Noli Me Tangere
Decorative motif

Decorative motif

XVI.

SI SISA

Madilim ang gabí: tahimic na tumutulog ang mg̃a namamayan; ang mg̃a familiang nag-alaala sa mg̃a namatay na'y tumulog na ng̃ boong capanatagán at capayapaan ng̃ loob: nang̃agdasál na silá ng̃ tatlóng bahagui ng̃ rosario na may mg̃a "requiem", ang pagsisiyám sa mg̃a cálolowa at nang̃agpaníng̃as ng̃ maraming candilang pagkít sa haráp ng̃ mg̃a mahál na larawan. Tumupád na ang mg̃a mayayaman at ang mg̃a nacacacaya sa pagcabûhay sa mg̃a nagpamana sa canilá ng̃ caguinhawahan; kinabucasa'y sísimba silá sa tatlóng misang gágawin ng̃ báwa't sacerdote, mang̃agbíbigay silá ng̃ dalawáng piso at ng̃ ipagmisa ng̃ isáng patungcól sa cálolowa ng̃ mg̃a namatáy; bíbili sila, pagcatapos, ng̃ bula sa mg̃a patáy na puspós ng̃ mg̃a indulgencia. Hindî ng̃a totoong nápacahigpit ang Justicia ng̃ Dios na gáya ng̃ justicia ng̃ táo.

Ng̃uni't ang dukhâ, ang mahírap, na bahagyâ nanacacakita upang may maipag-agdóng-búhay, at nang̃angailáng̃ang sumúhol sa mg̃a "directorcillo," mg̃a escribiente at mg̃a sundalo, upang pabayaan siláng mamúhay ng̃ tahimic, ang táong iyá'y hindî tumutulog ng̃ panatag, na gaya ng̃ inaacála ng̃ mg̃a poeta sa mg̃a palacio, palibhasa'y hindî pa silá maráhil nacapagtitiis ng̃ mg̃a hagpós ng̃ carálitâan. Malungcót at nag-iisíp-ísip ang dukhâ. Nang gabíng iyón, cung cácauntí ang canyáng dinasál ay malakíng lubhâ ang canyáng daláng̃in, tagláy ang hírap sa mg̃a matá at ang mg̃a lúha sa púsò. Hindî siyá nagsísiyam, hindî siyá marunong ng̃ mg̃a "jaculatoria", ng̃ mg̃a tulâ at ng̃ mg̃a "oremus," na cathâ ng̃ mg̃a fraile, at iniuucol sa mg̃a táong waláng sariling caisipán, waláng sariling damdámin, at hindî rin namán napag-uunawà ang lahát ng̃ iyón. Nagdárasal siyá ng̃ áyon sa pananalitâ ng̃ canyáng caralitaan; ang cálolowa niyá'y tumatang̃is dáhil sa canyáng sariling calagayan, at dáhil namán sa mg̃a namatáy, na ang pagsintá nilá sa canyá'y siyáng canyáng cagaling̃an. Nangyayaring macapagsaysáy ang mg̃a lábì niyá ng̃ mg̃a pagbátì; ng̃uni't sumísigaw ang canyang ísip ng̃ mg̃a daing at nagsásalitâ ng̃ mg̃a hinanakít. ¿Cayó bagá'y mang̃asísiyahan. Icáw na pumuri sa carukhâan, at cayó namán, mg̃a aninong pinahihirapan, sa waláng pamúting panalang̃in ng̃ dukhâ, na sinasaysay sa haráp ng̃ isáng estampang masamâ ang pagcacágawâ, na liniliwanagan ng̃ ílaw ng̃ isáng timsím, ó bacâ cayâ ang ibig ninyo'y ang may mg̃a candílang malalakí sa haráp ng̃ mg̃a Cristong sugatán, ng̃ mg̃a Virgeng malilíit ang bibíg at may mg̃a matáng cristal, mg̃a misang wícang latíng ipinang̃ung̃usap ng̃ mg̃a sacerdoteng hindî inuunawà ang sinasabi? At icáw, Religióng ilinaganap na talagáng úcol sa sangcataohang nagdaralità, ¿nalimutan mo na cayâ ang catungculan mong umalíw sa naaapi sa canyáng carukhâan, at humiyâ sa macapangyarihan sa canyáng capalalûan, at ng̃ayó'y may laan ca lamang na mg̃a pang̃ácò sa mg̃a mayayaman, sa mg̃a táong sa iyó'y macapagbabayad?

Ang caawaawang tao'y nagpúpuyat sa guitnâ ng̃ canyáng mg̃a anác na nang̃atutulog sa canyáng síping; iniisip ang mg̃a bulang dapat bilhín upang mápahing̃aláy ang mg̃a magulang at ang namatáy na esposo.—"Ang píso—anyá—ang píso'y isáng linggóng caguinhawahan ng̃ aking mg̃a anác; isáng linggóng mg̃a tawanan at mg̃a catuwâan, ang aking inimpóc sa bóong isáng buwan, isáng casuutan ng̃ aking anác na babaeng nagdádalaga na."—Datapuwa't kinacailang̃ang patayín mo ang mg̃a apóy na itó—ang wícà ng̃ voces na canyáng nárinig sa sermón—kinacailang̃ang icáw ay magpacahírap. "¡Tunay ng̃â! ¡kinacailang̃an! Hindî ililigtas ng̃ Iglesia ng̃ waláng bayad ang mg̃a pinacasisinta mong cálolowa: hindî ipinamímigay na waláng báyad ang mg̃a bula. Dápat mong bilhín ang bula, at hindî ang pagtulog cung gabí ang iyóng gágawin, cung dî ang pagpapagal. Samantala'y mailálantad ng̃ iyóng anác na babae ang bahágui nang catawáng dapat ilíhim sa nanonood; ¡magpacagútom ca, sa pagca't mahál ang halagá ng̃ láng̃it! ¡Tunay na túnay ng̃â yátang hindî pumapasoc sa láng̃it ang mg̃a dukhâ!

Nang̃agliliparan ang mg̃a caisipáng itó sa alang-alang na pag-itang mulâ sa sahíg na kinalalatagan ng̃ magaspáng na baníg, hanggáng sa palupong kinatatalîan ng̃ dúyang pinag-úuguyan sa sanggól na laláki. Ang paghing̃á nitó'y maluág at payápà; manacânacang ng̃inung̃uyâ ang láway at may sinasabing dî mawatasan: nananaguinip na cumacain ang sicmurang gutóm na hindî nabusóg sa ibinigáy sa canyá ng̃ mg̃a capatíd na matatandâ.

Ang mg̃a culiglíg ay humuhuning hindî nagbabago ang tínig at isinasaliw ang caniláng waláng humpáy at patupatuloy na írit sa mg̃a patlángpatláng na tin-ís na húni ng̃ cagaycáy na nacatagò sa damó ó ang butiking lumálabas sa canyáng bútás upang humánap ng̃ macacain, samantalang ang tucô, na wala ng̃ pinang̃ang̃anibang túbig ay isinusung̃aw ang canyáng ulo sa gúang ng̃ bulóc na púnò ng̃ cáhoy. Umaatung̃al ng̃ lubháng mapanglaw ang mg̃a áso doon sa daan, at sinasampalatayanan ng̃ mapamahíing nakikinig na silá'y nacacakita ng̃ mg̃a espíritu at ng̃ mg̃a anino. Datapuwa't hindi nakikita ng̃ mg̃a áso at ng̃ ibá pang mg̃a háyop ang mg̃a pagpipighatî ng̃ mg̃a tao, at gayón man, ¡gaano carami ang canilang mg̃a cahirapang tinítiis!

