Noli Me Tangere
Decorative motif

Decorative motif

XLVII.

ANG DALAWANG GUINOONG BABAE.

Samantalang isínasabong ni capitang Tiago ang canyang lasak, naglilibot naman sa bayan si doña Victorina, sa adhicang makita niya cung paano ang calagayang guinagawa ng̃ mg̃a tamad na "indio" sa canicanilang mg̃a bahay at mg̃a tubigan. Inubos niya ang caya sa pagsusuot ng̃ lalong magaling niyang damit, at canyang inilagay sa canyang sutlang "bátá" ang lahat niyang mg̃a cintas at mg̃a bulaclac, upang siya'y caalang-alang̃anan ng̃ mg̃a "provinciano" at maipakilala sa canila cung gaano calaki ang canilang calayuan sa canyang mahal na cataohan; caya't cumapit sa bisig ng̃ canyang pilay na asawa at nagpakendengkendeng sa mg̃a lansang̃an ng̃ bayan, sa guitna ng̃ pangguiguilalas at pagtataca ng̃ mg̃a tagaroon. Natira sa bahay ang pinsang si Linares.

—Pagcapang̃itpang̃it ng̃ mg̃a bahay nitong mg̃a "indio"!—ang ipinasimula ni doña Victorinang ing̃ining̃iwi ang bibig;—ayawan co cung bakit nacatitira sila riyan: kinakailang̃ang maguing "indio". At anong pagcasamasama ng̃ turo ng̃ canilang magulang at anong pagca mg̃a palalo! Nasasalubong nila tayo'y hindi sila nang̃agpupugay! Hanpasin mo sila sa sombrero na gaya ng̃ gawa ng̃ mg̃a cura at ng̃ mg̃a teniente ng̃ mg̃a guardia civil; turuan mo sila ng̃ "urbanidad."

—¿At cung aco'y canilang hampasin?—ang tanong ng̃ doctor De Espadaña.

—¡Tungcol sa bagay na iya'y icaw ay lalaki!

—¡Ng̃u ... ng̃uni't aco'y pilay!

Nalalao'y sumasama ang ulo ni doña Victorina; napupuno ng̃ alaboc ang cola ng̃ canyang bata, dahil sa hindi nalalatagan ng̃ bato ang mg̃a daan. Bucod sa roo'y nacacasalubong ng̃ maraming mg̃a dalaga, na nang̃agsisitung̃o pagdaraan sa canyang tabi, at hindi nila pinagtatakhan, na gaya ng̃ marapat nilang gawin, ang canyang mahalagang casuutan. Ang cochero ni Sinang, na naghahatid dito at sa canyang pinsang babae sa isang mainam na carruajeng "tres-por-ciento'y" nagcaroon ng̃ cawalang galang̃ang sigawán siya ng̃ "¡tabi!" na taglay ang tinig na nacagugulat, na anopa't napilitin siyang sumaisang tabí at walang magawa cung di tumutol ng̃:—¡Tingnan mo na ng̃a lamang ang hayop na cochero! ¡Sasabihin co sa canyang pang̃inoong turuan niyang magaling ang canyang mg̃a alila!

—¡Magbalic na tayo sa bahay!—ang ipinag-utos sa asawa.

Ito, na talagang nang̃ang̃anib na marahil ay may mangyaring ligalig sa canilang dalawa, ibinalic ang canyang "muleta" (ang salalac na tungcod sa kili-kili) at sumunod sa utos.

Nasalubong nila ang alférez, nang̃agbatian at ito'y nacaragdag ng̃ sama ng̃ loob ni doña Victorina: hindi lamang hindi siya pinuri dahil sa canyang pananamit, cung di halos siniyasat pa ng̃ palibac ang suot niyang iyon.

—Hindi mo dapat pakikamayan ang isang abang alferez lamang,—ang sinabi sa canyang asawa ng̃ malayo na ang alferez;—bahagya na niya hinipo ang canyang capacete at icaw ay nagpugay ng̃ sombrero; hindi ca marunong magbigay camahalan sa iyong cataasan!

—¡Siya ang puno ri....rito!

—At ano ang cabuluhan sa atin ng̃ bagay na iyan. ¿Tayo baga'y mg̃a indio?

—¡Sumasacatuiran ca ng̃a!—ang canyang isinagot, sa pagca't aayaw siyang makipagcagalit.

Nagdaan silá sa tapat ng̃ bahay ng̃ militar. Namimintana si doña Consolación, na gaya ng̃ canyáng naguing caugalian, nacadamít franela at humihithit ng̃ isang tabaco. Sa pagca't mababa ang bahay, sila'y nagting̃inan, at nakitang magaling ni doña Victorina ang babaeng iyón; payapang pinagmamasdan siya búhat sa paa hanggang sa úlo ng̃ Musa ng̃ guardia civil, pagcatapos ay siya'y nilabian, lumura at saca tumalicod. Itó ang nacaubos sa pagtitiis ni doña Victorina, caya't iniwan ang canyang asawang walang caalacbay, at hinarap ang alferezang nang̃ang̃atal sa galit at hindi macapang̃usap. Marahang luming̃on si doña Consolación, muli na namang pinagmasdan siya ng̃ boong, catiwasayán at nanglura uli, ng̃uni't nagpakita siya ng̃ lalong malaking pagpapawalang halaga.

—¿Ano ang nangyayari sa inyó, Doña?

—¡Matatawag ninyo acong "Señora"! ¿bakit ganyan na ang pagtitig ninyo sa akin? ¿Naiinguit ba cayo?—ang sa cawacasa'y nasalita ni doña Victorina.

—¿Acó? ¿naiing̃uit acó? ¿at sa inyó?—ang sabing patuya ng̃ Medusa—¡siya ng̃a! ¡naiinguit aco sa inyóng culót!

—¡Halica na, babae!—anang Doctor;—¡hu ... hu ... huwag mo siyang pa ... pansinin!

—¡Pabayaan mong turaan co itóng bastos na itong walang hiya!—ang sagot ng̃ babae, at saca biglang itinulac ang canyang asawa, na caunti ng̃ napasung̃aba, at hinarap si doña Consolación.

—¡Tingnan sana ninyo cung sino ang causap!—anyá—¡huwag ninyong acalaing aco'y isang provinciana ó isang calunya ng̃ mg̃a sundalo! Hindi nacapapasoc sa aking bahay, sa Maynila, ang mg̃a alférez; ang mg̃a ganitó'y naghihintay sa pintuan.

—¡Aba! ¡Excelentísima Señora Puput! (carilagdilagang guinoong Puput) hindi ng̃a pumapasoc ang mg̃a alferez cung di lamang ang mg̃a salantang gaya niyán, ja! ja! ja!

Cung hindi sa nacaculapol na mg̃a colorete, namasdan sana ang pamumula ng̃ mukhà ni doña Victorina; binanta niyáng lusubin ang canyang caaway na babae, ng̃uni't piniguil siya ng̃ centinela. Samantala'y napupuno ang daan ng̃ nanonood na mg̃a táo.

—Pakinggan ninyo, naiimbi aco sa pakikipagsalitaan sa inyo; mg̃a táong matataas ... ¿Ibig po ba ninyong labhán ang aking damít? ¡Babayarin co cayó ng̃ mahal! ¡Ang acala yata ninyo'y hindi co nalalamang cayo'y dating labandera!

Tumindig si doña Consolacióng malakí ang galit: nacasugat sa canya ang sinabing tungcól sa paglalaba.

—¿Acala yata ninyo'y hindi nalalaman cung sino cayó at cung sino ang taong inyong daladala? ¡Kinacailang̃ang namamatay ng̃ gutom upang pasanin ang tiratirahan, ang basahan ng̃ lahat ng̃ táo!

