

XXI.
CASAYSAYAN NANG BUHAY NANG ISANG INA
Tumatácbo si Sisang patung̃ó sa canyáng báhay, tagláy iyóng caguluhan ng̃ baít na nangyayari sa ating cataohan, pagcâ sa guitnâ ng̃ isáng casacunaán ay walâ sino mang nagmamalasakit sa atin at sa ati'y tumatacas ang mg̃a pag-asa. Cung nagcacagayo'y anaki'y dumidilim na lahát sa ating paliguid, at sacali't macakita tayo ng̃ isáng máliit na ilaw sa maláyò, tinátacbo natin ang ilaw na iyón, pinag-uusig natin, at hindî natin alumana cáhi't makitang sa calaguitnâan ng̃ landás ay may isang malalim na bang̃ín.
Ibig ng̃ ináng iligtás ang canyáng mg̃a anác, ng̃uni't ¿paano? Hindî itinátanong ng̃ mg̃a iná ang gágawing mg̃a paraan, pagca nanucól sa canilang mg̃a anác.
Tumátacbong nagsísikip ang dib-dib, palibhasa'y pinag-uusig ng̃ mg̃a guniguníng calaguímlaguim. ¿Nárakip na cayâ ang anác niyang si Basilio? ¿Saán tumácas ang canyáng anác na si Crispin?
Nang malápit na siyá sa canyáng báhay ay canyáng natanawan ang mg̃a capacete ng̃ dalawáng sundalong na sa ibábaw ng̃ bacuran ng̃ canyáng halamanan. Hindî mangyayaring maisaysay cung anó ang dinamdám ng̃ canyáng pusó: nalimutan niyá ang lahát. Hindî cailâ sa canyá ang canpang̃ahasan ng̃ mg̃a táong iyóng hindî nang̃agpipitagan cahi't sa lálong mayayaman sa bayan, ¿anó cayâ ang mangyayari sa canyá at sa canyáng mg̃a anác na pinagbibintang̃an nang̃anácaw? Hindî mg̃a táo ang mg̃a guardia civil, sila'y mg̃a guardia civil lamang: hindî nilá diníring̃ig ang mg̃a panghihimanhic at sila'y bihasang macapanood ng̃ mg̃a lúhà.
Hindî sinásadya'y itinaás ni Sisa ang canyáng mg̃a matá sa lang̃it, at ang lang̃it ay ng̃umíng̃itî ng̃ caayaayang caliwanagan; lumalang̃o'y ang ilang maliliit at mapuputing alapaap sa nang̃ang̃aninag na azúl. Humintò siyá upang piguilin ang pang̃ang̃atal na lumalaganap sa canyáng boong katawán.
Iniiwan na ng̃ mg̃a sundalo ang canyáng báhay at silá'y waláng casama; walâ siláng hinuli cung dî ang inahíng manóc na pinatátabâ ni Sisa. Nacahing̃á siyá at lumacás ang canyáng loób.
—¡Pagcábabait nilá at pagcágaganda ng̃ caniláng mg̃a calooban!-ang ibinulóng na hálos umíiyac sa catowáan.
Cahi't sunuguin ng̃ mg̃a sundalo ang canyáng báhay, huwag lámang piitín nilá ang canyáng mg̃a anác, ay silá'y pacapupuspusin dín niyá ng̃ pagpupuri.
Muling tinitigan niyá, sa pagpapasalamat, ang lang̃it na pinagdaraanan ng̃ isang cawan ng̃ mg̃a tagác, iyáng matutûling mg̃a alapaap ng̃ mg̃a láng̃it ng̃ Filipinas, at sa pagca't nanag-úli sa canyáng púsó ang pananálig ay ipinagpatúloy niyá ang paglácad.
Nang malapit na si Sisa sa mg̃a catacot-tacot na mg̃a táong yao'y nagpaling̃apling̃ap sa magcabicabíla at nagcóconowáng hindî niyá nakikita ang canyáng inahing manóc na pumípiyac at humihing̃ing sáclolo. Bahagya pa lamang nang̃acacaraan sa canyáng tabí ay nag-acála siyang tumacbó, ng̃uni't piniguil ang tulin ng̃ canyáng paglacad ng̃ pagiing̃at na bacâ siyá'y máino.
Hindî pa siyá nacalálayô ng̃ malaki ng̃ márinig niyáng siyá'y caniláng tinatawag ng̃ boong cabang̃isán.
Hindî kinukusa'y lumapit si Sisa, at náramdaman niyáng hindî niyá maigaláw ang canyáng dilà sa tácot at natútuyô ang canyáng lalamunan.
—¡Sabìhin mo sa amin ang catótohanan ó cung hindî itatáli ca namin sa cáhoy na iyon at papuputucán ca namin ng̃ dalawa!—anang isá sa caniláng may pagbabálà ang tunóg ng̃ voces.
Tuming̃in ang babae sa dacong kinalalagyan ng̃ cáhoy.
—¿Icaw bâ ang iná ng̃ mg̃a magnanacaw, icáw?—ang tanóng naman ng̃ isá.
—¡Iná ng̃ mg̃a magnanacaw!—ang di sinásadya'y inúlit ni Sisa.
—¿Saán nároon ang salapíng iniuwî sa iyo cagabí ng̃ iyóng mg̃a anác?
—¡Ah, ang salapi!...
—¡Howag mong itangguí ang salapíng iyán, sa pagca't lálong mápapasamá icaw!—ang idinugtóng ng̃ isá. Naparíto cami't ng̃ dacpín ang iyóng mg̃á anác; ang pinacamatanda'y nacatanan sa amin, ¿saan mo itinágò ang bunsô?
Huming̃á si Sisa ng̃ máring̃ig ang gayong sabi.
—¡Guinoó!—ang isinagot—¡malaon na pong araw na hindî co nakikita ang aking anác na si Crispín: ang boóng acálà co'y masusumpung̃an co siyá caninang umaga sa convento, doo'y ang sinábi lamang sa aki'y....
—Nagsuliapan ang dalawang sundálo ng̃ macahulugán.
—¡Magaling!—ang bigláng sinabi ng̃ isá sa canilá; ibigay mo sa amin ang salapi, at hindî ca na namin babagabaguin.
—¡Guinoo!—ang isinamò ng̃ cúlang palad na babae!—ang aking mg̃a anac ay hindî nagnanacaw cahi't madayucdóc; bihasa caming magútom. Hindî nag-uuwî sa akin si Basilio cahi't isang cuarta; halughuguín ninyó ang boong bahay, at cung cayo'y macasumpong cahi't sisicapat man lamang, gawín ninyó sa amin ang bawa't maibigan. ¡Caming mg̃a dukhâ ay hindî magnanacaw!
—Cung gayón—ang ipinagpatuloy ng̃ sundálo ng̃ madálang na pananalitâ, at canyáng tinititigan ang mg̃a matá ni Sisa,—icáw ay sumáma sa amin; pagsisicapan na ng̃ iyóng mg̃a anác na humarap at isísipót ang salaping ninacaw: ¡Sumama ca sa amin!
—¿Acó? ¿sumama acó sa inyó?—ang ibinulóng ng̃ babae na umudlót at minamasdan ng̃ boong pagcagulat ang mg̃a pananamít ng̃ sundalo.
—¿At bakit hindî?
—¡Ah! ¡mahabág cayó sa akin!—ang ipinamanhíc na halos lumúluhod.—Totoong acó'y mahírap; walâ acóng guintô ó hiyas man lamang na súcat maialay sa inyó: nacúha na ninyó ang aking tang̃ing pag-aarì, ang inahíng manóc na inacala co sanang ipagbili ... dalhín na ninyó ang lahat ng̃ inyóng masumpong sa aking dampâ; ng̃uni't ¡pabayaân na ninyó rito acóng pumayapâ; pabayaan na ninyóng mamatay acó rito!