Doon sa maláyò sa bayan, sa isáng láyong may isáng horas, nátitira ang iná ni Basilio at ni Crispín, asáwa ng̃ isáng laláking waláng puso, at samantalang ang babae nagpipilit mabúhay at ng̃ macapag-arugà sa mg̃a anác, nagpapagalâgala at nagsasabong namán ang lalaki. Madalang na madálang silá cung magkíta, ng̃uni't lágui ng̃ kahapishapis ang nangyayari pagkikita. Unti-unting hinubdán ng̃ lalaki ang canyáng asáwa ng̃ mg̃a híyas upang may maipagvicio siyá at ng̃ walâ nang caanoano man si Sisa, upang magugol sa masasamáng mg̃a hingguíl ng̃ canyáng asawa, pinagpasimulâan nitóng siyá'y pahirapan. Mahinà, palibhasà, ang loob, malakí ang cahigtán ng̃ púsò cay sa pag-iísip, walâ siyáng nalalaman cung dî sumintá at tumáng̃is. Sa ganáng canyá'y ang canyáng asawa ang siyáng dios niyá,; ang mg̃a anác niyá'y siyáng canyang mg̃a ángel. Sa pagca't talastás ng̃ lalaki cung hanggáng saan ang sa canya'y pag-íbig at tacot, guinágawa namán niyá ang catulad ng̃ asal ng̃ lahát ng̃ mg̃a diosdiosan: sa aráw-áraw ay lumálalâ ang canyáng calupitan, ang pagca waláng áwà at ang pagcapatupatuloy ng̃ bawa't maibigan.

Ng̃ múhang tanóng sa canyá si Sisa ng̃ minsang siyá'y sumipót sa báhay, na ang mukha'y mahiguít ang pagdidilim cay sa dati, tungcól sa panucalang ipasoc ng̃ sacristan si Basilio, ipinatúloy niyá ang paghahagpós ng̃ manóc, hindî siyá sumagot ng̃ oo ó ayaw. Hindî nang̃ahás si Sisang ulítin ang canyang pagtatanong; datapuwa't ang lubháng mahigpít na casalatán ng̃ caniláng pamumúhay at ang hang̃ád na ang mg̃a báta'y mang̃ag-áral sa escuelahan ng̃ bayan ng̃ pagbasa't pagsúlat, ang siyang sa canya'y pumílit na ipalútoy ang panucalà niya. Ang canyang asawa'y hindî rin nagsabi ng̃ anó man.

Nang gabíng yaon, icasampó't calahatî ó labíng-isá ang horas, ng̃ numiningning na ang mg̃a bituin sa lang̃it na pinaliwanag ng̃ unós, nacaupô si Sisa sa isáng bangcóng cahoy na pinagmamasdan ang ilang mg̃a sang̃á ng̃ cahoy na nagnining̃asning̃as sa calang may tatlóng batóng-buhay na may mg̃a dunggót. Nacapatong sa tatlóng batóng itó ó tungcô ang isang palayóc na pinagsasaing̃an, at sa ibabaw ng̃ mg̃a bága'y tatlóng tuyóng lawlaw, na ipinagbíbili sa halagang tatló ang dalawang cuarta.

Nacapang̃alumbabà, minámasdan ang madilawdilaw at mahinang níng̃as ng̃ cawayang pagdaca'y naguiguing abó ang canyang madalíng malugnaw na bága; malungcót na ng̃itî ang tumatanglaw sa canyang mukhâ. Nagugunità niya ang calugodlugód na bugtóng ng̃ palayóc at ng̃ apóy na minsa'y pinaturan sa canya ni Crispin. Ganitó ang sinabi ng̃ batà:

"Naupô si Maitím, sinulót ni Mapula.
Nang malao'y cumaracara."

Batà pa si Sisa, at napagkikilalang ng̃ dacong úna'y siya'y maganda at nacahahalina cung cumílos. Ang canyang mg̃a mata, na gaya rin ng̃ canyang calolowang ibibigay niyang lahat sa canyang mg̃a anac, ay sacdal ng̃ gaganda, mahahabà ang mg̃a pilíc-mata at nacauukit cung tuming̃ín; mainam ang hayap ng̃ ilóng; marikít ang pagcacaanyô ng̃ canyang mg̃a labing namumutlâ. Siya ang tinatawag ng̃ mg̃a tagalog na "cayumanguing caligatan," sa macatuwid baga'y cayumangguí, ng̃uni't isang cúlay na malínis at dalísay. Baga man batà pa siya'y dahil sa pighatî, ó dahil sa gútom, nagpapasimulâ na ng̃ paghupyac ang canyang namumutlang mg̃a pisng̃í; ang malagóng buhóc na ng̃ úna'y gayac at pamuti ng̃ canyang cataóhan, cung cayâ husay hindî sa pagpapaibiíg, cung dî sa pagca't kinaugalîang husayin: ang pusód ay caraniwan at walang mg̃a "aguja" at mg̃a "peineta."

May ilang araw nang hindî siya nacacaalis sa bahay at canyang tinatapos tabìin ang isang gawang sa canya'y ipinagbiling yarîin sa lalong madalíng panahóng abót ng̃ caya. Sa pagcaibig niyang macakita ng̃ salapî, hindî nagsimba ng̃ umagang iyón, sa pagca't maaabala siya ng̃ dalawang horas ang cauntian sa pagparoo't parito sa bayan:—¡namimilit ang carukhâang magcasala!—Ng̃ matapos ang canyang gawa'y dinala niya sa may-arì, datapuwa't pinang̃acuan siya nitó sa pagbabayad.

Walâ siyang inísip sa boong maghapon cung dî ang mg̃a ligayang tatamuhin niya pagdatíng ng̃ gabí: canyang nabalitaang óowî ang canyang mg̃a anac, at canyang inísip na sila'y canyang pacaning magalíng. Bumilí ng̃ mg̃a lawlaw, pinitas sa canyang malíit na halamanan ang lalong magagandang camatis, sa pagca't nalalaman niyang siyang lalong minamasarap ni Crisping pagcain, nanghing̃î sa canyang capit bahay na si filósofo Tasio, na tumitira sa may mg̃a limangdaang metro ang layò sa canyang tahanan, ng̃ tapang baboy-ramó, at isang hità ng̃ patong-gubat, na pagcaing lalong minamasrap ni Basilio. At puspós ng̃ pag-asa'y isinaing ang lalong maputíng bigas, na siya rin ang cumúha sa guiícan. Yaón ng̃a nama'y isang hapúnang carapatdapat sa mg̃a cura, na canyang handâ sa caawaawang mg̃a batà.

Datapuwa't sa isang sawîng palad na pagcacatao'y dumatíng ang asawa niya't kinain ang canin, ang tapang baboy ramó, ang hità ng̃ pato, limang lawlaw at ang mg̃a camatis. Hindî umiimic si Sisa, baga man ang damdam niya'y siya ang kinacain. Nang busóg na ang lalaki'y naalaalang itanóng ang canyang mg̃a anac. Napang̃itî si Sisa, at sa canyang catowâa'y ipinang̃acò sa canyang sariling hindî siya maghahapunan ng̃ gabíng iyón; sa pagca't hindî casiya sa tatló ang nalabi. Itinanóng ng̃ ama ang canyang mg̃a anac, at ipinalalagay niya itóng higuít sa siya'y cumain.