Ang pucól na salitáay tumama sa ulo ni doña Victorina; naglilís ito ng̃ manggas, itinicom ang mg̃a daliri, piniing ang mg̃a ng̃ipin at nagpasimula ng̃ pananalita:

—¡Manaog cayo, matandang salaula, at duduruguin co ang maruming bibig na iyan! ¡Calunya ng̃ isang batallon, talagang patutot buhat pa ng̃ ipang̃anac!

Dalidaling nawala sa bintana ang Medusa, agad nakitang nananaog ng̃ patacbo, na iniwawasiwas ang látigo ng̃ canyang asawa.

Namag-itan at sumamo si don Tiburcio, ng̃uni't nagcasaclutan din cung hindi dumating ang alférez.

—¡Datapuwa't mg̃a guinoong babae!... Don Tiburcio!

—¡Turuan ninyong magaling ang inyong asawa, ibili ninyo siya ng̃ lalong magagaling na mg̃a damit, at cung sacali't wala cayong salapi, magnacaw cayo sa mg̃a táong bayan, yamang sa bagay na ito'y cayo'y may mg̃a sundalo!—ang sigaw ni doña Victorina.

—¡Narito po acó guinoong babae! ¿bakit hindi duruguin ng̃ camahalan po ninyo ang aking bibig? ¡Wala po cayo cung di dila at laway, Doña Exelencia!

—¡Guinoong babae!—anang alférez na nagnining̃as ng̃ galit;—¡magpasalamat cayo at nadidilidili cong cayo'y babae, sa pagca't cung hindi lulusayin co cayo sa casisicad, pati ng̃ inyóng mg̃a kinuculot na buhóc at ng̃ inyóng mg̃a walang capacanang mg̃a cintas!

—¡Gui ... guinoong alférez!

—¡Lumacad cayó, mamamatay ng̃ táong waláng sakit! ¡Cayo'y walang suot na salawál, Juan Lanas!

Umugong doon ang mg̃a tacapan, waswasan ng̃ camáy, guirian, sigawan, laitan at murahan: canilang iniwatawat ang lahat ng̃ mg̃a carumihang canilang iniing̃atan sa canicanilang cabán, at sa pagca't sabáy sabáy na nagsasalita ang apat at maraming lubha ang canilang sinasabing nacasisirang puri sa mg̃a tang̃ing pulutong ng̃ mg̃a táo, na canilang isinisiwalat ang maraming catotohanan, cúsang tinatangguihan namin ang pagsasalaysay rito ng̃ laha't ng̃ canilang doo'y mg̃a sinabi sa isá't isá. Bagaman hindi nauunawa ng̃ mg̃a nagsisipanood ang lahat ng̃ canilang tacapan, hindi ng̃a cacaunti ang catuwaang canilang tinatamo at canilang hinihintay na dumating hanggang sa pag-aaway ng̃ camáy. Sa cawalang capalaran ay dumating ang cura na siyang pumayapa.

—¡Mg̃a guinoong lalaki, mg̃a guinoong babae! ¡Laking cahihiyan! ¡Guinoong Alferez!

—¿Ano ang inyong ipinakikialam dito, mapagbanalbanalan, macacarlista?

—¡Don Tiburcio, dalhin po ninyo ang inyong asawa! ¡Guinoong babae, pagpiguilan po ninyo ang inyong dila!

—¡Iya'y sabihin po ninyo diyan sa mg̃a magnanacaw sa mg̃a taong mahihirap!

Untiunting naubos ang mg̃a kilalang lait at tung̃ayaw, nasabi na ang lahat ng̃ mg̃a cahiyahiyang cagagawan ng̃ mag-a-mag-asawa, at samantalang nang̃agbabalaan at nang̃agmumurahan ay untiunti silang nang̃aghiwalay. Si fray Salvi ay nagpapacabicabila at nagbibigay casayahan sa panooring iyon, cung daroon sana ang ating caibigang corresponsal!...

—¡Ng̃ayon di'y pasa Maynila tayo't tayo'y humarap sa Capitan General!—ang sinasabing malaki ang galit ni doña Victorina sa canyang asawa,—¡Icaw ay hindi lalaki! ¡sayang na sayang ng̃ salawal na suot mo!

—¿Ng̃u ... ng̃uni't ... babae, at ang mg̃a guardia? ¡aco'y pila'y!

—Dapat mong hamunin siya ng̃ away sa pamamag-itan ng̃ pistola ó ng̃ sable, ó cung hindi ... cung hindi....

At tiningnan siya ni doña Victorina sa mg̃a ng̃ipin.

—Neneng, cailan may hindi aco humawac ng̃....

Hindi ipinaubaya ni doña Victorinang matapos ang canyang sinasabi: sa isang dakilang galaw ay hinalbot sa guitna ng̃ daan, ang canyang mg̃a ng̃iping tagpi lamang at saca guiniic. Dumating sila sa bahay, na halos umiiyac ang lalaki at ang babae nama'y nag-aalab sa galit. Nakikipag-usap ng̃ sandaling iyon si Linares cay Maria Clara, cay Sinang at cay Victoria, at sa pagca't hindi niya nalalaman ang pagtatalong iyon, hindi cacaunti ang canyang dinamdam naligalig ng̃ loob ng̃ canyang makita ang canyang mg̃a pinsan. Si Maria Clarang nacahilig sa isang sillon sa guitna ng̃ mg̃a unan at mg̃a cumot na lana ay malaki ang ipinagtaca ng̃ canyang makita ang bagong pagmumukha ng̃ canyang doctor.

—Pinsan, ani doña Victorina,—hahamunin mo ng̃ away ng̃ayon din ang Alférez ó cung hindi....

—¿At bakit?—ang tanong ni Linares na nagtataca.

—Siya'y hahamunin mo ng̃ayon din ng̃ away ó cung hindi sasabihin co sa canilang lahat dito cung sino icaw.

—¡Ng̃uni't doña Victorina!

Nang̃agting̃inan ang tatlong magcacaibigang babae.

—¿Ano ba sa acala mo? Cami'y linait ng̃ alferez at canyang sinabi na icaw raw ay icaw! ¡Nanaog ang matandang babaeng asuang na may dalang latigo, at ito, ito'y nagpabayang siya'y muramurahin ... isang lalaki!

—¡Abá!—ani Sinang,—¡sila'y nang̃ag-away ay hindi natin napanood!

—¡Linugas ng̃ alferez ang mg̃a ng̃ipin ng̃ doctor!—ang idinagdag ni Victoria.

—Ng̃ayon di'y pasasa Maynila cami; icaw, icaw ay matitira rito upang siya'y hamunin mo ng̃ away, at cung hindi'y sasabihin co cay Don Santiago na pawang casinung̃aling̃an ang lahat mong sinabi sa canya, sasabihin cong....

—¡Ng̃uni't doña Victorina, doña Victorina!—ang isinalabat ng̃ namumutlang si Linares, at lumapit cay doña Victorina;—huwag po ninyong ipaalaala sa aking....

Samantalang nangyayari ito'y siya namang pagdating ni capitang Tiago na galing sa sabung̃an, mapanglaw at nagbubuntong hining̃a: ang lasak ay natalo.

Hindi binigyan ng̃ panahon ni doña Victorinang macapagbuntong hining̃a; sa maicling salita'y sinabi niya ang lahat ng̃ nangyari, sa macatuwid baga'y pinagsicapan niyang sabihing siya ang sumasacatuwiran.

—Hahamunin siya ng̃ away ni Linares ¿nariring̃ig po ba ninyo? Sacali't hindi, ¡huwag po ninyong bayaang pacasal sa inyong anac, huwag po ninyong ipahintulot! Cung wala siyang tapang ay hindi carapatdapat cay Clarita.

—¿Icaw pala'y pacacasal sa guinoong ito?—ang tanong ni Sinang, at napuno ng̃ luha ang canyang masayang mg̃a mata;—nalalaman cong icaw ay malihim, ng̃uni't hindi salawahan.

