Noli Me Tangere
"Cung ang isalubong sa iyong pagdatíng
Ay masayáng mukhá't may pakitang guìliw,
Lálong pag-ing̃áta't caaway na lihim..."

Cung gaano ang galíng ni Baltazar sa pagca poeta ay gayón din sa catalinuhang umísip.

Itó at ibá pang mg̃a bágay ang mg̃a nangyari sa áraw na sinusundan ng̃ fiesta bago lumubóg ang áraw.

Decorative motif

Decorative motif

XXVII.

SA PAGTATAKIPSILIM.

Gumawâ rin namán ng̃ malaking handâ sa báhay ni capitang Tiago. Nakikilala natin ang may báhay; ang canyáng hilig sa caparang̃alanan, at dápat na hiyaín ng̃ canyáng capalaluang pagca tagá Maynila, sa caríkitan ng̃ piguing, ang mg̃a tagalalawigan. May isá pang cadahilanang sa canya'y pumipilit na pagsicapan niyáng siya'y macapang̃ibabaw na lubos sa mg̃a ibá: casáma niyá ang canyáng anác na si María Clara at sacâ naroroon ang canyáng mamanugang̃in, caya't waláng pinag uusapan ang mg̃a tao cung dî siyá lámang.

At siyá ng̃a namán: hinandugan ang canyáng mamanugang̃in ng̃ isá sa lálong mg̃a dalubasang pámahayagan sa Maynilà ng̃ isáng "artículo" (casulatan) sa canyáng únang mukhâ, na ang pamagát (ng̃ artículong iyón) ay "¡Siya'y inyong tularan!" pinuspos siya ng̃ mg̃a pang̃aral at inaalayan siyá ng̃ iláng mg̃a papuri. Tinawag siyáng "marilag na binata at mayamang mamumuhunan;" pagcatapos ng̃ dalawáng renglon ay sinabing siya'y "tang̃ing mapagcaawang-gawâ"; sa sumúsunod na párrafo'y ikinápit namán sa canyá ang saysay na: "alagad ni Minervang naparoon sa Ináng Bayan upang bumátì sa wagás na lúpà ng̃ mg̃a arte at mg̃a carunung̃an" at sa dácong ibabà pa'y "ang español filipino" at iba't ibá pa. Nag-aalab ang loob ni capitang Tiago sa magandang pakikipag-unahán sa gawáng magaling, at canyáng iniísip na bacá magalíng na canyáng pagcagugulan ang pagtatayô namán ng̃ isáng convento.

Nang mg̃a nagdaáng áraw ay dumatíng sa báhay na tinatahanan ni María Clara at ni tía Isabel ang maraming caja ng̃ mg̃a cacánin at mg̃a inumíng gáling Europa, mg̃a salaming pagcálalaki, mg̃a cuadro at ang piano ng̃ dalaga.

Dumatíng si capitang Tiago ng̃ áraw rin ng̃ vispera: paghalíc sa canyá ng̃ camáy ng̃ canyang anác na babae, hinandugán niyá itó ng̃ isáng magandang relicariong guintô na may mg̃a brillante at mg̃a esmeralda, na ang lamá'y isáng tatal ng̃ bangca ni San Pedro, sa dacong inup-án ng̃ ating Pang̃inoong Jesucristo ng̃ panahón ng̃ pang̃ing̃isda.

Walâ ng̃ lalalò pa sa galing ng̃ pagkikita ng̃ bibiananin at ng̃ mamanugang̃in; cauculán ng̃ang silá'y mag-úsap ng̃ nauucol sa escuelahan. Ang ibig ni capitang Tiago'y tawaguing "Escuela ni San Francisco."

—Maniwalà cayó sa ákin,—ang sabi ni capitang Basilio,—¡isáng magalíng na pintacasi si San Francisco! Wala cayong pakikinabang̃in cung tatawaguin ninyong "Escuela ng̃ Instrucciôn Primaria". ¿Sino pô si Instrucción Primaria?

Dumating ang iláng mg̃a caibigang babáe ni María Clara at caniláng inanyayahan itong magpasial.

—Ng̃uni't bumalic ca agád,—aní capitang Basilio sa canyáng anác na babáe na sa canyá'y humihing̃ing pahintulot;—nalalaman mo ng̃ sasalo sa átin sa paghápon si parì Dámasong bágong carárating.

At canyáng lining̃on si Ibarrang nag-anyóng may iniísip, at idinugtóng:

—Cayó po namán ay sumalo ng̃ paghápon sa amin; magiisa cayó sa inyóng báhay.

—Malakíng totóo po ang áking pagca ibig, datapwa't dápat pong sumaaking bahay acó't bacá sacáling may dumating na mg̃a "visita,"—ang isinagót ng̃ binatang nagcacang-uútal, at iniiwasan ang títig ni María Clara.

—Dalhín po ninyó rito ang inyóng mg̃a caibigan, ang itinútol ng̃ boóng capanatagán ni capitang Tiago;—May sagánang pagcain sa áking bahay.... Bucód sa roó'y ibig cong cayó at si párì Dámaso'y magcáwatasan....

—¡Magcacaroon na pô ng̃ panahón sa bágay na iyán!—ang isinagót ni Ibarrang ng̃uming̃iti ng̃ sapilitang pagng̃itî, at humandáng samáhan ang mg̃a dalaga.

Nanaog silá sa hagdanan.

Nangguiguitnâ si María Clara cay Victoria at cay Iday, sumusunod sa licuran si tía Isabel.

Nagwawahi ang tao sa udyóc ng̃ paggálang, at ng̃ sila'y mabigyáng daan. Puspós ng̃ catacatacang cagandahan si María Clara: napáwi ang canyáng pamumutlâ, at cung nananatiling tila may iniísip ang canyáng mg̃a mata, ang canyáng bibig namán ay warì'y waláng ibang nakikilala cung hindî ang ng̃itî. Tagláy iyáng cagandahan ng̃ loob ng̃ isáng lumiligayang dalaga, siya'y bumabatì sa canyáng mg̃a dating cakilala mulâ pasa camusmusan, at ng̃ayo'y nagsisipangguilalás sa canyáng mapálad na cabatâan. Sa cúlang pang labíng limáng áraw ay nanag-úlì sa canyá yaóng lubós na pagpapalagay ng̃ loob, yaóng catabiláng musmos na tila mandin nagulayláy sa guitnâ ng̃ makikipot na tahanang nalilibot ng̃ pader sa beaterio; masasabing kinikilala ng̃ paroparó ang lahat ng̃ mg̃a bulaclac pagcaalís niya sa canyáng bahay-uod; nagcasiya sa canyá ang lumipád na sumandali at magpainit sa mg̃a doradong sínag ng̃ áraw upang mawalâ ang catigasan ng̃ mg̃a casucasuan ng̃ bágong nagcacapacpác. Cumikisláp ang bágong búhay sa boong cataohan ng̃ dalaga: pawang magaling at maganda ang canyang ting̃in sa lahát; isinasaysay ang canyáng pagsintá sa pamamag-itan niyang calugodlugód na asal ng̃ isáng virgeng palibhasa'y waláng namamasdán cung dî mg̃a budhîng dalísay, hindî nakikilala cung anó ang dáhil ng̃ mg̃a paghihiyahiyâan. Gayón man, pagca siya'y inaalayan ng̃ masasayáng mg̃a aglahi'y tinatácpan niya ang canyáng mukhâ ng̃ abanico; datapuwa't pagca nagcacagayó'y ng̃uming̃itî ang canyáng mg̃a matá at lumalaganap sa canyáng boong cataohan ang bahagyang kilabot.

Pinasimulaang lagyán ng̃ mg̃a ílaw ang mg̃a pang̃ulong báhay, at sa mg̃a daang pinagdaraanan ng̃ mg̃a música ay sinisìndihan ang mg̃a ílaw ng̃ mg̃a arañang cawayan at cahoy na inihuwad sa mg̃a araña ng̃ simbahan.

Natatanaw buhat sa daan, sa mg̃a bintanang bucás, ang hindî naglilicat na pagpaparoo't parito ng̃ mg̃a tao sa mg̃a bahay, sa guitnâ ng̃ caliwanagan ng̃ mg̃a ílaw at halimuyac ng̃ mg̃a bulaclac, sa caayaayang tínig ng̃ piano, arpa ú orquesta. Nang̃aglalacaran sa mg̃a daan ang mg̃a insíc, mg̃a castila, mg̃a filipinong may suot europeo ó suot tagalog. Nang̃agcacahalòhalò sa paglacad, na nang̃agcacasicuhan at nang̃agtutulacán ang mg̃a alilang lalaking may dalang carne ó mg̃a inahíng manóc, mg̃a estudianteng nacaputî ang pananamit, mg̃a lalaki't mg̃a babae, na nang̃agsisipang̃anib na sila'y matahac ng̃ mg̃a coche at mg̃a calesa, na cahit sumisigaw ng̃ "tabì" ang mg̃a cochero'y nahihirapan din silang macapaghawì ng̃ daan.