Pagcatapos ay dinampót ng̃ lalaki ang manóc at nag-acalang yumao.

—¿Ayaw ca bang makita mo sila?—ang itinanóng na nang̃ang̃atal;—sinabi ni matandang Tasiong sila'y malalaon ng̃ cauntî; nacababasa na si Crispin ... marahil ay dalhín ni Basilio ang canyang sueldo.

Ng̃ marinig itóng huling cadahilanan ng̃ pagpiguil sa canya'y humintô, nag-alinlang̃an, ng̃uni't nagtagumpay ang canyang mabuting angel.

—¡Cung gayó'y itira mo sa akin ang piso!—at pagcasabi ay umalis.

Tumang̃is ng̃ bóong capaitan si Sisa; ng̃uni't pagcaalaala sa canyang mg̃a anac ay natuyô ang mg̃a luhà. Mulî siyang nagsaing, at inihandâ ang tatlong lawlaw na natira: bawa't isa'y magcacaroon ng̃ isa't calahatì.

—¡Darating silang malakí ang pagcaibig na cumain!—ang iniisip niya:—malayò ang pinangagaling̃an at ang mg̃a sicmúrang gutóm ay walang púsò.

Pinakingan niyang magalíng ang lahat ng̃ ing̃ay, masdan natin at hinihiwatigan niya ang lalong mahinang yabag:

—Malacas at maliwanag ang lacad ni Basilio; marahan at hindî nacacawang̃is ang cay Crispin—ang iniisip ng̃ ina.

Macaalawa ó macaatló ng̃ humúni ang calaw sa gúbat, mulâ ng̃ tumilà ang ulan, at gayón ma'y hindî pa dumarating ang canyang mg̃a anac.

Inilagay niya ang mg̃a lawlaw sa loob ng̃ palayóc at ng̃ huwag lumamig, at lumapit sa pintuan ng̃ dampâ upang siya'y malibang ay umawit ng̃ marahan. Mainam ang canyang voces, at pagcâ narìrinig nilang siya'y umaawit ng̃ "cundiman", nang̃agsisiiyac, ayawan cung bakit. Ng̃úni't ng̃ gabing iyó'y nang̃ang̃atal ang canyang voces at lumalabas ng̃ pahirapan ang tínig.

Itiniguil ang canyang pag-awit at tinitigan niya ang cadiliman. Sino ma'y walang nanggagaling sa bayan, liban na lamang sa hang̃ing nagpapahulog ng̃ tubig sa malalapad na mg̃a dahon ng̃ mg̃a saguing.

Caracaraca'y biglang nacakita ng̃ isang ásong maitím na sumipót sa harap niya; may inaamoy ang hayop na iyón sa landas. Natacot si Sisa, cumúha ng̃ isang bató at hinaguis. Nagtatacbó ang asong umaatung̃al ng̃ pagcapanglawpanglaw.

Hindî mapamahîin si Sisa, ng̃uni't palibhasa'y maráming totóo ang canyáng nárinig na mg̃a sinasabi tungcol sa mg̃a guníguní at sa mg̃a ásong maiitím' caya ng̃a't nacapangyári sa canyá ang laguím. Dalidaling sinarhán ang pintô at naupô sa tabí ng̃ ílaw. Nagpapatíbay ang gabí ng̃ mg̃a pinaniniwalaan at pinupuspos ng̃ panimdím ang aláng-álang ng̃ mg̃a malicmátang aníno.

Nag-acálang magdasál, tumáwag sa Vírgen, sa Dios, upang caling̃áin nilá ang canyáng mg̃a anác, lálonglalò na ang canyáng bunsóng si Crispín. At hindî niyá sinásadya'y nalimutan niyá ang dasál at napatung̃o ang bóong pag-iisip niyá sa canilá, na anó pa't canyáng naaalaala ang mg̃a pagmumukhâ ng̃ báwa't isá sa canilá, yaóng mg̃a mukháng sa towî na'y ng̃umíng̃itî sa canyá cung natutulog, at gayón din cung nagíguising. Datapuwa't caguinsaguinsa'y naramdaman niyáng naninindíg ang canyáng mg̃a buhóc, nangdidilat ng̃ maínam ang canyáng mg̃a matá, malicmátà ó catotohanan, canyáng nakikitang nacatìndíg si Crispin sa tabí ng̃ calan, doón sa lugar na caraníwang canyáng inúup-an upang makipagsalitaan sa canyá. Ng̃ayó'y hindî nagsasabi ng̃ anó mán; tinititigan siyá niyóng mg̃a matáng malalakí at ng̃umíng̃itî.

—¡Nánay! ¡bucsán ninyó! ¡bucsán ninyó, nánay!—ang sabi ni Basilio, búhat sa labás.

Kinilabútan si Sisa at nawalâ ang malícmatà.

Decorative motif

Decorative motif

XVII.

BASILIO

Bahagyâ pa lamang nacapapasoc si Basiliong guiguirayguiray, nagpatínghulóg sa mg̃a bísig ng̃ canyáng iná.

Isáng dî masábing panglalamíg ang siyáng bumálot cay Sisa ng̃ makita niyáng nag-íisang dumatíng si Basilio. Nagbantáng magsalitâ ay hindî lumabás ang canyáng voces; iníbig niyáng yacápin ang canyáng anác ay nawal-án siyá ng̃ lacás; hindî namán mangyaring umiyác siyá.

Ng̃uni't ng̃ makita niyá ang dugóng pumapalígò sa noo ng̃ bata'y siyá'y nacasigáw niyáng tínig na wári'y nagpapakilala ng̃ pagcalagót ng̃ isáng bagtìng ng̃ púsò.

—¡Mg̃a anác co!

—¡Howág pô cayông mag-ala ala ng̃ anó man, nánay!—ang isinagót ni Basilio;—nátira pô sa convento pô si Crispin.

—¿Sa convento? ¿nátira sa convento? ¿Buháy?

Itining̃alâ ng̃ bátà sa canyáng iná ang canyáng mg̃a matá.

—¡Ah!—ang isinigaw, na anó pa't ang lubháng malaking pighati'y naguing lubháng malaking catowâan. Si Sisa'y umiyác, niyácap ang canyáng anác at pinuspós ng̃ halíc ang may dugóng nôo.

—¡Buháy si Crispin! Iniwan mo siyá sa convento ... at ¿bákit may súgat ca, anác co? ¿Nahúlog ca bâ?

At siniyasat siyá ng̃ boong pag-iíng̃at.

—Ng̃ dalhín pô si Crispin ng̃ sacristan mayor ay sinábi sa áking hindî raw acó macaaalis cung dî sa icasampóng horas, at sa pagcá't malálim na ang gabí, acó'y nagtánan. Sa baya'y sinigawán acó ng̃ mg̃a sundalo ng̃ "Quien vive," nagtatacbó acó, bumaríl silá at nahilahisan ng̃ isáng bála ang áking nóo. Natatacot acóng mahuli at papagpupunásin acó ng̃ cuartel, na abóy ng̃ pálò, na gaya ng̃ guinawâ cay Pablo, na hanggá ng̃ayó'y may sakít.

—¡Dios co! ¡Dios co!—ang ibinulóng ng̃ ináng kiníkilig—¡Siyá'y iyóng iniligtas!

At sacâ idinugtóng, samantalang, humahanap ng̃ panaling damit, túbig, súcà, at balahibong maliliit ng̃ tagác:

—¡Isáng dálì pa at nápatay ca sana nilá, pinatáy sana nilá ang aking anác! ¡Hindî guinúgunitâ ng̃ mg̃a guardia civil ang mg̃a iná!

