

XXXV.
MGA SALISALITAAN.
Pagdaca'y lumaganap sa bayan ang balita ng̃ nangyaring iyón. Ng̃ bagobago'y ayaw maniwalâ sino man, ng̃uni't sa pang̃ang̃ailang̃ang pahinuhod sa catotohanan, nang̃ag-iinaman ang lahat sa pagsigáw ng̃ pagtatacá.
Bawa't isa'y nagbubulaybulay alinsunod sa abót ng̃ cataasan ng̃ canicaniláng calinisan ng̃ budhî.
—¡Si párì Dámaso'y namatáy!—ang sabihan ng̃ mg̃a iilán;—ng̃ itindíg nilá siya'y naliligó ang canyáng mukhâ ng̃ dugô at hindî humihing̃à.
—¡Magpahing̃alay nawâ siyá sa capayapaan, ng̃uni't waláng guinawâ sa canyá cung dî papagbayarin lamang ng̃ canyáng utang—ang malacás na sabi ng̃ isáng binatà—Wariin ninyóng waláng sucat maipang̃alan sa guinawâ niyá caninang umaga sa convento.
—¿Anó ba ang guinawâ? ¿Mulì bang sinuntóc ang coadjutor?
—¿Anó ba ang guinawâ? ¡Ating tingnán! ¡Sabihin mo sa amin!
—¿Nakita ba ninyó ng̃ umagang itó ang isáng mestizong castílà na lumabás sa dácong sacristía samantalang nagsésermon?
—¡Oo! ¡oo ng̃â, siya'y nakita namin! Pinagmasdán siyá ni párì Dámaso.
—Ang nangyári'y ... pagcatapos ng̃ sermón, siyá'y ipinatáwag at tinanóng cung anóng dahil sa siyá'y lumabás.—"Hindî pô acó maálam ng̃ wicang tagálog, padre",—ang isinagót.—"¿At bakìt ca nanglibác, na sinabi mong wicang griego iyón?—ang isinigáw sa canyá ni párì Dámaso, at tuloy sinampál siyá. Gumantí ang bináta, nagpanuntóc ang dalawá, hanggáng sa silá'y pinag-awatanan.
—¡Cung sa akin mangyari ang gayóng bágay!...—ang ibinulóng ng̃ márahan ng̃ isáng estudiante.
Hindî co minamagalíng ang guinawâ ng̃ franciscano,—ang idinugtóng namán ng̃ isá,—sa pagca't hindî dapat ipagpilitan ang Religióng párang isáng parusa ó isáng pahirap; datapuwa't hálos ikinatútuwâ co, sa pagca't nakikilala co ang binátang iyán; siyá'y tagá San Pedro Macatí at maigui siyáng magwicang tagálog. Ng̃ayo'y ibig niyáng siyá'y ipalagáy na bágong gáling sa Rusia, at ipinagmámapuri ang pagpapacunuwaríng hindî niyá nalalaman ang wícà ng̃ canyáng mg̃a magugúlang.
—Cung gayó'y ¡linílikhâ silá ng̃ Dios at silá'y nang̃agsusuntucan!
—Gayón ma'y dápat táyong tumútol sa cagagawáng iyán,—ang sábing malacás ng̃ isáng estudiante namán;—ang dî pag-imíc ay párang isáng pag-sangáyon, at ang guinawáng iyó'y mangyayaring gawín namán sa alín man sa átin. ¡Nanunumbalic táyo sa mg̃a panahón ni Nerón!
—¡Nagcácamalî ca!—ang tútol ng̃ isá;—¡si Nerón ay isáng dakîlang artista, at si párì Dámaso'y isáng casamasamaang magsesermón!
Ibá namán ang salisalitaan ng̃ mg̃a táong may catandaan na.
Samantalang hiníhintay nilá sa isáng maliit na bahay, na na sa labás ng̃ báyan ang pagdatíng ng̃ Capitán General, itó ang sinasabi ng̃ Gobernadorcillo:
—Hindî ng̃â bágay na magaáng sabíhin cung síno ang may catuwíran at cung síno ang walâ, datapuwa't cung nacapagmunimuni sána si guinoong Ibarra....
—¿Cung nagcaroón sána si párì Dámnaso ng̃ calahatî man lámang ng̃ pagmumunimuni ni guinóong Ibarra, ang talagáng ibig pô ninyóng sabihin maráhil?—ang isinalábat ni don Filipo,—Ang casamaa'y nagpalít silá ng̃ catungcúlan: ang bátà ang nag ásal matandâ at ang matandâ ang nag-ásal bátà.
—¿At ang sabi pô ninyo'y walâ síno mang dumalô upáng silá'y awatin, liban na lámang sa anác na babáe ni cápitang Tiago?—ang tanóng ni cápitang Martín. ¿Sino man sa mg̃a fraile, cahi't ang Alcalde man lámang? ¡Hm! ¡Lálò pa ng̃ang masama! Hindî co nanasaing aking casapitan ang calagayan ng̃ binatâ. Sino ma'y walang macapagpapatawad sa gayóng sa canyá'y pagcatácot. ¡Lálò pa ng̃ang masama! ¡Hm!
—¿Sa acalà cayâ ninyó?—ang tanóng ni cápitang Basilio, na totoong malakí ang hang̃ad na macatalastas.
—Umaasa acó,—ani don Felipong nakipagsulyápan cay cápitang Basilio,—na hindî siyá pababayaan ng̃ bayan. Dápat náting alalahanin ang guinawâ ng̃ canyáng mg̃a magugúlang at ang canyáng casalucúyang guinágawâ ng̃ayon. At sacali't hindi umimic ang bayan, dahil sa pagcatacot, ang canyang mg̃a caibiga'y....
—Ng̃uni, mg̃a guinoo,—ang isinalabat ng̃ gobernadorcillo,—ano baga ang ating magagawa? ¿ano ang magagawa ng̃ bayan? Mangyari ang ano mang mangyari'y ang mg̃a fraile ang siyang "lagui" ng̃ na sa catuwiran!
—"Lagui" na silang na sa catuwiran, sa pagca't "lagui" ng̃ binibigyang cabuluran natin sila; minsan man lamang ay magbigay tayong catuwiran sa ating sarili, at pagsacagayo'y saca tayo mag-usap!
Kinamot ng̃ gobernadorcillo ang canyáng ulo, tuming̃ala sa bubung̃an at saca nagsalita na ang tinig ay masaclap:
—¡Ay! ang ínit ng̃ dugo! Tila mandin hindî ninyo nalalaman ang lupaíng kinalagayan natin; hindî ninyo nakikilala ang mg̃a cababayan natin. Ang mg̃a fraile'y mayayaman at nang̃acacaisa; tayo'y nagcacáwasac wasác at mg̃a dukha. ¡Siya ng̃a! ¡ticman ninyong siya'y inyóng ipagmalasakit, at makikita ninyóng cayo'y pababayaan ng̃ ating mg̃a cababayang mag-isa sa mg̃a sagutin!
—¡Siyá ng̃a!—ang biglang sinabi ni don Filipo ng̃ boong sacláp,—mangyayari ng̃a ang gayon samantalang ganyan ang pinagiisip, samantalang totoong nagcacahawig ang tacot at ang pagiing̃at. Lalo pang pinapansin ang isáng capahamacáng hindî pa nalalaman cung mangyayari ng̃a, cay sa kinacailang̃ang pagcápacagaling; pagdaca'y dinaramdam ang tácot, sa hindî ang pananalig; bawa't isá'y walang iniisip cung dî ang ganang canya, sino ma'y hindî nag-iisip ng̃ ganang sa mg̃a ibá, caya mahihinà táyong lahát!
—Cung gayo'y isípin na muna ninyo ang sa ganáng mg̃a ibá, at bago ninyó isipin ang sa ganáng inyó, at makikita ninyó cung paáno ang pagpapabayang sa inyó'y gagawin. ¿Hindi ba ninyó nalalaman ang casabihang castilà: "na nag-pasimula sa saríling catawán ang mahúsay na pagcacaawang gawâ"?