Si Maria Clara, na maputlang parang pagkit, bumang̃on ng̃ caunti sa pagca sandig, at tinitigan ng̃ gulat na mg̃a mata ang canyang ama, si doña Victorina at si Linares. Ito'y nagdalang hiya, itinung̃o ni capitang Tiago ang canyang mg̃a mata, at idinugtong pa ng̃ guinoong babae:

—Tandaan mo Clarita; huwag cang mag-aasawa cailan man sa lalaking hindi tunay ang pagcalalaki; nang̃ang̃anib cang icaw ay alimurahin pati ng̃ mg̃a aso.

Datapuwa't hindi sumagot ang dalaga, at nagsabi sa canyang mg̃a caibigang babae:

—Ihatid ninyo aco sa aking silid; hindi aco macalacad na mag-isa.

Tinulung̃an nila siyang tumindig, at naliliguid ang canyang bayawang ng̃ mg̃a mabibilog na mg̃a bisig ng̃ canyang mg̃a caibigang babae, nacahilig ang canyang ulong cawang̃is ng̃ marmol sa balicat ng̃ magandang si Victoria, násoc ang dalaga sa silid na canyang tulugan.

Iniligpit ng̃ mag-asawa ng̃ gabi ring iyon ang caniláng mg̃a casangcapan, sining̃il si capitang Tiago, na may ilang libo rin piso ang inabót, sa pagcagamot cay Maria Clara, at napatung̃o sila sa Maynila, pagca umagang umaga ng̃ kinabukasan, na ang sinasacya'y ang carruaje ni capitang Tiago. Iniatang sa mahinhiing si Linares ang catungculang tagapanghiganti.

Decorative motif

Decorative motif

XLVIII.

ANG HINDI MAGCURO

Magbabalic ang mg̃a maiitim na mg̃a golondrina.... (Becquer).

Ayon sa paunang balita ni Lucas, dumating si Ibarra kinabucasan. Ilinaan niyá ang canyáng unang pagdalaw sa magcacasambahay ni capitang Tiago, at ang sadya niya'y makipagkita cay Maria Clara at ibalitang siya'y ipinakipagcasundo na ng̃ Arzobispo sa Religión: may dalá siyáng sulat sa cura, na doo'y ipinagtatagubilin siyá, na ang Arzobispo pa ang siyáng tumitic.

Hindi cacaunti ang ikinagalac sa ganitong bagay ni tía Isabel, na may pag-ibig sa binata at hindi niyá totoong minamagaling ang pag-aasawa ng̃ canyáng pamangking babae cay Linares. Wala sa bahay si capitang Tiago.

—Pamasoc po cayó,—ang sabi ng̃ tía sa pamamag-itan ng̃ caniyáng haluang wicang castila;—Maria, napasauli-uli sa gracia ng̃ Dios si don Crisóstomo; inalsán siyá ng̃ "excomunión" ng̃ Arzobispo.

Ng̃uni't hindi nagatulóy ang binata, naluoy sa canyáng mg̃a labi ang ng̃iti at tumacas sa caniyáng alaala ang salita. Sa tabi ng̃ durung̃awan, naroon at nacatindíg si Linares sa tabi ni Maria, na pinagsasalitsalít ang mg̃a bulaclac at ang mg̃a dahon ng̃ mg̃a gumagapang na halaman; nasasabog sa lapag ang mg̃a rosa at mg̃a sampaga. Nacahilig sa sillón si Maria Clara, namumutla, may iniisip, mapanglaw ang mg̃a mata at naglalaro sa isáng paypay na garing, na hindi totoong maputing catulad ng̃ canyáng maliliit na mg̃a daliri.

Sa pagdating na iyón ni Ibarra'y namutla si Linares at namulá ang mg̃a pisng̃i ni Maria Clara. Umacmáng bumang̃on, ng̃uni't kinulang siyá ng̃ lacás tumung̃ó at binayaang malaglág ang paypáy.

Isáng hindi maalamang siraing hindi pag-imic ang siyang naghari sa iláng sandali. Sa cawacasa'y nacalacad ng̃ papasoc si Ibarra at nang̃ang̃atal na nacapagsalita.

—Bago lámang acóng cararating, at nagmadali acóng pumarito upáng makita co icáw ... ¡Naratnan cong magaling ang calagayan mo cay sa aking acala!

Tila napipi mandín si Maria Clara; hindi nagsalita ng̃ cataga man at nananatili sa pagca tung̃o.

Pinagmasdan ni Ibarra si Linares ng̃ mula sa paa hangang sa úlo; ting̃ing tinumbasan namán ng̃ boong pagmamataas ng̃ mahihiing binata.

—Aba, namamasid cong waláng naghihintay ng̃ aking pagdating,—ang muling sinabi ng̃ madalang na pananalita;—Maria, ipatawad mo ang hindi co pagcapasabi sa iyo bago aco pumasoc dito; sa ibáng áraw ay maipaliliwanag co sa iyo ang tungcól sa aking guinawa ... tayo'y magkikita pa ... waláng sála.

Itóng mg̃a hulíng salita'y sinamahan niyá ng̃ isáng ting̃in cay Linares. Itinungháy sa caniya ng̃ dalaga ang canyáng magagandang mg̃a matáng puspós cadalisayan at calungcutan, tagláy ang lálong matinding samo at mapanghalínang pakikiusap, na anó pa't si Ibarra'y huminto sa pagca patigagal.

—¿Macaparirito ba acó búcas?

—Talastás mo nang sa ganáng aki'y laguing ikinatutuwa co ang iyóng pagparito,—ang bahagya ng̃ isinagót ng̃ dalaga.

Umalís doon si Ibarrang wari'y panatag ang loob, datapuwa'y, may taglay na unós sa úlo't caguinawán sa púso. Ang bagong namasid niya't naramdaman ay hindi mapaglirip; ¿anó caya iyón? ¿alinlangan? ¿lipas ng̃ pagsinta? ¿caliluhán?

—¡Oh, sa cawacasa'y babae ng̃a!—ang canyáng ibinulong.

Hindi niyá nalalama'y nacarating siyá sa pinagtatayuan ng̃ paaralan. Malaki ng̃ totoo ang nayayari sa guinagawang iyón; nagpaparoo't parito sa magcabicabilang maraming nangagsisigawa si ñor Juan, at daladala niya ang canyang metro't ang canyang plomada. Pagcakita sa canyá'y dalidaling siyá'y sinalúbong.

—Don Crisóstomo,—anyá,—sa cawacasa'y dumatíng po cayó: hinihintay cayó naming lahat: ting̃nan po ninyó ang mg̃a pader: mayroon nang sampong metro at sampong centímetro ang táas; sa loob ng̃ dalawáng áraw ay magcacaroon na pantay tao wala acóng tinanggap cung hindi mulawin, dúng̃on, ípil, láng̃il; huming̃i acó ng̃ tíndalo, malatapáy, pino at narra, at ng̃ magamit sa mg̃a pintuan, palababahan at iba pa; ¿Ibig po ba ninyóng makita ang mg̃a yung̃ib?

Siyá'y binati ng̃ mg̃a manggagawa ng̃ boong pagpipitagan.

—Narito po ang canal na pinang̃ahasan cong idagdág,—ani ñor Juan;—ang mg̃a canal pong itó sa ilálim ng̃ lupa'y patung̃o sa isáng pinacatipun na sa icatlompóng hakbáng. Magagamit pong pangpataba sa halamanan; wala po itó sa plano. Hindi po ba minamagaling ninyó ito?

—Tumbalíc, sinasangayunan co at aking pinupuri cayó sa ganitóng inyóng naisipan; cayó po'y tunay na arquitecto; ¿canino cayó nag-aral?

—Sa akin pong sarili,—isinagot ng̃ matanda ng̃ boong capacumbabaan.