Bumati sa ating mg̃a cakilala, ng̃ na sa tapát silá ng̃ báhay ni capitang Basilio, ang iláng mg̃a kinabataan, at inaayayahang pumanhic muna sa báhay. Ang masayáng voces ni Sinang, na tumatacbóng papanaog sa hagdanan, ang siyáng nagbigay wacás sa mg̃a pagdadahilan upang huwag pumanhic.

—Pumanhíc muna cayóng sandalî upang aco'y macasama sa inyó,—ang sinasabi niya. Nababagot acó sa pakikipanayam sa gayóng caraming hindî co mg̃a cakilalang walang pinag-uusapan cung di mg̃a sasabung̃in at mg̃a baraja.

Nang̃agsipanhic silá.

Punongpuno ang salas ng̃ mg̃a tao. Nang̃agpauna ang ilán upang bumati cay Ibarra, na kilala, ang pang̃alan ng̃ lahat; canilang pinagmamasdan ng̃ boong pagcahang̃a ang cagandahan ni María Clara, at nang̃agbubulungbulung̃an ang ilang mg̃a matatandang babae, samantalang ng̃umang̃ang̃à: ¡mukhang vírgen!"

Napilitan silá roong uminóm ng̃ chocolate. Naguing matalic na caibigan at taga pagsanggalang ni Ibarra si capitang Basilio, mula ng̃ araw na sila'y maglibang sa caparang̃an. Naalaman niya, sa pamamag-itan ng̃ telegramang inihandóg sa canyang anac na babaeng si Sinang, na natatalos ni Ibarra ang canyang pananalo sa usapin, ayon sa hatol ng̃ hucom, at dahil dito'y sa pagca't aayaw siyang pagahis sa cagandahan ng̃ loob, canyang ipinakiusap na pawalang cabuluhan ang pinagcayarian ng̃ sila'y maglarò ng̃ ajedrez. Datapwa't sa pagca't aayaw pumayag si Ibarra sa gayóng bagay, ipinakiusap naman ni capitang Basiliong ang salaping dapat na ibayad sa mg̃a costas ay gamitin sa pagbabayad ng̃ isang maestro sa gagawing escuela ng̃ bayan. Dahil sa gayóng nangyayari, guinagamit ni capitang Basilio ang canyang mainam na mg̃a pananalita, at ng̃ huwag ng̃ ipagpatuloy ng̃ ibang mg̃a causapin ang canilang mg̃a cacaibang adhica, at sa canila'y sinasabi:

—¡Maniwala cayó sa akin: sa mg̃a usapín ang nananalo'y siyang nahuhubdan!

Datapwa't wala siyang mapahinuhod na sino man, baga man canyang sinasambit ang mg̃a romano.

Ng̃ macatapos ng̃ macainom ng̃ chocolate, napilitan ang ating mg̃a cabataang pakingan ang pianong tinutugtog ng̃ organista ng̃ bayan.

Pagca siya'y pinakikinggan co sa Simbahan ani Sinang, nacacaibig acong magsayaw; ng̃ayong piano ang canyang tinutugtóg ang naiisipan co nama'y magdasal. Dahil dito'y sasama acó sa inyó.

—¿Ibig pô ba nínyóng pumarito sa amin ng̃ayóng gabí?—ang inianás ni capitang Basilio sa taing̃a ni Ibarra ng̃ itó'y magpaalam na—maglalagáy si parì Dámaso ng̃ isáng maliit na bang̃câ.

Ng̃umitî si Ibarra at sumagót ng̃ isáng tang̃ô ng̃ úlo, na mangyayaring ang maguing cahuluga'y pagsang-ayon, at mangyayari namang hindî pagsang-ayon.

—Sino ba iyan?—ang tanóng ni María Clara cay Victoria, na itinurò sa isáng mabilís na sulyáp ang isáng binatang sa canilá'y sumusunod.

—Iyan ... iya'y isáng pinsan co,—ang isinagót na halos nagugulumihanan.

—¿At ang isá?

Iya'y hindî co pinsan.—ang dalidaling isinagót ni Sinang;—iyá'y isáng anác ng̃ aking tía.

Nagdaan silá sa harapán ng̃ conventong tahanan ng̃ cura, na ang catotohanan ay hindî sahól sa mg̃a ibáng lugar sa casayahan. Hindî napiguilan ni Sinang ang isáng sigaw ng̃ pangguiguilalás ng̃ canyáng makitang may mg̃a ílaw ang mg̃a lámpara, mg̃a lámparang ang mg̃a anyó'y sa caunaunahan pa, na hindî pinababayaan cailan man ni párì Salving siyang pag-ilawan at ng̃ huwag magcagugol sa petróleo. May nang̃ariring na mg̃a sigawan at malalacás na halakhacan, napapanood na ang mg̃a fraile'y lumalacad ng̃ mahinà, at iguinagalaw ang úlo ng̃ ayon sa compás, at malakíng tabaco ang napapamuti sa mg̃a lábì. Pinagsisicapan ng̃ hindî páring sa canila'y nakikipanayam, na caniláng gagarin ang lahát ng̃ guinágawà ng̃ mg̃a mababait na fraile. Ayon sa mg̃a damit europeong caniláng casuutan, marahil sila'y mg̃a cawanì (empleado) ng̃ gobierno ó mg̃a punong lalawigan.

Natanawan ni María Clara ang mabilog na pang̃ang̃atawán ni parì Dámaso sa tabí ng̃ makisig na tindíg ni parì Sibyla. Hindî cumikilos sa canyáng kinalalagyán ang matalinghaga at mapanglawing si parì Salví.

—¡Nalulungcot!—ang ipinahiwatig ni Sinang;—canyáng pinag-iisip-isip ang canyáng magugugol sa gayóng caraming mg̃a panauhín. Ng̃uni't makikita rin ninyóng hindî siyá ang magbabayad cung hindî ang mg̃a sacristán. Sa tuwituwi na'y cumacain ang canyáng mg̃a panauhin sa ibáng lugar.

—¡Sinang!—ang ipinagwicâ sa canyá ni Victoria.

—Totoóng aco'y galít sa canyá mulâ ng̃ iwasac ang "Rueda de la Fortuna," hindî na acó mang̃ung̃umpisal sa canyá.

Natang̃î sa lahát ng̃ mg̃a bahay ang isáng waláng cailaw-ilaw, at hindî man lamang bucás ang mg̃a bintana; ang bahay na iyón ang sa alférez. Nagtacá sa bágay na itó si María Clara.

—¡Ang asuang! ¡ang Musa ng̃ Guardia Civil, ang wicà ng̃à ng̃ matandáng lalaki!—ang bigláng sinabi ng̃ catacot tacot na si Sinang.—¿Anó ang ipakikialam niyá sa ating mg̃a catuwaan? ¡Marahil ay nagng̃ang̃alit! Pabayaan mong dumating ang cólera at makikita mong siya'y mag-aanyaya.

—Cailán ma'y kinasusutan co siyá, at lalonglalo na ng̃ guluhin ang ating pagcacatuwa sa pamamag-itan ng̃ canyáng mg̃a guardía civil. Cung Arzobispo lamang aco'y ipacacasal co ang babaeng iyán cay parì Salvi.... ¡makikita mo cung anó ang caniláng maguiguing mg̃a anác! Sucat bang ipahuli ang caawaawang piloto, na sumugbá sa tubig macapagbigay loob lamang....

Hindî niyá natapos ang sinasabi; sa suloc ng̃ plaza na pinagcacantahan ng̃ isáng bulág na lalakî, na isáng guitarra ang catono, ng̃ casaysayang ucol sa mg̃a isdà, may isáng hindî caraniwang napapanood.

Yayó'y isáng lalaking ang nacapatong sa úlo'y isáng malapad na salacót na dáhon ng̃ bulí, at dukhang totoo ang pananamít. Ang suut niya'y isáng gulagulanit na levita at salawal na maluang, na cawang̃is ng̃ salawal ng̃ mg̃a insic, na punít sa ibá't ibáng lugar. Carukharukhaang mg̃a panyapác ang nacasuut sa canyáng mg̃a paa. Sumasadilím ang canyáng mukhâ dahil sa canyáng salacót; ng̃uni't manacanacang nagmumulâ sa cadilimáng iyón ang dalawang kisláp, na pagdaca'y napapawi. Siya'y matangcád, at napagkikikilalang siya'y bátà pa, dahil sa canyáng mg̃a galáw. Inilalagáy sa lúpà ang ísang baculan, at pagcatapos ay lumalayo't nagsasalitâ ng̃ mg̃a cacaibang tínig na hindì mawatasan; nananatiling nacatindíg, lubós ang pagcalayô sa mg̃a ibá, na anaki'y siya at ang caramihang tao'y talagáng nang̃agpapang̃ilagan ang isá't isá. Pagcacagayo'y nang̃agsisilapit ang iláng mg̃a babae sa canyáng baculan at inilalagáy doon ang mg̃a bung̃ang cáhoy, isdâ, bigás at ibá pa. Pagcâ walâ ng̃ lumalapit na sino man, nang̃agsisilabás sa mg̃a cadilimang iyón ang ibáng mg̃a tínig na lalong malulungccót, ng̃uni't hindî na totoong nacalulunos, napasasalamat marahil; dinarampot ang canyang baculan at sacâ lumalayô upang ulitin ang gayón ding gawâ sa ibáng lugar naman.