—Ang sasabihin ninyó'y nahulog acó sa isáng cáhoy; huwág pô sánang maalaman nino mang acó'y pinaghágad.

—¿Bákit bâ nátira si Crispin?—ang itinanóng ni Sisa pagcatapos magawâ ang paggamot sa anác.

Minasdán ni Basiliong isáng sandalî ang canyáng iná, niyácap niyá itó at sacâ, untiunting sinaysáy ang úcol sa dalawáng onza, gayón ma'y hindî niyá sinabi ang mg̃a pagpapahirap na guinagawà sa canyáng capatíd.

Pinapaghálò ng̃ mag-iná ang caniláng mg̃a lúhà.

—¡Ang mabaít cong si Crispin! ¡pagbintang̃án ang mabaít cong si Crispin! ¡Dahiláng tayó'y dukhâ, at ang mg̃a dukháng gáya natin ay dapat magtiís ng̃ lahát!—ang ibinulòng ni Sisa, na tinitingnan ng̃ mg̃a matáng punô ng̃ lúhà ang tinghóy na nauubusan ng̃ lang̃ís.

Nanatiling malaónlaón ding hindî silá nag-imican.

—¿Naghapunan ca na bâ?—¿Hindî? May cánin at may tuyóng lawláw.

—Walâ acóng "ganang" cumain; túbig, túbig lámang ang íbig co.

—¡Oo!—ang isinagót ng̃ iná ng̃ boong lungcót;—nalalaman co ng̃ hindî mo ibig ang tuyóng lawláw; hinandâan catá ng̃ ibáng bágay; ng̃uni't naparíto ang iyòng tátay, ¡caawaawang anác co!

—¿Naparito ang tátay?—ang itinanòng ni Basilio, at hindî kinucusa'y siniyasat ang mukhâ at ang mg̃a camáy ng̃ canyang iná. Nacapagsikíp sa púsò ni Sisa ang tanóng ng̃ canyáng anác, na pagdaca'y canyáng napag-abót ang cadahilanan, cayá't nagdumalíng idinugtóng:

—Naparito at ipinagtanóng cayó ng̃ mainam, ibig niyáng cayó'y makita; siya'y gutóm na gutóm. Sinabing cung cayó raw ay nananatili sa pagpapacabaít ay mulî siyáng makikisama sa átin.

—¡Ah!—ang isinalabat ni Basilio, at sa samâ, ng̃ canyáng lóob ay ining̃iwî ang canyáng mg̃a labî.

—¡Anác co!—ang ipínagwícà ni Sisa.

—¡Ipatáwad pô ninyó, nánay!—ang mulíng isinagót na matigás ang anyô—¿Hindî bâ cayâ lálong magalíng na táyong tatlò na lámang, cayó, si Crispin at acó?—Ng̃uni't cayó po'y umíiyac; ipalagáy ninyóng walâ acóng sinabing anó man.

Nagbuntóng-hining̃á si Sisa.

Sinarhán ni Sisa ang dampâ at tinabunan ng̃ abó ang caunting bága sa calán at ng̃ huwág mapugnáw, túlad sa guinagawâ ng̃ táo sa mg̃a damdámin ng̃ cálolowa; tacpán ang mg̃a damdaming iyán ng̃ abó ng̃ búhay na tinatawag na pag-wawalang-bahálâ, at ng̃ huwág mapugnáw sa pakikipanayám sa aráw-áraw sa áting mg̃a capowâ.

Ibinulóng ni Basilio ang canyáng mg̃a dasál, at nahigâ sa tabí ng̃ canyáng iná na nananalang̃in ng̃ paluhód.

Nacacaramdam ng̃ ínit at lamíg; pinagpilitang pumíkit at ang iniisip niyá'y ang canyáng capatîd na bunsô, na nag-aacalang tumulog sana ng̃ gabíng iyón sa sinapupunan ng̃ canyáng iná, at ng̃ayó'y marahil umíiyac at nang̃ang̃atal ng̃ tácot sa isáng súloc ng̃ convento. Umaaling̃awng̃aw sa canyáng mg̃a taíng̃a ang mg̃a sigáw na iyón, túlad sa pagcárinig niyá ng̃ siyá'y dóroon pa sa campanario; datapuwa't pinasimulâang pinalábò ang canyáng ísip ng̃ pagód na naturaleza at nanáog sa canyáng mg̃a matá ang "espíritu", ng̃ panaguimpán.

Nakita niyá ang isáng cuartong tulugán, at doo'y may dalawáng candílang may níng̃as. Pinakíkinggán ng̃ curang madilím ang pagmumukhâ at may hawac na yantóc ang sinasabi sa ibáng wicà ng̃ sacrístan mayor, na cakilakilabot ang mg̃a kílos. Nang̃áng̃atal si Crispin, at paling̃apling̃ap ang matáng tumatang̃is sa magcabicabilâ, na párang may hinahanap na táo, ó isáng tagúan. Hinaráp siyá ng̃ cura at tinatanong siyáng malakí ang gálit at humaguinît ang yantóc. Ang bata'y tumacbó at nagtagò sa licuran ng̃ sacristan; ng̃uni't siyá'y tinangnán nitó at inihandâ ang canyáng catawán sa sumusubong gálit ng̃ cura; ang caawaawang báta'y nagpupumiglás, nagsísicad, sumísigaw, nagpápatinghigâ, gumugulong, tumitindíg, tumatacas, nadudulas, nasusubasob at sinásangga ng̃ mg̃a camáy ang mg̃a hampás na sa pagca't nasusugatan ay bigláng itinatagò at umaatung̃al. Nakikita ni Basiliong namimilipit si Crispin, iniháhampas ang úlo sa tabláng yapacán; nakikita niyá at canyáng náririnig na humáhaguinit ang yantóc! Sa lakíng pagng̃ang̃alit ng̃ canyáng bunsóng capatíd ay nagtindíg; sirâ ang isip sa dî maulatang pagcacahirap ay dinaluhong ang canyáng mg̃a verdugo, at kinagat ang cura sa camáy. Sumigáw ang cura't binitiwan ang yantóc; humawac ang sacristan mayor ng̃ isáng bastón at pinálò sa úlo si Crispin, natimbuang ang bátà sa pagcatulíg; ng̃ makita ng̃ curang siyá'y may sugat ay pinagtatadyacán si Crispin; ng̃uni't itô'y hindî na nagsásanggalang, hindî na sumísigaw: gumugulong sa tabláng parang isáng bagay na hindî nacacaramdam at nag-iiwan ng̃ bacas na basâ ...

Ang voces ni Sisa ang siyáng sa canyá'y gumísing.

—¿Anó ang nangyayari sa iyo? ¿Bakit ca umíiyac?

—¡Nanag-ínip acó!... ¡Dios!—ang mariíng sábi ni Basilio at humílig na basâ ng̃ páwis. Panag-ínip iyón; sabihin pô ninyóng panag-ínip lámang, nánay, iyón; panag-ínip lámang!

—¿Anó ang napang-ínip mo?

—Hindî sumagót ang bátà. Naupô upang magpáhid ng̃ lúhà at ng̃ páwis. Madilím sa loob ng̃ dampâ.

—¡Isáng panag-ínip! ¡isáng panag-ínip!—ang inuulit-úlit ni Basilio sa marahang pananalitâ.

—¡Sabihin mo sa akin cung anó ang iyóng pinanag-ínip; hindî acó mácatulog!—ang sinábi ng̃ iná ng̃ mulíng mahigâ ang canyáng anác.