—Ang lálong magalíng na inyóng masasabi—ang sagot na pagalit ng̃ teniente mayor—na nagsisimulá ang mahusay na caruwagan sa malabis na pag-ibig sa sariling catawan, sa nawawacasan sa pagcawala ng̃ cahihiyan! Ng̃ayón di'y ihaharap co sa Alcalde ang pagbibitiw ng̃ aking catungculan; bundat na acó ng̃ paglagay sa cahihiyan, na canino ma'y wala acong nagagawang cagaling̃an. ¡Paalam!
Iba naman ang mg̃a panucala ng̃ mg̃a babae.
—¡Ay! ang buntóng hining̃a ng̃ isáng babae na ang anyó'y mabait;—¡cailán ma'y ganyán ang mg̃a cabataan! Cung nabubuhay ang canyang mabait na ina'y ¿anong sasabihin? ¡Ay, Dios! Pagca napag-iisip co na maaaring magcaganyan din ang áking anác na laláki, na mainit din namán ang úlo ...¡ay Jesús! halos pinananaghilian co ang canyáng nasirang iná..,¡mamamátay acó sa dalamháti!
—Ng̃uni't acó'y hindî ang sagót namán ng̃ isáng babáe,—hindî acó magdadalamháti cung sacali't magcacaganyan din ang áking dalawáng anác na laláki.
—¿Anó pô ang sinasabi ninyo, capitana Maria?—ang sabing malacás ng̃ unang babáeng nagsalita, na pinagduduop ang mg̃a camáy.
—Ibig cong matuto ang mg̃a anác na nagsasanggaláng ng̃ capurihan ng̃ namatay ng̃ mg̃a magugúlang nilá, capitana Tinay; ¿ano pô ang wiwicain ninyo cung isáng araw na cayo'y bao na márinig ninyóng pinaguupasalaan ang inyóng asawa, at itung̃ó ng̃ inyóng anác sa Antonío ang úlo at huwag umimic?
—¡Ipagcacait co sa canyá ang aking bendicion!—ang sabing malacas ng̃ pang̃atlóng babae, na ito'y si hermana Rufa—datapuwa't....
—¡Hindî co maipagcacait ang aking bendición cailan man!—ang isinalabat ng̃ mabait na si capitana Tinay;—hindî dapat sabihin ng̃ isáng iná iyan ...datapuwa't hindî co maalaman ang aking gagawin ... hindî co maalaman ... sa acalà co'y acó'y mamámatay..siyá'y ...¡hindi! ¡Dios co! datapuwa't hindî co na marahil iibiguing muling makita co pa siya ... ¿ng̃uni't cung anó-anó ang mg̃a iniisip ninyó, capitana Maria?
—Datapuwa't gayón man,—ang dugtóng ni hermana Rufa,—hindî dapat limuting isang malaking casalanan ang magbuhat ng̃ camáy sa isang taong "sagrado."
—¡Lalò ng̃ "sagrado" ang pagmamalasakit sa capurihán ng̃ namatáy na mg̃a magugúlang!—ang itinútol ni capitana Maria.—¡Waláng macapagwáwalang galang sa canilang santong capurihán, cahì man ang Papa, at lalò ng̃ hindî si párì Damaso!
—Túnay ng̃a!—ang bulóng ni capitana Tinay, na nagtataca sa carunung̃an ng̃ dalawa;—¿saan ninyó kinucuha ang ganyáng pagcagagaling na mg̃a pang̃ang̃atuwiran?
—¿Ng̃uni't ang "excomunión" at ang pagcapacasama?—ang itinutútol namán ng̃ Rufa.—¿Anó ang capacanán ng̃ mg̃a dang̃al at ng̃ capurihan sa búhay na itó cung mapapasasama naman tayo sa cabilang búhay? Dumaraang madali ang lahat ... datapuwa't ang excomunión ... sumirang púri sa isang kinacatawan ni Jesucristo ... ¡iya'y ang Papa lamang ang nacapapapatawad!
—¡Ipatatawad ng̃ Dios na nag-uutos na igalang ang ama't ina; hindî siya eexcomulgahin ng̃ Dios! At itó ang sinasabi co sa inyó, na cung pumaroon sa aking bahay ang binatang iyan, siya'y aking patutuluyin at cacausapin; at iibiguin cong siya'y aking maging manúgang, cung mayroon sana acóng anac na babae; ang mabaít na anac ay maguiguing mabaít namang asawa at mabaít na ama; ¡maniwalà cayó, hermana Rufa!
—Hindî gayón naman ang aking acala, sabihin na ninyó ang ibig ninyóng sabihin; at cahi man tila mandín cayó ang sumasacatuwiran, ang cura rin ang siyang paniniwalaan co cailan man. Ang unaúna'y ililigtas co múna ang aking caluluwa, ¿anó pô ang sabi ninyó, capitana Tinay?
—¡Ah, anó ang ibig ninyóng aking sabihin! Capuwa cayó sumasacatuwiran; sumasacatuwiran ang cura, datapuwa't ¡dapat ding magcaroon ng̃ catuwiran ang Dios! Ayawan co, acó'y isang tang̃a lamang ... Sasabihin co sa aking anac na lalaking huwag ng̃ mag-aral, ang siya cong gagawin! ¡Namamatay daw sa bibitayan ang mg̃a marurunong! ¡María Santisima, ibig pa naman pa sa Europa ng̃ aking anac na lalaki!
—¿Anó pô ang inaacala ninyóng gawin?
—Sasabihin co sa canyang manatili na lamang siya sa aking tabi, ¿anó't iibiguin pa niyang maragdagan ang canyang dúnong? Búcas macalawa'y mamamatay rin cami, namamatay ang marúnong na gawa rin ng̃ mangmang ... ang kinacailang̃a'y mamúhay ng̃ payapà.
At nagbúbuntong hining̃a ang mabait na babae at itiniting̃alá sa lang̃it ang mg̃a matá.
—Acó naman,—ang sabi ng̃ bóong cataimtiman ni capitana María,—cung acó ang gaya ninyóng mayaman, pababayaan cong maglacbay—bayan ang aking mg̃a anac; sila'y mg̃a batà, at darating ang araw na sila'y mang̃agcacagulang cacauntì ng̃ panahón ang aking icabubuhay ... magkikita na camí sa cabilang buhay ... dapat magmithi ng̃ lalong mataas na calagayan ang mg̃a anac cay sa calagayang inabot ng̃ canilang mg̃a ama, at wala tayong naituturò sa canila, cung sila'y na sa ating sinapupunan, cung dî ang pagcamusmús.
—Ay, cacatuwâ namang totoo ang mg̃a caisipan pala ninyo!—ang bíglang sinabi ni capitana Tinay, na pinagduduop ang mg̃a camay;—¡tila mandin hindî ninyo pinaghirapan ang pang̃ang̃anac sa inyong cambal na mg̃a anac, na lalaki!
—Dahilan ng̃â sa sila'y pinaghirapan co ng̃ pang̃ang̃anac, inalagaan at pinapagaral, cahi man camí dukhâ, hindî co íbig na pagcatapos ng̃ lubhang maraming capagalang sa canila'y aking guinúgol, ay waláng cahinatnan sila cung dî maguing calahating tao lamang.
—Sa áking palagáy hindî pô ninyó iniibig ang inyóng mg̃a anác ng̃ alinsunod sa ipinag-uutos ng̃ Dios!—ang may cahigpitang sábi ni hermána Rufa.
—Ipatáwad pô ninyó, umiibig bawa't iná sa canyáng mg̃a anác ng̃ alinsunod sa canyáng adhicâ; may mg̃a ináng umiibig sa canyáng mg̃a anác at ng̃ caniláng pakinabang̃an, ang ibá nama'y umiibig sa canyáng mg̃a anác dáhil sa pag-ibig nilá sa sarili, at umiibig namán ang ibá sa icagagaling ng̃ canilá ring mg̃a anác. Acó'y nabibilang dito sa mg̃a hulíng sinábi co, ganitó ang itinúrò sa ákin ng̃ áking asáwa.