Nagunitâ ni María Clara sa gayóng nakita ang isáng sacunâ, at pinagsumakitang itanóng cung anó anó nangyayari sa cacaibáng táong iyón.

—Iyan ang sanlázarohin,—ang isinagót ni Iday.—May apat na taón na ng̃ayóng kinapitan siyá ng̃ sakit na iyan: ang wicà ng̃ ibá'y dahil sa pag-aalagà, sa canyáng iná, at anáng ibá namá'y dahil sa pagcapiit niya sa malamíg na bilangguan. Siya'y doon tumatahan sa cabukiran, sa malapit na sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc; hindî siya nakikipag-abot-usap canino man, nang̃agsisilayóng lahát sa canyá sa tacot na bacá mahawahan. ¡Cung makita mo sana ang canyang dampâ! Iyón ang dampâ ni Guiríng-guiríng: ang hang̃in, ang ulán at ang araw ay pawang pumapasoc at lumalabas na catulad ng̃ carayom sa damít. Ipinagbawal sa canyáng humipò ng̃ anó mang bagay na pag-aari ng̃ sino mang tao. Nahulog isáng áraw sa sang̃há ang isáng batà; hindî naman malalim ang sang̃há, datapuwa't nagcátaong siya'y dumaraan doon, ang guinawâ niya'y tinulung̃an niya ang batà sa pag-ahon doon. Napagtantô ng̃ amá ng̃ batà ang nangyaring iyón, pagsacdal sa gobernadorcillo, at ipinapalò siya nito ng̃ anim sa guitnà ng̃ daan at sacâ ipinasunog pagcatapos ang yantóc. ¡Cakilakilabot iyón! Tumatacbó sa pagtacas ang sanlazarohin, hinahabol siya ng̃ tagapalo at sinisigawan siya ng̃ gobernadorcillo: "¡Mag-aral ca! mabuti pang malunod na ng̃a ang isang tao, huwag lamang magcasakit na gaya ng̃ sakit mo."

—¡Tunay ng̃â!—ang ibinulóng ni María Clara.

At hindî nalalaman ang canyang guinagawa'y dalidaling lumapit sa baculan ng̃ cúlang palad, at inilagay roon ang relicario na bago pa lamang cahahandóg sa canya ng̃ canyang ama.

—¿Anó ang guinawâ mo?—ang sa canyá'y itinanóng ng̃ canyáng mg̃a caibigang babae.

—¡Walâ acóng ibang sucat máibigay!—ang isinagót, at canyáng inilihim sa pamamag-itan ng̃ isáng tawa ang luhà ng̃ canyáng mg̃a matá.

—¿At anó ang canyáng gágawin sa iyong relicario?—ang sa canyá'y sinabi ni Victoria.—Binigyán siyá isáng araw ng̃ salapî. Ng̃uni't ang guinawâ ng̃ sanlazarohin ay inilayô sa canyá ang salapíng iyón sa pamamag-itan ng̃ isáng patpat: ¿anó ang gágawin niyá sa salapî sa gayóng walâ sino mang tumangáp ng̃ anó mang bágay na gáling sa canyá? ¡Cung macacain sana ang relicario!

Tiningnán ni María Clara ng̃ boong pananaghilì ang mg̃a babaeng nagbibilí ng̃ mg̃a cacanín, at ikinibít ang mg̃a balicat.

Ng̃uni't lumápit ang sanlazarohín sa baculan, kinuha ang hiyás na cumináng sa canyáng mg̃a camáy, lumuhód, hinagcán ang hiyás na iyón, at saca nagpugay at bago isinubsób ang canyáng noó sa alabóc ng̃ bacás ng̃ dalaga.

Ikinublí ni María Clara ang canyáng mukhâ sa canyáng abanico at dinalá ang panyô sa canyáng mg̃a matá.

Samantala'y lamapit ang isáng babae sa culang palad na anaki'y nagdárasal. Lugáy at gusamót ang canyáng mahabang buhóc, at sa liwanag ng̃ ilaw ng̃ mg̃a faról ay napanood ang payát at namumutlâ ng̃ mainam na pagmumukhâ ng̃ ul-ol na si Sisa.

Ng̃ maramdaman ng̃ sanlazarohin ang paghipò sa canyá, nagpacasigawsigaw, at tumindíg sa isáng lucsó. Ng̃uni't humawac sa canyáng bísig ang ul-ol na babae, sa guitnâ ng̃ malakíng pang̃ing̃ilábot ng̃ tao, at itó ang canyáng sinabi:

—¡Magdasál tayo! ¡magdasál tayo! ¡Ng̃ayón ang caarawan ng̃ mg̃a patáy! Ang mg̃a ilaw na iyá'y siyáng mg̃a búhay ng̃ mg̃a tao; ¡ipagdasál natin ang aking mg̃a anác na lalaki!

—¡Ilayô ninyó ang babaeng iyán, papaglayuin ninyó silá! sa pagca't mahahawa ang ul-ol na babae!—ang sigawan ng̃ caramihang tao, datapwa't waláng mang̃ahás na lumapit sino man.

—¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón sa campanario? ¡Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Basiliong nananaog sa pamamag-itan ng̃ isáng lúbid! ¿Nakikita mo ba ang ilaw na iyón na convento? Ang ilaw na iyón ang aking anác na si Crispín, ng̃uni't hindî co silá paroroonan sa pagca't may sakit ang cura at siya'y maraming mg̃a onza, at ang mg̃a onza'y nang̃awawalâ. ¡Magdasal tayo at ating ipatungcol sa caluluwá ng̃ cura! Dinadalhán co siyá ng̃ amargoso at zazalidas; punongpunô ang aking halamanan ng̃ mg̃a bulaclac at dating may dalawa acong anác na lalaki. ¡Dati acóng may halamanan, nag-aalagà aco mg̃a bulaclac at dating may dalawá acóng anác na lalaki!

At binitawan ang sanlazarohin at lumayóng cumacantá:

—¡Dáting may halamanan aco't mg̃a bulaclác, aco'y dating may mg̃a anác na lalaki, halamanan at mg̃a bulaclác!

—¿Anó na ba ang nagawâ mong magaling sa cahabághabág na babaeng iyán?—ang tanóng ni María Clara cay Ibarra.

—¡Walâ pa! siya'y nawala ng̃ mg̃a araw na itó sa bayan at hindi nangyaring siya'y masumpung̃an!—ang isinagót ng̃ binatang nagdadaláng cahihiyan—Bucod sa roo'y totoong marami ang aking guinawâ, ng̃uni't huwág ca sanang mahapis; ipinang̃acò sa akin ng̃ curang tutulung̃an niyá acó, tulóy ipinagtagubilin niyá sa akin ang malaking pag-iing̃at at paglilihim sa pagca't tila mandin isang cagagawán ng̃ guardia civil ¡Totoong ipinagmamalasakit ng̃ cura ang babaeng iyán!

—¿Hindî ba sinasabi ng̃ alférez na canyáng ipahahanap ang mg̃a bátà?

—¡Oo, ng̃uni't ng̃ sabihin iyo'y may caunting....calang̃uhan siyá!

Casasabi pa ng̃ gayóng bágay ng̃ caniláng makitang hindî inihahatíd cung di kinacaladcad ang ul-ol na babae ng̃ isáng soldado: aayaw sumama si Sisa.

—¿Bákit ba ninyó hinuli ang babaeng iyán? ¿Anó ang canyáng guinawá? ang tanong ni Ibarra.

—¿Cung bákit? ¿Hindî ba ninyô nakita cung paano ang guinágawâ niyáng pag-iing̃ay?—ang sagót ng̃ tagapag-ing̃at ng̃ catahimican ng̃ bayan.

Dalidaling kinuha ng̃ sanlazarohin ang canyáng baculan at lumayô.

Minagalíng ni María Clarang umuwî na, sa pagca't lumipas sa canyá ang tuwá at casayahan.

—¿Mayroon din palang mg̃a taong hindî lumiligaya! ang canyáng ibinulóng.

Pagdatíng niyá sa pintuan ng̃ canyáng bahay, canyáng naramdamang naragdagan ang canyáng capanglawan, ng̃ canyáng mahiwatigang aayaw pumanhíc at nagpapaalam ang nang̃ing̃ibig sa canyá.

—¡Kinacailang̃an!—ang sabi ng̃ binatà.