—Ang napanag-ínip co, nánay,—ani Basilio ng̃ maráhan—camí raw ay namumulot ng̃ úhay sa isáng tubigang totoong maraming bulaclác, ang mg̃a babae'y may mg̃a daláng bacol na punô ng̃ mg̃a úhay ... ang mg̃a lalaki'y may mg̃a dalá ring bácol na punô ng̃ úhay ... at ang mg̃a bátang lalaki'y gayón din ... ¡Hindî co na natatandâan, nánay; hindî co na natatandâan, nánay, ang mg̃a ibá!

Hindî na nagpílit ng̃ pagtatanóng si Sisa; hindî niyá pinápansin ang mg̃a panag-ínip.

—Nánay, may naisip acó ng̃ayóng gabíng itó,—ani Basilio pagcaraan ng̃ iláng sandalíng hindî pag-imíc.

—¿Anó ang naisip mo?—ang itinanóng niyá.

Palibhasa'y mapagpacababà si Sisa sa lahát ng̃ bágay, siyá'y nagpapacababà patí sa canyáng mg̃a anác; sa acálà niyá mabuti pa ang caniláng pag-iísip cay sa canyá.

—¡Hindî co na ibig na magsacristan!

—¿Bákit?

—Pakinggán pô ninyó, nánay, ang aking náisip. Dumatíng pô ritong galing sa España ang anác na lalaki ng̃ nasirang si Don Rafael, na inaacalà cong casingbaít din ng̃ canyáng amá. Ang mabuti pô, nánay, cúnin na ninyó búcas si Crispin, sing̃ilín ninyó ang aking sueldo at sabihin ninyóng hindî na acó magsasacristan. Paggalíng co'y pagdaca'y makikipagkita acó cay Don Crisóstomo, at ipakikiusap co sa canyáng acó'y tanggapíng tagapagpastól ng̃ mg̃a vaca ó ng̃ mg̃a calabaw; malakí na namán acó. Macapag-aaral si Crispin sa báhay ni matandáng Tasio, na hindî namamalò at mabaít, cahit ayaw maniwálà ang cura. ¿Maaarì pa bang tayo'y mapapaghírap pa ng̃ higuít sa calagayan natin? Maniwalà, pô cayó, nánay, mabaít ang matandâ; macáilang nakita co siyá sa simbahan, pagcâ síno ma'y walâ roon; nalúluhod at nananalang̃in, maniwalà pô cayó. Nalalaman na pô ninyó, nánay, hindî na acó magsasacristan: bahagyâ na ang pinakikinabang ¡at ang pinakikinabang pa'y naoowî lámang sa kinamumulta! Gayón din ang idináraing ng̃ lahát. Magpapastol acó, at cung aking alagaang magalíng ang ipagcacatiwalà sa akin, acó'y calúlugdan ng̃ may-arì; at marahil ay ipabáyang ating gatásan ang isáng vaca, at ng̃ macainom tayo ng̃ gátas; íbig na íbig ni Crispin ang gátas. ¡Síno ang nacacaalam! marahil bigyán pa pô cayó ng̃ isáng malíit na "guyà," cung makita nilá ang magalíng cong pagtupád; aalagaan nátin ang guya at áting patatabaíng gáya ng̃ áting inahíng manóc. Mang̃ung̃uha acó ng̃ mg̃a bung̃ang cáhoy sa gúbat, at ipagbíbili co sa báyang casama ng̃ mg̃a gúlay sa ating halamanan, at sa ganito'y magcacasalapî táyo. Maglalagay acó ng̃ mg̃a sílò at ng̃ mg̃a balatíc at ng̃ macahuli ng̃ mg̃a ibon at mg̃a alamíd, mang̃ing̃isdâ acó sa ílog at pagcâ acó'y malakí na'y mang̃ang̃áso namán acó. Macapang̃ang̃ahoy namán acó upang maipagbilí ó maialay sa may-árì ng̃ mg̃a vaca, at sa ganyá'y matótowâ sa atin. Pagcâ macapag-aararo na acó'y aking ipakikiusap na acó'y pagcatiwalâan ng̃ capirasong lúpà at ng̃ áking matamnan ng̃ tubó ó mais, at ng̃ hindî pô cayó manahî hanggang hating gabí. Magcacaroon táyo ng̃ damít na bágong úcol sa bawa't fiesta, cacain táyo ng̃ carne at malalakíng isdâ. Samantala'y mamumuhay acóng may calayâan, magkikita táyo sa aráw-áraw at magsasalosalo táyo sa pagcain. At yamang sinasabi ni matandáng Tasiong matalas daw totóo ang úlo ni Crispin, ipadalá natin siyá sa Maynílà at ng̃ mag-aral; siyá'y paggugugulan ng̃ búng̃a ng̃ aking pawis; ¿hindî ba, nánay?

—¿Anó ang aking wiwicain cung dî oo?—ang isinagót ni Sisa niyacap ang canyáng anác.

Nahiwatigan ni Sisang hindî na ibinibilang ng̃ anác sa hináharap na panahón, ang canyáng amá, at itó ang nagpatulò ng̃ mg̃a lúhà niyá sa pagtang̃is na dî umíimic.

Nagpatuloy si Basilio ng̃ pagsasaysay ng̃ canyáng mg̃a binabantá sa hináharap na panahón, tagláy iyang ganáp na pag-asa ng̃ cabataang waláng nakikita cung dî ang hinahang̃ad. Walang sinasabi si Sisa cung dî "oo" sa lahát, sa canyáng acala'y ang lahát ay magalíng. Untiunting nanaog ang pagcáhimbing sa pagál na mg̃a bubông ng̃ matá ng̃ bátà, at ng̃ayo'y binucsán ng̃ Ole-Lukoie, na sinasabi ni Anderson, at isinucob sa ibabaw niyá ang magandáng payong na puspós ng̃ masasayáng pintura.

Ang acálà niyá'y siya'y pastol ng̃ casama ng̃ canyáng bunsóng capatíd; nang̃ung̃uha silá ng̃ bayabas, ng̃ alpáy at ng̃ ibá pang mg̃a paroparó sa calicsihán; pumapasoc silá sa mg̃a yung̃íb at nakikita niláng numiningning ang mg̃a pader; naliligò silà sa mg̃a bucál, at ang mg̃a buháng̃in ay alabóc na guintô at ang mg̃a bato'y túlad sa mg̃a bató ng̃ corona ng̃ Vírgen. Silá'y inaawitan ng̃ mg̃a maliliit na isdâ at nang̃agtatawanan; iniyuyucayoc sa canila ng̃ mg̃a cahoy ang canilang mg̃a sang̃ang humihitic sa mg̃a salapî at sa mg̃a búng̃a. Nakita niya ng̃ matapos ang isang campanang nacabitin sa isang cahoy, at isang mahabang lubid upang tugtuguin: sa lubid ay may nacataling isang vaca, na may isang púgad sa guitnâ ng̃ dalawang sung̃ay, at si Crispin ay nasa loob ng̃ campanà at iba pa. At nagpatuloy sa gayóng pananaguinip.

Ng̃uni't ang inang hindî gaya niyang musmós at hindî nagtatacbó sa loob ng̃ isang horas ay hindî tumutulog.

Decorative motif

Decorative motif

XVIII.