—¡Ah, bago co malimutan! talastasin ng̃ mg̃a maseselang (sacali't may natatacot makipagsalitaan sa akin) na hindi na acó excomulgado inanyayahan acó ng̃ Arsobispong sumalo sa canyá sa pagcain.

—¡Abá, guinoo, hindi po namin pinapansin ang mg̃a excomunión! Tayo pong lahát ay pawang excomulgado; si pare Dámaso man po'y excomulgado rin, gayón ma'y nananatili sa totoong catabaan.

—¿Anó ang sabi ninyó?

—Tunay po; may isáng taón na pong hinampás ng̃ tungcód ang coadjutor, at ang coadjutor ay sacerdoteng gaya rin niyá, ¿sino po ang pumapansin sa mg̃a excomunion?

Natawanan ni Ibarra si Elías na nasa casamahan ng̃ mg̃a manggagawa; binati siyá nitóng gaya rin ng̃ iba, ng̃uni't sa isáng ting̃in ay ipinaunawa sa canyáng may ibig na sabihin.

—Ñor Juan,—ani Ibarra;—¿ibig po ba ninyóng dalhin dito sa akin ang talaan ng̃ mg̃a manggagawa?

Umalís si ñor Juan, at lumapit si Ibarra cay Elías, na mag-isáng bumubuhat ng̃ isáng malakíng bató at ilinululan sa isáng carretón.

—Sacali't mapagcacalooban po ninyó acó ng̃ pakikipagsalitaan sa loob ng̃ iláng oras, maglacádlacád cayó mamayáng hápon sa pampang̃in ng̃ dagatan at lumulan cayó sa aking bangca, sa pagca't may sasabihin acó sa inyong lubháng mahahalagang bagay—ani Elías, at lumayo pagca tapos na makita niyá ang pagtang̃ô ng̃ binatà.

Dinalá ni ñor Juan ang talaan, ng̃uni't nawaláng cabuluhán ang pagbasa ni Ibarra ng̃ talaang iyón; doo'y wala ang pang̃alan ni Elías.

Decorative motif

Decorative motif

XLIX.

ANG TINGIG NG̃ MG̃A PINAG-UUSIG.

Tumutungtong si Ibarra sa bangca ni Elías bago lumubog ang araw. Tila mandin masama ang loob ng̃ binata.

—Ipatawad po ninyo, guinoo,—ani Elías, na may calungcutan pagcakita sa canya;—ipatawad po ninyong nacapang̃ahas acong cayo'y anyayahan upang tayo'y magcatagpo ng̃ayon; ibig co po cayong macausap ng̃ boong calayaan, at hinirang po ang ganitong sandali sa pag-ca't walang macariring̃ig sa atin dito: macababalik tayo sa loob ng̃ isang oras.

—Nagcacamali cayo caibigang Elías,—ang sagot ni Ibarra na nagpupumilit ng̃unit; kinakailang̃an cong ihatid ninyo aco sa bayang iyang natatanawan hanggang dito ang canyang campanario. Pinipilit aco ng̃ casaliwaang palad na gawin co ang bagay na ito.

—¿Nang casaliwaang palad?

—Opo; acalain po ninyong sa aking pagparito'y aking nacasalubong ang alferez, nagpipilit na ialay sa akin ang canyang pakikialakbay; sa akin po namang sumasa inyo ang alaala at natatalastas cong cayo'y canyang nakikilala, caya't ng̃ siya'y mangyaring aking mailayo'y sinabi cong patung̃o aco sa bayang iyan at doon aco mananatiling maghapon, sa pagca't ibig acong hanapin ng̃ lalaking iyan bucas ng̃ hapon.

—Kinikilala co po sa inyong utang na loob ang inyong pagling̃ap sa akin, datapuwa't sinabi po sana ninyo sa canya ng̃ boong catiwasayan ng̃ loob na siya'y sumama,—ang isinagot ni Elías na walang tigatig.

—¿Bakit? ¿at cayo po?

—Hindi po niya aco makikilala, sa pagca't sa miminsang pagcakita niya sa aki'y hindi macapag-iisip na pacatandaan niya ang aking anyo.

—¡Sinasama aco!—ang buntong hining̃a ni Ibarra, na ang inaalaala'y si Maria Clara.—¿Ano po ba ang ibig ninyong sabihin sa akin?

Luming̃ap si Elías sa canyang paliguid. Malayo na sila sa pampang; lumubog na ang araw, at sa pagca't sa panig na ito ng̃ sinucob ay bahagya na tumatagal ang pagtatakip-silim, nagpapasimula na ang paglaganap ng̃ dilim at namamanaag na ang sinag ng̃ buwang sa araw na iyo'y cabilugan.

—Guinoo,—ang muling sinabi ni Elías, taglay co po ang mithi ng̃ maraming sawing palad.

—¿Ng̃ maraming sawing palad? Ano po ba ang cahulugan ng̃ inyong sinasabi.

Sinabi sa canya ni Elías, sa maicling saysay, ang canyang pakikipagsalitaan sa pinuno ng̃ mg̃a tulisan, ng̃uni't inilihim ang mg̃a pag-aalinlang̃an at ang mg̃a bala nito. Pinakinggan siyang magaling ni Ibarra, at ng̃ matapos na ni Elías ang canyang pagsasaysay, naghari ang isang mahabang hindi pag-imic ng̃ dalawa, hanggang si Ibarra ang naunang nagsalita:

—¿Sa makatuwid ay ang canilang nasa'y ...?

—Lubhang malaking pagbabagong utos tungcol sa mg̃a hucbó, sa mg̃a sacerdote, sa mg̃a hucom na tagahatol, hinihing̃i nila, sa macatuwid ang isang pagling̃ap—ama ng̃ pamahalaan.

—¿Pagbabagong sa paano?

—Sa halimbawa: magbigay ng̃ lalong malaking paggalang sa camahalan ng̃ bawa't tao, bigyan ng̃ lalong malaking capanatagan ang bawa't mamayan, bawasan ng̃ lacas ang hucbong may sandatana, bawasan ng̃ mg̃a capangyarihang ang hucbong itong totoong madaling magpacalabis sa paggamit ng̃ mg̃a capangyarihan iyan.

—Elías,—ang isinagot ng̃ binata,—hindi co po talos cung sino cayo, datapuwa't nahuhulaan cong cayo'y hindi isang taong caraniwan: ibang-iba po cayong umisip at gumawa cay sa mg̃a iba. Matataroc po ninyo ang aking isipan cung sabihin co sa inyong cung maraming capintasan sa casalucuyang calagayan ng̃ayon ng̃ mg̃a bagay, lalo ng̃ sasama cung magbago. Mapapagsasalita co ang aking mg̃a caibigan sa Madrid, "bayaran lamang sila," macapagsasalita aco sa Capitan General; ng̃uni't walang magagawang ano man ang mg̃a caibigan cong iyon; walang casucatang capangyarihan ang Capitan General na ito upang magawa ang gayong caraming pagbabago, at aco nama'y hindi gagawa ng̃ ano man upang macamtan ang ganitong mg̃a bagay, palibhasa'y tanto cong totoo, na cung catotohanan mang may malalaking mg̃a capintasang masasabi sa mg̃a capisanang iyan, sa mg̃a panahong ito'y sila'y kinacailang̃an, at sila ng̃a ang tinatawag na isang casam-áng ang cailang̃an.

Sa malaking pangguiguilalas ni Elías ay tumunghay at pinagmasdan si Ibarra na malaki ang pagtataca.

—¿Cayo po ba nama'y naniniwala rin sa casam-áng cailang̃an?—ang tanong na nang̃ang̃atal ng̃ caunting tinig;—¿naniniwala po ba cayong upang macagawa ng̃ magaling ay kinakailang̃ang gumawa ng̃ masama?