—¡Súlong na! kinacailang̃ang sumama ca sa amin; at cung aayaw cang sumama ng̃ sa magaling̃an, icaw ay gagapusin namin.
Tumang̃is si Sisa ng̃ capaitpaitan. Hindî nababagbag ang loob ng̃ mg̃a taong iyón.
—¡Ipaubayà man lamang ninyóng acó'y mauna ng̃ malayô-layô!—ang ipinakiusap ng̃ maramdaman niyang siya'y tinatangnan ng̃ boong calupitan at siya'y itinutulac.
Naawà ang dalawang sundalo at nag-usap sila ng̃ marahan.
—¡Hala!—ang wíca ng̃ isá—sa pagca't buhat dito hanggang sa pumasoc tayo sa bayan ay macatátacbo ca, icaw ay lalagay sa pag-itan naming dalawâ. Cung naroroon na tayo, macapagpapauna ca sa amin ng̃ may mg̃a dalawampong hakbang; ng̃uni't ¡mag-ing̃at ca! ¡huwag cang papasoc sa alín mang tindahan at huwag cang hihintô. ¡Hala, lacad na at magmadalî ca!
Nawal-ang cabuluhan ang mg̃a pagsamò, nawal-ang cabuluhan ang mg̃a pang̃ang̃atuwiran, hindî pinansin ang mg̃a pang̃acò. Sinasabi ng̃ mg̃a sundalong lumalagay na silá sa pang̃anib at malabis ng̃ totoo ang canilang ipinagcacaloob.
Nang malagay na siya sa guitna ng̃ dalawa'y naramdaman niyang siya'y namámatay ng̃ hiyâ. Tunay ng̃a't walâ sino mang lumalacad sa daan, ng̃uni't ¿ang háng̃in at ang liwánag ng̃ áraw? Ang tunay na cahihiya'y nacacakita ng̃ tumiting̃in sa alin mang dáco. Tinacpán ng̃ panyô ang mukhâ, at sa paglácad niyáng waláng nakikitang anó man ay tinang̃isan ng̃ waláng imic ang canyáng pagcaamís. Napagtatalastas niyá ang canyáng cahirapan, nalalaman niyáng sa canyá'y walá sino mang tumiting̃in at sampò ng̃ canyáng asawa'y hindî siyá ipinagmamalasakit; ng̃uni't tunay na alám niyáng siya'y ma'y capurihan at kinalulúgdan ng̃ madlá hanggáng sa horas na iyón; hanggang sa horas na iyó'y canyáng kinaháhabagan yaóng mg̃a babaeng nang̃agdáramit ng̃ catawatawá na pinamámagatan ng̃ bayang caagulo ng̃ mg̃a sundalo. Ng̃ayó'y tila mandin sa ganáng canyá'y napababâ siyá ng̃ isáng baytang sa kinálalagyan ng̃ mg̃a babaeng iyón sa hagdanan ng̃ búhay.
Narinig niya ang yabág ng̃ lácad ng̃ mg̃a cabayo: yaó'y ang mg̃a nagdádala ng̃ mg̃a isdâ sa mg̃a báyang dáco roon. Guinágawa nilá ang gayóng mg̃a paglalacbáy na nagpupulupulutong ng̃ maliliit ang mg̃a lalaki't babae, na nang̃acasacay sa masasamáng cabayo, sa guitnâ ng̃ dalawáng bákid na nang̃acabítin sa magcábilang taguiliran ng̃ háyop. Ang ilán sa canilá'y ng̃ magdaan isáng áraw sa harapán ng̃ canyáng dampâ ay nang̃agsihing̃î ng̃ tubig na inumin, at siyá'y hinandugán ng̃ iláng isdâ. Ng̃ayó'y ng̃ mang̃agdaan silá sa canyáng tabi, sa acálà niyá'y siyá'y tinatahac at guiniguiic, at ang caniláng mg̃a ting̃íng may calakip na habág ó pagpapawaláng halagá ay lumálampas sa panyó at tinutudlâ ang canyáng mukhâ.
Sa cawacasa'y lumayô ang mg̃a maglalacbay at nagbuntóng hining̃á si Sisa. Inihiwalá niyáng sandalî ang panyô sa canyang mukhâ upang canyáng matingnán cung silá'y maláyò pa sa báyan. May nátitira pang iláng mg̃a halígui ng̃ telégrafo bago dumating sa "bantayan". Cailan ma'y hindî niyá náramdaman ang caunatan ng̃ gayong láyò, cung dî niyón lamang.
Sa tabi ng̃ daa'y may isáng malagóng cawayanang sa lilim niyó'y nagpapahing̃a siyá ng̃ unang panahón. Diya'y pinakikiusapan siyá ng̃ catamistamisan ng̃ sa canyá'y nang̃ing̃ibig; tinutulung̃an nito siyá ng̃ pagdadalá ng̃ cáhoy at mg̃a gúlay; ¡ay! nagdaan ang mg̃a áraw na iyóng túlad sa panag-inip; ang nang̃ing̃ibig ay canyáng naguing asawa, at ang asawa'y inatang̃an ng̃ catungculang "cabeza de barangay" at ng̃ magcagayó'y nagpasimula ang casaliwaang pálad ng̃ pagtawag sa caniláng pintuan.
Sa, pagca't nagpapasimulâ ang áraw ng̃ pag init na totoo, siya'y tinanóng ng̃ mg̃a sundalo cung ibig niyang magpahing̃a.
—¡Salamat!—ang canyáng isinagót na nang̃ing̃ilabot.
Datapuwa't ng̃ totoong siya'y mapuspos ng̃ malaking pangguiguipuspos ay ng̃ malapit na siyang dumating sa bayan. Sa malakíng samâ ng̃ canyáng loob ay siya'y lumíng̃ap sa magcabicabilâ; malalawac na mg̃a paláyan, isáng maliit na sangháng inaagusan ng̃ tubig na pangdilíg, salupanít na mg̃a cáhoy; ¡walâ siyáng makitang isáng bang̃íng pagpatibulirán ó isáng malakí't matigás na batóng paghampasán ng̃ sariling catawán! Canyáng pinagsisihan ang canyáng pagcasama sa mg̃a sundalo hanggáng doon; ¡ng̃ayó'y pinanghihinayang̃an niyá ang malalim na ilog na tumátacbo sa malapit sa canyáng dampâ, sapagca't ang matataas na mg̃a pampang̃in niyao'y nasasabugan ng̃ mg̃a matutulis na buháy na batóng nang̃agháhandog ng̃ catamistamisang camatayan. Ng̃uni't ang pagcaalaala niyá sa canyáng mg̃a anác, sa anác niyáng si Crisping hindî pa niya natatalos ng̃ sandalíng iyón ang kinasapitan, ang siyáng tumangláw sa canyá ng̃ gabíng iyón ng̃ canyáng búhay cayá't canyáng naibulong sa pag-sang-ayon sa marawal na palad:
—¡Pagcatapos ... pagcatapos ay mananáhan camí sa guitnâ ng̃ cagubatan!
Pinahíran ng̃ lúha ang canyáng mg̃a matá, pagpílit na tumiwasáy at nagsabi sa mg̃a guardia ng̃ marahang tínig:
—¡Na sa bayan na tayo!
Hindî mapaglírip ang anyô ng̃ canyáng pagcápanalitâ; yao'y daing, sisi, hibic, yaó'y daláng̃in, yaón ang pighatíng binuò sa tínig.
