan ninyo siya at ng̃ magawa niya ang pagsisiyasat ng̃ canyang conciencia.
—¡Diyata't wala pa namang isang linggong nacapang̃ung̃umpisal siya!—ang tutol ni Sinang,—¡Aco'y walang sakít, datapuwa't hindi aco nagcacasala ng̃ lubhang malimit!
—¡Aba! ¿hindi ninyo nalalaman ang sabi ng̃ cura: nagcacasala ang banal ng̃ macapito sa maghapon? Hala, ¿ibig mo bang dalhin co rito sa iyo ang "Ancora", ang "Ramillete" ó ang "Matuwid na landas ng̃ pagpasa lang̃it"?
Hindi sumagot si María Clara.
—Hala, hindi ca mapapagod,—ang idinugtong ng̃ mabait na tía upang aliwin siya; aco na ang babasa ng̃ pagsisiyasat ng̃ conciencia, at wala cang gagawin cung di mag-alaala ng̃ mg̃a casalanan.
—¡Isulat mo sa canyang huwag na niya acong alalahanin!—ang ibinulong ni María Clara sa taing̃a ni Sinang, ng̃ ito'y nagpapaalam na sa canya.
—¿Ano iyon?
—Datapuwa't nasoc ang tía at napilitan si Sinang na lumayo, na hindi naunawa ang sinabi sa canya ng̃ canyang caibigan.
Inilapit ng̃ mabait na tía ang isang silla sa ilaw, naglagay ng̃ salamin sa mata sa dulo ng̃ canyang ilong, binucsan ang maliit na libro at nagsalita:
—Pakinggan mong magaling, anac co; pasisimulan co sa mg̃a utos ng̃ Dios; dadalang̃an co at ng̃ icaw ay macapaggunamgunam; cung sacali't hindi mo nariring̃ig na magaling ay sasabihin mo sa akin at ng̃ maulit co sa iyo; nalalaman mo ng̃ sa icagagaling mo'y hindi aco napapagal cailan man.
Nagpasimula ng̃ pagbasa, na ang tinig ay walang bagobago at anyong humal, ng̃ mg̃a pagdidilidili ng̃ mg̃a bagay na ipinagcacasala. Siya'y tumitiguil ng̃ matagal sa wacas ng̃ bawa't pangcat, upang mabigyang panahon ang dalaga sa pag-aalaala ng̃ canyang mg̃a casalanan at pagsisihan.
Minamasdan ni María Clara ang alang-alang na walang tinutucoy. Ng̃ matapos na ang unang utos na "ibiguin ang Dios na lalo sa lahat ng̃ bagay", hinihiwatigan siya ni tía Isabel sa ibabaw ng̃ canyang salamín sa mata, at ikinatutuwa niya ang anyong pagca nagdidilidili at nalulungcot. Banal na umubo, at pagcatapos ng̃ isang matagal na paghinto'y pinasimulan ang pang̃alawang utos. Bumabasa ng̃ taimtim sa loob ang mabait na matandang babae, at ng̃ matapos ang pagbubulaybulay, muling tiningnan ang canyang pamangkin, na untiunting ibinaling ang ulo sa cabilang daco.
—¡Bah!—ang sinabi sa sarili ni tía Isabel; dito sa "huwag magpahamac manumpa sa canyang santong pang̃ala'y" hindi ng̃a maaaring magcasala ang abang ito! Lumipat tayo sa icatlo.
At ang pang̃atlong utos ay pinagmunglaymunglay at pinagwaring magaling at binasa ang lahat ng̃ bagay na pinagcacasalanan ng̃ laban sa canya. Muli na namang tiningnan niya ang higaan; datapuwa't ng̃ayo'y itinaas ng̃ tía ang salamin, kinusot ang mg̃a matá; nakita niyang dinala ng̃ canyang pamankin ang panyo sa mukha at pinahid ang mg̃a luha.
—¡Hm!—anya,—¡ejem! Minsa'y natulog ang caawaawang ito samantalang nagsesermón.
At muling inilagáy sa dulo ng̃ canyang ilóng ang salamin niya sa mata, saca sinabi sa sarili:
—Tingnan natin cung hindi siya gumalang sa canyang ama't ina, na gaya ng̃ hindi niya pang̃ing̃ilin sa mg̃a fiesta.
At binasa ang icapat na utos ng̃ tinig na lalong madalang at lalo ng̃ pahumal, sa pagca't inaacala niyang sa gayong paraa'y lalo na niyáng binibigyang cadakilaan ang canyang gawa, na gaya ng̃ canyang nakitang inaasal ng̃ marami sa mg̃a fraile: hindi nakakapakinig kailan man si tía Isabel ng̃ pang̃ang̃aral ng̃ isang cuákero, sa pagoa't cung nagcagayo'y pinapang̃inig naman sana niya ang canyang catawan.
Samantala'y macailang dinala ng̃ dalaga ang panyo sa canyang mg̃a mata, at lalo ng̃ napapakingan ang lacas ng̃ canyang paghing̃a.
—¡Pagcagalinggaling na caluluwa!—ang iniisip sa sarili ng̃ matandang babae; ¡siya na lubhang masunurin at mapagpacumbaba sa lahat! Aco'y nagcasala ng̃ lalong marami cay sa canya, gayon may hindi aco nangyaring-mapaiyac ng̃ totohanan cailan man.
At pinasimulan niya ang icalimang utos, na lalong mahahaba ang paghinto at lalong ganap ang pagcahumal ng̃ pananalita, cay sa ng̃ una, sacali't maari pa, na sa pagsusumicap niyang mainam sa gayong gawa'y hindi niya naring̃ig ang paghagulhol na iniinis ng̃ canyang pamangkin. Sa isa lamang pagtiguil na canyang guinawa, pagcatapos ng̃ mg̃a pagcànilaynilay tungcol sa pagpatay sa capuwa tao sa pamamag-itan ng̃ sandata, naring̃ig niya ang mg̃a daing ng̃ macasalanan. Ng̃ magcagayo'y humiguit sa pagca dakila ang tinig, pinagpilitan niyang basahin ang nalalabing utos sa anyong nagbabala, at ng̃ mapanood niyang patuloy rin ang pag-iyac ng̃ caniyang pamangkin.
—¡Tumang̃is ca, anac, co, tumang̃is ca!—ang canyang sinabi, at siya'y lumapit sa higaan:—cung gaano calaki ang iyong pagtang̃is ay gayon din ang pagcadali ng̃ pagpapatawad sa iyo ng̃ Dios. Gamitin mo ang pighating "contrición" sa pagca't lalong magaling cay sa "atrición." ¡Tumang̃is ca, anac co, hindi mo nalalaman cung gaano ang aking galac na tinatamo sa panonood co ng̃ iyong pag-iyac! Pagdagucan mo naman ang iyong dibdib, huwag mo lamang calalacasan, sa pagca't may sakit ca pa.
Datapuwa't sa pagca't anaki'y mandin nagcacailang̃an ang pighati ng̃ pag-iisa at ng̃ pagca walang nacamamalay, upang lumala, ng̃ makita ni María Clarang siya'y nasubucan, untiunting tumiguil ng̃ pagbubuntong hining̃a, pinahid ang canyang mg̃a mata, na walang sinasabing ano man at hindi sumasagot sa canyang tía ng̃ cahi't cataga.
Ipinagpatuloy nito ang pagbasa, ng̃uni't sa pagca't huminto ang pagtang̃is ng̃ sa canya'y nakikinig, lumipas ang caalaban ng̃ canyang loob sa canyang gawa, at ang mg̃a huling utos ng̃ Dios ay nacapag-antoc sa canya at sa canya'y nacapaghicab, na ano pa't naguing malaking casiraan sa pananalitang pahumal na nacayayamot na sa gayo'y nahihinto.
—¡Hindi co mapaniniwalaan cung hindi co makikita!—ang iniisip sa sarili ng̃ matandang babae;—nagcacasalang tulad sa isang sundalo ang batang ito laban sa unang limang utos ng̃ Dios, datapuwa't hindi cahi't isang casalanang magaang man lamang mula sa icaanim hangang sa icasampo, ano pa't tumbalíc sa amin! ¡Cung paano na ang lacad ng̃ daigdig ng̃ayon!
At nagsindi ng̃ isang candilang malaki sa Virgen sa Antipolo at dalawang maliliit na candila sa Nuestra Señora del Rosario at sa Nuestra Señora del Pilar, na canyang inihiwalay roon muna at inilagay sa isang suloc ang isang garing na Santo Cristo, upang ipaunawang hindi dahil sa canya caya isinindi ang mg̃a candilang iyon. Hindi rin nacabahagui sa gayong bagay ang Virgen sa Delaroche: siya'y isang taga ibang lupaing hindi kilala, at hindi pa nacariring̃ig si tía Isabel ng̃ isa man lamang himala na canyáng guinawa.
Hindi namin nalalaman cung ano caya ang nangyari sa guinawang; confesión ng̃ gabing iyon; pinagpipitagan namin ang mg̃a lihim na iyan. Mahabang totoo ang cumpisal, at nahiwatigan ng̃ tíang mula sa malayo'y binabantayan ang pamangkin, na hindi ikinikiling ng̃ cura ang canyang taing̃a sa mg̃a salita ng̃ may sakit, cung di nacaharap sa mukha ni María Clara, at tila mandin wari ibig niyang basahin ó hulaan sa pagcagagandang mg̃a mata ng̃ dalaga ang mg̃a pag-iisip.
Lumabas sa silid si parì Salvíng namumutla't nang̃ing̃ilis ang mg̃a labi. Sino mang macapanood ng̃ canyang noong nagdidilim at pigta ng̃ pawis, mawiwicang siya ang nagcumpisal cay Maria Clara at hindi ng̃a narapat magcamit ng̃ capatawaran.
—¡Jesús, Maria, Josef!—ang sinabi ng̃ tía na nagcucruz;—¿sino ang macatataroc sa calooban ng̃ mg̃a kinabataan ng̃ayon?


XLV.
ANG MGA PINAG-UUSIG.
Tinatanglawan ng̃ isang malamlam na liwanag na inilalaganap ng̃ buwan at umulusot sa malalagong mg̃a sang̃a ng̃ mg̃a cahoy, ang isang lalaking naglalagalag sa cagubatan, na maraha't mahinahon ang lacad. Manacanaca at anaki baga'y ng̃ huwag maligaw, sumusutsot siya ng̃ isang tang̃ing tugtuguin, na ang caraniwa'y sinasagot ng̃ gayon ding sutsot sa dacong malayo. Matamang nakikinig ang lalaki, at ipinagpapatuloy, pagcatapos, ang paglacad na ang tinutunto'y ang malayong huni.
Sa cawacasan, ng̃ canyang maraanan ang libolibong mg̃a nacahahadlang cung gabi sa paglalacad sa isang gubat na hindi pa nalalacaran, siya'y dumating sa isang maliit na puang na naliliwanagang ganap ng̃ buwan sa icaapat na bahagui ng̃ canyang paglaki. Matataas na mg̃a malalaking batong buhay, na napuputung̃an ng̃ mg̃a cahoy ang siyang nacababacod sa paliguid, na ano pa't wari isang nababacurang panoorang naguiba; mg̃a cahoy na bagong putol, mg̃a punong naguing uling ang nacapupuno sa guitna, na nang̃ahahalo sa pagkalalaking mg̃a batong buhay, na kinucumutan ng̃ pacaposcapos ng̃ Lumikha ng̃ canyang culubong na mg̃a dahong verde ang culay.
Bahagya pa lamang cararating ng̃ lalaking di kilala'y siyáng paglabás namang bigla ng̃ isang lalaki rin sa licuran ng̃ isang malaking bató, lumapit at binunot ang isang revolver.
—¿Sino ca?—ang tanong sa wicang tagalog na mabalasic ang tinig, casabay ang pagtataas ng̃ "gatillo" ng̃ canyang sandata.
—¿Casama ba ninyo si matandàng Pablo?—ang sagot ng̃ bagong cararating na mahinahon ang tinig, na hindi sinagot ang catanung̃an at hindi nagugulumihanan.
—¿Ang capitan ba ang itinatanong mo? Oo, narito.
—Cung gayo'y sabihin mong narito si Elías at siya'y hinahanap,—anang lalaki na hindi iba cung di ang talinghagang piloto.
—¿Cayo po ba'y si Elías?—ang itinanong ng̃ canyang causap na taglay ang tang̃ing pagpipitagan, at saca lumapit, at gayon ma'y patuloy rin ang paguumang sa canya ng̃ bung̃ang̃a ng̃ revolver;—cung gayo'y ... halícayo.
Sumunód sa canyá si Elías.
Pumasoc silá sa isáng anyóng yung̃ib na palusóng sa cailaliman ng̃ lupa. Ipinauunawa sa piloto, ng̃ tagapamatnubay na nacacaalam ng̃ daan, cung palusóng, cung cailan dapat yumucód ó gumapang; gayón ma'y hindi nalao't sila'y nang̃agsirating sa isang may anyong salas, na bahagya na naliwanagan ng̃ mg̃a huepe, at ang nang̃aroroo'y labingdalawa ó labing limang lalaking may taglay na mg̃a sandata, marurumi ang mg̃a mukha at cagulatgulat ang mg̃a pananamit, na nacaupo ang mg̃a ibá, ang iba nama'y nacahiga, at nagsasalitaan ng̃ bahagya. Namamasdan ang isang matandang lalaking mapanglaw ang pagmumukha, nacapulupot sa ulo niyá ang isang bigkis na may dugo, nacalagay ang mg̃a sico sa isang batóng guinagawang pinaca mesa, at pinagninilay-nilay ang ilaw na sa gayong caraming usoc na ibinubuga'y bahagya na ang inilalaganap na liwanag: cung hindi sana talastas nating iyo'y isang yung̃ib ng̃ mg̃a tulisan, mawiwica natin, sa pagbasa ng̃ malaking pagng̃ang̃alit sa mukha ng̃ matandang lalaki, na siya ang Torre ng̃ Gútom sa araw na sinusundan ng̃ paglamon ni Ugolino sa canyang mg̃a anac.
Umanyong humilig ang nang̃ahihigang mg̃a lalaki ng̃ dumating si Elías at ang namamatnugot sa canya, datapuwa't sa isang hudyat nito'y nang̃agsitahimic at nang̃agcasiya na lamang sa pagmamasid sa piloto, na walang taglay na anó mang sandata.
Untiunting luming̃on ang matandang lalaki at ang natagpuan ng̃ canyang mg̃a mata'y ang nacapagpipitagang kiyas ni Elías, na nacapugay na siya'y pinagmamasdang puspós ng̃ calungcutan at pagbibigay halaga.
—¿Icao ba?—ang itinanong ng̃ matandang lalaki, na sumaya ng̃ caunti ang mg̃a mata ng̃ makilala ang binata.
—¡Sa anóng calagayan aking nasumpung̃an cayo!—ang ibinulong ni Elías sa babahagyang tinig at iguinagalaw ang ulo.
Hindi umimic ang matanda at tumung̃ó, humudyát ng̃ isa sa mg̃a tao, nanang̃agsitindig sila't lumayo, na canilang sinulyáp muna't sinucat ng̃ mg̃a mata ang taas at bicas ng̃ pang̃ang̃atawan ng̃ piloto.
—¡Tunay ng̃a!—ang sinabi ng̃ matandang lalaki ng̃ silang dalawa'y nagiisa na;—ng̃ cata'y patuluyin sa aking bahay, na may anim na buwan ng̃ayon, aco ang ng̃ panahóng iyo'y nahahabag sa iyo; ng̃ayo'y nagbago ang capalaran, ng̃ayo'y icaw namán ang nahahabag sa akin. Ng̃uni't umupo ca at sabihin mo sa akin cung bakit ca nacarating hang̃ang dito.
—May labing limang araw na ng̃ayong ibinalita sa akin ang nangyari sa inyong casacunaan,—ang madalang na isinagot ng̃ binata sa mahinang tinig, na ang ilaw ang siyang tinitingnan;—pagca alam co'y lumacad na agad acó, nagpacabicabila acó sa mg̃a cabunducan, halos dalawang lalawigan ang aking nalibot.
—Napilitan acong tumacas at ng̃ huwag magsabog ng̃ dugong walang malay; natatacot humarap ang aking mg̃a caaway at ang canila lamang inilalagay sa aking hirap ay ang ilang mg̃a caawaawa, na walang guinawa sa akin cahit caliitliitang casam-an.
Ng̃ macalampas ang sandaling hindi pag-imic na guinamit ni Elías sa pagbasa ng̃ mg̃a caisipang mapapanglaw sa mukha ng̃ matandang lalaki, nagpatuloy ng̃ pananalita ang binata:
—Naparito aco't ibig cong ipakiusap sa inyo ang isang bagay. Sa pagca't hindi aco nacasumpong, cahi't aking pinaghanap, ang bahagyang labi man lamang ng̃ mag-anac na may cagagawan ng̃ casawiang palad naming mag-anac, minagaling co ang iwan ang lalawigang aking tinatahanan upang tumung̃o sa dacong timugan at makisama sa mg̃a pulutong ng̃ mg̃a hindi binyagan at nabubuhay ng̃ boong kalayaan: ¿ibig po ba ninyong lisanin ang bagong pinasisimul-an ninyong pamumuhay at sumama sa akin? Lalagay acong tunay na inyong anac, yamang namatay ang anac po ninyo, at kikilalin co cayong ama, yamang wala na acong magugulang?
Umiling ang matanda ng̃ paayaw, at nagsalita:
—Sa gulang na aking dinating, pagca niyacap ng̃ calooban ang isang pasiyang cakilakilabot, ay dahil sa wala ng̃ sucat pagpaliiran. Isang taong gaya co, na guinamit ang canyang cabataan at ang canyang cagulang̃an sa pagpapagal at ng̃ camtan ang sariling guinhawa at ang sa mg̃a anac sa panahong hinaharap; isang taong nagpacumbaba sa lahat ng̃ mg̃a naguing calooban ng̃ canyang mg̃a puno, na tumupad ng̃ boong pagtatapat sa mabibigat na catungculan, na nagtiis ng̃ lahat upang mamuhay sa catahimican at sa isang catiwasayang mangyayaring camtan; pagca tinalicdan ng̃ ganitong taong pinalamig na ang dugò ng̃ panahon, ang lahat ng̃ canyang pinagdaanan at ang boong pagdaraanan pa, at sumasa mg̃a pampang̃in na ng̃ libing̃an, ay sa pagca't canyang napagkilalang lubos na walang capayapaang masusumpung̃an at ang catiwasiya'y hindi siyang calakilakihang cagaling̃an! ¿Ano't magpapacatira pa sa hindi sariling lupain upang magbuhay dukha? Dating aco'y may dalawang anac na lalaki, isang anac na babae, isang bahay, isang cayamanan; aking dating tinatamo ang pagpipitaga't pagmamahal ng̃ madla; ng̃ayo'y isang cahoy na pinutlan ng̃ mg̃a sang̃a ang aking cawang̃is, lagalag, nagtatago, pinag-uusig sa mg̃a cagubatang tulad sa isang halimaw, ¿at anong dahil at guinawa sa akin ang lahat ng̃ ito? Dahil sa inilugso ng̃ isang lalaki ang capurihan ng̃ aking anac na babae, sa pagca't hining̃i ng̃ mg̃a capatid sa lalaking iyang magsulit siya ng̃ catampalasanang canyang guinawa, at sa pagca't ang lalaking iya'y nang̃ing̃ibabaw sa mg̃a iba sa pamamag-itan ng̃ pamagat na ministro (kinakatawan) ng̃ Dios. Inalintana co, gayon man, ang lahat ng̃ ito, at acong ama, aco, na siniraan ng̃ puri sa aking catandaan, aking ipinatawad ang caalimurahan, ipinagpaumanhin co ang casilacbuhan ng̃ cabataan at ang mg̃a carupucan ng̃ catawang lupa, at sa casiraang iyong hindi na mangyayaring maisauli, ¿ano ang dapat cong gawin cung di ang huwag ng̃ umimic at iligtas ang nalabi? Datapuwa't nang̃anib ang tampalasang baca sa humiguit cumulang na cadalia'y camtán niya ang panghihiganti, caya't ang guinawa'y humanap ng̃ capahamacan ng̃ aking mg̃a anac na lalaki. ¿Nalalaman mo ba cung ano ang canyang guinawa? ¿Hindi? ¿Natatalastas mo bang linubid ang casinung̃a-ling̃ang cunuwa'y linooban ang convento, at sa mg̃a isinacdal ay casama ang isa sa aking mg̃a anac? Hindi nairamay iyóng isá, sa pagca't wala't na sa ibang bayan. ¿Nalalaman mo ba ang mg̃a catacottacot na pahirap na sa canila'y guinawa? Nalalaman mo, sa pagca't nang̃agcacawang̃is ang ganitong mg̃a pahirap sa lahat ng̃ mg̃a bayan. ¡Aking nakita, nakita co ang aking anac na nacabiting ang tali sa canyang sariling buhoc, naring̃ig co ang canyang mg̃a sigaw, aking naring̃ig na aco'y canyang tinatawag, at aco, sa aking caruwagan at palibhasa'y namarati aco sa capayapaan, hindi aco nagcaroon ng̃ catapang̃ang pumatay ó magpacamatay caya! ¿Nalalaman mo bang hindi napatotohanan ang pangloloob na iyon, napaliwanagan ang bintang, at ang naguing parusa'y ilipat sa ibang bayang ang cura, at ang aking anac ay namatay dahil sa mg̃a pahirap na guinawa sa canya? ¡Ang isa, ang nalalabi sa akin, ay hindi duwag na gaya ng̃ canyang ama; at sa catacutan ng̃ tacsil na nagpahirap na ipanghiganti sa canya ang pagcamatay ng̃ canyang capatid, guinamit na dahilan ang cawal-an ng̃ "cedula personal" na nalimutang sandali, piniit ng̃ Guardia Civil, pinahirapan, guinalit at pinasamang totoo ang loob sa casalimura hanggang sa siya'y mapilitang magpacamatay! At aco, aco'y buhay pa pagcatapos ng̃ gayong calakilakihang cahihiyan, datapuwa't cung hindi aco nagcaroon ng̃ tapang-ama sa pag-sasanggalang ng̃ aking mg̃a anac, may natitira pa sa aking isang pusô upang italaga sa isang panghihiganti at manghihiganti aco! Untiunting nang̃agcacatipon ang mg̃a maygalit sa ilalim ng̃ aking pamiminuno, pinararami ang mg̃a cawal co ng̃ aking mg̃a caaway, at sa araw na mapagkilala cong aco'y macapangyarihan na, lulusong aco sa capatagan at tutupukin co sa apoy ang aking panghihiganti at ang aking sariling buhay! ¡At darating ang araw na iyan ó walang Dios!
At nagtindig ang matandang lalaki, na nagng̃ing̃itng̃it, at idinagdag, na nagniningning ang paning̃in, malagunlong ang tinig at sinasabunutan ang canyang mahahabang mg̃a buhóc:
—¡Sumpain acó, sumpain acó na aking piniguil ang mapanghiganting camay ng̃ aking mg̃a anac; acó ng̃a ang pumatay sa canila! ¡Cung pinabayaan co sanang mamatay ang may sala, cung hindi sana acó lubós nanalig sa justicia ng̃ Dios at sa justicia ng̃ mg̃a tao, ng̃ayon disi'y may mg̃a anac pa acó, marahil sila'y nang̃agtatago, datapuwa't ng̃ayo'y may mg̃a anac naman sana acó, at hindi sila sana nang̃amatay sa capapahirap! ¡Hindi aco ipinang̃anac upáng maguing amá, caya wala acong mg̃a anac ng̃ayón! ¡Sumpain acó, na hindi co natutuhang makilala sa aking catandaan ang lupaing aking kinatatahanan! Datapuwa't matututo acong ipanghiganti co cayó sa pamamag-itan ng̃ apoy, ng̃ dugo at ng̃ aking sariling camatayan!
Ang culang palad na amá, sa casilacbuhan ng̃ canyáng pighati, nalabnot ang bigkis ng̃ ulo, at dahil sa gayo'y nabucsan ang sugat sa noo, at doo'y bumalong ang isáng batisang dugo.
—Pinagpipitagan co ang inyóng pighati,—ang muling sinabi ni Elías,—at napagwawari co ang inyong panghihiganti; acó nama'y gaya rin ninyo, at gayón man, sa aking pang̃ang̃anib na baca aking masugatan ang waláng malay, lalong minamagaling co pa ang calimutan co ang aking mg̃a casawiang palad.
—¡Mangyayari cang macalimot, sa pagca't bata icáw at sa pagca't hindi ca namamatayan ng̃ isa man lamang anac, ng̃ sino mang siyáng iyong catapusáng maaasahan! Ng̃uni't aking ipinang̃ang̃aco sa iyo, hindi co sasactan ang sino mang walang casalanan. Nakikita mo ba ang sugat na ito? Upang huwag cong mapatay ang isang caawaawang cuadrillerong gumaganap ng̃ canyang catungculan, ipinaubaya cong siya ang sumugat sa akin.
—Datapuwa't tingnan po ninyó—ani Elías pagca lampas ng̃ sandaling hindi pag-imíc;—tingnan po ninyó cung alin ang cakilakilabot na siga na inyong pagsusugbahan sa ating culang palad na mg̃a bayan. Cung gaganapin ng̃ inyong sariling mg̃a camay ang inyong panghihiganti, gaganti ng̃ catacot tacot ang inyong mg̃a caaway, hindi laban sa inyó at hindi rin laban sa mg̃a taong sandatahan, cung di laban sa bayan, na ang caraniwa'y siyáng isinusumbong, at pagcacagayo'y ¿gaano caraming mg̃a paglabag sa catuwiran ang mangyayari!
—¡Mag-aral ang bayang magsanggalang sa sarili, magsanggalang sa sarili ang bawa't isa!
—¡Talastas po ninyong iya'y hindi mangyayari! Guinoo, cayó po'y aking nakilala ng̃ ibang panahon, niyóng panahong cayo po'y sumasaligaya, niyao'y pinagcacalooban ninyo acó ng̃ mg̃a paham na aral; maitutulot baga ninyong?...
Naghalukipkip ang matanda at wari'y nakikinig.
Guinoo,—ang ipinagpatuloy ni Elías, na pinacasusucat na magaling ang canyáng mg̃a wika;—nagca palad acong macagawa ng̃ isang paglilingcod sa isang binatang mayaman, may magandang puso, may caloobang mahál at mithì ang mg̃a icagagaling ng̃ canyang tinubuang bayan. Ang sabihana'y may mg̃a caibigan ang binatang ito sa Madrid, ayawan co, datapuwa't ang masasabi co sa inyo'y siya'y caibigan ng̃ Capitan General. ¿Anó po ang inyong acala cung siya'y ang ating papagdalhin ng̃ mg̃a caraing̃an ng̃ bayan at siya'y pakiusapan nating magmalasakit sa catuwiran ng̃ mg̃a sawing palad?
Umiling ang matandang lalaki.
—¿Mayaman ang sabi mo? walang iniisip ang mg̃a mayayaman cung hindi ang dagdagan ang canilang mg̃a cayamanan; binubulag sila ng̃ capalaluan at ng̃ caparang̃alanan, at sa pagca't ang caraniwa'y magaling ang canilang calagayan, lalo na cung sila'y may mg̃a caibigang macapangyarihan, sino man sa canila'y hindi nagpapacabagabag sa pagmamalasakit sa mg̃a culang palad. Nalalaman cong lahát, sa pagca't ng̃ una'y aco'y mayaman!
—Ng̃uni't ang taong sinasabi co po sa inyo'y hindi cawang̃is ng̃ mg̃a ibá: siya'y isang anác na inalimura dahil sa pag-aala-ala sa canyáng amá; siya'y isang binata, na sa pagca't hindi malalao't magcacaasawa, nag-iisip isip siya ng̃ sa panahong darating, ng̃ isáng magandang casasapitan ng̃ canyáng mg̃a anác.
—Cung gayo'y siya'y isang taong magtatamong ligaya; ang catuwiran nating ipinagtatanggol ay hindi ang sa mg̃a taong na sa caligayahan.
—¡Datapuwa't iyan ang catuwirang ipinagtatanggol ng̃ mg̃a taong may puso!
—¡Hari na ng̃a!—ang muling sinabi ng̃ matandang lalaki at saca naupo,—ipalagay mo ng̃ ang binatang iya'y sumang-ayong siya ang maghatid ng̃ ating caraing̃an hangang sa Capitang General; ipalagay mo ng̃ siya'y macakita sa pang̃ulong bayan ng̃ España ng̃ mg̃a diputadong magsanggalang sa atin, ¿inaacala mo na baga cayang papagtatagumpayin na ang ating catuwiran?
—Atin munang ticmang gawin bago tayo gumamit ng̃ isang paraang kinacailang̃ang magsabog ng̃ dugo,—ang isinagót ni Elías,—Dapat na macapagtacá po sa inyó, na acó, na isá rin namang sawing palad, bata at malacás ang catawan, ang siyang makiusap sa inyo, na cayo'y matanda na't mahina, ng̃ mg̃a paraang payapa: at ganito, sa papca't aking napanood ang lubhang maraming cahirapang tayo rin ang may cagagawang gaya rin ng̃ mg̃a cagagawan ng̃ mg̃a malulupit; ang mahina ang siyang nagbabayad.
—¿At cung sacaling wala tayong magawang anó man?
—May magagawa tayo cahi't cacaunti, maniwala po cayo; hindi ang lahat ng̃ mg̃a nang̃ang̃atungculan sa baya'y hindi marunong cumilala ng̃ catuwiran. At cung wala tayong masundaan, cung aayaw pakinggan ang ating cahing̃ian, cung magpacabing̃i na ang tao sa capighatian ng̃ canyang capuwa, pagnagcagayo'y ¡hahandog po aco sa bawa't inyong ipag-uutos!
Niyacap ang binata ng̃ matandang lalaking lipos ng̃ malaking catuwiran.
—Tinatanggap co ang iyong panucala, talastas cong gumaganap ca ng̃ iyong pang̃aco. Paririto ca sa aki't cata'y tutulung̃an upang maipanghiganti ang iyong mg̃a magugulang, at aco nama'y tutulung̃an mo upang maipanghiganti co ang aking mg̃a anac, ¡ang aking mg̃a anac na pawang nacacatulad mo!
—Samantala'y huwag po ninyong pababayaang mangyari ang ano mang gahasang cagagawan.
—Isasalaysay mo ang mg̃a caraing̃an ng̃ bayang pawang talastas mo na, ¿Cailan co malalaman ang casagutan?
—Sa loob po ng̃ apat na araw ay mag-utos po cayo ng̃ isang taong makipagkita sa akin sa pasigan ng̃ San Diego, at sasabihin co sa canya ang maguing casagutan sa akin ng̃ taong aking inaasahang.... Cung siya'y sumang-ayo'y canilang kikilalanin ang ating catuwiran, at cung hindi'y aco ang unaunang matitimbuang sa pakikilabang ating gagawin.
—Hindi mamamatay si Elias, si Elias ang mamiminuno cung matimbuang si capitang Pablong busog na ang puso sa canyang panghihiganti,—anang matandang lalaki.
At siya rin ang sumama sa binata hanggang sa macalabas sa labas.

XLVI.
SABUNGAN.
Upang ipang̃ilin sa Filipinas ang hapon ng̃ araw ng̃ linggo'y napasasa sabung̃an ang caraniwan, na gaya naman sa Españang ang larong pakikiaway ng̃ tao sa toro ang siyang pinaroroonan. Ang pagsasabong ng̃ manoc, hilig na masamang dito'y dinala ng̃ mg̃a taga ibang lupain at mahiguit ng̃ isang daang taóng guinagawang panghuli ng̃ salapi, ay isa riyan sa mg̃a pang̃it na pinagcaratiban ng̃ bayan, na lalong malaki ang casam-an cay sa opio sa mg̃a insic; diya'y napaparian ang dukha't inilalagay sa pang̃anib ang canyang boong pagcabuhay, sa pagmimithing siya'y magcasalaping hindi nagpapagal; napaparian diyán ang mayaman't ng̃ maglilibang, at diya'y caniyang guinagamit ang salaping labí sa canyang mg̃a piguing at mg̃a "misa de gracia"; datapwa't sa canila (sa mg̃a mayayaman) ang capalarang diya'y pinaglalaruan, palibhasa'y magaling na totoo ang pagcacaturo sa sasabung̃in, marahil lalong magaling cay sa pagcaturo sa canilang anac na lalaki, na siyang hahalili sa ama sa sabung̃an, at wala ng̃a caming itututol sa bagay na ito.
Sa pagca't ipinahihintulot ng̃ Gobierno, at hanggang halos canyang ipinagaanyaya, sa pag-uutos na gawin ang gayong panoorin sa "hayag na mg̃a plaza", sa "mg̃a araw ng̃ fiesta" (at ng̃ makita ng̃ lahat at macahicayat ang uliran), "pagcatapos ng̃ misa mayor hanggang sa dumilim sa hapon" (walong oras), dumalo tayo sa larong ito upang hanapin ang ilang mg̃a cakilala.
Walang ikinatatang̃i ang sabung̃an sa San Diego sa mg̃a sabung̃an sa iba't ibang bayan, liban na lamang sa ilang mg̃a bagay. Nababahagui sa tatlong pitac: ang una, sa macatwid baga'y ang pasucan, ay isang malaking cabahayang tuwid, na may dalawampong metro ang haba at labing apat na metro ang luang; sa isa sa canyang mg̃a taguilira'y may isang pintuang isang babae ang caraniwang nagbabantay, na siyang catiwala sa panining̃il ng̃ sa pinto, ó cabayaran sa pagpasoc doon. Sa buwis na itong bawa't isa'y nagbibigay roon, tumatanggap ang Gobierno ng̃ isang bahagui, mg̃a ilang daang libong piso sa isang taón: sinasabing sa salaping itong ibinabayad ng̃ "vicio" upang siya'y magcaroon ng̃ calayaan, nanggagaling ang ipinagpapatayo ng̃ mg̃a maiinam na mg̃a paaralan, ipinagpapagawa ng̃ mg̃a tulay at mg̃a daan, ipinagtatatag ng̃ mg̃a ganting pala upang lumusóg ang pagsasaca at pang̃ang̃alacal ... purihin nawa ang vicio na naghahandog ng̃ gayong lubhang magagaling na mg̃a bung̃a!—Sa unang pitac na ito nalalagay ang mg̃a nang̃agbibili ng̃ hitso, mg̃a tabaco, mg̃a cacanin, mg̃a pagcain at iba pa; naririan diyan ang caramihang batang lalaking sumasama sa canilang mg̃a ama ó amaing sa canila'y nagsasakit ng̃ pagtuturo ng̃ mg̃a lihim ng̃ pamumuhay.
Capanig ang pitac na ito ng̃ isá pang lalong malaki ng̃ caunti, isang pinaca salas, na pinagtitipunan ng̃ madla bago gawin ang mg̃a "soltada". Nariyán ang pinacamarami sa mg̃a manoc, na nang̃atatali ng̃ isáng lúbid sa lupa, sa pamamag-itan ng̃ isang pacong but-ó ó lúyong; nariyan ang mg̃a tahur, ang mg̃a malulugdin sa sabong, ang mananari: diyán nang̃agcacayari, nagninilaynilay, nang̃ung̃utang, sumusumpa, nagtutung̃ayaw, humahalachac; hinihimas niyón ang canyáng manoc, na pinaraanan ng̃ camáy ang ibabaw ng̃ makikintab na mg̃a balahibo; sinisiyasat nama't binibilang nito ang mg̃a caliskis sa mg̃a paa; pinagsasalitaanan ang mg̃a maiinam na gawa ng̃ mg̃a bayani; diya'y inyóng mapapanood ang maraming mg̃a mukhang malulungcót, na bitbit sa mg̃a paa ang bangcay na wala ng̃ balahibo; ang pinacamahalmahal na hayop sa loob ng̃ ilang buwan, pinalayawlayaw at sa canya'y ipinagcatiwala ang lalong caayaayang mg̃a pag-asa, ng̃ayo'y wala cung di isáng bangcay na lamang, na ipagbibili sa isáng peseta, upáng lutuing luya ang cahalo at canin sa gabí ring iyón: "sic transit gloria mundi". Pauwi na ang natalo sa canyáng bahay, na pinaghihintayan sa canya ng̃ esposang cacabacaba ang loob at ng̃ mg̃a limalimahid na mg̃a anac, na hindi na taglay ang caunting pamimilac at ang sasabung̃in. Yaong lahat na mg̃a panaguinip na calugodlugod, yaong mg̃a pagaalagang tumagal ng̃ mahabang panahon, mula sa pagbubucang liwayway hanggang sa paglubóg ng̃ araw, yaong lahat ng̃ mg̃a pagpapahirap at pagpapagal, ang kinauwia'y isang peseta, ang mg̃a nálabing abó sa gayóng cacapal na asó.—Sa ulutang itó nakikipagtutulan ang lalong pang̃od na isip: ang lalong gagasogaso'y pinagsisiyasat na magaling ang gayóng bagay, tinitimbang, pinagmámasid, ibinubucadcad ang mg̃a pacpac, hinihipo ang mg̃a casucasuan ng̃ mg̃a hayop na iyón. Maiinam na totoo ang pananamit ng̃ mg̃a ilang sinusundan at liniliguid ng̃ mg̃a caanib ng̃ canicanilang mg̃a sasabung̃in; marurumi namán ang mg̃a ibá, natatatac sa canilang mamayat na mg̃a mukha ang larawan ng̃ vicio, at caniláng sinusundan ng̃ boong pagmimithi ang mg̃a kilos ng̃ mg̃a mayayaman at canilang pinagmamasdang magaling ang mg̃a pustahan, sa pagca't mangyayaring mahuho ang mg̃a bulsa, datapuwa't hindi nangyayaring masiyahan ang masamang hilig; diya'y waláng mukháng hindi guising; diya'y wala ang mapagpabayang filipino, ang tamád, ang hindi makibuin: ang lahát ay pawang kilusán, masimbuyong budhi, pagsusumicap; masasabing silá'y may isang cauhawang siyáng nagbibigay casayahan sa tubig sa pusali.
Buhat sa ulutang ito'y tumutung̃o sa labanang ang pamagata'y "Rueda". Ang tuntung̃an nito, na nababacuran ng̃ cawayan, ang caraniwa'y mataas cay sa dalawang panig na sinabi na ng̃ una. Sa dacong itaas, na halos sumusucó na sa bubung̃an, may mg̃a gradería, lunsódlunsód bagang upuan, na iniuucol sa mg̃a manonood ó mg̃a magsasabong, dalawang salitang nagcacaisa ng̃ kinauuwian. Sa boong itinatagal ng̃ labanan ay napupuno ang mg̃a graderiang itó ng̃ mg̃a taong may gulang na at ng̃ mg̃a batang nang̃agsisigawan, nang̃aghihiyawan, nang̃agpapawis, nang̃ag-aaway at nang̃agtutung̃ayaw: ang cagalinga'y bihirang bihira ang babaeng nacararating diyán. Nang̃asasa "Rueda" ang mg̃a táong litáw, ang mg̃a mayayaman, ang mg̃a bantog na "tahur", ang contratista (a entista) at ang sentenciador (tagahatol). Sa lupa, na mainam ang pagcacapicpic ay nang̃aglalaban ang mg̃a hayop, at buhat diya'y ipinamamahagui ng̃ Capalaran sa mg̃a familia ang mg̃a tawanan ó mg̃a pagtang̃is, ang magagaling na pagcain ó ang cagutuman.
Sa horas ng̃ ating pagpasoc ay naroroon na ang gobernadorcillo, si capitang Pablo, si capitang Basilio, si Lucas, ang tao bagang may pilat sa mukha, na totoong nagdamdam ng̃ pagcamatay ng̃ canyang capatid.
Lumapit si capitang Basilio sa isa sa mg̃a taong bayan at tumanong:
—¿Nalalman mo ba cung anong manoc ang dala rito ni Capitang Tiago?
—Hindi co po na lalaman; may dumating po sa canyang dalawa caninang umaga, ang isa sa canila'y ang lasac na tumalo sa talisayin ng̃ Consul.
—¿Sa acala mo caya'y mailalaban sa canya ang aking si bulic?
—¡Aba, nacú, mailalaban po! ¡Ipupusta co po sa inyong manoc ang aking bahay at ang aking baro!
Dumarating sa sandaling iyon si capitang Tiago. Ang pananamit ay tulad sa mg̃a malalacas na magsasabong: barong lieszong Caatóng, salawal na lana at sombrerong jipijapa. Sumusunod sa canyá ang dalawang alila; dala ng̃ isa ang lasac at ang isa nama'y isang puting sasabung̃ing totoong pagcalakilaki.
—¡Ang sabi sa akin ni Sinang ay pagaling na ng̃ pagaling si María!—ani capitang Basilio.
—Wala ng̃ lagnát, datapuwa't mahina pa.
—¿Natalo po ba cayó cagabi?
—Caunti; nalalaman cong nanalo cayó ... titingnan co cung macababawi acó.
—¿Ibig po ba ninyóng isabong ang lásac?—ang tanong ni capitang Basilio, na tinitingnan ang manóc, at saca hining̃i itó sa alila.
—Alinsunod, sacali't may pustahan.
—Gaano po ba ang ipupusta ninyó.
—Cung magcuculang din lamang sa dalawa'y hindi co na isasabong.
—¿Inyo bang nakita na ang aking búlic?—ang tanóng ni capitang Basilio at saca tinawag ang isang táong may dalang isang maliit na sasabung̃in.
—¿Gaano po ba ang ipupusta ninyó?—ang tanóng.
—Cung gaano ang inyóng ipusta.
—¿Dalawá at limang daan?
—¿Tatló?
—¡Tatló!
—¡Sa susunod!
Ilinaganap ng̃ nang̃agcacabilog na mapakialam sa buhay ng̃ may buhay, ang balitang papaglalabanin ang dalawang bantog na manoc; capuwa sila may mg̃a pinagdaanan at capuwa cabalitaan sa galing. Ibig ng̃ lahat na makita, masiyasat ang dalawang cabalitaan; may mg̃a nagpapasiya, may nanghuhula.
Samantala'y lumalaki ang caing̃ayan, nararagdagan ang caguluhan, linulusob ang Rueda, linulundag ang mg̃a gradería. Dala ng̃ mg̃a "soltador" sa Rueda ang dalawang manoc, isang puti at isang pula, na capuwa may sandata na, baga man ang mg̃a tari ay may caluban pa. Nariring̃ig ang mg̃a sigaw na "sa puti!" "sa puti!", may mang̃isang̃isa namang sumisigaw ng̃ "sa pula!" Ang puti ang siyang "llamado" at ang pula ang "dejado".
Sa guitna ng̃ caramiha'y nang̃agpapalibotlibot doon ang guardia civil; hindi nila suot ang pananamit na ucol sa mahal na capisanang ito; datapuwa't hindi naman sila nacapaisano. Salawal na guingong may franjang pula, barong nababahiran ng̃ azul na galing sa naaalis na tina ng̃ blusa, gorrang pangcuartel narito ang canilang panglinlang na soot na nababagay naman sa canilang inuugali: namumusta at nagbabantay, nanggugulo at nang̃agsasalitang di umano'y panang̃agasiwaan nila ang pananatili ng̃ capayapaan.
Samantalang nang̃agsisigawan, isinasahod ang camay, kinacalog sa camay ang caunting salaping pinacacalasing; samantalang hinihicap sa bulsa ang catapustapusang salapi, ó sacali't walang salapi ay nang̃ang̃aco, at ipinang̃ang̃acong ipagbibili ang calabaw, ang malapit ng̃ anihin sa bukid, at iba pa; dalawang bagongtao, na wari'y magcapatid, sinusundan ng̃ mg̃a paning̃ing nananaghili ang mg̃a naglalaro, nang̃agsisilapit, bumubulong ng̃ ilang kiming pananalitang sino may walang nakikinig, nalalao'y lalong nang̃alulungcot at nang̃agtiting̃inang masasama ang loob at nang̃agng̃ing̃itng̃it. Paimis na sila'y pinagmamasid ni Lucas ng̃uming̃iti ng̃ ng̃iting malupit, pinatutunog ang mg̃a pisong pilac, dumaan siya sa siping ng̃ dalawang magcapatid, at saca siya sumigaw nasa "Rueda" ang ting̃in:
—Narito ang limampo, limampu laban sa dalawampo, ¡sa puti!
Nang̃agtitigan ang magcapatid.
—¡Sinasabi co na sa iyo,—ang ibinubulong ng̃ matandang capatid,—na huwag mong ipaglahatan ang cuarta; cung nakinig ka sana sa akin, ng̃ayo'y may ipupusta tayo sa pula!
Lumapit ng̃ boong cakimian ang bunso cay Lucas at kinalabit siya sa bisig,
—¡Aba! ¿icaw pala?—ang biglang sinabi nito, na luming̃on at nagpapacunwari ng̃ pagtataca; pumapayag ba ang capatid mo sa sinabi co sa canya ó naparito ca't pumupusta?
—¿Paanong ibig ninyong cami'y macapusta'y natalo na ang lahat naming salapi?
—¿Cung gayo'y pumayag na cayo?
—¡Aayaw siya! cung pautang̃in sana ninyo cami ng̃ caunti, yamang sinasabi ninyong cami inyong nakikilala....
Kinamot ni Lucas ang ulo, hinila ang baro at muling nagsalita:
—Tunay ng̃ang cayo'y aking nakikilala; cayo'y si Tarsilo at si Bruno, mg̃a cabataan at malalacas. Talastas cong ang matapang ninyong ama'y namatay dahil sa ibinibigay sa canyang isang daang palo sa araw araw ng̃ mg̃a sundalo; alam cong hindi ninyo iniisip na ipanghiganti siya ...
—Huwag po sanang makialam cayo sa aming pamumuhay;—ang isinalabat sa canya ng̃ matandang capatid na si Tarsilo, iya'y nacahihila ng̃ casacunaan. Cung wala caming capatid na babae'y malaon ng̃ panahong cami'y binitay na sana!
—¿Binitay na cayo? ang mg̃a duwag lamang ang nabibitay, ang walang salapi at walang tumatangkilik. At sa paano ma'y malapit ang bundoc.
—¡Sandaang piso laban sa dalawampo, sa puti aco!—ang sigaw ng̃ isang nagdaan.
—Pautang̃in ninyo cami ng̃ apat na piso ..., tatlo ... dalawa,—ang ipinamanhic ng̃ lalong bata;—pagdaca'y babayaran namin cayo ng̃ ibayo; pasisimulan na ang soltada.
Muling kinamot ng̃ Lucas ang úlo.
—¡Tst! Hindi akin ang salaping ito, ibinigáy sa akin ni Don Crisóstomo at inilalaan sa mg̃a ibig maglingcód sa canyá. Ng̃uni't aking nakikitang cayo'y hindi gaya ng̃ inyóng amá; iyon ang túnay na matapang; ang hindi matapang ay huwag maghanap ng̃ mg̃a laro.
At saca umalis doon, baga man hindi totoong nagpacalayo.
—¿Pumayag na tayo, may pinagcacaibhan pa ba?—ani Bruno. Iisa ang kinauuwian ng̃ mabitay ó mamatay na marahil: walang ibang kinauukulan nating mg̃a dukha.
—Tunay na ng̃a, ng̃uni't gunitaín mo ang ating capatíd na babáe.
Samantala'y nagliwanag ang "rueda", magpapasimula ang labanan. Tumatahimic na ang mg̃a tínig, at nang̃atira sa guitna ang dalawáng "soltador" (tagá-bitáw) at ang mananari. Sa isáng hudyát ng̃ "sentenciador" (tagahátol) ay inalsán ng̃ mananari ang mg̃a tari ng̃ canicanyang calúban, at cumíkintab ang mg̃a maninipis na mg̃a talím, na pawang nang̃agbabala, maniningning.
Lumapit sa bácod ang dalawang magcapatid na capuwa malungcot, itinuon ang canilang noo sa cawayan at nang̃agmamasid. Lumapit ang isang lalaki sa canila at sila'y binulung̃an sa taing̃a.
—¡Pare! ¡isang daang piso laban sa sampo, sa puti acó!
Tiningnan siya ni Tarsilo ng̃ patang̃a. Sinicó siyá ni Bruno, at sinagót niyá itó ng̃ isáng úng̃ol.
Tang̃an ng̃ mg̃a soltador ang mg̃a manóc ng̃ isáng anyóng calugód-lugód, at iniing̃atan nilang huwag siláng masugatan. Dakilang catahimican ang naghahari: masasapantahang liban na lamang sa dalawang soltador ang mg̃a naroroo'y pawang mg̃a cagulatgulat na mg̃a taotaohang pagkít. Pinaglapit nilá ang dalawang manóc; tinangnan ng̃ isá ang úlo ng̃ canyang manóc at ng̃ tucaín ng̃ calában upang magalit, at bago guinawa naman ng̃ isa sa canyang manóc ang gayon din; dapat magcaroon ng̃ pagcacatulad sa lahat ng̃ pag-aaway, na anó pa't cung anó ang nangyayari sa mg̃a sasabung̃in sa Paris ay cawang̃is din sa mg̃a sasabung̃in dito. Pinapagharap, pagcatapos at pinapagcahig silá, at sa gayong paraa'y nauunawa ng̃ mg̃a caawaawang mg̃a hayop cung sino ang bumunot sa canila ng̃ isang maliit na balahibo at cung sino ang canilang macacalaban. Nagsisipanindig na ang canilang mg̃a puloc, nang̃agtititigan at mg̃a kidlat ng̃ galit ang siyang nang̃agsisitacas sa canilang mabibilog at maliit na mg̃a mata. Pagcacagayo'y dumating na capanahunan; binitiwan silá sa lupa, na nang̃agcacalayo ng̃ caunti, at saca sila linayuan.
Marahang nang̃aglalapit sila. Nang̃aririnig ang yabag ng̃ canilang yapac sa matigas na lúpa; sino ma'y hindi nagsasalita, sino ma'y hindi humihing̃a. Ibinababa at itinataas ang úlo, na wari'y nang̃agsusucatan sa ting̃inan, bumubulong ang dalawang sasabung̃in ng̃ marahil pagbabala ó pagpapawalang halagá. Natanawan nila ang maningning na dáhon ng̃ tari, na nagsasabog ng̃ malamig ang nang̃ang̃azul na sinag; nagbibigay sigla sa canila ang pang̃anib, at walang ano mang tacot na nagpapanalubong ang dalawa, ng̃uni't sa isang hakbang na layo'y nang̃agsihinto, nang̃agtitigan, ibinaba ang ulo at muling pinapang̃alinag ang canilang balahibo. Sa sandaling iyó'y naligo ng̃ dugo ang canilang maliit na útac, sumilang ang lintíc, at taglay ang canilang catutubong tapang ay mabilis na nagpanalpoc ang dalawa, nagcapanagupa ang tuca laban sa tuca, ang dibdib laban sa dibdib, ang patalim laban sa patalím at ang pacpác laban sa pacpác: naiwasan ng̃ isa't isá ng̃ boong catalinuan ang sacsác at walang nanglaglag cung hindi iláng balahibo lámang. Muling nagtitigan na naman; caguinsaguinsa'y biglang lumipad ang puti, napaimbulog at iniwawasiwas ang pamatay na tari; ng̃uni't ibinaluctót ng̃ pula ang canyang mg̃a hita at ibinaba ang úlo, caya walang nahampas ang puti cung di ang hang̃in; ng̃uni't pagbaba sa lapag, sa pang̃ing̃ilag na siya'y masacsac sa licód, malicsing pumihit at humarap sa calaban. Dinaluhong siya ng̃ sacsác ng̃ pula ng̃ boong galit, ng̃uni't marunong magsanggalang ng̃ boong calamigan ng̃ loob: hindi ng̃a walang cabuluháng siyá lubós na kinalulugdan ng̃ caramihang naroroon. Hindi kinaliling̃atan ng̃ lahat ang matamang panonood ng̃ mg̃a nangyayari sa paglalaban, at may mg̃a iláng cahi't hindi sinasadya'y nang̃apapasigaw. Unti-unting nasasabugan ang lupa ng̃ mg̃a balahibong pula at puti, na pawang natitina ng̃ dugo: datapuwa't hindi ang salitaa'y ititiguil ang labanan sa unang pagcacasugat: sa pagsunod ng̃ filipino sa mg̃a cautusáng lagda ng̃ Gobierno, ang ibig niya'y matalo cung sino ang unang mamatay ó cung sino ang unang tumacbo. Nadidilig na ng̃ dugo ang lupa, madalas ang sacsacan, ng̃uni't hindi pa masabi cung sino sa dalawa ang magtatagumpay. Sa cawacasan, sa pagtikim sa cahulihulihang pagpupumilit, sumalpóc ang puti upang ibigay ang panghuling sacsác, ipinaco ang canyang tari sa isang pacpac ng̃ pula at napasabit na mg̃a butó; datapuwa't nasugatan ang puti sa dibdib, at ang dalawa, na capuwa linalabasan ng̃ dugo, nanglulupaypay, humihing̃al, nang̃agcacacabit, ay hindi nang̃agsisikilos, hanggang sa natimbuang puti, sumuca ng̃ dugo sa tuca, nang̃isay at naghing̃alo; ang pulang nacacabit sa canya sa pacpác at nananatili sa canyáng tabi, ay untiunting ibinaluctót ang mg̃a hita at marahang pumikit.
Ng̃ magcagayo'y inihatol ng̃ sentenciador, sa pag-alinsunod sa cautusan ng̃ pamahalaan, na ang pula'y nanalo. Isang walang wastong sigawan ang siyang nagpasalamat sa gayong hatol, sigawang naring̃ig sa boong bayan, mahaba, nagcacaisa ang taas ng̃ tinig at tumagal ng̃ ilang sandali. Cung gayo'y na pagtatanto ng̃ nacacapakinig sa malayo, na ang "dejado" ay siyang nanalo, sa pagca't cung hindi gayo'y hindi tatagal ang sigaw ng̃ pagcatwa. Gayon din ang nangyayari sa mg̃a nación: isang maliit na macapagtagumpay sa isang malaki, inaawit at sinasabisabi sa lubhang mahabang panahon.
—¿Nakita mo na?—ani Bruno ng̃ boong sama ng̃ loob sa capatid,—cung pinaniniwalaan mo aco'y mayroon na sana ng̃ayon tayong sandaang piso; dahil sa iyo'y wala tayo ng̃ayon cahi't isang cuarta.
Hindi sumagot si Tarsilo, datapuwa't tuming̃in ng̃ pasulyap sa canyang paliguidliguid na anaki'y may hinahanap na sino man.
—Naroo't nakikipag-usap cay Pedro,—ang idinugtong ni Bruno;—¡binibigyan siya ng̃ salapi, pagcaramiraming salapi!
At ibinibilang ng̃a naman ni Lucas sa camay ng̃ asawa ni Sisa ang mg̃a salaping pilac. Nang̃agpalitan pa ng̃ ilang salitang palihim at bago naghiwalay na capuwa nasasayahan alinsunod sa namamasid.
—¡Marahil si Pedro'y nakipagkayari sa canya: iyan, iyan ang tunay na hindi nag-aalinlang̃an!—ang buntong hining̃a ni Bruno.
Nananatili si Tarsilo sa pagca mukhang malungcot at nag-iisip-isip: pinapahid ng̃ mangas ng̃ canyang baro ang pawis na umaagos sa canyang noo.
—Capatid co,—ani Bruno,—acó'y yayao, cung hindi ca magpapasiya; nanatili ang "regla", dapat manalo ang lasak at hindi ng̃a dapat nating sayang̃in ang panahón. Ibig cong pumusta sa susunod na soltada; ¿anó bagá mangyayari? Sa ganyá'y maipanghihiganti natin ang tatay.
Gayon ma'y huminto at muling nagpahid ng̃ pawis.
—¿Anóng dahil at huminto ca?—ang tanóng ni Brunong nayayamot.
—¿Nalalaman mo ba cung anó ang sumusunod na soltada? ¿Carapatdapat ba ang?...
—¡Bakit hindi! ¿hindi mo ba nariring̃ig? Ang búlik ni capitang Basilio ang mapapalaban sa lásak ni capitang Tiago; ayon sa lacad ng̃ "regla" ng̃ sabong ay dápat manalo ang lásak.
—¡Ah, ang lasak! acó ma'y pupusta rin ... datapwa't lumagáy muna tayo sa matibay na calagayan.
¿Nagpakita ng̃ pagcayamot si Bruno, ng̃uni't sumunód siyá sa canyáng capatíd; tiningnan nitóng magaling ang manóc, siniyasat na magaling, nag-isip-isip, naglininglining, nagtanong ng̃ ilán, ang culang palad ay nag-aalinlang̃an; nagng̃ing̃itng̃it si Bruno at minamasdan siyáng malaki ang galit.
—Ng̃uni't hindi mo ba nakikita iyang malapad na caliskis na nariyán sa tabi ng̃ tahid? ¿hindi mo ba nakikita ang mg̃a paang iyán? ¿anó pa ang ibig mo? ¡Masdan mo ang mg̃a hítang iyán, iladlad mo ang mg̃a pacpác na iyán! At itong baac na caliskis sa ibabaw ng̃ malapad na itó, at saca itóng doble (kambal)?
Hindi siyá nariring̃ig ni Társilo, ipinagpapatuloy ang pagsisiyasat sa anyo at calagayan ng̃ hayop; ang calansing ng̃ guinto't pilac ay dumarating hanggang sa canyang mg̃a taing̃a.
—Tingnan namán natin ng̃ayon ang bulík,—ang sabi ng̃ tinig na tila sinasacal.
Tinatadyacan ni Bruno ang lupa, pinapagng̃ang̃alitng̃it ang canyang mg̃a ng̃ipin, ng̃uni't sumusunod din sa capatid niya.
Lumapit sila sa cabilang pulutong. Diya'y sinasandatahan ang manóc, humihirang ng̃ tári, inihahanda ng̃ mananari ang sutlang mapula, na pinagkitan at macailang hinagod.
Binalot ni Társilo ang háyop ng̃ malungcot at nacalalaguim na titig: tila mandin hindi niya nakikita ang manóc cung di ibang bagay sa hinaharap na panahón. Hinagpós ang noo, at:
—¿Handa na ba icáw?—ang tanóng sa capatid na malagunlong ang tinig.
—¿Acó? ¡mula pa ng̃ una; hindi kinacailang̃ang sila'y akin pang makita!
—Hindi at dahil sa ... ating cahabaghabag na capatid na babae....
—¡Aba! ¿Hindi ba sinabi sa iyong ang mamiminuno'y si don Crisóstomo? ¿Hindi mo ba nakitang siya'y casama ng̃ Capitan General sa pagpapasial? ¿Anó ang capang̃anibang ating cahihinatnan?
—¿At cung mamatay tayo?
—¿Eh anó iyón? ¿Hindi ba namatay ang ating amá sa capapalo?
—¡Sumasacatuwiran ca!
Hinanap ng̃ magcapatid sa mg̃a pulutóng ng̃ táo si Lúcas.
Pagcakita nilá sa canya'y huminto si Társilo.
—¡Huwag! umalis na tayo rito, tayo'y mapapahamac!—ang biglang sinabi.
—Lumacad ca cung ibig mo, acó'y tátanggap.
—¡Bruno!
Sa cawaláng palad ay lumapit ang isang táo at sa canilá'y nagsabi:
—¿Pupusta ba cayó? Aco'y sa búlik.
Hindi sumagot ang dalawáng magcapatid.
—¡Logro!
—¿Gaano?—ang tanóng ni Bruno.
Binilang ang canyang mg̃a aapating pisong guinto: tinititigan siya ni Brunong hindi humihing̃a.
—¡May dalawang daang piso acó, limampong piso laban sa apat na po!
—¡Hindi!—ani Brunong waláng alinlang̃an; magdagdag pa cayó ...
—¡Magaling! limampo laban sa tatlompo!
—¡Lambalin ninyó cung inyóng ibig!
—¡Magaling! ang búlik ay sa aking pang̃inoon at bago acóng capapanalo; isáng daan laban sa anim na pong piso.
—¡Casunduan! Maghintay cayo't cucuha acó ng̃ salapi.
—Datapuwa't acó ang maghahawac,—anang isá, na hindi totoong nagcacatiwala sa anyo ni Bruno.
—¡Gayon din sa akin!—ang tugón nito, na umaasa sa catigasan ng̃ canyang camaoo.
At niling̃on ang canyáng capatid at pinagsabihan:
—Yayao acó, cung matitira icáw.
Nag-isip-isip si Tarsilo: canyang sinisinta ang canyang capatid at gayon din ang sabong. Hindi mapabayaang nag-iisa ang canyang capatid, caya't bumulong:
—¡Halá!
Lumapit sila cay Lucas: nakita nito ang canilang pagdating at ng̃umiti.
—¡Mamà!—ani Tàrsilo.
—¿Ano iyon?
—¿Gaano ba ang ibibigay ninyo?—ang tanong ng̃ dalawa.
—Sinabi co na: cung cayo ang mamahala sa paghanap ng̃ mg̃a iba pa upang matutop ang curatel, bibigyan co ang báwa't isa sa inyo ng̃ tigatatlompong piso at sampong piso sa bawa't casama. Sacali't lumabas ng̃ magaling ang lahat, tatanggap ng̃ isangdaang piso bawa't isa at cayo'y ang ibayo: mayaman si don Crisostomo.
—¡Gayari!—ang biglang sabi ni Bruno; ibigay ninya ang salapi.
—¡Nalalaman co na cayo'y matatapang na gaya rin ng̃ inyong ama! Hali cayo rini, at ng̃ hindi tayo maring̃ig ng̃ mg̃a iyang sa canya'y pumatay—ani Lucas na itinuturo ang mg̃a guardia civil.
Sila'y dinala sa isang suloc, at sa canila'y sinabi samantalang ibinibilang sa canila ang salapi:
—Darating bucas si don Cristostomo na may dalang mg̃a sandata; sa macalawa, pagcagabi, pagmalapit ng̃ ma-á las ocho, pumaroon cayo sa libing̃an at doo'y sasabihin co sa inyo ang canyang mg̃a huling ipag-uutos. May panahon cayong macahanap ng̃ mg̃a casamahan.
Nang̃agpaalaman. Ang dalawang magcapatid ay tila mandin nagpalit ng̃ canicanilang anyo: Si Tarsilo'y matahimic, namumutla si Bruno.