—Hindi; ang paniniwala co sa casam-áng ang cailang̃an ay túlad sa isáng mahigpit na cagamutang ating guinagamit pagca íbig nating mapagalíng ang isáng sakít. Tingnán ninyó; ang lupaing ito'y isáng catawáng may dinaramdam na isáng sakít na pinaglamnán na, at ng̃ mapagalíng ang catawáng iyá'y napipilitan ang pamahalaang gumamit ng̃ mg̃a paraang tunay ng̃a't masasabi ninyóng napacatitigas at napacababang̃is, datapuwa't pinakikinabang̃a't kinacailang̃an.

—Masama pong manggagamot, guinoo, yaóng waláng hinahanap cung di ang cung anó ang mg̃a dinaramdam at ng̃ marapa, na anó pa't hindi pinagsisicapang hanapin ang cadahilanan ó ang pinagmumul-án ng̃ sakít, at sacali't natatalastas man ay natatacot na bacahin. Ang táng̃ing cauculan ng̃ Guardia Civil ay ito: paglipol ng̃ mg̃a catampalasanang gawa sa pamamag-itan ng̃ lacas at ng̃ laguím sa pagpapahirap sa may sála, cauculáng hindi nasusunduan at hindi natutupad cung di cung nagcacataón lamang. At hindi dápat limuting caya lamang nacapaghihipit sa bawa't táo ang samahan, ang capisanan bagá ng̃ mg̃a mamamayan, ay cung sacali't ibinibigáy na sa lahát ang lahát ng̃ mg̃a kinacailang̃ang gamit upang malubos ang cagaling̃an ng̃ caniláng mg̃a asal. Palibhasa'y walang capisanan ng̃ mg̃a mamamayan dito sa atin, sa pagca't hindi nagcacaisang loob ang bayan at ang pamahalaan, ang pamahalaang ito'y marapat na magpatawad sa mg̃a camalian, hindi lamang dahil sa siya ma'y nagcacailang̃an din ng̃ mg̃a pagpapatawad cung di naman sa pagca't ang taong canyang pinabayaa't hindi lining̃ap ay hindi lubos nanagot sa casalanang canyang magawa, yamang hindi tumanggap ng̃ malaking caliwanagan ang canyang isip. Bucod sa rito, ayon sa inyong halimbawang bigay, ang guinagamít na gamót ay lubhang napacapangwasák, na anó pa't ang pinahihirapan lamang ay ang bahagui ng̃ catawang walang sakit, na pinapanghihina at sa ganito'y talagang inihahanda at ng̃ lalong madaling capitan ng̃ sakit. ¿Hindi po ba ang lalong magaling ay bigyang calacasan ang bahagui ng̃ catawang may sakít at bawasan ng̃ caunti ang cabang̃isan ng̃ gamot?

—Cung pahinain ang capangyarihan ng̃ Guardia Civil ay ilalagay namán napang̃anib ang capanatagan ng̃ mg̃a bayan.

—¡Ang capanatagan ng̃ mg̃a bayan!—ang biglang sinabí ni Elías ng̃ boong capaitan. Hindî malaho't darating sa icalabinglimang taón mula ng̃ magca Guardia Civil ang mg̃a bayang ito, at tingnan po ninyo: hangga ng̃ayó'y mayroon pa tayong mg̃a tulisan, nariring̃ig pa nating nilolooban ang mg̃a bayan, nanghaharang pa sa mg̃a daan; patuloy ang mg̃a pang̃ang̃agaw at pagnanacaw, na hindi napagsisiyasat cung sinosino ang mg̃a gumagawa ng̃ gayon; nananatili ang mg̃a casam-ang gawa, ng̃uni't lumalaya ang tunay na masamang tao, datapuwa't hindi gayon ang tahimik na mamamayan. Ipagtanong po ninyo sa bawa't mabuting táong namamayan cung canyang minamagaling ang Guardia Civil cung ipinalalagay niyang ito'y iisang tangkilik ng̃ pamahalaan, at hindi isang caloob na pilit, isang pamahalaang calupitang ang mg̃a napapacalabis na mg̃a gawa'y nacapagpapahirap pa ng̃ higuit cay sa mg̃a catampalasanan ng̃ mg̃a masasasamang tao. Tunay na ng̃a't ang mg̃a catampalasanang ito'y lubhang malalaki, ng̃uni't bihibihira lamang, at sa lahat ng̃ mg̃a catampalasanang iya'y may capahintulitan ang sino mang macapagsanggalang; datapuwa't laban sa mg̃a capaslang̃ang gawa ng̃ mg̃a Guardia Civil ay hindi itinutulot cahi't ang pagtutol man lamang, at cung hindi man sacali totoong malalaki ng̃uni't ang capalit nama'y sa tuwi-tuwi na at may capahintulutan ang mg̃a pinuno. ¿Ano ang naguiguing bung̃a ng̃ Guardia Civil sa pamumuhay ng̃ ating mg̃a bayan? Pinatitiguil ang pakikipanayam ng̃ bayan sa capuwa bayan, sa pagca't natatacot ang lahat na sila'y mapahirapan sa mg̃a walang cabuluhang bagay; lalong tinitingnan ang mg̃a pagtupad sa dacong labas at hindi pinagcucuro ang sumasadacong loob ng̃ mg̃a bagay; unang pagpapakilala ng̃ casalatan sa caya; dahil sa nalimutan lamang ng̃ isang tao ang caniyang cédula personal ay guinagapos na't pinahihirapan, na hindi winawari cung ang taong iyo'y mahal at kinaaalang̃anan; inaacala ng̃ mg̃a puno na ang canilang pang̃ulong catungcula'y ang ibatas na sila'y pagpugayan ng̃ cusa ó sapilitan, cahit sa guitna ng̃ cadiliman ng̃ gabi, at sa bagay na ito'y tinutularan sila ng̃ canilang mg̃a sacop upang magpahirap at mang̃agaw sa mg̃a taga bukid, at sa gayong gawa'y hindi sila nawawalan ng̃ sangcalan, wala ang pagpipitagan sa cadakilaan ng̃ tahanang bahay; hindi pa nalalaong sinalacat ng̃ mg̃a guardia civil, na nang̃agdaan sa bintana, ang bahay ng̃ isang payapang mamamayan, na pinagcacautang̃an ng̃ salapi at ng̃ magandang loob ng̃ canilang puno; wala ang capanatagan ng̃ tao; pagca kinacailang̃an nilang linisin ang canilang cuartel ó ang bahay, sila'y lumalabas at canilang hinuhuli ang lahat ng̃ hindi lumalaban, upang pagawin sa boong maghapon; ¿ibig pa po ba ninyo? samantalang guinagawa ang mg̃a cafiestahang ito'y nagpatuloy na walang bagabag ang mg̃a larong bawal, ng̃uni't canilang pinatiguil ng̃ boong calupitan ang mg̃a pagsasayáng pahintulot ng̃ may capangyarihan; nakita ninyo cung anó ang inisip ng̃ bayan tungcol sa canila, anó pô ang nacuha sa paglulubag ng̃ canyang galit upang umasa sa tapat na hatol ng̃ mg̃a tao? ¡Ah, guinoó, cung ito po ang inyong tinatawag na pagpapanatili ng̃ cahusayan!....

—Sumasang-ayon acong mayroon ng̃ang mg̃a casamaan,—ang isinagot ni Ibarra, ng̃uni't tinatanggap nating ang mg̃a casamaang ito dahil sa mg̃a cagaling̃ang canilang taglay. Mangyayaring may mg̃a ipipintas sa Guardia Civil, datapuwa, maniwala po cayó, at nacahahadlang na dumami ang mg̃a masasamang tao, dahil sa pagcalaguim sa mg̃a pahirap na guinagawa.