Pumanhíc sa hagdanan si María Clarang ang sumasaisip ay totoong nacayayamot ang mg̃a araw ng̃ fiesta, pagcá dumarating ang mg̃a panauhing tagaibang bayan.

Decorative motif

Decorative motif

XXVIII.

MANG̃A SULAT

Ang bawa't tao'y nagsasaysay
ayon sa kinasasapitan
sa fiestang pinaroroonan.

Sa pagca't waláng anó mang mahalagang nangyayari sa mg̃a taong sinasaysay natin ang buhay na pinagdaanan, sa gabí ng̃ sinusundang araw ng̃ fiesta at gayón din sa kinabucasan, magalac na lalactawan namin ang araw na itó ng̃ pagsasayá, cung di lamang inaacala naming baca sacalì hang̃aring maalaman ng̃ sino mang bumabasang taga ibang lupaín cung paano ang guinagawá ng̃ mg̃a filipino sa caniláng mg̃a pagpifiesta. Sa ganitóng cadahilana'y sisipiin naming hindî daragdaga't hindî babawasan ang iláng mg̃a sulat, na ang isá sa canila'y ang sa "corresponsal" ng̃ isang pamahayagang matimtiman at tinatang̃i sa Maynilà, na cagalanggalang dahil sa canyang cataasan at cahigpitang manalitá. Ang mg̃a bumabasa sa amin ang siyá ng̃ bahalang magpunô sa ilang maliliit at calacarang mg̃a cauculan.

Narito ang sulat ng̃ carapatdapat na "corresponsal" ng̃ mahal na pamahayagan:

"Guinoong Namamatnugot....

"Tang̃i cong caibigan: cailan ma'y hindî pa acó nacapapanood, at inaacalà cong hindî na acó macapapanod pa sa mg̃a lalawigan ng̃ isáng fiestang tungcòl sa religióng totoong dakilà, maningning at nacababagbag ng̃ loob, na gaya ng̃ pagsasayáng guinagawa sa bayang ito ng̃ mg̃a totoong cagalanggalang at mg̃a banal na mg̃a paring Franciscano."

"Pagcaramirami ng̃ dumalo: nagtamó acó rito ng̃ ligayang bumati sa halos lahát ng̃ mg̃a castilang tumitira sa lalawigang ito, sa tatlong cagalanggalang na mg̃a Paring Agustino na na sa lalawigang Batang̃an, sa dalawang cagalanggalang na mg̃a Paring Dominico, na ang isá sa canila'y ang totoong cagalanggalang na si Pári Fray Hernando de la Sibyla, nasa canyáng pagparito'y canyang pinaunlacan ang bayang itó, bagay na hindî dapat calimutan magpacailan man ng̃ mg̃a carapatdapat na mg̃a tagarito. Nakita co rin naman ang lubhang maraming mg̃a caguinoohang taga lalawigang Tang̃uay, Capangpang̃an, ang maraming mayayamang mg̃a taga Maynilà at maraming mg̃a banda ng̃ música, at ang isá sa canila'y ang lubháng mainam na banda sa Pagsanghán, pag-aari ng̃ guinoong Escribanong si guinoong Miguel Guevara at ang caramihang mg̃a insic at mg̃a indio, na taglay ng̃ mg̃a insíc ang canilang talagang dating caugaliang pagca maibiguíng macakita ng̃ iba't ibang bagay, at ng̃ mg̃a indio ang caniláng asal na mapamintacasi, hinihintay nilá ng̃ maalab na pagmimithî ang pagdating ng̃ araw na ipagsasaya ang dakilang fiesta, upang caniláng mapanood ang palalabasing "comico-mímico-lirico-coreográfico-dramático," at ng̃ magawá ang bágay na itó'y sila'y nagtayò ng̃ isáng malaki at maluang na tablado sa guitnâ ng̃ plaza."

"Ng̃ icasiyam na oras ng̃ gabi ng̃ araw na icasampô nitóng buwan, araw na sinusundan ng̃ fiesta, pagcatapos ng̃ isáng masaráp at saganang hapunang inihandóg sa amin ng̃ Hermano Mayor, tinakhan naming lahát na mg̃a castila't mg̃a fraileng na sa convento, ang caaliw-aliw na tugtóg ng̃ musicang may casabay na nagsisiksicang caramihang tao at ng̃ úgong ng̃ mg̃a cohete at malalaking bomba, at pinamamatnugutan ng̃ mg̃a guinoo ng̃ bayan, ang tinutung̃o'y ang convento upang cami'y sunduin at ihatíd sa lugar na nahahandâ at iniuucol sa amin at ng̃ doo'y panoorin namin ang catuwaang palalabasin."

"Napilitan caming pahinunod sa gayóng magandáng anyaya, bagá man lalo sanang minamagaling co pa ang magpahing̃alay sa mg̃a bisig ni Morfeo, at pagcalooban ng̃ masanghayang pagpahing̃alay ang aking nananakit na mg̃a laman at buto, salamat sa nilundaglundag ng̃ lulanáng sa ami'y ipinagcaloob ng̃ Gobernadorcilio sa bayan ng̃ B."

"Nanaog ng̃a camí at aming hinanap ang aming mg̃a casamang humahapon bahay na pag-aari rito ng̃ mapamintacasi at mayamang si don Santiago de los Santos. Ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Bernardo Salvi na cura nitóng bayan, at ang totoóng cagalanggalang na si Párì Fray Damaso Verdolagas, na sa tanging biyayà ng̃ Cataastaasan ay magaling na sa dinaramdam na sa canya'y guinawa ng̃ camáy na pusóng, na ang casama'y ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Hernando de la Sibyla at ang banál na cura sa Tanawan at iba pang mg̃a castilà, ang siyang mg̃a panauhín ng̃ mayamang filipino. Diya'y nagtamó caming capalarang pangguilalasan, hindî lamang ang lubhang mahahalagang casangcapan at cagaling̃ang magpamuti ng̃ may-ari ng̃ bagay, bagay na hindî caraniwan sa mg̃a taong tubò rito, cung di naman ang camahálmahalan, cágandagandahan at mayamang dalagang magmamana, na nagpakilalang siya'y tunay at ganáp na alagad ni Santa Cecilia sa pagtugtóg ng̃ lalong caayaayang músicang likhá ng̃ mg̃a alemán at ng̃ mg̃a italiano, sa canyáng mainam na piano, na anó pa't ang canyáng cagaling̃ang tumugtóg ay nagpaalaala sa akin sa babaeng si Galvez. Sayang at napacatimtiman naman ang gayong lubós sa cagaling̃ang binibini, at inililihim ang canyang mg̃a carapatán sa madláng caguinoohang pawang pagpupuri lamang ang sa canya'y handóg. Hindî co dapat iwan sa tintero, na sa bahay ng̃ nag-anyaya'y pinainóm cami ng̃ champaña at masasarap na mg̃a licor ng̃ boong casaganaan at cagandahang loob na siyang caugaliang hindî nagbabago ng̃ kilalang mamumuhunan."

"Pinanood namin ang palabás. Kilala na po ninyó ang ating mg̃a artistang si na Ratia, Carvajal at Fernandez; camí lamang ang nacaunawa ng̃ canilang carikitang lumabas, sa pagca't ang mg̃a taong walang pinag-arala'y walang napagtantò cahi't babahagya. Magaling ang pagcacalabas ni Chananay at ni Balbino, baga man may caunting pamamaos nilá: isang pagcantáng hidwa ng̃ caunti sa música ang guinawa ni Balbino, datapuwa't catacatacá ang cabooan at ang canilang pagpupumilit sa mabuting pagganap. Lubháng naibigan ng̃ mg̃a indio at lalong-lalò na ng̃ gobernadorcillo ang comediang tagalog: nagpakita ng̃ malaking catuwaan ang gobernadorcillo at sinasabi sa aming sáyang daw at hindi pinapakipag-away ang princesa sa gigante na sa canya'y umagaw, bagay na sa canyáng balac ay lalò sanang caguilaguilalas, at higuit pa, cung hindî mangyaring talban ang gigante cung di sa púsod lamang, na gaya baga ng̃ isang nagng̃ang̃alang Ferragús, ayon sa nababasa sa casaysayan ng̃ buhay ng̃ Doce Pares. Nakikisang-ayon sa acala ng̃ gobernadorcillo ang totoong cagalanggalang na si Parì Fray Damaso, taglay iyáng cagandahan ng̃ púsong siyang ikinatatangì niyá, at ang idinagdag pa'y cung sacali't magcagayon daw, ang princesa na ang hahanap ng̃ paraan at ng̃ canyáng masunduan ang púsod ng̃ gigante upang sa gayo'y canyang mápatay."