MGA CALOLOWANG NAGHIHIRAP

Magcacaroon na ng̃ icapitong horas ng̃ umaga ng̃ matapos ni Fr. Salví ang canyang catapusáng misa: guinawà niyá ang tatlóng misa sa loob ng̃ isáng oras.

—May sakít ang párì—anang madadasaling mg̃a babae; hindî gaya ng̃ dating mainam at mahinhín ang canyáng kílos.

Naghubad ng̃ canyáng mg̃a suot na di umíimic, hindî tumiting̃in sa canino man, hindî bumabatì ng̃ cahi't anó.

—¡Mag-ing̃at!—anáng bulungbulung̃an ng̃ mg̃a sacristan;—¡lumulúbhâ ang samâ ng̃ úlo! ¡Uulan ang mg̃a multa, at ang lahát ng̃ ito'y pawang casalanan ng̃ dalawáng magcapatíd!

Umalís ang cura sa sacristía upang tumung̃o sa convento; sa sílong nitó'y nang̃acaupô sa bangcô ang pitó ó walóng mg̃a babae at isáng lalaking nagpapalacadlacad ng̃ paroo't parito. Nang makita niláng dumarating ang cura ay nang̃agtindigan; nagpauna sa pagsalubong ang isáng babae upang hagcán ang canyang camáy; ng̃uni't gumamit ang cura ng̃ isáng anyóng cayamután, caya't napahintô ang babae sa calaguitnaan ng̃ canyáng paglacad.

—¿Nawalan yatà ng̃ sicapat si Curiput?—ang mariíng sabi ng̃ babae sa salitáng patuyâ, na nasactán sa gayóng pagcá tanggáp. ¡Huwag pahagcán sa canyá ang cama'y, sa gayóng siyá'y celadora ng̃ "Hermandad", gayóng siya'y si Hermana Rufa! Napacalabis namang totóo ang gayóng gawâ.

—¡Hindî umupô ng̃ayóng umaga sa confesonario!—ang idinugtóng ni Hermana Sípa, isáng matandáng babaeng walâ ng̃ ng̃ipin;—ibig co sanang mang̃umpisal at ng̃ macapakinabang at ng̃ magcamit ng̃ ng̃a "indulgencia".

—Cung gayo'y kinahahabagan co cayó!—ang sagót ng̃ isang babaeng batà pa't ma'y pagmumukhang tang̃a; nagcamít acó ng̃ayóng umaga ng̃ tatlóng indulgencia plenaria na aking ipinatungcól sa calolowa ng̃ aking asawa.

—¡Masamang gawâ, hermana Juana!—ang sabì ng̃ nasactán ang loob na si Rufa.—Sucat na ang isang indulgencia plenaria upang mahang̃ò siya sa Purgatorìo; hindî dapat ninyóng sayang̃in ang mg̃a santa indulgencia; tumúlad cayó sa akin.

—¡Lalong magalíng ang lalong marami: ang sabi co!—ang sagót ng̃ waláng málay na si hermana Juana, casabáy ang ng̃itî.

Hindî agád sumagót si hermana Rufa: nanghing̃î muna ng̃ isáng hitsó, ng̃ináng̃à, minasdán ang nagcacabilog na sa canyá'y nakikinig ng̃ dî cawasà, lumurâ sa isáng tabí, at nagpasimulâ, samantalang ng̃umáng̃atâ ng̃ tabaco:

—¡Hindî co sinasayang cahi't isáng santong araw! Nagcamít na acó, búhat ng̃ acó'y mapanig sa Hermandad, ng̃ apat na raa't limampo't pitóng mg̃a indulgencia plenaria, pitóng daá't anim na pong libo, limáng daa't siyám na po't walóng taóng mg̃a indulgencia. Aking itinátalâ ang lahát ng̃ aking mg̃a kinácamtan, sa pagca't ang ibig co'y malinis na salitaan; ayaw acóng mangdáyà, at hindî co rin ibig na acó'y dayâin.

Tumiguil ng̃ pananalitâ si Rufa at ipinatuloy ang pagng̃uyâ; minámasdan siyá, ng̃ boong pagtatacá ng̃ mg̃a babae; ng̃uni't humintô sa pagpaparoo't parito ang lalaki, at nagsalitâ cay Rufa ng̃ may anyóng pagpapawalang halagá.

—Datapuwa't nacahiguít acó sa inyó, hermana Rufa, ng̃ taóng itó lamang sa mg̃a kinamtan co, ng̃ apat na indulgencia plenaria at sangdaang taón pa; gayóng hindî lubhang nagdárasal acó ng̃ taóng itó.

—¿Higuít cay sa ákin? ¿Mahiguít na anim na raa't walompo't siyám na plenaria, siyám na raa't siyám na po't apat na libo walóng daa't limampo't ánim na taón?—ang ulit ni hermana Rufang wari'y masamâ ng̃ cauntî ang loob.

—Gayón ng̃â, walóng plenaria at sangdaa't labing limáng taón ang aking cahiguitán, at itó'y sa íilang buwán lamang—ang inulit ng̃ lalaking sa líig ay may sabit na mg̃a escapulario at mg̃a cuintas na punô ng̃ libág.

—¡Hindî dapat pagtakhan—ani Rufang napatalo na;—cayó pô ang maestro at ang púnò sa lalawigan!

Ng̃uming̃itî ang lalaking lumakí ang loob.

—Hindî ng̃â dapat ipagtacáng acó'y macahiguít sa inyó ng̃ pagcacamit; halos masasabi cong cahi't natutulog ay nagcácamit acó ng̃ mg̃a índulgencia.

—¿At anó pô bâ ang guinágawâ ninyó sa mg̃a indulgenciang iyán?—ang tanóng na sabáysabáy ng̃ apat ó limáng voces.

—¡Psh!—ang sagót ng̃ lalaking umanyô ng̃ labis na pagpapawalang halagá;—aking isinasabog sa magcabicabilà!

—¡Datapuwa't sa bágay ng̃ang iyán hindî co mangyayaring cayó'y puríhin, mâestro—ang itinutol ni Rufa,—¡Cayó'y pasasa Purgatorio, dahil sa inyóng pagsasayáng ng̃ mg̃a indulgencia. Nalalaman na pô ninyóng pinagdurusahan ng̃ apat na pong áraw sa apóy ang bawa't isáng salitáng waláng cabuluhán, ayon sa cura; ánim na pong áraw sa bawa't isáng dangcal na sinulid; dalawampo, bawa't isáng patác na tubig. ¡Cayó'y pasasa Purgatorio!

—¡Malalaman co na cung paano ang paglabás co roôn!—ang sagót ni hermano Pedro, tagláy ang dakilang pananampalataya.—Lubháng marami ang mg̃a cálolowang hináng̃ò co sa apóy! ¡Lubháng marami ang guinawâ cong mg̃a santo! At bucód sa rito'y "in articulo mortis" (sa horas ng̃ camatayan) ay macapagcácamit pa acó, cung aking ibiguìn, ng̃ pitóng mg̃a "plenaria", ¡at naghihíng̃alô na'y macapagliligtas pa acó sa mg̃a ibá!

At pagcasalitâ ng̃ gayó'y lumayóng tagláy ang malakíng pagmamataas.

—Gayón ma'y dapat ninyóng gawín ang catulad ng̃ aking gawâ, na dî acó nagsásayang cahit isáng áraw, at magalíng na bilang ang aking guinágawâ. Hindî co ibig ang magdayâ, at áyaw namán acóng marayà nino man.

—¿At paano pô, bâ ang gawâ ninyó?—ang tanóng ni Juana.