—Ang sabihin pa ng̃a ninyo'y dahil sa pagcalaguim na ito'y nararagdagan ang dami,—ang itinutol ni Elías.—Nang hindi pa itinatatag ang Guardia Civil, ang lahat ng̃ mg̃a tulisán halos, liban na lamang sa iilan, nang̃agsisisama dahil sa gútom; nang̃agnanacaw at nang̃ang̃agaw upang sila'y huwag mamatay ng̃ gútom, ng̃uni't cung macaraan na ang pananalát, mulíng nawawala ang pang̃anib sa mg̃a daan; sucat na, upang sila'y mapalayo, ang mg̃a caawaawa, ng̃uni't matatapang na mg̃a cuadrillero, na walang dalá cung di mg̃a sandatang walang malalaking cahulugan, iyang mg̃a taong totoong pinaratang̃an ng̃ di sapala ng̃ mg̃a nagsisulat tungcol sa ating lupaín; iyang mg̃a taong walang ibang carapatán cung hindi ang mamatay at walang ibang tinatanggap na ganting pala cung di libak. Ng̃ayó'y may mg̃a tulisan, at mg̃a tulisán hanggáng sa boong buhay nilá. Isang munting camalian, isáng casalanang pinarusahan ng̃ boong calupitan, ang paglaban sa mg̃a pagpapacalabis ng̃ mg̃a may capangyarihan, ang tacot na cakilakilabot sa mg̃a pagpapahirap, ang lahat ng̃ ito'y siyang sa canila'y nagtatapon magpacailan man sa labas ng̃ pamamayan at siyang sa canila'y ninilit na pumatay ó mamatáy. Ang mg̃a calaguimlaguim na pahirap ng̃ Guardia Civil ang siyang sa canila'y humahadlang sa pagsisisi, at sapagca't malaki ang cahigtan ng̃ tulisán sa Guardia Civil, na canilang pinaglalaruan lamang, sa pakikihamoc at pagsasanggalang sa cabunducan, ang nangyayari'y culang tayo sa cáya upang malipol natin ang casamaang tayo rin ang nagtatag. Alalahanin po ninyo cung gaano ang nagawa ng̃ catalinuhan ng̃ capitan general na si De la Torre; ang patawad na ipinagcaloob niya sa mg̃a cahabaghabag na iyan ang siyang nagpatotoong tumitiboc pa sa mg̃a cabunducang iyon ang pusò ng̃ tao at walang hinihintay cung di ang capatawaran. Pinakikinabang̃an ang paglaguim, pagca alipin ang bayan, pagca walang mg̃a yung̃ib ang bundóc, pagca macapaglalagay ang nacapangyayari ng̃ isang bantay sa licuran ng̃ bawa't cahoy, at pagca sa catawan ng̃ alipin ay wala cung di sicmura at bituca; ng̃uni't pagca nararamdaman ng̃ wala ng̃ pagcasiyahan sa sama ng̃ loob na nakikihamoc upang siyá'y mabuhay, na ang bisig niya'y malacás, na tumitiboc ang canyang pusò at nag-aalab sa poot ang canyang cataohan, ¿mangyayari cayang mapugnaw ang sunog na canyang guinagatung̃an at ng̃ lalong magning̃as?

—Pinapag-alinlang̃an po ninyo aco, Elías, sa aking pagding̃ig sa inyong mg̃a sinasabi; maniniwala acong cayo'y sumasakatuiran cung di lamang may sarili acong mg̃a pananalig. Ng̃uni't lining̃in po ninyo ang isang nangyayari, huwag ninyong ikagagalit, sapagka't cayo'y hindi co ibinibilang, palibhasa'y ipinalalagay cong cayo'y tang̃i sa mg̃a iba;—¡masdan ninyo cung sinosino ang humihing̃i ng̃ mg̃a pagbabagong iyan ng̃ mg̃a cautusán! ¡Halos ang lahat ay masasamâng mg̃a tao ó malapit ng̃ mang̃agsisamá!

—Masasamâng tao ó malapit ng̃ magsisamâ; ng̃uni't ¿anó ang dahil at sila'y mg̃a gayon? Dahil sa linigalig ang canilang catahimican, dahil sa sinugatan sila sa lalong canilang mg̃a pinacamamahal, at ng̃ sila'y huming̃ing tangkilik sa Justicia, lubos nilang napagkilalang wala silang maaasahan cung di ang canilang sariling lacás. Datapuwa't nagcacamali po cayo, guinoó, cung ang isip ninyo'y ang masasamang tao lamang ang siyang humihing̃i ng̃ tangkilik sa Justicia; pumaroon cayo sa bawa't bayan, sa baháy baháy; uliniguin po ninyo ang mg̃a buntong hining̃ang lihim ng̃ mg̃a magcacasambahay, at maniniwala cayong ang mg̃a casamaang linilipol ng̃ Guardia Civil ay casing lakí rin ó marahil ay maliit pa sa mg̃a casamaang sa tuwi na'y canyang guinagawa. Dahil po ba rito'y ¿ipalalagay nating pawang masasamang mg̃a tao ang lahat ng̃ mg̃a mamamayan? Cung gayo'y, ¿anó't sila'y ipagsasanggalang pa sa mg̃a ibá? ¿bakit hindi lipulin siláng lahat?

—Marahil dito'y may mg̃a ilang camalíang hindi co napagwawari ng̃ayón, marahil may camalian sa balac na sinisira pagdating sa paggawa, sapagca't sa España, sa Ináng-Bayan, ang Guardia Civil ay gumawa at gumagawa ng̃ totoong malalaking mg̃a cagaling̃an.

—Naniniwala aco; marahil doo'y magaling ang pagcacatatag, hirang ang mg̃a taong gumaganap ng̃ tungculing iyan; baca caya naman talagáng kinacailang̃an ng̃ España ang Guardia Civil, datapuwa't hindi cailang̃an ng̃ Filipinas. Ang ating mg̃a caugalian, ang anyo ng̃ ating pamumuhay, na lagui ng̃ sinasambit pagca ibig na ipagcait sa atin ang anó mang ating catuwiran, ng̃uni't canilang lubos na linilimot pagca mayroong anó mang pas-aning ibig nilang iatang sa atin. At sabihin po ninyo sa akin, guinoó; ¿bakit hindi gumaya ang ibang mg̃a nación sa pagtatatag ng̃ Guardia Civil, gayong dahil sa caniláng calapitan sa España'y marahil dapat nilang ipalagay na sila'y higuit ang cahalagahan cay sa Filipinas? ¿Baca po caya dahil sa hindi totoong napacadalas ang mg̃a pagnanacaw at pang̃ang̃agaw sa ferrocarril, hindi totoong marami ang mg̃a panggugulong guinagawa ng̃ mg̃a taong bayan, hindi totoong marami ang pumapatay ng̃ tao at hindi maraming totoo sa mg̃a malalaking pang̃ulong bayan ang nananacsac ng̃ sundang?

Tumung̃ó si Ibarra na parang nag-iisip-isip, nagtindig pagcatapos at saca sumagót:

—Kinacailang̃ang pagdilidilihing magaling, caibigan, ang bagay na itó; cung makita co sa aking mg̃a pagsisiyasat na sumasacatuwirang tunay ang mg̃a daing na iyan, susulat aco sa aking mg̃a caibigan sa Madrid, yamang wala tayong mg̃a diputado (kinacatawan). Samantala'y maniwala po cayong nagcacailang̃an ang pamahalaan ng̃ isang hocbong magcaroon ng̃ lacás na walang taning na guhit upang macapagpagalang, at capangyarihan upang macapag-utos.