"Hindî co pô kinacailang̃ang sabihin sa inyong samantalang guinágawâ ang pagpapalabas ay di itinulot ng̃ Rothschild na filipinong magculang ng̃ ano man sa cagandahan ng̃ canyang loob: ang mg̃a sorbete, mg̃a limonada gaseosa, mg̃a refresco, mg̃a matamis, mg̃a alac at iba't iba pa'y saganang ipinamamahagui sa aming lahat na nangaroon. Ininóng totoó, at na sa catuwiran ng̃a ang gayong pag-ino, ang pagcawala roon ng̃ kilala at marunong na binatang si don Juan Crisostomo Ibarra, na ayon sa talos na ninyo, ay dapat na siyáng manguló búcas sa pagbebendición ng̃ unang bató na nauucol sa dakilang "monumento" na canyang ipinatatayò sa udyóc ng̃ malaking nais na macagawâ ng̃ magalíng. Ang carapatdapat na calahing itó ng̃ mg̃a Pelayo at ng̃ mg̃a Elcano, (sa pagca't ayon sa napagtantò co'y tubò sa ating bayani at uring mahál na mg̃a lalawigan sa dacong Timugan ng̃ España ang isá sa canyáng mg̃a nunò sa amá, na marahil ay isá sa mg̃a unang kinasama ni Magallanes ó ni Legaspi) ay hindi rin napakita sa mg̃a nalalabing oras ng̃ araw, dahil sa caunting sakit na canyáng dinaramdam. Nagpapalipatlipat sa mg̃a bibig ang canyáng pang̃alang ipinang̃ung̃usap lamang upang purihin, mg̃a pagpupuring hindî mangyayaring di mauuwî sa icararang̃al ng̃ España at ng̃ tunay na mg̃a castilang gaya na ng̃â natin, na cailan ma'y hindî natin pinasisinung̃aling̃an cailan man ang ating dugô, cahit magpacáramirami ang mg̃a maguing cahalò."

"Napanood namin ng̃ayóng icalabing isá ng̃ buwan, sa dácong umaga, ang isáng nangyaring lubháng nacababagbag ng̃ loob. Hayág ng̃â at talastás ng̃ lahát na sa araw na itó'y cafiestahan ng̃ Virgen de la Paz (Virgen ng̃ Capayapaan), at itó'y ipinagsasayá ng̃ mg̃a Hermano (capatíd) ng̃ Santisimo Rosario Búcas ang cafiestahan ng̃ Pintacasing si San Diego, at sa fiestang iyá'y lubhang nakikitulong ang mg̃a Hermano ng̃ V.O.T. (Venerable Orden Tercera; Cagalang-galang na Pang̃atlóng Hanáy). May isáng malaking pagpapataasang banal ang dalawang Capisanang itó sa paglilingcód sa Dios, at dumaratíng ang ganitóng gawáng cabanalan hanggang sa panggaling̃an ng̃ santong pagcacasamaan ng̃ loob nilá, gaya na ng̃â nitong hulíng nangyari dahil sa pakikipagtalo sa salitaan ng̃ dakilang taga pagsermong kinikilalang talagang balità, na hindî iba't ang di mamakailang aking binangguit, na totoong cagalanggalang na si Párì Fray Damaso, na siyáng lalagay búcas sa sadyang licmúan ng̃ Espiritu Santo, at ayon sa maacalà ng̃ lahát ay hindî malilimutang paunlacán ng̃ religión at ng̃ literatura."

"Alinsunod ng̃â sa aming sinasaysay, napanood namin ang isáng nangyaring lubháng nacapagtuturò at nacababagabag ng̃ loob. Lumabas sa sacrista ang anim na mg̃a bata pang mg̃a "religioso" (fraile), ang tatlo sa canila'y upang mangagmisa at ang tatló ng̃ mag-"acolito", nanicluhod sila sa harap ng̃ altar, at kinanta ng̃ "celebrante" (ang magmimisa) na itó ng̃a'y ang totoong cagalanggalang na si párì Fray Hernando Sibyla, ang "Surge Domme", na siyang dapat maging pasimulâ ng̃ procesión sa paliguid ng̃ simbahan, taglay yaóng mainam na voces at anyong mataimtin na sa canyá'y kinikilala ng̃ lahat at siyang lubós na ipinaguiguing dapat niyá sa pangguiguilalas ng̃ madla. Pagca tapos ng̃ "Surge Domine", pinasimulan ang procesión ng̃ gobernadorcillo, na nacafrac, dalá ang "guión" at may casunod na apat na sacristang may hawac na mg̃a insensario. Sumusunod sa caniláng licuran ang mg̃a cirial na pilac, ang caguinoohan ng̃ bayan, ang mahahalagang mg̃a larawang nasusuutan ng̃ sutlang raso at guintô ni na Santo Domingo at San Diego, at ng̃ Virgen de la Paz na may isáng carikitdikitang balabal (manto) na azul at may mg̃a planchang pilac na dinorado, handóg ng̃ banál na capitang paradong si don Santiago de los Santos, na totoong carapatdapát uliranin at hindî casiya ang siyá'y ibantog magpacailán man. Nalululan ang lahát ng̃ mg̃a larawang itó sa mg̃a carrong pílac. Sumusunod caming mg̃a castilà at ang ibáng mg̃a religioso sa licuran ng̃ Iná ng̃ Dios: tinatangkililc ng̃ isáng páliong dalá ng̃ mg̃a cabeza de barangay ang "oficiante" at ang wacás ng̃ procesio'y ang may mabuting carapatang capisanan ng̃ Guardia Civil. Inaacalà cong hindî na cailang̃ang sabihing caramihang mg̃a "indio" ang siyáng bumubuo ng̃ dalawang hanay ng̃ procesión, na pawang may tang̃ang candílang may ning̃as at taglay ang boong pamimintacasi. Tumutugtog ang música ng̃ mg̃a marcha religiosa; ulit-ulit na putóc ang siyáng guinágawa ng̃ mg̃a bomba at ng̃ mg̃a apóy na rueda. Nacapangguiguilalás ang panonood ng̃ cahinhinán at níng̃as ng̃ loób na iniuudióc sa pusò ng̃ mg̃a nanampalataya sa caniláng wagás at malaking pananalig sa Vírgen de la Paz ang pagdiriwang na lubós at marubdób na pamimintacasing guinágawâ nating nagtamó ng̃ palad na ipang̃anác sa lílim ng̃ casantasantahan at waláng báhid na dung̃is na bandera ng̃ España sa ganitong mg̃a cafiestahan."

"Ng̃ matapos ang procesio'y pinasimulán ang misa, na sinasaliwan ng̃ orquesta at ng̃ mg̃a artista ng̃ teatro. Ng̃ matapos na ang Evangelio'y pumanhík sa púlpito ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Manuel Martín, agustinong nanggáling sa lalawigang Batang̃an, na pinagtakhán ng̃ mg̃a nakikinig na páwang nang̃abitin sa canyáng pananalitâ, lalonglalò na ang mg̃a castíla, sa pagpapasimulâ ng̃ pang̃ang̃aral ng̃ wícang castílà, na sinaysay ng̃ boong cabayanihan sa mg̃a pananalitang magagaang ang pagcacataglay, at totoong angcáp na ancáp, na anó pa't pinúpuspos ang aming mg̃a púsò ng̃ mataimtim na pamimintacasi at pag-aalab. Ang ganitóng pang̃ung̃usap ng̃â ang siyáng marapat ilagdâ sa dinaramdam, ó ating dinaramdam pagcâ nauucol ang sinasaysay sa Vírgen ó sa ating sinisintang España, at lálonglálo na pagcâ naisasal-it sa sinasabi, yamang mangyayari namán sa bagay na itó, ang mg̃a caisipán ng̃ isáng príncipe ng̃ Iglesia, na si "señor Monescillo," na mapapagtitibay na siyáng dináramdam ng̃ lahát ng̃ mg̃a castilà."

"Ng̃ matápos ang misa'y pumanhíc camíng lahát sa convento, na casama ng̃ mg̃a caguinoohan sa bayan at ibá pang mahahalagáng mg̃a tao, at doo'y hinandugán silá ng̃ boong cagandahan ng̃ loob, pagpipitagan at casaganaang siyáng kinaugalian ng̃ totoong cagalanggalang na si Párì Fray Salví, na inalayan nilá ng̃ mg̃a tabaco at mg̃a pagcaing inihandâ ng̃ Hermano Mayor sa sílong ng̃ Convento na handâ sa lahát ng̃ mg̃a nagcacailang̃ang patahimikin ang mg̃a pang̃ang̃ailang̃an ng̃ sicmurà."