—Dapat ng̃â pô ninyóng tularan ang guinágawâ co. Sa halimbawà: ipalagáy pô ninyóng nagcamít acó ng̃ isáng taóng mg̃a indulgencia: itinatalâ co sa aking cuaderno at aking sinasabi:—"Maluwalhating Amáng Poong Santo Domingo, pakitingnán pô ninyó cung sa Purgatorio'y may nagcacailang̃an ng̃ isáng taóng ganáp na waláng labis culang cahi't isáng áraw."—Naglálarô acó ng̃ "cara-y-cruz;" cung lumabás na "cara" ay walâ; mayroon cung lumabás na "cruz." Ng̃ayó'y ipalagáy nating lumabás ng̃ "cruz", pagcágayo'y isinusulat co: "násing̃il na;" ¿lumabás na "cara"? pagcágayó'y iniing̃atan co ang indulgencia, at sa ganitóng paraa'y pinagbubucodbucod co ng̃ tigsasangdaaag taóng itinátalâ cong magalíng. Sayang na sayang at hindî magawâ sa mg̃a indulgencia ang cawang̃is ng̃ guinágawâ sa salapî: ibibigay cong patubuan: macapagliligtas ng̃ lalong maraming mg̃a cálolowa. Maniwálà cayó sa akin, gawín ninyó ang áking guinágawâ.

—¡Cung gayó'y lalong magalíng ang áking guinágawâ!—ang sagót ni hermana Sípa.

—¿Anó? ¿Lálong magalíng?—ang tanóng ni Rufang nagtátaca.—¡Hindî mangyayari! ¡Sa guinágawâ co'y walâ ng̃ gágaling pa!

—¡Makiníg pô cayóng sandalî at paniniwalâan ninyó ang áking sábi, hermana!—ang sagót ni hermana Sípang matabáng ang pananalitâ.

—¡Tingnán! ¡tingnán! ¡pakinggán natin!—ang sinabi ng̃ mg̃a ibá.

Pagcatapos na macaubó ng̃ boong pagpapahalaga'y nagsalitâ ang matandáng babae ng̃ ganitóng anyô:

—Magalíng na totoo ang inyóng pagcatalastas, na cung dasalín ang "Bendita-sea tu Pureza," at ang "Señor-mio Jesu cristo,—Padre dulcísimo-por el gozo," nagcacamit ng̃ sampóng taóng indulgencia sa bawa't letra..

—¡Dálawampo!—¡Hindî!—¡Cúlang!—¡Lima!—ang sabi ng̃ iláng mg̃a voces.

—¡Hindî cailang̃an ang lumabis ó cumulang ng̃ isá! Ng̃ayón: pagca nacababasag ang aking isáng alilang lalaki ó isáng alilang babae ng̃ isáng pinggán, váso ó taza, at ibá pa, ipinapupulot co ang lahát ng̃ mg̃a piraso, at sa bawa't isá, cahi't sa lalong caliitliitan, pinapagdárasal co siyá ng̃ "Bendita-sea-tu-Pureza" at ng̃ Señor-mio-Jesu cristo Padre dulcísimo por el gozo", at ipinatútungcol co sa mg̃a cálolowa ang mg̃a indulgenciang kinácamtan co. Nalalaman ng̃ lahát ng̃ taga báhay co ang bagay na itó, táng̃ì lamang na hindî ang mg̃a púsà.

—Ng̃uni't ang mg̃a alilang babae ang siyáng nagcácamit ng̃ mg̃a indulgenciang iyán, at hindî cayó, Hermana Sipa—ang itinutol ni Rufa.

—At ¿sínong magbabayad ng̃ aking mg̃a taza at ng̃ aking mg̃a pinggan? Natótowa ang mg̃a alilang babae sa gayóng paraang pagbabayad, at acó'y gayón din; silá'y hindî co pinapálò; tinutuctucan co lamang ó kinúcurot ...

—¡Gagayahin co!—¡Gayón din ang aking gágawin!—¡At acó man!—ang sabihan ng̃ mg̃a babae.

—Datapuwa't ¿cung ang pinggán ay nagcacádalawa ó nagcácatatatlong piraso lamang? ¡Cacauntî ang inyóng cácamtan!—ang ipinaunawà pa ng̃ maulit na si Rufa.

—Itulot pô ninyóng ipagtanóng co sa inyó ang isáng pinag-aalinlang̃anan co—ang sinabi ng̃ totoong cakimîan ng̃ bátà pang si Juana.—Cayó pô mg̃a guinoong babae ang nacacaalam na magalíng ng̃ mg̃a bagay na itóng tungcól sa Lang̃it, Purgatorio at Infierno,.... ipinahahayag cong acó'y mangmang.

—Sabihin ninyó.

—Madalás na aking nakikita sa mg̃a pagsisiyám (novena) at sa mg̃a ibá pang mg̃a libro ang ganitong mg̃a bilin: "Tatlóng amánamin, tatlóng Abáguinoong Maria at tatlóng Gloria patri.."

—¿At ng̃ayón?....

—At ng̃ayó'y ibig cong maalaman cung paano ang gágawing pagdarasal: ¿Ó tatlóng Amanaming sunôd-sunód, tatlóng Abaguinoong Mariang sunôd-sunód; ó macaatlóng isáng Amanamin, isáng Abaguinoong María at isáng Gloria Patri?

—Gayó ng̃â ang marapat, macaitlóng isáng Amanamin....

—¡Ipatawad ninyó, hermana Sípa!—ang isinalabat ni Rufa: dapat dasaling gaya ng̃ ganitóng paraan: hindî dapat ilahóc ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae: ang mg̃a Amanamin ay mg̃a lalaki, mg̃a babae ang mg̃a Abaguinoong María, at ang mg̃a Gloria ang mg̃a anác.

—¡Ee! ipatawad ninyó, hermana Rufa; Amanamin, Abaguinoong-María at Glorìa ay catulad ng̃ canin, ulam at patís, isáng súbò sa mg̃a santo ...

—¡Nagcácamalî cayó! ¡Tingnán na pô lamang ninyó, cayóng nágdárasal ng̃ paganyán ay hindî nasusunduan cailán man ang inyóng hiníhing̃î!

—¡At cayóng nagdárasal ng̃ paganyá'y hindî cayó nacacacuha ng̃ anó man sa inyóng mg̃a pagsisiyám!—ang mulíng isinagót ng̃ matandáng Sípa.

—¿Sino?—ang wicà ni Rufang tumindíg—hindî pa nalalaong nawalan acó ng̃ isáng bíic, nagdasál acó cay San Antonio ay aking nakita, at sa catunaya'y naipagbilí co sa halagang magalíng, ¡abá!

—¿Siya ng̃a ba? ¡Cayâ palá sinasabi ng̃ inyóng capit-bahay na babaeng inyó raw ipinagbilí ang isang bíic niya!

—¿Sino? ¡Ang waláng hiyâ! ¿Acó ba'y gaya ninyó ...?

Nacailang̃ang mamaguitnâ ang maestro upang silá'y payapain: sino ma'y walâ ng̃ nacágunitâ ng̃ mg̃a Amanamin, walang pinag-uusapan cung dî mg̃a baboy na lamang.

—¡Aba! ¡aba! ¡Huwág cayong mag-away dahil sa isáng bíic lamang! Binibigyan tayo ng̃ mg̃a Santong Casulatan ng̃ halimbáwà; hindî kinagalitan ng̃ mg̃a hereje at ng̃ mg̃a protestante ang ating Pang̃inoong Jesucristo na nagtapon sa tubig ng̃ isáng càwang mg̃a baboy na caniláng pag-aarì, at tayong mg̃a binyagan, at bucod sa roo'y mg̃a hermano ng̃ Santísimo Rosario pa, ¿táyo'y mang̃ag-aaway dahil sa isáng bíic lamang? ¿Anóng sasabihin sa atin ng̃ ating mg̃a capang̃agaw na mg̃a hermano tercero?

Hindî nang̃agsi-imîc ang lahat ng̃ mg̃a babae at canilang tinátakhan ang malalím na carunung̃an ng̃ maestro, at caniláng pinang̃ang̃aniban ang masasabi ng̃ mg̃a hermano tercero. Násiyahan ang maestro sa gayóng pagsunód, nagbágo ng̃ anyô ng̃ pananalitâ, at nagpatuloy:

—Hindî malalao't ipatatawag tayo ng̃ cura. Kinacailang̃ang sabihin natin sa canya cung sino ang íbig nating magsermon sa tatlong sinabi niyá sa atin cahapon: ó si párì Dámaso, ó si párì Martin ó cung ang coadjutor. Hindî co maalaman cung humírang na ang mg̃a tercero; kinacailang̃ang magpasiyá.

—Ang coadjutor—ang ibinulong ni Juanang kimingkimî.

—¡Hm! ¡Hindî marunong magsermón ang coadjutor!—ang wíca ni Sipa;—mabuti pa si párì Martin.

—¿Si párì Martin?—ang maríing tanong ng̃ isang babae, na anyóng nagpápawaláng halagâ;—siyá'y waláng voces; mabuti si párì Dámaso.

—¡Iyán, iyan ng̃â!—ang saysáy ni Rufa.—¡Si párì Dámaso ang tunay na marunong magsermon, catulad siya ng̃ isang comediante; iyan!

—¡Datapuwa't hindî natin maunáwà ang canyáng sinasabi!—ang ibinulong ni Juana.

—¡Sa pagcá't totoong malalim! ng̃uni't magsermon na lamang siyang magaling....

Nang gayó'y siyáng pagdatíng ni Sisang may sunong na bacol, nag-magandang araw sa mg̃a babae at pumanhíc sa hagdanan.

—¡Pumápanhic iyón! ¡pumanhíc namán tàyo!—ang sinabi nilá.

Náraramdaman ni Sisang tumítiboc ng̃ bóong lacás ang canyáng púsò, samantalang pumapanhíc siyá sa hagdanan; hindî pa niyá nalalaman cung anó ang canyáng sasabihin sa párì upang mapahupâ ang galit, at cung anó ang mg̃a catuwirang canyáng isasaysay upang maipagsanggaláng ang canyáng anác. Nang umagang iyon, pagsilang ng̃ mg̃a unang sínag ng̃ liwáywáy, nanaog siya sa canyáng halamanan upang putihin ang lalong magagandáng gúlay, na canyáng inilagay sa canyang bacúlang sinapnan ng̃ dáhong ságuing at mg̃a bulaclac. Nang̃uha siyá sa tabíng ilog ng̃ pacô, na talastas niyang naiibigan ng̃ curang cáning ensalada. Nagbihis ng̃ lalong magagalíng niyáng damít, sinunong ang bacol at napasabayang hindî guinising muna ang canyang anác.

Nagpapacarahan siyá ng̃ boong cáya upang huwag uming̃ay, untî-unting siyá'y pumanhíc, at nakikinig siya ng̃ mainam at nagbabacâ-sacaling marinig niyá ang isáng voces na kilalá, voces na sariwà voces batà.

Ng̃uni't hindî niyá nárinig ang sino man at sino ma'y hindî niyá nasumpungán, caya't napatung̃o siya sa cocínà.

Diya'y minasdán niyá ang lahát ng̃ mg̃a súloc; malamíg ang pagcacátanggap sa canyá ng̃ mg̃a alilà at ng̃ mg̃a sacritan. Bahagyâ na siyá sinagot sa báti niyá sa canilá.

—¿Saan co mailálagay ang mg̃a gúlay na itó?—ang itinanóng na hindî nagpakita ng̃ hinanakit.

—¡Diyán..! sa alin mang lugar.—ang sagot ng̃ "cocinero", na bahagyá na sinulyáp ang mg̃a gúlay na iyón, na ang canyáng guinágawa ang siyáng totoong pinakikialaman: siya'y naghihimulmol ng̃ isáng capón.

Isinalansáng mahusay ni Sisa sa ibabaw ng̃ mesa ang mg̃a talòng, ang mg̃a "amargoso", ang mg̃a patola, ang zarzalida at ang mg̃a múrang múrang mg̃a talbós ng̃ pacô. Pagcatápos ay inilagáy ang mg̃a bulaclác sa ibabaw, ng̃umitî ng̃ bahagyâ at tumanóng sa isáng alílà, na sa tingín niya'y lalong magalíng causapin cay sa cocinero.

—¿Maaarì bang macausap co ang párì?

—May sakít—ang sagót na marahan ng̃ alílà.

—At ¿si Crispin? Nalalaman pô bâ ninyo cung na sa sacristía.

Tiningnán siyá ng̃ alílang nagtátaca.

—¿Si Crispin?—ang tanóng na pinapagcunót ang mg̃a kílay.—¿Walâ ba sa inyóng bahay? ¿Ibig ba ninyóng itangguí?

—Nasabáhay si Basilio, ng̃uni't nátira rito si Crispin—ang itinútol ni Sisa;—ibig co siyáng makita....

—¡Abá!—anáng alílà;—nátira ng̃â rito; ng̃uni't pagcatapos ... pagcatapos ay nagtanan, pagcapagnacaw ng̃ maraming bagay. Pinaparoon acó ng̃ cura sa cuartel pagca umagang umaga ng̃ayón, upang ipagbigáy sabi sa Guardia Civil. Marahil silá'y naparoon na sa inyóng bahay upang hanapin ang mg̃a bátà.

¡Tinacpán ni Sisa ang mg̃a taing̃a, binucsán ang bibíg, ng̃uni't nawalang cabuluhán ang paggaláw ng̃ canyáng mg̃a lábì: waláng lumabás na anó mang tíni!

—¡Tingnán na ng̃â ninyó ang inyóng mg̃a anác!—ang idinugtóng ng̃ cocinero. ¡Napagkikilalang cayó'y mápagtapat na asawa; nagsilabás ang mg̃a anác na gaya rin ng̃ caniláng amá! ¡At mag-ing̃at cayó't ang maliit ay lálampas pa sa amá!

Nanambitan si Sisa ng̃ boong capaitan, at nagpacáupô sa isáng bangcô.

—¡Howág cayóng manáng̃is dito!—ang isinigáw sa canyá ng̃ cocinero:—¿hindî ba ninyó alám na may sakít ang párì? Doon cayó manang̃is sa lansang̃an.

Nanaog sa hagdanan ang abang babaeng halos ipinagtutulacan, samantalang nagbubulungbulung̃an ang mg̃a "manang" at pinagbabalacbalac nilá ang tungcól sa sakit ng̃ cura.

Tinacpán ng̃ panyô ng̃ culang pálad na iná ang canyáng mukhâ at piniguil ang pag-iyác.

Pagdatíng niyá sa dâan, sa pag-aalinlang̃a'y nagpalíng̃aplíng̃ap sa magcabicabilà; pagcatapos, tîla mandin may pinacsâ na siyáng gágawin, cayá't matulin siyáng lumayô.