—Hindî totóong nababagay sa átas ng̃ religión, capitana María, ang lahát ninyóng mg̃a iniisip; ¡cayó'y másoc ng̃ pagca hermana sa Santísimo Rosario, cay San Francisco, cay Santa Rita, ó cay Santa Clara!—ang sabi ni hermana Rufa, na ang anyo'y párang nagsesermón.
—Hermana Rufa, pagca carapatdapat na acóng maguing capatíd (hermana) ng̃ mg̃a táo, aking sisicaping acó'y maguing capatíd namán ng̃ mg̃a santo!—ang canyáng sagót na ng̃uming̃itî.
Upang mabigyáng wacás ang bahaguing itóng nauucol sa mg̃a salisalitaan ng̃ báyan; at ng̃ mapagwarì man lámang ng̃ mg̃a bumabasa cung anó cayâ ang iniisip ng̃ mg̃a waláng málay na mg̃a tagabúkid sa nangyari, pumaroon tayo sa lílim ng̃ tolda ng̃ plaza, at pakinggán nátin, ang mg̃a salitaan ng̃ iláng nang̃ároroon, ang isá sa canila'y cakilala nátin, na dî ibá cung dî ang nananaguinip sa mg̃a doctor sa panggagamot.
—Ang lálong dináramdam co'y hindî ná mayayari ang páaralan!—ang sinasabi nitó.
—¿Bakit? ¿bakit?—ang tanung̃an ng̃ mg̃a nakíkinig malakí ang pagpipilit na macaálam.
—¡Hindî na maguiguing doctor ang áking anác, siya'y maguiguing magcacaritón na lamang! ¡Walâ! ¡Hindî na magcacapáaralan!
—¿Sino ang nagsábing hindî na magcacapáaralan?—ang tanóng ng̃ isáng hang̃ál at matabáng tagabúkid, na malalakí ang mg̃a pang̃á at makítid ang báo ng̃ úlo.
—¡Aco! ¡Pinang̃alanang "plibastiero" si don Crisóstomo ng̃ mg̃a páring mapuputî! ¡Hindî na magcacapáaralan!
—Nagtatanung̃an ang lahát sa pagsusulyapan. Nababago sa canilá ang pang̃alang iyón.
—¿At masamâ bâ ang pang̃álang iyán?—ang ipinang̃ahas na itinanóng ng̃ hang̃ál na tagabúkid.
—¡Iyan ang lálong masamáng masasabi ng̃ isáng cristiano sa cápuwà niyá!
—Masamâ pa bâ iyán sa "tarantado" at sa "saragate"?
—¡Ah, cung sána'y ganyán na ng̃â lámang! Hindî mamacailang tináwag acó ng̃ ganyán ay hindi man lámang sumakít ang áking sicmúrà.
Datapuwa't marahil namá'y hindi na sasamâ pa sa "indio", na ¡sinasabi ng̃ alférez!
Ang nagsabing magcacaroon ng̃ isáng anác na laláking carretonero'y lálo pang nagpakita ng̃ calungcútan; nagcamót namán sa úlo ang isá at nag-íisip isip.
—¡Cung gayó'y maráhil catúlad ng̃ "betelapora" na sinasabi ng̃ matandáng babáe ng̃ alférez! Ang masamâ pa sa riya'y ang lumurà sa hostia.
—Talastasín mong masamâ pa sa lumurâ sa hostia cung viernes santo, ang isinagót ng̃ bóong cataimtimán. Naaalaala na ninyó ang salitáng "ispichoso", na sucat ng̃ icapit sa isáng táo, upang siya'y dalhín ng̃ mg̃a civil ni Villa Abrillo sa tapunán ó sa bilangguan; unawáin ninyóng lálò pa manding masamâ ang "plibustiero." Ayon sa sábi ng̃ telegrafista at ng̃ directorcillo, cung sabíhin daw ng̃ isáng cristiano, ng̃ isáng cura ó ng̃ isáng castílà, sa isáng cristianong gáya nátin ay nacacawang̃is ng̃ "santusdeus" na may "requimiternam;" sa minsáng tawaguin cang "plibastiero," mangyayari ca ng̃ magcumpisal at magbayad ng̃ iyong mg̃a utang sa pagca't walâ magagawâ cung di ang pabítay ca na lámang. Nalalaman mo na cung dapat macaalam ang directorcillo at ang telegrafista: nakikipag-usap ang isá sa mg̃a cáwad, at marúnong namán ang isá ng̃ castílà at walâ ng̃ gamit cung di ang pluma.
Páwang nanglúlumo ang lahát.
—¡Pilitin na acóng papagsuutin ng̃ zapatos at huwag acóng painumín sa bóong áking búhay cung di iyán lámang ihì ng̃ cabáyo na cung tawagui'y cerveza, capag napatáwag acó cailáan man ng̃ "pelbistero!"—ang sumpáng sinabí ng̃ tagabúkid, na nacasuntóc ang mg̃a camáy.—¿Sino? ¿Acó, mayamang gáya ni don Crisóstomo, marúnong ng̃ castílang gáya niyá, at nacapagdadali-dali ng̃ pagcaing may cuchillo at cuchara? ¡magtátawa acó cahit sa limáng mg̃a cura!
—Tatawaguin cong "palabistero" ang únang civil na aking makitang nagnanacaw ng̃ inahing manóc!... at pagdaca'y magcúcumpisal acó!—ang bulóng na maráhan ng̃ isá sa mg̃a tagabúkid, na pagdáca'y lumayô sa pulutóng.


XXXVI.
ANG UNANG DILIM
Hindi sahól ang ligalig na naghahari sa bahay ni capitang Tiago sa caguluhan ng̃ pag-isip ng̃ mg̃a tao. Waláng guinágawâ si María Clara cung dî tumang̃is at áyaw pakinggan ang mg̃a salitáng pang-alíw ng̃ canyang tia at ni Andéng na canyáng capatíd sa gátas. Ipinagbawal sa canyá ng̃ canyáng amá ang pakikipag-úsap cay Ibarra, samantalang hindî kinácalagan itó ng̃ mg̃a sacerdote ng̃ "excomunión."
Si capitang Tiago na totoong maraming guinagawâ sa paghahandâ ng̃ canyáng báhay, upang matanggap doón ng̃ carapatdapat ang Capitán General ay tinawag sa convento.
—¡Huwág cang umiyác anác co!—ang sinasabi ni tía Isabel, na pinupunasan ng̃ gamuza ang maniningning na mg̃a salamíng pang̃áninuhan; siya'y cácalagan ng̃ excomunión, mang̃agsisisulat sa Santo Papa ... magbibigay táyo ng̃ malakíng limós ... Hinimatáy lamang si párì Damaso ... ¡hindî namátay!
—¡Huwag cang umiyac!—ang sábi sa canyá ni Andéng ng̃ paanás;—gágawâ acô ng̃ paráan upang siya'y iyong macausap; ¿anóng cadahilana't itinatág ang confesionario, cung dî ng̃ gumawá ng̃ casalanan? ¡Súcat na ang sabihin cura sa upang ipatawad na lahát!
¡Sa cawacasa'y nagbalic si capitang Tiago! Hinánap ng̃ mg̃a babáe sa mukhá niyá ang casagutan sa maráming tanóng; datapuwa't nagbabalità ang mukhá ni capitang Tiago ng̃ panglulupaypáy ng̃ lóob. Nagpapawis ang abang laláki, hinahaplos ang nóo at hindî macapang̃úsap ng̃ isáng salita man lamang.
—¿Ano ang nangyari, Santiago?—ang tanóng ni tia Isabel na malaki ang pagmimithi.
Sumagót ito ng̃ isáng buntóng-hining̃a, at pináhid ang isáng lúhà.
—¡Alang-alang sa Dios, magsalitá ca! ¿Anó ang nagyayari?