Sinagót siyá ng̃ isáng tang̃ô ng̃ mg̃a sundalong sa canyá'y naháhabag. Nagmadaling nagpauna si Sisa at pagpílit na mag-anyóng tiwasáy ang loob.
Nang sandalíng iyó'y pagpasimulâ ang pagrepique ng̃ mg̃a campana't ipina-aalam ang pagcatapos ng̃ mísa mayor. Tinulinan ni Sisa ang paglacad, at ng̃ cung mangyayari'y huwag niyáng macasalubong ang mg̃a táong lalabas sa simbahan. Datapuwa't ¡hindî nangyari! waláng nakitang paraan upang maiwasan ang gayóng pagcasalubong.
Bumatì ng̃ masacláp na ng̃iti sa dalawáng cakilala niyá, na sa canyá'y nag-uusísa sa pamamag-itan ng̃ ting̃ín, at mulâ niyó'y ng̃ canyáng mailágan ang gayóng mg̃a cahirápan ng̃ loob, tumung̃ó siyá at ang lúpang tinutuntung̃an niyá ang canyáng minasdán, at ¡bagay na caguilaguilalas! natitisod siyá sa mg̃a bató ng̃ lansáng̃an.
Tumiguil ng̃ sandalî ang mg̃ táo pagcakita sa canyá, silá-silá'y nang̃ag-uusap at sinusundan siyá ng̃ caniláng títig: nakikita niya ang lahát ng̃ itó, náraramdaman niya, bagaman siyá'y laguing nacating̃ín sa lúpà.
Naring̃ig niyá ang voces ng̃ isáng waláng cahihiyang babae, na nasalicuran niyá at nagtátanong ng̃ hálos pasigáw:
—¿Saan ninyó nahuli ang babaeng itó? ¿At ang salápi?
Yaó'y isáng babaeng waláng tápis, dilaw at verde ang sáya at ang báro'y gasang azul; napagkikilala sa canyang pananamít na siyá'y isáng caagulo ng̃ sundalo.
Nacaramdam si Sisa ng̃ isáng parang tampál: wari'y hinubdán siyá ng̃ babaeng iyón sa haráp ng̃ caramíhan. Sandalíng tumungháy upang siyá'y magsáwa sa libác at pag-amís: nakita niyang ang mg̃a táo'y maláyò, totoong maláyò sa canyá; gayôn ma'y náramdaman niyá ang calamigán ng̃ caniláng ting̃in at canyang náriring̃ig ang caniláng mg̃a bulungbulung̃an. Lumalacad ang abáng babaeng hindî nararamdaman ang pagtungtóng sa lúpa.
—¡Uy, dito ca tumúng̃o!—ang isininigáw sa canya ng̃ isáng guardia.
Tulad sa waláng pag-íisip na nawasac ang nacapagpapagalaw, biglangbiglang ipinihit niyá ang canyáng mg̃a paa. At hindî siyá nacakikita ng̃ anó man, waláng anó mang iniisip, siya'y tumacbo at nagtágò; nakita niyá ang isáng pintuang may isáng sundalong bantáy, nag-acála siyang pumasoc doon; ng̃uni't siya'y inilihís sa canyang paglacad ng̃ isá pang voces na lalò pa manding mabalasíc. Tinunutón niya ang pinanggaling̃an ng̃ voces, na humáhacbang siyáng halos masung̃abà sa panglulupaypáy; naramdaman niyang siya'y itinutulac sa licuran, siya'y pumikit, humacbáng ng̃ dalawá at sa pagca't kinúlang siya ng̃ lacás, nagpacálugmóc na siyá sa lúpà, paluhód muna at paupô pagcatápos. Isang pagtáng̃is na waláng lúha, walang sigáw, walang hibíc, ang siyang sa canya'y nagpapacatal.
Yáón ang cuartel: doo'y may mg̃a sundalo, mg̃a babae, mg̃a baboy at mg̃a inahíng manóc. Nang̃agsisipanahî ng̃ canicanilang mg̃a damít ang ibáng mg̃a sundálo, samantalang nacahiga sa bangcô ang canilang mg̃a caagulong babae, na ang híta ng̃ lalaki ang inuunan, nang̃aghihithiitan ng̃ tabaco ó cigarrillo at minámasdang ang bubung̃ang nang̃ayáyamot sa búhay: Tumutulong namán ang mg̃a ibáng babae sa paglilinis ng̃ damit ng̃ mg̃a sandata at iba pa, at inaaguing-íng ang mg̃a mahahalay na awit.
—¡Tila mandin nacatacas ang mg̃a sisiw! ¿Ang inahíng manóc lamang ang inyong dalá?—anang isang babae sa mg̃a sundalong bagong dating; na hindî napagsi siyasat cung ang sabi niya'y dahil cay Sisa ó sa inahíng manóc na nagpapatuloy ng̃ piniyácpiyác.
—¡Siya ng̃a namán! cailan ma'y mahalagá ang inahíng manóc cay sa sisiw—ang isinagot niyá sa canyá ring tanong, ng̃ makita niyáng hindî umiimic ang mg̃a sundalo.
—¿Saan naroon ang sargento?—ang tanóng na may anyóng samâ ang loob ng̃ isá sa mg̃a guardîa cívil—¿Nagbigay sabi na bâ sa alferez?
Mg̃a kibit ng̃ balícat ang siyáng sa canya'y sagót ng̃ nang̃aroon, sino ma'y walang nagmamalasakit ng̃ camuntî man lamang tungcól sa calagayan ng̃ abáng babáe.
Dalawáng horas ang itinagal doon ni Sisa, sa isáng anyóng halos ay hibáng, nacauncót sa isáng súloc, nacatágo ang ûlo sa mg̃a camay, gusót at gusamót ang buhóc. Natanto ng̃ alférez ang padakip na iyon ng̃ pagcatanhaling tapát, at ang únang guinawâ niyá'y ang huwag paniwalâan ang sumbóng ng̃ cura.
—¡Bah! ¡iya'y mg̃a caul-ulan lamang ng̃ curipot na fraile!—anyá, at ipinag-utos na alpasán ang babae, at sino ma'y huwag ng̃ makialam ng̃ bagay na iyon.
—¡Cung ibig niyáng másumpong ang sa canyá'y nawalâ—ang idinugtong—hing̃in niya sa canyáng San Antonio ó magsacdál cayà siya sa nuncio! ¡Iyan!
Dahil sa mangyaring ito, si Sisa'y pinalayas sa cuartel na halos ipinagtutulacan, sa pagca't aayaw siyang cumílos.
Nang mákita ni Sisang siya'y sumasaguitna ng̃ daan lumacad na siyáng dî alam ang guinágawa, at tumúng̃o sa canyang báhay, nagmámadalî, walang anó mang takip ang úlo at ang tinititiga'y ang maláyong tan-awin. Nagnining̃as ang araw sa taluctóc ng̃ lang̃it at walang anó mang alapaap na nacacucublí sa maningníng niyang cabilugan; bahagyâ na pinagágalaw ng̃ hang̃in ang dáhon ng̃ mg̃a cahoy; hálos tuyô na ang mg̃a daan; waláng mang̃ahas cahi't isang ibon man lamang na iwan ang lilim ng̃ mg̃a sang̃á.
