Noli Me Tangere
—¿Hindî pô ba maglalagay namán cayó ng̃ inyong "paletada" guinoong Ibarra?—anang cura.

Nang mapawi-pawi na ang sumilacbóng alicabóc, nakita niláng nacatayo si Ibarra sa guitna ng̃ mg̃a cahabaan, mg̃a cawayan, malalaking mg̃a lúbid, sa pag-itan ng̃ torno at ng̃ malaking bató, na sa pagbabâ ng̃ gayóng cabilís, ang lahát ay ipinagpag at pinisà. Tang̃an pa sa camáy ng̃ binata ang cuchara at canyáng minámasdan ng̃ mg̃a matáng gulát ang bangcáy ng̃ isáng taong nacatimbuang sa canyáng paanán, na halos nalilibing sa guitnâ ng̃ mg̃a cahabaan.

—¿Hindi pô ba cayó namatay? ¿Buháy pa ba cayó? ¡Alang-alang sa Dios, magsalita pô cayo!—ang sabi ng̃ ilang mg̃a empleadong punong-puno ng̃ tacot at pagmamalasakit.

—¡Himala! ¡himala!—ang isinisigáw ng̃ ilán.

—¡Hali cayó at inyóng alisin sa pagca dang̃an ang bangcay ng̃ sawíng palad na itó!—ani Ibarrang anaki'y náguising sa isáng pagcacatulog.

Ng̃ marinig ang canyáng voces, naramdaman ni María Clarang pínapanawan siyá ng̃ lacás, hanggáng siyá'y nátimbuang sa mg̃a camáy ng̃ canyáng mg̃a catotong babae.

Malakíng caguluhán ang naghaharì: sabay-sabay na nang̃agsasalitâ, nang̃agcumpáscumpás ang mg̃a camáy, nang̃agtatacbuhan sa magcabicabilà, nang̃aháhambal na lahát.

—¿Sino ba ang namatay? ¿Buháy pa ba?—ang mg̃a tanóng ng̃ alferez.

Caniláng nakilalang ang lalaking naninilaw na nacatayô sa tabi ng̃ torno ang siyáng bangcay.

—Pag-usiguin sa haráp ng̃ mg̃a tribunal ng̃ Justicia ang "maestro de obras" (ang namamatnugot sa gawâ)!—ang siyang unang nasabi ng̃ Alcalde.

Caniláng siniyasat ang calagayan ng̃ bangcáy, tinutóp nilá ang dibdib, datapuwa't hindi na tumitibóc ang púsò. Inabot siyá ng̃ hampás sa úlo at nilalábasán ng̃ dugô ang dalawáng bútas ng̃ ilóng, ang bibíg at ang mg̃a taing̃a. Caniláng nakita sa canyáng liig ang mg̃a bacás na cacaibá: apat na malalalim na lubô sa isáng dáco at isá sa cabiláng dáco, bagá man itó'y may calakhán: sino mang macakita niyó'y wiwicaing sinacál siyá ng̃ sipit na bácal.

Binabati ng̃ boong galác ng̃ mg̃a sacerdote ang binata at pinipisil nilá ang canyáng mg̃a camáy. Ganitó ang sabing nagcacang-iiyac ng̃ franciscanong may mapagpacumbabang anyô na siyang umeespiritu santo cay Pári Dámaso.

—¡Banal ang Dios, magaling ang Dios!

—¡Pagca nadidilidili cong bahagyâ lamang ang panahóng pag-itan mulâ ng̃ acó'y mápalagay sa lugar na iyán—ang sabi ng̃ isá sa mg̃a empleado cay Ibarra,—¡nacú! ¡cung acó ang naguing cahulihulihan sa lahát, Jesús!

—¡Naninindig ang aking mg̃a buhóc!—anang isáng úpawin at bahagyâ na ang buhóc.

—¡At mabuti't sa inyó nangyari ang bagay na iyan at hindi sa akin!—ang ibinubulóng ng̃ isáng matandáng lalaking nang̃ing̃inig pa.

—¡Don Pascual!—ang biglang sinabing malacás ng̃ iláng mg̃a castílà.

—Mg̃a guinoo, gayón ang sabi co, sa pagca't hindî namatáy ang guinoong itó; cung sa aki'y hindî man acó napisâ, mamamatay rin acó pagcatapos, madilidili co lamang ang bagay na iyán.

Datapuwa't malayò na si Ibarra, at canyang pinag-uusisa ang calagayan ni María Clara.

—¡Hindî dapat maguing cadahilanan ang bagay na itó upang hindî mátuloy ang fiesta, guinoong Ibarra!—anang Alcalde;—purihin natin ang Dios! ¡Hindi sacerdote at hindî man lamang castilà ang namatay! ¡Kinacailang̃an nating ipagdiwang ang pagcaligtas pô ninyó! ¡Anó cayá ang mangyayari sa inyó cung nadag-anan cayó ng̃ bató!

—¡Para manding nakikinikinita na, nakikinikinita na!—ang isinisigáw ng̃ escribano;—¡sinasabi co na! hindî masiglá ang paglusong sa húcay ni guinoong Ibarra, ¡Nakikita co na!

—¡Isang "Indio" naman lamang ang siyáng namatáy!

—¡Ipagpatuloy ang fiesta! ¡Música! ¡hindî mabubuhay ng̃ capanglawan ang namatay! ¡Capitan, gagawin dito ang pagsisiyasat!... ¡Pumarito ang directorcillo!.... ¡Piitin ang "maestro de obras"!

—¡Ipang̃áw siyá!

—¡Ipang̃áw! ¡Eh! ¡música! ¡música! ¡Ipang̃áw ang maestrillo!

—Guinoong Alcalde,—ang itinutol ng̃ boong catigasan ng̃ loob ni Ibarra;—cung hindi macabubuhay sa namatay ang capanglawan, lalò ng̃ hindi macabubuhay ang pagcabilanggô ng̃ isáng tao, na hindi pa natin nalalaman cung may sala siyá ó walâ. Nanánagot pô acó sa canyáng calagayan at hinihing̃î cong pawal-an siyá, sa mg̃a araw na itó man lamang.

—¡Sang-ayon! ¡sang-ayon! ¡ng̃uni't huwag na lamang siyá uulí!

Sarisarìng mg̃a salisalitaan ang lumilibot. Pinaniniwalaan ng̃ isáng himalâ ang nangyaring iyón. Gayón ma'y tila mandin hindî totoóng natutuwâ si Párì Salvi sa himaláng sinasapantahang guinawâ ng̃ isáng santo ng̃ canyáng capisanan at ng̃ canyáng ping̃anang̃asiwaang bayan.

Hindî nagculang ng̃ nagdagdag na canyáng nakitang lumusong sa húcay ang isáng nacasuot ng̃ pananamít na itimáng catulad ng̃ sa mg̃a franciscano. Hindî ng̃â mapag-aalínlang̃anan: si San Diego ang nanaog na iyón. Napagtantô rin namáng nakinig ng̃ misa si Ibarra, at ang lalakíng nanínilaw ay hindî; ito'y maliwanag na cawang̃is ng̃ sicat ng̃ áraw.