—¡Ang aking ipinang̃ang̃anib na ng̃a!—ang sa cawacasa'y sinábing pabulalás na halos umiiyac. ¡Napahamac ng̃ lahat! Iniuutos ni párì Dámaso na sirain ang mg̃a salitaan, sa pagca't cung hindî'y ¡mapapacasama raw acó sa búhay na itó at sa cabiláng búhay! ¡Gayon din ang sábi sa ákin ng̃ lahát, patí ni párì Sibyla! Hindî co dápat papanhikin siyá sa aking báhay, at may útang acó sa canyang mahiguit na limampóng libong píso! Sinabi co itó sa mg̃a pari, dapuwa't hindî nilá acó pinansin: ¿Alín ba ang ibig mong mawalâ, ang sabi nila sa akin,—limampóng libong píso ó ang iyong búhay at ang iyóng cáluluwa? ¡Ay, San Antonio! ¡cung nalalaman co lámang ang gayón! ¡cung nalalaman co lamang ang gayón!
Humáhagulgol si María Clara.
—Huwág cang umiyác, anac co,—ang idinugtóng at lining̃on niyá itó;—hindî ca gáya ng̃ nanay mong hindî umiiyac cailan man ... hindî umiiyac cung dî sa paglilihí ... Sinasabi sa ákin ni párì Dámasong dumating na raw ang isáng camag-ánac niyáng gáling sa España na siyáng itinátalagang mang̃ibig sa iyó ...
Tinacpan ni María Clara ang canyáng mg̃a taing̃a.
—Ng̃úni, Santiago, ¿nasisira na ba ang ísip mo?—ang sigáw ni tía Isabel; ¿dapat bang magsabi ca sa canyá ang ibang mang̃ing̃ibig? ¿Inaacalà mo bang nagbabago ang anác mo ng̃ mg̃a mang̃ing̃ibig na gaya ng̃ pagbabago ng̃ báro?
—Iyán din ng̃a ang iniisip co Isabel; si don Crisostomo'y mayaman ...¡cayâ lámang nagaasawa ang mg̃a castila'y sa pag-ibig sa salapi ... datapuwa't ¿anó ang ibig mong aking gawín? Pinagbalaan nilá acông lapatan ng̃ isá ring excomunion ... sinasabi niláng lubhâ raw nang̃ang̃anib, hindî lámang ang akíng cáluluwa, cung dî namán ang aking catawán ...¡ang catawán! ¿naririnig mo? ¡ang catawán!
—¡Ng̃uni't walâ cang guinagawâ cung dî pasama-ín ang lóob ng̃ iyóng anác! ¿Hindî ba caibigan mo ang Arzobispo? ¿Bákit hindî ca sumúlat sa canyá?
—Ang Arzobispo'y fraile rin, waláng guinagawâ ang Arzobispo cung dî ang sinasabi ng̃ mg̃a fraileng canyáng gawin. Ng̃uni, María, huwág cang umiyác; dárating ang Capitan General, nanasain cang makita, at mamúmulá ang mg̃a mata mo ... ¡Ay! ang isip co pa nama'y magtátamo acó ng̃ isáng hápong maligaya ... cung dî lámang itong nángyaring malakíng casacunâang ito'y acó sána ang lálong maligaya sa lahat ng̃ mg̃a táo at mananagbíli sa akin ang lahát ... Tumiwasáy ca, anác co; ¡higuit ang casaliwâng palad co cay sa iyó ay hindî acó umiiyác! ¡Maaaring magcaroon ca ng̃ mang̃ing̃ibig na lálong magaling, datapuwa't acó'y mawáwalan ng̃ limampóng libong piso! ¡Ay, Virgen sa Antipolo, cung magcaroon man lámang sána acó ng̃ magandáng palad sa gabing itó!
Mg̃a patóc, gúlong ng̃ mg̃a coche, tacbúhan ng̃ mg̃a cabáyo, músicang tumútugtog ng̃ marcha real ay nang̃agbalítang dumating na ang mahal na Gobernador General ng̃ Kapulùhang Filipinas. Tumacbó si María Clara at nagtágò sa canyáng tinutulugang cabahayán ... ¡cahabaghabag na dalaga! ¡pinaglalaruan ang iyóng pusô ng̃ mg̃a magagaspáng na mg̃a camáy na hindî nacakikilala ng̃ canyáng mg̃a maseselang na mg̃a cuerdas!
Samantalang napúpuno ng̃ táo ang báhay at umaalíng̃awng̃áw sa lahát ng̃ mg̃a pánig ang malalacás na yabág ng̃ mg̃a lumalacad, ng̃ mg̃a tínig na naguutos, calampág ng̃ mg̃a sable at ng̃ mg̃a espuela, nahahandusay namáng hálos nacaluhód ang lipós pighatíng dalága sa harapan ng̃ isáng estempa ng̃ Vírgen, na ang pagcacalarawa'y yaóng anyô ng̃ cahapíshapis na pang̃úng̃ulila, na si Delaroche lámang ang natutong macasipî ng̃ gayóng damdamin, na wari'y napanood nitó ng̃ manggaling na si Guinoong Santa María sa pinaglilibing̃an ng̃ canyáng Anác. Hindî ang pighati ng̃ Inang iyón ang siyáng iniisip ni María Clara, ang iniisip niyá'y ang saríling capighatîan. Sa pagcâlung̃ayng̃ay ng̃ úlo sa dibdíb at sa pagcátiin ng̃ mg̃a camay sa sahig na tabla, ang azucenang hinútoc ng̃ malacás na hang̃in ang canyang nacacatulad. Isáng hinaharáp na panahóng pinanag-inip at hinimashimas na malaon, mg̃a sapantahà ng̃ budhíng sumílang sa camusmusán at lumagong casabay ng̃ canyáng paglaki at siyang nabibigay casiglahán sa caibuturan ng̃ canyáng cataóhan, ¡acalaing catcatin ng̃ayón sa baít at sa púsò sa isá lamang salita. ¡Macacawang̃is itó cung patiguílin ng̃ tibóc ng̃ púsò at bawian ang baít ng̃ canyáng liwánag!
Cung paano ang cabaitan at cabanalan ni María Clara sa canyáng pagcabinyagan, gayón din ang canyáng pagcamasintahin sa canyáng mg̃a magugúlang. Hindî lámang nacapagbíbigay tácot sa canya ang excomunión ang utos ng̃ canyang ama't ang pinagbabalaang catiwasayan nito'y páwang humihing̃ing inisin niyá ang canyáng pagsintá at ihayin sa gayóng mg̃a dakílang catungcúlan. Dinaramdam niyá ang bóong lacás ng̃ pagsinta cay Ibarra, na hanggang sa sandaling iyo'y hindî man lamang niyá hinihinalà. Ng̃ minsa'y isáng ilog na umaagos ng̃ bóong cahinhinan; mababang̃ong mg̃a bulaclac ang siyang nacalalatag sa canyang mg̃a pampang̃in. Bahagyá na napaaalon-alon ng̃ bang̃in ang canyáng ágos; cung panonoori'y masasabing tumitining. Datapuwa't dî caguinsaguinsa'y cumipot ang dinaraanan ng̃ ágos, magagaspáng na mg̃a malalakíng bató ang siyáng humahadlang sa canyáng paglacad, matatandáng mg̃a púnò ng̃ cáhoy ang siyáng nacahálang na sumasala, ¡ah, ng̃ magcagayó'y umatúng̃al ang ilog, tumindig, cumulô ang mg̃a álon, nagwagwag ng̃ mandalâ ng̃ mg̃a bulâ, hinampás ang malalaking mg̃a bató at lumundág sa malálim na bang̃ín!
Ibig niyá sanang manalang̃in, ng̃unit ¿sino ang macapananalang̃in pagca nagng̃ing̃itng̃it sa malakíng hirap? Nananalang̃in pagca may pag-asa, at cung wala'y nakikiusap tayo sa Dios, sa pamamag-itan ng̃ mg̃a buntóng hining̃a.—"¡Dios co! ang sigaw ng̃ canyáng púsò,—¿bákit inihihiwalay mo ng̃ ganyán ang isáng táo, bakit ikinácait mo sa canyá ang pagsintá ng̃ mg̃a iba? Hindî mo ikinacait sa canyá ang iyong araw, ang iyong hang̃in at hindî mo man lamang itinatagò sa canyáng mg̃a matá ang iyong lang̃it, ¿bakit ipagcacait mo sa canya ang pagsinta, gayóng walâ mang lang̃it, walâ mang hang̃in at walâ mang araw ay mangyayaring mabúhay, datapuwa't cung walang pagsinta'y hindî mangyayari cailan man?
¿Dumarating cayâ sa trono ng̃ Dios ang gayóng mg̃a sigaw na hindî naririnig ng̃ mg̃a tao? ¿Naririnig cayâ ang mg̃a sigaw na iyón ng̃ Ina ng̃ mg̃a sawing palad?
¡Ay! ang cahabaghabag ng̃ dalagang hindî nacakilala ng̃ isáng ina'y nang̃ang̃ahas ipagcatiwalà ang mg̃a dalamhating itóng nagbubuhat sa mg̃a pagsinta sa ibabaw ng̃ lúpà doon sa calinislinisang púsò na walang nakilala cung di ang pag-íbig ng̃ anac sa ina at ang pag-íbig sa ina sa anac; tumatacbo siya, sa canyang mg̃a cahapisan, diyan sa larawan ng̃ babaeng dinídios, sa mithing lalong cagandagandahan sa láhát ng̃ mg̃a mithi ng̃ mg̃a kinapal, diyan sa lalong caayaayang likha ng̃ religion ni Cristo, na natitipon sa canyang sarili ang dalawang lalong cagandagandahang calagayan ng̃ babae, vírgen at ina, na hindî nalahiran ng̃ cahi't babahagyang dúng̃is, na tinatawang nating María.
—¡Ina!, ¡Ina!—ang canyang hibic.
Lumapit si tía Isabel, na siyang cumuha sa canya sa gayóng pighati. Dumatíng ang iláng canyang caibigang babae at ibig ng̃ Capitan General na siya'y makita.
—Tía, sabíhin pô ninyóng acó'y may sakít!—ang ipinakiúsap ng̃ dalagang nagugulat;—¡patutugtugin nilá acó ng̃ piano at pacacantahin!
Nagtindig si María Clara, tiningnan ang canyang tía, pinilipit ang canyang magagandang bisig at nagsasalitâ ng̃ pautal:
—¡Oh, cung mayroon sana acóng!...
Ng̃uni't hindî tinapos ang salitâ, at nagpasimulâ ng̃ paghuhúsay ng̃ canyang saríling catawan.


XXXVII.
ANG GOBERNADOR GENERAL
—¡Ibig cong causapin ang binatang iyan!—ang sabi ng̃ Gobernador General sa isang ayudante;—pinúcaw niyang totóo ang aking nasang siya'y makilala.
—¡May nang̃agsilacad na pô upang siya'y hanapin, aking general! Datapuwa't díto'y may isang binatang taga Maynílà, na mapílit ang hing̃íng siya'y papasúkin díto. Sinabi pô namin sa canyang walang panahon ang camahalan ninyó, at cayó'y hindî naparíto upang duming̃ig ng̃ mg̃a pagsasacdal, cung dî ng̃ tingnan ang bayan at ang procesión; ng̃úni't sumagót, na sa tuwituwî na'y may panahón daw na magagamit ang camahalan pô ninyó upang gumawâ ng̃ nauucol sa catuwíran....
Lining̃ón ng̃ Gobernador General na nagtataca ang Alcalde.
—Cung hindî pô acó nagcacamalî,—ang sagót ng̃ Alcaldeng yumucód ng̃ cauntî,—iyan ang binatang canínang umaga'y nacagalít ni parì Damaso, dahil sa sermón.
—¿Diyata't mayroon pang iba pala? ¿Sinasadyà mandíng talaga ng̃ fraileng iyang guluhín ang lalawígan, ó baca cayâ ang ísip niya'y siya ang nacapangyayari rito? ¡Sabíhin pô ninyó sa binatang siya'y magtuloy!
Nagpapasial na pabalicbalic sa magcabicabilang dúlo ng̃ salas ang Gobernador General, na nang̃ang̃atal sa galit.
Sa "antesala" (panig ng̃ bahay na na sa bago pumasoc sa salas) ay may ilang mg̃a castilà na nahahalò sa mg̃a militar, mg̃a namumunò sa bayan ng̃ San Diego at mg̃a mamamayan; sila'y nagsasalitaan ó nagmamatuwírang nagcacalúpon sa iba't ibang pangcat. Nang̃aroroon din naman ang lahat ng̃ mg̃a fraile, líban na lámang kay pári Dámaso, at ibig niláng pumások upang maghandóg ng̃ galang sa Gobernador General.
—Ipinamámanhic sa mg̃a camahalan pô ninyong mang̃aghintay ng̃ sandali—anang ayudande;—¡pumasoc pô cayô, binatà!
Namumùtla at nang̃ang̃atal na pumasoc ang binatang iyóng taga Maynilà na madalas mámali sa pananalita na pinaghahaló ang griego at ang tagalog.
Pawang napuspós ng̃ pangguilalás ang lahat marahil, ng̃a'y totóong malaki ang galit ng̃ Gobernador General upang mang̃ahás na papaghintayin ang mg̃a fraile. Nagsalita si pári Sibyla:
—¡Acó'y walang anó mang sasabihin sa canyá!... ¡nagsasayang acó rito ng̃ panahon!
—Gayón din ang wicà co,—ang dugtong ng̃ isáng agustino;—¿táyo na?
—Hindî cayâ lalong magaling na ating siyasatin cung papaáno ang canyáng iniisip?—ang tanóng ni pári Salvi;—sa ganya'y maiilagan natin ang mg̃a upasala ng̃ mg̃a macaaalam.. at maipaaalaala natin sa canya ... ang canyáng mg̃a catungculan ...sa Religión,..
—¡Magtuloy pô ang mg̃a camahalan ninyó, cung inyóng ibig!—anang ayudante, na hatid ang binatang hindî nacauunawà ng̃ griego, na ng̃ayó'y lumálabas na taglay ang isáng pagmumukháng kinikinang̃an ng̃ catuwáan.
Naunang pumasoc si párì Sibyla; sa licura'y sumúsunod si pári Salvi, si párì Manuel Martin at ang iba pang mg̃a fraile. Silá'y nang̃agsiyucód ng̃ bôong capacumbabaan, liban na lámang cay párì Sibyla, na pinapanatilì, sampô sa canyáng pagyucod, ang tang̃ing anyô ng̃ isáng nacatataas cay sa ibá; na anó pa't baligtad sa guinawá ni párì Salvi, na halos hinutoc ang bayawang.
—Sino pô sa mg̃a camahalan ninyó si párì Dámaso?—ang biglang itinanóng ng̃ Gobernador General, na hindî man lamang silá pinaupô, hindî silá kinumusta, at hindî silá pinagsabihan niyáng mg̃a salitang pangpapúri na pinagcaugaliang tanggapin ng̃ gayóng mg̃a catataas na úring mg̃a tao.
—Hindî pô, guinóo, casama namin si párì Dámaso!—ang sagót ni párì Sibyla ng̃ halos gayón ding masacláp na pananalitâ.
—¡Nacahigâ pô sa baníg at may sakit ang lingcôd ng̃ camahalan ninyó!—ang idinugtông na bóong capacumbabaan ni párì Salvi;—pagcatapos na magtamó ng̃ lugód na macabati pô sa inyó at macumusta namin ang inyóng calagayan, ayon sa nararapat gawin ng̃ lahat ng̃ mababait na mg̃a lingcód ng̃ Hari at ng̃ lahát ng̃ taong may pinag-aralan, naparito pô naman cami sa ng̃alan ng̃ mapitagang lingcód ninyó, na may casaliwang palad na....
—¡Oh!—ang isinalabat ng̃ Capitán General, na pinipihit ang silla sa pamamag-itan ng̃ isáng páa nitó at saca ng̃umiting nang̃ang̃atal,—cung ang lahát ng̃ mg̃a lingcód ng̃ aking camahalan ay catulad ng̃ camahalan ni parì Dámaso, lalong iibiguin co pang acó na ang maglingcód sa akin ding camahalan!
Ang mg̃a cagalangalang na mg̃a fraile na pawang nacatayò ang catawan ay nang̃agsisitayò naman ang caniláng cáluluwa sa ganitóng pagcasasalabat.
—¡Cayó po'y mang̃agsiupô!—ang idinugtóng ng̃ Capitán General, pagcatapos ng̃ sumandaling pagtiguil, at pinatamis ng̃ caunti ang canyáng pang̃ung̃usap.
Lumalacad na patiad si capitang Tiagong nacafrac; hatíd niya't tang̃an sa camáy ni María Ciara, na pumasoc na halos hindî macahacbang at kimíng kimi. Gayón ma'y gumamit ng̃ calugód-lugód at mapitagang pagyucód.
—¿Ang guinoong binibini pô bang itó ang anac ninyó?—ang tanóng na nagtataca ng̃ Capitán General.
—¡At inyó pô, aking General!—ang sagót ni capitang Tiago ng̃ bóong cataimtiman.
—Nang̃asidilat ang Alcalde at ang mg̃a ayudante; datapuwa't nanatili sa hindî pagng̃igiti ang Capitán General, iniabot ang camáy sa binibini at sa canyá'y sinabi ng̃ matimyás na pananalitâ:
—Mapapalad ang mg̃a magugulang na may mg̃a anác na babaeng gaya pô ninyó, guinoong binibini! Cayó pó'y ibinalita sa aking carapatdapat na cayó'y pagpitaganan at pangguilalasán ... hinang̃ad co cayóng makita upang cayó'y pasalamatan dahil sa magandang guinawâ pô ninyo ng̃ayong araw na itó. Nalalaman cong "lahát" at hindî co lilimutin ang marang̃al ninyóng inasal pagsúlat co sa Gobierno ng̃ Harî. Samantala'y itulot pô ninyó, guinoong binibini, na pang̃alan ng̃ dakilang Harî na dito'y aking ipinakikiharap, at umiibig ng̃ "capayapaan" at "capanatagan" ng̃ canyáng mg̃a tapat na loob na nasasacop, at sa pang̃alan co naman, na pang̃alan ng̃ isáng amáng may mg̃a anác na babaeng casing gúlang pô ninyó, na cayo'y pasalamatan ng̃ boong ligaya, at ipagtagubiling bigyan ng̃ isáng ganting pála!
—¡Guinoo!...ang tugón ni María Clarang nang̃ang̃atal.
Nahulaan ng̃ Capitan General cung anó ang talagang ibig niyang sabihin at sumagót:
—Totoó pong magaling, guinoong binibini, na cayó'y magcasiya sa galák ng̃ inyóng sarilíng budhî at sa pagmamahal ng̃ inyóng mg̃a cababayan, na ang catunaya'y siyá ng̃ang lalong magaling na ganting pála, at hindi na tayo dapat huming̃i pa ng̃ iba. Datapuwa't huwag pò ninyóng ikait sa akin ang magandang pagcacataong aking maipakilala na, cung marunong magparusa ang Justicia'y marunong di namang gumanting pála, at siya'y hindî parating "bulág."
Sinalità ng̃ Capitan General sa isáng paraang macahulugan at lalong malacás ang lahát ng̃ mg̃a salitang napapaguitanan ng̃ lambál na coma.
—Naghihintay po ng̃ mg̃a utos ng̃ camahalan ninyo si guinoong Juan Crisostomo Ibarra!—ang malacas na sabi ng̃ isang ayudante.
Nang̃atal si Maria Clara.
—¡Ah!—ang biglang sinabi ng̃ Capitan General,—tulot po ninyo, guinoong binibini, na sa layo'y sabihin ang aking nais na cayo'y muli cong makita bago co iwan ang bayang ito: mayroon pa po acong totoong mahahalagang bagay na sa inyo'y aking sasabihin. Guinoong Alcalde, sasamahan po ninyo aco sa boong aking pagpapasial na ibig cong gawing lácad, pagcatapos ng̃ pakikipagsalitaan cay guinoong Ibarra, na cami lamang dalawa ang mag-uusap.
—Itulot pô ng̃ camahalan ninyo,—ani pari Salvi ng̃ boong capacumbabaan, na sa inyo'y ipaalaalang si guinoong Ibarra'y excomulgado....
Sinalabat siya ng̃ Capitan General at ito ang sinabi:
—Lubos cong ikinatutuwang walang iba acong dapat ipamanglaw cung di ang calagayan ni pari Damaso, na aking hinahang̃ad ng̃ "taimtim sa aking loob" na siya'y "ganap na gumaling," sa pagca't hindi marahil lubhang macapagpapasaya ng̃ loob sa canyang gulang ang isang "paglalacbay sa España," dahil sa caramdaman ng̃ canyang catawan. Datapuwa't ito'y maalinsunod sa canyá ... at samantala'y ing̃atan nawâ ng̃ Dios ang inyong mg̃a camahalan!
Nang̃agsialis ang isa't isa.
—At tunay ng̃ang maaalinsunod sa canya!—ang ibinúbulong ni párì Salvi, paglabás.
—¡Tingnan natin cung sino ang mauunang maglalacbay agad!—ang Idinugtóng ng̃ isa pang franciscano.
—¡Yayao aco ng̃ayon din!—ang sabing masama ang loob ni párì Sibyla.
—¡At cami paparoon sa aming lalawigan!—ang sinabi ng̃ mg̃a agustino.
Hindi matiis ng̃ isa't isa, sa dahil na masamang cagagawan ng̃ isang franciscano'y kinausap sila ng̃ Capitán General ng̃ malakíng calamigán.
Nasalabong nila sa antesala si Ibarra, na sa canila'y nagpacaing iilan pa lamang ang oras na nacararaan. Hindî sila nagbatian, ng̃uni't nagcaroon ng̃ mg̃a ting̃inang lubhang marami ang sinasaysay.
Iba naman ang guinawa ng̃ Alcalde; ng̃ walâ na roon ang mg̃a fralle'y binati siyá at maguiliw na iniabot sa canya ang camáy, datapuwa't hindî sila nacapagsalitaan ng̃ ano man, dahil sa pagdating ng̃ ayudante.
Nasalubong niya sa pintuan si Maria Clara: maraming bagay rin ang mg̃a sinabi ng̃ titigang guinawa ng̃ dalawa, ng̃uni't ibang iba sa mg̃a sinalita ng̃ mg̃a mata ng̃ mg̃a fraile.
Humacbang ng̃ ilang patung̃ó sa canya ang Capitan General.
—Lubós na lubós ang aking galac sa aking mahigpit na pakikicamay sa inyó, guinoong Ibarra. Itulot pô ninyó sa aking cayó'y tanggapin co ng̃ boong pagpapalagay ng̃ loob.
Tunay ng̃a namang pinanonood at pinagmamasid ang binata ng̃ Capitán General na napagkikilala ang canyang catuwaan.
—Guinoo ... ang ganyang pagcalakilaking cagandahan ng̃ loob....
—Nacasusugat sa akin ang inyóng pagtataca, inyóng ipinakikilala sa aking hindî ninyó inaasahang cayó'y pagpapakitaan co ng̃ magandang loob sa pagtanggap co sa inyó: itó'y pagcuculang tiwalâ sa aking pagmamahal sa catuwiran.
—Hindî pô pagbibigay ng̃ catuwiran, guinoo, cung di pagpapautang ng̃ loob ang isáng pagtanggap—catoto sa isang gaya cong walang anó man cahulugang sumasailalim ng̃ capangyarihan ng̃ mahal na Harì.
—¡Mabuti, mabuti!—anang Gobernador General na naupo at tulóy itinurò sa canyá ang isáng upuan;—bayaan ninyóng acó'y magtamó ng̃ sandaling pagbubucás ng̃ pusò; totoong malaki ang aking pagcalugód sa inyóng caasalan; caya ng̃a't cayó'y inihing̃i co na sa Gobierno ng̃ Harì ng̃ isáng ganting palang dang̃al (condecoración), dahil sa caisipan ninyóng pagcacaawang gawang pagtatayó ng̃ isáng páaralan ... Cung nagsalitâ lamang cayó sa akin, pinanood co sana ng̃ boong tuwâ ang pagdidiwang na guinawâ at marahil ay nailigtas co cayó sa isáng sama ng̃ loob.
—Sa ganang aki'y ipinalalagay cong napacaliit ang aking adhicâ,—ang isinagót ng̃ binata,—na hindi co inacalang may cauculáng carapatan upang abalahin co ang inyóng caisipan na lubháng maraming pinang̃ang̃asiwaan; bucód sa ang catungculan co'y sa unang punò ng̃ aking lalawigan magsalitâ muna.
—Iguinaláw ng̃ Capitan General ang canyáng úlo, na nagpapakilala ng̃ canyáng ligaya, at nalalao'y lalong gumagamit ng̃ anyóng pagpapalagay ng̃ loob, at nagpatuloy ng̃ pananalità:
—Tungcól sa samaan ng̃ loob na nangyari sa inyó at kay párì Dámaso, huwag pô cayóng matatacot at huwag din namang mag-iing̃at ng̃ pagtatanim hindî sásalang̃in ang isá man lámang buhóc ninyó sa úlo samantalang acó ang namamahalà sa Kapulúan, at tungcól naman sa excomunión, cacausapin co na ang Arzobispo, sa pagca't kinacailang̃ang makibagay tayo sa lacad ng̃ panahón: dito'y hindî tayo macapagtatawa sa mg̃a bagay na itó sa hayagang gaya sa España ó sa paham na Europa. Gayón ma'y dapat cayóng magpacaing̃at sa hinaharap na panahón; nakipagtunggali cayó ng̃ paharapan sa mg̃a capisanang dahil sa caniláng cahulugan at cayamana'y kinacailang̃ang siya'y igalang. Ng̃uni't cayó'y aking tatangkilikin, sa pagca't kinalulugdan co ang mg̃a mababait na anác, kinalulugdan co ang magbigay unlác sa capurihán ng̃ mg̃a namatay ng̃ magulang; acó man nama'y umibig din sa aking mg̃a magúgulang, at ¡tulung̃an acó ng̃ Dios! hindî co maalaman ang aking gagawin sa calagayan pô ninyô!....
At bigláng bigláng binago ang salitaan, at tumanóng:
—Ibinalitâ sa aking galing daw pô cayó sa Europa, ¿nátira ba cayó sa Madrid?
—Opô, natira acóng iláng buwán doon.
—Hindî ba ninyó naririnig sa mg̃a salitaan doon ang aking familia?
—Bagong caaalis pa pó ninyo ng̃ acó'y magtamó ng̃ capurihang ipakilala sa inyong familia.
—At cung gayó'y bakit naparito cayó ng̃ waláng dalá na anó mang súlat na pangtagubilin sa akin at ng̃ cayó'y aking tangkilikin?
—Guinoo,—ang sagót ni Ibarrang casabay ang pagyucod,—sa pagca't hindî tulóy tulóy na galing aco sa España, at sa pagca't palibhasa'y sinabi sa akin cung anó po ang caugalian ninyó, inaaala cong hindî lamang walang cabuluhan ang isáng sulat na pangtagubilin sa inyóng acó'y inyóng tangkilikin, cung dî naman isáng capaslang̃an pô sa inyó: talagáng natatagubilin sa inyò caming mg̃a filipinong lahát.
Nasnaw ang isáng ng̃iti sa mg̃a labi ng̃ matandang militar, na madalang na muling sumagót, na anaki'y sinusucat at tinitimbang ang canyang mg̃a salita.
—¡Ikinaliligaya cong umisip cayo ng̃ papaganyan, at ... ganyan ng̃a sana! Gayón man, binata, dapat pô ninyóng maalaman cung anó ang mg̃a mabibigat na bagay na pinapas-an namin sa Fiilpinas, Dito'y caming mg̃a matatandang mg̃a militar, kinacaliang̃ang gawin namin at lumagay cami sa lahat; Hari, Ministro ng̃ Estado, ng̃ Guerra, ng̃ Gobernación, ng̃ Fomento, ng̃ Gracia at Justicia at iba pa, at ang lalo pang masama'y kinacailang̃an naming ipagtanóng ang bawa't bagay sa malayong Inang Bayan, na sinasang-ayunan ó minamasama, ng̃ papikit cung minsan, ayon sa casalucuyang panahón, ang aming mg̃a panucalang cahing̃ian. At ¡bago sasabihin namin mg̃a castilang; Ang yumayacap ng̃ malaki'y hindî nacapipisil na mabuti! Bucód sa rito'y ang caraniwan, napaparito caming bahagya na napagkikilala ang lupaing itó, at iniiwan namin pagpapasimula naming makilala.—Sa inyo'y macapagsasalitá acó ng̃ walang ligoyligoy, sa pagca't walang cabuluhang magpacunuwari acó ng̃ ibáng bagay. Caya ng̃a cung sa España, na bawa't bagay may ucol na canyáng ministro, na ipinang̃anác at lumaki rin sa lupaíng iyón; na may mg̃a pámahayagan at napagkikilala ang munacala ng̃ mg̃a mamamayan, na iminumulat at ipinauunawa sa Gobierno ang canyáng mg̃a camalian ng̃ canyá ring mg̃a camáy, gayón ma'y hindî wastô at maraming totoo ang mg̃a caculang̃an, isáng himala na dito'y hindî magcaguló-gulong lahát, sa caculang̃an ng̃ mg̃a cagaling̃ang sinabi co na, bucód sa rito'y may isáng macapangyarihang caaway na humahadlang sa lihim sa icagagaling nitong Kapuluan at lumulubid sa cadiliman ng̃ icahihintó nitó sa pagsúlong sa guinhawa at dang̃al. Hindî nagcuculang ng̃ magagandang panucalà ang mg̃a namamamahala, ng̃uni't napipilitan camíng gumamit ng̃ mg̃a matá at mg̃a bisig ng̃ ibá na ang caraniwa'y hindî namin kilala, na marahil hindî ang paglilingcód sa canyang sariling Bayan ang guinagawâ, cung dî ang paglilingcód lamang sa sariling iguiguinhawa. Ito'y hindî casalanan namin, cung dî sa calacaran ng̃ panahón; hindî cacaunti ang naitutulong sa amin ng̃ mg̃a fraile, datapuwa't hindî na macasasapát silá ... Ibig cong ipagmalasakit cayó, at ibig co sanang huwag macapagpahamac sa inyó ng̃ anó man ang mg̃a caculang̃an ng̃ casalucuyang sinusunod naming pamamahalà ... hindî co mangyaring maampon ang lahat, at hindi namán macapagsacdal na lahát sa akin. ¿May magagawâ pô ba acó sa inyóng mapakikinabang̃an ninyó cahi't cacaunti? ¿mayroon pô ba cayóng anó mang ibig hing̃i sa akin?
Nagnilay-nilay si Ibarra.
—Guinoo,—ang isinagót,—ang lalong malaking nais co'y ang ililigaya nitóng aking bayan, ligayang ibig co sanang maguing cautang̃an niya sa Inang Bayan, at sa pagpupumilit ng̃ aking mg̃a cababayan, at mabigkisán ang Inang Bayan at ang aking mg̃a cababayan ng̃ waláng hanggang tali ng̃ nagcacaisang mg̃a adhicá at ng̃ nagcacaisang mg̃a pag-aari. Ang Gobierno lámang ang macapagbibigay ng̃ aking cahing̃ian, pagcatapos ng̃ mahabang panahóng laguing pagsusumakit at ng̃ tapat na mg̃a pagbabago ng̃ mg̃a cautusán.
Tinitigang sandalî ng̃ Capitán General, titig na tinumbasán ni Ibarra ng̃ gayón din catagal na titig.
—¡Cayó pô ang unang lalaking nacausap co sa lupaing itó!—ang bigláng sinabi at iniabot sa canyá ang camáy.
—Walâ pô cayóng nakikita cung dî ang mg̃a táong dito sa ciudad ay humihilahod, hindî pô ninyó nadadalaw ang pinararatang̃ang mg̃a dampá sa aming mg̃a bayan; cung mamasid pô sana ninyó sila'y macacakita cayó ng̃ tunay na may magandang púsò at mg̃a dalisay na caasalan.
Nagtindig ang Capitán Ganeral at nagpasyál ng̃ pacabícabila sa sálas.
—Guinóong Ibarra,—ang pagdaca'y sinábi, na bigláng tumíguil,—ang bináta'y tumindig;—maráhil yayáo acó sa lóob ng̃ isáng buwán; hindî nauucol sa inyóng báyan ang patacbó ng̃ inyóng isip at ang inyóng pinag-arálan. Ipagbili pô ninyó ang lahát ninyóng mg̃a ariarian, paghusáyin ninyó ang inyóng cabán ng̃ damit at sumáma cayó sa akin sa Europa; ang sing̃áw ng̃ lúpà roo'y macagágaling sa inyó.
—¡Hindî co calilimutan hanggang nabubuhay ang magandang loob na pakita sa akin ng̃ inyó pong camahalan! ang isinagot ni Ibarrang nababagbag ng̃ caunti ang calooban;—datapuwa't dapat acóng tumirá sa lupaing kinabuhayan ng̃ aking mg̃a magugulang.....
—¡Kinamatayán nilá, ang lalong carapatdapat ninyóng sabíhin! Maniwalà pó cayó sa akin, marahil higuít ang aking pagcakilala sa inyóng lupaín cay sa inyó ... ¡Ah! maalaala co palá,—ang canyang bigláng sinábi na nagbago ng̃ anyô ng̃ pananalitâ,—¡cayó'y mag-aasawa sa isáng dalagang carapatdapat sambahín, ay biníbinbín sa cayó dito! ¡Humayó cayó! ¡humayó cayó sa canyang tabí at ng̃ lalo cayóng magcaroon ng̃ calayaan ay paparituhin ninyó sa akin ang canyáng amá,—ang idinagdág na nacang̃itî.—Gayón ma'y huwág ninyóng lilimuting ibig cong samáhan ninyó acó sa pagpapasyál.
Yumucód si Ibarra at yumáo.
Tináwag ng̃ Capitán General ang canyáng ayudante.
—¡Nagágalac acó—anyá, na tinatapictapíc ang balicat ng̃ ayudante;—ng̃ayón co lamang nakita cung paano ang paráan upang maguíng isáng magaling na castilà, na hindî kinacailang̃ang talicdán ang pagca magalíng na filipino, at sintahín ang canyáng sariling báyan; sa cawacasa'y naipakilala co ng̃ayón sa mg̃a fraile na hindî larûan nilá ang lahát sa atin; ¡binigyáng bútas acó ng̃ binátang itó sa paggawa ng̃ gayón, at hindî malalao't mabibigyan co ng̃ tapat na tumbás ang fraile! ¡Sáyang at ang binatang iya'y balang araw ay ... datapuwa't paparituhin mo ang Alcalde sa akin!
Humaráp caracaraca sa canyá ang Alcalde.
—Guinoong Alcalde,—ang sinábi sa canya pagpasoc niya,—ng̃ mailagang mangyari uli ang "napanood" ng̃ camahalan pô ninyóng mg̃a "cagagawan", mg̃a cagagawang dinaramdam co, palibhasa'y "nacasisirang púrì" sa Gobierno at sa lahat ng̃ mg̃a castilà, nang̃ang̃ahas acóng ipagbílin sa inyó ng̃ "totoong mahigpit" si guinoong Ibarra, upang hindî lamang ipagcaloob ninyó sa canya ang mg̃a kinacailang̃an at ng̃ maganap niyá ang canyang mg̃a panucalang nauucol sa icapagcacapúrì ng̃ Inang-Bayan, cung dî naman ìpang̃ilag ninyó sa hinaharap na panahóng siya'y bagabaguin ng̃ taong sino man at sa dahilang paano mang paraan.
Napag unawà ng̃ Alcalde ang sa canya'y pagsisi, caya ng̃a't siya'y yumucód upang mailihim ang cagulumihanan ng̃ canyang lóob.
Ipasabi pô ninyó ang gayôn dín sa alférez na siyang nag-uutos dito sa "sección", at inyó pong siyasatin cung túnay ng̃ang may mg̃a tang̃ing cagagawang sarilí ang guinóong iyan, na hindî sinasabi ng̃ mg̃a "reglamento": hindî lamang íisang caraing̃an ang aking naring̃ig tungcól sa ganitóng bagay.
Humarap si capitang Tiagong matigas ang damít na magaling ang pagcacaprinsa.
—Don Santiago,—ang sa canyá'y sinabi ng̃ capitan General sa salitang mairog,—hindî pa nalalaong aking sinaysay ang aking pakikianib sa inyó ng̃ galac, dahil sa pagcacapalad ninyóng magcaroon ng̃ isang anac na babaeng gaya na ng̃â baga ng̃ binibining de los Santos, ng̃ayo'y nakikisama naman acó sa galac ninyó, dahil sa ínyong mamanugang̃in: ang catotohanan ng̃a'y ang lalong mabait sa mg̃a anac na babae ay carapatdapat sa lalong magaling na mamamayang lalaki sa Filipinas. ¿Hindî pô ba mangyaring aking maalaman sa inyó cung cailang cayà ipagsasaya ang canilang pagcacasal?
—!Guinóo!...—ang pautal na sabi ni Capitang Tiago, at pinahid ang pawis na umaagos sa canyang nóo.
—¡Aba! ¡ayon sa masíd co'y walà pang matibayang taning! Sacali't cúlang ng̃ mg̃a padrino'y aking icagagalac ng̃ malaki na acó ay maguíng isa sa canila. Itó'y ng̃ mapawì ang aking masamang pakilasa sa maramíng casalang linabasan co ríto ng̃ padrino hangga ng̃ayon!—ang idinugtóng, na ang Alcalde ang pinagsasabihan.
—¡Siya ng̃â pô!—ang isinagót ni Capitang Tiago, casabay ang isang ng̃iting nacaaakit sa pagcahabag sa canya.
Pinaroonan si María Clara ni Ibarrang halos tumatacbo sa paglacad: maraming lubhang sasabihin at isasaysay niya sa caníyang casintahan. Nacaring̃ig siyà ng̃ masasayàng voces sa isâ sa mg̃a tahanan ng̃ báhay, cayá't siyá'y maráhang tumáwag sa pintúan.
—¿Sinong tumatáwag?—ani María Clara.
—¡Aco!
Tumahímic ang mg̃a voces at ang pintúa'y....hindî nabucsán.
—¿Acó ang tumatawag, ¿macapapasoc ba acó?—ang tanóng ng̃ binátá, na ang púso'y tumítiboc ng̃ lubháng malacás.
Nanatili ang catahimican. Ng̃ macaraan ang sandali'y mararahang mg̃a hacbang ang nang̃agsilápit sa pintò, at ibinulóng sa bútas ng̃ susian ng̃ masayáng voces ni Sínang.
—Crisóstomo, pasasa teatro camí ng̃ayóng gabí; isúlat mo ang ibig mong sabihin cay Maria Clara.
At nang̃agsilayo ang mg̃a hacbang na matúlin ding gáya ng̃ pagcalapit.
—¿Anô ang cahulugan cayâ nito?—ang ibinulong ni Ibarrang naglilining-lining at untiunting lumálayò sa pintúan.