Sa cawacasa'y dumating din si Sisa sa canyang maliit na bahay. Pumásoc siyá roong pipí, hindî umiimic, nilibot ang cabahayan, umalís, nagpalacadlacad sa magcabicabila. Tumacbó, pagcatapos sa bahay ni matandang Tasio, tumáwag sa pintuan; ng̃uni't walâ roon ang matandà. Bumalic sa canyáng báhay ang culang palad at nagpasimulâ ng̃ pagtáwag ng̃ pasigáw: ¡Basilio! ¡Crispín! at maya't maya'y humihinto at nakikinig ng̃ mainam. Inuulit ng̃ aling̃ang̃aw ang canyáng voces: ang matimyas na lagaslas ng̃ tubig sa calapit na ílog, ang música ng̃ mg̃a dahon ng̃ mg̃a cawayan; itó ang tang̃ing mg̃a voces ng̃ pag-iisa. Mulíng tumatawag, umaacyá't sa isáng mataas na lúpa, lumulusong sa isang bang̃in, nananaog sa ilog; nagpapalíng̃apling̃ap ang canyáng mg̃a matáng may anyóng mabang̃is; ang mg̃a matá ring iyo'y manacanacang nag-aalab ng̃ mainam, pagcatapos ay nagdídilim, tulad sa lang̃it cung gabíng sumísigwa: masasabing namímisic ang liwanag ng̃ pag-iísip at malapit ng̃ magdilím.
Mulíng pumanhíc sa canyáng maliit na báhay, naupô sa baníg na caniláng hinig-án ng̃ nagdaang gabí, itinungháy ang mg̃a matá at nakita niyá ang capirasong napunit sa bárò ni Basilio sa dúlo ng̃ isáng cawayan ng̃ dingding, na na sa tabí ng̃ bang̃in. Nagtinding, kinuha ang pilas na damit na iyon at pinagmasdan sa ínit ng̃ áraw: may mg̃a bahid, na dugò.
Datapwa't marahil hindî nakita ni Sisa ang gayong mg̃a bahid, sa pagca't nanaog at ipinagpatuloy ang pagsisiyasat sa pílas, sa guitnâ ng̃ nacasusunog na ínit ng̃ araw, na canyáng itinataas, at sa pagca't tila mandin ang ting̃in niya'y madilím na lahát, tinitigan niyá ng̃ paharap ang araw ng̃ dilát na dilát.
Nagpatúloy rin siya ng̃ pagpapalacadlacad sa magcabicabilá, na sumísigaw ó umaatung̃al ng̃ cacaibang tunóg; marahil siya'y catatacutan cung sa canya'y may macarinig; may isáng tínig ang canyáng voces na hindî caraniwang manggaling sa lalamunan ng̃ táo. Sa boong gabí, pagca umaatung̃al ang unós, at lumilipad ang hang̃in ng̃ calaguimlaguim na catulinan, at ipinagtatabuyan ng̃ canyáng hindî nakikitang mg̃a pacpac ang isáng hucbóng mg̃a aninong sa canyá'y humahagad, cung sacali't cayo'y na sa isáng báhay na guibâ at nag-íisa, at nacacarinig cayó ng̃ mg̃a cacaibang daing, mg̃a cacaibang buntóng-hining̃áng ipinalálagay ninyóng yaó'y ang hilahis ng̃ hihip ng̃ hang̃in sa pagtámà sa matataas na mg̃a torre ó siráng mg̃a pader, datapuwa't sa inyó'y pumupuspos ng̃ tacot at sa inyó'y nagpapakilabot na hindî ninyó mapiguilan; talastasin ng̃â ninyóng higuit ang lungcót ng̃ tínig ng̃ ináng iyón, cay sa hindî mapaglírip na mg̃a hibíc sa mg̃a gabíng madilím pagcâ umaatung̃al ang unós.
Sa gayóng calagaya'y inábot si Sisa ng̃ gabí. Pinagcalooban siyá marahil ng̃ Láng̃it ng̃ iláng horas na pagcacatulog, at samantalang siya'y nahihimbing, hinilahihisan ng̃ pacpác ng̃ isang ángel ang namumutlâ niyáng mukhâ, upang macatcát sa canyá ang alaala, na waláng ibáng tinátaglay cung dî pawang capighatîan; marahil hindî cásiyang macáya ng̃ mahinang lacás ng̃ táo ang gayóng caraming mg̃a pagcacasákit, caya't ng̃ magcágayo'y na mag-itan marahil ang Inang-Talagá ng̃ Dios na tagláy ang canyang matimyás na pangpagaang ng̃ hírap, ang pagcalimot; datapuwat sa papaano man, ang catotohana'y ng̃ kinabucasan, si Sisa'y nagpapalacádlácad na nacang̃itî, nag-aawit ó cung hindî nakikipag-usap sa lahát ng̃ mg̃a may búhay na kinapál.


XXII.
MANGA ILAW AT MGA DILIM
Nacaraan ang tatlóng áraw mulâ ng̃ mangyari ang mg̃a bagay na aming sinaysay. Guinamit ng̃ bayan ng̃ San Diego ang tatlong araw na ito, na casama ang mg̃a gabí sa paghahanda ng̃ fiesta at sa mg̃a salitaan, casabay ang mg̃a pag-uupasálà.
Samantalang caniláng nilalasap-lasap na ang mg̃a mangyayaring mg̃a casayahan, pinipintasan ng̃ ibá ang gobernadorcillo, ang ibá namá'y ang teniente mayor, at ang ibá'y ang mg̃a batà, at hindî nawawalan ng̃ binibigyang casalanan ng̃ lahát ang lahát.
Pinag-uusap-usapan ang pagdating ni María Clara, na casama ng̃ tía Isabel. Sila'y nang̃atutúwâ sa gayong pagdatíng, palibhasa'y caniláng kinalúlugdan siyá, at casabáy ng̃ caniláng malaking pangguiguilalás sa canyáng cagandahan, ang canilá namáng pagtatacá sa mg̃a pagbabagobago ng̃ caugalian ni pári Salví.—"Madalás na siyá'y natitigagal at anaki'y nakalilimot samantalang nagmimisa; hindi na lubháng nakikipagsalitaan sa amin, at kitangkita ang canyang pagyayat at ang canyáng pagcawaláng catiwasayan ng̃ loob,"—ang sabihan ng̃ mg̃a nagcucumpisal sa canyá. Namamasid ng̃ "cocinerong" siya'y namamayat ng̃ namamayat, at dumaraing ng̃ dî pagpapaunlac sa canyáng mg̃a inilulutong pagcain. Ng̃uni't ang lalong nacapagpapaalab ng̃ mg̃a bulong-bulung̃a'y ang canilang namamasdang mahiguít sa dalawáng ilaw sa convento cung gabí, samantalang si párì Salví'y dumadalaw sa isang bahay ng̃ mámamayan ... ¡sa báhay ni María Clara! ¡Nang̃agcucruz ang mg̃a mápagbanal, ng̃uni't ipinatutuloy nila ang pagbubulong-bulung̃an.
Tumelégrama si Juan Crisóstomo Ibarra buhat sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, na bumabati siyá cay tía Isabel at sa pamangkin nito; ng̃uni't hindî ipinaliliwanag cung bakit walâ siyá roon. Ang acálà ng̃ marami siya'y nabibilango dahil sa ginawâ niya cay parì Salví ng̃ hapon ng̃ araw ng̃ "Todos los Santos".
Datapuwa't lalò ng̃ lumakí ang mg̃a usap-usapan ng̃ makita nila ng̃ hapon ng̃ icatlóng araw na lumúlunsad si Ibarra sa isang coche, sa harapan ng̃ munting bahay na tinitirahan ng̃ dalagang canyang maguiguing asawa, at bumabati ng̃ boong pitagan sa fraile, na tumutung̃o rin sa bahay na iyón.
Sino ma'y walang nacacagunitâ cay Sisa at sa canyang mg̃a anac.