—¿Nakita mo na? áayaw cang magsisimbá,—anang isáng ina sa canyáng anac—cung dí cata napalò upang icaw ay aking pilitin, ng̃ayó'y pasasatribunal cang nacalulan sa cangga na gaya naman niyan!

At siyá ng̃â naman: hatid sa tribunal na nácabalot sa isáng banig ang lalaking nanínilaw ó ang canyáng bangcay.

Umuwing patacbó sa canyáng báhay si Ibarra upang magbihis.

—¡Masamáng pasimulâ, hm!—ang sinabi ng̃ matandáng Tasio na doo'y lumalayô.

Decorative motif

Decorative motif

XXXIII.

LAYANG-CAISIPAN.

Nagtatapos na si Ibarra ng̃ paghuhusay ng̃ catawán ng̃ sa canyá'y ipagbigay alam ng̃ isáng alîlang lalakíng may isáng lalakíng tagabukid na nagtátanong cung siyá'y naroroon.

Sa pagsasapantahà niyáng marahil ang nagtatanóng ay isa sa canyáng mg̃a casama sa bukid, ipinagutos niyáng papasukin ang taong iyón sa canyáng "despacho", silid na aralán, ligpitan ng̃ mg̃a aclát at laboratorio químico túloy.

Ng̃uni't sinadya mandin upang siyá'y lubhang mangguilalás, ang nasumpung̃an niya'y ang mabalasic at matalinghagang anyô ni Elias.

—Iniligtas ninyó ang aking búhay—ang sinabi nitó sa wicang tagalog, dahil sa pagcamasid niya sa kilos ni Ibarra;—binayaran co ng̃ cauntì ang aking utang at walâ ng̃â cayóng sucat kilalaning utang na loob sa akin, tumbalíc, acó ang ma'y kinikilalang utang na loob. Naparito pô acó't ng̃ makiusap sa inyó tungcól sa isáng bagay.

—¡Magsalita pô cayó!—ang sagót ng̃ binatà sa wicang tagalog din, taglay ang pangguiguilalás sa mabalasic na anyô ng̃ tagabukid na iyón.

Sandaling tinitigan ni Elías ang mg̃a matá ni Ibarra, at nagpatuloy ng̃ pananalita:

—Sacali't ibiguin ng̃ justicia ng̃ mg̃a taong liwanaguin ang talinghagang itó, ipinamamanhic co pó sa inyong huwag ninyóng sasabihin canino man ang tagubiling sinabi co sa inyó sa simbahan.

—Huwag pô cayóng mabahala,—ang isinagót ng̃ binatà sa isáng anyón nagpapakilala ng̃ sama ng̃ loob;—talastas cong cayó'y pinag-uusig, datapuwa't acó'y hindî marunong magcanulô canino man.

—¡Oh, hindî dahil sa akin, hindî dahil sa akin!—ang madalíng isinagót ni Elías, na nagpapahalatâ ng̃ caalaban ng̃ loob at pagcahindî maalam magpacababà—itó'y dahil pô sa inyó: walâ cauntî mang tacot acó sa mg̃a tao.

Náragdagán ang pangguiguilalas ng̃ binatà: bago ang anyô ng̃ pananalitâ nang tagabukid ng̃ iyóng ng̃ unang daco'y piloto, at tila mandin hindî agpang sa canyang anyo at gayón din sa canyang pamumuhay.

—¿Anó pô ba ang ibig ninyóng sabihin?—ang tanóng sa lalaking talinghagang iyón, na pinagsisiyasat ng̃ canyang paning̃in.

—Ang pananalitâ co po'y hindî palaisipan, pinagsisicapan cong magsabi ng̃ maliwanag. Sa icapapanatag pô ninyó kinacailang̃ang sapantahain ng̃ inyóng mg̃a caaway na cayó'y hindî nag-aalap-ap at palagay ang loob ninyó:

Umudlót si Ibarra.

—¿Ang aking mg̃a caaway? ¿May mg̃a caaway ba acó?

—¡May caaway pô tayong lahát, guinoo, mulâ sa lalong maliit na hayop hanggang sa tao, mulâ sa lalong dukhâ hanggang sa lalong mayaman at macapangyarihan! ¡Ang pagcacaroon ng̃ caaway ang siyang talagang cautusan ng̃ buhay!

Walang imíc na tinitigan ni Ibarra si Elías.

—¡Cayó po'y hindî piloto at hindî cayó tagabukid!—ang canyáng ibinulóng.

—May mg̃a caaway pô cayó sa mg̃a matataas at mababang tao,—ang ipinagpatuloy ni Elías na hindî pinansín ang mg̃a sinalitâ ng̃ binatà;—nais pô ninyóng itulóy ang isáng panucalang dakilà, may pinagdaanan pô cayó, nagcaroon ng̃ mg̃a caaway ang inyóng nunong lalaki at ang inyóng amá, silá'y may mg̃a kinahiligan ng̃ púsò, at sa pamumuhay hindî ang mg̃a tampalasa't masasamang tao ang lalong nacapupucaw ng̃ maalab na mg̃a pagtataním ng̃ galit, cung hindî ang mg̃a taong may malilinis na calooban.

—¿Nakikilala pô ba ninyó ang aking mg̃a caaway?

Hindî sumagót pagdaca si Elías, at ang guinawa'y naglininglining.

—Nakikilala co ang isá, iyóng namatáy,—ang isinagót. Napagtalastas co cagabíng may isáng bagay na caniláng inaacalang laban po sa inyó, dahil sa iláng mg̃a salitang canyang isinagót sa isáng lalaking hindî co kilalá na nawalâ sa cadiliman. "Hindî itó cacanin ng̃ mg̃a isdáng catulad ng̃ canyáng amá: makikita pô ninyó búcas",—anya,—Ang mg̃a salitáng itó'y siyang nacahicayat sa aking pagdidilidili, hindî lamang sa taglay na canyang cahulugan, cung hindî sa taong nagsalitâ, na niyóng araw pa'y nagcusang humaráp sa "maestro de obras" at canyang sinabi ang canyáng hang̃ad na siyá na ang mamamatnugot ng̃ mg̃a gawain sa paglalagáy ng̃ unang bató, na hindî huming̃i ng̃ malakíng bayad, at ipinagbabansag ang malalakíng canyáng mg̃a caalaman. Walâ acóng pagsaligang casucatan upang masapantalà co ang canyáng masamang calooban, ng̃uni't may isáng cauntíng bagay na nagsasabi sa aking ang mg̃a sapantahà co'y catotohanan, at dahil dito'y aking hinirang upang cayó'y pagbilinan, ang isáng sandalî at isáng calagayang ucol at angcáp upang cayó po'y huwag macapagtatanóng sa akin. Ang mg̃a ibáng nangyari'y nakita na pô ninyó.

Malaon nang hindî nagsasalità si Elías, at gayón ma'y hindî sumasagót at hindî pa nagsasalitâ ng̃ anó man si Ibarra. Siyá'y naggugunamgunam.

—¡Dinaramdam co na ang taong iya'y namatay!—ang sa cawacasa'y nasabi niyá;—¡marahil sa canyá'y may napag-usisà pang caunting mg̃a bagay!

—Cung siyá'y nabúhay marahil siyá'y nacawalâ sa nang̃ing̃nig na camáy ng̃ bulág na justicia ng̃ tao. ¡Hinatulan siyá ng̃ Dios, pinatay siyá ng̃ Dios, ang Dios ang siyáng tang̃ing humucóm sa canyá!

Minasdáng sandalî ni Crisóstomo ang lalakíng nagsasalita sa canyá ng̃ gayón, at canyáng nakita ang mg̃a batibot na mg̃a braso nitó, na punóng-punô ng̃ mg̃a pasà at malalakíng bugbóg.

—¿Cayó pô ba'y nananampalataya naman sa mg̃a himalá?—ang sinabing ng̃uming̃itî;—¡tingnan pô ninyó ang himaláng sinasabi ng̃ bayan!

—Cung nananampalataya pô acó sa mg̃a himala'y hindî acó mananampalataya sa Dios: sasampalataya acó sa isáng taong naguing dios, sasampalataya acóng tunay ng̃ang linalang ng̃ tao ang Dios alinsunod sa canyáng larawan at calagayan; datapawa't sumasampalataya acó sa Canyá; hindî miminsang náramdaman co ang canyáng camáy. Nang lumulugso na ang lahát, na ano pa't nang̃ang̃anib malipol ang lahát ng̃ nang̃aroroon sa lugar na iyón, acó, acó ang pumiguil sa tampalasan, lumagay acó sa canyáng tabí; siya ang nasugatan at aco'y nacaligtás at hindî nasactán.

—¿Cayó? ¿sa macatuwid pala'y cayó?...

—¡Opô! hinawacan co siyá ng̃ nag-iibig ng̃ tumacas, pagcatapos na mapasimulan niyá ang gawang pangpahamac; nakita co ang caniyáng pananampalasan. Sinasabi co pô sa inyó; ang Dios na ng̃â pô lamang ang siyáng tang̃ing maguing hucóm sa mg̃a tao, siyá na ng̃â lamang ang tang̃ing magcaroon ng̃ capangyarihan sa búhay; na cailan ma'y huwag isiping siyá'y halinhan ng̃ tao!

—At gayón man ng̃ayon po'y cayo'y....

—¡Hindî pô!—ang isinalabat ni Elías, palibhasa'y nahulaan niyá ang tutol, hindî nagcacawang̃is.—Pagca hinahatulan ng̃ tao ang ibang mg̃a tao sa camatayan ó sa capahamacan ng̃ pagcabuhay magpacailan man sa hinaharap na panahón, guinagawà ang gayóng paghatol na hindî siyá lumagay sa pang̃anib, at gumagamit siyá ng̃ lacás ng̃ ibang mg̃a tao upang ganapin ang canyáng mg̃a hatol, na sa lahát ng̃ ito'y mangyayaring pawang camalian ó lihis sa catuwiran. Datapuwa't acó, sa aking paglalagay sa tampalasan sa gayón ding pang̃anib na canyáng ínilaan sa mg̃a ibá, nalalakip din acó sa gayon din capang̃aniban. Siya'y hindî co pinatay, pinabayaan cong patayin siyá ng̃ camáy ng̃ Dios.

—¿Hindî pô ba cayó sumasampalataya sa pagcacataon?

—Pagca nanampalataya sa pagcacatao'y para ring nanámpalataya sa mg̃a himalá; ang nananampalataya sa dalawang bagay na ito'y naniniwala namang hindî natátalos ng̃ Dios ang mg̃a mangyayari sa panahóng sasapit. ¿Anó ang pagcacátaon? Isang bagay na nangyaring sino ma'y hindî nacaaalam ng̃ mangyayarî. ¿Anó ang himalà? Isáng casalangsang̃an, isáng pagcacasirâ-sirà ng̃ lacad na tacdà sa mg̃a kinapal. Isáng caculang̃an ng̃ laan sa mangyayari at isáng casalangsang̃ang ang cahuluga'y dalawang malalaking capintasan sa isip na namamatnubay sa máquina ng̃ daigdig.

—¿Sino pô ba cayó?—ang mulíng itinanóng ni Ibarra na ma'y halong tacot;—¿cayó pò ba'y nag-aral?

—Napilitan acóng sumampalatayang totoo sa Dios, sa pagca't pumanaw sa akin ang pananalig sa mg̃a tao,—ang isinagót ng̃ piloto, na anó pa't iniwasan ang pagsagót sa tanóng.

Ang isip ni Ibarra'y canyáng napag-unawà, ang caisipan ng̃ pinag-uusig na binatang iyón: hindî niyá kinikilala ang catuwiran ng̃ taong maglagdâ ng̃ cahatulán sa canyáng mg̃a capuwà, tumututol siyá laban sa lacás at cataasan ng̃ calagayan ng̃ mg̃a tang̃ing pulutóng na tao sa ibáng mg̃a pulutóng.

—Datapuwa't kinacailang̃ang sumang-ayon cayó sa pang̃ang̃ailang̃an ng̃ lalarong timbang̃ang tao, cahi man lubhâ ang capintasan at mg̃a caculang̃an nitó—ang itinutol niyá.—Cahi't anóng dami ng̃ mg̃a kinacatawán ng̃ Dios sa lupa'y hindî mangyayarî, sa macatuwid baga'y hindî sinasabi ng̃ boong caliwanagan ang canyáng pasyá upang mabigyang cahatuláng ang yutayutang mg̃a pagaalit-alít na ibinabalangcás ng̃ mg̃a hidwâ nating budhî. Nauucol, kinacailang̃an sumasacatwirang manacanaca'y humatol ang tao sa canyáng mg̃a capuwà.

—Tunay ng̃â, datapuwa't ng̃ upang gawín ang cagaling̃an, hindî ang casam-an; upang sumawatâ ng̃ lihis at magpabuti, hindî ng̃ macapagwasac, sa pagca't cung hindî matuntóng sa matuwid ang canyáng mg̃a pasya'y walâ siyang capangyarihang mabigyang cagamutan ang masamáng canyáng guinawâ. Ng̃uni't higuit sa aking cáya ang pagmamatuwirang itó,—ang canyáng idinugtóng at binago ang anyô ng̃ pananalita,—at nililibang co po sayó ng̃ayong cayó'y hiníhintay; Huwag pô ninyóng calimutan ang casasabi co pa sa inyô: may mg̃a caaway cayô; magpacabuhay pô cayô sa icágagaling ng̃ inyóng tinubuang bayan.

At nagpaalam.

—¿Cailán co pô cayó makikita uli?—ang tanóng ni Ibarra.

—Cailan man pô't ibiguin ninyó at cailán mang ma'y magagawâ acóng inyóng pakikinabang̃an. May utang pa pô acó sa inyô.

Decorative motif

Decorative motif

XXXIV.

ANG PAGCAIN.

Nang̃agasisicain sa ilalim ng̃ pinamutihang kiosko ang mg̃a mahál na tao sa lalawigan.

Na sa isáng duyo ng̃ mesa ang Alcalde; sa cabiláng duyo naman naroon si Ibarra. Nacaupô sa dacong canan ng̃ binatà si María Clara, at sa dacong caliwa, niyá ang escribano. Si capitang Tiago, ang alférez, ang gobernadorcillo, ang mg̃a fraile, ang mg̃a cawani ng̃ pamahalaan at ang ilang mg̃a dalagang nang̃asira'y nang̃agsiupô, hindî ayon sa canicaniláng calagayan sa bayan, cung di ayon sa canicaniláng hilig.

May catámtamang sayá at galác ang cainan, datapuwa't ng̃ nang̃ang̃alahati na'y siyang pagdating ng̃ isáng cawaní sa telégrafo na si capitang Tiago ang hanap upang ibigay sa canyá ang isáng telegrama. Ayon sa caugalia'y huming̃i ng̃ang pahintulot si capitang Tiago upang basahin ang telegramang iyón, at ayon sa caugalian naman ay ipinamanhíc ng̃ lahát na canyáng basahin.

Pinapagcunót muna ng̃ carapatdapat na Capitan ang canyáng mg̃a kilay, itinaás pagcatapos, namutlâ ang canyáng mukhâ, nagliwanag, dinálidalíng tiniclóp ang papel at sacá nagtindig.

—Mg̃a guinoo,—ang sinabing nagmamamadalî,—¡daratíng ng̃ayóng hapon ang cárang̃aldang̃alang Capitang General upang paunlacán ang aking bahay!

At sacá bigláng nagtatacbóng dalà ang telegrama at ang servilleta, ng̃uni't waláng sombrero, na pinag-uusig ng̃ mg̃a hiyawan at mg̃a tanông.

Cung ang pagdatíng ng̃ mg̃a tulisán ang ibinalita'y gayón na ng̃â lámang ang ligalig na mangyayari.

—¡Ng̃uni't pakinggan pô ninyó!—¿cailan daratíng?—¡Sabihin ninyó sa amin!—¡Ang Cápitan General!

Maláyo na si Cápitang Tiago.

—Dárating ang Capitan General at doon tútuloy sa báhay ni Capitan Tiago!—ang sigawan ng̃ ilán, na ano pa't hindî na nilá dinidili-diling naroroon ang anac na babae't ang canyáng mamanugang̃in.

—¡Hindî macahihirang ng̃ lalalò pa sa galing!—ang itinutol ni Ibarra.

Nang̃agtiting̃inan ang mg̃a fraile: itó ang cahulugan ng̃ caniláng ting̃inan:—"Gumagawâ ang Capitan General ng̃ isá sa canyáng mg̃a capáslang̃an, inaalipustà niyá tayo, dapat na sa convento siyá tumulóy",—datapuwa't sa pagca't gayón din ang iniisip ng̃ lahát, silá'y hindî umiimic at hindî sinasaysay nino man ang canyáng caisipan.

—May nang̃agsabi na sa akin sa hapon ng̃ bagay na iyán, datapuwa't hindî pa nalalaman ng̃ Capitan General cung siya'y matutulóy.

—¿Nálalaman pô ba ng̃ camahalan ninyó, guinoong Alcalde, cung hanggang cailan matitirà rito ang Capitan General?—ang tanóng ng̃ alférez na nang̃ang̃ánib.

—Hindî co talastas na maigui; maibiguin ang Capitan General na mangbiglà.

—¡Nárito ang ibáng mg̃a telegrama!

Ang mg̃a telegramang iyo'y sa Alcalde, sa alférez at sa gobernadorcillo; namamasid na magaling ng̃ mg̃a fraileng walâ isá man lámang telegramang ucol sa cura.

—¡Dárating ang Capitan General sa icapat na oras ng̃ hapon, mg̃a guinoo!—anang Alcalde ng̃ pananálitang madakilà;—macacacain tayo ng̃ boong catahimican.

Hindî macapagsasabi ng̃ hihiguit pa sa rito sa cagaling̃an si Leonidas sa Termópilas: "¡Ng̃ayong gabi'y hahapon tayong casama ni Plutón!"

Nanag-uli ang salitaan sa lacad na caugalian.

¡Namamasid cong walâ rito ang ating dákilang máng̃ang̃aral!—ang kiming sinalità ng̃ isá sa mg̃a naroroong cawaní ng̃ gobierno, na mahinhin ang anyô at hindî binubucsán ang bibig hanggang sa oras ng̃ pagcain, at sa boong umaga'y ng̃ayon ng̃â lámang nagsalità.

Ang lahát ng̃ nacaáalam ng̃ mg̃a nangyari sa amá ni Crisóstomo'y cumilos at cumindát, na ang cahuluga'y:—"¡Halá cayó! ¡Sa unang hacbáng pa lámang ay cayo'y násilat na!—Datapuwa't sumagót ang iláng mapagmagandang loob:

—Marahil nápapagal siyá ng̃ cauntí....

—¿Anóng caunti lámang?—ang bigláng sinabi ng̃ alférez;—pagód na pagód marahil, at ayon sa casabihán dito'y "malunqueado" (bugbóg na bugbóg ang catawán). ¡Nacú ang pang̃aral na iyón!

—¡Isáng mainam na sermón, cadakidakilaan!—anang escribano.

—¡Marang̃al, malalim!—ang idinugtóng ng̃ corresponsal.

—Upang macapagsalità ng̃ gayóng catagál, kínacailang̃ang magcaroon ng̃ lálamunang gaya ng̃ canyáng lálamunan,—ang ipinahiwatig ni párì Manuel Martín.

Waláng pinupurì ang agustino cung di ang lalamunan lámang niyá.

—¡Nalalaman ba ninyóng si guinoong Ibarra'y siyáng lalong may magalíng na tagapaglutò sa boong lalawigan?—anang Alcalde upang putulin ang salitaan.

—Iyan ng̃â ang sinasabi co, datapuwa't ang magandang babaeng canyáng calapít ay áayaw paunlacán ang hayin, sa pagca't bahagyâ na lámang tiniticman ang pagcain,—ang tutol ng̃ isá sa mg̃a cawaní ng̃ gobierno.

Nagdamdam cahihiyan si Maria Clara.

—Napasásalamat acó sa guinoo ... napacalabis naman ang canyáng pang̃ang̃asiwà sa aking cataohan,—ang kimíng sinalitâ ng̃ pautál,—datapuwa't....

—Datapuwa't pinaúunlacan pô ninyó ng̃ malakí ang pagsasalosalong itó sa inyó lámang pagparito,—ang sinabing pangwacás sa salità ng̃ Alcaldeng maling̃ap sa babae, at sacá humarap cay párì Salví.

—Párì Cura,—ang malacás na idinugtóng,—námamasid co pong sa maghapo'y hindî cayó umíimic at may iniísip....

—¡Catacot-tacot na magmamasid ang guinoong Alcalde!—ang bigláng sinabi sa isáng cacaibáng anyô ni párì Sibyla.

—Itó na ang aking ugali,—ang pautál na sinabi ng̃ franciscáno;—ibig co pang makinig cay sa magsalitâ.

—¡Ang pinagsisicapang lagui ng̃ camahalan pô ninyo'y ang makinabang at huwag mang̃ulugui!—ang sinabi ng̃ alférez, na aglahî ang anyô ng̃ pananalità.

Hindî inaring birô ang bagay na iyón ni párì Salví; sandaling numingníng ang canyáng paning̃in, at sacá sumagót:

—Magalíng ang pagcatalastas ng̃ guinoong alférez na sa mg̃a áraw na ito'y hindî ng̃â acó ang lalong nakikinabang ó nang̃ung̃ulugui!

Hindî inalumana ng̃ alférez ang dagoc na iyón sa pamamag-itan ng̃ isáng cunua'y tawa, at winalang bahalà ang pasaring na iyón.

—Ng̃uni, mg̃a guinoo, hindî co mapagwarì cung bakit macapagsasalitaan ng̃ mg̃a pakikinabang ó mg̃a pang̃ung̃ulugui,—ang isinabat ng̃ Alcalde;—¿anó ang mawiwicà sa atin ng̃ mg̃a magagandang loob at matatalinong binibining nang̃aritong nagbibigay unlác sa atin ng̃ caniláng pakikipanayam? Sa ganáng akin, ang mg̃a dalaga'y tulad sa mg̃a taguintíng ng̃ arpa ng̃ calang̃itan sa guitna ng̃ gabi! kinacailang̃ang pacauliniguin at silá'y pakinggan, at ng̃ ang mg̃a caayaayang tinig niláng nagpapailanglang sa calolowa sa calang̃itang kinarorooran ng̃ waláng hanggan at ng̃ lalong cagandagandahan....

—Naghahanay ang camahalan pô ninyó ng̃ mg̃a matitimyás na sasay!—anang escribano ng̃ boong galác, at ininóm niyá at ng̃ Alcalde ang álac na na sa canicaniláng copa.

—Hindî mangyaring hindî co gawín,—anang Alcalde, na pinapahid ang canyáng mg̃a labì;—cung hindî laguing gumagawâ ng̃ magnánacaw ang capanahunan, ay gumagawâ namán ng̃ manunulâ. Ng̃ cabataan co'y cumathâ acó ng̃ mg̃a tulâ, na hindî namán masasamâ.

—Sa macatuwid po'y naglilo ang inyóng camahalan sa mg̃a Musa upang sumunód cay Themis!—ang sinaysay ng̃ ating "corresponsal" na mahiliguín sa mg̃a diosa ng̃ panahóng una.

—Psch! anóng ibig ninyóng aking gawin? Sa tuwi na'y naguing hilig co ang aking mapagkilalà ang lahát ng̃ calagayan ng̃ pamúmuhay. Namúmupol acó cahapon ng̃ mg̃a bulaclác, ng̃ayó'y aking hawac naman ang tungcod ng̃ Justicia at naglilingcód acó sa sangcataohan, búcas....

—Búcas ay ihahaguis ng̃ camahalan pô ninyó ang tungcód na iyán sa apóy at ng̃ inyóng mapainit ang maguináw na dacong hápon ng̃ buhay, at ang cucunin pô namán ninyo'y ang catungculang pagca ministro,—ang idinugtóng ni párì Sibyla.

—Psch! oo ... hindî ... ang maguing ministro'y hindî siyáng lalong aking pinacahahangad na camtan: sino mang waláng carapata'y naguiguing ministro. Isang mainam na bahay sa dacong timugan ng̃ España at ng̃ matirahan cung panahông tag-init, isang malaking bahay sa Madrid at tahanan at mg̃a lupaín sa Andalusia cung panahong tag-lamig ... Hindî ng̃â masasabi sa akin ni Voltaire: "Nous n'avons jamais été chez ces peuples que pour nous y enrichir et pour les calomnier".

Ang boong ísip ng̃ mg̃a cawaní ng̃ gobierno'y nagsalità ang Alcalde ng̃ isáng catatawanán, caya't nagtawanan silá't ng̃ bigyáng capurihan ang gayóng pagpapatawá; silá'y guinayahan ng̃ mg̃a fraile, palibhasa'y hindî nilá talós na si Voltaire ay yaóng Voltaireng hindî mamacailang caniláng sinumpâ at inilagay sa infierno. Ng̃uni, sa pagca't nalalaman ni parì Sibyla cung sino si Voltaire, siya'y magpakilang galit, sa pagsasapantaha niyang nagsalitâ ang Alcalde ng̃ isáng laban ó paglabag sa religion.

Nagsisicain naman sa isáng "kiosko" ang mg̃a batang lalakì, na ang caniláng maestro ang sa canila'y nang̃ung̃ulò.

Gumagawâ silá ng̃ malakíng caing̃ayan, gayóng silá'y mg̃a batang filipino, sapagca't ang caraniwan, cung ang mg̃a batang filipino'y na sa pagcain at na sa haráp ng̃ ibáng mg̃a tao'y hindî ang cagaslawán ang caniláng naguiguing caculang̃an, cung di ang cakimian. Ang isa'y nagcacamalí ng̃ paggamit ng̃ mg̃a "cubierto" at sa gayo'y sinásala ng̃ calapit; dito'y nagmumulâ ang isáng pagmamatuwiran, at ang dalawang nagtatalo'y nagcacaroon ng̃ canicaniyáng mg̃a cacampí: ang wicà ng̃ iba'y ang cuchara, anang iba nama'y ang tenedor ó ang cuchillo, at sa pagca't walâ silang kinikilalang capuwà batang lalong marunong cay sa ibâ, doo'y nang̃agcacaing̃ay ng̃ di sapalâ, ó, sa lalong maliwanag na sabi, sila'y nang̃agmamatuwirang wang̃ís sa pagtatalò ng̃ mg̃a teólogo.

Ang mg̃a magugulang ay nang̃agkikindatan, nang̃agsisicuhán, nang̃aghuhudyatan, at nababasa sa caniláng mg̃a pagng̃itî na sa sila'y lumiligaya.

—¡Abá!—ang sabi ng̃ isáng babaeng tagabukid sa isáng matandang lalaking nagdidicdic ng̃ hitsó sa canyáng calicot;—magpaparì ang aking si Andoy, cahi't áayaw ang aking asawa. Tunay ng̃a't mg̃a dukhâ cami, ng̃uni't cami'y magsisipag sa paghahanap buhay, at cami'y magpapalimos cung cacailang̃anin. Hindî nawawalan ng̃ nagbibigay ng̃ salapi at ng̃ macapagpárì ang mg̃a mahihirap. Hindî ba sinasabi ni hermano Mateo, taong hindî nagsisinung̃aling, na si papa Sixto'y isáng pastol lamang ng̃ calabaw sa Batang̃an? Tingnan na ngâ lamang ninyó ang aking si Andoy, ¡tingnan ninyó siyá cung dí camukhâ na ni San Vicente!

At cumacayat ang laway ng̃ mabaít na ina sa panonood sa canyáng anác na hinahawacan ang tenedor ng̃ dalawang camay.

—¡Tulung̃an nawa siyá ng̃ Dios!—ang idinugtóng ng̃ matandang lalaki, na ng̃inung̃uyâ ang sapá;—cung maguing papa si Andoy, cami pa sa sa Roma ¡je!—¡je! nacalalacad pa acóng mabuti. At cung sacali't mamatay acó ... ¡jeje!

—¡Huwag pô cayóng mabahalà, incong! Hindî malilimot ni Andoy na tinuruan ninyó siyá ng̃ paglála ng̃ mg̃a bilao at ng̃ dikin.

—Tunay ang sabi mo Petra; acó ma'y naniniwala ang anác mo'y nagcacaroon ng̃ mataas na catungculan ... ang cababaa'y patriarca. ¡Hindî pa acó nacacakita ng̃ batang hiniguit sa canyá sa cadaliang natuto ng̃ hanap-buhay! Oo, oo, maaalaala na niya acó, cung siyá'y papa na ú obispo at maglibang sa paggawa ng̃ mg̃a bilauhang gagamitin ng̃ canyáng tagapaglutong babae. Oo, ipagmimisa ng̃a niyâ ang aking calolowa, ¡jeje!

At taglay ng̃ mabait na matanda ang ganitóng pag asa'y sinicsicang mainam ng̃ maraming hitsó ang canyáng calicot.

—Cung pakikinggan ng̃ Dios ang aking mg̃a pagsamò at magaganap ang aking mg̃a pag-asa, sasabihin co cay Andoy: "Anác, pawiin mo sa amin ang lahát ng̃ casalanan at ipadalá mo camí sa lang̃it". Hindî na tayo mang̃ang̃ailang̃ang magdasál, mag ayuno ó bumilí pa ng̃ mg̃a bula. Maaarì ng̃ gumawâ ng̃ mg̃a casalanan ang may isáng anác na santo papa!

—Paparoonin mo siyá sa bahay búcas, Petra,—anang matandang lalakì na totoong nagagalác;—¡tuturuan co siyá ng̃ pagcacayas ng̃ nito!

—¡Hmjo! ¡abá! ¿Anó pô ba, incóng ang pagcaalam ninyó? ¿Inaacalà pô ba ninyóng iguinagaláw pa ng̃ mg̃a papa ang caniláng mg̃a camáy? ¡Ang cura ng̃â, gayóng siya'y cura lamang, cayâ lamang nagpapagal ay cung nagmimisa, pagca nagpapapihitpihit! Ang arzobispo'y hindî na pumipihit, paupô cung magmisa; cayâ ng̃â't ang papa ... ¡ang papa'y nacahigá cung magmisa, at may abanico pa! Anó pô ba ang ísip ninyó?

—Hindî isáng calabisán, Petra, ang canyáng malaman cung paano ang guinagawang paghahandâ ng̃ nito. Mabuti na ngâ ang siyá'y macapagbili ng̃ mg̃a salacót at mg̃a petaca at ng̃ huwag macailang̃ang magpalimos na gaya ng̃ guinagawâ rito ng̃ cura sa taón-taón sa pang̃alan ng̃a papa. Nahahabag acong makita ang isáng santong pulubi, caya't aking ibinibigay ang lahat cong nalimpoc.

Lumapit ang isáng tagabukid at nagsalitâ.

—Aking pinagtibay na, cumare, magdodoctor ang aking anac, ¡walâ ng̃ magaling na gaya ng̃ doctor!

—¡Doctor! huwag ng̃â cayóng maing̃ay, cumpare;—ang sagót ni Petra;—¡walâ ng̃ magalíng na gaya ng̃ magcura!

—¿Cura? ¡prr! ¡Sumísing̃il ng̃ maraming salapî ang doctor; silá'y sinásamba ng̃ maysakít, cumare!

—¡Magnilaynilay cayó! Sucat ng̃ magpapihitpihit ng̃ macaatlo ó macaapat ang cura at magsalità ng̃ "déminus pabiscum," upang canin ang Dios at tumangap ng̃ salapî. Sinâsabi ng̃ lahát sa canyá, patí ng̃ mg̃a babae, ang caniláng mg̃a lihim.

—¿At ang doctor? ¿At anó bang acalà ninyó sa doctor? ¡Nakikita ng̃ dóctor na lahat, patì ng̃ itinatagò ninyông mg̃a babae, pumúpulso sa mg̃a dalaga.... ¡Ibig cong maguing doctor isáng linggó man lamang!

—¿At ang cura? ¿hindî ba nakikita ng̃ cura ang nakikita ng̃ inyóng doctor? ¡At magaling pa sa riyan! Nálalaman na ninyó ang casabihan; "¡sa cura ang matatabang inahing manóc at gayón din ang binting mabilog!"

—¿At anó, cumacain ba ang mg̃a manggagamot ng̃ tuyóng lawlaw? ¿nasasactán ba ang mg̃a dalirì sa pagdidildil ng̃ asín?

—¿Narurumhán ba ang camáy ng̃ cura na gaya ng̃ mg̃a camáy ng̃ manggagamot? ¡Ng̃ huwag magcagayo'y may malalakíng hacienda silá, at sacali't gumagawâ, gumagawáng may música at siyá'y tinutulung̃an pa ng̃ mg̃a sacristan!

—¿At ang cumumpisál cumare? ¿Hindî ba pagpapagal ang cumumpisál?

—¡Nacú, ang pagpapagal na iyán! ¡Ang pagcaibig ninyóng sa inyó'y mang̃umpisal ang lahát ng̃ tao! ¡Diyata't nagcacapagod at nagcacapangpapawis pa ng̃â tayo sa pagcaibig nating masiyasat cung anó ang mg̃a gawâ ng̃ mg̃a lalaki't mg̃a babae at cung anó ang mg̃a gawâ ng̃ ating mg̃a capit-bahay! Waláng guinagawâ ang cura cung dî maupo, at pagdaca'y sinasabi na sa canyá ang lahát; cung minsa'y nacacatulog, datapuwa't ¡sucat na ang maggawad ng̃ dalawa ó tatlóng benedición upang tayo'y maguing anac ulí ng̃ Dios! ¡Maanong maguing cura na ng̃â lamang acó sa isáng hapon ng̃ cuaresma!

—¿At ang ... ang magsermón? ¿sasabihin naman ninyó sa aking iya'y hindî pagpapagod? ¡Nákita na ninyó cung paano ang pagpapawis ng̃ curang malaki caninang umaga!—ang itinututol ng̃ lalaking nacacaramdam na siya'y nalulupig sa matuwiranan.

—¿Ang magsermón? ¿Isáng pagpapagal ba ang magsermón? ¿Saan naroon ang inyóng pag-iisip? ¡Maanong macapagsasalitâ na ng̃à acó hanggang tanghalì, mulà sa púlpito, na aking macagalítan at mapagwicaan ang lahát, na sino ma'y waláng macapang̃ahás na tumutol, at pagbabayaran pa acó sa gayóng gawâ! ¡Maanong maguing cura na ng̃â acó isáng umagang nang̃agsisimbá ang mg̃a may utang sa akin! ¡Pagmasdan ninyó cung paano ang pagtabà ni párì Dámaso sa canyáng capagmumurá at capapalò!

At dumarating ng̃â naman si párì Dámaso, taglay ang paglacad ng̃ taong matabà, na halos nacang̃iti, ng̃uni't sa isáng anyóng nagpapakilala ng̃ pang̃it niyáng caisipán, caya't pagcakita sa canyá ni Ibarra'y nalitó sa canyáng pagtatalumpatî.

Binatì nilá si párì Dámaso, baga man may halong pagtatacá, datapuwa't nagpakita ang lahát ng̃ galác sa canyáng pagdating, liban na lamang cay Ibarra. Nang̃aghihimagas na at bumubulâ na ang sa mg̃a copa ang "champaña".

Naowi sa pang̃ang̃atál ang ng̃itî ni párì Dámaso, ng̃ canyáng mamasdan si María Clarang nacaupô sa dacong canan ni Crisostomo; ng̃uni't umupô siyá sa isáng silla sa tabí ng̃ Alcalde, at sacá tumanóng sa guitna ng̃ isáng macahulugang catahimican:

—¿May pinag-uusapan ba cayóng anó man, mg̃a guinoo? ¡Ipagpatuloy ninyó ang salitaan!

—Nang̃agtatalumpatian,—ang sagót, ng̃ Alcalde. Binabangguit ni guinoong Ibarra ang lahát ng̃ sa canya'y tumulong sa adhicáng icagagaling ng̃ madlá, at sinasaysay ang nauucol sa arquitecto, ng̃ ang camahalan pâ ninyó'y....

—Hindî ng̃â acó nacacamuang ng̃ tungcól sa arquitectura,—ang isinalabat ni párì Dámaso,—datapuwa't tinatawanan co ang mg̃a arquitecto at gayón din ang mg̃a tang̃áng tumatacbô sa canilá. Náriyan, acó ang gumuhít ng̃ piano ng̃ simbahang iyán, at lubós sa cagaling̃an ang pagsacagawâ: ganyan ang sabi sa akin ng̃ isáng inglés na maglalacó ng̃ mg̃a hiyás, na tumuloy isáng áraw sa convento. ¡Sucat ng̃ magcaroon ng̃ dalawang daling noo upang macagawâ ng̃ piano!

—Gayon man,—ang mulíng isinagót ng̃ Alcalde, ng̃ mamasid niyáng hindî umiímic si Ibarra,—pagca nauucol na sa mg̃a tang̃íng bahay, gaya na ng̃â baga ng̃ isáng escuela, sa halimbawa, nagcacailang̃an tayo ng̃ isáng "perito" (isáng taóng pantás sa paggawâ ng̃ anó man).

—¡Anó bang "perito ni peritas"!—ang sinabing malacás na palibac ni párì Dámaso.—Ang nagcacailang̃an ng̃ mg̃a "perito" ay isáng "perrito" (tuta ó maliit na áso)! ¡Kinacailang̃ang maguing hayop pa cay sa mg̃a "indio", na gumagawang mag isá ng̃ caniláng mg̃a bahay, upang hindî matutong magpagawâ ng̃ apat na pader at saca patung̃an sa ibábaw ng̃ isáng tangkil, na siyá ng̃ang isáng tunay na escuela!

Tuming̃ing lahát cay Ibarra, datapuwa't ito'y baga man lalong namutlà, nagpatuloy na parang nakikipagsalitaan cay María Clara.

—Ng̃uni't dilidilihin pô ninyóng....

—Tingnan pô ninyó,—ang ipinagpatuloy na sabi ng̃ franciscano, na ayaw papagsalitain ang Alcalde,—tingnan pô ninyó cung paano ang guinawâ ng̃ isáng "lego" namin, na siyáng lalong pinacahayop sa lahát naming mg̃a lego, na yumari ng̃ isáng magalíng, mabuti at murang hospital. Marunong magpagawang magalíng at hindî nagbabayad cung dî walong cuarta lámang sa araw-araw sa bawa't isá sa mg̃a taong nanggagaling pa sa ibáng bayan. Nálalaman ng̃ legong iyán cung paano ang nauucol na pakikisama sa mg̃a "indio", na hindî gaya ng̃ maraming mg̃a haling at mg̃a "mesticillo", na nagpapasamâ sa mg̃a taong iyán sa pagbabayad sa canila ng̃ tatlóng bahagui ó isáng salapî.

—¿Ang wicà pô ba ninyo'y walóng cuarta lamang ang ibinabayad? ¡Hindî mangyayari!—Ibig ng̃ Alcaldeng baguhin ang lacad ng̃ salitaan.

—Tunay pô, at iyan ang dapat uliranin ng̃ mg̃a nagpapanggap na magagaling na mg̃a castilà. Nakikita na ng̃â, na buhat ng̃ mabucsán ang Canal ng̃ Suez ay sumapit dito ang cahalayang asal. Ng̃ una, ng̃ kinacailang̃an nating lumigoy sa Cabo, hindî nacararating dito ang lubhang maraming; mg̃a may masasamáng caugalian, at hindî namán nacapaglácbay roon ang mg̃a iba upang mang̃agasamâ!

—¡Datapuwa't párì Damaso!...

—Nakikilala na pô ninyó cung anó ang "indio"; bahagyâ pa lamang nacacaalam ng̃ cauntî ay nagmamarunong na. Ang lahát ng̃ mg̃a úhuguing iyáng napapasa Europa'y....

—¡Ng̃uní't pakinggan pô ninyó!...—ang isinasalabat ng̃ Alcalde, na nababalisá dahil sa masasakít na mg̃a pasaring na iyón.

—Magcacaroon silá ng̃ wacás ayon sa canicaniláng carapatán—ang ipinagpatuloy na párì Dámaso;—nákikita sa calaguitnaan ang camáy ng̃ Dios, kinacailang̃ang maguing bulág upang huwag mámasdan. Tumatanggap na sa búhay pang itó ang mg̃a magúlang ng̃ gayóng mg̃a ahas ... nang̃amámatay sa bilangguan ¡jé! ¡jé! at masasabi nating waláng sucat na....

Datapuwa't hindî natapos ang sinasabi. Sinúsundan siyá ng̃ matá ni Ibarrang nang̃ing̃itimng̃itim ang pulá ng̃ mukhâ sa malakíng galit; at pagcárinig ng̃ pasaring sa canyáng ama'y nagtindíg, at sa isáng lundág ay ilinagpác ang canyáng batibot na camáy sa ibábaw ng̃ úlo ng̃ sacerdote, na natihayâ at tulíg.

Sa lubós na pagcagulat at pagcatacot, sino ma'y waláng nang̃ahás mamaguitnà.

—¡Layô cayó!—ang sigáw ng̃ binatà ng̃ tinig na cagulatgulat, at inabot ang matalas na sundáng samantalang iniípit ng̃ canyáng paa ang liig ng̃ fraile, na nahihimásmasan sa canyáng pagcatulíg;—¡ang áayaw mamatáy ay huwag lumapit!

Pinagdirimlán si Ibarra: nang̃ang̃atal ang canyáng catawán umíinog sa kinalalagyan ang canyáng mg̃a matáng nang̃agbabalà. Nagpumilit si Fr. Dámasong bumang̃on at tumindíg; datapuwa't hinawacan siyá sa liig ni Ibarra, saca siyá ipinagwas-wásan hanggang sa siyá'y mapaluhod at mabaluctoc:

—¡Guinoong Ibarra! ¡guinoong Ibarra!—ang pautál na sinabi ng̃ ilán.

Datapuwa't sino man, cahi man ang alférez ay ayaw mang̃ahás lumapit at caniláng námamasdan ang kisláp ng̃ sundáng at nababalac nilá ang lacás at calagayan ng̃ binatà. Nang̃atitigagal na lahát.

—¡Cayo'y diyan! hindî cayó nang̃agsisiimíc, ng̃ayo'y acó ang marapat na mang cumilos. ¡Siya'y iniílagan co, dinalá sa akin siyá ng̃ Dios, ang Dios ang siyáng humatol!

Nahihirapan ng̃ paghing̃à ang binatà, datapuwa't ang canyáng bísig na basal ay nagpapatuloy ng̃ pagpiguil sa franciscano, na hindî macawalâ cahi't nagpupumiglás ng̃ dî cawasà.

—¡Tahimic na tumitibóc ang aking pusô, hindî mabibigó ang aking camáy!...

At tuming̃in sa paliguid niya't nagsalitâ;—Makinig muna cayó, ¿mayroon bagang isá man lamang sa inyó na umibig sa canyáng amá, na nagtamin ng̃ malalim na galit sa canyáng pinagcacautang̃an ng̃ búhay, isá man lamang na ipinang̃anác sa cahihiyán at sa caimbihán?... ¿Nakita mo na? ¿Nariring mo baga ang hindî nilá pag-imic na iyán? Sacerdote ng̃ isáng Dios ng̃ capayapaan, puspós ang bibig mo ng̃ cabanalan at religión, at ang puso'y punô ng̃ mg̃a carumhán, ¡hindî mo marahil nálalaman cung anó ang isáng amá!... ¡cung guinugunitâ mo sana ang iyóng amá! ¿Nákita mo na? Sa guitnâ ng̃ caramiháng iyáng pinawawalan mong halaga, ¡walâ cahi't isá man lamang na catulad mo! ¡Nahatulan ca na!

Ang mg̃a taong sa canyá'y nacaliliguid, sa pagcaisip niláng doó'y gagawâ ng̃ isáng cusang pagpatay, sila'y nang̃agsikilos.

—¡Lumayô cayó!—ang mulíng isinigáw na nagbabalà ang tinig; ¿anó? ¿nang̃ang̃anib ba cayóng dumhám co ang aking camáy ng̃ maruming dugó? ¿Hindî ba sinabi co na sa inyóng tiwasay na tumitiboc ang aking pusô? ¡Lumayò cayó sa amin! ¡Pakinggan ninyó mg̃a sacerdote, mg̃a hucóm, na ang boong acalà ninyo'y hindî cayó cawang̃is ng̃ ibáng mg̃a tao at nagbibigáy cayó sa inyóng sarilí ng̃ ibáng mg̃a catuwiran! Ang aking amá'y isáng taong may malinis na capurihán, ipagtanóng ninyó diyan sa bayang lubós na iguinagalang ang pagaalaala sa canyá. Ang aking amá'y isáng mabait na mayaman: inihandóg niyá ang canyáng pagpapacahirap sa akin at sa icagagaling ng̃ canyáng bayan. Laguing bucás ang canyáng báhay, laguing handâ ang canyáng dulang sa taga-ibang lupain ó sa pinapanaw sa canyáng kinaguisnang lupâ, na sa udyóc ng̃ caralitaa'y tumatacbó sa canyá! Siya'y mabuting cristiano: lagui ng̃ guinagawâ niyá ang cagaling̃an at cailan ma'y hindî siyá umapí sa mahinang naguiguipit at hindî siyá humabág sa na sa malakíng carukhaan.... Binucsán niyá sa taong sumasadálitâ ang mg̃a pintuan ng̃ canyáng bahay, pinaupô niyá at pinacain sa canyáng dúlang at canyáng pinang̃alanang caibigan. ¿Anó ang pagtumbás na sa canyá'y guinawâ? Siya'y pinaratang̃an, pinag-usig, pinapanandata ng̃ laban sa canyá ang camamangmang̃an at siya'y pinag-usig hanggang sa libing̃ang pinagpapahing̃alayan ng̃ mg̃a patáy. At, hindî pa nagcacasiyà sa ganitóng mg̃a gawa'y ¡pinag-uusig naman ng̃ayon ang anác na lalaki! Aco'y tumacas sa canyá, iniílagan cong siya'y aking macaharap ... Nárinîg ninyó siyá caninang umaga na hindî pinagpacundang̃anan ang púlpito, idinalirî acó sa halíng na pananampalataya ng̃ mg̃a taong hang̃ál sa bayan, ng̃uni't hindî acó umimíc. Ng̃ayo'y naparito't aco'y hinahamit; nagtiis acó sa hindî pag-imíc na inyóng pinangguilalasán, datapuwa't mulíng linait ang lalong pinacamamahal ng̃ lahát ng̃ mg̃a anác sa caibuturan ng̃ caniláng alaala ... Cayóng mg̃a nariritó, mg̃a sacerdote, mg̃a hucóm, ¿nakita baga ninyó ang pagpapacacasipag sa paggawâ ng̃ matandâ ninyóng amá, at ng̃ masunduan ang inyóng icagagalíng, mamatay sa hapis ang amáng iyán sa isáng bilangguan, na nagbubuntong hinîng̃à sa pagmimithíng cayo'y mayacap; na humahanap ng̃ isáng taong sa canyáng umalíw, nag iísa, may sakít, samantalang cayo'y na sa ibáng lupain?... ¿Narinig ba ninyó pagcatapos na siniraan ng̃ purì ang canyáng pang̃alan, nasumpung̃an baga ninyóng waláng laman ang sa canya'y pinaglibing̃an ng̃ pumaroon cayó at ang talagà ninyo'y manalang̃in sa ibábaw ng̃ baunang iyón? ¿Hindî? ¿Hindî cayó umiímïc? ¡cung gayo'y hinahatulan ninyóng tunay ng̃â siyáng masamâ!

Iniang̃at ang bísig; datapawa't malicsíng tulad sa cabilisán ng̃ sinag ng̃ liwanag, pagdaca'y napaguîtnâ ang isáng dalaga at piniguil ng̃ canyáng linalic na camáy ang mapaghigantíng bîsig: ang dalagang iyo'y si María Clara.

Tiningnan siyá ni Ibarra ng̃ isáng titig na wari'y nang̃ang̃anîno ang casiraan ng̃ ísip. Untî unting lumuag ang pagcahawac ng̃ mg̃a naninigás na mg̃a dalirì ng̃ canyáng mg̃a camáy at pinabayaang lumagpac ang catawan ng̃ franciscano't ang sundang, tinacpán ang mukha't tumacas na sinagal ang caramihang tao.