"Waláng naguíng caculang̃ang anó man sa loob ng̃ maghápon upang bigyáng casiyahan ang fiesta at ng̃ upang manatili ang masayáng caasalán ng̃ mg̃a castilà, na sa mg̃a gayóng capanahuna'y hindî mangyaring mapiguilan, na ipinakikilala, cung minsa'y sa mg̃a "canción" ó mg̃a sayaw, at cung minsa'y sa mg̃a waláng cahulugan at masayáng mg̃a paglilibáng, palibhasa'y may mg̃a púsong mahál at malacás, na anó pa't hindî nacararaig sa canilá ang mg̃a pighati, at sucat na ang magcapisan ang tatlóng castilà sa alin mang lugar, upang doo'y tumácas ang calungcutan at samâ ng̃ loob. Pinag-aláyan ng̃â sa maraming bahay si Terpsícore datapuwa't lalonglalo na sa marilág na cayamanyamanang filipino na pinagpiguing̃an sa amin sa pagcain. Hindî co na kinacailang̃ang sabihin pô sa inyóng lubháng masaganà at masaráp ang mg̃a ipinacain sa piguing na iyón, na masasabing pang̃alawa na ng̃ mg̃a piguing sa casalan sa Caná ó cay Camacho, na pinagbuti at dinagdaran pa mandin. Samantalang nagtatamasa cami ng̃ mg̃a caligayahan ng̃ pagcaing pinamamatnubayan ng̃ isáng tagalútò ng̃ "La Campana," tumútugtog naman ang orquesta ng̃ mg̃a cawiliwiling tinig. Tagláy ng̃ cagandagandahang dalaga sa bahay, ang isáng casuutang mestiza, at isáng warí'y ágos ng̃ mg̃a brillante, at siyá ng̃â, ayon sa pinagcaratihan na, ang reina ng̃ fiesta. Dinamdám naming lahát na dahil sa isáng hindî namán malubháng pagcápatapiloc ng̃ canyáng magandang paa'y hindî siya nangyaring nagcamit ng̃ mg̃a ligaya sa pagsasayáw, sa pagca't cung ayon sa aming nahiwatigang siyá'y ganáp sa cagaling̃ang gumawâ ng̃ anó man, ang guinoong binibining de los Santos, cung sumayaw marahil ay catulad ng̃ isáng "silfide"."

"Dumating ng̃ hapong itó ang Alcalde ng̃ lalawigan, upang bigyán ng̃ cadakilaan sa canyáng pagharáp ang gagawing "ceremonia" búcas. Dinamdám niyá ang pagsamâ ng̃ damdám ng̃ hirang na mamumuhunang si guinoong Ibarra, na salamat sa Dios, at ayon sa sabihana'y magalíng na."

"Nagcaroon ng̃ gabíng itó ng̃ mainam na procesión, datapuwa't sasabihin co na ang bagay na itó sa aking sulat búcas, sa pagca't bucód sa mg̃a malalaking bombang sa aki'y nacatulíg at halos nacabing̃i, acó'y totoong pagód at nahahapay na acó sa pag-aantoc. Samantalang binabawì co ang lacás sa mg̃a bisig ni Morfeo, sa macatuwid baga'y sa catre ng̃ convento, hinahang̃ad co, tang̃i cong caibigang cayó'y matamó ng̃ magandang gabi at hanggang búcas, isáng araw na dakilà."

"Ang mairuguin ninyóng catotong nakikiramá'y.

"Ang Corresponsal.

San Diego, 11 ng̃ Noviembre."

Itó ang isinulat ng̃ mabait na corresponsal. Tingnán namán natin ng̃ayón cung anó ang isinulat ni capitang Martín sa canyáng catotong si Luis Chiquito.

"Minamahal cong Choy: Magmadalî cang pumaríni, cung mangyayari; sapagca't ang fiesta'y totoong masayá; súcat ang matantô mong hálos natumbá ang bangcâ ni capitang Joaquin: macaitlong pinagulong ni capitang Tiago ang canyáng tayâ, at sa tatlong iyó'y tumamà, at pintô ng̃ pintóng palagui, caya't sa gayóng nangyari lalong nangliliit sa catuwâan si cabezang Manuel na may arì ng̃ bahay. Binasag ni Párì Dámaso, sa isáng dagoc, ang isáng ilawán, sa pagca't hanggá ng̃ayó'y hindî pa siyá tumatamà miminsan man lamang. Natalo ang Cónsul sa canyáng mg̃a sasabung̃in, at natalo sa bangcâ ang lahát ng̃ pinanalunan sa atin sa fiesta ng̃ Binyáng at sa fiesta ng̃ Pilar, sa Santa Cruz."

"Inaasahan naming isasama rito sa amin ni capitang Tiago ang canyáng mamanugang̃in, ang mayamang nagmana cay Don Rafael, datapuwa't wari'y ibig manding tumulad sa canyáng amá, sa pagca't hindî man lamang napakita ¡Sayang! Sa masíd co'y hindî siya pakikinabang̃an cailan man."

"Malakíng totoong cayamanan ang nakikita ng̃ insíc na si Cárlos sa "liampó"; naghihinala acóng may taglay siyáng anó mang lihim, isáng bato-balanì marahil: waláng tíguil ang canyáng pagdaing ng̃ sakit ng̃ úlo, na may taling panyô pagcâ tumitiguil na ng̃ untiuntî ang umíikit na sangkap ng̃ "liampó," pagcacagayo'y tumútung̃o siyá ng̃ mainam hanggáng sa halos mápabunggô na sa canyáng noo, na anaki'y ibig na totoong hiwatigan ang pag-inog na iyón. Nagcuculang tiwalà acó, dahil sa may nalalaman acóng mg̃a cawang̃is ng̃ bagay na iyóng guinágawâ."

"Paalam, Choy; magaling ang calagayan ng̃ aking mg̃a sasabung̃in, at ang aking asawa'y masayá at naglilibang."

"Ang iyóng catotoo.

Martín Aristorenas."

Tumanggap naman si Ibarra ng̃ isáng maliit na liham na may pabang̃ó, na ibinigay sa canyá ng̃ gabí ng̃ unang araw ng̃ fiesta ni Andéng, na capatíd sa suso ni María Clara. Ganitó ang sabî ng̃ liham:

"Crisóstomo: Mahiguít ng̃ isáng araw na hindî ca napakikita; nahiguing̃an cong may caunting dinaramdam icáw, cata'y ipinagdasal at ipinagsindi cata ng̃ dalawang malalaking candilà, bagá man sinasabi ng̃ tatay na hindî raw mabigát namán ang sakít mo. Totoong niyamót nilá acó cagabí at ng̃ayón; pinatutugtog nilá acó ng̃ piano at canilá acóng inaanyayahang sumayáw. Hindî co nalalamang lubhang marami sa ibabaw ng̃ lupà ang mg̃a nacapagbíbigay yamót. Cung hindî lamang cay Párì Dámaso na pinagpipílitang acó'y libang̃ín sa pagsasaysay ng̃ maraming bagay, acó sana'y magcuculóng sa aking silíd upang matulog. Isulat mo sa akin cung anó ang dinaramdam mo, sa pagca't sasabihin co sa tatay na icáw ay dalawin. Samantala'y inutusan cong pumaryan sa iyo si Andéng, at ng̃ ipaglutò ca ng̃ chá; magalíng siyáng maglutò at marahil ay daig ang iyong mg̃a alilà."

"Maria Clara."

"Pahabol. Pagca hindî ca naparini búcas, hindî acó paparoon sa ceremonia. Calakip."

Decorative motif

Decorative motif

XXIX.

ANG UMAGA.

Tinugtóg ng̃ mg̃a banda ng̃ música ang "diana" sa unang pagsilang ng̃ liwayway, na anó pa't pinucaw ng̃ masasayáng tugtuguin ang mg̃a pagál na mg̃a mamamayan. Nanag-uli ang búhay at casayahan, mulíng nirepique ang mg̃a campanà at nagpasimulâ ang mg̃a putucan.

Yaon ang catapusang áraw ng̃ fiesta, yaón ang tunay na araw ng̃ cafiestahan. Inaasahang lalong marami ang mapapanood, higuít pa sa nacaraang araw. Lalong marami ang mg̃a "manong" ng̃ V.O.T. (Venerable Orden Tercera; Cagalanggalang na Pang̃atlong Hánay) cay sa mg̃a manong ng̃ Santísimo Rosario, at nang̃agsising̃itî ng̃ boong cabanalan ang mg̃a manong na iyon ni San Francisco, sa caniláng paniniwalang sa gayo'y caniláng mahihiyâ, ang caniláng mg̃a capang̃agaw. Lalong marami ang bilang ng̃ mg̃a candilang caniláng binilí: nag-ani ng̃ malaking pakinabang ang mg̃a insíc na magcacandilâ, at nangag-iisip siláng pabinyag upang máipakilala nilá ang canilang pagtumbás, baga man sinanabi ng̃ ilang yao'y hindî raw sa caniláng pananampalataya sa pagca católico cung dî sa canilang nais na macapag-asawa. Datapawa't sa gayó'y sumásagot ang mg̃a babaeng banal:

—Cahi't magcagayon man, hindî mangyayaring hindî maguíng isang himala ang sabaysabáy na pag-aasawa ng̃ gayong caraming mg̃a insíc; papagbabaliking loob na silá ng̃ canicanilang mg̃a esposa.

Isinuot ng̃ mg̃a tao ang caniláng lalong magagaling na mg̃a bihisan; lumabás sa kinatataguang mg̃a cajita ang lahát ng̃ mg̃a hiyas. Sampô ng̃ mg̃a "tahur" at ng̃ mg̃a sugarol ay nagbihis ng̃ mg̃a barong bordado na may malalaking brillante, mabibigat na tanicalang (cadena) guintô at mapuputing sombrerong jipijapa. Ang matandáng filósofo lamang ang nananatili sa dating suot; ang baro'y sinamáy na may mg̃a guhit na itim, nabobotones hanggang sa liig maluang na zapatos at malapad na sombrerong fieltro na culay abó.

—¡Ng̃ayó'y lalò pa manding mapanglaw cayó cay sa dati!—ang sabi sa canyá ng̃ teniente mayor,—¿aayaw pô ba cayóng manacanacâ tayong magsayá, yamang maraming tayong lubhang sucat na itang̃is?

—¡Hindî ang cahulugan ng̃ pagsasaya'y dapat na gumawâ ng̃ mg̃a caululan!—ang isinagot ng̃ matandâ.—¡Itó rin ang halíng na pagtatapon ng̃ salapî sa taôn-taón! At ang lahat ng̃ ito'y ¿bakit? iwaldás ang salapî, sa gayóng macapál na totoo ang carukhaân at mg̃a pang̃ang̃ailang̃an. ¡Abá! nalalaman co na; ¡itó ang pagtatapón, ang maruming paggagalac upang matacpán ang mg̃a caraing̃an ng̃ lahát!

—Nalalaman na pô ninyóng sumasang-ayon acó sa inyóng mg̃a caisipan,—ang mulíng sinabi ni don Filipo, na tíla ibig magpakitang galit at tíla ng̃uming̃iti.—Cayó'y aking ipinagsasanggalang, datapuwa't ¿anó ang aking magagagawâ sa gobernadorcillo at sa cura?

—Magbitiw ng̃ tungcól—ang sinundán ng̃ filósofo, at saca lumayò.

Natigagal si Don Filipo, at sinundán ng̃ matá ang matandâ.

—Magbitiw ng̃ tungcól!—ang ibinúbulong, samantalang tumutung̃o sa simbahan,—¡magbitíw! ¡Oo! cung isá sanang bagay na nagbibigay dang̃al ang tungcúling itó at hindî isáng pas-anin, ¡oo, bibitiwan co!

Punô ng̃ tao ang patio ng̃ simbahan: mg̃a lalaki't mg̃a babae, mg̃a bata't mg̃a matatanda, taglay ang lalong magagaling na pananamit, na nang̃agcacahalo-halò, pumapasoc at lumalabas sa makikipot na mg̃a pintúan. Amóy pólvora, amóy bulaclác, amóy incienso, amóy pabang̃ó; pinatatacbó at pinasisigaw ang mg̃a babae at pinapagtatawá ang mg̃a batâ ng̃ mg̃a bomba, ng̃ mg̃a cohete at ng̃ mg̃a buscapiés. Isáng banda ng̃ música ang tumútugtog sa tapát ng̃ convento, isáng banda namán ang naghahatid sa mg̃a nang̃ang̃atungculan sa bayan, ang mg̃a ibáng banda'y naglilibót sa mg̃a daang kinalaladlaran at winawagaywayan ng̃ maraming mg̃a bandera. Lumilibang sa paning̃in ang liwanag at cúlay na sarisarì, at sa pangpakinig nama'y mg̃a tínig at mg̃a úgong. Hindî nagtitiguil ang mg̃a campanà ng̃ carerepique, nagcacasalasalabat ang mg̃a coche at mg̃a calesa, na manacanacáng ang mg̃a cabayong humihila sa canilá'y nangáguiguitla dumádamba, humuhulay, mg̃a bagay na bagá man hindî casangcáp sa palatuntunan ng̃ fiesta, gayón ma'y naguiguing isáng pánooring hindî pinagbabayaran at siyáng lalong mahalaga.

Nag-utos ang Hermano Mayor sa áraw na itó ng̃ mg̃a alilà upang mang̃aghanáp sa mg̃a daan ng̃ mg̃a inaanyayahan, túlad sa nagpiguing na sinasabi sa atin ng̃ Evangelio. Hálos sápilitan ang pag-aanyaya upang uminóm ng̃ chocolate, café, chá, cumain ng̃ matamis, at iba pa. Madalás na naguiguing cawang̃is ng̃ isáng pakikipagcagalít ang guinagawang pag-aanyaya.

Gágawin na ang misa mayor, ang misang tinatawag na "de dalmática", catulad ng̃ misa cahapong sinasaysay ng̃ carapatdapat na corresponsal, at ang bílang caibhán lámang, ang magmimisa ng̃ayo'y si Parì Salví, at sa mg̃a taong makikiníg ng̃ misa ng̃ayo'y casama ang Alcalde ng̃ lalawigan, caacbáy ang maraming mg̃a castílà at mg̃a táong marurunong, upang pakinggán si Párì Dámaso na totoong bantóg sa lalawigan. Sampô ng̃ alférez, bagá man siya'y lubháng dalá na sa mg̃a pang̃ang̃aral ni Párì Salví, pumaroon din, sa pagpapatotoo niya ng̃ cagaling̃an ng̃ canyang loob at ng̃ cung mangyayari, macapanghiganti siyá sa mg̃a pagbibigay galit na sa canyá'y guinawâ ng̃ cura. Sa calakhán ng̃ pagcábantog ni Párì Dámaso'y ipinag-páuna na ng̃ corresponsal ang pagsúlat namamatnugot ng̃ pamahayagan ng̃ sumúsunod:

"Alinsunod sa aking ipinagpáuna na sa inyo sa waláng wastô cong mg̃a talata cahapó'y gayón ng̃a ang nangyari. Nagcamít cami ng̃ tang̃ing capalarang mápakinggan ang totoong cagalanggalang na si Párì Fray Damaso Verdolagas, na nagcurang malaon sa bayang itó, at ng̃ayó'y inilipat sa lálong malaki, bílang ganting pala sa canyang mabuting pagtupad sa canyang mg̃a catungculan. Lumagáy ang maningning na mananalumpati ng̃ mg̃a mahal na bagay sa paaralang Espiritu Santo ang nagtuturo, at nagsaysay ng̃ carikitdikitan at cálalim-lalimang sermon, na nagbigay cabanalan sa madlâ at pinagtakhán ng̃ lahát ng̃ mg̃a binyágang naghihintay ng̃ boong pagmimithî ng̃ pagsilang sa lubhang mapagbung̃ang mg̃a labi ng̃ nacaguiguinhawang bucál ng̃ waláng hanggáng-búhay. Cadakilaan sa mg̃a cahulugan, capang̃ahasan sa mg̃a munacalà, mg̃a bagong pananalitâ, cagandahan sa anyô, catutubong mg̃a galaw, pagsasaysay na calugodlugód, calusugán ng̃ mg̃a adhicâ, nárito ang mg̃a híyas ng̃ Bossuet na castilà, na talagáng carapatdapat ng̃á ang canyáng malakíng pagcábantog hindî lamang sa mg̃a marurunong na mg̃a castila, cung di naman sa mg̃a waláng pinag-aralang mg̃a "indio" at sa mg̃a mapanglinlang na mg̃a anác ng̃ "calang̃itang imperio" (imperio ng̃ cainsican)."

Gayon man, unti ng̃ mapilitan ang mapagcatiwalang corresponsal na canyang sirain ang calahatlahatan niyang sinulat. Idinaraing ni Párì Damaso ang isáng magaang na sipóng canyang nasaguip ng̃ gabing nagdaan: pagcatapos na siya'y macapagcantá ng̃ masasayáng mg̃a "petenera", (caraniwang kinacanta sa mg̃a lalawigang andalus, sa España), siya'y uminóm ng̃a tatlong vásong sorbete at sandali siyang nanood ng̃ pinalalabas sa teatro. Dahíl sa bagay na ito'y ibig sana niyang magbitíw ng̃ pagca tagasalitâ ng̃ mg̃a wicà ng̃ Dios sa mg̃a tao, ng̃uni't sapagca't waláng ibáng makitang nacacaalam ng̃ búhay at mg̃a himalâ ni San Diego,—túnay ng̃a't natátalos ang mg̃a bagay na itó ng̃ cura, ng̃uni't kinacailang̃ang siyá'y magmisa,—pinagcaisahan ng̃ ibáng mg̃a fraile na walâ ng̃ gagaling pa sa tínig ng̃ voces ni Párí Dámaso, at lubhang túnay na cahinahinayang na huwag italumpati ang totoong mainam na sermóng gaya na ng̃a ng̃ naisulat at naisaulo na. Dahil dito'y ang babaeng dating tagapag-ing̃at ng̃ susi'y siya'y ipinaghandâ ng̃ mg̃a limonada, pinahiran ang canyang dibdib at liig ng̃ mg̃a unguente at mg̃a lang̃is, binalot siyá ng̃ maiinit na mg̃a cúmot, siya'y hinilot at iba pa. Umínóm si Parî Dámaso ng̃ hiláw na itlóg na binati sa álac, at sa boong umaga'y hindî nagsalitâ at hindî man lamang nag-agahan; bahagyâ na uminóm ng̃ isáng vasong gatas, isáng tazang chocolate at lalabin-dalawang biscocho, na anó pa't tiniis niya ng̃ boong cabayanihang huwag cumain ng̃ isáng sisiw na frito at calahating quesong gawang Laguna, na canyang kinaugaliang canin pagcacaumaga, sapagca't ayon sa canyang catiwalang babae, maaaring macapagpaubó ang sisiw at ang queso, dahil sa capuwâ may asin at may tabá.

—¡Guinágawá ang lahat ng̃ itó't ng̃ camtan natin ang calang̃itan at magbalíc loob tayo!—ang sabi ng̃ mg̃a Hermana ng̃ V.O.T., ng̃ caniláng maalaman ang ganitóng canyáng mg̃a pagpapacahirap.

—¡Siyá'y pinarurasahan ng̃ Virgen de la Paz!—ang ibinúbulong naman ng̃ mg̃a Hermana ng̃ Santisimo Rosario, palibhasa'y hindî nilá maipatawad ang canyang pagkiling sa canilang mg̃a caaway na capuwà babae.

Lumabás ang procesión pagca alas ocho y media sa lilim ng̃ mg̃a toldang lona. Nacacahawig din ng̃ guinawâ, cahapon, baga man may isáng bagay na nabago: ang mg̃a Hermano ng̃ V.O.T., na mg̃a matatandang lalaki't babae, casama ang iláng mg̃a dalagang patungó na sa pagtandá, ang pananamit na dalá'y mahahabang hábitong guingón: damít na guingóng magaspáng ang sa mg̃a mahihirap, at ang sa mg̃a mayayama'y guingóng sutlâ, sa macatuwid baga'y ang tinatawag na "guingông franciscano", sa pagca't siyang lalong caraniwang gamitin ng̃ mg̃a cagalanggalang na mg̃a fraileng franciscano. Ang lahat ng̃ mg̃a mahal na hábitong iyó'y mg̃a dalísay, sa pagca't pawang galing sa convento sa Maynilà, na siyáng kinucunan ng̃ mg̃a mamamayan sa limós na ang capalit ay salapíng isinasang-ayon sa táning na halagang hindî natatawaran, cung bagá mangyayaring sabíhing cawang̃is ng̃ sa isáng tindahan. Ang halagang itóng hindî nababawasa'y mangyaring maragdagan, ng̃uni't hindî nababawasan. Tulad sa mg̃a habitong itó'y nagbibilí ng̃ gayón ding mg̃a hábito sa monasterio ng̃ Santa Clara, na tagláy, bucód ang mg̃a tang̃ing biyáyang nacapagbibigay ng̃ maraming mg̃a indulgencia sa mg̃a patáy na pinagsasaputan, ang biyáyang lalò pa manding tang̃i: na lalò pang mahál ang halagá paga lalong lumà, gulanit at hindî na magagamit. Itinititic namin itó at baca sacaling banal na bumabasang nagcacailang̃an ng̃ gayóng mg̃a mahál na "reliquia" (anó mang bagay na guinamit ó linangcáp na ng̃a ibá), ó baca caya may matalas na isip casam-ang mámumulot ng̃ mg̃a basahang taga Europa, na ibig yumaman sa pagdadalá sa Filipinas ng̃ isáng "cargamento"" (maraming yácos na catatagang lúlan sa ísáng daóng) ng̃ mg̃a hábitong masurot at malibág, sa pagca't nagcacahalagá ng̃ labíng anim na píso ó higuit pa, ayon sa calakhán ng̃ pagcalibaguing humiguít cumulang.

Nacapatong si San Diego de Alcalá sa isáng carrong napapamutihan ng̃ mg̃a planchang pílac na nabuburdahan. May malaking capayatán ang Santo, garing mulá sa úlo hanggáng bay-awang, magagalitín at nacacaaalang-alang ang anyô ng̃ pagmumukhâ, baga mán culót ang buhóc sa úlo, na catulad ng̃ mg̃a ita. Sutlang raso na nabuburdahan ng̃ guintô ang canyáng pananamit.

Sumusunod ang ating cagalang-galang na Amang si San Francisco, pagcatapos ay ang Virgeng gaya cahapon, ang caibhán lamang ay si Párì Salví ng̃ayón ang sumasailalim ng̃ palio at hindî ang makisig na si Párì Sibyla na mainam cumíyà. Ng̃uni't cung di tagláy ni Párì Salví ang magandang anyô ni Párì Sibyla, datapuwa't nagcacanlalabis naman sa canyá ang pagca anyóng banál: nacatung̃ó ang mg̃a matá; nacadoop ang mg̃a camay na ang anyó'y matimtiman at lumalacad na nacayucód. Ang mg̃a may dalá ng̃ palio'y yaón ding dáting mg̃a cabeza de barangay, na nagpapawis ng̃ boong ligaya, sa caniláng panunungcól na nakikisacristán, bucód sa silá'y manining̃il ng̃ buwis, manunubos ng̃ mg̃a taong lagalág at mg̃a dukhâ, sa macatuwid baga'y mg̃a Cristong nagbibigay ng̃ dugô dahil sa mg̃a casalanan ng̃ mg̃a ibá. Ang coadjutor, na nacasobrepelliz, ay nagpaparoo't parito sa iba't ibáng mg̃a carro, na dalá ang incensario, at canyáng manacanacang hinahandugan ng̃ úsoc nitó ang pang̃amoy ng̃ cura, na pagca nagcacagayo'y lalong lalong ng̃ nagmumukhang caaway ng̃ tawa at magagalitín.

Dahándahán ng̃a at matimtiman ang lacad ng̃ procesióng inaacbayan ng̃ ugong ng̃ mg̃a bomba at ng̃ tinig ng̃ mg̃a cantá at músicang tungcol sa religióng ilinalaganap sa impapawid ng̃ mg̃a banda ng̃ músicang sumusunod sa licurán ng̃ bawa't carro. Samantala'y napakasipag na totoo ang pamamahagui ng̃ Hermano Mayor ng̃ malalaking mg̃a candila, na ang marami sa mg̃a nakipagprocesio'y nag-uwi sa canilang mg̃a bahay ng̃ maipag-iilaw sa apat na gabi samantalang nang̃agsusugál. Nagsisiluhód ng̃ boong gálang ang mg̃a nanonood pagca nagdaraan ang carro ng̃ Ina ng̃ Dios at nang̃agdarasal silá ng̃ taimtim sa loob ng̃ mg̃a Sumasampalataya ó ng̃ mg̃a Aba pô.

Tumiguil ang carro sa tapát ng̃ isáng báhay na sa mg̃a bintanang napapamutihan ng̃ maririkit na mg̃a pangsampáy (colgadura) ay nacasung̃aw ang Alcalde, si capitang Tiago, si María Clara, si Ibarra, ilang mg̃a castilà at mg̃a dalaga; nágcataong tumungháy si Párì Salví, datapuwa't hindî gumawâ ng̃ cahi't munting kilos na magpahalatang siya'y bumabatì ó nakikilala niyá silá; ang tang̃ing guinawá niyá'y lumindíg lamang, tinuíd ang catawán at sa gayo'y sumabalicat niyá ng̃ lalong caayusan at gandá ang "capa pluvial."

Sa dacong ibabâ ng̃ bintana'y may isáng dalagang nacalúlugód ang gandá ng̃ mukhâ, mahalagá ang suut na damít at may kílic na isáng musmós na lalaki. Marahil siyá'y sisiwa ó taga pag-alagà lamang, sa pagca't ang sanggól na iyó'y maputi at mapulá ang buhóc, samantalang ang dalaga'y caymangguí at mahiguít pa sa caitimán ng̃ azabache ang canyáng mg̃a buhóc.

Pagcakita sa cura, iniunat ng̃ musmós ang canyáng maliliit na bísig, tumawa niyáng táwang hindî nacapagbibigay sákit at hindî namán pighati ang nacapagpapatawá, at sumigáw ng̃ pautál sa guitna ng̃ isáng sandalíng catahimican: ¡Tá ...tay! ¡Tatay! ¡Tatay!

Kinilabutan ang dalaga, dalidaling inilagay ang canyang camay sa ibabaw ng̃ bibig ng̃ sanggól na lalaki at patacbóng lumayô roong taglay ang totoong malaking cahihiyan. Umiyác ang bátà.

Nang̃agkindatan ang mg̃a mapaghinala, at nang̃agsing̃ití ang mg̃a castilang nacamasid ng̃ gayóng maiclíng pangyayari. Naguing pulá ang catutubong pamumutla ni Párì Salví.

At gayón ma'y wala sa catuwiran ang táo: hindî man lamang nakikilala ng̃ cura ang babaeng iyón, siya'y taga-ibang bayan.