Cung pumaroon tayo ng̃ayón sa bahay ni María Clara, isang magandang púgad na na sa guitna ng̃ mg̃a dalandan at ilang-ilang, mararatnan pa natin ang binata't dalagang capuwâ nacasung̃aw sa isang bintana sa dacong dagatan. Lumililim sa bintanang iyon ang mg̃a bulaclac at mg̃a halamang gumagapang sa mg̃a cawayan at sa mg̃a cawad, na pawang nang̃agsasabog ng̃ pihícang bang̃o.
Bumubulong ang canilang mg̃a labi ng̃ mg̃a salitang higuit ang cagandahang dingguín cay sa halishísan ng̃ mg̃a damó, at lalong mahalimuyac cay sa hang̃ing may taglay na bang̃ong handog ng̃ mg̃a bulaclac halamanan.
Sinasamantala ng̃ mg̃a "sirena" sa dagatan ang pag-aagaw-dilím ng̃ oras na iyon ng̃ matúling pagtatakíp-sílim ng̃ hapon, upang isung̃aw sa ibabaw ng̃ mg̃a alon ang canilang masasayáng maliliit na úlo at pangguilalasan at bumatì ng̃ canilang mg̃a awit sa araw na naghihing̃alô. Mg̃a azúl daw ang canilang mg̃a mata at ang canilang mg̃a buhóc; na sila'y may mg̃a pútong na coronang halaman sa tubig na may mg̃a bulaclac na mapuputi't mapupula; manacanacâ raw ipinamamalas ng̃ mg̃a bulâ ang canilang parang linalic na catawang higuit sa bulâ ang caputian at cung ganap ng̃ gabi'y canilang pinasisimulaan ang canilang mg̃a calugodlugod na paglalarô, at canilang ipinarírinig ang mg̃a tinig na talinghagang tulad sa mg̃a arpa sa lang̃it; sa bihanan din namang ...; ng̃uni't pagbalican natin ang ating mg̃a kinabataan pakinggan natin ang wacas ng̃ canilang salitaan. Sinasabi ni Ibarra cay María Clara:
—Búcas, bago magbucáng liwayway, magáganap ang hang̃ád mo. Iháhandâ cong lahát ng̃ayóng gabí at ng̃ huwag magculang ng̃ anó man.
—Cung gayó'y susulat acó sa aking mg̃a caibigang babae at ng̃ mang̃agsiparito. ¡Gawín mo ang bagay na itó sa isang parang howag sanang macasunód ang cura!
—At ¿bakit?
—Sa pagca't tila mandin acó'y binábantayan niyá. Nacasásamâ sa ákin ang canyáng mg̃a matang malalálim at malulungcót, pagca itinititig niya sa akin ay acó'y natatacot. Pagcâ acó'y kinacausap niyá, siya'y may isáng voces na ... sinasabi sa akin ang mg̃a bagay na totoong cacaiba, na hindî mapaglirip, na totoong cacatuwâ ... minsa'y itínanóng niya sa akin cung hindî co nananag-ínip ng̃ tungcól sa mg̃a súlat ng̃ nanay; sa aking acala'y halos nasisíra ang canyang baít. Sinasabi sa akin ng̃ caibigan cong si Sinang at saca ni Andeng na aking capatíd sa gatas, na siya'y may pagcaculang-culang ang ísip. ¡Gawín mo sana ng̃ paraang siya'y howag pumarito!
—Hindî maaaring siya'y hindî natin anyayahan—ang sagot ni Ibarrang nag-iisip-ísip.—Catungculang atang ito ng̃ caugalian ng̃ bayan; siya'y nasa bahay mo at bucod sa rito'y nag-ugaling mahal siya sa akin. Nag magtanóng sa canya ang Alcalde tungcól sa bagay na sinabi co na sa iyó, walang sinabi siya cung dî pawáng mg̃a pagpuri sa akin, at hindi nag-acalang maglagay ng̃ cahit caunting hadlang man lamang. Ng̃uni't namamasid cong icaw ay namúmuhî; howag cang manimdím at hindî macasasama siya sa atin sa bangcâ.
Narinig ang marahang lacad; yao'y ang curang lumalapit na taglay ang ng̃itíng pilit.
—¡Maguinaw ang hang̃in!—anyá;—pagcâ nacacáhaguíp ng̃ isáng sipón, ay hindî bumíbitiw cung dî dumatíng ang tag-ínit. ¿Hindî ba cayó nang̃ang̃anib na baca cayó'y malamigan?
Nang̃ang̃atal ang voces niyá at sa maláyò ang canyáng tanáw: hindî siyá tumiting̃in sa binata't dalága.
—¡Tumbalíc; ang pakiramdám namin ay caayaaya ang gabi at masarap ang háng̃in. Itó ang pinacá "otoño" at "primavera"[256] namin, nanlálaglag ang iláng mg̃a dahon, datapuwa't laguing sumisilang ang mg̃a bulaclac.
Nagbuntóng hining̃á si párì Salví.
—Ipinalálagay cong carikitdikitan ang pagcacálangcap ng̃ dalawáng bahaguing itó ng̃ taóng hindî nangguíguitnâ, ang "invierno" (tagguinaw)—ang ipinagpatuloy ni Ibara.—Sisilang, pagdating ng̃ Febrero, ang mg̃a bagong sang̃a ng̃ mg̃a cahoy at pagdating ng̃ Marzo'y may mg̃a bung̃ang hinog na tayo. Pagdating ng̃ mg̃a buwang tag-init ay paparoon cami sa ibang daco.
Ng̃umitî si Fray Salví. Nagpasimulâ sila ng̃ pagsasalitaan ng̃ mg̃a bagay-bagay na walang cabuluhan, ng̃ nauucol sa panahón, sa bayan at sa dárating na fiesta; humanap si María Clara ng̃ dahilán at umalís.
—At yamang mg̃a fiesta ang ating mg̃a pinag-uusapan, itulot pô ninyóng cayo'y anyayahan co sa gagawin namin búcas. Ito'y isáng fiestang búkid na aming iaalay sa aming mg̃a caibigan at iniaalay namán nilá sa amin.
—At ¿saan pô ba gagawin?
—Ibig ng̃ mg̃a cabataang gawín sa bátis sa umaagos sa malapit ditong gubat at na sa tabi ng̃ balítì: cayâ magbang̃on tayo ng̃ maaga at ng̃ huwag táyong abútin ng̃ áraw.
Nag-ísip-ísip ang fraile, at dî nalaon at sumagót:
—Mápanucsong totoo ang anyáya at aco'y napahihinuhod, upang sa inyo'y patotohanang hindî po acó nagtátanim sa inyó. Datapuwa't kinakailang̃ang dumaló roon pagcatapos na aking maganáp ang aking mg̃a catungculan. ¡Cayó'y mapálad, sa pagca't may calayâan, lubos na may calayâan!
Nang macaraan ang iláng sandalî ay nagpaalam si Ibarra upang pang̃asiwâan ang paghahandâ ng̃ fiesta sa kinabucasan. Madilím na ang gabí.
Lumapit sa canyá sa daan ang isáng sa canya'y naghandóg ng̃ boong paggálang.
—¿Sino pô bâ cayó?—ang sa canya'y tanóng ni Ibarra.
—Hindî pô ninyó alam, guinoo, ang aking pang̃alan,—ang sagót ng̃ hindî kilalá.—Dalawáng áraw na pong hinihintay co cayó.
—¿At bakit?
—Sa pagca't sa alin mang daco'y hindî acó kinahabagán, palibhasa'y acó raw po'y tulisán, guinoo ¡Datapuwa't nawalan acó ng̃ mg̃a anác, sirâ ang isip ng̃ aking asawâ, at ang sabihan ng̃ lahát ay carapatdapat acó sa nangyayarî sa akin!