—Mabuti po iyan, guinoó, cung na sa casalucuyang nakikipagbaka ang pamahalaan sa lupaíng ito, ng̃uni't sa icagagaling ng̃ pamahalaa'y hindi dapat nating ipahalata sa bayang siya'y nasasalung̃at sa may capangyarihan. Datapuwa't sacali't gayon ng̃a, cung lalong minamagaling natin ang gumamit ng̃ lacás cay sa papangyarihin ang cusang alang-alang, dapat sana nating pacatingnang magaling muna cung caninong camay natin ibinibigay ang lacas na itong walang ano mang guhit ang abot, iyang capangyarihang walang pangpang̃in. Ang ganyang pagcalakilaking lacas sa camay ng̃ mg̃a tao, at mg̃a taong hang̃al, puspos ng̃ mg̃a hidwang hilig, na walang pinag-aralang cagaling̃an, ang catulad ay isang sandata sa mg̃a camay ng̃ isang ulol, na na sa guitna ng̃ caramihang taong walang anó mang pangsanggalang. Sumasang-ayon na aco at ibig cong maniwalang gaya ninyo, na nagcacailang̃an ang pamahalaan ng̃ cawaning iyan, datapuwa't hirang̃in sanang magaling ang cawaning iyan, hirang̃in ang lalong may mg̃a carapatan, at sa pagca't lalong minamagaling niya ang siya'y magbigay sa sarili ng̃ capangyarihan sa siya'y bigyáng cusa ng̃ bayan ng̃ capangyarihang iyan, ipakita man lamang sana niyang marunong siyáng magbigay ng̃ capangyarihan sa sarili.

Marubdob at masilacbó ang pananalita ni Elías; nagniningning ang canyang mg̃a mata, at tumataguinting ang canyang tinig. Sumunod ang isang dakilang sandali na hindi pag-imic ng̃ dalawa: tila nananatiling tahimic sa ibabaw ng̃ tubig ang bangcang hindi pinasusulong ng̃ sagwán; dakilang lumiliwanag ang buwan sa isáng lang̃it na zafir; may ilang ilaw na cumikináng sa dacong malayò sa pampang.

—At ¿anó pa ang canilang hinihing̃i?—ang tanong ni Ibarra.

—Pagbabagong utos tungcol sa mg̃a sacerdote,—ang sagót ni Elías, na ang tinig ay nanglulupaypay at malungcot;—humihing̃ing tangkilic ang mg̃a culang palad laban sa....

—¿Laban sa mg̃a capisanan ng̃ mg̃a fraile?

—Laban sa mg̃a umaapí sa canilá, guinóo.

—¿Nalimutan na bagá ng̃ Filipinas ang canyang cautang̃an sa mg̃a fraileng itó? nalimutan na bagá nila ang hindi maulatang utang na loob sa mg̃a nagligtás sa canilá sa camalian upang sa canila'y ibigay ang pananampalataya, ang mg̃a sa canila'y tumangkilic sa mg̃a calupitan ng̃ mg̃a pinunong bayan? ¡Narito ang casamâan ng̃ hindi pagtuturo ng̃ casaysayan ng̃ mg̃a nangyari sa bayan!

—Guinóo,—ang muling isinagót niyang may catigasan ang tinig;—isinumbát po ninyong ang baya'y hindi marunong cumilala ng̃ utang na loob, itulot ninyong acóng isá sa mg̃a bumubuô ng̃ bayang iya'y aking ipagsanggalang siya. Ang mg̃a cagaling̃ang guinagawa sa capuwa tao upang maguing carapatdapat na kilanling utang na loob, kinacailang̃ang gawin ng̃ walang anó mang imbot na capakinabang̃an. Huwag na nating bigyáng cahulugan ang catungculang cusang iniatang sa sarili, at ang totoong caraniwan ng̃ sabihing pagcacaawang-gawáng atas sa mg̃a cristiano; huwag na nating pansinin ang Historia (casaysayan ng̃ mg̃a nangyari), huwag na nating itanong cung anó ang guinawa ng̃ España sa bayang judio na nagbigay sa boong Europa ng̃ isang aclat, ng̃ isáng religión at ng̃ isang Dios; cung anó ang guinawa sa bayang árabe na sa canya'y nagbigay ng̃ cagandahang asal, mapagpaumanhin tungcol sa canyang religión at siyang sa canya'y pumucaw ng̃ pag-ibig sa dang̃al ng̃ canyang sariling nación, pag-ibig na dating nagugulaylay at halos wasac na sa boong panahóng siya'y nasacop ng̃ capangyarihan ng̃ mg̃a romano at ng̃ mg̃a godo. Sinasabi po ninyong sa ami'y ibinigay ang pananampalataya at cami'y iniligtás sa camalian; ¿tinatawag po ba ninyong pananampalataya iyang mg̃a gawang pakitang tao, tinatawag ba ninyong religión iyang pang̃ang̃alacal ng̃ mg̃a correa at mg̃a calmen, tinatawag ba ninyong catotohanan iyang mg̃a himalâ at mg̃a cathâng pinag-ugnay-ugnay na nariring̃ig namin sa araw araw? ¿Itó bagá ang cautusan ni Jesucristo? Cung sa ganito lamang ay hindi kinacailang̃ang papacò sa cruz ang isáng Dios, at gayon ding hindi cailang̃ang tayo'y pilitin sa walang hanggang pagkilalang utang na loob; malaon ng̃ dating may pinananaligang laban sa catotohanan at sa catuwiran, na ano pa't walang kinacailang̃an cung di bigyáng kináng ang pananalig na iya't pataasin ang halagá ng̃ mg̃a calacal. Marahil sabihin po ninyo sa aking cahi't ipalagay ng̃ malalaking totoo ang mg̃a capintasang magagawa sa ating religión, ng̃ayo'y lalong magaling, gayon man, sa religióng dating sinusunod natin; naniniwala aco't sumasang-ayon, datapuwa't malabis namang napacamahal, sapagca't dahil sa religióng iyang canilang dinala rito'y binitiwan natin ang ating casarinlan; dahil sa religióng iya'y ibinigay natin sa canyang mg̃a sacerdote ang ating lalong magagaling na mg̃a bayan, ang ating mg̃a bukirin at sampo ng̃ ating mg̃a iniimpoc na salapi sa pagbili ng̃ mg̃a sangcap sa pamimintacasi. Sila'y nagdalá rito sa atin ng̃ isang bagay na hanap buhay ng̃ taga ibang lupaín, pinagbabayaran nating magaling at yamang gayo'y walang cautang̃an ang isa't isa. Sacali't ang sasabihin ay ang canilang pagcacatangkilic sa atin laban sa mg̃a «encomendero», ang maisasagót co sa inyo'y caya tayo'y nahulog sa camay ng̃ mg̃a encomendero'y dahil din sa canila; datapuwa't hindi, aking kinikilalang isang tunay na pananampalataya at isang tunay na pagsintá sa Sangcataohan ang siyang pamatnugot sa mg̃a unang misionerong naglacbay sa mg̃a pasigang itó: kinikilala co ang cautang̃ang loob natin sa mg̃a mahal na pusòng iyon; aking nalalamang ng̃ panahóng iyo'y saganà sa España ng̃ bayani sa lahat ng̃ bagay, sa religión, sa política, sa natutungcol sa pamamayan at gayon din sa militar. Datapuwa't dahil bagang pawang mg̃a mababait at banal ang mg̃a nunò nila'y ¿ipagpapaubaya na natin ang mg̃a hidwang pagpapalampas ng̃ canilang isip ng̃ mg̃a inapó? Dahil po bagang guinawan tayo ng̃ malaking cagaling̃a'y maguiguing casalanan na natin ang sumansalang gawán nila tayo ng̃ isang casamaan? Hindi hinihing̃i ng̃ bayang alisin, ang hinihing̃i lamang ay gawin ang mg̃a pagbabagong utos na cahiling̃an ng̃ mg̃a bagong calagayan at ng̃ mg̃a bagong mg̃a pang̃ang̃ailang̃an ngayón.

—Sinisintá co ang ating kinamulatang lupang gaya rin ng̃ pagsintáng magagawa po ninyo, Elías; nawawatasan co ng̃ caunti ang inyong hang̃ad, naring̃ig cong magaling ang inyong sinabi, at gayon man, caibigan co, aking inaacalang pinapag-uulap ng̃ caunti ang ating isip ng̃ casilacbuhán ng̃ loob; dito'y hindi nakikita ang pang̃ang̃ailang̃an ng̃ mg̃a pagbabagong útos, na marahil magaling sa mg̃a ibang lupaín.

—¿Diyata po't gayón, guinoó?—ang itinanóng ni Elías, na iniunat ang mg̃a camay sa panglulupaypay;—hindi po ninyo nakikita ang pang̃ang̃ailang̃an ng̃ mg̃a pagbabagong útos, cayo pa namang nagtamó ng̃ mg̃a casacunaan sa inyong mg̃a familia?...

—¡Ah, linilimot co ang aking sariling mg̃a cahirapan at ang tinitingnan co'y ang capanatagán ng̃ Filipinas, ang mg̃a cagaling̃an ng̃ España!—ang masilacbong itinugón ni Ibarra. Upang manatili ang Filipinas ay kinacailang̃ang huwag baguhin ang nakikita nating calagayan ng̃ mg̃a fraile ng̃ayón, at sa pakikipag-isá sa España naroroon ang cagaling̃an ng̃ ating bayan.

Natapos ng̃ macapagsalita si Ibarra'y nakikinig pa si Elías; malungcót ang canyang pagmumukhà, nawala ang ningning ng̃ canyang mg̃a matá.

—Tunay ng̃ang guinahis at pinasucò ng̃ mg̃a fraile ang lupaíng itó, ¿inaacalà po ba ninyong dahil sa mg̃a fraile caya mangyayaring manatili ang Filipinas?

—Opo, dahil lamang sa canila, gayon ang pananalig ng̃ lahat ng̃ mg̃a sumulat tungcol sa Filipinas.

—¡Oh!—ang biglang naibigcás ni Elías, na biglang binitiwan ng̃ boong panglulupaypay ang sagwán sa loob ng̃ bangcâ;—hindi co acalaing napacaimbí ang inyong pagpapalagay sa pamahalaan at sa bayan. ¿Bakit hindi po pawalang halagahán na ninyo ang baya't ang pamahalàan? ¿Anó po ba ang wiwicain ninyo sa isang pamahalàang cayâ lamang nacapag-uutos ay hindi sa siya'y gumagamit ng̃ dayà, isang pamahalàang hindi marunong magpapitagan dahil sa canyang sariling gawá? ¡Ipatawad po ninyo, guinoó, datapuwa't sa acalà co'y haling at cusang nagpapacamatay ang inyong pamahalaan, yamang canyang ikinatutuwang paniwalaan ng̃ madlâ ang mg̃a gayong bagay! Pinasasalamatan co po sa inyo ang cagandahan ng̃ inyong loob, ¿saán po ibig ninyong ihatid co cayó ng̃ayón?

—Huwag,—ang muling sinabi ni Ibarra;—mag-usap tayo, kinakailang̃ang matalastas cung sino ang sumasacatwiran sa ganyang bagay na totoong mahalagá.

—Ipatawad po ninyo, guinoó,—ang sagót ni Elías na umiling;—hindi aco totoong magaling sa pananalita upang cayo'y aking mahícayat sa paniniwalà; tunay ng̃a't aco'y nag-aral ng̃ caunti, ng̃uni't aco'y isang «indio», alapaap ang inyong loob tungcol sa aking pamumuhay, at cailan ma'y magcuculang tiwalà cayo sa aking mg̃a sinabi. Ang mg̃a nagsaysay ng̃ caisipang laban sa mg̃a sinabi co'y pawang mg̃a castilà, at sa pagca't mg̃a castilà, cahi't sila'y magsalitâ ng̃ mg̃a walang cabuluhán ó cahaling̃án, ang canilang sabihi'y pinapagtitibay ng̃ canilang anyo, ng̃ canilang dang̃al at catungculan at ng̃ canilang pinanggalingáng lahi, caya't aking ticang hindi co na mulimu-ing tututulan magpacailan man. Bucod sa rito, sa aking pagcakitang cayó, na sumisintá sa lupàng inyong tinubuan, cayó na may amáng nagpapahing̃alay sa ilalim ng̃ mg̃a payapang daluyong na ito, cayó na talagáng hinamit, linait at pinag-usig, gayon ma'y tinataglay ninyo ang ganyang mg̃a caisipán, baga man sa lahat ng̃ inyong dinanas at sa inyong dunong, nagpapasimulâ na aco ng̃ pag-aalinlang̃an sa aking sariling mg̃a paniniwalà, at aking tinatanggap ang balac na mangyayaring nagcacamali ang bayan. Aking sasabihin doon sa mg̃a culang palad na isinacamay ng̃ mg̃a tao ang canilang pag-asa, na ang pag-asang iya'y ilagay nilá sa Dios ó sa canilang mg̃a bisig. Muling napasasalamat po aco sa inyo at cayó'y mag-utos cung saán dapat ihatid co cayó.

—Tumatagos, Elías, hanggang sa aking pusò ang inyong masasaklap na mg̃a pananalità. ¿Ano po ang ibig ninyong gawin co? Hindi aco mag-aral sa casamahán ng̃ mg̃a anac ng̃ bayan, caya't marahil hindi co talos ang canilang mg̃a cailang̃an; sa boong camusmusan co'y doon aco natira sa colegio ng̃ mg̃a Jesuita lumaki aco sa Europa, ang mg̃a aclat lamang ang siyang ininumán ng̃ aking pag-iisip at ang aking nabasa lamang ay yaong náilathalà ng̃ mg̃a tao: nananatili sa guitnà ng̃ mg̃a dilim ang hindi sinasabi ng̃ mg̃a sumusulat ng̃ mg̃a aclat, ang mg̃a iya'y hindi co alam. Gayon ma'y iniibig cong gaya rin naman ng̃ inyong pag ibig ang ating bayang tinubuan hindi lamang sapagca't catungculan ng̃ lahat na pacaibiguin ang lupaing canyang pinagcacautang̃an ng̃ canyang catauhan at marahil pagcacautang̃an naman ng̃ cahulihulihang pahing̃alayan; hindi lamang sa pagca't ganyan ang itinurò sa akin ng̃ aking ama, cung di naman sa pagca't ang aking ina'y «india», at sapagca't diyan nabubuhay ang lalong matitimyas na aking linasap na sumasaalaala co tuwing bucod sa rito'y siya'y aking sinisinta, sapagca't siya ang pinagcautang̃an at pagcacautang̃an ng̃ aking ligaya!

—¡At sinisinta co siya sapagca't siya ang pinagcacautang̃an co ng̃ aking casaliwaang palad!—ang ibinulong ni Elías.

—Siyá ng̃â, caibigan co; nalalaman co pong nagpipighati cayo, cayo'y sawing palad, at ito ang siyang sa inyo'y nagpapamalas na madilim ang hináharap na panahón at siya namang nacapangyayari sa anyô ng̃ lacad ng̃ inyong pag-iisip; dahil dito'y hindi aco macasang-ayong lubos sa inyong mg̃a caraing̃an. Cung mangyari sanang masiyasat na magaling ang mg̃a cadahilanan, ang isáng bahagui, ng̃ sa inyo'y mg̃a nangyayari.

—Ibá ang mg̃a pinanggaling̃an ng̃ mg̃a sacunâng nangyari sa akin; cung matantô cong cahi't caunti'y pakikinabang̃an, sasaysayin co ang mg̃a nangyaring iyan, sa pagca't bucod sa hindi co inililihim ay marami na ang nacatatalastas.

—Baca cayâ sacali'y cung mapagtanto cô ang mg̃a bagay na iya'y magbagong isipan acó.

Nag isip-isip na sandali si Elías.

—Cung gayon, guinoó, sasabihin co sa inyo, sa maicling pananalitâ, ang aking dinaanang buhay.