Madaling pinagmasdán ni Ibarra ang taong iyón, at tumanóng:
—¿At anó bâ ang íbig ninyó ng̃ayon?
—¡Ipagmacaáwa co po sa inyó ang aking asawa at ang aking mg̃a anác!
—Hindî acó macatiguil,—ang sagot ni Ibarra. Cung íbig po ninyóng sumunód sa akin, habang tayo'y lumalacad ay masasabi ninyó ang sa inyó'y nangyayari.
Napasalamat ang tao at pagdaca'y nang̃awalâ silá sa guitnâ ng̃ cadilimán ng̃ mg̃a daang bahagyâ na may ílaw.


XXIII.
ANG PANGIGISDA
Numíningning pa ang mg̃a bituin sa lang̃it "zafir",[257] at nang̃agugulaylay pa ang mg̃a ibon sa mg̃a sang̃á ng̃ cahoy, ay nang̃aglilibot na sa mg̃a lansang̃an ng̃ bayang ang tung̃o'y sa dagatan, ang isang masayáng cawang naliliwanagan ng̃ nacagagálac na liwanag ng̃ mg̃a huepe.
Silá'y limáng mg̃a batang dalagang nang̃agmámadalî ng̃ paglacad, na nagcacacapitcapit ó nacayacap cayá sa bayawang ng̃ calapít, na iláng matandang babae ang sumúsunod at saca iláng mg̃a babaeng alilang sunong ng̃ calugodlugod na anyô ang mg̃a bácol na punô ng̃ mg̃a báon; mg̃a pinggán at iba pa. Pagcakita sa caniláng mg̃a mukháng ang cabatáa'y tumatawa at ang pag ása'y maníningning; sa panonood ng̃ linipadlipad ng̃ caniláng malalagò't maiitim na buhóc at malalapad na cunót ng̃ canilang mg̃a damít, marahil ipalagáy nating silá'y mg̃a diosa ng̃ gabí, cung dî sana talastás nating silá'y si María Clara na casama ang canyáng ápat na caibigan: ang masayáng si Sinang na canyáng pinsan, ang hindî makíbuing si Victoria, ang magandáng si Iday at ang mahinhing si Neneng na matimtiman at kimî ang cagandahan.
Nang̃agsasalitaan ng̃ boong ligaya, nang̃agtatawanan, nang̃agcucurutan, nang̃ag-aanasan at pacatapos naghahalakhacan.
—¡Guiguising̃in ninyó ang taong natutulog pa!—ang ipinagwiwicà sa canilá ni tía Isabel;—ng̃ cabataan namin ay hindî camí nagcacaing̃ay ng̃ ganyán.
—¡Marahil hindî namán cayó gumiguising ng̃ maagang gaya namin, at marahil hindî namán nápacamatuluguín ang mg̃a matatanda!—ang panagót ng̃ maliit na si Sinang.
Sandaling hindî silá nang̃agsásalitâ, pinagpipilitan cayâ nilang magsalitâ ng̃ marahahan; ng̃uni't hindî nalalao't nang̃acalilimot, nang̃agtatawanan, at pinúpunô ang daan ng̃ caniláng mg̃a bátà at sariwang tínig.
—Conowarì magtampó ca; huwág mo siyáng causapin!—ang sabi ni Sinang cay María Clara;—cagalitan mo siyá at ng̃ huwág mamihasa sa casam-an ng̃ ásal.
—¡Howag mo pacahigpít namán!—ani Iday,
—¡Magmahigpít ca, howag cang haling! Dapat magmasunurin ang nang̃ing̃ibig samantalang nang̃ing̃ibig; sa pagca't cung asawa na'y gagawin ang bawa't maibigan niya!—ang hatol ng̃ maliit na si Sinang.
—¿Anó ang kinalaman mo niyan, bátà?—ang ipinagwíca ng̃ canyáng pinsang si Victoria.
—¡Ssst! ¡huwag cayóng maing̃ay at dumarating silá!
Dumarating ng̃â namán ang isáng pulutóng ng̃ mg̃a binatang nang̃agtátanglaw ng̃ sigsig. Nang̃agsisilacad siláng hindî umíimic na tinutugtugan ng̃ isáng guitarra.
—¡Tila guitarra ng̃ pulubi!—ani Sinang na nagtatawa.
Nang mag ábot na ang dalawáng pulutóng, ang mg̃a babae ay siyáng nag-anyóng hindî makibuin at matimtiman, na pára manding hindî pa silá nacacapag-aral na tumawa; tumbalíc, ang mg̃a lalaki namán ang nang̃agsasalitâ, nang̃agsising̃itî at tumátanong ng̃ macaanim upang magtamó ng̃ isáng casagutan.
—¿Tahímic bagá cayâ ang dagâtan? ¿Inaacála bagá ninyóng magcacaroon tayo ng̃ mabuting panahón?—ang tanóng ng̃ mg̃a iná.
—¡Huwág pô sana cayóng maligalig, mg̃a guinoong babae, mabuti acóng lumang̃óy!—ang sagót namán ng̃ isáng binátang payát at matangcád.
—¡Dápat sanang tayo'y nagsimbá múna!—ang buntóng-hining̃á ni tía Isabel na pinagduduop ang camáy.
—Nasasapanahón pa, guinoong babae: si Albinong ng̃ panahón niyá'y naguing "seminarista," macapagmimisa sa bangcâ,—ang isinagót ng̃ isá, na itinuturò ang binatang payát at matangcád.
Si Albinong may pagmumukháng palabirô, ng̃ márinig na siyá'y binábangguit, nag-anyóng mapanglaw at banál, na anó pa't guinágagad niyá si párì Salví.
Bagá ma't hindî nililimot ni Ibarra ang cahinhinán, nakikisalamuhà siyá sa casayahan ng̃ canyáng mg̃a casamahán.
Pagdatíng nilá sa pasígan, hindî sinásadyá'y tumácas sa mg̃a lábi ng̃ mg̃a babae ang mg̃a sigáw ng̃ pagtatacá at catowâan. Doo'y caniláng nakita ang dalawáng bangcáng nagcacácabit, na mainam ang pagcacágayac ng̃ mg̃a pinagtuhóg-túhog na mg̃a bulaclác at mg̃a dahon, casama ng̃ mg̃a sarisaring cúlay na mg̃a damít na pinacumbô: nacasabit sa bagong lagáy na bubóng ng̃ sasacyáng iyón ang mg̃a maliliit na farol na papel, na may mg̃a casal-ít na mg̃a rosas at mg̃a clavel, mg̃a bung̃ang halamang gáya ng̃ pinyá, casúy, saguing, bayabas, lanzones at ibá pa. Dinalá roón ni Ibarra ang canyáng alfombra, mg̃a maririkit na panábing at mg̃a cogín at ang lahát ng̃ itó'y siyáng guinawang upuang maguinháwa ng̃ mg̃a babae. Napapamutihan din ang mg̃a tikín at mg̃a sagwán. Sa isáng bangcáng lalong marikit ang pagcacágayac ay may isáng arpa, mg̃a guitarra, mg̃a acordeón at isáng sung̃ay ng̃ calabaw; sa isáng bangcâ nama'y nagnining̃as ang mg̃a caláng lúpà at doo'y iniháhandâ ang chá, café at salabát na gágawing agáhan.
—¡Dito ang mg̃a babae, diyán ang mg̃a lalaki!—ang sabi ng̃ mg̃a iná paglulan nilá sa bangcâ.—¡Mang̃átali cayó! ¡Howag sana cayóng lubháng magaláw at málulubog tayo!
—¡Mang̃agcruz muna cayó!—ang sabi ni tía Isabel na nagcucruz.
—¿At tayo ba'y mang̃ag-íisa lamang dito?—ang tanóng ni Sínang, na pinasásama ang mukhâ—¿Tayo ba lamang ...? ¡Aráy!
Ang cadahilanan ng̃ "¡aráy!" na itó'y gawâ ng̃ isáng curót na sa capanahuna'y ibinigáy cay Sínang ng̃ canyáng iná.
Lumálayong untîuntî ang mg̃a bangcâ sa pasigan at naaanino ang iláw ng̃ mg̃a farol sa salamín ng̃ dagatang waláng caalon-alon. Sa silang̃ana'y sumusung̃aw ang mg̃a unang cúlay ng̃ liwayway.
Naghaharì ang malakíng catahimican; ang mg̃a binata't dalagang nagcacabucod-bucod, ayon sa calooban ng̃ mg̃a ina'y tila nang̃aggugunamgunam.
—¡Mag-ing̃at ca!—ani Albinong seminarista ng̃ sabing malacás sa isáng capuwà binátà;—yapacan mong magaling ang mg̃a bunót na pangsicsíc na na sa ilalim ng̃ iyóng paa.
—¿Bakit?
—Sa pagca't maaaring mabunglós at pumasoc ang túbig; maraming bútas ang bangcáng itó.
—¡Ay, at tayo'y lumúlubog!—ang sigawan ng̃ mg̃a babaeng malakí ang gulat.
—¡Huwág cayóng mabahála, mg̃a guinoong babae!—ang pangpayapang sa canila'y sinabi ng̃ seminarista. Ang bangcáng iyá'y hindî maáano; waláng bûtas cung dî lílima lamang, na hindî naman totoong malalakí.
—¡Limáng bútas! ¡Jesús! ¿At ibig ba ninyóng lunurin camí?—ang sigawan ng̃ mg̃a babaeng nang̃atatacot.
—¡Walâ pô namán cung dî lílima, mg̃a guinoong babae, at ganyán calaki lamang!—ang patibay na sabi ng̃ seminarista, at sa canilá'y itinuturo ang maliit na bílog na gawâ ng̃ canyang hinlalakí at hintutúró na pinaghúhugpong ang capuwâ dulo. Yapácan ninyóng mabuti ang bunót na sicsíc at ng̃ hindî mabunglós.
—¡Dios co! ¡María Santísima! ¡Pumapasoc na ang tubig!—ang sigaw ng̃ isáng matandáng babaeng ang pakiramdam niya'y nabábasâ na siyá.
Nagcaroon ng̃ caunting caguluhan, ang iba'y tumitil-î, ang ibá namá'y íbig lumucsó sa túbig.
—¡Yapácan ninyóng magaling ang bunót diyan!—ang patuloy na sigáw ni Albino, at canyang itinuturò ang dácong kinalalagyán ng̃ mg̃a dalaga.
—¿Saan? ¿saan? ¡Dios! ¡Hindî namin nalalaman! ¡Parang áwa na ninyó, cayo'y pumarini't hindî namin nalalaman!—ang pamanhíc ng̃ matatacutíng mg̃a babae.
Kinailang̃ang lumipat ang iláng bagongtáo sa cabiláng bangcâ upang papanataguin ang loob ng̃ mg̃a natatacot na mg̃a iná. ¡Laking pagcacátaon! Tila mandin may isáng pang̃anib sa tabí ng̃ bawa't dalaga. Walâ cahi't isáng nacapagbibigay pang̃anib na bútas sa tabí ng̃ lahat ng̃ matatandang babae. ¡At lalo pa manding malakíng pagcacátaon! Umupô si Ibarra sa tabí ni María Clara; naupo si Albino sa tabi ni Victoria at ibá pa. Mulíng naghárì ang catahimican sa cabilugan ng̃ mapag-ing̃at na mg̃a iná. Datapuwa't hindî sa limpî ng̃ mg̃a dalaga.
Sa pagca't hindî gumágalaw ng̃ camuntî man lamang ang tubig, hindî nálalayô ang mg̃a baclád at sacâ totoo pang maaga, pinagcayarîang bitiwan ang mg̃a gaod at mang̃ag-agáhan ang lahat. Pinatay ang ílaw ng̃ mg̃a farol, sapagca't nililiwanagan na ang alang-alang ng̃ liwaywáy.
—¡Waláng casinggalíng ng̃ salabát cung inumín cung umaga bago magsimbá!—ani capitana Tikâ na iná ng̃ masayáng si Sinang;—uminom pô cayó ng̃ salabát na may cahalong puto, Albino, at makikita ninyóng hangang sa sisipaguin pa cayóng magdasál.
—Iyán ng̃a pô ang guinagawâ co—ang sagot naman nito;—caya't ibig co na tulóy magcumpisál.
—¡Huwag!—ani Sinang,—uminôm cayó ng̃ caféng nacapagpápasayá ng̃ calooban.
—Ng̃ayón din, sa pagca't ganacacaramdam na acó ng̃ calungcutan.
—¡Huwag cayóng uminòm niyán—ang paalaala ni tía Isabel;—uminóm cayó ng̃ chá at cumain cayó ng̃ galletas; nacapagpapatahímic daw ng̃ ísip ang chá.
—¡Iinom din acó ng̃ chá at cacain acó ng̃ galletas!—ang sagót ng̃ mapagbigay loob na seminarista—ang cabutiha'y hindî catolicismo ang alín man sa mg̃a inumíng iyán.
—Ng̃uni't ¿mangyayari ba ninyóng ...? ang tanóng ni Victoria.
—¿Cung macaíinóm namán acó ng̃ chocolate? ¡Mangyayari rin! Huwag lámang na mapacalaon bago mananghalîan....
Maganda ang umaga: nagpapasimulâ na ng̃ pagtinggád ang túbig, at sa liwanag na nanggagaling sa lang̃it at sa sinag na sa tubig nagmúmulâ, ang nangyayari'y isáng caliwanagang tumátanglaw sa mg̃a bagaybagay, na halos hindî nagcacaanino, isáng maningning at malamíg na liwanag, na nahahaluan ng̃ mg̃a culay na ating napagwawari sa mg̃a tang̃ing pintura tungcol sa dagat.
Hálos nang̃agagalac ang lahát, sinasanghod nilá ang mahínang amíhang untîunting napupucaw; sampóng ang mg̃a ináng puspós sa paninimdim at mg̃a pagpapaalaala'y nang̃agtatawanan at nang̃agbìbiruan silasilá.
—¿Natátandaan mo bâ? anang isá cay capitana Ticâ—¿natátandaan mo bâ ng̃ tayo'y nang̃aliligo sa ilog ng̃ panahóng dalaga pa tayo? Di caguinsaguinsa'y dumárating na dalá ng̃ agos ang malilit na bancang úpac ng̃ saguing, na may lúlang iba't ibang bung̃ang halámang nang̃ásasalansan sa ibabaw ng̃ mg̃a mababang̃ong bulaclac. Bawa't isa sa mg̃a bangcâ ay may maliliit na banderang kinasusulatan ng̃ ating canicanyang pang̃alan....
—¿At cung bumábalic na tayo sa báhay?—ang isinalabat namán ng̃ isá, na hindî nagpabayang macatapos ang nagsásalitâ; náraratnan nating wasác ang mg̃a tuláy na cawayan, at pagcacagayo'y napipilitan táyong tumawíd sa ílat ... ¡ang mg̃a tampalasan!
—¡Siya ng̃â—ani capitana Ticâ;—datapuwa't iniibig co pang mabasâ ang laylayan ng̃ aking sáya cay sa ipakita ang aking paa: nalalaman co ng̃ may mg̃a matáng nagmámasid na nagtatago sa mg̃a damuhán sa pampáng.
Nang̃agkikindatan at nang̃agng̃ing̃itîan ang mg̃a dalagang nacacárinig ng̃ mg̃a bagay na ito: hindî pumapansin ang mg̃a ibá, sa pagca't may saríli namán siláng mg̃a pinag-uusapan.
Isá lámang táo, ang gumáganap ng̃ pagcapiloto, ang nananatili sa hindî pag-imíc at hindî nakikisama sa gayóng mg̃a pagcacatuwâ. Siya'y isáng binatang napagkikilalang malacás sa canyáng pang̃ang̃atawan, mg̃a camay at paa, at may pagmumukháng nacacaakit ng̃ pagmamasid dahil, sa canyáng mapanglaw na malalakíng mata at mainam na tabas ng̃ canyang mg̃a labì. Nahuhulog sa canyang malusóg na líig ang canyang mg̃a buhóc na maiitim, mahahaba at hindî inaalagaan; napagwawarì sa mg̃a cunót ng̃ canyang itimang barong damít na magaspang ang canyang macapangyarihang mg̃a casucasuang sumapi sa canyang maugat at lilís na mg̃a bísig upang magamit na parang isang balahìbong ibon lamang ang malapad at pagcálakilaking sagwang canyáng itinítimon upang mapatnugutan ang dalawáng bangcâ.
Hindî miminsang nasubucan ang táong itó ni María Clarang siyá'y pinagmámasdan: cung nagcacágayo'y dalidaling tumíting̃in siyá sa ibáng dáco at tumátanaw sa maláyò, sa bundóc, sa pampáng. Nahabág ang dalaga sa canyáng pag-íisa, cayá't cumúha ng̃ iláng galleta at sacá inialay. Tiningnán siyá ng̃ pilotong wari'y nagtátaca; ng̃uni't sandalíng sandalî lámang tumagál ang gayóng ting̃in: nuha ng̃ isáng galleta, at napasalamat sa maiclíng salitâ na bahagyâ na mawatasan sa cahinâan ng̃ voces.
At sino ma'y hindî na mulíng naalaala siyá. Hindî nacapagpapacunót ng̃ alín mang bahagui ng̃ canyáng mukhâ ang masasayáng tawanan at mg̃a birûan ng̃ mg̃a binata't dalaga; hindî nacapagpapang̃itî sa canyáng matatawaníng si Sínang, na napipilitang sumandalíng icucót ang kílay cung tumátanggap ng̃ mg̃a curót, upang manag-úlì sa dating casayahan.
Ipinagpatuloy ang caniláng pagparoon sa mg̃a baclád, pagcatapos na macapagagahan.
Dalawá ang baclád na iyóng nátatayô sa catatagáng pagcacáalayô, at capuwâ pag-aarî ni capitang Tiago. Natatanaw buhat sa maláyò ang iláng tagác na nacadápò sa ibabaw ng̃ mg̃a dúlo ng̃ mg̃a cawayang tólos, na ang anyó'y nagsisipanood, samantalang nang̃agliliparang ang tung̃o'y sa iba't ibáng dáco ang mg̃a "kalaway" na hinihilahisan ng̃ caniláng mg̃a pacpác ang dacong ibabaw ng̃ dagatan at pinúpuspos ang impapawid ng̃ caniláng mg̃a húning nanunuot sa taing̃a.
Sinundán ng̃ ting̃ín ni María Clara ang mg̃a tagác, na ng̃ málapit ang bangcâ ay nagliparang ang tung̃o'y sa calapít na bundóc.
—¿Nang̃agpupugad ba ang mg̃a ibóng iyan sa bundóc? ang tanóng ni María Clara sa piloto.
—Marahil pô, guinoo,—ang isinagót—ng̃uni't sino ma'y walâ pang nacacakita ng̃ mg̃a pugad na iyan.
—¿Walâ bang pugad ang mg̃a ibong iyan?
—Inacalà cong silá'y may pugád, sa pagca't cung hindî totoong culang-pálad silá.
Nahiwatigan nî María Clara ang malungcót na pang̃ung̃usap ng̃ piloto ng̃ gayóng mg̃a salitâ.
—¿Cung gayo'y paano?
—Hindî raw, po, guinoo, nakikita ang mg̃a pugad ng̃ mg̃a ibong iyan, at taglay namán ang bísà na huwag makita ang may dalá ng̃ púgad ng̃ "calaway", at túlad sa cálolowang hindî nakikita cung dî sa makínis na salamín ng̃ mg̃a matá; gayon din namáng hindî nakíkita ang mg̃a púgad na iyan cung hindî lamang sa salamín ng̃ tubig.
Nag-anyóng nag-iísip-isip si María Clara.
Samantala'y dumating silá sa bangcâ; itinálì ng̃ matandang bangkero ang mg̃a sasacyan sa isang tolos na cawayan.
—¡Hintay muna!—ani tía Isabel sa anác na lalaki ng̃ matandang talagang aacyat na sanang dalá ang panáloc,—kinacailang̃ang mahandâ muna ang sinigáng at ng̃ tulóy-tulóy sa sabáw ang mg̃a isdâ panggagaling sa tubig.
—¡Mabaít na tía Isabel!—ang bigláng sinabi ng̃ seminarista;—aayaw na susumandalî ma'y damdamín ng̃ isdâ ang pagcáhiwalay sa tubig.
Balitang magalíng na maglútò, baga ma't may malínis na mukhâ, si Andeng na capatid sa gatas ni María Clara. Naghanda ng̃ húgas-bigas, mg̃a camatis at camìas, at tinutulung̃an ó inaabala caya siya ng̃ iláng marahil nang̃agnanais na sila'y canyang calugdán. Linilinis ng̃ mg̃a dalaga ang mg̃a talbós ng̃ calabaza, hiníhimay ang mg̃a patánì at pinapuputolputol ang mg̃a paayap ng̃ casinghahabà ng̃ cigarrillo.
Upang libang̃in ang cainipán ng̃ mg̃a nagmímithing makita cung paano lálabas sa canilang bilangguan ang mg̃a isdang buháy at nang̃aggagalawan, kinuha ng̃ magandang si Iday ang canyang arpa. Hindî lamang mainam tumugtóg si Iday ng̃ instrumentong itó, cung hindî bucod sa rito'y may magagandang dalírì.
Nang̃agpacpacan ang mg̃a cabataan, hinagcán siya ni María Clara: ang arda ang siyang instrumentong lalong tinútugtog sa lalawigang iyon at siyang nauucol sa gayóng mg̃a sandalî.
—¡Cantahin mo, Victoria, "Ang canción ng̃ Matrimonio"!—ang hining̃i ng̃ mg̃a iná.
Tumutol ang mg̃a lalaki, at si Victoriang may mainam na voces ay dumaíng na siya'y namamalat daw. "Ang canción ng̃ Matrimonio'y" isáng magandáng tuláng tagalog na nagsasaysay ng̃ mg̃a cahirapan at mg̃a calungcutan ng̃ matrimonio, na hindî binábangguit ang alìn man sa canyang mg̃a catuwaan.
Nang magcagayo'y hining̃î niláng cumantá sí María Clara.
—Pawang malulungcot na lahát ang aking mg̃a "canción".
—¡Hindî cailang̃an! ¡hindî cailang̃an!—ang sabíhan ng̃ lahát.
Hindî na siya napapamanhic; tinangnan ang arpa, tumugtóg ng̃ isáng "preludio" ó páng̃unahin at cumantang ang voces ay mataguinting, calugodlugod nat agad ang damdamin: